Parabula ng Pagsagip, ni Roberto T. Añonuevo

Parábula ng Pagsagíp

Roberto T. Añonuevo

Maniníwalà ka, gáya ng ibá pang binatà, na may sinaúnang kástilyo sa gitnâ ng masúkal, matarík na gúbat, at doón naníniráhan ang isáng huklúbang áda na alangáning diwatà ngúnit malayàng isíping may katangìan ng asuwáng o mangkukúlam, na káyang maghúnos na kuwágo, o lumákad nang tahímik gáya ng músang hábang may liwánag, subálit magbábalík na huklúbang babáe pagsápit ng gabí. Íbon o háyop sa umága, datapuwâ matandâng dalága sa gabí! Mapápatawá ka, sapagkát maráhil ay inaántok kung hindî man natutúlog ang kuwágo o músang sa buông maghápon, sámantálang magpapátotoó sa kataúhan ng babáeng posíbleng masúngit at nakáiwánan ng panahón—na balisâ at mapág-alalá sa gabí—at magbábantáy nang buông sigásig úpang pigílin ang sinúmang binatàng makalápit sa mga padér ng kástilyo. Ang sinaúnang kástilyo, kapág tinangkâng pasúkin ng kung sínong dalága’y may sumpâ dîumanó, at magíging tagbáya ang dalága, na sásaklutín ng kuwágo o sásakmalín ng músang úpang íbilanggô sa mahíwagàng háwlang mabúbuksán lámang ng pag-íbig ng binátang makapágpapálayà sa bíhag na dilág. Maniníwalà ka rin sa pitúndaáng háwlang may pitúndaáng íbon, na ang húni ay warìng tagúlayláy sa mga naúnsiyamîng tadhanà. Maniníwalà ka pa sa binibíning kasíngrikít ni Jorinda, na mailíligtás sa pamámagítan ng bulaklák na lílang may mutyâng hamóg, at sa pagsagíp ni Jorindel, na háhamákin ang lahát ng ímpakto’t hadláng sa loób ng walóng gabí’t siyám na áraw, makíta lámang ang babáeng minámahál. Sapagkát umiíbig ka nang higít sa paníningalâng-púgad, maglálahò ang iyóng saríli, itúring man itóng panagínip o kathâng-ísip. Ang háwla ng áda, kapág nádampîán ng bulaklák na líla ay úulít-ulítin ng mga dilà hanggáng makáratíng sa pandiníg ng mágkapatíd, gáya niná Jacob at Wilhelm, na maráhil ay sinúlat ang kúwento pára sa mga paslít at nang maílathalà sa elektrónikong mágasin makalípas ang kung iláng síglo, bágo mulîng hulíhin ng tukayò ni Vladimir Propp sakâ magíng alíwan sa métabérso ang padrón at balangkás nitó, isasádulâ sa esotérikong wikà ng Momòland, hábang nag-íimpók ka ng mga kríptopíso at nagkúkublí sa mga huwád na pangálan o hirám na hulagwáy. Magtátaksíl ang iyong gunitâ, túlad ng ártipisyál na karunúngan, subálit panínindigán mo ang lahát, magbáwa man ang iyóng tiwalà sa mga salitâ.

Alimbúkad: Epic poetry metamorphosis challenging the status quo. Photo by Alesia Kozik on Pexels.com

Tumatanda ang Pag-ibig, ni Roberto T. Añonuevo

Tumatanda ang Pag-ibig
                                            (Para kay Maribeth)  

Roberto T. Añonuevo

Ibig kong maniwalang tumatanda ang pag-ibig. 
Bumabangon upang bumili ng keso at pandesal,
magtitimpla ng umaasóng kape, at tatawagin ka 
para pagsaluhan ang payak na agahan at pag-asa.
Nakalilimot ito ng pinamili o sukli pagkagaling
sa talipapa matapos tumawad sa supladang
tindera, at sumasalo sa nakatutulig na kantiyaw.
Maghahanap ito ng mga gawain at katwiran,
halimbawa, para lumuwag ang hardin at luminis
ang banyo, kahit sumisingit ang mga alagang aso.
Tumatanda ang pag-ibig gaya natin, naiinip
kapag maagang nagretiro, at dinadaan sa pintas
at puna ang nakababatong siklo ng mga trabaho
subalit inuulit-ulit ang artistikong hilig at gusto.
Nagsasawa rin ito sa pagbibilang ng tabletas,
at higit na pipiliing kumain ng gulay at prutas.
Kumikirot ang singit at pumuputi ang buhok,
ang pag-ibig ay pinagtatawanan ang pagsubok
at magpapanukala pa ng mga sariwang palusot
lalo't kaharap ang mga anak na matigas ang tuktok.
Ngunit ang totoo’y kay bilis ng inog ng panahon,
parang mga sugat na ano't kisapmatang maghilom.
At may mga mithi’t tungkuling dapat tuparin—
sa pamilya, sa lipunan, sa kani-kaniyang sarili—
para masabing ikaw at ako ay gumagalaw
at espasyong oras na binabagtas araw-araw.
Naghahanap ito ng mga pook na lalakbayin,
at pinaninindigan ang anumang kulay na ibigin.
Tumatanda ang pag-ibig dahil may salamin
o kalendaryo, ngunit sa kabila ng mga kulubot
sa noo, walang edad ang ligaya sa piling mo.
Alimbúkad: Love poetry beyond words. Photo courtesy of JM Villanueva.

Mga Lahok sa Kuwaderno ng Manlalakbay, ni Roberto T. Añonuevo

Mga Lahók sa Kuwáderno ng Manlálakbáy

Roberto T. Añonuevo

Búbuklatín mo isáng áraw ang inaágiw na kuwáderno, kung sakalî’t nása iyó pa, at pápaloób sa iyóng noó ang alaála ng iyóng músa. Hindî mo na siyá matátagpûán kailánman; at maráhil, ibá na ang kaniyáng anyô, mithî, ngálan. Ngúnit babángon siyá sa pamámagítan ng iyóng mga salitâ, gáya ng mga muntîng lahók sa talâarawán.

1
Magsisítiklóp káhit ang párola at mólino
bágo sumápit ang súperbagyó,
sakâ ihíhiyáw ng mga pipít
ang daán túngo sa yungíb ng mga patáy.

2
Napakátiwasáy ng hímpapawíd.
Walâng kislót ang mga dáhon at lamók.

3
Tinukláp
ng hángin ang ánit ng munísipyo,
binurá ang mga báhay,
niloóban ang mga tindáhan,
iwínasíwas bágo ibinuwál ang niyúgan.

At isáng áso 
ang umáhon sa gumuhông padér
ng bányong humíhikbî, ginígináw.

4
Ulán! Ulán! Lampás kawáyan!
Bagyó! Bagyó! Lampás kabáyo!

Nagtakíp akó ng mga taínga
at napáhagulgól,
hábang tíla binúbuská ng mga anghél.

5
Tumátakbٖó ang mga bangkáy
sa gitnâ ng bagyó,
tulalá’t tuliró:
Walâng silbí ang pagbíbiláng.

Tináwag kitá, ngúnit 
kinárit ang klínika.

6
Kung kasínglakás ng sígnal ng sélfon 
ang sígnal ng bagyó,
magsásará ang rádyo o peryódiko
sa búhos ng réklamo.

“Huwág matákot!” at párang sumagì 
sa pusò
ang isáng kúbong pasán ng mga hantík.

7
Sumaklólo sa mga bakwét
ang Mababâng Páaralán
úpang págdaka’y itabóy mulî ng dalúyong.

At naísip ko:
Lahát kamí ay basúra, at kasíngrupók
ng mga sílya at písara
ng mundó.

8
Lumubóg ang mga palayán.
Ngunit pumuság sa pápag
ang mga hitò at plápla,
párang áyuda
sa áming dî-maabót ng Máykapál.

Húlog ng lángit,
isáng bangkâ at tatlóng kótse 
ang naligáw sa mga pítak ng gulayán.

Ngunit tumírik, kahápon pa, 
ang makína 
ng áking ísip 
sa makapál na banlík.

9
Bumabángon sa bayánihán,
bumabángon pára sa báyan.

Pinápanoód kamí ng daigdíg
kung paáno manaíg sa bisà ng pag-íbig.

10
Umambón mulî.
Párang winísikán ang mukhâ kong putikán.

At inusál ang sumpâ na mámahalin ka—
bumábagyó ma't kay dilím.
Alimbúkad: Epic poetry storm beyond Filipinas. Photo by Emma Li on Pexels.com