Ikalabimpitong Aralin, ni Roberto T. Añonuevo

Ikálabímpitóng Aralín

Roberto T. Añonuevo

Kapág sumápit ka sa pantalán ng mga pantalán, ang únang hakbáng—kung sakalì’t máyroón ka pang lakás—ay hakbáng sa kawalán. Ang ikálawáng hakbáng namán ay kahungkagán. Ang úna ang makikíta sa iyó ng mga tumátanáw mulâ sa malayò; at ang ikálawá’y madáramá sa kaloób-loóban, nang mápagniláyan mo kung itó ang kataúhan. Iíwan mo ang sasakyán mo, iíwan ang nagtátabóy na mga álon. Pagdáka’y susúngaw ang mga paá mong warìng hinirám sa zébra o kambíng, ngúnit walâng saysáy itó kung ang paglálandás ay pagtawíd sa bítag at kumunóy. Mahuhúlog ka sa pítak ng mga sibát, lálagós at lálagós sa katawán ang maháhabà’t matutúlis na kawáyan. Pilítin mong tumayô’y isáng pagbíbirô, sapagkát bíbigûín ka ng tadhanà na pumalág o kumislót ngúnit pahíhintulútang humiyáw o humikbî sa káma ng pútik. Karaníwan ang pagkábigô sa patútungúhan, kung ang patútungúhang ito ay pagháhanáp ng kahulugán. Ay, wakás na paláisipán! Itúturò sa iyó ng pantalán ang paghintô, káhit pánsamantalá, subálit itó rin ang simulâ ng pág-andár ng baít at kamalayán sa rítmikóng paghingá. Síno ang nág-isíp na ang pag-íral mo ay tránspormasyón mulâng kuból hanggáng gusalì, o pabalík? Umiíral ka dáhil sa taták, halimbawà, gáya ng lajî o ambáhan, ngúnit ang taták na itó ay pagpápakilála lámang sa ináasáhang anyô mo págharáp sa mámbabása, at ang kasunód ay isáng suntók sa buwán. Sa gabíng pumipíla warì ang mga planéta at máaliwálas ang hímpapawíd, may isáng kabatàang makákikíta sa iyó sa húkay. Mapápailíng siyá, púpukulín ka ng “Anák ka ng lintík!”at tútulúngan ka niyáng makaáhon. Mapápahagulgol ka, na tútumbasán ng halakhák ng sumaklólo sa iyó. Pápasanín ka niyá, dádalhín sa kung saáng ilihán úpang gamutín ng mga babaylán, at mulâ roón ay malilímot mo ang mga bagáhe na katumbás ng mga bulúngan at laksâng pakakák, hábang higít na masásabík sa hináharáp. Isúsumpâ mo ang karagatán sa iyóng pangárap—na naíwang  pílat sa balíkat. Hanggáng máriníg mo kung saán ang mga babáe’t batàng nalíligò sa ílog. Máaákit ka, na tíla ngayón lámang maglálakád nang nakáyapák sa hubád na bambáng.

Alimbúkad: Epic blinding poetry revolution. Photo by Cristian Benavides on Pexels.com

Ikalabing-anim na Aralin, ni Roberto T. Aňonuevo

Ikálabíng-ánim na Aralín

Roberto T. Aňonuevo

Paglabás ng pintûan, tátanungín ka ng sínumáng masalúbong mo kung ikáw nga ba ang tulâ, gáya ng paglapastángan kay Draupadi. Ikáw, sa píling ng ibá pang tulâ at akdâng síning, ay walâng pasubalìng nagmulâ sa isáng kabihasnán; ngúnit ang kabihasnáng itó, sa paglípas ng panahón, ay nahuhúbog mo rin sa áyaw nitó at sa gustó, sa pamámagítan ng mga hulagwáy at salitâ. Maglálakád kang hubád sa pagnánasàng máunawàan. Magháhanáp ka ng makákatalamítam sa bodéga o aklátan o Ínternet. Makikíta mo, kapág pinálad ka, ang ibá pang hubád at malálaswâng tulâ—warìng hinúgot sa mga erótikóng magásin o wébsayt—at kung itó ang magbúbukás túngo sa pámbihiràng rubdób at líbog, doón sa pinakámatálik at pinakáilahás na kaloóban, ay sapagkát may kasarìán, at ang pakikípagtálik ay hindî lámang pára sa kalugúrang sensuwál bagkús sa layúning mágparámi at manaíg ang lahì. Lastág kang matigás ang úten at matigás ang mukhâ, o matambók ang púke at ang mga súso ay milón, at anumán ang edád o lahì o timbáng o taás ay magíging rékord ng baít, dilà at láyaw. Lastág ka at ang gayóng pagkámatapát ay isá nang páhiwátig o kahulugán, at hindî kataká-taká kung ikáw ay makaákit. Itutúring kang isáng anyô ng komunikasyón, bagamán may iláng tutútol, at kung gayón, ang sex ay pahíhintulútan o ipágbabáwal, isásailálim sa maáapóy na dískurso, alinsúnod sa panúto at kaluwágan ng lipúnan. Hindî ka nakátirá sa panahóng ang mga katawán ay iniúkit sa mga bató at itínampók na épikó sa mga padér ng palásyo. Náritó ka sa panahóng inilúluwâ ng pábrikáng umáangkín sa tagurîng síning at ibínibílang sa multí-bilyóng industríya ng alíwan. Kailán pa nagíng pribílehiyó ang pagtanghód sa iyó? Noóng palayásin ka sa repúbliká at paraíso? Kung ikáw ay isáng pángkultúrang fenómenó, hindî ba kalabisán kung mapabílang sa pornógrapíya? Ang pornógrapíya ay nag-úugát sa sex, wikâ ngâ, at ang sex ay tumátatág ang pundasyón sa ugnáyan ng mga kasarìán. Ngunit matútuklasán mo na ang sex ay hindî bastá sex bagkús “produksiyón ng mga répresentasyón ng sex at sexualidád.” Ang pornógrapíya, kapág itinúring na bágay ang babáe, áni Jacob M. Held, ang babáeng ito ay nawáwalán ng kákayaháng makapágsalitâ, bukód sa máipagkakámalî at náhuhúlog pa sa taíngang-kawali.   Pagtátalúhan ka, sa loób man ng barberyá o akademyá; at kung paáno nábibílog ng mídya ang milyón-milyóng úlo ay usapíng búbulábog sa búhay ng mga kumókonsúmo sa iyó. Ang tulâ, kapág minálas tátakáng pornógrapíya, ay mahúhubdán ng máskará at magíging kasíngdahás ng látigóng lumalátay hábang kinákabáyo sa mápanghámak, misóhinong panánalitâ ang kaúsap. Úpang makaíral at kumíta, kailángan mo ang ayúda ng líberalisasyón at pagpápaúso ng désregulasyón, bukód sa tangkílik ng máy-arì ng produksiyón at madlâng sumásang-áyon. Kung ang sex ay pággalúgad sa mga katawán, ang pornógrapíya ay pagsákop sa mga katawán, sa púntong nabúbusalán ang pag-íbig sa pagsupsóp ng burát, at nawáwalán ng kapangyaríhan ang sumúsupsóp dáhil hindî makapágsalitâ. Pinagsásalúhan ang sex at naglálahò ang kataúhan ng báwat kalahók sa lábis na lugód. Kung ang sex ay magíging pánsaríli lámang, at gágawín nang mag-isá, ang sex bílang tulâ ay walâng silbí sápagkát ang paglúlustáy ng tamód o itlóg ay tíla pagkaúsap sa saríli, at pagkaúsap sa rúrok ng kabaliwán, tawágin man itóng isáng katotohánan.

Alimbúkad: Epic silent poetry revolution. Photo by luizclas on Pexels.com

Rekwerdo sa Pintuan, ni Roberto T. Aňonuevo

Rekwerdo sa Pintuan
Roberto T. Aňonuevo

1
Isang gintong hiblang buhok ang napigtal
sa anit, at tumilî ang mga dalágang alálay.

Ngunit himbíng na himbíng ka.

2
Kung ikaw si Draupadi, ang panaginip
ay parang sawáng lumilipád, bumubugá
ng apoy— tinutupok 
ang sinumang minalas masalubong.

Tatangayin ng hangin ang iyong hibla
na aakit sa kadena ng mga bagyo
at ibabalibag ang hiwaga ng bigat

hanggang mabiyak ang kagubatan.

3
Dadausdos sa dalóm ang hibla mo.
Dadapò sa dibdib ng kasingtikas
ni Vasuki Naga.

Malalanghap niya ang ibang halimuyak.

Mapupukaw ang hari ng mga ulupong,
babangon mula sa labindalawang taong
pananahimik. At didilaan niya
ang simoy

na katumbas ng pitong kaharian.

4
Sinong reyna ang hindi manínibughô?
Hindi sapat ang pitong silid
at pitong binibini sa labis kung umibig.

5
Isang gintong hiblang buhok sa dibdib
ang nagpabangon sa walang latoy
na pag-ibig. Isang gintong hiblang buhok

ang humamon sa hari upang sumakay
sa pinakamabilis na kabayo
upang hanapin ang may-ari ng buhok.

At tatangis ang mga babae ng laksang 
Patala, 
kung bakit hindi sapat ang kanilang ganda.

6
Ituturo ng lawa ang malinaw na agos tungo 
sa Hastimapura.

7
Matatagpuan ka ng hari ng mga ahas
at masisilaw sa kislap ng iyong buhok.

Muli siyang didila sa simoy
upang hanapin ka.

Bakit hindi siya natatakot sa mga Pandava?

8
Sumasalubong ang matinis na huni
ng tigmamanukin.
Ang kabayong namamahinga
sa lilim ng huklubang punongkahoy

ay umiiwas ng tingin.

9
Mapapatag ang mga damo’t palumpong
sa bangis ng paninging humahabol sa iyo
sapagkat kahawig mo si Draupadi.

Mahuhubdan ng kahuyan ang bundok
sapagkat ikaw ang isang milyong Draupadi.

10
Sasagi sa guniguni ng kabiyak mo
ang paglapastangan sa iyo,

At kung siya’y si Arjuna, lalaban siya—
isusugal ang hininga’t dangal.
At hahagulgol nang ubos-lakas 
kapag nabigkis  ang mga kamay at paa 

ng sariling buhok.

11
Magbabalik sa tahanan si Vasuki Naga,
at isusumpa niya kahit ang lahat ng asawa.

Hindi sila makakatumbas 
sa isang hiblang gintong buhok 
mula sa kamalayan mo.

O iyon ay guniguni lamang.

12
Ang bangungot ng kabiyak mo
ay sasahimpapawid,

na wari bang wawasak sa pinto ng langit.

13
Pagdilat mo’y hindi ka si Drapaudi.
Ngunit punit ang iyong mga damit,

at gusot na gusot ang kobrekama’t kumot.

14
“Isang gintong hiblang buhok sa dibdib,”
wika mo, “ang aking panaginip.”

At tumingin ako sa pintong nakaawang
sakâ tumitig sa duguang sundang.
Alimbúkad: Epic silent poetry in search of humanity. Photo by Mathew Thomas on Pexels.com