Rekwerdo sa PintuanRoberto T. Aňonuevo
1
Isang gintong hiblang buhok ang napigtal
sa anit, at tumilî ang mga dalágang alálay.
Ngunit himbíng na himbíng ka.
2
Kung ikaw si Draupadi, ang panaginip
ay parang sawáng lumilipád, bumubugá
ng apoy— tinutupok
ang sinumang minalas masalubong.
Tatangayin ng hangin ang iyong hibla
na aakit sa kadena ng mga bagyo
at ibabalibag ang hiwaga ng bigat
hanggang mabiyak ang kagubatan.
3
Dadausdos sa dalóm ang hibla mo.
Dadapò sa dibdib ng kasingtikas
ni Vasuki Naga.
Malalanghap niya ang ibang halimuyak.
Mapupukaw ang hari ng mga ulupong,
babangon mula sa labindalawang taong
pananahimik. At didilaan niya
ang simoy
na katumbas ng pitong kaharian.
4
Sinong reyna ang hindi manínibughô?
Hindi sapat ang pitong silid
at pitong binibini sa labis kung umibig.
5
Isang gintong hiblang buhok sa dibdib
ang nagpabangon sa walang latoy
na pag-ibig. Isang gintong hiblang buhok
ang humamon sa hari upang sumakay
sa pinakamabilis na kabayo
upang hanapin ang may-ari ng buhok.
At tatangis ang mga babae ng laksang
Patala,
kung bakit hindi sapat ang kanilang ganda.
6
Ituturo ng lawa ang malinaw na agos tungo
sa Hastimapura.
7
Matatagpuan ka ng hari ng mga ahas
at masisilaw sa kislap ng iyong buhok.
Muli siyang didila sa simoy
upang hanapin ka.
Bakit hindi siya natatakot sa mga Pandava?
8
Sumasalubong ang matinis na huni
ng tigmamanukin.
Ang kabayong namamahinga
sa lilim ng huklubang punongkahoy
ay umiiwas ng tingin.
9
Mapapatag ang mga damo’t palumpong
sa bangis ng paninging humahabol sa iyo
sapagkat kahawig mo si Draupadi.
Mahuhubdan ng kahuyan ang bundok
sapagkat ikaw ang isang milyong Draupadi.
10
Sasagi sa guniguni ng kabiyak mo
ang paglapastangan sa iyo,
At kung siya’y si Arjuna, lalaban siya—
isusugal ang hininga’t dangal.
At hahagulgol nang ubos-lakas
kapag nabigkis ang mga kamay at paa
ng sariling buhok.
11
Magbabalik sa tahanan si Vasuki Naga,
at isusumpa niya kahit ang lahat ng asawa.
Hindi sila makakatumbas
sa isang hiblang gintong buhok
mula sa kamalayan mo.
O iyon ay guniguni lamang.
12
Ang bangungot ng kabiyak mo
ay sasahimpapawid,
na wari bang wawasak sa pinto ng langit.
13
Pagdilat mo’y hindi ka si Drapaudi.
Ngunit punit ang iyong mga damit,
at gusot na gusot ang kobrekama’t kumot.
14
“Isang gintong hiblang buhok sa dibdib,”
wika mo, “ang aking panaginip.”
At tumingin ako sa pintong nakaawang
sakâ tumitig sa duguang sundang.
Alimbúkad: Epic silent poetry in search of humanity. Photo by Mathew Thomas on Pexels.com