Isáng ehersísyo ang paglímot, at kung náriníg mo si Astor Piazzolla sa mga bagtíng ng Nadja Kossinskaja, ang paglálahò ay hindî ang nakátadhanàng resúlta—na ang paglísan sa Pásig ay paglapág sa palipáran ng Paris na katumbás ng wakás—bagkús ang másalimuót na paraán ng pagburá sa saríli, batíd man ng públikó o língid sa kaaláman nitó: Itó ang kamalayán ng buông paglálakbáy na ang saríli ay maláy na maláy hindî lámang sa palígid bagkús sa kaloob-looban. Ang katotohánan ng Paris at ang katotohánan ng Pásig ang maráhil magbábanggâan sa iyóng ísip; ngúnit hindî dápat ikábahalà ang manipís na hanggáhan ng mga teritóryo, sápagkát ang lumílitáw sa dakòng hulí ay hindî lámang ang isáng bágay o piráso ng karanasán. Lumílitáw din kasabáy niyón ang kabuôang pagdanás túngo sa ináasáhan o kayâ’y dî-ináasáhang pangyayári, at ang mga sálik na umáapékto sa pag-íral, halimbawà, ang pagkabálam ng biyáhe dúlot ng bagyó o perwísyong sanhî ng pagsábog ng eropláno. Sa ganitóng pangyayári, ang magíging búnga ng paglímot ay hindí dápat itúring na matimbáng; higít na matimbáng ang katotohánan habàng lumilímot sa ngayón o nakaraán—na sagád-sa-butó, makásarilí, mapanlinláng—úpang ang búkas ay makapágtanghál ng monopolyádong katotohánang mulâ sa tumátanáw. Hindî mo ipápanukalàng itó ang “aghám ng karanasán ng kamalayán [geist],” ni Hegel, sabíhin mang may pagkakáhawíg; ngúnit hindî ba ang ehersísyo ng paglímot ang magtutúlak sa kamalayán úpang matúto sa saríli (ikáw man ay itúring na ínmigránte o refuhiyádo), ang unawàin sa kaloóban nitó ang buông sistéma ng kamalayán, ang buông sakláw ng katotohánan, at máitutúring na hugis ng kamalayán? Ang kamalayáng nagháhatíd sa Paris, kung itó man ang pinakáúbod ng pag-íral, ang pápawì sa anumáng pagkátiwalág sa banyagàng poók sa maláo’t madalî; at ang pagíging Parisíno na isáng anyô ay hindî na bastá pánlabás lámang na maráhil naságap din ng Indios Bravos bagkús ang bágong kataúhang ang kamalayán ay malayò na sa kataúhan ng isáng Filipínong lumakí sa Pásig. Itó ang sukdól ng pág-unawà sa saríli, ang kamalayáng kung tawágin ay pakikípagsápalarán. Kung ikáw ang tulâ, isá ka ring kamalayáng maráhil ay kapaná-panabík hulàan ang mga hakbáng; at isáng ehersísyo ng paglímot káhit ang pakíkiníg sa iyóng musíka, na kay hírap hulíhin ang yugtô ng katotohánan ng mga nóta, sápagkát nang sandalîng kathâín iyón ni Piazzolla ay maáarìng ang sandalîng tinútugtóg namán ni Kossinskaja ang pagkáparoól ng Ukraína.
Alimbúkad: Epic rhythm poetry without borders. Photo by Pixabay on Pexels.com
“Nagmúmulâ at nagwáwakas ang lahát,” wíwikàin sa iyó ng matandâng mágdaragát na kung tawágin ay Ishmael, “sa haráp ng dúlang.” Ang mga salitâng itó, na náriníg mo rin sa Ingkóng mo ang maráhil ay hindî sinásadyâng natangáy noón ng benáwa o balangáy, at págkaraán ng iláng buwán sa láot at pagdaóng sa malálansá, maaálat na pantalán ay pagbúbuláyan ng pinakámalakíng korporasyón ng butandíng na úuyám sa mga yáte at súbmaríno. Ang hapág na itó ang maglálapít sa ísip túngo sa sahíg, ang magtátakdâ ng mga panúto sa pagtanggáp, pagkilála, paggálang; at ang paraán ng pag-upô sa tabí nitó’y magbúbunyág sa kataúhan mo’t kaharáp. Kumakáin ka nang warìng naríriníg ng dibdíb kung anó ang páhiwátig ng tagâ-sa-panahóng yakál kung may panaúhin; at lumalagók ng álak o túbig habàng ang bigát kapál salát na mabíbigông itatwâ ng rabáw ang magsásalaysáy ng ugát ng ugnáyan ng mag-ának o magpápaliwánag ng tatág sa kinatawán ng kapisánan ng mangíngisdâ, na sa sandalîng itó ay mag-úusisà sa iyó. Hindî ba sa dúlang nagáganáp ang kasundûan sa kápuwâ dugô at dinugûán, at doón nilálagdâán ang kapasiyahán at ang mápa sa pamalakáya? Ang dúlang ay hindî símpleng tumbásan ng diwàin at bágay, gáya ng nása ísip ni Ahab, na ang nakikíta sa materyál na daigdíg ay ang nakikíta rin sa guníguní. Nabúbuô ang dúlang mulâ sa pinábuwál na punòngkáhoy na sumaksí sa dalawándaáng taóng tag-aráw, at kung gayón, mahíhinuhàng tagláy ang sustánsiyá at épikó ng sinaúnang gúbat na ngayón ay isá na lámang lumaláwak-gumagápang na dúnas sa alaála. Ang dísenyo nitó, bagamán payák at inukítan ng patalím, ay sinadyâ úpang págkasiyahín sa maliít na baláy, makiníg sa mga míto at balità, damhín ang pinagsásalúhang pangárap at sáloobín, at isádulâ ang walâng kamatáyang hapúnan káhit sa yugtô ng pagtátaksíl. Ang dúlang sa labás ng ísip at malayò sa orihinál na silbí nitó ay maáarìng magkároón ng ibá pang katwíran pagganáp sa bukód at líhim na layúnin: mágpasúlak ng pagnanasàng dúlot ng pag-íbig, na maúuwî sa espásyo ng pagtatálik, pangahás at walâng pakíalám sa moralidád, na kaíinggitán káhit ng pinakámagárbong pigíng. Pagkáraán, matátaúhan ka na ang dúlang na itó ay may kapangyaríhan, higít sa anumáng kalibúgang máitátanghál at máipapátaw ng mga awtoridád, at hindî bastá répresentasyón o simulasyón ng gahúm ng mayháwak sa pamámaraán ng produksiyón, sápagkát itó ay isáng paníniwalà at pinaníniwalàan at pumípintíg. Nása háspe ng káhoy ang mga panahón—ang paglagô at pagtáyog hanggáng pagkapútol o pagkábuwál sanhî man ng palakól o buhawì o ng rítmikóng tukâ ng mga taál na anluwáge. Si Ishmael na nakilála mo ang Ishmael ng kolektíbong karagatán, nagháhanáp ng líbong abentúra at tandáyag, ngúnit walâng matátagpûáng íisáng sagót sa mga salaysáy, bagkús yutàng gusót káhit pa likúmin ang lahát ng pákahulugán ng dambuhalàng sinisíkap lagúmin sa isáng dibúho o pangungúsap. Sa haráp ng dúlang, ang wakás ay simulâ rin ng panibágong paglálayág.
Alimbúkad: Epic transformative poetry across the world. Photo by cottonbro on Pexels.com
Ang isang maliit na ahensiya, gaya ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), ay mapipilitang kumambiyo at lumihis ng daan sa harap ng patuloy na lumalagong populasyon ng Filipinas, na mahigit 100 milyong tao. Ang plano nitong labimpitong aklat na mailathala sa isang taon ay hindi biro, at hindi hamak na marami ito kung ihahambing sa inilalathala ng UP Press at Ateneo de Manila University Press. Kung ipagpapalagay na ang bawat titulo ay may tig-1,000 sipi, magkakaroon ng 17,000 aklat sa bodega ng KWF, at kung ilalagay ang mga ito sa dating bodega ng naturang ahensiya ay napakabigat na puwedeng makaapekto sa estruktura nito. Kapag nadagdagan pa ang naturang bilang at umabot sa kabuoang 45 titulo gaya ng winiwinika ng kasalukuyang Tagapangulo, ang 45,000 aklat na papasanin ng bodega ay higit na maglalagay sa peligro sa katatagan ng gusali, lalo’t lumindol nang malakas-lakas.
Paano makakayang pasanin ng gusaling halos 100 taon ang edad ang bigat ng mga aklat, bukod sa mga kasangkapan, kabinet, at kagamitang naroon? Kung hindi ako nagkakamali, naroon pa sa bodega ng KWF ang iba pang aklat na nalathala noong nakaraang administrasyon sa ilalim ng programang Aklatang Bayan. Peligroso ang ganitong tagpo, at kung sakali’t bumigay ang ikalawang palapag, ang babagsakan nito ay ang dating baraks ng Presidential Security Group. Kung uupa naman ang KWF para maisabodega ang mga aklat, makapagdaragdag ito sa gastusin ng opisina at hindi na kabilang sa orihinal na badyet na isinusumite sa DBM. Ang tanging magagawa ng KWF ay ipakalat agad ang mga aklat, i.e., ibenta sa mababang presyo o ipamigay nang libre, upang makarating sa mga target na mambabasa. Kung hindi, masasayang ang pagod kung maimbak lang ang mga aklat sa bodegang napakadelikado.
Ang paglalathala ng tig-1,000 sipi kada titulo ay napakaliit, sa ganang akin. Ayon sa pinakabagong estadistikang inilabas ng National Library of the Philippines (NLP), may 1,619 ang kabuoang bilang ng mga publikong aklatang kaanib nito sa buong bansa. Kung bibigyan mo ng tig-iisang kopya ang naturang mga aklatan ay kulang na kulang ang inilalathala ng KWF. Bagaman suntok sa buwan, ang KWF ay kinakailangang makapaglimbag ng tig-50,000 sipi kada titulo sa target nitong 45 titulo upang maipalaganap ito sa malalayong lalawigan, at nang magkaroon ng akses ang publiko. Ngunit ang 2.25 milyong sipi ay hindi pa rin sapat, dahil halos dalawang porsiyento lamang ito ng kabuoang populasyon. Ang alternatibo, kung gayon, ay elektronikong paglalathala, na ang lahat ng aklat at iba pang babasahin ay puwedeng i-download nang libre, nang makaabot sa pinakamabilis na paraan sa target na mambabasa. Hindi pa rin ito sapat sapagkat hindi naman mayorya ng populasyon ay may kompiyuter o selfon. Gayunman, malaki ang maitutulong nito sa edukasyon ng mga tao.
Kung gaano kabilis maglimbag ng aklat ay dapat gayon din kabilis magpalaganap nito sa buong kapuluan. Ang Sentro ng Wika at Kultura (SWK) na sangay ng KWF sa mga rehiyon ay malaki ang maitutulong sa pagpapakalat ng karunungan. Ito ang maaaring maging lunsaran para sa distribusyon, at pagtukoy sa mga pook na marapat marating ng mga aklat. Sa ganitong pangyayari, higit na kailangan ang tangkilik ng mga estadong unibersidad at kolehiyo upang makamit ang mithi sapagkat magastos kahit ang pagpapadala ng mga aklat kahit pa sa pamamagitan ng koreo. Maselan ang ganitong trabaho sapagkat kailangan ang mga kabalikat at matatag na network, na tila ba bersiyon ng Angat Buhay ni Leni Robrero. Ano’t anuman, walang kulay ng politika ang pamamahagi ng aklat dahil ito naman talaga ang dapat na maging tungkulin ng gobyerno para matulungan ang mga mamamayan nito. Hindi kinakailangang magbenta ng mga aklat ang KWF sapagkat hindi naman iyon gaya ng pribadong korporasyon. Higit na makabubuti kung ipamimigay nito sa publiko ang mga aklat na inilathala sapagkat pinaglaanan naman iyon ng badyet na hinuhugot sa buwis ng taumbayan. Sa ganitong paraan, maiibsan kahit paano ang lahat ng kirot na idinulot nito sa mga awtor na binansagang subersibo ang mga aklat. Subalit sa panahong ito, hindi na isang batik na matatagurian ang pagiging subersibo ng panitikan kung ang pakahulugan at pahiwatig nito ay umaabot sa tunay na pagpapalaya mula sa kamangmangan at kabulaanan. Gayunman, ang paninirang puri, gaya ng ginawa ng mga sampay-bakod na komentarista ng SMNI, ay sadyang personal, amoy-imburnal, at peligroso, at kung ito man ang katumbas ng kabayanihan ay isang parikalang mabuting pagnilayan.
Alimbúkad: Epic book rampage in search of real solution. Photo by Ricardo Esquivel on Pexels.com
Magiging kapana-panabik ang nakatakdang pagdinig sa Kongreso para suhayan ang pagbabatas matapos pagtibayin ang House Resolution No. 239 ni Kgg. Rep. Edcel C. Lagman ng Unang Distrito ng Albay. Ito ay dahil magkakaroon ng pagkakataon ang mga manunulat na muling maitampok sa lipunan, hindi lamang para muling sumikat bagkus para sagutin ang maling paratang na may kaugnayan sa batas kontra terorismo. Magkakapuwang din ang larang ng edukasyon na muling balikan ang pagpapahalaga nito na ipinapataw sa wika at panitikan, lalo’t ngayong pinaiikli at kumikitid ang pag-aaral hinggil sa mga panitikang sinulat mismo ng mga Filipino na magagamit sa sekundarya at tersiyaryang antas. Makatutulong pa ang pagdinig sa gaya ng Commission on Human Rights (CHR), sapagkat maaaring matalakay na ang pagtatamo ng matitinong panitikan ay isang importanteng karapatang dapat taglayin ng mga Filipino. Makatutulong ang pagdinig kahit sa mga alagad ng batas at kasapi ng NTF-ELCAC upang magkaroon yaon ng malawak na pagtanaw sa dinamika ng mga ugnayan sa mga manunulat at palathalaan. At higit sa lahat, magkakaroon ng pagkakataon na muling sipatin ang lagay ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), na sa mahabang panahon ay napabayaan kung hindi man hindi binigyan ng pagpapahalaga ng Tanggapan ng Pangulo.
Nakalulugod na nagkakaisa ang maraming organisasyon kapag sinaling ang mga manunulat sa isang panig, at ang panitikang Filipinas sa kabilang panig. Ang naturang pagtutulungan ang modernong pagbabayanihang banyaga sa bokabularyo ng mga burukrata. Ang limang manunulat na napasama ang mga akda sa sensura ay metonimya lamang sa malawak na problemang panlipunang may kaugnayan sa karunungan, katarungan, at kalayaan sa malikhaing pagsusulat at paglalathala. Ang mga manunulat ay wari bang isang uri ng nilalang na malapit nang maglaho, ang pangwakas na dulugan ng madla bago ito ganap na mabaliw sa kaululang lumalaganap sa lipunan. Malaki ang naiaambag ng mga manunulat para lumago ang kultura at kabihasnan, at ang mga sinulat nila’y kayang tumawid sa iba’t ibang panahon, na siyang magpapakilala sa ating pagka-Filipino at pagkatao. Samantala, ang panitikan ang di-opisyal na panukatan kung gaano kasulóng at katáyog ang bansa, at maiuugnay yaon sa wika o mga wikang ginagamit sa iba’t ibang diskurso.
Bagaman tumanggap ng maraming batikos ang KWF, ang positibong maidudulot nito’y mailalagay muli ito sa sentro ng atensiyon ng publiko, at mababatid ng lahat na napakahalaga ang tungkulin nito para sa pagtataguyod ng kabansaan. Sapagkat kung walang mangangalaga sa Filipino at iba pang wika ng Filipinas, hindi lamang mabubura ang kaakuhan ng Filipino bagkus mawawalan ito ng haligi sa pagpupundar ng modernong kaisipang magagamit ng mga mamamayan. Ang mga wika ng Filipinas ang malig ng kapangyarihan; tanggalin ito ay napakadaling magpalaganap ng katangahan o kabulaanan.
Hindi batid ng nakararami na ang KWF ay may maningning na nakaraan. Bago pa ito naging KWF ay dumaan ito sa pagiging Institute of National Language, na higit na makikilala bilang Surian ng Wikang Pambansa, na pagkaraan ay magiging Linangan ng Wika sa Pilipinas (LWP), at matapos pagtibayin ang 1987 Konstitusyon ay magiging KWF noong 1991. Ang mga tao na nasa likod ng mga ahensiyang ito ay mga de-kalibreng manunulat, editor, dalubwika, politiko, akademiko, at tagasalin, gaya nina Lope K. Santos, Julian Cruz Balmaseda, Iňigo Ed. Regalado, Norberto Romualdez, Filemon Sotto, Wenceslao Q. Vinzons, Jaime C. de Veyra, Cirio H. Panganiban, Cecilio Lopez, Ponciano BP. Pineda, Bro. Andrew Gonzalez, Florentino H. Hornedo, Bonifacio Sibayan, Fe Aldabe-Yap, Fe Hidalgo, Virgilio S. Almario, at marami iba pang maibibilang sa roster ng Who’s Who sa Filipinas.
Maaaring maitanong sa pagdinig kung angkop pa ba ang Batas Republika Blg. 7104 na lumilikha sa KWF, at siyang panuhay sa itinatadhana ng Artikulo XIV, Seksiyon 9 ng 1987 Konstitusyon. Sa aking palagay ay oo, ngunit may pasubali. Oo sapagkat kinakailangan talaga ang isang ahensiyang pananaliksik na magsusulong ng Filipino at mga wika sa Filipinas, bukod sa kinakailangan ang isang magtutulak ng mga pananaliksik at makikipag-ugnayan sa iba’t ibang sektor, ahensiya, institusyon, at tao hangga’t hindi pa sumasapit ang Filipino at ginagamit sa mga dominyo ng kapangyarihan, alinsunod sa pakahulugan ni Bonifacio Sibayan. Ngunit limitado ang kapangyarihan ng KWF, na tinumbasan ng maliit na badyet na halos pansuweldo lamang sa mga kawani, at ni hindi nito kayang magpulis para pasunurin ang publiko sa paggamit ng mga wika. Magagawa lamang nitong maging patnubay sa mga tao sa paglinang at pagpapalaganap ng mga wikang makapagsisilbi at makatutugon sa pangangailangan ng bansa. Sa ganitong pangyayari, sablay ang KWF Memorandum No. 2022-0663 na nagbabawal sa pagpapalathala at pagpapalaganap ng limang aklat na subersibo umano dahil gumaganap na ito bilang pulis pangwika na waring gumaganap din bilang ahente ng pambansang pulisya at sandatahang lakas ng Filipinas.
Ngunit kung nagagampanan ba ng KWF ang tungkulin nito nang katanggap-tanggap ay isang mabigat na tanong. Una, ang pasilidad nito ay nakaiwanan na ng panahon, sapagkat napakasikip, at hindi angkop para sa isang ahensiyang may mandato sa pananaliksik pangwika. Noong pumasok ako bilang nanunungkulang Direktor Heneral sa KWF noong 2010, sinikap kong mapalaki ang tanggapan kaya sinulatan ko nang ilang ulit ang Tanggapan ng Pangulo ngunit palagi akong bigo. Noong patapos na ang termino ni Pangulong Noynoy Aquino, nakipagpulong si Assec Ed Nuque sa mga kinatawan ng mga ahensiyang nasa ilalim ng Sining at Kultura, at tinanong niya ako kung ano ang hihilingin ko bago bumaba sa tungkulin si PNoy. Sabi ko, ibigay na lamang po ninyo sa amin ang kalahating panig ng ikalawang palapag ng Gusaling Watson para lumuwag ang KWF. Hindi naman ako nabigo; at pagkaraan ng ilang linggo ay may dumating na sulat na nagsasaad na puwede nang kunin ng KWF ang buong ikalawang palapag ng gusali. Napatalon ako sa tuwa, at hindi ko napigil mapaluha.
Ang totoo’y maliit ang silid aklatan at artsibo ng KWF, at ito ay nakapuwesto pa noon sa isang sulok na waring ekstensiyon [loft] ng ikalawang palapag. Marami akong lihim na natuklasan sa munting aklatang ito, dahil pulos maibibilang sa bibihirang aklat at antigo. Mabuti na lamang ay nailipat ang aklatan sa maluwang-luwang na lugar, sa tulong na rin ni Tagapangulong Almario. Nailipat lamang ang nasabing aklatan nang makuha ng KWF ang kabilang panig ng ikalawang palapag ng Gusaling Watson. Nagkaroon din ng espasyo ang KWF para sa mga aktibidad nito, bukod sa nagkaroon ng bulwagan, lugar na pulungan ng mga komisyoner at kawani, dalawang silid para sa mga sangay, at siyempre, isang maluwag na tanggapan ng tagapangulo. Malaki ang naitulong ni Julio Ramos na noon ay puno ng Sangay Pangasiwaan sa pagpapakumponi ng mga nasirang bahagi ng gusali ng KWF.
Pinangarap noon ng KWF ang magkaroon ng bagong gusali. Sa totoo lang, inutusan ako ng Tagapangulo na gumawa ng plano ng gusali na may apat na palapag at sapat na paradahan ng sasakyan. Kumontak naman ako ng arkitekto, at sa maniwala kayo’t sa hindi, sa loob ng isang linggo ay natapos ang plano ng bagong gusali—na bagay na bagay sa pangangailangan ng mga kawani. Ngunit nang lumitaw na ang plano ay nagalit pa ang tagapangulo. Ang sabi ay dapat idinorowing ko na lang daw. Ang sabi ko, hindi papansinin ang drowing ko kapag idinulog sa Kagawaran ng Badyet at Pananalapi. Nagtalo pa nga kami ng Tagapangulo, na para bang ayaw pang bayaran ang nasabing plano sa kung anong dahilan, na ikinabusiwit ko. Pakiwari ko, nagpapagawa lang ang aming tagapangulo para ako ipitin ngunit hindi talaga seryoso. Nakipagpulong umano siya sa mga taga-UP Diliman upang magkaroon ng puwesto roong mapagtatayuan ng gusali. Ngunit lumipas ang mga araw at buwan hanggang matapos ang kaniyang termino ay walang nangyari. Hindi ko na alam kung saan napunta sa planong iginuhit ng arkitekto.
Isang problema noon ng KWF ay ang Internet koneksiyon. Ilang beses na naming ipinagawa iyon at paulit-ulit ang problema. May plano ako noon na maging interkonektado ang mga sangay, upang masubaybayan ang mga gawain, makapagpulong kahit onlayn, at matiyak na ang daloy ng papeles ay maayos, lalo yaong ipinadadala sa Kagawaran ng Badyet at sa Tanggapan ng Pangulo. Pangarap ko noong bawasan ang paggamit ng papel, at lahat ay nasa onlayn. Ngunit hindi ito natupad, sapagkat ang mismong gusali ay hindi angkop umano sa gayong sistema; napakaraming kahingian ang hinihingi sa KWF na ewan ko ba at hindi masagot-sagot ng mga tauhang kay sarap sampalukin. Wala pa man si Tagapangulong Almario sa KWF noon ay nagpagawa na ako ng database program para sa onlayn diksiyonaryo, ngunit kung bakit hindi ito natuloy ay ibang istorya na. Kahit ang buong sangay ng pananalapi at akawnting ay pinangarap kong interkonektado, na bagaman may nasimulan at nagamit kahit paano ay hindi nasundan dahil sa mismong baryotikong pasilidad ng opisina. Maliit ang badyet noong panahon ng panunungkulan ni Tagapangulong Jose Laderas Santos. Ngunit maliit ito sapagkat makitid ang bisyon ng nasabing tagapangulo para magsulong ng malawakang pagbabago sa KWF. Mabuti pa noong panahon ni Tagapangulong Almario at lumaki-laki kahit paano, ngunit kung lumaki man ito ay dahil dumami rin ang mga proyekto na nakasalig sa malawakang programa at bisyon, gaya sa patuluyang seminar, kumperensiya, at iba pang konsultasyong makatutulong sa mga guro at eksperto mula sa iba’t ibang larang. Isa pang nakapagpadagdag ng badyet ng KWF ang panukalang pagtitindig ng bantayog ng wika sa iba’t ibang lalawigan, na talaga namang makatutulong sa lokal na turismo, ngunit maaaring lampas na sa orihinal na saklaw ng gawaing pananaliksik ng opisina bagaman sinang-ayunan ng Kalupunan ng mga Komisyoner ang pagpapatupad niyon.
Sa pagdinig sa Kongreso, puwedeng maitanong kung nagagawa ba ng mga komisyoner ang tungkulin nitong katawanin ang wika at/o disipilinang kinabibilangan nila. Kung ang komisyoner ang magiging tulay doon sa mga rehiyon ay mabuti at ideal; ngunit dahil sa kakulangan ng badyet ay malimit ang komisyoner pa ang nag-aambag sa kaniyang gastusin sa pamasahe at pakikipagpulong. Sa tinagal-tagal ko sa KWF, ang ganitong problema ay hindi malutas-lutas at ito ay may kaugnayan sa kung ano ang programang ibig isulong ng mga komisyoner mula sa iba’t ibang rehiyon. Noong panahon ng administrasyon ni Tagapangulong Santos, walang makabuluhang naiambag ang mga komisyoner; at si Santos ay humirang pa ng dayuhang konsultant na isang Tsino na walang alam sa Filipino at ni walang basbas ng Kalupunan ng mga Komisyoner. Noong pinaimbestigahan ko sa Kawaranihan ng Inmigrasyon ay peke pala ang pangalan ng hinayupak na Tsino. Nagsampa ako ng reklamo sa Tanggapan ng Pangulo, ngunit ewan ko kung bakit ni hindi pinansin ang aking reklamo sa kung anong dahilan. Samantala, noong panahon ni Tagapangulong Almario, masipag ang mga komisyoner, kahit paano; at nakabuo pa ng Medyo Matagalang Plano [Medium-Term Plan] na nakagiya sa pangkabuoang programa ng Administrasyong Aquino at nakalahok sa Medyo Matagalang Plano ng NEDA. Hindi mabubuo ang gayong plano kung walang pangungulit at payo ng gaya ni Leonida Villanueva, isang may malasakit na retiradong kawani ng KWF at nakapagbigay ng perspektiba sa mga komisyoner kung paano bumalangkas ng seryosong plano na magagamit ng buong makinarya ng gobyerno. Nagabayan ang KWF dahil sa nabuong plano bunga ng serye ng konsultasyon sa iba’t ibang tao na kumakatawan sa iba’t ibang organisasyon. Lumakas pa ang KWF dahil nirebisa ang Implementing Rules and Regulations [IRR] ng RA No. 7104, mula sa konsultasyon sa iba’t ibang may malasakit ng organisasyon at sa pagtutulungan ng mga komisyoner.
Kung mahina ang network ng isang komisyoner sa rehiyong kinapapalooban niya, malamang na hindi siya makahimok ng pagsasagawa ng mga pananaliksik, halimbawa, sa akademya o iba pang larang. Kailangang mapagtitiwalaan din ang isang komisyoner, na hindi lamang pulos dakdak bagkus may integridad at utak, at tunay na kumakatawan sa wika at disiplina. Nasabi ko ito dahil may ilang komisyoner, na naitatalaga sa posisyon na hindi talaga masasabing kumakatawan sa wikang sinasalita at ginagamit nang pasulat ng mga nasa rehiyon. Samantala, ang isang hindi ko malilimot ay ang Kongreso sa Wika doon sa Bukidnon na dinaluhan ng mga kinatawan ng iba’t ibang pangkat etniko, mulang Luzon hanggang Mindanao, dahil sa pagpupursige ng gaya nina Kom. Lorna Flores at Kom. Purificacion Delima, at ito ang patunay na kung sadyang nagagampanan ng isang ahensiya ang tungkulin nito, magiging boses ang ahensiyang ito para makarating sa kinauukulan ang hinaing ng mga tao mula sa malalayong lalawigan. Makasaysayan ang ginawang kongreso ng KWF noon (saksi si dating Sen. Bam Aquino at ang kinatawan ni Sen. Legarda), na hindi nagawa kahit ng iba pang ahensiya ng gobyernong nangangasiwa sa mga pangkat etniko.
Kaya nagkakaletse-letse ang KWF ay dahil hindi malinaw, sa aking palagay, ang transisyon tungo sa susunod na administrasyon. Nagbabago-bago ang takbo ng programa alinsunod sa maibigan ng tagapangulo at kasama nitong mga komisyoner. Kung walang bisyon ang isang tagapangulo ay madaling higtan; ngunit kung makatwiran ang bisyon ng tagapangulo, dapat itong ipagpatuloy anuman ang kulay ng politikang pinagmumulan ng mamumuno alinsunod sa pangkabuoang plano ng gobyerno. Kung nagkakaroon man ng problema sa kasalukuyang administrasyon, ito ay maaaring nagkulang ang maayos na transisyon mulang administrasyong Almario hanggang administrasyong Casanova, na wari bang maraming nangapunit at nagkapira-pirasong pangyayari o gawain, na kung maayos sanang naipasa sa pangkat ng transisyon ang lahat ay mawawala ang sakit ng ulo ng susunod na administrasyon. Kung salat sa bisyon ang Kalupunan, nagiging kampante ang mga kawani na nanganganak ng medyokridad at katiwalaan na siya namang naipapasa sa iba pang susunod na kawani.
Kung magiging seryoso ang mga kongresista sa imbestigasyon sa KWF, marami silang matutuklasan. Isa na rito na interkonektado ang lahat, sapagkat kung noong nakalipas na panahon ay ginagamit umano ng kung sino-sinong nasa kapangyarihan ang KWF para maisulong ang adyenda nila, ginagamit naman ngayon ng ilang opisyales ng KWF ang iba pang ahensiya ng gobyerno upang maisulong umano ang mahihinuhang mga personal na interes nito. Ang dating maningning na kasaysayan ng KWF ay maaaring tuluyan nang naglaho; ngunit kung sisipatin nang maigi, ang problema ay hindi lamang sa pagpapalit ng mga tao o agawan ng puwesto. Kailangang palitan ang bulok na sistema ng pagdulog sa mga wika dahil hinaharap ng bansa ang mahigit 100 milyong populasyon. Kailangang baguhin ang pag-iisip ng mga kawani na hindi na makasabay sa gawaing pananaliksik pangwika; at ang unyon ng mga kawani nito ay panahon nang matuto para pagsilbihan hindi lamang ang interes ng kapuwa kawani bagkus ang interes ng opisina upang lalong lumago ang mga gawaing pangwika. Kailangang magkaroon ng patuluyan at malawakang programang nakasalig sa isang bisyong tinutumbasan ng badyet para makaagapay sa pandaigdigang pagbabago. Kailangan ang malawakang network mulang kanan hanggang kaliwa, ang tunay na pagbabayanihan, at hindi na sapat ang limitadong koneksiyon ni Tagapangulong Almario na hirap na hirap makakuha ng tangkilik sa ibang sektor sa kung anong dahilan. Hindi sapat na magkaroon ng sangkaterbang titulo bago pumasok sa KWF. Kailangan ang tunay na malasakit sa Filipino at mga wikang katutubo sa Filipinas, may bait at katutubong talino, handa kahit sa mabagsik na pagbabago, walang bagaheng pampolitika ni nahahanggahan ng ideolohiya at personal na interes, ipagpalagay mang mahirap nang matagpuan ang mga ito sa kasalukuyan. Nakapanghihinayang na hindi iilang matatalino, masisipag, at magagaling na pumasok sa KWF ang napilitang umalis dahil hindi masikmura ang lumang kultura sa loob.
Kapiranggot pa lamang ito ng aking dumurupok na gunita, at hindi dapat seryosohin para ilagay sa kasaysayan ng wika. Wala rin akong balak na siraan ang ibang tao, at ang ibinahagi ko rito ay isang karanasan at pagtanaw, na maaari ninyong bawasan o dagdagan o ituwid, upang higit nating maunawaan ang estadong kinatatayuan ng Filipino saanmang panig ng mundo.
Alimbúkad: A peek into the State of the National Language Commission. Photo by Archie Binamira on Pexels.com
Aghamístiká[1], bílang Ikádalawámpu’t siyám na Aralín
Roberto T. Añonuevo
Ang lalaking naglalakad sa loob ng isip ang lalaking nakaupo at nagbabasa ng peryodiko sa malamig na kuwarto ngunit ang lalaking ito ang lalaki ring nagsusulat ng batas at nagpapatupad ng batas sa malayong lupalop gayunman ay hindi uso sa kaniya ang huminto dahil hindi uso sa kaniya ang bantas o kudlit na paglabag sa gramatika ng awtoridad at palaugnayan ng sawimpalad na walang pakialam sa sugnay na katunog ng bugnay na ang mahalaga ay sumasayaw ang mga titik na umiimbento ng indayog gayong nagpapakana ng kubling pakahulugan o pahiwatig o sabihin nang ito ang totoo ang totoo na parang totoo na hindi totoo na realidad sa realidad at iperrealidad ng hilaga sa realidad ng timog na realidad ng kanlurang realidad ng silangang gumagawa ng pelikula na pelikulang walang istorya na isang kababalaghan ay ay ay patawarin ay patuwarin paano siya mauunawaan kung ang kasalukuyan niya ang nakaraan kung ang nakaraan niya ang hinaharap kung ang kasalukuyan ang hinaharap at nakalipas na magpapanukala ng karunungang artipisyal na lilikha sa iyo at maniniwala ka sa patuluyang wika na patuloy na pagsasalita na may papel man ay tumatangging pumapel o gumamit ng papel sapagkat ito ang pinakamadali sapagkat ito ang mabilis maunawaan na ang tanong ay ginagaya si Roque Ferriols na nagkakanulo kay Ferriols na nagkukunwang Ferriols subalit hindi masagot kung mahalaga ba ang maunawaan ay hindi mahalaga dahil totoong wala kang mambabasa walang babasa sa iyo kundi ang puso ang puso mo sa pinggan ang puso ng saging na kung minsan ay pusong mamon ang sustansiyang isusubo ngunguyain lulunukin walang pakialam sa paligid walang pakialam sa impiyerno o langit sapagkat muling nagbabalik ang naglalakad sa loob ng isip na lalaking nakaupo at nagbabasa ng peryodiko sa malamig na kabaong baliw na baliw sa kapangahasan ito ang bago ito ang gago ito ang makabago ay ay ay wiwikain mo ikaw ang lalaking ito walang hanggan walang pakialam sapagkat ito ang kapangyarihan ang paggigiit na semyotika ng alanganin hungkag at sumasanto lamang sa kawalan kalawang kawala kawal kawa kawkaw ka nang kaka ng Wala Ala Lala la la aaa ikaw ba ito o ito ako ang itatanong mo para sa akin ngunit sadyang para sa iyo para sa iyo iyo iyo
[1] Ginamit dito ang salitang “aghamistika” (na mula sa tinipil na “aghám” at “místiká”) bílang panumbás sa isáng anyô ng íperrealidád.
Alimbúkad: Epic poetry insanity breaking the rules. Photo by GEORGE DESIPRIS on Pexels.com
Hindi ko masisisi si Karmina Constantino nang maibulalas niyang “I’m sorry Commissioner, you’re not making sense!” nang interbiyuhin si Kom. Benjamin Mendillo ng Komisyon sa Wikang Filipino noong 12 Agosto 2022. Malabo—sa paraang maligoy na ang ubod ay hungkag— ang sinasabi ni Mendillo nang ipagtanggol nito ang paglalabas ng KWF Memorandum No. 2022-0663 na may petsang 9 Agosto 2022, na nagbabawal sa pagpapalathala at pagpapalaganap ng mga aklat at iba pang manuskritong ipinapalagay nitong subersibo na maaaring maglagay sa panganib sa gobyerno.
Hindi kinakailangan si Atty. Camille Vasquez para mapiga ang katotohanan (at maibunyag ang kabulaanan) sa paraan ng mga pagtatanong sa nag-aakusa; sapat na ang gaya ni Constantino upang mabatid kung makatwiran ba o may nilalaman ang winiwika ni Mendillo hinggil sa pagbabawal ng paglalathala ng mga aklat na umano’y “subersibo.” Hindi masagot nang malinaw at tahas ni Mendillo ang pangwakas na tanong na wala sa tungkulin [o hindi na saklaw] ng KWF na patunayan kung subersibo ba hindi ang mga sinulat ni Reuel Molina Aguila na isa sa mga awtor na pinararatangan. Walang nailabas na patnubay, kautusan, o ibang panuntunan ang KWF mula pa noong itatag ito hangga ngayon na tumutukoy kung subersibo ba o hindi ang isang aklat o babasahin. Para sa kaalaman ng lahat, ang mga nagwaging tula sa Talaang Ginto: Makata ng Taon ay malimit kritikal ang tindig sa gobyerno, at maihahalimbawa ang ikonikong tulang “Mga Duguang Plakard” (1970) ng yumaong makatang Rogelio G. Mangahas.
Balikan ang Republic Act No. 7104 at ang “Binagong mga Tuntunin at Regulasyong Nagpapatupad sa Batas Republika Blg. 7104 na lumilikha sa Komisyon sa Wikang Filipino” na nalathala sa Official Gazette noong 20 Pebrero 2017 at makikita roon na wala sa anumang bahagi nito na saklaw ng KWF ang pagbabawal sa publikasyon ng mga aklat anuman ang kiling nitong ideolohiya, at ang pagtatatak kung ang mga ito ay subersibo, sapagkat ang pagtitiyak kung subersibo o hindi ang isang bagay ay hindi na nito saklaw. Bukod pa rito, walang isinagawang publikong konsultasyon ang KWF hinggil sa mga aklat o manuskrito nitong tumatawid sa mga ideolohikong usapin, at ang kaugnayan nito sa kasiningan sa pagsusulat.
Ang tanong na dapat bang ipawalang-saysay o ipawalang-bisa ng KWF ang kautusan nito hinggil sa pagbabawal sa publikasyon ng mga aklat at pagpapalaganap nito sa kapuluan ay hindi na kailangan pang itanong, sapagkat dapat magkusa na ang Kalupunan. Sa mula’t mula pa’y lumilihis na ang KWF memorandum at ang kaugnay nitong resolusyon ng Kalupunan [Board of Commissioners] sa itinatadhana ng Batas Republika Blg. 7104 at sa Binagong Tuntunin nito. Ayon sa Seksiyon 21. Sugnay na Nagpapawalang-Saysay ng Binagong Tuntunin ng Batas Republika Blg. 7104,
“Ang lahat ng mga sirkular, memorandum sirkular, order, at iba pang mga atas administratibo o mga bahagi niyon na sumasalungat sa Batas [Republika] Blg. 7104 na lumilikha sa Komisyon sa Wikang Filipino o sa Binagong mga Tuntunin at Regulasyong ito ay pinawawalang-saysay, sinususugan, o minomodipika gaya ng nararapat. Pinawawalang-saysay din o sinususugan ang mga kapasiyahan ng nakaraang mga Kalupunan o may bahaging sumasalungat sa binagong mga Tuntunin at Regulasyong ito.”
Official Gazette of the Republic of the Philippines, Vol. 113, February 20, 2017, No. 8
Sa aking palagay, hindi nagbabasa ang mga komisyoner ng batas at ng mga tuntunin nito [Implementing Rules and Regulations]. Hindi dapat matakot ang mga awtor na pinaratangang subersibo ang kani-kaniyang akda sapagkat sa simula’t simula pa’y naliligaw ang gaya ni Kom. Mendillo, sampu ng mga kasapakat niyang komisyoner, sa ginawa nitong pagbabawal sa publikasyon ng ilang aklat na subersibo umano at paglalagay sa panganib sa buhay at pamilya ng mga awtor. Ang totoo, puwedeng magsampa pa ng kaso ang mga akusadong awtor at papanagutin sa batas ang mga butihing komisyoner.
Sumunod man sa proseso o hindi ang paglalathala ng mga aklat ay hindi maibubunton lahat sa Tagapangulo. Ito ay sapagkat ang OIC Direktor Heneral, na nagkataong si Mendillo noong panahong iyon, ay may tungkuling subaybayan at tingnan din ang publikasyon. Imposibleng hindi dumaan sa kaniya ang mga pangunang pagsusuri sa mga manuskrito mula sa Komite ng Publikasyon, o kahit ang listahan ng mga manuskritong isasaaklat, sapagkat hindi tatakbo ang papeles at hindi pipirmahan ng akawntant o Puno ng Pananalapi kung ni walang pirma o inisyal man lang ni Mendillo. Kung unilateral ang paglalathala ng nasabing mga aklat, gaya ng paratang ni Mendillo, may kapabayaan din siya sapagkat dapat tumayo siyang panimbang sa mga ginagawa ng puno ng ahensiya, at hindi bilang tagapuna lamang tuwing may pulong ang Kalupunan.
Hindi kung gayon isang pagmamalabis, manapa’y isang kaluwagan pa, kung magbitiw man sa tungkulin ang mga pumirmang komisyoner sa memorandum at resolusyong lihis na lihis sa batas na lumilikha sa Komisyon sa Wikang Filipino.
Alimbúkad: Epic raging poetry against incompetence and mediocrity. Photo by Alexis Ricardo Alaurin on Pexels.com
May tungkulin ang bawat mamamayang Filipino na pangalagaan, paunlarin, at palaganapin ang wikang Filipino at iba pang wika sa Filipinas, at ito ay pinaaalingawngaw ng Saligang Batas 1987, Artikulo XIII, Mga Seksiyon 15-16. Sa ganitong anggulo dapat sipatin ang Freedom of Information (FOI) sa bisa ng Executive Order No. 02, at puwede itong testingin upang malinawan ang taumbayan sa namamayaning sigalot sa loob ng Komisyon sa Wikang Filipino at siyang may kaugnayan sa seguridad ng mga manunulat na ibinibilang na subersibo ang mga akda, ayon sa pananaw ng ilang sektor.
Nang ilabas sa pahayagan ang KWF Memorandum No. 2022-0663 na nilagdaan nina Komisyoner Benjamin Mendillo at Komisyoner Carmelita Abdurahman na nagbabawal sa paglalathala at pagpapalaganap ng mga aklat na umano’y “subersibo” at kung gayon ay may implikasyon sa seguridad at katatagan ng gobyerno, ito ay hindi simpleng usapin at marapat lamang na pagbuhusan ng pansin. (Ang masangkot sa terorismo ay hindi biro, sapagkat maaaring damputin at ikulong ang sinumang kabilang sa pakanang ito.) Kahit bali-baligtarin ang Republic Act No. 7104 na siyang lumilikha sa KWF ay wala ritong nakasaad na saklaw ng mandato nito ang pagbabawal at pagpapahinto ng publikasyon ng mga aklat at iba pang babasahin, lalo ang pagtatatak doon na iyon ay lumalabag sa batas hinggil sa terorismo. Hindi kataka-taka na mapansin ang ganitong linsad na pananaw sa panig ni Rep. Edcel Lagman at ng CHR Direktor Jaqueline de Guia at nalathala sa pahayagang Inquirer.
Ang KWF Memorandum nina Kom. Mendillo at Kom. Abdurahman ay mauugat sa diumano’y Resolution No. 17-8 ng Kalupunan [Board of Commissioners] na nilagdaan ng iba pang komisyoner na kinabibilangan nina Hope Sabanpan-Yu, Alain Russ Dimzon, at Angela Lorenzana, bukod kina Mendillo at Abdurahman. Upang matiyak ang diskursong lumitaw sa deliberasyon ng limang komisyoner, makabubuti kung babalikan ang katitikan ng pulong [minutes of the meeting] sapagkat doon mababatid kung ano-ano ang tunay na tindig ng bawat komisyoner. Makabubuting hingin din ang iba pang saloobin ng gaya nina Komisyoner Jimmy Fong at Tagapangulong Casanova na walang mga lagda sa nasabing resolusyon.
Sa dinami-dami ng opinyon, wala akong narinig na humingi ng katitikan upang mabatid nang lubos ang katotohanan sa likod ng Memorandum nina Mendillo at Abdurahman. Ang nasabing katitikan ang nawawalang kawing [missing link], at ang hinihingi noon pa ni Tagapangulong Komisyoner Arthur Casanova kina Mendillo at Abdurahman ngunit ang dalawang ito ay nabigong makapagpakita ng buong transkripsiyon ng deliberasyon, mula sa rekorded na talakayan. Kailangang mabasa ng taumbayan ang nasabing transkripsiyon ng deliberasyon hinggil sa pagiging subersibo hindi lamang ng limang aklat bagkus ng iba pang aklat o manuskrito na nasa listahan ng publikasyon ng kasalukuyang administrasyon.
May pananagutan si Mendillo hinggil dito sapagkat bukod sa pagiging Komisyoner na kumakatawan sa wikang Ilokano ay siya rin ang gumaganap na OIC Direktor Heneral noong panahong lagdaan ang memorandum at resolusyon. Ang lahat ng awtor ng KWF na apektado ay may karapatan na mabatid ang deliberasyon na nakasaad sa katitikan sapagkat iyon ang magliligtas sa kanila laban sa mabibigat na paratang na ipinupukol sa kanila at magagamit para sagutin ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). Karapatan ng taumbayan na mabatid ang nilalaman ng nasabing katitikan na diumano’y ipinagkakait nina Mendillo at Abdurahman sapagkat ang usapin ay tumatagos din sa kanilang seguridad bilang mamamayan.
Ang nasabing katitikan ng KWF ay isang publikong dokumento, at kung gayon ay saklaw ng FOI. Kung patuloy na ipagkakait, sa anumang dahilan, nina Mendillo at Abdurahman ang nasabing dokumento na kailangan para sa kabatiran ng madla ay isang mabigat na kasalanan na maaaring tumbasan ng mabigat na parusa sapagkat inilalagay nila ang mga akusadong awtor sa bingit ng panganib at kapahamakan.
Nakapagtataka na kahit ang iba pang kawani ng KWF ay nananahimik hinggil sa usaping ito. Nananahimik sila na wari bang hinahayaan lamang nilang maglabo-labo ang magkabilang paksiyon, at pagkaraan ng ubusan ng lahi, ay saka sila papasok matapos mahawi ang ulap na wari bang sila ang nagwagi. Hindi dapat ganito ang maganap. Kung may karapatan ang ordinaryong mamamayan na linangin, palaganapin, at pangalagaan ang wikang Filipino at iba pang wika ng Filipinas, lalong dapat gawin ito ng bawat kawani ng KWF sapagkat pinasasahod sila ng gobyerno mula sa buwis ng taumbayan. Ang nakaririnding pagiging “newtral” ay hindi isang palusot para iligtas lamang ang sarili. Ang pagmamalasakit at pagmamahal sa wika ay hindi lamang binibigkas bagkus isinasagawa, at sa pagkakataong ito, makatutulong kung magsasalita ang mga kawani na naging saksi sa eskandalong pangwika na may pandaigdigang implikasyon.
Opinyon ko lamang ito bilang karaniwang mamamayan (at hindi bilang dáting KWF Direktor Heneral) na hindi masikmura ang pagguhô ng isang institusyong napakahalaga sa pagpapalakas ng estado ng Filipinas.
Alimbúkad: Epic raging poetry against conspiracy of silence. Photo by Krisia on Pexels.com
PákayRoberto T. Añonuevo
Ikáw na lakás at taás sa pagítan ng hínlalakí
at hínlalatò, anó’t párang dominádo ang mápa
at mga bituín? Sumusúlat ka sa buhángin
at sumusúlat sa túbig o hángin—nákaligtâáng
pangakò ngúnit pílit pa ring sumúsumpíng.
Hínlalatò at hínlalakí sa pagítan ng lakás
at taás ang tadhanàng umiípit sa iyó
pára sa kisápmatáng paglíligtás ng mundó.
Malímit kang mápang-ákit na hudyát at kalabít
sa gatílyo o gitárang magsísindí ng guló.
Itúturò mo ang landás na mabíbigóng abutín
ng paningín, ngúnit dî magbábantulót surútin
ang lángit bagamán kabádong malapnós
paglápit na paglápit ng dumídilàng apóy.
Magpápasiyá ang hínlalakí at ang hínlalatò’y
manghíhiyâ, ngúnit ikáw ang paborítong túkod
na tíla magpápaandár sa kumukúnat na ísip.
Totoó, tumítiklóp ka rin at kumíkirót—
warì bang natutúlog na dragón. Híntuturò,
ikáw ang lakás at taás na pípilìing putúlin
nang makíta ang dangkál ng mga pagtátaksíl.
Alimbúkad: Epic raging poetry against conspiracy of silence. Photo by MART PRODUCTION on Pexels.com
Ang TuláyRoberto T. Añonuevo
Pangárap din itó ng Malagunlóng, ang makátawíd
sa kabilâng pampáng nang ni hindî napúputíkan
o hindî sumasáyad ang mga gulóng o paá sa túbig.
Maráhil, náritó ang dáting taytáy na binábaybáy
ng mga batà na bitbít ang bayóng ng mga gúlay
o ng mga pugánteng ináasintá ng ríple at hinahábol
ng mga káwal. Ngúnit ngayón, gunitâ ito ng adóbe
at bangás na bundók—mga súlat, úkit, ihì sa padér
na mabúting manatíling líhim, payapà, pípi, tandâ.
Sumaksí itó sa lindól at digmâ, sa bagyó at bahâ;
ang náyon, anó’t nagugúnaw sa kuwénto at hakà.
Mágbantulót ay likás sa segurísta’t walâng segúro.
Ang rádyo na sumísigáw doón sa kabilâng ibáyo’y
nagbábantâ warì ng delúbyo na katumbás ng píso.
Tátawirín itó ng mágkasintáhan, at híhintô sa gitnâ
ng daán, sakâ dúdukwáng pára makíta ang lálim
at maglarô ang guníguní sa saluysóy. Hanggáng
doón, naníniktík ang áraw sa pagdádaóp ng pálad.
Alimbúkad: Yes to poetry. No to red-tagging. No to state-sponsored harassment of writers and artists! Photo by Andrew Charles on Pexels.com
Ang Probínsiyáno, bílang Ikádalawámpû’t walóng Aralín
Roberto T. Añonuevo
Kung máisasálin sa mga líham ang daigdíg, anó ang itsúra ng iyóng pag-íbig? Itó ang itátanóng sa iyó ni Tékla, na nakápag-ípon ng mga súlat mulâ sa sumísintá sa kaniyá. Ang líham, personál man o opisyál, ay magbúbunyág ng kaaláman, maráhil sa iyó at sa sumúlat sa iyó. Sa pánig ni Tékla, ang máalamát na músa na nílikhâ ni Julian Cruz Balmaseda bílang panapát kay Celia ni Balagtás, ang mga líham mulâ sa kaniyáng kasintáhang si Huwán M. Búhay ay hindî karaníwan—sápagkát itó ay isá nang téstaménto ng pag-íbig at artefákto sa nakalípas na panahón kung ípagpápalagáy na ang mga pangyayáring binanggít sa salaysáy ay naganáp noóng hindî pa úso ang súlatrónikó, téxting, at videokól—at pagsasádulâ ng kapaná-panabík na talâmbúhay sa hímig ng pakikípagsápalarán sa banyagàng poók at walâng katupárang hináharáp. Ang koleksiyón ng mga líham ni Huwán kay Tékla ay isá nang kríptográpikóng épikó kung tútuusín, na lumálampás sa sakláw ng áwit ni Balagtás bukód sa nagpapákilála sa paradígma ng satírikóng pagtulâ ni Balmaseda.
Sabíhin nang kathâng-ísip ang mga líham, at sa gayón, hindî máibibílang sa kanónigóng kasaysáyan ang mga salaysáy. Ang ganitóng pag-ámin ay may katotohánan, ngúnit sa óras na máilimbág ang mga líham, at máibunyág ang mga pámbihiràng detálye ng mga pangyayáring mahírap ulítin sa sérye ng pagsísinungalíng dáhil sa kahangà-hangàng wikà at pagpápahiwátig na lumitáw sa isáng tiyák na panahón, ang mga líham na itó ay nagíging ínterkonektádo sa isá’t isá, nagpapáalingawngáw ng pagtanáw, nagpapámukhâ ng realidád mulâ sa mababàng sektór ng lipúnan, at lumílikhâ ng kasaysáyan sa saríli káhit pa uyamíng kabulàánan. Si Tékla, na sinúsulátan linggó-linggó ni Huwán sa anyông pátulâ, ay magbábasá ng mga líham mulâ Maynilà ngúnit hindî tútugón ni mínsan. Pára siyáng kartéro na nalúnod sa bundók ng mga líham, kung iháhakàng tíla walâ siyáng pagpapáhalagá sa karanasáng ibinábahagì sa kaniyá ni Huwán. Sa kabilâ nitó’y ipagpápatúloy ni Huwán bílang bagamundóng éksploradór at mapágpatawáng anotadór ang pagbuô ng kaniyáng realidád, at itó ang mahalagá.
Si Huwán, nang íwan ang kaniyáng náyon, ay hindî isáng bayáni na mag-úuwî ng trópeo pagbalík sa lupàng sinilángan gáya ng dápat asáhan.
Si Huwán ang kábaligtarán ng gáya niná Aligúyon, Bantúgan, Labáw Donggón, Lumalindáw, Tuwâang—itó ang iháhayág ng mga matá ni Tékla, bukód sa súsusúgan ng masusìng pag-úurì ng gáya niná E. Arsenio Manuel at Damiana L. Eugenio. Ngúnit ang kaniyáng pag-íral ay tíla paglálarô sa nakágawîáng pagtanáw sa épikóng bayáni, sápagkát naturál na naturál kung sipátin niyá ang mundó na lagìng mapágbirô káhit pa malímit masakláp ang birò, at kung gayón, ay mahírap ípaliwánag at sakyán sa panahón ng kolónisasyón. Ang espásyo ng tunggalîán ay lungsód; at si Huwán bílang probínsiyáno ay iíwan ang kaniyáng kinagisnán, makikípagsápalarán sa banyagàng teritóryo, at húhubarín ang kinámulátang kataúhan úpang hanápin at harapín ang tadhanà kapalít ng pagtupád sa pangakò sa músang minámahál. Dádalhín ni Huwán ang probínsiyánong kataúhan, at pagsápit sa Maynilà ay mabábatíd na ang mga halagaháng tagláy niyá ay kailángang idaráng sa mga pagsúbok bágo siyá mágtagumpáy. Ang pagkakáunawà ni Huwán sa daigdíg (mulâ sa púnto de bísta ng lálawígan) ay taliwás sa poók na kaniyáng pínuntahán, at magkakároón ng biglâáng tránspormasyón ang kaniyáng kamalayán pagsápit sa kákatwâng poók na may napakaráming táo at nagsisipágkumahóg—at sa ganitóng pangyayári’y húhubúgin siyá ng palígid alinsúnod sa kagyát na pangángailángan at hiníhingî ng pagkakátaón.
Maningníng ngúnit mápangánib ang lungsód. Makíkilála ni Huwán ang saríli kapág nakáhalubílo na niyá ang sarì-sarìng táo: kutséro, batàng tagálakô ng diyáryo, peryánte, peryodísta, pulís, hukóm, púta, teleponísta, artísta, kandidáta sa pistá, polítikó, sékreta, manlolóko, makatà, atbp. Ang mga táo na itó ang magpapákilála sa Maynilà; at lahát ng puntahán ni Huwán ay poók na magbúbunyág sa pílas ng lungsód at karagdágang karanasán, at kung may tinatáwag na kabaguhán, itó ay malímit panlabás lámang at mápanlinláng. Isásalaysáy lahát itó ni Huwán kay Tékla, at si Tékla ay magíging matá ng madlâ na sumúsubaybáy sa pakikípagsápalarán ni Huwán tuwíng lálabás ang pítak na “Nakú, ang Maynilà!” Si Huwán ang salamín ng públikó, na magháhanáp ng alíw at magbíbiláng ng póste nang magkároón ng permanénteng trabáho; ang makátutuklás na ang kahirápan ay nakarírimárim na puwérsang nagtutúlak sa prostitusyón at ang kabulukán sa sistéma ng pamámahalà sa gobyérno ay hindî ordináryo bagkús modérnisádo; ang magsisíkap na mag-áral ng mga wikà, mapápabílang sa kapisánan ng mga makatà, at gágamítin ang útak úpang makálusót sa mga gusót, atbp. Sa dákong hulí, tátangkâín ni Huwán na máibalík sa kataúhan ang pagtanáw na bayáni sa sandalîng magnílay siyá’t mágpasiyáng tumúngo sa ibáng lálawígan, na hindî pa rin ganáp na pagbábalík (at pag-uwî) sa píling ng kasintáhan. Umaása pa rin si Huwán na makákapíling habàng-búhay si Tékla, ngúnit kung magkátotoó man itó ay maráhil magáganáp na lámang sa guníguní ng yutà-yutàng mámbabása na hindî mo kilalá.
Alimbúkad: Epic poetry subversion beyond Filipinas. Photo by Suzy Hazelwood on Pexels.com