Ang Katitikan, ni Roberto T. Añonuevo

ANG KATITIKAN

Roberto T. Añonuevo

May tungkulin ang bawat mamamayang Filipino na pangalagaan, paunlarin, at palaganapin ang wikang Filipino at iba pang wika sa Filipinas, at ito ay pinaaalingawngaw ng Saligang Batas 1987, Artikulo XIII, Mga Seksiyon 15-16. Sa ganitong anggulo dapat sipatin ang Freedom of Information (FOI) sa bisa ng Executive Order No. 02, at puwede itong testingin upang malinawan ang taumbayan sa namamayaning sigalot sa loob ng Komisyon sa Wikang Filipino at siyang may kaugnayan sa seguridad ng mga manunulat na ibinibilang na subersibo ang mga akda, ayon sa pananaw ng ilang sektor.

Nang ilabas sa pahayagan ang KWF Memorandum No. 2022-0663 na nilagdaan nina Komisyoner Benjamin Mendillo at Komisyoner Carmelita Abdurahman na nagbabawal sa paglalathala at pagpapalaganap ng mga aklat na umano’y “subersibo” at kung gayon ay may implikasyon sa seguridad at katatagan ng gobyerno, ito ay hindi simpleng usapin at marapat lamang na pagbuhusan ng pansin. (Ang masangkot sa terorismo ay hindi biro, sapagkat maaaring damputin at ikulong ang sinumang kabilang sa pakanang ito.) Kahit bali-baligtarin ang Republic Act No. 7104 na siyang lumilikha sa KWF ay wala ritong nakasaad na saklaw ng mandato nito ang pagbabawal at pagpapahinto ng publikasyon ng mga aklat at iba pang babasahin, lalo ang pagtatatak doon na iyon ay lumalabag sa batas hinggil sa terorismo. Hindi kataka-taka na mapansin ang ganitong linsad na pananaw sa panig ni Rep. Edcel Lagman at ng CHR Direktor Jaqueline de Guia at nalathala sa pahayagang Inquirer.

Ang KWF Memorandum nina Kom. Mendillo at Kom. Abdurahman ay mauugat sa diumano’y Resolution No. 17-8 ng Kalupunan [Board of Commissioners] na nilagdaan ng iba pang komisyoner na kinabibilangan nina Hope Sabanpan-Yu, Alain Russ Dimzon, at Angela Lorenzana, bukod kina Mendillo at Abdurahman. Upang matiyak ang diskursong lumitaw sa deliberasyon ng limang komisyoner, makabubuti kung babalikan ang katitikan ng pulong [minutes of the meeting] sapagkat doon mababatid kung ano-ano ang tunay na tindig ng bawat komisyoner. Makabubuting hingin din ang iba pang saloobin ng gaya nina Komisyoner Jimmy Fong at Tagapangulong Casanova na walang mga lagda sa nasabing resolusyon.

Sa dinami-dami ng opinyon, wala akong narinig na humingi ng katitikan upang mabatid nang lubos ang katotohanan sa likod ng Memorandum nina Mendillo at Abdurahman. Ang nasabing katitikan ang nawawalang kawing [missing link], at ang hinihingi noon pa ni Tagapangulong Komisyoner Arthur Casanova kina Mendillo at Abdurahman ngunit ang dalawang ito ay nabigong makapagpakita ng buong transkripsiyon ng deliberasyon, mula sa rekorded na talakayan. Kailangang mabasa ng taumbayan ang nasabing transkripsiyon ng deliberasyon hinggil sa pagiging subersibo hindi lamang ng limang aklat bagkus ng iba pang aklat o manuskrito na nasa listahan ng publikasyon ng kasalukuyang administrasyon.

May pananagutan si Mendillo hinggil dito sapagkat bukod sa pagiging Komisyoner na kumakatawan sa wikang Ilokano ay siya rin ang gumaganap na OIC Direktor Heneral noong panahong lagdaan ang memorandum at resolusyon. Ang lahat ng awtor ng KWF na apektado ay may karapatan na mabatid ang deliberasyon na nakasaad sa katitikan sapagkat iyon ang magliligtas sa kanila laban sa mabibigat na paratang na ipinupukol sa kanila at magagamit para sagutin ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). Karapatan ng taumbayan na mabatid ang nilalaman ng nasabing katitikan na diumano’y ipinagkakait nina Mendillo at Abdurahman sapagkat ang usapin ay tumatagos din sa kanilang seguridad bilang mamamayan.

Ang nasabing katitikan ng KWF ay isang publikong dokumento, at kung gayon ay saklaw ng FOI. Kung patuloy na ipagkakait, sa anumang dahilan, nina Mendillo at Abdurahman ang nasabing dokumento na kailangan para sa kabatiran ng madla ay isang mabigat na kasalanan na maaaring tumbasan ng mabigat na parusa sapagkat inilalagay nila ang mga akusadong awtor sa bingit ng panganib at kapahamakan.

Nakapagtataka na kahit ang iba pang kawani ng KWF ay nananahimik hinggil sa usaping ito. Nananahimik sila na wari bang hinahayaan lamang nilang maglabo-labo ang magkabilang paksiyon, at pagkaraan ng ubusan ng lahi, ay saka sila papasok matapos mahawi ang ulap na wari bang sila ang nagwagi. Hindi dapat ganito ang maganap. Kung may karapatan ang ordinaryong mamamayan na linangin, palaganapin, at pangalagaan ang wikang Filipino at iba pang wika ng Filipinas, lalong dapat gawin ito ng bawat kawani ng KWF sapagkat pinasasahod sila ng gobyerno mula sa buwis ng taumbayan. Ang nakaririnding pagiging “newtral” ay hindi isang palusot para iligtas lamang ang sarili. Ang pagmamalasakit at pagmamahal sa wika ay hindi lamang binibigkas bagkus isinasagawa, at sa pagkakataong ito, makatutulong kung magsasalita ang mga kawani na naging saksi sa eskandalong pangwika na may pandaigdigang implikasyon.

Opinyon ko lamang ito bilang karaniwang mamamayan (at hindi bilang dáting KWF Direktor Heneral) na hindi masikmura ang pagguhô ng isang institusyong napakahalaga sa pagpapalakas ng estado ng Filipinas.

Alimbúkad: Epic raging poetry against conspiracy of silence. Photo by Krisia on Pexels.com

Pakay, ni Roberto T. Añonuevo

Pákay

Roberto T. Añonuevo

Ikáw na lakás at taás sa pagítan ng hínlalakí
at hínlalatò, anó’t párang dominádo ang mápa
at mga bituín? Sumusúlat ka sa buhángin
at sumusúlat sa túbig o hángin—nákaligtâáng
pangakò ngúnit pílit pa ring sumúsumpíng.

Hínlalatò at hínlalakí sa pagítan ng lakás
at taás ang tadhanàng umiípit sa iyó
pára sa kisápmatáng paglíligtás ng mundó.
Malímit kang mápang-ákit na hudyát at kalabít
sa gatílyo o gitárang magsísindí ng guló.

Itúturò mo ang landás na mabíbigóng abutín
ng paningín, ngúnit dî magbábantulót surútin
ang lángit bagamán kabádong malapnós 
paglápit na paglápit ng dumídilàng apóy.
Magpápasiyá ang hínlalakí at ang hínlalatò’y 

manghíhiyâ, ngúnit ikáw ang paborítong túkod 
na tíla magpápaandár sa kumukúnat na ísip.
Totoó, tumítiklóp ka rin at kumíkirót—
warì bang natutúlog na dragón. Híntuturò,
ikáw ang lakás at taás na pípilìing putúlin

nang makíta ang dangkál ng mga pagtátaksíl.
Alimbúkad: Epic raging poetry against conspiracy of silence. Photo by MART PRODUCTION on Pexels.com