Imbalidong Memorandum
Roberto T. Añonuevo
Hindi ko masisisi si Karmina Constantino nang maibulalas niyang “I’m sorry Commissioner, you’re not making sense!” nang interbiyuhin si Kom. Benjamin Mendillo ng Komisyon sa Wikang Filipino noong 12 Agosto 2022. Malabo—sa paraang maligoy na ang ubod ay hungkag— ang sinasabi ni Mendillo nang ipagtanggol nito ang paglalabas ng KWF Memorandum No. 2022-0663 na may petsang 9 Agosto 2022, na nagbabawal sa pagpapalathala at pagpapalaganap ng mga aklat at iba pang manuskritong ipinapalagay nitong subersibo na maaaring maglagay sa panganib sa gobyerno.
Hindi kinakailangan si Atty. Camille Vasquez para mapiga ang katotohanan (at maibunyag ang kabulaanan) sa paraan ng mga pagtatanong sa nag-aakusa; sapat na ang gaya ni Constantino upang mabatid kung makatwiran ba o may nilalaman ang winiwika ni Mendillo hinggil sa pagbabawal ng paglalathala ng mga aklat na umano’y “subersibo.” Hindi masagot nang malinaw at tahas ni Mendillo ang pangwakas na tanong na wala sa tungkulin [o hindi na saklaw] ng KWF na patunayan kung subersibo ba hindi ang mga sinulat ni Reuel Molina Aguila na isa sa mga awtor na pinararatangan. Walang nailabas na patnubay, kautusan, o ibang panuntunan ang KWF mula pa noong itatag ito hangga ngayon na tumutukoy kung subersibo ba o hindi ang isang aklat o babasahin. Para sa kaalaman ng lahat, ang mga nagwaging tula sa Talaang Ginto: Makata ng Taon ay malimit kritikal ang tindig sa gobyerno, at maihahalimbawa ang ikonikong tulang “Mga Duguang Plakard” (1970) ng yumaong makatang Rogelio G. Mangahas.
Balikan ang Republic Act No. 7104 at ang “Binagong mga Tuntunin at Regulasyong Nagpapatupad sa Batas Republika Blg. 7104 na lumilikha sa Komisyon sa Wikang Filipino” na nalathala sa Official Gazette noong 20 Pebrero 2017 at makikita roon na wala sa anumang bahagi nito na saklaw ng KWF ang pagbabawal sa publikasyon ng mga aklat anuman ang kiling nitong ideolohiya, at ang pagtatatak kung ang mga ito ay subersibo, sapagkat ang pagtitiyak kung subersibo o hindi ang isang bagay ay hindi na nito saklaw. Bukod pa rito, walang isinagawang publikong konsultasyon ang KWF hinggil sa mga aklat o manuskrito nitong tumatawid sa mga ideolohikong usapin, at ang kaugnayan nito sa kasiningan sa pagsusulat.
Ang tanong na dapat bang ipawalang-saysay o ipawalang-bisa ng KWF ang kautusan nito hinggil sa pagbabawal sa publikasyon ng mga aklat at pagpapalaganap nito sa kapuluan ay hindi na kailangan pang itanong, sapagkat dapat magkusa na ang Kalupunan. Sa mula’t mula pa’y lumilihis na ang KWF memorandum at ang kaugnay nitong resolusyon ng Kalupunan [Board of Commissioners] sa itinatadhana ng Batas Republika Blg. 7104 at sa Binagong Tuntunin nito. Ayon sa Seksiyon 21. Sugnay na Nagpapawalang-Saysay ng Binagong Tuntunin ng Batas Republika Blg. 7104,
“Ang lahat ng mga sirkular, memorandum sirkular, order, at iba pang mga atas administratibo o mga bahagi niyon na sumasalungat sa Batas [Republika] Blg. 7104 na lumilikha sa Komisyon sa Wikang Filipino o sa Binagong mga Tuntunin at Regulasyong ito ay pinawawalang-saysay, sinususugan, o minomodipika gaya ng nararapat. Pinawawalang-saysay din o sinususugan ang mga kapasiyahan ng nakaraang mga Kalupunan o may bahaging sumasalungat sa binagong mga Tuntunin at Regulasyong ito.”
Official Gazette of the Republic of the Philippines, Vol. 113, February 20, 2017, No. 8
Sa aking palagay, hindi nagbabasa ang mga komisyoner ng batas at ng mga tuntunin nito [Implementing Rules and Regulations]. Hindi dapat matakot ang mga awtor na pinaratangang subersibo ang kani-kaniyang akda sapagkat sa simula’t simula pa’y naliligaw ang gaya ni Kom. Mendillo, sampu ng mga kasapakat niyang komisyoner, sa ginawa nitong pagbabawal sa publikasyon ng ilang aklat na subersibo umano at paglalagay sa panganib sa buhay at pamilya ng mga awtor. Ang totoo, puwedeng magsampa pa ng kaso ang mga akusadong awtor at papanagutin sa batas ang mga butihing komisyoner.
Sumunod man sa proseso o hindi ang paglalathala ng mga aklat ay hindi maibubunton lahat sa Tagapangulo. Ito ay sapagkat ang OIC Direktor Heneral, na nagkataong si Mendillo noong panahong iyon, ay may tungkuling subaybayan at tingnan din ang publikasyon. Imposibleng hindi dumaan sa kaniya ang mga pangunang pagsusuri sa mga manuskrito mula sa Komite ng Publikasyon, o kahit ang listahan ng mga manuskritong isasaaklat, sapagkat hindi tatakbo ang papeles at hindi pipirmahan ng akawntant o Puno ng Pananalapi kung ni walang pirma o inisyal man lang ni Mendillo. Kung unilateral ang paglalathala ng nasabing mga aklat, gaya ng paratang ni Mendillo, may kapabayaan din siya sapagkat dapat tumayo siyang panimbang sa mga ginagawa ng puno ng ahensiya, at hindi bilang tagapuna lamang tuwing may pulong ang Kalupunan.
Labag sa Saligang Batas 1987 ang KWF Memorandum No. 2022-0663, ayon sa pinakabagong resolusyon ni Rep. Edcel Lagman.
Hindi kung gayon isang pagmamalabis, manapa’y isang kaluwagan pa, kung magbitiw man sa tungkulin ang mga pumirmang komisyoner sa memorandum at resolusyong lihis na lihis sa batas na lumilikha sa Komisyon sa Wikang Filipino.
