Aghamístiká[1], bílang Ikádalawámpu’t siyám na Aralín
Roberto T. Añonuevo
Ang lalaking naglalakad sa loob ng isip ang lalaking nakaupo at nagbabasa ng peryodiko sa malamig na kuwarto ngunit ang lalaking ito ang lalaki ring nagsusulat ng batas at nagpapatupad ng batas sa malayong lupalop gayunman ay hindi uso sa kaniya ang huminto dahil hindi uso sa kaniya ang bantas o kudlit na paglabag sa gramatika ng awtoridad at palaugnayan ng sawimpalad na walang pakialam sa sugnay na katunog ng bugnay na ang mahalaga ay sumasayaw ang mga titik na umiimbento ng indayog gayong nagpapakana ng kubling pakahulugan o pahiwatig o sabihin nang ito ang totoo ang totoo na parang totoo na hindi totoo na realidad sa realidad at iperrealidad ng hilaga sa realidad ng timog na realidad ng kanlurang realidad ng silangang gumagawa ng pelikula na pelikulang walang istorya na isang kababalaghan ay ay ay patawarin ay patuwarin paano siya mauunawaan kung ang kasalukuyan niya ang nakaraan kung ang nakaraan niya ang hinaharap kung ang kasalukuyan ang hinaharap at nakalipas na magpapanukala ng karunungang artipisyal na lilikha sa iyo at maniniwala ka sa patuluyang wika na patuloy na pagsasalita na may papel man ay tumatangging pumapel o gumamit ng papel sapagkat ito ang pinakamadali sapagkat ito ang mabilis maunawaan na ang tanong ay ginagaya si Roque Ferriols na nagkakanulo kay Ferriols na nagkukunwang Ferriols subalit hindi masagot kung mahalaga ba ang maunawaan ay hindi mahalaga dahil totoong wala kang mambabasa walang babasa sa iyo kundi ang puso ang puso mo sa pinggan ang puso ng saging na kung minsan ay pusong mamon ang sustansiyang isusubo ngunguyain lulunukin walang pakialam sa paligid walang pakialam sa impiyerno o langit sapagkat muling nagbabalik ang naglalakad sa loob ng isip na lalaking nakaupo at nagbabasa ng peryodiko sa malamig na kabaong baliw na baliw sa kapangahasan ito ang bago ito ang gago ito ang makabago ay ay ay wiwikain mo ikaw ang lalaking ito walang hanggan walang pakialam sapagkat ito ang kapangyarihan ang paggigiit na semyotika ng alanganin hungkag at sumasanto lamang sa kawalan kalawang kawala kawal kawa kawkaw ka nang kaka ng Wala Ala Lala la la aaa ikaw ba ito o ito ako ang itatanong mo para sa akin ngunit sadyang para sa iyo para sa iyo iyo iyo
[1] Ginamit dito ang salitang “aghamistika” (na mula sa tinipil na “aghám” at “místiká”) bílang panumbás sa isáng anyô ng íperrealidád.
