Magiging kapana-panabik ang nakatakdang pagdinig sa Kongreso para suhayan ang pagbabatas matapos pagtibayin ang House Resolution No. 239 ni Kgg. Rep. Edcel C. Lagman ng Unang Distrito ng Albay. Ito ay dahil magkakaroon ng pagkakataon ang mga manunulat na muling maitampok sa lipunan, hindi lamang para muling sumikat bagkus para sagutin ang maling paratang na may kaugnayan sa batas kontra terorismo. Magkakapuwang din ang larang ng edukasyon na muling balikan ang pagpapahalaga nito na ipinapataw sa wika at panitikan, lalo’t ngayong pinaiikli at kumikitid ang pag-aaral hinggil sa mga panitikang sinulat mismo ng mga Filipino na magagamit sa sekundarya at tersiyaryang antas. Makatutulong pa ang pagdinig sa gaya ng Commission on Human Rights (CHR), sapagkat maaaring matalakay na ang pagtatamo ng matitinong panitikan ay isang importanteng karapatang dapat taglayin ng mga Filipino. Makatutulong ang pagdinig kahit sa mga alagad ng batas at kasapi ng NTF-ELCAC upang magkaroon yaon ng malawak na pagtanaw sa dinamika ng mga ugnayan sa mga manunulat at palathalaan. At higit sa lahat, magkakaroon ng pagkakataon na muling sipatin ang lagay ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), na sa mahabang panahon ay napabayaan kung hindi man hindi binigyan ng pagpapahalaga ng Tanggapan ng Pangulo.
Nakalulugod na nagkakaisa ang maraming organisasyon kapag sinaling ang mga manunulat sa isang panig, at ang panitikang Filipinas sa kabilang panig. Ang naturang pagtutulungan ang modernong pagbabayanihang banyaga sa bokabularyo ng mga burukrata. Ang limang manunulat na napasama ang mga akda sa sensura ay metonimya lamang sa malawak na problemang panlipunang may kaugnayan sa karunungan, katarungan, at kalayaan sa malikhaing pagsusulat at paglalathala. Ang mga manunulat ay wari bang isang uri ng nilalang na malapit nang maglaho, ang pangwakas na dulugan ng madla bago ito ganap na mabaliw sa kaululang lumalaganap sa lipunan. Malaki ang naiaambag ng mga manunulat para lumago ang kultura at kabihasnan, at ang mga sinulat nila’y kayang tumawid sa iba’t ibang panahon, na siyang magpapakilala sa ating pagka-Filipino at pagkatao. Samantala, ang panitikan ang di-opisyal na panukatan kung gaano kasulóng at katáyog ang bansa, at maiuugnay yaon sa wika o mga wikang ginagamit sa iba’t ibang diskurso.
Bagaman tumanggap ng maraming batikos ang KWF, ang positibong maidudulot nito’y mailalagay muli ito sa sentro ng atensiyon ng publiko, at mababatid ng lahat na napakahalaga ang tungkulin nito para sa pagtataguyod ng kabansaan. Sapagkat kung walang mangangalaga sa Filipino at iba pang wika ng Filipinas, hindi lamang mabubura ang kaakuhan ng Filipino bagkus mawawalan ito ng haligi sa pagpupundar ng modernong kaisipang magagamit ng mga mamamayan. Ang mga wika ng Filipinas ang malig ng kapangyarihan; tanggalin ito ay napakadaling magpalaganap ng katangahan o kabulaanan.
Hindi batid ng nakararami na ang KWF ay may maningning na nakaraan. Bago pa ito naging KWF ay dumaan ito sa pagiging Institute of National Language, na higit na makikilala bilang Surian ng Wikang Pambansa, na pagkaraan ay magiging Linangan ng Wika sa Pilipinas (LWP), at matapos pagtibayin ang 1987 Konstitusyon ay magiging KWF noong 1991. Ang mga tao na nasa likod ng mga ahensiyang ito ay mga de-kalibreng manunulat, editor, dalubwika, politiko, akademiko, at tagasalin, gaya nina Lope K. Santos, Julian Cruz Balmaseda, Iňigo Ed. Regalado, Norberto Romualdez, Filemon Sotto, Wenceslao Q. Vinzons, Jaime C. de Veyra, Cirio H. Panganiban, Cecilio Lopez, Ponciano BP. Pineda, Bro. Andrew Gonzalez, Florentino H. Hornedo, Bonifacio Sibayan, Fe Aldabe-Yap, Fe Hidalgo, Virgilio S. Almario, at marami iba pang maibibilang sa roster ng Who’s Who sa Filipinas.
Maaaring maitanong sa pagdinig kung angkop pa ba ang Batas Republika Blg. 7104 na lumilikha sa KWF, at siyang panuhay sa itinatadhana ng Artikulo XIV, Seksiyon 9 ng 1987 Konstitusyon. Sa aking palagay ay oo, ngunit may pasubali. Oo sapagkat kinakailangan talaga ang isang ahensiyang pananaliksik na magsusulong ng Filipino at mga wika sa Filipinas, bukod sa kinakailangan ang isang magtutulak ng mga pananaliksik at makikipag-ugnayan sa iba’t ibang sektor, ahensiya, institusyon, at tao hangga’t hindi pa sumasapit ang Filipino at ginagamit sa mga dominyo ng kapangyarihan, alinsunod sa pakahulugan ni Bonifacio Sibayan. Ngunit limitado ang kapangyarihan ng KWF, na tinumbasan ng maliit na badyet na halos pansuweldo lamang sa mga kawani, at ni hindi nito kayang magpulis para pasunurin ang publiko sa paggamit ng mga wika. Magagawa lamang nitong maging patnubay sa mga tao sa paglinang at pagpapalaganap ng mga wikang makapagsisilbi at makatutugon sa pangangailangan ng bansa. Sa ganitong pangyayari, sablay ang KWF Memorandum No. 2022-0663 na nagbabawal sa pagpapalathala at pagpapalaganap ng limang aklat na subersibo umano dahil gumaganap na ito bilang pulis pangwika na waring gumaganap din bilang ahente ng pambansang pulisya at sandatahang lakas ng Filipinas.
Ngunit kung nagagampanan ba ng KWF ang tungkulin nito nang katanggap-tanggap ay isang mabigat na tanong. Una, ang pasilidad nito ay nakaiwanan na ng panahon, sapagkat napakasikip, at hindi angkop para sa isang ahensiyang may mandato sa pananaliksik pangwika. Noong pumasok ako bilang nanunungkulang Direktor Heneral sa KWF noong 2010, sinikap kong mapalaki ang tanggapan kaya sinulatan ko nang ilang ulit ang Tanggapan ng Pangulo ngunit palagi akong bigo. Noong patapos na ang termino ni Pangulong Noynoy Aquino, nakipagpulong si Assec Ed Nuque sa mga kinatawan ng mga ahensiyang nasa ilalim ng Sining at Kultura, at tinanong niya ako kung ano ang hihilingin ko bago bumaba sa tungkulin si PNoy. Sabi ko, ibigay na lamang po ninyo sa amin ang kalahating panig ng ikalawang palapag ng Gusaling Watson para lumuwag ang KWF. Hindi naman ako nabigo; at pagkaraan ng ilang linggo ay may dumating na sulat na nagsasaad na puwede nang kunin ng KWF ang buong ikalawang palapag ng gusali. Napatalon ako sa tuwa, at hindi ko napigil mapaluha.
Ang totoo’y maliit ang silid aklatan at artsibo ng KWF, at ito ay nakapuwesto pa noon sa isang sulok na waring ekstensiyon [loft] ng ikalawang palapag. Marami akong lihim na natuklasan sa munting aklatang ito, dahil pulos maibibilang sa bibihirang aklat at antigo. Mabuti na lamang ay nailipat ang aklatan sa maluwang-luwang na lugar, sa tulong na rin ni Tagapangulong Almario. Nailipat lamang ang nasabing aklatan nang makuha ng KWF ang kabilang panig ng ikalawang palapag ng Gusaling Watson. Nagkaroon din ng espasyo ang KWF para sa mga aktibidad nito, bukod sa nagkaroon ng bulwagan, lugar na pulungan ng mga komisyoner at kawani, dalawang silid para sa mga sangay, at siyempre, isang maluwag na tanggapan ng tagapangulo. Malaki ang naitulong ni Julio Ramos na noon ay puno ng Sangay Pangasiwaan sa pagpapakumponi ng mga nasirang bahagi ng gusali ng KWF.
Pinangarap noon ng KWF ang magkaroon ng bagong gusali. Sa totoo lang, inutusan ako ng Tagapangulo na gumawa ng plano ng gusali na may apat na palapag at sapat na paradahan ng sasakyan. Kumontak naman ako ng arkitekto, at sa maniwala kayo’t sa hindi, sa loob ng isang linggo ay natapos ang plano ng bagong gusali—na bagay na bagay sa pangangailangan ng mga kawani. Ngunit nang lumitaw na ang plano ay nagalit pa ang tagapangulo. Ang sabi ay dapat idinorowing ko na lang daw. Ang sabi ko, hindi papansinin ang drowing ko kapag idinulog sa Kagawaran ng Badyet at Pananalapi. Nagtalo pa nga kami ng Tagapangulo, na para bang ayaw pang bayaran ang nasabing plano sa kung anong dahilan, na ikinabusiwit ko. Pakiwari ko, nagpapagawa lang ang aming tagapangulo para ako ipitin ngunit hindi talaga seryoso. Nakipagpulong umano siya sa mga taga-UP Diliman upang magkaroon ng puwesto roong mapagtatayuan ng gusali. Ngunit lumipas ang mga araw at buwan hanggang matapos ang kaniyang termino ay walang nangyari. Hindi ko na alam kung saan napunta sa planong iginuhit ng arkitekto.
Isang problema noon ng KWF ay ang Internet koneksiyon. Ilang beses na naming ipinagawa iyon at paulit-ulit ang problema. May plano ako noon na maging interkonektado ang mga sangay, upang masubaybayan ang mga gawain, makapagpulong kahit onlayn, at matiyak na ang daloy ng papeles ay maayos, lalo yaong ipinadadala sa Kagawaran ng Badyet at sa Tanggapan ng Pangulo. Pangarap ko noong bawasan ang paggamit ng papel, at lahat ay nasa onlayn. Ngunit hindi ito natupad, sapagkat ang mismong gusali ay hindi angkop umano sa gayong sistema; napakaraming kahingian ang hinihingi sa KWF na ewan ko ba at hindi masagot-sagot ng mga tauhang kay sarap sampalukin. Wala pa man si Tagapangulong Almario sa KWF noon ay nagpagawa na ako ng database program para sa onlayn diksiyonaryo, ngunit kung bakit hindi ito natuloy ay ibang istorya na. Kahit ang buong sangay ng pananalapi at akawnting ay pinangarap kong interkonektado, na bagaman may nasimulan at nagamit kahit paano ay hindi nasundan dahil sa mismong baryotikong pasilidad ng opisina. Maliit ang badyet noong panahon ng panunungkulan ni Tagapangulong Jose Laderas Santos. Ngunit maliit ito sapagkat makitid ang bisyon ng nasabing tagapangulo para magsulong ng malawakang pagbabago sa KWF. Mabuti pa noong panahon ni Tagapangulong Almario at lumaki-laki kahit paano, ngunit kung lumaki man ito ay dahil dumami rin ang mga proyekto na nakasalig sa malawakang programa at bisyon, gaya sa patuluyang seminar, kumperensiya, at iba pang konsultasyong makatutulong sa mga guro at eksperto mula sa iba’t ibang larang. Isa pang nakapagpadagdag ng badyet ng KWF ang panukalang pagtitindig ng bantayog ng wika sa iba’t ibang lalawigan, na talaga namang makatutulong sa lokal na turismo, ngunit maaaring lampas na sa orihinal na saklaw ng gawaing pananaliksik ng opisina bagaman sinang-ayunan ng Kalupunan ng mga Komisyoner ang pagpapatupad niyon.
Sa pagdinig sa Kongreso, puwedeng maitanong kung nagagawa ba ng mga komisyoner ang tungkulin nitong katawanin ang wika at/o disipilinang kinabibilangan nila. Kung ang komisyoner ang magiging tulay doon sa mga rehiyon ay mabuti at ideal; ngunit dahil sa kakulangan ng badyet ay malimit ang komisyoner pa ang nag-aambag sa kaniyang gastusin sa pamasahe at pakikipagpulong. Sa tinagal-tagal ko sa KWF, ang ganitong problema ay hindi malutas-lutas at ito ay may kaugnayan sa kung ano ang programang ibig isulong ng mga komisyoner mula sa iba’t ibang rehiyon. Noong panahon ng administrasyon ni Tagapangulong Santos, walang makabuluhang naiambag ang mga komisyoner; at si Santos ay humirang pa ng dayuhang konsultant na isang Tsino na walang alam sa Filipino at ni walang basbas ng Kalupunan ng mga Komisyoner. Noong pinaimbestigahan ko sa Kawaranihan ng Inmigrasyon ay peke pala ang pangalan ng hinayupak na Tsino. Nagsampa ako ng reklamo sa Tanggapan ng Pangulo, ngunit ewan ko kung bakit ni hindi pinansin ang aking reklamo sa kung anong dahilan. Samantala, noong panahon ni Tagapangulong Almario, masipag ang mga komisyoner, kahit paano; at nakabuo pa ng Medyo Matagalang Plano [Medium-Term Plan] na nakagiya sa pangkabuoang programa ng Administrasyong Aquino at nakalahok sa Medyo Matagalang Plano ng NEDA. Hindi mabubuo ang gayong plano kung walang pangungulit at payo ng gaya ni Leonida Villanueva, isang may malasakit na retiradong kawani ng KWF at nakapagbigay ng perspektiba sa mga komisyoner kung paano bumalangkas ng seryosong plano na magagamit ng buong makinarya ng gobyerno. Nagabayan ang KWF dahil sa nabuong plano bunga ng serye ng konsultasyon sa iba’t ibang tao na kumakatawan sa iba’t ibang organisasyon. Lumakas pa ang KWF dahil nirebisa ang Implementing Rules and Regulations [IRR] ng RA No. 7104, mula sa konsultasyon sa iba’t ibang may malasakit ng organisasyon at sa pagtutulungan ng mga komisyoner.
Kung mahina ang network ng isang komisyoner sa rehiyong kinapapalooban niya, malamang na hindi siya makahimok ng pagsasagawa ng mga pananaliksik, halimbawa, sa akademya o iba pang larang. Kailangang mapagtitiwalaan din ang isang komisyoner, na hindi lamang pulos dakdak bagkus may integridad at utak, at tunay na kumakatawan sa wika at disiplina. Nasabi ko ito dahil may ilang komisyoner, na naitatalaga sa posisyon na hindi talaga masasabing kumakatawan sa wikang sinasalita at ginagamit nang pasulat ng mga nasa rehiyon. Samantala, ang isang hindi ko malilimot ay ang Kongreso sa Wika doon sa Bukidnon na dinaluhan ng mga kinatawan ng iba’t ibang pangkat etniko, mulang Luzon hanggang Mindanao, dahil sa pagpupursige ng gaya nina Kom. Lorna Flores at Kom. Purificacion Delima, at ito ang patunay na kung sadyang nagagampanan ng isang ahensiya ang tungkulin nito, magiging boses ang ahensiyang ito para makarating sa kinauukulan ang hinaing ng mga tao mula sa malalayong lalawigan. Makasaysayan ang ginawang kongreso ng KWF noon (saksi si dating Sen. Bam Aquino at ang kinatawan ni Sen. Legarda), na hindi nagawa kahit ng iba pang ahensiya ng gobyernong nangangasiwa sa mga pangkat etniko.
Kaya nagkakaletse-letse ang KWF ay dahil hindi malinaw, sa aking palagay, ang transisyon tungo sa susunod na administrasyon. Nagbabago-bago ang takbo ng programa alinsunod sa maibigan ng tagapangulo at kasama nitong mga komisyoner. Kung walang bisyon ang isang tagapangulo ay madaling higtan; ngunit kung makatwiran ang bisyon ng tagapangulo, dapat itong ipagpatuloy anuman ang kulay ng politikang pinagmumulan ng mamumuno alinsunod sa pangkabuoang plano ng gobyerno. Kung nagkakaroon man ng problema sa kasalukuyang administrasyon, ito ay maaaring nagkulang ang maayos na transisyon mulang administrasyong Almario hanggang administrasyong Casanova, na wari bang maraming nangapunit at nagkapira-pirasong pangyayari o gawain, na kung maayos sanang naipasa sa pangkat ng transisyon ang lahat ay mawawala ang sakit ng ulo ng susunod na administrasyon. Kung salat sa bisyon ang Kalupunan, nagiging kampante ang mga kawani na nanganganak ng medyokridad at katiwalaan na siya namang naipapasa sa iba pang susunod na kawani.
Kung magiging seryoso ang mga kongresista sa imbestigasyon sa KWF, marami silang matutuklasan. Isa na rito na interkonektado ang lahat, sapagkat kung noong nakalipas na panahon ay ginagamit umano ng kung sino-sinong nasa kapangyarihan ang KWF para maisulong ang adyenda nila, ginagamit naman ngayon ng ilang opisyales ng KWF ang iba pang ahensiya ng gobyerno upang maisulong umano ang mahihinuhang mga personal na interes nito. Ang dating maningning na kasaysayan ng KWF ay maaaring tuluyan nang naglaho; ngunit kung sisipatin nang maigi, ang problema ay hindi lamang sa pagpapalit ng mga tao o agawan ng puwesto. Kailangang palitan ang bulok na sistema ng pagdulog sa mga wika dahil hinaharap ng bansa ang mahigit 100 milyong populasyon. Kailangang baguhin ang pag-iisip ng mga kawani na hindi na makasabay sa gawaing pananaliksik pangwika; at ang unyon ng mga kawani nito ay panahon nang matuto para pagsilbihan hindi lamang ang interes ng kapuwa kawani bagkus ang interes ng opisina upang lalong lumago ang mga gawaing pangwika. Kailangang magkaroon ng patuluyan at malawakang programang nakasalig sa isang bisyong tinutumbasan ng badyet para makaagapay sa pandaigdigang pagbabago. Kailangan ang malawakang network mulang kanan hanggang kaliwa, ang tunay na pagbabayanihan, at hindi na sapat ang limitadong koneksiyon ni Tagapangulong Almario na hirap na hirap makakuha ng tangkilik sa ibang sektor sa kung anong dahilan. Hindi sapat na magkaroon ng sangkaterbang titulo bago pumasok sa KWF. Kailangan ang tunay na malasakit sa Filipino at mga wikang katutubo sa Filipinas, may bait at katutubong talino, handa kahit sa mabagsik na pagbabago, walang bagaheng pampolitika ni nahahanggahan ng ideolohiya at personal na interes, ipagpalagay mang mahirap nang matagpuan ang mga ito sa kasalukuyan. Nakapanghihinayang na hindi iilang matatalino, masisipag, at magagaling na pumasok sa KWF ang napilitang umalis dahil hindi masikmura ang lumang kultura sa loob.
Kapiranggot pa lamang ito ng aking dumurupok na gunita, at hindi dapat seryosohin para ilagay sa kasaysayan ng wika. Wala rin akong balak na siraan ang ibang tao, at ang ibinahagi ko rito ay isang karanasan at pagtanaw, na maaari ninyong bawasan o dagdagan o ituwid, upang higit nating maunawaan ang estadong kinatatayuan ng Filipino saanmang panig ng mundo.
