Mga Aklat ng KWF, ni Roberto T. Añonuevo
Roberto T. Añonuevo
Ang isang maliit na ahensiya, gaya ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), ay mapipilitang kumambiyo at lumihis ng daan sa harap ng patuloy na lumalagong populasyon ng Filipinas, na mahigit 100 milyong tao. Ang plano nitong labimpitong aklat na mailathala sa isang taon ay hindi biro, at hindi hamak na marami ito kung ihahambing sa inilalathala ng UP Press at Ateneo de Manila University Press. Kung ipagpapalagay na ang bawat titulo ay may tig-1,000 sipi, magkakaroon ng 17,000 aklat sa bodega ng KWF, at kung ilalagay ang mga ito sa dating bodega ng naturang ahensiya ay napakabigat na puwedeng makaapekto sa estruktura nito. Kapag nadagdagan pa ang naturang bilang at umabot sa kabuoang 45 titulo gaya ng winiwinika ng kasalukuyang Tagapangulo, ang 45,000 aklat na papasanin ng bodega ay higit na maglalagay sa peligro sa katatagan ng gusali, lalo’t lumindol nang malakas-lakas.
Paano makakayang pasanin ng gusaling halos 100 taon ang edad ang bigat ng mga aklat, bukod sa mga kasangkapan, kabinet, at kagamitang naroon? Kung hindi ako nagkakamali, naroon pa sa bodega ng KWF ang iba pang aklat na nalathala noong nakaraang administrasyon sa ilalim ng programang Aklatang Bayan. Peligroso ang ganitong tagpo, at kung sakali’t bumigay ang ikalawang palapag, ang babagsakan nito ay ang dating baraks ng Presidential Security Group. Kung uupa naman ang KWF para maisabodega ang mga aklat, makapagdaragdag ito sa gastusin ng opisina at hindi na kabilang sa orihinal na badyet na isinusumite sa DBM. Ang tanging magagawa ng KWF ay ipakalat agad ang mga aklat, i.e., ibenta sa mababang presyo o ipamigay nang libre, upang makarating sa mga target na mambabasa. Kung hindi, masasayang ang pagod kung maimbak lang ang mga aklat sa bodegang napakadelikado.
Ang paglalathala ng tig-1,000 sipi kada titulo ay napakaliit, sa ganang akin. Ayon sa pinakabagong estadistikang inilabas ng National Library of the Philippines (NLP), may 1,619 ang kabuoang bilang ng mga publikong aklatang kaanib nito sa buong bansa. Kung bibigyan mo ng tig-iisang kopya ang naturang mga aklatan ay kulang na kulang ang inilalathala ng KWF. Bagaman suntok sa buwan, ang KWF ay kinakailangang makapaglimbag ng tig-50,000 sipi kada titulo sa target nitong 45 titulo upang maipalaganap ito sa malalayong lalawigan, at nang magkaroon ng akses ang publiko. Ngunit ang 2.25 milyong sipi ay hindi pa rin sapat, dahil halos dalawang porsiyento lamang ito ng kabuoang populasyon. Ang alternatibo, kung gayon, ay elektronikong paglalathala, na ang lahat ng aklat at iba pang babasahin ay puwedeng i-download nang libre, nang makaabot sa pinakamabilis na paraan sa target na mambabasa. Hindi pa rin ito sapat sapagkat hindi naman mayorya ng populasyon ay may kompiyuter o selfon. Gayunman, malaki ang maitutulong nito sa edukasyon ng mga tao.
Kung gaano kabilis maglimbag ng aklat ay dapat gayon din kabilis magpalaganap nito sa buong kapuluan. Ang Sentro ng Wika at Kultura (SWK) na sangay ng KWF sa mga rehiyon ay malaki ang maitutulong sa pagpapakalat ng karunungan. Ito ang maaaring maging lunsaran para sa distribusyon, at pagtukoy sa mga pook na marapat marating ng mga aklat. Sa ganitong pangyayari, higit na kailangan ang tangkilik ng mga estadong unibersidad at kolehiyo upang makamit ang mithi sapagkat magastos kahit ang pagpapadala ng mga aklat kahit pa sa pamamagitan ng koreo. Maselan ang ganitong trabaho sapagkat kailangan ang mga kabalikat at matatag na network, na tila ba bersiyon ng Angat Buhay ni Leni Robrero. Ano’t anuman, walang kulay ng politika ang pamamahagi ng aklat dahil ito naman talaga ang dapat na maging tungkulin ng gobyerno para matulungan ang mga mamamayan nito. Hindi kinakailangang magbenta ng mga aklat ang KWF sapagkat hindi naman iyon gaya ng pribadong korporasyon. Higit na makabubuti kung ipamimigay nito sa publiko ang mga aklat na inilathala sapagkat pinaglaanan naman iyon ng badyet na hinuhugot sa buwis ng taumbayan. Sa ganitong paraan, maiibsan kahit paano ang lahat ng kirot na idinulot nito sa mga awtor na binansagang subersibo ang mga aklat. Subalit sa panahong ito, hindi na isang batik na matatagurian ang pagiging subersibo ng panitikan kung ang pakahulugan at pahiwatig nito ay umaabot sa tunay na pagpapalaya mula sa kamangmangan at kabulaanan. Gayunman, ang paninirang puri, gaya ng ginawa ng mga sampay-bakod na komentarista ng SMNI, ay sadyang personal, amoy-imburnal, at peligroso, at kung ito man ang katumbas ng kabayanihan ay isang parikalang mabuting pagnilayan.
