Ang Diwa, bilang Ikatatlumpu’t tatlong Aralin, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Diwà, bílang Ikátatlúmpû’t tatlóng Aralín

Roberto T. Añonuevo

Ang éngkuwéntro sa pag-íral ay nagsísimulâ sa loób, kung hindî man kamalayán, at itó ay malayà mong íugnáy sa “damdámin,” “kaisipán,” at “panimdím,” gáya sa winikà ni Iñigo Ed. Regalado, ngúnit sa pagkakátaóng itó ay makápagsísimulâ sa “bálak” na mapapáilálim sa dalúmat ng “diwà.” Ang diwà úpang magíng diwà ay nagsisíkap na magíng tiyák at materyál, samantálang napápanatíli nitó ang puwésto sa isípan at antás na eksístensiyál. Madalî itóng makíta sa pintúra o árkitektúra o pelikúla; ngúnit pagsápit sa músiká at tulâ, ang diwà ay hiníhingîng sumakáy sa gáya ng indáyog, untól, pagtítipíl, kóntrapúnto, hímig, tínis, at ibá pang pamámaraáng matútunghayán lámang sa mga notasyón o prósodyang maáarók ng pandiníg. Tingnán, halimbawà, ang tagâ-sa-panahóng magasinô, na ang kahangà-hangàng halimúyak at yamungmóng ay hindî akalàing dumaán sa pinakámalupít na panahón. Ang punòngkáhoy sa dalisdís, anó’t kay ínam hulíhin ang hulagwáy na nakápahilís kapág takípsílim! Párang hinahábol ang natítiráng liwánag at bumíbigát ang mga dáhon sa malamíg na símoy! Kailángang mágwakás ang ganitóng anyô kapág nakásawâan ng madlâ, kayâ pinabúbuwál ang punôngkáhoy kapalít ng ibá pang punòngkáhoy o éstruktúra bágo ilípat sa ibáng poók. Ang magasinô, kapág tinumbasán ng huklúbang kalantás, ay nagíging balangáy sa guníguní at balangáy sa materyál na mundó, at ang ganitóng pagtátagpô sa diwà ay warìng hinirám mulâ sa isáng Manóbo. Ang ákto at próseso ng tránspormasyón ang mísmong sasakyán mo paláot, at magháhatíd sa iyó sa ibáng lupálop at dimensiyón. Máhalagá kung gayón na bátid ang urì ng punòngkáhoy, na makatátagál sa tubigán, álat, tamílok, ánay, at taliptíp ngúnit hindî ríto nagwáwakás kayâ dápat isaálang-álang kung anó ang íbig mong gawín sa bágay na itó. Pagkaraán, ang punòngkáhoy ay mapípilítang íwan ang pagíging punòngkáhoy—lílimútin ang saríli—úpang gampanán ang ibáng papél o mithî o hunâhunâ, halimbawà, bílang halígi ng báhay o leég ng gitára, ngúnit alinmán ang pilìin ay makáaásang makátútugón nang higít sa dápat asáhan. Hindî mo káyang yapusín nang mag-isá dáhil sa limitasyóng pisikál ang bungéd ng punòngkáhoy na magíging sasakyán mo. Gayunmán, káyang-káya ng diwà mo na ídisényo ang katawán ng káhoy pára sa bágong pakikipágsapalarán. Kapág pinabuwál ang magasinô sa dalisdís, magpápalít itó ng silbí at pangálan, sa áyaw mo’t sa gustó. Ang posíbilidád ng káhoy ay masusúbok sa tistísan at masusúbok sa kamáy ng artesáno. Hindî pa man itó nagbábanyúhay na muwébles ay nagíng muwébles na itó doón sa diwà, káhit ibá pa ang nagsákatupáran túngo sa kaganápan ng kamalayán. Ang kakatwâ ay tátanggihán kung mínsan káhit ang tagurîng muwébles nang máigiít ang kataúhan ng pagíging síning ng éskultúra o karpinteríya. Kung ipagpápalagáy na may katangìang líkidó ang diwà, na máipapáloób sa ibá’t ibáng húgis ng sisidlán, manánatíli ang pagkádiwà nitó alínsúnod sa panlabás na anyô na maáarìng makapágbigáy ng ibá-ibáng pagságap at pagtanáw. Walâng hanggá ang maáabót kung mágsayélo itó o mágsahángin. “Tiningalâ ko ang máyang/ naglálandás sa himpapawíd;/ mulâ noón, pumandáy na akó/ ng metálikóng pakpák/ na káyang humawì ng úlap.”// Ang diwà ay diwà; nagkakátaló lámang kung alíng ésklusíbong damít ang ipasúsuót díto. Sa ganitóng pangyayári, ang nagsúsuót ng damít—na may kapangyaríhang magpátaw at maggiít ng panlása, pamantáyan, at kung anó ang katanggáp-tanggáp—ang nagtátangkâng pangíbabáwan ang diwà. Maáarìng mágtagumpáy ang ganitóng pakanâ sa isáng poók at panahón, ngúnit sasápit at sasápit ang sandalî na magbábalík ang lahát sa pagíging payák—walâng tugmâ at súkat ngúnit may rítmo, dulás, lálim, láwak na pagkilála sa hiwagà ng Salitâ.

Alimbúkad: Epic poetry ideas rocking the world. Photo by The Lazy Artist Gallery on Pexels.com

Ang Pagkagunaw, bilang Ikatatlumpu’t dalawang Aralin, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Pagkagúnaw, bílang Ikátatlúmpû’t dalawáng Aralín

Roberto T. Añonuevo

Maáarìng naísalaysáy na itó ni Solon noóng malasíng siyá sa píling ng kaniyáng músa—makalípas makapáglakbáy sa malalayòng kípot o lupálop; at naisálin sa kaniyáng matálik na kaibígang Dropides, na magsasálin din sa mga anák nitó hanggáng matatapát na kaának, ngúnit pagsápit sa pinakámakulít na kaapú-apúhang si Critias ay durugtungán ang kuwénto hinggíl sa máalamát na poók na ngayón ay inílilíhim na lámang ng mga tangríb, lúmot, taliptíp, at álon. “Maráming kapáhamakán,” wíwikâin ni Critias kay Socrates, “ngúnit pinakámalubhâ ang hatíd ng apóy at túbig!” Dugûán at lupaypáy ang mga salitâ nang pumások sa pándiníg ni Socrates na nag-iíngat noón ng mga gantíng-tanóng nang matiyák ang katotohánan sa Atlántis; at kung hindî man náilahók ni Timaeus sa kaniyáng talâán ang láwak ng salantâ, bukód pa ang mga paglúpig na sinundán ng pagbíhag sa mga káwal úpang gawíng alípin sa pagtátayô ng díke at moóg ay maráhil dáhil na rin sa líhim na kíling ni Platon sa pinápanígang dáloy at diín ng pagkathâ. Ngúnit hindî itó kámukhâ kung anumán ang nakikíta sa Ehipto, áyon pa kay Solon, at hindî pag-áaksayahán ng panahón ng mga kopyadór nina Homer at Hesiod sakalì’t nagtúturò sa mga paslit doón sa Gibraltar. Nagkusà nang lumísan at lumípat sa ibáng pulô ang mga táo; at ang ibáng tumanggíng umalís ay tinanggáp ang kapaláran na magsísimulâ sa lábis na pagkaúhaw gayóng lubóg sa bahâ ang mga kálye sa kabilâ ng mahabàng tág-aráw, hanggáng sa pag-áalagà ng sínat, buláte, at galís na warìng nakakásanáyan ng patpáting katawán. Nagsawà sa matúbig na tanáwin ang mga táo na tíla ba walâ nang pakíalám kung hindî man maligò o magsepílyo. Habàng lumaláon, ang pagkáti ng túbig ay nagíging katumbás ng pribílehiyó at suwérte; ang mga áraw ay dumadáko sa pagsasánay sa pagpapátubò ng hásang at kaliskís. Ang kinálakihán mong pulô ay untî-untîng nalulúnod na hindî máitátatwâ ng métro; sísingháp-singháp ang nakátayákad na aklátan na warìng hindî maáabót ng áhas o ánay; at ang mérkado ng mga pródukto at pananálig ay náidídiktá ng mga salbabída’t bangkâ. Isáng súperbagyó ay sapát na úpang pawìin sa mápa ang mga baláy at bukirín. Mahál mo ang lupàíng iyón, ngunit ang lupàín mo’y tinakpán ng mga dalúyong. Walâ kang báon o muntîng balútan paglíkas; tangìng madádalá mo’y gunità na kung mápadáko man sa Mariláw ay itútulâ ng kahímig ng brúskong tínig ng Pearl Jam. “Sa lupàín ng mga harì,” ibúbulóng sa iyó ng isáng tokáyo ni Critias, “ang pag-áaklás ng mga obréro at anákpáwis ay túngo sa pagpápandáy ng bágong kaayusán at kamalayán!” Madáragdagán pa ang salaysáy na párang pag-uúlit ng kuwénto ni Solon kay Dropides, na tinútuligsâ ang sálinlahì ng mga harì na walâng ginawâ úpang lutasín ang sistémikóng pagbahâ at mga digmâng walâng kapára. Ngúnit bágo pa makapágkuwénto si Dropides sa kaniyáng anák ay púputúlan ng dilà at mga kamáy—alínsúnod sa útos ng kataás-taásan—úpang tuldukán ang alamát ng pagkagúnaw.

Alimbúkad: Epic poetry upheaval across the world. Photo by hitesh choudhary on Pexels.com

Magrepaso ay hindi biro, ni Roberto T. Añonuevo

Magrepaso ay hindi biro

Roberto T. Añonuevo

Nakatutuwa na binalikan ng isang nagngangalang Steno Padilla [Stephen Norries A. Padilla] ang aking aklat na Paghipo sa Matang-Tubig (1993), at waring nakatagpo ako sa wakas ng isang wagas na kritiko. “Matatalas ang imahen sa mga tula ni Roberto Añonuevo sa librong ito,” aniya. “Kitang-kita mo sa isip yung [sic] mga tagpo na nilalatag [sic] niya sa kanyang mga saknong. Malawak din ang kanyang talasalitaan.” Ngunit nagmamadali sa mapanlagom na paraan ang pahayag ni Padilla, at ni walang siniping halimbawa. Pagkaraan, ipapasok niya ang kaniyang pagtanaw na bumabanat: “Iyon nga lang, may mga tula siyang gaya-gaya. Kung mahilig kang magbasa ng tula ng mga Pinoy, mapapansin mo na yung [sic] ibang tula ni Añonuevo e [sic] mimicry lang ng mga tula nina Virgilio Almario, Huseng Batute at Jose Garcia Villa.”

Dito dapat linawin ang konsepto ng panggagaya na ginagawa umano ng isang makata sa mga tula ng ibang makata. Sa panggagaya, ang padrong tula ay maipapalagay na nakaaangat, at ang “gumagaya” ay maipapalagay na nasa mababang antas, na waring dinadakila ang sinusundang padron. Sa ganitong pangyayari, hindi makatatákas ang ipinapalagay na “gumagaya” sa kaniyang “ginagaya.” Ngunit sa isang banda, ang panggagaya ay maaaring sipating isang pakana, na tumatawid sa panghuhuwad sa pabalintunang paraan, at kung gayon ay hindi sapat ang nasabing taguri upang lagumin ang mapangahas na talinghaga—na masisipat na hindi basta pagsunod sa isang “padrong” tula. Kung binasa nang maigi ni Padilla ang aking mga tula, at inihambing sa mga tula ng gaya nina Rio Alma, Jose Corazon de Jesus [Huseng Batute], at Jose Garcia Villa ay mapapansin niya ang himig na mapang-uyam o mapambuska sa panig ng personang nabuo sa loob ng mga tula, ang diyalektikong ugnayan ng mga dalumat, at kung nagkahawig man sa taktika at prosodya ay sinadya iyon upang baligtarin sa mapagpatawa o nakatutuwang paraan ang pagtanaw sa daigdig. Pinagmukhang seryoso ang mga pananaludtod, ngunit ang totoo’y ginagago lamang ang mga bugok o hambog.

Nagmamadali si Padilla, at idaragdag pa: “Hindi naman maiiwasan ang panggagaya lalo pa kung pare-pareho kayo ng mentor. Nagkakamukha na kayo minsan ng estilo at tunog sa pagtula.” Maaaring may bahid ng katotohanan ang winika ni Padilla. Ang ganitong opinyon ay higit na magkakabuto’t lamán kung sisipatin na ang mga bagitong manunulat ay tila may artipisyal na karunungan at hindi kumakawala sa parametro’t paradigma ng kanilang mentor. Kung sisipatin sa ibang anggulo, ang isang mentor ng tula ay nagsisilbing patnubay lamang, halimbawa, kung paano sumulat at bumalangkas ng mga piyesang may tugma’t sukat, ngunit sa bandang huli ay diskarte na ng isang mag-aaral ng tula kung paano niya isasalin sa papel sa malikhaing paraan ang guniguning daigdig na sumilang sa kaniyang utak. Ang mentor ay dapat magtaglay ng pinakamabagsik na puna pagsapit sa palihan, upang matauhan ang isang bagitong manunulat. Si Virgilio S. Almario bilang kritiko at guro ay sadyang napakahusay na dapat kilalanin. Ngunit hindi lahat ng kaniyang mga tinuruan ay naging dakila; ang iba’y nagkusang mapariwara. Ang nagiging dakila lamang na makata ay ang may lakas ng loob na lumihis at lumampas sa itinuturo ng kaniyang guro. Sa ganitong pangyayari, ang ibang mga mag-aaral ng tula na salát sa imahinasyon at talino ay nakatakdang magpailalim lámang sa kani-kanilang guro habang hirap na hirap tumuklas ng sariling tinig bilang pagsunod sa pamantayan. Kung babalikan ang aking aklat, ang titis ng pagsalungat ay mababanaagan doon sa payak na paraan; at ang konstelasyon nito ay higit na mauunawaan kapag sinangguni ang mga sumunod kong aklat ng tula.

“Pero understandable naman sa case ni Añonuevo dahil feeling ko, nagsisimula pa lang s’ya [sic] sa aklat na ito,” wika pa sa pabaklang himig ni Padilla. “Halata naman e. Labo-labo kasi ang tema. Walang isang pinapaksa ang mga tula. Parang potpourri. Pero mahuhusay.” Marahas at mapanlagom ang ganitong puna (na hindi dapat ulitin o tularan ng iba pang nagrerepaso ng aklat), sapagkat hindi isinaalang-alang ni Padilla ang kabuoang balangkas ng aklat. Ang tunay na kritiko ay hindi magsasabing “feeling ko. . .” dahil utak dapat ang pinagagana sa pagsusuri. Kahit bata pa noon ang awtor ng Paghipo sa Matang-Tubig ay may kakaiba na sa testura ng kaniyang pananalinghaga (na maituturing na mapangahas) na hindi matatagpuan sa mga makatang nauna sa kaniya. Mukhang labo-labo lang ang mga tula dahil ang pagkakalatag ng mga tula ay tinipid, at totoong tinipid ang mga pahina at papel. Sa kabila nito, masasalat sa mga tula ang pagtatangkang maglaro sa mga tinig, ang mga tinig na nagsasagutan kung hindi man nagsasalimbayan, na ipinaloob sa mga guniguning tauhan. Isang kaululan kung ituring na ang nasabing mga persona ay siya ring makata na nagsasalita.

Ang mainiping pagbasa ni Padilla ay mapapansin sa sumusunod: “Ang di ko nagustuhan sa aklat na ito ay yung [sic] karumihan n’ya [sic]. Ang dami kasing typo error na mukhang grammatical error na. Nakakasagabal sa pagbabasa at sa pagnamnam ng mensahe ng tula.” Ano uli? Ang daming tipograpikong mali na mukhang sablay sa gramatika? Kung may nasingit man na tipograpikong mali ay hindi totoong napakarami niyon na sapat para makasagabal sa pagnamnam ng “mensahe ng tula.” Ang tula ay hindi basta paghahatid ng mensahe, gaya ng maling akala ni Padilla. Ang tula ay nakasandig sa mga pahiwatig, na ang Punto A ay hindi basta pagdako sa Punto B, sapagkat maaaring lumiko muna sa X,Y,Z bago makarating sa C, kaya ang Punto B ay hindi ang inaakalang mensahe, at ang Punto A ay hindi na magiging Punto A pagsapit sa dulo ng tula. Sa pagitan ng mga punto ay naglalaro ang mga pananaw, pananalig, at pagdama, bukod pa ang kapangyarihan at espasyong-panahon, na hindi kagyat na mahuhuli sa isang iglap lalo kung isasaalang-alang ang kultura, gaya ng nakapanindig-balahibong “Isang takipsilim sa Sagada”:

                    Lukob ng ulap
         Ang bundok; sobrang lamig.
                    Loob ng yungib
         Ay niyanig ng pasyok.
                    Wala nang ibon.

Hindi sa pagbubuhat ng bangkô, ngunit hindi ganito tumula ang mga Balagtasista kung hihiramin ang termino ni Almario. Sa unang malas ay waring naglalarawan lamang ng tagpo ang persona. Kapag ipinasok ang punto de bista sa isang matalas na persona, ang lunan ay nagiging kahindik-hindik, kung isasaalang-alang ang isang sagradong yungib sa Sagada, ang yungib na tila kumakain sa natitirang katinuan ng personang nagpapahiwatig ng pagbangon ng mga kaluluwa na pawang pinukaw ng pasyok at ng nangangatal na dayo kung hindi man panauhin. Ang kakatwa ay ikinubli ang naturang hindik sa panloob na tugmaan, sa hugis ng tula, at sa gansal na sukat ng mga taludtod. Nang dumalo ako sa palihan ng LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo), wala akong nakitang nauna sa akin o kapanabayan ko na ganito kung manalinghaga.

Kahanga-hangang bumasa ng tula itong si Padilla. Pansin nga niya, “Hindi ko rin nagustuhan yung [sic] mga tulang may pagka-homophobic tulad ng ‘Diona kay Diana’ at ‘Limot na gaybar.’” Paanong naging homophobic ang ganitong mga tula? Kapag inilarawan ba ang isang gaybar ay homophobic na ang tula? Kapag inilarawan ba ang isang tauhan ay masasabing homophobic na ang tula? Labis ba ang kargada at kiling ng salitang “bakla” kaya iniwas-iwasang gamitin sa tula? Marahil kailangan nang magpalit ng lente itong si Padilla. Hindi mauunawaan ng gaya ni Padilla ang tinutukoy kong gaybar kung hindi siya nakapaglibot sa buong Maynila noong mga dekada 1980-1990. Ang nasabing gaybar na isang isinaharayang lunan, bagaman may pagkakahawig sa mga ikonikong gaybar ng Maynila noong hindi pa naglilinis ng bakuran si Alfredo Lim, ay hindi ordinaryong pook (na wari’y metaberso sa ngayon) na ituring mang aliwan ay nagmimistulang impiyerno sa paningin ng personang nagsasalaysay:

Limot na gaybar

Gabi. Nagbabato ng usok
ang sigarilyo sa malalanding
ilaw-dagitab ng kuwarto.
Tila nakapakong bisagra
ang isang baklang naghihintay
sa tabi ng malagkit, maitim na hagdan.
Nangangamoy ang sahig ng bulwagan
sa serbesa, tamod, dura, suka.
Sa salamin ng kisame, 
maaaninag ang dalawang katawan
na nagpipingkian sa karimlan,
at ang dalawang ulong bumabasag
sa mga halakhak at tsismisan.
Kinikiliti ng mahahaba’t hubad
na hita ang libog, lungkot, kaba, poot.
Kumakain ng mga salapi’t papuri
ang indayog, ungol, ngiti’t kisapmata.
Tila mga nagliliyab na hiyas
ang iba’t ibang hugis ng matang
nagkukubli sa karimlan: walang imik.
Nagngangalit sa pag-awit ang estereo
nang lumapag sa umuugang mesa
ang dalawang supot ng droga.
Nag-usap ang mga daliri. At lumabas
sa bulsa ang mga ubeng salapi.
Matapos ang inuman at kuwentuhan,
lumisang may sugat sa puwit, dibdib
ang isang makisig na binatilyong
walang pangalan, walang tirahan. 

Ganito ba sumulat ang mga tanyag na baklang makata sa Filipinas noon? Walang naglalakas-loob noon na isiwalat ang ganitong tagpo, sa paraang banayad, payak, at napakalamig ng loob, at hindi mapanuos o linyadong bading gaya sa “Maselang bagay ang sumuso ng burat” ni Nicholas Pichay. Paanong naging homophobic ang ganitong uri ng pananalinghaga? Kahit ang mga kasama ko sa LIRA, at isama na ang mga macho ng GAT (Galian sa Arte at Tula) noon ay hindi ganito tumula. Kung babalikan ang pagdulog ni Padilla, ang tula ay hindi masasabing basta “pagpapahatid ng mensahe” sapagkat ang alamis sa pagitan ng mga salita ay kumakalag sa katinuan ng persona, na hindi maipapalagay na nagsasabi ng kung ano ang tama o mali [o kaya’y kung katanggap-tanggap o hindi] bagkus iniiwan sa mambabasa ang nakaririmarim na tagpong ang kakatwa’y itinuturing na aliwan ng mga bakla at matronang masalapi. Ngunit higit pa rito, mapanlansi at nagkukubli ng bitag ang paglalarawan ng pagmumukha at pagpapamukha ng isang anyo ng aliwan, na ang sex ay hindi basta sex, bagkus waring nasa karnabal na kaugnay ng bulok na sistema ng lipunan, na ang mga mamamayan ay nalulustay, napapabayaan, at nahuhubog sa aparato ng pagdurusta at karukhaan ng mga kalooban, samantalang ang nagmamasid ay unti-unting nababato at nagiging bato ang katauhan sa paglipas ng mga araw.

Isang liksiyon ang ginawang pamumuna ni Padilla sa aking tulang “Pagkilala.” Pinuna niyang, “Niromanticize pa ni Añonuevo ang suicide, at ang graphic ng paglalarawan niya. Nakakaloka.” Wala sa lugar ang kaniyang pagsipi, at hindi nabigyan ng kahit munting pagsipat ang pahiwatig ng personang nagsasalita sa tula. Heto ang buong tula, na hindi ipinakita ni Padilla:

Pagkilala

Noong nagbigti ang aking kaibigan,
Gumuhit sa silid ko ang katahimikan.
At walang mga magulang ni kaanak
Na lumuha sa ritwal ng pagpanaw.
Nakabibingi ang ugong ng halakhak
Ng mga sugarol sa gabi ng lamayan.
At naalaala ko ang mga sandaling
Nagpilit siyang sumulat ng mga tula.
Hindi siya sumikat na manunulat
Ni pinalad na magwagi sa timpalak.
Ngunit tiningala’t iginalang ko siya
Hanggang sa pagpili ng kamatayan:
Gumiwang-giwang siyang medalyon
Na nakasabit sa kisame, nakadila,
Habang nagpupugay ang maiingay
na bangaw.

Paano ni-romanticize ng makata ang pagpapatiwakal [suicide], gaya ng haka ni Padilla? Uulitin ko, ang persona sa tula ay hindi ang makata. Ang persona na nilikha ng makata ay may sariling daigdig, at kung paano tinatanaw ng naturang persona ang daigdig ang magbibigay ng puwang para sa sangkaterbang pahiwatig. Maaaring ang persona ay higit na nakakikilala sa kaniyang kaibigan, at taliwas sa asal ng kaniyang mga magulang at kaanak. Hindi nakita ng naturang mga tao ang itinatagong “galíng” ng nagpatiwakal, at marahil, ibang-iba ang kanilang pananaw sa pananaw ng pumanaw. Ang tahimik na paglalarawan sa nakabigti ay nakayayanig, sapagkat ang nakaririmarim na tagpo ay waring sumisigaw ng “Pakyu! Pakyu, pipol!” Kung sisipatin sa tradisyonal at moralistang pagtanaw, ang pagpapatiwakal ay karapat-dapat tumbasan ng paghamak at apoy ng impiyerno. Kung sisipatin naman sa ibang anggulo, gaya sa mga pananaludtod ni Antonin Artaud, ang pagpapatiwakal ang paraan ng pagbawi ng dangal at kapangyarihang makapagpasiya sa loob ng sarili, ang paglihis sa itinatadhana ng de-kahon at materyalistikong lipunan, ang pagdududa sa mga diyos, at ang mga bangaw na tumatakip sa bangkay ang isang anyo ng damit ng kalupitan, na umuuyam kahit sa mga pinakamalapit na kadugo. Kakatwang mapapansin ni Padilla na hindi nasa malaking titik ang /n/ sa “na” ng huling taludtod. Sinadya ito upang ituring na ang huling taludtod ay kaugnay ng penultimang taludtod.

Totoong bata pa ako nang sinulat ko ang Paghipo sa Matang-Tubig. Ngunit ang kagaspangan (kung kagaspangan mang matatawag) nito ang nagpapaningning sa pananalinghaga, at may pagtatangka nang sumuway sa mga naunang paraan ng pagtula. Hindi rin dapat ikahiya ang ganitong paraan ng pagtula, dahil kahit nagsisimula pa lamang ako noon ay ibang-iba na ang tabas ng aking dila na tinumbasan ng suwail na guniguni kung ihahambing sa aking mga kapanahon. Maipapalagay na isang ehersisyo itong aklat, suntok-sa-hangin at suntok-sa-buwan, na pagkaraan ay napakasinop na itutuwid sa mga aklat kong Pagsiping sa Lupain (2000), Liyab sa Alaala (2004), at Alimpuyo sa Takipsilim (2012).

Ang totoo’y lampas na ako sa mga palihan, at hindi gaya ng ibang iyakin at halos magpásagasà sa tren kapag pinuna nang todo ang mga obra. Hindi na ako natatakot pa sa anumang banat sa aking mga tula. Hindi ako ang mga sinulat kong tula. Hindi personal at mapagkumpisal ang aking mga tula, sapagkat sa oras na lumikha ng persona ang isang makata sa loob ng kaniyang tula, ang personang ito ay walang pakialam kung anuman ang estado ng makata at iyon dapat ang manaig. Nagkakaroon ng sariling búhay (at identidad) ang persona at nagkakaroon ng sariling daigdig, at kung sakali’t mabigo ang isang makata sa kaniyang pagsasaharaya, maaaring kulang ang kaniyang mga “teknikong kahandaan” sa pagtula kung hihiramin ang dila ni Cirilo F. Bautista. Gayunman, ibang usapan na ito, na dapat matutuhan ng isang babakla-baklang kritikastro na gaya at kauri ni Steno Padilla.

Alimbúkad: Epic poetry rant against mediocrity. Photo by cottonbro on Pexels.com