Tagapamagitan, ni Roberto T. Añonuevo

Tagápamagítan

Roberto T. Añonuevo

Nakahápay ang estátwa, warìng sumísigáw
doón sa kabilâng pampáng.
	        Ngúnit mulâ sa kinatátayûán mo,
ang estátwa ay hindî estátwa bagkús
talísay—tagilíd na lumulútang sa lamíg at úlap,
warìng sísingháp-singháp ang mga dáhon—
o itó ang paníniwalà mo 
sa kabilâ ng ágam-ágam na yapós-yapós ka.

Náriníg sa isáng latîán ang alingawngáw 
ng paghingî ng salbabída 
at pahimakás.
Maragsâng tinangáy ng mga álon
ang ináasáhang katagâ 
at bangás na batóng luklúkan.
Lumíkas kung saán ang mga háyop at táo,
ni hindî lumílingón at hindî mapígil,
úpang unáhan ang nabubûang na bagyó
at hamákin ang libíngan.

Pinílit mong tumindíg díto sa iyóng pampáng;
umiíkot ang palígid na kung hindî sumásayáw
ay lasíng na lasíng 
                                     sa tikatík ng ulán.
Lilipád iláng sandalî pa ang mga yéro at halígi
habàng kumákatál
ang bundók sa hagunót at sípol ng buhawì.
Walâ kang bangkâ o sinaúnang taytáy.
Ang pagítan mo
sa daigdíg ay napakaláwak ngúnit hanggitnâ
pára isáhimpapawíd sa rádyo;
pára ka ngayóng rébultong pinágpalàng 
gumaláw ang mithî
dáhil sa pangárap na túlong mulâ sa ibáyo

na mahírap bagáng máunawàan dáhil naligáw
kung saán ang mga sugò at anúnsiyó
sa kung anóng katwíran—
ang ekídistánsiyá ng sukdól at mga tanóng
pára sa kahulugáng laán sa sapantahàng
madlâ na wikà mo’y iyó 
                                               at áarók sa iyó. 

Higít kailanmán ang silbí ng tagápamagítan:
ang tagápamagitán sa estátwa at talísay,
ang tagápamagítan sa magkabilâng pampáng,
ang tagápamagítan sa pagsagíp,
ang tagápamagítan sa pagságap ng tingín,
ang paningín mong íbig iparatíng sa ákin.

Walâ akóng pakíalám kung itó ang marmól, 
salapî, kartón, pelíkulá, sex, líham 
o kung itó ang Potemkin ng isáng Putin,
bastá humíhingá at ang kapangyaríhan
ay nása iyóng pálad at pasiyá. 
Ang makíta mo’y maáarìng másalát din
ng bulág—
ang nilaláng mong kay hírap mang sakyán
ay kusàng lumílikhâ ng kahulugán
o sabíhin nang páhiwátig 
na hindî man totoó’y sadyâng paníniwalâan,
túlad ng umuúrong na hukbó
                                    sa kung saáng larángan.
Alimbúkad: Epic poetry meditation beyond Filipinas. Photo by Sami Aksu on Pexels.com

Walang hanggahang posibilidad ng pagtula, ni Roberto T. Añonuevo

Mahirap mang paniwalaan, ang tula ang pinakamatayog na imbensiyon ng tao, na makaraang likhain ay naggigiit ng sariling kalayaan mula sa maylikha nito nang patuloy na makairal sa isang panahon o iba’t ibang panahon. Kailangan ang teknolohikong pagdulog upang mabuo ito—humuhugot ngunit nanghihimasok sa nakaraan, nagbabantayog bagaman waring humahamak sa kasalukuyan, humahamig gayong sumusugal sa hinaharap—na ang mga piyesa ay piling-pili, kalkulado bukod sa kargado ang hiwatig, at paglabas sa talyer ng mga wika at sining ay magiging ehemplo sa bakbakan ng mga kamalayan, damdamin, at kaisipan pagsapit sa papel o pag-imbulog sa himpapawid. Sa ganitong pagtanaw, ang tula ay kailangang magsuot ng isanlibo’t isang pagbabalatkayo, na magsisimula sa anyo hanggang tinig hanggang kislot, titig, at pananalig, na malaos man sa isang yugto ng kasaysayan ay muli’t muling isisilang sa ibang panulat, bibig, at kilusan, magpapahilom ng sariling sugat saka magpapahaba ng angking mga ugat. Kailangan ang malikhaing pagsisinungaling, na lumalampas sa pagsandig sa pagiging totoo ng isang pangyayari o bagay upang itampok ang posibilidad ng pagiging makatotohanan nito na maituturing na kapani-paniwala kahit sabihin pang kathang-isip lamang na sininop sa kung saang bodega ng mga karanasan. Maaaring ganito rin ang maging pagsusuri sa álattalà (2020) ni Phillip Yerro Kimpo at Mulligan (2016) ni Marchiesal Bustamante. Ang una’y nagbubunyag ng walang hanggang posibilidad ng iba’t ibang damit na mapagsisidlan ng pananalinghaga; at ang ikalawa’y waring nagkukubli ng hulagway sa kasinupan ng pananaludtod na matalas ang taglay na talinghaga. Ang dalawang koleksiyon ay patunay kung bakit hindi maikakahon ang tula sa sinaunang pakahulugan o pagkilala, at kung paano nagsasanib ang sining at agham sa pagtula na lumilikha ng bagong wika at pag-iral. Totoo, kulang ang isang tagay para sa dalawang makata.

álattalà (2020) Koleksiyon ng mga tula ni Philipp Yerro Kimpo.

Mulligan (2016) Koleksiyon ng mga tula ni Marchiesal Bustamante.