Ang Panahon, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Panahon

Roberto T. Añonuevo

Kapag sineryoso ang tula at ginawang bokasyon ang pagkadakila, ang lahat ay kahon, at sa loob nito ay aspile, hamburger, kondom, wiski, bag, kuwaderno, sertipiko, bungo, at kulimbat ng mga digmaan. Ang salabat ay parang naglalasang sapot at agiw, at naiiwan sa lalamunan ang gaya ng langaw, eroplano, asido, peninsula, at tipaklong. Seryosohin pa ang bawat taludtod, at uusok ang kusina sa sikmura dahil tumitihaya ang kotse at tangke, tumitilapon ang mga mata at bayag, sumisirit ang ihi at misil, habang tinitira ng mga batang hamog ang pangulong pusakalye, ibinibitin sa eyre o nilulublob sa imburnal, pinaiindak sa tiktok, at duguang tumatawa ang makinilya na tinitipa ng eskisofrenikong baboy. Anak ng puta, ang langit ay pisara na ang nakasulat ay listahan ng mga niligpit na papeles at brodkaster. Anak ng tupa, ang impiyerno ay kebab ngunit ang masugid na alagad ay sabik sa pamatay-gutom at sukang Paombong. Walang lalim, ngunit nakapailalim sa bantas, at ididikta ng basketbol, tokhang, at heometriya ang dapat na kahulugan, halimbawa, kung paano lumiko nang bigla, lumundag sa mga bitag, kusang magpatihulog ngunit tumataas, sumasalpok ang kahihiyan ng mga paa, gusali at barko, iisipin ang lamán, ang lohika ng kababalaghan, tsubibo kumbaga sa bangketa, tinatahak ang kabilang-buhay at kanto ng lagim, at nangangarap ng pinagtambal na megalungsod at isla de pataranta. Ang totoo’y hindi tumátamâ, at sa kabila ng taimtim na tarpolin sa plasa, nasasaad: Magbago! Mag-isip nang tuwid at tumpak! Umangkla sa publiko! Habang lumalaon, mauupos sa pandinig ang mga inaakalang palakpak at kung marinig man ang pakakak ay sapagkat naghahapunan ang mga negosyante at heneral. Seryosohin muli ang tula, at ang mga saknong ay sukdol ng kilometrahe, nangangarap ng kapangyarihan gayong baog ang tuktok at bulok ang tuhod, o ito ang tadhana ng pikadilyo, radilyo, pasilyo. Marami kang kaululan at para magkasaysay ay magpipilit magpakabait na parang nagkukumpisal sa palihan, pinong-pino gayong berde ang kaluluwa, magsusuot ng Barong Tagalog, iteterno sa Converse, iisipin ang bersikulo tres, doble diyes, itatalpak sa E-sabong, o kung hindi’y ipagpapalit ang kaluluwa sa kriptopiso sa loob at labas ng metaberso ng mga materyal at narciso ng narkotiko. Kapag sineryoso ang tula, habang tomotoma, ang Khaos ay kalyos, kalyo na tinapyas, maginhawa o ito ang nakahahawa, subalit magpapatuloy ka, tumutugma na parang kalahok sa batelrap, kumakaway na pare at epal, umiirap ngunit nakangisi, at maririnig mo ang mga subterraneang batis na itinatago ng sahig, kumokonekta sa adobeng pader, umuugang mga bahay, at kumakaripas na bubuwit sa basurahan. Magsasalubong ang iyong kilay, at masasalubong ang pilosopong kumakausap sa hangin, at sasabihin sa iyo: Ang tula ay diksiyonaryo ng lamlam, landi, ligalig, lason. Magtatanong ka pa sana, ngunit iniwan ka sa pansitan, saka mo tatanggapin na hindi ka talaga makata at lalong hindi isang tula, gaya nito, na karapat-dapat yakapin, hagkan, pagpugayan sa Republika ng Ewan.

Alimbúkad: Epic poetry rant in search of meaning. Photo by Pixabay on Pexels.com