Ikalimampu’t tatlong Aralin: Ang Pagbagay, ni Roberto T. Añonuevo

Ikálimámpû’t tatlóng Aralín: Ang Pagbágay

Roberto T. Añonuevo

Bágay na hindî maitátatwâ ng bágay ang kátotohánang warìng binilí itó bílang sukà, ngúnit ang bumilí ay náligáw sa kung saáng eskiníta, o dinúkot sakâ tinangáy ng kung sínong masamâng loób úpang dalhín at pigâín sa líhim na himpílan, at sagipín man ng alagád ng batás sa átas ng tungkúlin ay masásawì sa bandáng hulí sa kung anóng katwíran, halímbawà, sa lindól o súnog o kayâ’y mabúbundól ng humáhagibís na motorsíklong kamóte kung umastá. Ang bumilí (o higít na tumpák, ang pinabilí) ng sukà, pag-uwî nitó sa kaniyáng baháy, ay hindî na sukà ang dalá bagkús ang gastádong saríli o amóy-sukàng bangkáy na ang náyon o lungsód ay nakápaloób sa isáng bóte na kung malaglág at mabásag man kung saán ay mapápalitán ng pílat sa gunitâ o ng dî-ináasáhang luwálhatì dúlot ng sukdúlang kamalayán ng mga nangulilà na pinurgá sa awà at hilakbót.

Maáarìng nása sukà ang susì nang lúminamnám ang adóbo o sinigáng, o kayâ’y nang makálangóy sa pinaghálong ásim-angháng ang taníging kíkilawín. Isáng sangkáp iyón na kapág iníhalò sa ibá pang sangkáp ay makápagbíbigáy ng lugód nang higít sa katumbás nitóng salapî. Hindî magágampanán ng sukà ang tungkúlin nitó, gáya ng sawsáwan, pára sa isang hapúnan ng pamílya; at ang gútom ay manínigíd sa gitnâ ng pananabík at pagkábigông matamó ang kasiyáhan sa pagsasálo. Lilípas ang sandalî at lilípas ang gútom, at ang sukà bílang bágay ay umaásim lalò sápagkát kaugnáy ng isáng útos o pangángailángan, bukód sa perpéktong permentasyón ng katás mulâ sa niyóg o sasâ. May lása ito na pumúpuwérsa ng kung anóng kahulugán, at nakápanlílibák sa pagmámalabís kung ipagpápalagáy na ang nagtangkâng bumilí nitó ay nasawì nang dapùan ng kamalásan.

Ang taúhang bumilí o pinábilì ng sukà ay hindí ba naglakbáy din mulâng Rhine hanggáng Leipzig, ngúnit kataká-takáng ang mga labî ay áagúsin túngong Ílog Pásig?

Lumílingón sa nakalípas, ang bágay ay tahímik na nalulúsaw sa isáng igláp kapág nagwikàng makabágo samantálang tumátanggíng makalumà. Máhalagá ang estádo ng bágay sa kasalukúyan kahit kisápmatá ang silbí; naturál lámang na manimbáng itó sa hináharáp o libakín ang anumáng bátik ng nakalípas kung nakasásawà. Ang kasaysáyan ng bágay ay pánandalî ngúnit kasímbilís ng lintík; at dáhil isá ring dalúmat o panukalà ang pagkabágay—na mapabúbulàánan kung hindî man mapápalitán—ang lahát ay may posibilidád na magíng mákatotohánan, gáya sa panulâáng Tagálog, at máipápalagáy na puwédeng paniwalâan kahit pánsamantalá, gaáno man kálimitádo ang bokabuláryo ng pakikipágsapalarán. Ang diwà ng bágay ay nása kapangyaríhan nitóng tumbasán ng robótikóng kalansáy ang mga multó at kaluluwá; kúsang pakislutín ang baldádo at manhíd o tinágin ang makákapál, matátangkád na padér; at ibalík sa pandamá ang pag-uliníg na mailáp sa taingá, ang pagtítig na nagtátaksíl sa matá, ang paglangháp na iníingúsan ng ilóng, ang paglása na tinátanggihán ng dilà, ang paghipò na iniwásan ng kamáy sa pangambáng magkásalà’t lumabág sa kabutíhang-asal na itinakdâ ng estádo.

Masánay sa matamís ay nakasúsuyà rin, gáya ng nakasúsuyà ang sóbrang ásim na timplá sa nilúlutò o kinákanáw. “Ang bágay sa iyó ay bágay sa ákin,” wíwikàin ng pilósopo, “bákit hindî, gáya ng ang bágay sa iyó ay hindî bágay sa ákin, o hindî bágay sa iyó ang bágay sa ákin.” Bumabágay ang bágay sa alinmáng naísin dáhil may pangángailángan sa ngayón alinsúnod sa pagtanáw at máipapátaw díto ang balangkás ng pananálig nang hindî máipagpápabúkas pa. May sumaságap namán díto at sumusúka nitó pagkaraáng máitalâ, na ang isáng bágay ay hindî bastá bágay lámang o kímikóng reaksiyón dáhil may kákayaháng maglarô itó at magpabálik-bálik sa aspéktong materyál at selestiyál. Ikáw, bílang tulâ, ay isá ring bágay—sumisíkat úpang magíng artefákto pagláon. Na hindî man patók at mabilí sa madlâ sa habàng panahón (sanhî man ng nagbabágong sensíbilidád) ay bumabágay sa lahát dáhil nagbíbigáy at bumíbigáy, at ibigáy man nang líbre ay kay hírap sakyán, túlad ng batàng pinabilí ng sukà doón sa gusgúsing tindáhan ngúnit nabigông makábalík pa sa kaniyáng dampâng pinánggalíngan.

Alimbúkad: Epic contemplative poetry in search of humanity. Photo by Nikola Pavlau010dkovu00e1 on Pexels.com

Ikalimampu’t dalawang Aralin: Ang Kawing, ni Roberto T. Añonuevo

Ikálimámpû’t dalawáng Aralín: Ang Káwing

Roberto T. Añonuevo

Magbúbukás at magsásará ang agtás na warìng paningín, at doón ay makíkilála ang páikíd na ugnáyang walâng hanggán. Ang únang hakbáng, sabíhin nang may báhid ng pagbábantulót o panínimbáng, ay magsúsumpíng sa mga súsunód na yugtô o hakbáng, na tíla pagháhanáp ng kabuluhán o katwíran sa anyô ng mga tandâ o watáwat kung ang pinapások ay isá ngâng gúbat o kayâ’y libíngan o paláisipán. Kung ikáw ang tulâ, sásaiyó ang konsépto ng pilipít na sampáyan o henétikong kadéna, ang proyékto ng kápitbahayán o báyanihán, magtátakdâ ng matitíbay na káwad o taytáy dahil kinákailángan kung íbig umíral, magninílay sa mga batóng pátong-pátong nang makábuô ng napakáhabàng moóg o pasíkot-síkot na súrang, na ang wakás ay destinasyón ng lunggatî o panagínip sa padrón ng mga kúlay o úlap. Agtás din maráhil ang nása pusò ni Dante o Rumi, ang agtás na malíkmatá sa pánig ni Don Quixote, ang agtás na bungangà ng mga láson, bómba, at sibát—na kapág nálampasán ay warìng pagkátuklás ng baúl-baúl na aláhas na ibinaón ng buhángin at inilíhim ng mga álon sa mahabàng panahón. Sápagkát kailángan ang sérye ng mga hakbáng o hulagwáy, na hiníhingî sa tárget na sekwénsiya ng mga talinghagà nang gumána ang ibá’t ibáng bahagì ng láwas, kung íbig paníndigán na mayroón kang sinasábi káhit walâ, na mayroóng dápat usisàin at tiyakín na warìng pagháhanáp ng muhón sa mápang itínakdâ. Sa payák na pagdulóg, maáarìng itó ang masínop at episyénteng kolaborasyón ng mga sangkáp na laán sa résiping inimbénto ng batikáng barísta at kusinéro; ang aplikasyón ng pagtítimplá ng mga tunóg ng sarì-sarìng instruménto nang makábuô ng kagilá-gilalás na simpónikang orkésta. Ngúnit hindî sapát itó. Ang pagtátagnî ng mga diwàin at kaisipán ay maáarìng mágpanukalà ng salá-salabát na taltálan o kabulàánan, isáng abstráktong pintúra nang mapílit ang útak na humánap ng masásandaláng puwésto o kahulugán, at kung gayón ngâ, ang pagtítig ay humíhingî ng subhetíbong tagápagláwag pára sa estétikang maggígiít ng saríli. Sa ganitóng pangyayári, maglálakád kang sabóg na sabóg gayóng ni hindî lumaklák ng lambanóg o humithít ng damó, at maglálarô sa guníguní ang digmàan ng mga salitâ, na pawàng maglúlundágan nang lampás sa kaní-kaniyáng teritóryo túngo sa samsára, paúlit-úlit pumúpukól at sumásaló ng anumáng bágay na ikinákabít bagamán hindî limitádo sa gáya ng líbog, tákot, poót. Káhit ang kapulûán ay nagháhanáp ng ugnáyan, hindî sa anyô ng mga lupàín bagkús sa maitátakdâ ng karagatán o trápikó sa hímpapawíd. Mag-íngat. Kapág nagtaksíl ang mga matá, ang agtás na iyóng pápasúkin ay simulâ ng pagkáwalâ ng kamúsmusán. Magbábasá ka sa pamámagítan ng ilóng; sásalatín mo ang mga pasaríng o paramdám sa pamámagítan ng robótikong kamáy; lúlunukín ang mga tayútay at sayúsay hanggáng malúsaw ang baít na hindî na máibábalík pa sa dáti; at pakíkinggán ang saríli—sa áyaw mo’t sa gustó— sa paraáng sádomasokístang alimúom at singáw.

Alimbúkad: Epic poetry tsunami breaking barriers. Photo by cottonbro studio on Pexels.com

Ikalimampu’t isang Aralin: Ang Pagnanasa

Ikálimampû’t isáng Aralín: Ang Pagnánasà

Roberto T. Añonuevo

Tangìng si Rita Hayworth lámang maráhil ang makasásayáw sa kataúhan ni Salomé—alinsúnod sa pagpápaláwig sa balangkás ng koreograpíya ni Alla Nazimova—ang nuknúkan ng alindóg, ang baláning nakabábalíw, ngunit sa malayòng dalámpasígan ay sasáliw ang tunóg ng álon at malamíg na símoy habàng idinudúyan sa kamuslakán si Gina Alajar bílang isá pang Salomé. Si Salomé na isang idéa, si Salomé na ideál, si Salomé bilang realidád, si Salomé bilang guníguní ay isá ring tulâ mulâ sa sámot na salaysáy sa haráp ni Heródes, na ang pagnánasà ay walâng kinaláman sa búngang-túlog bagkús sa sinikíl na líbog at umúrong na bayág, na kung tútuusín ay isinásadulâ paúlit-úlit mulâng kaharìán hanggáng umpúkan ng mga dukhâ. Si Salomé bílang guníguní ang magtátakda ng mga panúto ng pagtuklás sa sarili at paglálahád ng ibá-ibáng bersiyón ng kátotohánan, na ang replikasyón ay pugót na úlo ng isáng propéta kung hindî man bangkáy ng masúgid na manlilígaw, at maúuwî sa pagkábigô at panlúlumò dáhil sa huwád na pangakò at pagtátaksíl. Ang reproduksiyón ng kátotohánan ay nása pagtingín ng mga saksí anumán ang kaniláng kasarìán o estádo sa búhay, sa pamamagítan man ng tsísmis o pagdáragdág ng detálye sa pahayág. Hindî máhalagá ang púsod na pinágmulân ni Salomé; bagkús ang proséso kung paáno siyá umiíral gáya ng tulâ at kung bákit ang kaniyang pag-íral ay patúloy na ipinápalagáy na kátumbás ng isáng serbísyong makatítigháw sa pagkaúhaw sa lamán at pagnánasà; o kung bákit sinásang-ayúnan at pinalúlusót nang tahímik ang kaniyáng pánlipúnang katangìan sa pamámagítan lámang ng anyô ng prodúktong katumbás ng ginháwa at kaligtásan. Lílikhâín maráhil pagkáraán ng iyóng harayà si Salome Salvi bílang alíngawngáw na tulâ, sa mga gabíng naghíhintáy ng maínit na yákap at nakapápasòng halík na hindí kailánmán matátamó kundî sa panagínip, sa mga sandalîng ang awtoridád at moralidád ay inúutúsan ka kung paáno kumílos o dumamá túlad ng babáe, o kung paáno makipágniíg o humaráp sa babáe. Kailángan ng kápayapàán at kaligtásan káhit sa pagnánasàng nása anyô ng ritwál at hubád na kátotohánan, túlad ng pagbábalík sa isáng pangálan na laksâ ang páhiwátig at háyop kung umíbig.

Alimbúkad: Epic love poetry without restrictions. Photo by vishnudeep dixit on Pexels.com

Ikalimampung Aralin: Ang Pangalan, ni Roberto T. Añonuevo

Ikalimampung Aralin: Ang Pangalan

Roberto T. Añonuevo

Tumaas marahil ang kilay ni Narciso Claveria noong marinig kay Mama Monchang na ang mga pangalan ay hindi basta kaugnay ng kulay, opisyo o kasarian, o kaya’y nakabatay sa kodigo ng uring panlipunan, na maisisilid sa dekreto para pagbukurin ang mga bayan. Ngunit hindi noon naniwala ang butihing Gobernador Heneral sa adelantadong payo dahil ibig na niyang maisaayos ang katalogo ng mga palayaw at apelyido. Nagpatawag pa siya ng pulong kung bakit dumarami ang rehistro ng “Tomas Morayta,” “Purita Mirasol,” Tommy Abuel,” “Maita Luchi,” “Karen Carpenter,” at “Mickey Mouse,” samantalang iilan lamang ang katunog ng “Nina Ricci,” “Bonita Zobel,” “Carina Afable,” at “Rica Peralejo.” Mahaba ang paliwanag ng kaniyang mga kawani, parang pinaghalong Regine Velasquez at Maricel Soriano. Sa labis na inis, ipinag-utos niya kay Nora Daza na ilabas sa kusina ang luto ng diyos.

Ngunit dumating bigla si Luz Valdez sa anyo ng bagyo-at-dilim na hindi niya ibig makita. Pinatay na lamang ni Claveria si Tom Jones sa himig ni Lucresia Kasilag sapagkat hindi niya mapalulusot ang Indios Bravos. Itinindig niya ang pulong na waring Jackie Lou Blanco, kung hindi man kapartido ni Kring Kring Gonzales, at nilisan ang bahay na bato. Kutob niya’y kikindatan siya ni Pocahontas pagsapit sa parian, at handang umismid bilang tugon sa mga bagong saltang G. Toengi sapagkat ayaw na ayaw makasalubong ang banda ni Chaka Khan at barkada ni Melanie Marquez sa munisipyo. Nadarama niya sa singit si Janet Arnaiz; pagdaka’y maiisip si Jinggoy Estrada doon sa batis ni Jolina Magdangal. Pakiwari niya’y siya si Aga Muhlach, ngunit dahil may puso ni Celeste Legaspi ay magkakasiya na lamang makipag-usap sa komiks ni Charlie Brown. Papasok sa kaniyang guniguni si Carlos Miguel o Vina Morales; at bagaman bantulot na marinig si Julie Yap Daza ay hahamakin ang lahat ng Anne Curtis, masunod lamang ang kutis Bella Flores, sapagkat oras iyon ni Gabby Concepcion. Ito ang panahon ni Imelda Marcos, wika ni Claveria. Totoo, hindi dapat mangamba sa mga Michelle Bayle o Metring David o Carmi Martin kung ang kapalit ay Harrison Plaza.

Mula noon, hindi na muling narinig pa ang butihing Gobernador Heneral, sanhi marahil ng isang Flash Elorde o Manny Pacquiao na kabuntot ang mga alagad nina Lolit Solis at Cristy Fermin. Malalaos ang mga pangalan, gaya ng “Pining,” “Vangie,” at “Aida,” at ililimbag ang bagong direktoryo ng mga taguri, ngunit mananatili ang tesis ni Mama Monchang sa balangkas ng pananampalataya ni Facifica Falayfay.

Alimbukad: Epic contemplative poetry in search of humanity. Photo by RODNAE Productions on Pexels.com

Ikaapatnapu’t siyam na Aralin: Ang Pormula, ni Roberto T. Añonuevo

Ikaápatnapû’t siyám na Aralín: Ang Pórmulá

Roberto T. Añonuevo

Tutubíng-kalabáw, Vimána, o kayâ’y anghél na sugò ng kaitaásan ang ilán lámang sa maáarìng magíng lunsáran ng balangkás ng pananámpalatáya. Ang lahát ng língid sa kaaláman ay kailángang magkábutó’t lamán, magkápórmulá gáya sa matemátika at díksiyonáryo, máglandás sa kung saán-saán, sakâ lunásan ang anumáng hindî káyang ipáliwánag ng lastág na lóhika. Kapág ipináloób pa ang diyós sa balangkás ng pananámpalatáya nang may basbás ng estádo, ang tulâ bílang diyós ay sísikáping ípadrón sa isáng tésis na títingalâín ng mga debóto’t peregríno, sinúlat man itó ni John Milton o Benigno Ramos. Ang balangkás ng pananámpalatáya ay hindî lílikhâín ng diyós (bagamán malayàng isípin iyán, gáya ng mákapangyaríhang tínig sa Paraíso, at maáanggihán ng pinaníniwalâan sa kung anóng paraán o lupâíng pinágmulâng may angkíng kasaysáyan). Ang balangkás ng pananámpalatáya ay lílikhâín ng mga mortál na nílaláng na nagháhagiláp ng sángkurót na mápangháhawákang dátos o mapanínindigáng katwíran sa ngálan ng pananákop, pakikipágsabwátan o paglúpig sa kaáway. Totoó, ang diyós ay maáarìng mapágbanyúhay sa pamámagítan ng alingawngáw at pagpápaláwig, sa anyô man ng mga ikónikong rebúlto ng santó at magágaràng simbáhan pára sa kapakanán ng komunidád o isáng kapisánan; o kayâ’y sa reduksiyón at pagtítipíl, gáya sa mga dasál o pagtátanghál ng móro-móro at tránsubstansiyón; ngúnit ang estruktúra ng pagkábathalà ay hindî bastá magígibâ bagamán maáarìng lapastangánin o pánghimasúkan. Gaáno man karámi ang pangálan ng diyós ay lálapátan itó ng pagkilála, paggálang at pagsunód—bátay sa dî-matitínag na balangkás, hanggáng ang tésis ng paglikhâ, pagpápalà, paghúhukóm o kung anó mang hakbánging dibíno’t elementál ay magíng túlad ng tinápay at álak— na talinghagàng pápaloób din at makabúbusog sa kataúhan, gáya sa pag-íbig ni Andres Bonifacio sa kaniyáng Tinubùang Báyan. Súsubúkin ang natúrang tésis alinsúnod sa nakámulátang balangkás—ang pagtátamó ng últimong ginháwa at pagsagíp mulâ sa kamangmangán bukód sa pagpapágalíng ng sakít. Pagdáka, ang tulâ ay hindî makáiíwas umíral na bangkáy sa maláo’t madalî, ibubúro sa kinathâng máwsoleo at kahón úpang madalîng máunawàan at matandâán ng madlâ. Habàng tumátagál at lumaláwak ang gahúm dúlot ng establisádong ritwál, gáya sa mga áwit at korído, ang tulâ bílang diyós ay “magkakásúgat sa salitâ,” wikà ngâ ni C.F. Bautista; at kung ang balangkás na itó ay hindî na sapát sa tinagurìang pagkádiyós na halígi ng panánalig, sanhî ng pagkakátaóng dumupók na ang pagíging kapaní-paniwalà nitó o kayâ’y ang pagkámakátotohánan ay kadúda-dúda o mapabúbulàánan bukód sa salát sa umanidád o lumábis ang pagkábaryótikó, idagdág pang naglahò ang angkíng estétikong silbí sa pánig ng tagaságap nitó, púpusyáw ang paníniwalà hanggáng ganáp na máwalâ at magíng rélikya na lámang ang mga témplo at aklátan ng mga dasál, himalâ, at ritwál. Maáarìng lumikhâ ng bágong balangkás ng pananámpalatáya, bákit hindî, gáya ng maáarìng umimbénto ng bágong pangínoóng tulâ; ngúnit ang tésis sa pagkádiyós at kaugnay nitong ínmortalidád ay maáarìng maglarô na lámang sa diwà makalípas isatáo itó’t ipáloób sa pagkatáo, at hindî bastá materyál na gawâ. Ang táo na sinaníban ng tulâ ay hindî na ang dáting táo; siyá ay isá na ring tulâ. Ang salitâng iniluwál ng táo, ang salitâng nagíng tulâ, ay nagíging diyós kapág binigkás o isinúlat sápagkát hindî na itó nása hángin lámang o isinúka nang walâng kamuwáng-muwáng. Sa mákapangyaríhang diwà, ang salitâng suplíng ng malikót na guníguní o maálab na kamalayán ay maáarìng hamúnin nang paúlit-úlit ang pagkádiyós ng Pangínoón-at-Maykapál sa anyô man ng kakatwâng damít o pihíkang panlása o másalimuót na pagdulóg na walâng hanggáhan ang espásyo at panahón, nang mápanatíli ang kabanálan ng tulâ—mukhâ man itóng gusgúsing bakwét, ulilàng migránte, o paláboy na walâng pasapórte sa ipuípo ng karimlán.

Alimbúkad: Epic explosive poetry rocking the world. Photo by Dziana Hasanbekava on Pexels.com

Ikaapatnapu’t walong Aralin: Ang Pananampalataya, ni Roberto T. Añonuevo

Ikaápatnapû’t walóng Aralín: Ang Pananámpalatáya

Roberto T. Añonuevo

Kapág tumawíd sa bálag-ng-alangánin ang balangkás ng pananámpalatáya, gáya sa krísis na katumbás ng pag-aágaw-búhay ni Magallanes sa dugûáng baybáyin, at ikáw namán sa isáng pánig ay sumúbok makípagsápalarán sa daigdíg ng panitikán sa pagnanáis na makáligtás sa gusót, kailángang baklasín at mulîng ikabít ang diwà sa mga salitâ, paglarûán ang espásyo at panahón, angkupán ng pagbábanyúhay ang mga dalúmat, hamúnin nang paúlit-úlit ang salígan ng mga pahayág, úpang ang diyós, sa bandáng hulí, ay magíng tulâ. Itó ang tínig na áalingawngáw sa pandiníg mo, samantálang kaúsap ang uhúging kámukhâ ni Slavoj Žižek at tíla ka bagítong naglálayág sa maunós na karagatán—ni hindî marúnong bumása ng dalawámpû’t ápat na talampád  at gumámit ng mápa o paralúman—at kung tawágin man ang saríli na makatà’y umaása sa Diyós at tinítingalâng Talàng Maliwánag. Itó rin kayâ ang nása útak ni Juan de Padilla habàng nagsúsunóg ng kílay sa paghálaw sa mga sagrádong aklát, at úulítin nang higít na maluwág at may elaborasyón ni Gaspar Aquino de Belen sa pasyóng Tagálog na gumámit din ng apókripa’t tradisyón? Wináwakasán ng mga hulà ng mga propéta ang posibilidád ng diyós na nágkatawáng-táo bílang tagapágligtás, at hindî lámang kumpirmasyón ng kababâáng-loób ng kalangitán; ikáw, túlad ng ibá pang mortál na manlálakbáy, ay lúlunukín nang nakápikít ang tadhanàng nakáugát ka sa orihinál na bátik ng kataúhan, o sabíhin nang may pinsalà o kakulangán noóng úna pa man, ngúnit hindî ba ang pag-íral ay isá nang kaganápan, kung ang pag-íral ay katumbás ng paghingá, paglakí, at pagpáparámi? Nag-íisíp ka dáhil umiíral, at baligtarín man ang pahayág ay isáng ehersísyo na nagháhanáp ng tuldók sa paradígma ng pananálig. Hindî sólong áangkinín ni Aquino de Belen ang karangálang malalágom ang kasaysáyan ng paglíligtás sa sángkataúhan sa hálos sanlíbong saknóng; ngúnit ang kaniyáng mga áral na hindî man kasímbigát ng krus at korónang tiník ay pagtátangkâng gawíng mortál ang diyós sa anyô ng alpabéto at gramátika ng pagsunód—“ang pangínoón náting tulâ.” Ang tulâ ay hindî tulâ kung walâng pagtátaksíl, pagpápahírap, at pagpatáy na panghíhimások sa panulâáng Español at pagdambanà sa panulâáng Tagálog; at ang bangkáy na nakíta ng isáng Románong káwal ay tátalám ang hiwagà kung hindî mabubúhay mulî sa anyô man ng páhimíg na pagsámpalatáya sa mga salitâ. Itó ang itúturò sa iyó ng libíngan; itó ang  sásagáping hiwátig ng panángis na inilílipád ng hángin túngo sa dinustâng báyan; itó ang pagmúmunìng bábalík-balikán sa mga dî-ináasáhang daráting, nakíkiníg ka man ng músika mulâ sa Basílika ng Sta. Cecilia, o nagsúsulát sa sahíg ng Témplo ni Namagíri.

Alimbúkad: Epic poetry meditation across the world. Photo by Julia Volk on Pexels.com