Ikalimampung Aralin: Ang Pangalan, ni Roberto T. Añonuevo

Ikalimampung Aralin: Ang Pangalan

Roberto T. Añonuevo

Tumaas marahil ang kilay ni Narciso Claveria noong marinig kay Mama Monchang na ang mga pangalan ay hindi basta kaugnay ng kulay, opisyo o kasarian, o kaya’y nakabatay sa kodigo ng uring panlipunan, na maisisilid sa dekreto para pagbukurin ang mga bayan. Ngunit hindi noon naniwala ang butihing Gobernador Heneral sa adelantadong payo dahil ibig na niyang maisaayos ang katalogo ng mga palayaw at apelyido. Nagpatawag pa siya ng pulong kung bakit dumarami ang rehistro ng “Tomas Morayta,” “Purita Mirasol,” Tommy Abuel,” “Maita Luchi,” “Karen Carpenter,” at “Mickey Mouse,” samantalang iilan lamang ang katunog ng “Nina Ricci,” “Bonita Zobel,” “Carina Afable,” at “Rica Peralejo.” Mahaba ang paliwanag ng kaniyang mga kawani, parang pinaghalong Regine Velasquez at Maricel Soriano. Sa labis na inis, ipinag-utos niya kay Nora Daza na ilabas sa kusina ang luto ng diyos.

Ngunit dumating bigla si Luz Valdez sa anyo ng bagyo-at-dilim na hindi niya ibig makita. Pinatay na lamang ni Claveria si Tom Jones sa himig ni Lucresia Kasilag sapagkat hindi niya mapalulusot ang Indios Bravos. Itinindig niya ang pulong na waring Jackie Lou Blanco, kung hindi man kapartido ni Kring Kring Gonzales, at nilisan ang bahay na bato. Kutob niya’y kikindatan siya ni Pocahontas pagsapit sa parian, at handang umismid bilang tugon sa mga bagong saltang G. Toengi sapagkat ayaw na ayaw makasalubong ang banda ni Chaka Khan at barkada ni Melanie Marquez sa munisipyo. Nadarama niya sa singit si Janet Arnaiz; pagdaka’y maiisip si Jinggoy Estrada doon sa batis ni Jolina Magdangal. Pakiwari niya’y siya si Aga Muhlach, ngunit dahil may puso ni Celeste Legaspi ay magkakasiya na lamang makipag-usap sa komiks ni Charlie Brown. Papasok sa kaniyang guniguni si Carlos Miguel o Vina Morales; at bagaman bantulot na marinig si Julie Yap Daza ay hahamakin ang lahat ng Anne Curtis, masunod lamang ang kutis Bella Flores, sapagkat oras iyon ni Gabby Concepcion. Ito ang panahon ni Imelda Marcos, wika ni Claveria. Totoo, hindi dapat mangamba sa mga Michelle Bayle o Metring David o Carmi Martin kung ang kapalit ay Harrison Plaza.

Mula noon, hindi na muling narinig pa ang butihing Gobernador Heneral, sanhi marahil ng isang Flash Elorde o Manny Pacquiao na kabuntot ang mga alagad nina Lolit Solis at Cristy Fermin. Malalaos ang mga pangalan, gaya ng “Pining,” “Vangie,” at “Aida,” at ililimbag ang bagong direktoryo ng mga taguri, ngunit mananatili ang tesis ni Mama Monchang sa balangkas ng pananampalataya ni Facifica Falayfay.

Alimbukad: Epic contemplative poetry in search of humanity. Photo by RODNAE Productions on Pexels.com
Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.