Pawikan, ni Roberto T. Añonuevo

 Pawikan
 
 Roberto T. Añonuevo
  
 Pahiram ng puso
 nang mapalitan ang palyado
 kong puso.
 Lumalangoy, lumulutang ang panahon 
 ngunit dibdib mo’y nananatiling
 artsibo ng mga barko at pulô——
 hindi mamatáy-matáy,
 sagupain man ang daluyong
 o habulin ng mga taliptip.
 Pahiram ng puso
 na dukutin man ng kumatay
 sa iyo at minsang paglaruan
 ay pumipitlag pa rin sa palad
 at tila sumisigaw ng kalayaan.
 Pahiram ng puso
 ngunit ilihim ang luha sa asin.
 Marami akong dapat ibigin
 bilang destiyero sa laot ng dilim. 
Alimbúkad: Poetry freedom, freedom poetry. Photo by Belle Co on Pexels.com

Sentrong Pamilihan, ni Tendai Kayeruza

Salin ng “Shopping Centre,” ni Tendai Kayeruza ng Zimbabwe
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Sentrong Pamilihan

 Nakasusulások ang panghi ng mga ihì
 sa likod ng mga tindahan ng alak;
 gabundok ang talaksan ng basura sa likod
 ng mga puwesto sa palengke,
 habang abala sa suki ang mga tindera.
 Isang bungangera ang bumuga ng mura
 sa isang lasenggo na sakál-sakál ang bote 
 ng serbesa at nakalaylay sa mga labi nito
 ang halos maupos na sigarilyo,
 ngunit ni hindi ito makaganti ng salita.
 Sabik na pumalibot ang mga bata sa lasing,
 at ang iba’y pabirong pumukol ng bato.
  
 Malapit sa tabi ng siraulo’y may kung sinong
 abalang-abala sa trabaho, habang nililikom 
 ang mga upos ng sigarilyo at hungkag na lata.
 Mag-ingat sa kaniyang walang habas na salita
 na puwedeng lumabas sa bibig niyang kakatwa.
 Doon sa sulok, lumitaw ang mga wáis kong ate,
 na hapít na hapít ang kahanga-hangang damít,
 kumekembot at pinaaalon ang mga puwit
 na pinalakpakan ng mga lalaking nag-iinuman,
 nang-uudyok ang mga titig
 na handang magpatomà at mag-ihaw ng karne.
  
 Mga kapatid ko’y paikot na nakaupo lahat
 sa abandonadong terminal ng bus,
 hali-haliling tumatagay ng bawal na serbesa
 mula sa marurungis na basurahan,
 samantalang nakikipagsugal 
 at paldo-paldo ang perang nakalatag sa sahig.
 Hindi ko alam kung saan nila kinuha iyon,
 gayong lahat naman sila ay tatambay-tambay.
  
 Tumawid ako. 
Alimbúkad: Hungry young poetry in search of humanity. Photo by Pixabay on Pexels.com

Ang Bayabas, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Bayabas

Roberto T. Añonuevo

Ano ang nakita niya sa akin na hindi makikita sa iba?” Ito ang tanong ng bunga ng bayabas, nang minsang humilatâ ang isang binatà at lumílim sa yamungmóng ng mga dahon. Maaaring ang lalaki’y si Juan, at supling nina Fabio at Sofia, ngunit hindi mahalaga kung sino siya. Siya na nakahigâ, nakatítig, nakangangá ang marahil nag-iisip sa kaganapan ng punò o batas ng gravedad; ang nagninilay sa bilóg na bilóg, hinóg na hinóg na sukdulang pag-íral; ang nagugútom at tatangá-tangá ngunit humaharap sa pinakamapait na parusa ng uod at kaliwanagan. “Ang kaniyang bungangà ay sinlalim ng walang hanggang dilim,” sambit ng bayabas. “Ang kaniyang mga mata ay sumasalamin sa akin para mapigtal sa tangkáy at sumanib sa bituka o lupain. Hindi ako sintatág ng tagâ-sa-panahong bodhi, at ni walang budhî, para sa sinumang tumitingala sa akin. Gayunman, siya na titíg na titíg sa akin ay wala nang ibang nakikita, walang ibang naririnig, walang ibang nadarama, kundi ako na nakabitin, at sasayáw-sayáw sa himig ng hangin. Kung siya ang aking kamalayan, kung siya ang aking kapalaran, hindi ko ba pipiliing pumaloob sa kaniyang katawan, at maging bahagi ng kaniyang katauhan?”

Alimbúkad: World-class poetry within your reach. Photo by Adrian Lang on Pexels.com

Antibak, ni Roberto T. Añonuevo

Antibak
  
Roberto T. Añonuevo

 :
 :
 S
 Si
 Si
 Si
 Sin
 Sino
 Sino ba
 Sinibak
 Sino bak
 Sin, o bak?
 Sino bakla
 Sin! O bak!
 Si, no vac!
 Si, on back!
 Zino vackhla
 Zino babakli
 Zino titibak
 Zino babakbak
 Zino babakuna
 Zino babakulaw
 Zino bak kik ba
 Zino kik Vak va
 Si! Sisi, sisi! si
 Vi! Veerus! Viktori!
 No! O, Nono, No! No!
 Bá! Ba? Babâ! Bababà!
 Ku! Ku! Kuku! Kukurakot!
 Go! Go, Bak! Agogo! Go bak! 
 Bakla, bakli, bakuna, sino vac-
 Lah, sino ang bakunadong babagsak? 
Alimbúkad: Uncontrollable poetry beyond margins. Photo by Nataliya Vaitkevich on Pexels.com

Ang Banyaga, ni Roberto T. Añonuevo

 Ang Banyaga

 Roberto T. Añonuevo

 Sampung libong wika ang dumaan
 sa aking dila,
 bawat isa’y bantayog ng lupain
 o hukay na napakalalim.
 At nang minsang masalubong ko 
 ang pugad ng mga hantik
 ay kinagat ako ng mga lintik.
 Tumakbo ako, at bumanggâ 
 sa teritoryo ng mga putakti.
 Napamulagat ako.
 Ibig kong tumakas subalit binigo
 ng namimitig na binti.
 Wala akong nagawa 
 kundi pumikit at humalukipkip.
 At tinanggap ko nang maluwag 
 ang lastag na kamangmangan
 sa wika ng simoy at katahimikan,
 habang tumitikatik at nagpuputik
 ang daigdig. 
Alimbúkad: Poetry silence. Poetry excellence. Photo by Kirsten Bu00fchne on Pexels.com

Pag-usapan natin ang bagay na ito, ni Hafiz

Salin ng tula ni Hafiz [Shams-ud-din Muhammad Hafiz] ng Iran
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo, batay sa halaw sa Ingles ni Daniel Ladinsky
  
 Pag-usapan natin ang bagay na ito
  
 May isang Marikit na Nilalang 
 na namumuhay sa guwáng na hinukay mo.
  
 Kayâ tuwing sasapit ang gabi,
 naghahandog ako ng mga prutas at butil
 at mumunting palayok ng alak at gatas
 sa tabi ng iyong tumpok ng lúad,
  
 sakâ magpapakawala ng aking awit.
  
 Ngunit aking sinta,
 ayaw mong dumungaw man lang sa bútas.
  
 Nahulog ang aking loob sa isang Tao
 na nagkukubli sa kaloob-looban mo.
  
 Dapat pag-usapan natin ang bagay na ito.
  
 At kung hindi magkakagayon,
 babantayan kita rito sa habang panahon. 
Alimbúkad: Timeless poetry for humanity. Photo by Dany Teschl on Pexels.com

Ulo, ni Roberto T. Añonuevo

 Ulo
  
 Roberto T. Añonuevo
  
 Nauuna kang lumabas 
 sa mundo, 
 at kapag nahanginan 
 ay tumitigas ang buto,
 umaangas na wagas,
 para ipagmagara
 ang utak
 na pagdating ng araw
 ay itatawag sa iyo
 sa dami ng mga balak.
 Maaaring taglay mo
 ang bumbunan
 na paliparan ng lamok;
 ang buhok
 na kung hindi pintado
 ng bahaghari
 ay pugad ng ahas;
 ang kambal na puyó
 na sirkito ng simbuyó;
 ang malapad na noo
 na kaiinggitan ng tanga;
 at ang mukha
 na kapilas ng maskara
 upang ilihim
 ang lalim at budhi.
 Magsisilang ka
 ng mga sinag o sungay
 gaya ng higanteng busto,
 bibiruing kulót o unát
 sa ngalan ng uri,
 mag-iiwi ng mga planeta
 ng gunita o kamalayan,
 at putungan man
 ng gintong lawrel o tinik
 ay korona pa rin
 ng iyong dunong o bait
 sa kabila ng pagtataksil
 ng matatapat na kaibigan.
 Tatawagin kang sira
 para kutusán
 kung ayaw maging utusán,
 o para hugasan ka
 sa likás na kasalanan.
 At kapag sinuway mo
 ang utos ng pangulo,
 magtataka ba kami
 sa tadhana ng palakol
 o tinitingalang bibitayan?
 Pugutan ka
 at lalo kang darami;
 barilin ka sa pilipisan
 at mauutas ang salarin;
 at kung sakali’t tistisin
 ay magpapasikat ka pa
 ng mga doktor at bayani.
 Manggugulo ka
 sa ngalan ng bayan
 o dahil sa kasintahan,
 ngunit mauuntog
 sakâ matatauhan——
 na taliwas 
 sa kakambal mo
 sa ibaba
 na pumipintog lalo
 kapag ginagalit 
 o ibig na manloob.
 Hampasin ng tubo
 sa harap ng publiko
 ay wala sa iyo
 kung sintigas ng bato——
 habang ang mga saksi
 ay panatag na naghihinguto.
Alimbúkad: Poetry energy, poetry soul. Photo by cottonbro on Pexels.com

Wally’s Blues, ni Roberto T. Añonuevo

 Wally’s Blues
 (Paumanhin kay WG)
  
 Roberto T. Añonuevo
  
 Nilalagnat ang huklubang lungsod, at ngayong gabi
 ay hinihila ng mga anino ang mga pangalang
 binaklas at tinastas sa mga bilbord at ospital,
 at kumakalas sa diskurso ng simbahan at motel.
 Humihishis ang siyansi at gasera ng tindera,
 at napakatumal kung bibili ng isang kausap.
 Sinisinok ang makina ng pagal na dyip at katawan,
 tumitiktok ang gusgusing musmos na amoy-alak,
 at ako na hinahanap mo
 ay naghahanap ng trabaho’t kabalbalan,
 sa krosword ng pulis, tekas, at mukhang adik,
 kumakain ng mga titik at sasaluhin kahit lintik
 sa pusod ng tag-araw,
 sapagkat ito, ito ang mundong bumabaligtad
 ang pang-unawa.
  
 Wala akong alam na politika, walang alam 
 ang sikmura kundi maghanap ng pamatay-gutom
 at pamatay-lungkot, at hindi ba ito
 ang rotunda na iniikot-ikot para sabihing
 may silbi ang umaasang imburnal at pusali
 samantalang hinihintay ang tag-ulan,
 may kahulugan ang mga gusali, 
 na dati’y siksik, liglig, umaapaw 
 ngunit ngayon ay hungkag at simbigat ng ampaw?
 Ang mga bangketa, na dating pinaghalong perya
 at palengke, ay sinlamig ng mga nitso——
 tuliro, lutáng, nakanganga——
 na waring kakainin ka para sabihing, 
 “Halika, nagugutom ako!”
 Kay linis ng lungsod, at nawawala ako
 o narito ako at walang-wala ang mundo.
  
 Nagugutom kahit ang bangketa
 sa ngalan ng kuwarentena, at nananabik
 sa mga kaluluwa ng empleado’t emperatris,
 sa mga isinusukang estudyante’t propesor,
 sa molino ng kutsero’t kuwentong kutsara.
 Sinasamyo dati ang pares o mami o kape,
 habang nagpapaypay ng lumang diyaryo
 ang pagod na mag-inang kay sipag maglako,
 nagsusunog ng baga sa nagyoyosing kotse,
 upang pagsapit ng hatinggabi
 ay maging maluwag na dormitoryo ng palaboy
 at puta ang sementadong kalye, 
 magpapaubaya sa mga bagitong marinong 
 sumasandal sa pag-asa at pagsakay sa barko
 habang rumoronda ang mga lamok, at inaantok
 ang namumuwalang mga trak ng basura.
  
 Kung ito ang unibersidad, 
 ito ang imperyal, pontinpiko, at selestiyal
 na utak, ang nanamnamin ko sa plasa
 ng mga baligtad na pangarap, 
 ang laberinto ng aklatan at pagsisikap,
 para sa bayan
 para sa hangal
 na gaya kong
 umaasa para mapaghilom ang sugat sa puso
 at guniguni, 
 nang matagpuan ang kamalayan
 nang higit sa paggising at paghinga,
 nang higit sa ulat ng pangulo’t panaderya.
 Nananatiling nakapirmi ngunit kumakawag
 ang kalooban, sino ako 
 para ambunan ng mga tinapay o ayuda?
 Kahit sino'y aayaw sa sopistikadong buwakaw,
 sasalatin ang kabuluhan sa mga poster
 at poste ng ilaw,
 uusisain kung iyon ba ang katumbas 
 ng politiko na simple kung mangulimbat
 na parang nagparetrato nang nakahubad,
 sasagutin ang sulat sa pader at tatanggapin
 ang kubeta sa likod o tadyang ng bantayog,
 na kumikindat sa iyo, o kumikindat sa akin,
 at nagbubunyag ng pagkatiwalag
 sa Bagumbayan, para sa lahat at para sa isang
 gaya kong iiling kahit sa salitang “mahál.”
Alimbúkad: Imageless poetry, ageless poetry. Photo by Ferdie Balean on Pexels.com

Wika ng Impostor ni Daedalus mula Myanmar, ni Roberto T. Añonuevo

 Wika ng Impostor ni Daedalus mula Myanmar
 
 Roberto T. Añonuevo

 Iharang ang pader ng milyong sundalo,
 Itutok ang baril, sindakin ang mundo;
 Pigiling lumakad ang galít na plakard,
 Dakpin ang sumuway sa huntang mataas.
 Ikulong ang bawat politikong pulpol
 Na handang magwika ng mga pagtutol.
 Itutok ang kanyon sa mga pantalan,
 Barko’y palubugin kung ito’y kaaway.
 Negosyo ng dayo’y ipahintong bigla,
 Kung makikialam sa kawsa ng madla.
 Radyo’t telebisyon ay pilit kamkamin
 Kung ayaw ihinto ang ulat ng lagim.
 Taglay man ni Minos ang lakas at ngitngit
 Hindi niya hawak ang lawak ng langit! 
Alimbúkad: Poetry solidarity for humanity. Photo by Boris Ulzibat on Pexels.com