“Másalimuót na súrang ang kasalukúyan,” wíwikàin sa iyó ng inhinyéro ng mga wikà; at ikáw bílang tulâ ay pagníniláyan ang ináasáhang ikatlóng matá ng liwánag sa pinilìng destinasyón. Maglálandás ka na káhawíg ng pinagtambal na kutséro at hinéte ngúnit mabíbigô sa kapaná-panabík na biyáhe dáhil hiníhikà ang kabáyo; o kayâ’y binanggâ mo ang mga dambuhalà na ang totoó’y palapà ng molíno; manánagínip ka na lámang na túlad ng patáy na sapà at lumàng póso négro úpang magpalusót na malíkmatá ang lahát at salamángka ng tadhanà. Bumábará ang pámbihiràng kombinasyón ng mga buhók, múmo, at sébo sa warì mo’y alkantarílya na isá ring daigdíg at dánas, at ikáw na tinítimbáng na artefákto ng kabihasnán ay handâng tumigás na padér sa maláo’t madalî kasáma ng dî-ináasáhang basúra, búrak, at buhángin sa máalamát na imburnál at realidád. Itó maráhil ang ngayón ng iyóng pagmámahál sa mithîng músa; itó ang ngayón ng lahát ng nagtítiís sa umaápaw na túbig sa labábo at tumatágas na túbig mulâ sa sahíg o padér. Itó ang ngayón na sásalaksakín nang paúlit-úlit sa táwag ng pangángailángan; o híhigúpin sakâ isusúka mulî ng kung anóng makína na tumátanggíng lumingón sa nakaraáng kapabayàán at pagmámalabís sa kusinà at pagpípigíng ng mga konosedór. Itó ang ngayón ng pagkákaláwang ng kamalayán at pagsísikíp sa dinaraánan ng étiká at pananálig; pagnánasáhan na lámang ang kinabukásan na kung tawágin ay ginháwa o éxtasis. Itó ang ngayón ng paghintô; o higít na tumpák, ang paghintô ng ngayón na isá ring íperrealidád. Ang kasalimuótan ay isáng pangárap-at-gusót. Ang súrang ay isá nang libíngan. At ang kasalukúyan ay tátanawíng umáalunigníg na palakpák at paswít mulâ sa mga tubéro—na tinatáwag namán ng isáng arkitékto ng mga talinghagà pára sa bágong misyón at húkay.
Alimbúkad: Epic poetry tunnel meditation across the world. Photo by Harrison Haines on Pexels.com
Ang éngkuwéntro sa pag-íral ay nagsísimulâ sa loób, kung hindî man kamalayán, at itó ay malayà mong íugnáy sa “damdámin,” “kaisipán,” at “panimdím,” gáya sa winikà ni Iñigo Ed. Regalado, ngúnit sa pagkakátaóng itó ay makápagsísimulâ sa “bálak” na mapapáilálim sa dalúmat ng “diwà.” Ang diwà úpang magíng diwà ay nagsisíkap na magíng tiyák at materyál, samantálang napápanatíli nitó ang puwésto sa isípan at antás na eksístensiyál. Madalî itóng makíta sa pintúra o árkitektúra o pelikúla; ngúnit pagsápit sa músiká at tulâ, ang diwà ay hiníhingîng sumakáy sa gáya ng indáyog, untól, pagtítipíl, kóntrapúnto, hímig, tínis, at ibá pang pamámaraáng matútunghayán lámang sa mga notasyón o prósodyang maáarók ng pandiníg. Tingnán, halimbawà, ang tagâ-sa-panahóng magasinô, na ang kahangà-hangàng halimúyak at yamungmóng ay hindî akalàing dumaán sa pinakámalupít na panahón. Ang punòngkáhoy sa dalisdís, anó’t kay ínam hulíhin ang hulagwáy na nakápahilís kapág takípsílim! Párang hinahábol ang natítiráng liwánag at bumíbigát ang mga dáhon sa malamíg na símoy! Kailángang mágwakás ang ganitóng anyô kapág nakásawâan ng madlâ, kayâ pinabúbuwál ang punôngkáhoy kapalít ng ibá pang punòngkáhoy o éstruktúra bágo ilípat sa ibáng poók. Ang magasinô, kapág tinumbasán ng huklúbang kalantás, ay nagíging balangáy sa guníguní at balangáy sa materyál na mundó, at ang ganitóng pagtátagpô sa diwà ay warìng hinirám mulâ sa isáng Manóbo. Ang ákto at próseso ng tránspormasyón ang mísmong sasakyán mo paláot, at magháhatíd sa iyó sa ibáng lupálop at dimensiyón. Máhalagá kung gayón na bátid ang urì ng punòngkáhoy, na makatátagál sa tubigán, álat, tamílok, ánay, at taliptíp ngúnit hindî ríto nagwáwakás kayâ dápat isaálang-álang kung anó ang íbig mong gawín sa bágay na itó. Pagkaraán, ang punòngkáhoy ay mapípilítang íwan ang pagíging punòngkáhoy—lílimútin ang saríli—úpang gampanán ang ibáng papél o mithî o hunâhunâ, halimbawà, bílang halígi ng báhay o leég ng gitára, ngúnit alinmán ang pilìin ay makáaásang makátútugón nang higít sa dápat asáhan. Hindî mo káyang yapusín nang mag-isá dáhil sa limitasyóng pisikál ang bungéd ng punòngkáhoy na magíging sasakyán mo. Gayunmán, káyang-káya ng diwà mo na ídisényo ang katawán ng káhoy pára sa bágong pakikipágsapalarán. Kapág pinabuwál ang magasinô sa dalisdís, magpápalít itó ng silbí at pangálan, sa áyaw mo’t sa gustó. Ang posíbilidád ng káhoy ay masusúbok sa tistísan at masusúbok sa kamáy ng artesáno. Hindî pa man itó nagbábanyúhay na muwébles ay nagíng muwébles na itó doón sa diwà, káhit ibá pa ang nagsákatupáran túngo sa kaganápan ng kamalayán. Ang kakatwâ ay tátanggihán kung mínsan káhit ang tagurîng muwébles nang máigiít ang kataúhan ng pagíging síning ng éskultúra o karpinteríya. Kung ipagpápalagáy na may katangìang líkidó ang diwà, na máipapáloób sa ibá’t ibáng húgis ng sisidlán, manánatíli ang pagkádiwà nitó alínsúnod sa panlabás na anyô na maáarìng makapágbigáy ng ibá-ibáng pagságap at pagtanáw. Walâng hanggá ang maáabót kung mágsayélo itó o mágsahángin. “Tiningalâ ko ang máyang/ naglálandás sa himpapawíd;/ mulâ noón, pumandáy na akó/ ng metálikóng pakpák/ na káyang humawì ng úlap.”// Ang diwà ay diwà; nagkakátaló lámang kung alíng ésklusíbong damít ang ipasúsuót díto. Sa ganitóng pangyayári, ang nagsúsuót ng damít—na may kapangyaríhang magpátaw at maggiít ng panlása, pamantáyan, at kung anó ang katanggáp-tanggáp—ang nagtátangkâng pangíbabáwan ang diwà. Maáarìng mágtagumpáy ang ganitóng pakanâ sa isáng poók at panahón, ngúnit sasápit at sasápit ang sandalî na magbábalík ang lahát sa pagíging payák—walâng tugmâ at súkat ngúnit may rítmo, dulás, lálim, láwak na pagkilála sa hiwagà ng Salitâ.
Alimbúkad: Epic poetry ideas rocking the world. Photo by The Lazy Artist Gallery on Pexels.com
Aghamístiká[1], bílang Ikádalawámpu’t siyám na Aralín
Roberto T. Añonuevo
Ang lalaking naglalakad sa loob ng isip ang lalaking nakaupo at nagbabasa ng peryodiko sa malamig na kuwarto ngunit ang lalaking ito ang lalaki ring nagsusulat ng batas at nagpapatupad ng batas sa malayong lupalop gayunman ay hindi uso sa kaniya ang huminto dahil hindi uso sa kaniya ang bantas o kudlit na paglabag sa gramatika ng awtoridad at palaugnayan ng sawimpalad na walang pakialam sa sugnay na katunog ng bugnay na ang mahalaga ay sumasayaw ang mga titik na umiimbento ng indayog gayong nagpapakana ng kubling pakahulugan o pahiwatig o sabihin nang ito ang totoo ang totoo na parang totoo na hindi totoo na realidad sa realidad at iperrealidad ng hilaga sa realidad ng timog na realidad ng kanlurang realidad ng silangang gumagawa ng pelikula na pelikulang walang istorya na isang kababalaghan ay ay ay patawarin ay patuwarin paano siya mauunawaan kung ang kasalukuyan niya ang nakaraan kung ang nakaraan niya ang hinaharap kung ang kasalukuyan ang hinaharap at nakalipas na magpapanukala ng karunungang artipisyal na lilikha sa iyo at maniniwala ka sa patuluyang wika na patuloy na pagsasalita na may papel man ay tumatangging pumapel o gumamit ng papel sapagkat ito ang pinakamadali sapagkat ito ang mabilis maunawaan na ang tanong ay ginagaya si Roque Ferriols na nagkakanulo kay Ferriols na nagkukunwang Ferriols subalit hindi masagot kung mahalaga ba ang maunawaan ay hindi mahalaga dahil totoong wala kang mambabasa walang babasa sa iyo kundi ang puso ang puso mo sa pinggan ang puso ng saging na kung minsan ay pusong mamon ang sustansiyang isusubo ngunguyain lulunukin walang pakialam sa paligid walang pakialam sa impiyerno o langit sapagkat muling nagbabalik ang naglalakad sa loob ng isip na lalaking nakaupo at nagbabasa ng peryodiko sa malamig na kabaong baliw na baliw sa kapangahasan ito ang bago ito ang gago ito ang makabago ay ay ay wiwikain mo ikaw ang lalaking ito walang hanggan walang pakialam sapagkat ito ang kapangyarihan ang paggigiit na semyotika ng alanganin hungkag at sumasanto lamang sa kawalan kalawang kawala kawal kawa kawkaw ka nang kaka ng Wala Ala Lala la la aaa ikaw ba ito o ito ako ang itatanong mo para sa akin ngunit sadyang para sa iyo para sa iyo iyo iyo
[1] Ginamit dito ang salitang “aghamistika” (na mula sa tinipil na “aghám” at “místiká”) bílang panumbás sa isáng anyô ng íperrealidád.
Alimbúkad: Epic poetry insanity breaking the rules. Photo by GEORGE DESIPRIS on Pexels.com
“Warìng bantulót lumipád ang mga tiguláng na íbon, at kung úmimbulóg man ay hindî kalayùan, lálapág pagdáka sa lupà at matúling tátakbó kung saán. . . .” Makalípas mong pasadáhan ang talâ sa mánwal ay párang kumatók sa iyóng gunitâ ang tabón mulâ Romblón—abuhíng-bugháw ang tuktók, nakásuót bagá ng manipís na abuhíng kuwintás, kayumanggî ang mga balahíbo sa itaás na bahagì ng katawán samantálang matingkád na abuhíng-bugháw ang páng-ilálim, matigás ang diláw na tukâ, at kung tumítig ba’y kayumanggîng balakbák. “Ang maiitím nitóng paá at kukó,” isusúlat mo pa na pára bang pagsalungát kiná Bourns at Worcester, “ang humúkay ng lupà at umusóg sa bató na magbúbunyág ng matarík na yungíb na tíla nása sukdól ng paghikáb paharáp sa nilúlubugán ng áraw; at ang loób—na paborítong kubéta ng mga panikì sa napakáhabàng panahón—ay may batóng dúlang, mga palayók, abrám, galáng, sibát, at sangkatérbang maliliít na kalansáy. . . .” Anó kung itó ay nakíta rin sa Bantáyan o Basílan o Fúga o Marinduque o Sámar, at ni walâng pagkakáibá sa habà ng pakpák o lápad ng buntót na dumaán sa siyentípikóng pagsúsurì? Itátalâ mo pa ang húgis o komposisyón ng púgad, na kung nagkátaóng may mga itlóg at sísiw, ay súsukátin ang lakí o timbáng, at títiyakín kung iyón ay malinamnám, gáya ng náriníg mo sa huntáhan ng mga lasénggo sa pundúhan. “Ang íbong mababà ang lipád ay humáhagibís kung tumakbó!” at ang nása ísip mo, bagamán walâng pinasásaringán, ay gágamítin ng sinúmang barúbal kung mangúsap, palálawígin sa institusyón at pápatáwan ng kapangyaríhan, na magíging lehítimóng tsísmis ng sinaúnang kabihasnán, ngúnit pagkaraán ay súsuháyan ng nagsúsuwágang saliksík at patúnay, úpang magbalík sa iyó pagkathâ mulî ng isáng Lupàng Hinírang.
Alimbúkad: Epic silent poetry challenging the world. Photo by Artem Mizyuk on Pexels.com
Ang tulâ, ang tulâ mulâ sa báyan, sabíhin mang nilikhâ ng anónimong makatà, ay maítutúring na ipinálagánap sa báyan pára págsilbihán ang báyan, at pára angkinín ng báyan sa bandáng hulí. “Lundáy kong aánod-ánod,/ piniháw ng bálakláot/ kayâ lámang napanólot/ nang humíhip yaríng tímog.// Hindî maísusúlat ang ganitóng katalísik at sopístikádong dalít kung hindî lagalág at mapágmasíd ang nagsásalitâ sa loób ng tulâ, na marúnong ilugár ng taúhan ang kaniyáng saríli sa isáng ánggulo, kung saán nadáramá niyá ang hilagà-kanlúrang símoy na maáarìng bumúbugá gáya sa Zambales, La Union, Pangasinan, Ilocos Norte at Sur, at siyáng maitátangì sa hilagà-silángang símoy na higít na kilalá bílang “amíhan.” Ang tímog ay hindî lámang katumbás ng “south” sa Inglés, bagkús tumutúkoy din sa “habágat” na humihíhip sa tímog-kanlúrang bahagì ng Filipínas—na simulâ ng tag-ulán. Samantála, ang bálakláot ay mahíhinuhàng nása mga buwán kung kailán patapós ang tag-aráw, ang malakás na hánging nagpapasúlak ng álon at panakâ-nakâng ulán, bumúbugsô pasulóng ng tímog-kanlúran ng kapulûán, at lumálampás pagkáraán sa teritóryo ng Filipínas. Ang pérsona ng tulâ ay warìng tumítindíg bílang meteorólogo, batíd ang padrón ng ágos-hángin sa buông Tímog Ásya, ang halúmigmíg ng lupâíng nakapágdudúlot ng ulán, na nakaáapékto sa ágrikúltura, at kábesádo ang mápa ng paglálakbáy sa tubigán. Ang tinutúkoy na lundáy, na isáng urì ng maliít na sasakyáng pandágat, ay maiísip na séntro ng tunggalîán, dáhil bagamán bumunsód o tinangáy itó ng kung anóng púwersa noóng panahón ng amíhan ay nakádaóng lámang noóng panahón ng habágat, at pósibleng may bagyó pa! Ang pérsonang nagsásalitâ, kung gayón, ay hindî órdináryong mamámayán. Pára siyáng kapitán ng barkó o manduyápit ng balangáy, maláon nang nakapáglayág mulâng tímog hanggáng hilagà ng kapulûán at pabalík, nakátawíd sa mga karágatán, at dúlot nitó’y nakahúbog sa kaniyáng pananáw nang máunawàan ang klíma, ang tubigán, ang hángin, at ang talampád ng mga bituín. Ang kawalán ng direksiyón ng mátalinghagàng lundáy ay tútumbasán ng patnúbay ng mátalinghagàng unós, úpang sa wakás ay mápadpád ang magdáragát at makálunsád sa kung saáng ligtás, místeryóso, o mápayapàng pampáng. Sapagkát ang tulâ, noóng úna pa man, ay tagláy ang kaísipán ng báyan. Giít ngâ sa tulâ ni Jesus Manuel Santiago: “Kung ang tulâ ay ísa lámang/ pumpón ng mga salitâ,/ nanaísin ko pang akó’y bigyán/ ng isáng talìng kangkóng/ dilî kayâ’y isáng bungkós/ ng mga talbós ng kamóte/ na pinupól sa kung alíng pusalìán/ o inumít sa biláo/ ng kung sínong maggugúlay,/ pagkát akó’y nagugútom/ at ang bitúka’y walâng ilóng,/ walâng matá/. . . .” Sapagkát nagmulâ sa báyan, ang tulâ ay kailángang magsilbí sa báyan, sa ibá’t ibáng anyô at ibá’t ibáng paraán, hindî lámang pára sa layúning pámpolítika o pangkúltura, bagkús káhit sa paghúbog ng kamalayán na makapágpapálayà ng ísip ng mga mamámayán. Ang ídyoma ng pérsona sa tulâ ay lumálampás sa písiko at mekánikong pagdulóg sa “tulâ” bílang síning, at kung gayón ay dápat itóng pakínabángan ng nakárarámi. Sa kabilâng dáko, maitátanóng: Dápat bang magsilbí ang báyan pára sa kápakinábangán ng tulâ? May katwíran ang ganitóng tanóng, sa pánig ng usapíng estétika at panlásang pansíning, at naturál na isípin ang akdâ bílang akdâ lámang na bukód sa makatà at hindî dápat sangkután ng anumáng bágay na labás sa éspero nitó. Ngúnit kung isásaálang-álang na káhit noóng panahón ng díktadúrang Marcos, ang mga épiko niná Cesar T. Mella at Guillermo C. de Vega ay nagsilbí pára sa banidád at kalugúran ng mag-asáwang Marcos, na káhit saáng ánggulo sipátin ay hindî makáiíwas ni makálulusót sa parátang na nakisíping sa grándeng lunggatî ng pásistang rehimén. Ang madlâ, bílang áktibo o kayâ’y pásibong mámbabása na pápaloób sa guníguníng daigdíg ng mga nasábing makatá, ay masisípat na kailángang magsilbí sa tulâ, sa paraáng sa maníwalà’t sa hindî maníwalà sa gayóng kátotohánan ay kailángang magíng matatág kung hindî man magíng másokísta sa ibinábandilàng kaísipán ng Bágong Lipúnan. Ang mga tulâ nina Mella at de Vega ay másisípat na hindî makáiíwas na isangkót ang báyan (lalò’t isinálin sa pámbansâng wikà) bagamán nagsisíkap na panátilíhin ang ánggulong “pérsonal” ng mga tulâ, dáhil humuhúgot ng mga pahiwátig sa mga imahén ng mag-asáwa at kaniláng kalígirán at pananáw—na may tahásan o dî-tahásang láyong ipálunók sa báyan. Kapág sumápit sa ganitóng yugtô, ang tulâ ay umíigkás bílang pérsonal at dumadáko sa lokál at globál na mga antás, at kung gayón ang dískurso at ideólohíya ay maúurì hindî lámang bílang pánsaríling estétika bagkús pambáyan, kung hindî man pantáyong pananáw. Kung noóng sinaúnang panahón, ang tulâ ay ginagámit na kasangkápan pára iangát ang kamalayán ng báyan, ngayón namán ay sumásalungá ang tulâ na magíng kasangkápan ng sinumáng makapángyaríhang magtátaksíl sa gunitâ at haráya ng báyan. Ang tulâ, sa dákong hulí, ay hindî pásibong tagásunód sa anumáng náis ng makatà at ng kaniyáng mga patrón sa óras na mág-usisà ang báyan. Nagkakároón ng saríling búhay ang tulâ úpang tumákas palayô sa mga kamáy ng makatà, at mághimagsík. Ang diyaléktikong ágos ng silbí at pagsísilbí sa pánig ng tulâ pára sa báyan at pára sa saríli ay pósibleng urìin pa kung hanggáng saán nagsísimulâ at nagwáwakás. Ngúnit trabáho na itó ng mga mínero ng kasaysáyan at panitikán pára sa bágong digmâng pámpanítikán.
Alimbúkad: Epic poetry rampage beyond Filipinas. Photo by Du01b0u01a1ng Nhu00e2n on Pexels.com
Sa sandalîng sumápit ka “sa isáng madilím, gúbat na mapangláw,” maáarìng malímot mo ang lahát, alagád ka man ni Balagtás, ngúnit hindî maikákailâng nakásuót ka ng kataúhan bílang manlálakbáy. Báwat hakbáng mo’y panínimbáng, na may halòng pangángapâ, at hindî kataká-taká kung mag-ásal kang batà at mamanghâ. Ang isáng malápad, matangkád na punòngkáhoy ay káyang humálang sa iyóng pananáw, na nakapágpapásidhî ng págkilála mo sa saríli bílang pandák, muntî, maliít; at kung mananálig sa múltiplikasyón ay pósibleng umábot nang laksâ-laksâ ang urì ng haláman úpang pigílin kang pumások sa gúbat at magsiyásat. Nakikíta mo ang dilím sapagkát napakálayò mo maráhil sa poók na íbig maratíng. Nasaságap mo ang pangláw sapagkát iyón ang íbig ipáhatíd ng útak na mágsasálin ng hiwátig túngo sa pusò pára humintô mangambá mágbantulót, nang makaíwas sa anumáng péligro na sásalúbong sa iyó. Bákit maníniwalà sa pangánib kung hindî mo ganáp na gagáp ang kátotohánan ng kaligirán? Anó ngayón kung ikáw ay mapáriwará? Isá kang taúhang dápat gumanáp ng tiyák na papél, at kung anumán ang papél na itó ay daraán sa ebolusyón ng húgis. Ang gúbat, gaáno man katiník ang mga dáwag, ay maáarìng mapáliít, at magawâng punggók na baléte o ilahás na ílang-ílang. Nangángambá ka dáhil sa préhuwisyó, kayâ ang gúbat ay nadarámang masikíp, máalinsángang kalabóso sa ilálim ng kástilyo. Ang húni, halímbawà, ng mga balíkasiyáw ay nakátutulíg, at sapát makabásag sa mga pórselánang tása at kristál na bintanà. Naglálandás sa iyóng paningín ang dambúhalàng úwang at alakdán, tátangkâín kang lapàin, at kapág tumakbó ka’y mahuhúlog sa bangín, dádausdós pábalúsok sa bátis na hitík sa mga eléktrikong ígat, mákokóryente ang iyóng útak at bayág, at kapág nawalán ka ng ulirát ay doón magsísimulâ ang iyóng pangárap na gáya ng isáng butó na magsúsuplíng ng mga ugát, sangá’t dáhon sa tumpák na sandalî. Kung ikáw ang taúhan, hindî ba ikáw ang pinakámahalagáng kathâ sa daigdíg? Tátanggí ka sa ganitóng pahayág, at súsubúkin ang iyóng tínig pára ilaráwan ang palígid, pára itangì ang mga grába sa isá’t isá, balíw na balíw sa anyúbog, hanggáng umáhon ang isáng pagóng mulâ sa putikán, pulútin man at itápon itó at tumihayà ay kúsang nakábabángon nang mág-isá, alám na álam ang pérpektong gómbok[*], warìng tinapyás sa salpúkan ng mga álon sa isáng tukóy na tagpûan, hanggáng sumápit sa ékwasyon ng katatagan o di-kakatagan. Taúhan ka subálit isá ka ring daigdíg, tíla alíngawngáw ni Abadilla, at mulâ sa iyó ay maíhuhúgis ang lunán. Ang gúbat ni Balagtás ay higít sa paláugnáyan at nakahíhindík na kaligirán. Ang gúbat ang ebolusyón ng taúhan bílang manlálakbáy, at kung isá ka ngâng túnay na manlálakbáy, hindî ka matatákot máligáw, mapahámak, mamatáy.
[*] Mula sa salitang “gömböc” na hango sa wikang Únggaro, na ginamit ng mga siyentistang sina Gábor Domokos at Péter Várkonyi upang ipaliwanag ang tatlong-dimensiyonal na láwas na omohéneo.
Alimbúkad: Epic poetry rampage beyond Filipinas. Photo by James Wheeler on Pexels.com
Magsásawà ka sa mahabàng páliwánag isáng áraw, panínindigán ang semántika ng punòngbáyan, at ang mga katótohánan ng bundók, gáya ng topógrapíya at paraán ng pagbagtas nito, ay isasálin mo sa wikà at dískurso ng nunò sa punsó. Séryoso ka man o nagbíbirô, kung gaáno katatás ang wikà (at kung gaáno kabúlas ang dískurso) sa pagítan ng mga tagaytáy at lambák na pinagdúrugtóng ng sopístikádong taytáy o túnel ay káyang punggukín ng pagkálagót ng pásensíya at pagmámadalî. Ang punsó ang úbod ng páliwánag sa mabúbuông túmbasang alamát at aghám mulâ sa dambúhalàng hulagwáy ng gúbat, na ang kalíwanágan at ang pagkáhinóg ay sukát na sukát. Maráhil nakíta mo rin na ang pananáw pápasók at pálabás sa bundók—mulâng itaás hanggang ibabâ, o kayâ’y páikót sa ápat na pánig nitó—ay hinangò kung hindî man hinálaw lámang sa isáng umbók ng lúad na ang nilálamán ay malíliksíng ánay at hantík. Lahát ng tinátanáw mo’t sinúsubáybayán hinggíl sa bundók ay inákalà mong kasímpayák kung paáno búbungkalín o pápatágin ang punsó, kung ipagpápalagáy na walâ nang hiníhingîng páliwánag pa sa húsay ng minímalístang pagdulóg. Mag-íimbénto ka ng mga tagurî, halímbawà, “plántita de cásino,” o kaya’y “heodésikong intérbensiyón,” pára higít na magíng kapaní-paníwalà ang lénte ng pangángapâ. Maráhil, ang túlin ng paglágom ay likás sa iyó nang maílahók ang lahát sa réseta o téksbuk ng pagsákop. Hiníhingî ng daigdíg mo ang madalî at payák; at dáhil sawâng-sawâ ka na sa kílométrikong talákay, o sa mahabâng pórmula sa matématíka at ebólusyón, ng iyóng mga tagapáyo ay nanaísin mong manahímik sa hindík at mágtiwalà ang públiko sa iyó, kapág may kung sínong dinádampót, binúbugbóg, tinótokháng sa ngálan ng séguridád at kapáyapàán—walâ man siyáng kamuwáng-muwáng sa iyó.
Alimbúkad: Epic subterranean poetry beyond borders. Photo by Ian Beckley on Pexels.com
Pitóng batàng kambíng ang nangíngináin ng mga damó doón sa tinátanáw mo, sámantálang nakábuká ang pangá ng báboy-damó. Maráhan kang naglakád nang nangángapâ, nangínginíg sa gináw. Sa únang pagkakátaón, walâ kang kapíling ngúnit nananálig na maráratíng ang isáng bituín. Págtingalâ mo, mga galamáy ni Fegeférafád ay tíla íbig kang yakápin, at nakaúmang ang balátik sa ilahás na hakbáng. Mayá-mayá’y isáng bulalákaw ang nagtangkâng pásiklabín ang kaingín. Nakabítin ang talàng batúgan sa balíkat ng bundók, at nang humiyáw ka sa lábis na pangungúlilà sa músang nagtampó at nagtagò sa dalawámpû’t ápat na talampád, bumalík sa iyó ang alíngawngáw ng pangaláng tumátampál na sakáy ng amíhan, úpang sa wakás ay ganáp kang mapúkaw. Pakíwarì mo, makásasaló ka ng Toróng at makápipígil ng bagyó.
Alimbúkad: Epic wave poetry beyond Filipinas. Photo by James Wheeler on Pexels.com
Ang panahón ay panahón ng hulagwáy. Malakí man o maliít, ang mánsanas ay tumátaták sa paningín úpang isádulâ ang karunúngan at pagtátaksíl, sabíhin mang banyagà sa iyó ang kúlay at lása nitó, na inangkát kung saán ngúnit walâ kang pakíalám kung dugtungán man itó ng pahiwátig hinggíl sa pagkagúnaw ng daigdíg o pagkagitlâ sa lastág na katawán. Kung mínsan, ang mánsanas ay isasálin na bayábas na pinágniniláyan úpang makíta ng ibá ang tamád at kay bágal sa búkid, biníbigkás nang paiwaráng hanggáng magíng katawá-tawá, ang búngang-káhoy na ináasintá ng tiradór at tinátapyás ng íbon, hinihípan ng hángin hanggáng mapigtál, nalálaglág sa lupà úpang magpáliwánag ng batás ng grávedad. Lakás na maráhil ay katumbás ng dóble at dóbladong timbáng ng isáng bágay na walâng tiyák na húgis, lumálagpás sa bilís ng sínag at lumálagpás sa bilís ng tunóg, ang anyô nitó’y maáarìng magkápirá-pirasó ngúnit nanánatíling prútas, prútas na bumabánat sa hanggáhan ng térestríyal at sélestíyal, kaínin man o maagnás ay magíging prútas ang sumaságap, at ang sumaságap ay madáragdagán ng katás at timbáng at sústansiyá, o iyón ang akalà mo, higít sa pagkatáo at higít sa pagkaprútas, ngúnit isáng yugtô at isáng panahón na maígugúhit sa kámbas, mapipigâ sa guníguní, maílilípat sa pelikúla at makálaláson sa dilág at magpapáluhà sa mga dúwendeng ang natátangìng laráwan ay pagtandâ kung hindî man ataúl. Ang hulagwáy ang túlin, sinusúkat nang patuwíd o pakúrba ngúnit magpapáhintô sa káyang ipaliwánag ng matématiká, timbangín ngunit kúlang sa iyóng inaasáhan, nagpápabánda ng sínag bágo kaínin ng balón ng dilím, at ang panahón ay magbabágo ang tábas alinsúnod sa tumátanáw. Kung ang tumátanáw ay nása labás ng hulagwáy, maáarìng itó’y lumiít nang lumiít sa tanáw ngúnit hindî nagbabágo ang pagkabágay nang walâng nakabábatíd. At kung ang tumátanáw namán ay nása loób ng hulagwáy, maáarìng maglahò ang panahón. Ang panahón ang éspasyo sa mga pangyayári, o sa mga íbig mong mangyári, at kung matitípon ang lahát, gáya ng mga prútas na naíiníp sa básket, ang panahón ay gágampanán ang tungkúlin ng éspasyo at naroón ang aníno: na isá ring hulagwáy, isáng pangálan, at maáarìng mapánatíli, gáya sa estátikong deláta, at pagnasáhan ng áking gutóm na gutóm na pagkámatá.
Alimbúkad: Epic upheaval poetry beyond Filipinas. Photo by Skitterphoto on Pexels.com