Walang hanggahang posibilidad ng pagtula, ni Roberto T. Añonuevo

Mahirap mang paniwalaan, ang tula ang pinakamatayog na imbensiyon ng tao, na makaraang likhain ay naggigiit ng sariling kalayaan mula sa maylikha nito nang patuloy na makairal sa isang panahon o iba’t ibang panahon. Kailangan ang teknolohikong pagdulog upang mabuo ito—humuhugot ngunit nanghihimasok sa nakaraan, nagbabantayog bagaman waring humahamak sa kasalukuyan, humahamig gayong sumusugal sa hinaharap—na ang mga piyesa ay piling-pili, kalkulado bukod sa kargado ang hiwatig, at paglabas sa talyer ng mga wika at sining ay magiging ehemplo sa bakbakan ng mga kamalayan, damdamin, at kaisipan pagsapit sa papel o pag-imbulog sa himpapawid. Sa ganitong pagtanaw, ang tula ay kailangang magsuot ng isanlibo’t isang pagbabalatkayo, na magsisimula sa anyo hanggang tinig hanggang kislot, titig, at pananalig, na malaos man sa isang yugto ng kasaysayan ay muli’t muling isisilang sa ibang panulat, bibig, at kilusan, magpapahilom ng sariling sugat saka magpapahaba ng angking mga ugat. Kailangan ang malikhaing pagsisinungaling, na lumalampas sa pagsandig sa pagiging totoo ng isang pangyayari o bagay upang itampok ang posibilidad ng pagiging makatotohanan nito na maituturing na kapani-paniwala kahit sabihin pang kathang-isip lamang na sininop sa kung saang bodega ng mga karanasan. Maaaring ganito rin ang maging pagsusuri sa álattalà (2020) ni Phillip Yerro Kimpo at Mulligan (2016) ni Marchiesal Bustamante. Ang una’y nagbubunyag ng walang hanggang posibilidad ng iba’t ibang damit na mapagsisidlan ng pananalinghaga; at ang ikalawa’y waring nagkukubli ng hulagway sa kasinupan ng pananaludtod na matalas ang taglay na talinghaga. Ang dalawang koleksiyon ay patunay kung bakit hindi maikakahon ang tula sa sinaunang pakahulugan o pagkilala, at kung paano nagsasanib ang sining at agham sa pagtula na lumilikha ng bagong wika at pag-iral. Totoo, kulang ang isang tagay para sa dalawang makata.

álattalà (2020) Koleksiyon ng mga tula ni Philipp Yerro Kimpo.

Mulligan (2016) Koleksiyon ng mga tula ni Marchiesal Bustamante.

Magrepaso ay hindi biro, ni Roberto T. Añonuevo

Magrepaso ay hindi biro

Roberto T. Añonuevo

Nakatutuwa na binalikan ng isang nagngangalang Steno Padilla [Stephen Norries A. Padilla] ang aking aklat na Paghipo sa Matang-Tubig (1993), at waring nakatagpo ako sa wakas ng isang wagas na kritiko. “Matatalas ang imahen sa mga tula ni Roberto Añonuevo sa librong ito,” aniya. “Kitang-kita mo sa isip yung [sic] mga tagpo na nilalatag [sic] niya sa kanyang mga saknong. Malawak din ang kanyang talasalitaan.” Ngunit nagmamadali sa mapanlagom na paraan ang pahayag ni Padilla, at ni walang siniping halimbawa. Pagkaraan, ipapasok niya ang kaniyang pagtanaw na bumabanat: “Iyon nga lang, may mga tula siyang gaya-gaya. Kung mahilig kang magbasa ng tula ng mga Pinoy, mapapansin mo na yung [sic] ibang tula ni Añonuevo e [sic] mimicry lang ng mga tula nina Virgilio Almario, Huseng Batute at Jose Garcia Villa.”

Dito dapat linawin ang konsepto ng panggagaya na ginagawa umano ng isang makata sa mga tula ng ibang makata. Sa panggagaya, ang padrong tula ay maipapalagay na nakaaangat, at ang “gumagaya” ay maipapalagay na nasa mababang antas, na waring dinadakila ang sinusundang padron. Sa ganitong pangyayari, hindi makatatákas ang ipinapalagay na “gumagaya” sa kaniyang “ginagaya.” Ngunit sa isang banda, ang panggagaya ay maaaring sipating isang pakana, na tumatawid sa panghuhuwad sa pabalintunang paraan, at kung gayon ay hindi sapat ang nasabing taguri upang lagumin ang mapangahas na talinghaga—na masisipat na hindi basta pagsunod sa isang “padrong” tula. Kung binasa nang maigi ni Padilla ang aking mga tula, at inihambing sa mga tula ng gaya nina Rio Alma, Jose Corazon de Jesus [Huseng Batute], at Jose Garcia Villa ay mapapansin niya ang himig na mapang-uyam o mapambuska sa panig ng personang nabuo sa loob ng mga tula, ang diyalektikong ugnayan ng mga dalumat, at kung nagkahawig man sa taktika at prosodya ay sinadya iyon upang baligtarin sa mapagpatawa o nakatutuwang paraan ang pagtanaw sa daigdig. Pinagmukhang seryoso ang mga pananaludtod, ngunit ang totoo’y ginagago lamang ang mga bugok o hambog.

Nagmamadali si Padilla, at idaragdag pa: “Hindi naman maiiwasan ang panggagaya lalo pa kung pare-pareho kayo ng mentor. Nagkakamukha na kayo minsan ng estilo at tunog sa pagtula.” Maaaring may bahid ng katotohanan ang winika ni Padilla. Ang ganitong opinyon ay higit na magkakabuto’t lamán kung sisipatin na ang mga bagitong manunulat ay tila may artipisyal na karunungan at hindi kumakawala sa parametro’t paradigma ng kanilang mentor. Kung sisipatin sa ibang anggulo, ang isang mentor ng tula ay nagsisilbing patnubay lamang, halimbawa, kung paano sumulat at bumalangkas ng mga piyesang may tugma’t sukat, ngunit sa bandang huli ay diskarte na ng isang mag-aaral ng tula kung paano niya isasalin sa papel sa malikhaing paraan ang guniguning daigdig na sumilang sa kaniyang utak. Ang mentor ay dapat magtaglay ng pinakamabagsik na puna pagsapit sa palihan, upang matauhan ang isang bagitong manunulat. Si Virgilio S. Almario bilang kritiko at guro ay sadyang napakahusay na dapat kilalanin. Ngunit hindi lahat ng kaniyang mga tinuruan ay naging dakila; ang iba’y nagkusang mapariwara. Ang nagiging dakila lamang na makata ay ang may lakas ng loob na lumihis at lumampas sa itinuturo ng kaniyang guro. Sa ganitong pangyayari, ang ibang mga mag-aaral ng tula na salát sa imahinasyon at talino ay nakatakdang magpailalim lámang sa kani-kanilang guro habang hirap na hirap tumuklas ng sariling tinig bilang pagsunod sa pamantayan. Kung babalikan ang aking aklat, ang titis ng pagsalungat ay mababanaagan doon sa payak na paraan; at ang konstelasyon nito ay higit na mauunawaan kapag sinangguni ang mga sumunod kong aklat ng tula.

“Pero understandable naman sa case ni Añonuevo dahil feeling ko, nagsisimula pa lang s’ya [sic] sa aklat na ito,” wika pa sa pabaklang himig ni Padilla. “Halata naman e. Labo-labo kasi ang tema. Walang isang pinapaksa ang mga tula. Parang potpourri. Pero mahuhusay.” Marahas at mapanlagom ang ganitong puna (na hindi dapat ulitin o tularan ng iba pang nagrerepaso ng aklat), sapagkat hindi isinaalang-alang ni Padilla ang kabuoang balangkas ng aklat. Ang tunay na kritiko ay hindi magsasabing “feeling ko. . .” dahil utak dapat ang pinagagana sa pagsusuri. Kahit bata pa noon ang awtor ng Paghipo sa Matang-Tubig ay may kakaiba na sa testura ng kaniyang pananalinghaga (na maituturing na mapangahas) na hindi matatagpuan sa mga makatang nauna sa kaniya. Mukhang labo-labo lang ang mga tula dahil ang pagkakalatag ng mga tula ay tinipid, at totoong tinipid ang mga pahina at papel. Sa kabila nito, masasalat sa mga tula ang pagtatangkang maglaro sa mga tinig, ang mga tinig na nagsasagutan kung hindi man nagsasalimbayan, na ipinaloob sa mga guniguning tauhan. Isang kaululan kung ituring na ang nasabing mga persona ay siya ring makata na nagsasalita.

Ang mainiping pagbasa ni Padilla ay mapapansin sa sumusunod: “Ang di ko nagustuhan sa aklat na ito ay yung [sic] karumihan n’ya [sic]. Ang dami kasing typo error na mukhang grammatical error na. Nakakasagabal sa pagbabasa at sa pagnamnam ng mensahe ng tula.” Ano uli? Ang daming tipograpikong mali na mukhang sablay sa gramatika? Kung may nasingit man na tipograpikong mali ay hindi totoong napakarami niyon na sapat para makasagabal sa pagnamnam ng “mensahe ng tula.” Ang tula ay hindi basta paghahatid ng mensahe, gaya ng maling akala ni Padilla. Ang tula ay nakasandig sa mga pahiwatig, na ang Punto A ay hindi basta pagdako sa Punto B, sapagkat maaaring lumiko muna sa X,Y,Z bago makarating sa C, kaya ang Punto B ay hindi ang inaakalang mensahe, at ang Punto A ay hindi na magiging Punto A pagsapit sa dulo ng tula. Sa pagitan ng mga punto ay naglalaro ang mga pananaw, pananalig, at pagdama, bukod pa ang kapangyarihan at espasyong-panahon, na hindi kagyat na mahuhuli sa isang iglap lalo kung isasaalang-alang ang kultura, gaya ng nakapanindig-balahibong “Isang takipsilim sa Sagada”:

                    Lukob ng ulap
         Ang bundok; sobrang lamig.
                    Loob ng yungib
         Ay niyanig ng pasyok.
                    Wala nang ibon.

Hindi sa pagbubuhat ng bangkô, ngunit hindi ganito tumula ang mga Balagtasista kung hihiramin ang termino ni Almario. Sa unang malas ay waring naglalarawan lamang ng tagpo ang persona. Kapag ipinasok ang punto de bista sa isang matalas na persona, ang lunan ay nagiging kahindik-hindik, kung isasaalang-alang ang isang sagradong yungib sa Sagada, ang yungib na tila kumakain sa natitirang katinuan ng personang nagpapahiwatig ng pagbangon ng mga kaluluwa na pawang pinukaw ng pasyok at ng nangangatal na dayo kung hindi man panauhin. Ang kakatwa ay ikinubli ang naturang hindik sa panloob na tugmaan, sa hugis ng tula, at sa gansal na sukat ng mga taludtod. Nang dumalo ako sa palihan ng LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo), wala akong nakitang nauna sa akin o kapanabayan ko na ganito kung manalinghaga.

Kahanga-hangang bumasa ng tula itong si Padilla. Pansin nga niya, “Hindi ko rin nagustuhan yung [sic] mga tulang may pagka-homophobic tulad ng ‘Diona kay Diana’ at ‘Limot na gaybar.’” Paanong naging homophobic ang ganitong mga tula? Kapag inilarawan ba ang isang gaybar ay homophobic na ang tula? Kapag inilarawan ba ang isang tauhan ay masasabing homophobic na ang tula? Labis ba ang kargada at kiling ng salitang “bakla” kaya iniwas-iwasang gamitin sa tula? Marahil kailangan nang magpalit ng lente itong si Padilla. Hindi mauunawaan ng gaya ni Padilla ang tinutukoy kong gaybar kung hindi siya nakapaglibot sa buong Maynila noong mga dekada 1980-1990. Ang nasabing gaybar na isang isinaharayang lunan, bagaman may pagkakahawig sa mga ikonikong gaybar ng Maynila noong hindi pa naglilinis ng bakuran si Alfredo Lim, ay hindi ordinaryong pook (na wari’y metaberso sa ngayon) na ituring mang aliwan ay nagmimistulang impiyerno sa paningin ng personang nagsasalaysay:

Limot na gaybar

Gabi. Nagbabato ng usok
ang sigarilyo sa malalanding
ilaw-dagitab ng kuwarto.
Tila nakapakong bisagra
ang isang baklang naghihintay
sa tabi ng malagkit, maitim na hagdan.
Nangangamoy ang sahig ng bulwagan
sa serbesa, tamod, dura, suka.
Sa salamin ng kisame, 
maaaninag ang dalawang katawan
na nagpipingkian sa karimlan,
at ang dalawang ulong bumabasag
sa mga halakhak at tsismisan.
Kinikiliti ng mahahaba’t hubad
na hita ang libog, lungkot, kaba, poot.
Kumakain ng mga salapi’t papuri
ang indayog, ungol, ngiti’t kisapmata.
Tila mga nagliliyab na hiyas
ang iba’t ibang hugis ng matang
nagkukubli sa karimlan: walang imik.
Nagngangalit sa pag-awit ang estereo
nang lumapag sa umuugang mesa
ang dalawang supot ng droga.
Nag-usap ang mga daliri. At lumabas
sa bulsa ang mga ubeng salapi.
Matapos ang inuman at kuwentuhan,
lumisang may sugat sa puwit, dibdib
ang isang makisig na binatilyong
walang pangalan, walang tirahan. 

Ganito ba sumulat ang mga tanyag na baklang makata sa Filipinas noon? Walang naglalakas-loob noon na isiwalat ang ganitong tagpo, sa paraang banayad, payak, at napakalamig ng loob, at hindi mapanuos o linyadong bading gaya sa “Maselang bagay ang sumuso ng burat” ni Nicholas Pichay. Paanong naging homophobic ang ganitong uri ng pananalinghaga? Kahit ang mga kasama ko sa LIRA, at isama na ang mga macho ng GAT (Galian sa Arte at Tula) noon ay hindi ganito tumula. Kung babalikan ang pagdulog ni Padilla, ang tula ay hindi masasabing basta “pagpapahatid ng mensahe” sapagkat ang alamis sa pagitan ng mga salita ay kumakalag sa katinuan ng persona, na hindi maipapalagay na nagsasabi ng kung ano ang tama o mali [o kaya’y kung katanggap-tanggap o hindi] bagkus iniiwan sa mambabasa ang nakaririmarim na tagpong ang kakatwa’y itinuturing na aliwan ng mga bakla at matronang masalapi. Ngunit higit pa rito, mapanlansi at nagkukubli ng bitag ang paglalarawan ng pagmumukha at pagpapamukha ng isang anyo ng aliwan, na ang sex ay hindi basta sex, bagkus waring nasa karnabal na kaugnay ng bulok na sistema ng lipunan, na ang mga mamamayan ay nalulustay, napapabayaan, at nahuhubog sa aparato ng pagdurusta at karukhaan ng mga kalooban, samantalang ang nagmamasid ay unti-unting nababato at nagiging bato ang katauhan sa paglipas ng mga araw.

Isang liksiyon ang ginawang pamumuna ni Padilla sa aking tulang “Pagkilala.” Pinuna niyang, “Niromanticize pa ni Añonuevo ang suicide, at ang graphic ng paglalarawan niya. Nakakaloka.” Wala sa lugar ang kaniyang pagsipi, at hindi nabigyan ng kahit munting pagsipat ang pahiwatig ng personang nagsasalita sa tula. Heto ang buong tula, na hindi ipinakita ni Padilla:

Pagkilala

Noong nagbigti ang aking kaibigan,
Gumuhit sa silid ko ang katahimikan.
At walang mga magulang ni kaanak
Na lumuha sa ritwal ng pagpanaw.
Nakabibingi ang ugong ng halakhak
Ng mga sugarol sa gabi ng lamayan.
At naalaala ko ang mga sandaling
Nagpilit siyang sumulat ng mga tula.
Hindi siya sumikat na manunulat
Ni pinalad na magwagi sa timpalak.
Ngunit tiningala’t iginalang ko siya
Hanggang sa pagpili ng kamatayan:
Gumiwang-giwang siyang medalyon
Na nakasabit sa kisame, nakadila,
Habang nagpupugay ang maiingay
na bangaw.

Paano ni-romanticize ng makata ang pagpapatiwakal [suicide], gaya ng haka ni Padilla? Uulitin ko, ang persona sa tula ay hindi ang makata. Ang persona na nilikha ng makata ay may sariling daigdig, at kung paano tinatanaw ng naturang persona ang daigdig ang magbibigay ng puwang para sa sangkaterbang pahiwatig. Maaaring ang persona ay higit na nakakikilala sa kaniyang kaibigan, at taliwas sa asal ng kaniyang mga magulang at kaanak. Hindi nakita ng naturang mga tao ang itinatagong “galíng” ng nagpatiwakal, at marahil, ibang-iba ang kanilang pananaw sa pananaw ng pumanaw. Ang tahimik na paglalarawan sa nakabigti ay nakayayanig, sapagkat ang nakaririmarim na tagpo ay waring sumisigaw ng “Pakyu! Pakyu, pipol!” Kung sisipatin sa tradisyonal at moralistang pagtanaw, ang pagpapatiwakal ay karapat-dapat tumbasan ng paghamak at apoy ng impiyerno. Kung sisipatin naman sa ibang anggulo, gaya sa mga pananaludtod ni Antonin Artaud, ang pagpapatiwakal ang paraan ng pagbawi ng dangal at kapangyarihang makapagpasiya sa loob ng sarili, ang paglihis sa itinatadhana ng de-kahon at materyalistikong lipunan, ang pagdududa sa mga diyos, at ang mga bangaw na tumatakip sa bangkay ang isang anyo ng damit ng kalupitan, na umuuyam kahit sa mga pinakamalapit na kadugo. Kakatwang mapapansin ni Padilla na hindi nasa malaking titik ang /n/ sa “na” ng huling taludtod. Sinadya ito upang ituring na ang huling taludtod ay kaugnay ng penultimang taludtod.

Totoong bata pa ako nang sinulat ko ang Paghipo sa Matang-Tubig. Ngunit ang kagaspangan (kung kagaspangan mang matatawag) nito ang nagpapaningning sa pananalinghaga, at may pagtatangka nang sumuway sa mga naunang paraan ng pagtula. Hindi rin dapat ikahiya ang ganitong paraan ng pagtula, dahil kahit nagsisimula pa lamang ako noon ay ibang-iba na ang tabas ng aking dila na tinumbasan ng suwail na guniguni kung ihahambing sa aking mga kapanahon. Maipapalagay na isang ehersisyo itong aklat, suntok-sa-hangin at suntok-sa-buwan, na pagkaraan ay napakasinop na itutuwid sa mga aklat kong Pagsiping sa Lupain (2000), Liyab sa Alaala (2004), at Alimpuyo sa Takipsilim (2012).

Ang totoo’y lampas na ako sa mga palihan, at hindi gaya ng ibang iyakin at halos magpásagasà sa tren kapag pinuna nang todo ang mga obra. Hindi na ako natatakot pa sa anumang banat sa aking mga tula. Hindi ako ang mga sinulat kong tula. Hindi personal at mapagkumpisal ang aking mga tula, sapagkat sa oras na lumikha ng persona ang isang makata sa loob ng kaniyang tula, ang personang ito ay walang pakialam kung anuman ang estado ng makata at iyon dapat ang manaig. Nagkakaroon ng sariling búhay (at identidad) ang persona at nagkakaroon ng sariling daigdig, at kung sakali’t mabigo ang isang makata sa kaniyang pagsasaharaya, maaaring kulang ang kaniyang mga “teknikong kahandaan” sa pagtula kung hihiramin ang dila ni Cirilo F. Bautista. Gayunman, ibang usapan na ito, na dapat matutuhan ng isang babakla-baklang kritikastro na gaya at kauri ni Steno Padilla.

Alimbúkad: Epic poetry rant against mediocrity. Photo by cottonbro on Pexels.com

Ang Kambal na Nobela ni Lazaro Francisco

Nakalulugod ang balitang itatanghal ngayong taon na Pambansang Alagad ng Sining si Lazaro Francisco (1898–1980), ang isa sa mga dakilang nobelistang Tagalog ng kaniyang panahon. Taliwas sa inaakala ng iba, ang mga nobela ni Francisco ay magagaan ang rendisyon, at káyang maunawaan ng mga estudyante sa hay-iskul o kolehiyo. Ginamit na behikulo ni Francisco ang mga magasing komersiyal, gaya ng Liwayway at Alitaptap, sa paghahatid ng mga napapanahong paksa na kung minsan ay yumayanig sa paniniwala ng madla. Ang kaniyang mga akda’y walang pangingimi kung tumalakay sa usapin ng pakikisamá at repormang agraryo, gaya ng Ama (1929); ng pagtatangi sa saliwang panunulisan at makabansang pakikidigma, gaya ng Maganda pa ang Daigdig (1955); ng pagliliwanag sa kapangyarihan ng negosyo at nagkakaisang lakas-paggawa, gaya ng Daluyong (1962); ng pananalig sa pag-ibig at pagtanggap ng malalagim na tadhana, gaya ng Sugat ng Alaala (1949) at iba pa.

MAGANDA PA ANG DAIGDIGMaaksiyon kumbaga sa pelikula ang mga nobela ni Francisco, ngunit nabubudburan yaon ng pag-iibigan, gaya ng dating gerilyang si Lino at gurong si Luring sa Maganda pa ang Daigdig (1955). Tungkol ang nobela sa paghahanap ng ama sa kaniyang nawalay na anak na si Ernesto, makaraang pumanaw ang esposang ginahasa ng mga sundalong Hapones. Nakilala ni Loreto (Luring) Sanchez si Lino nang ipagtanggol nito ang dalaga laban sa masasamang loob. Si Luring ang magpapatibok muli ng puso ni Lino, at siya ring mag-aalaga sa anak niyang si Ernesto. Makakaharap ni Lino si Kumander Hantik na hihikayatin siyang sumapi sa Huk (Hukbalahap) upang pabagsakin ang mga panginoong maylupang nagpapairal ng bulok na sistemang agraryo. Tumanggi si Lino, at maghahasik ng alternatibong pagbabago sa payo ni Pari Amando. Hindi magtatagal sa pag-iisa si Lino, dahil pagbibintangan siyang pumatay ng isang lalaki nang magtrabaho noon siya sa piyer. Mabibilanggo siya, subalit makatatakas kapiling ang ibang bilanggo, magtatayo ng sariling armadong pangkat, at magtatago sa lupaing sakop ni ni Don Tito na bantog na panginoong maylupa. Ipagtatanggol ng pangkat ni Lino ang mga inaping magsasaka, hanggang sumapit ang sandaling magbakbakan ang kaniyang pangkat at pangkat ni Kumander Hantik. Susuko sa awtoridad si Lino sa dulo ng nobela.

DaluyongAng naturang nobela’y dinugtungan ng Daluyong (1962), na sinimulan sa pagkakalaya ni Lino sa bilangguan makaraang mapawalang-sala ng hukuman, at mag-isang maglilinang ng bukid na ibinigay sa kaniya ni Pari Amando. Ngunit hindi magtatagal ang gayong masayang tagpo dahil mababatid ni Don Tito na ang patubig ay daraan sa lupain ni Lino at iyon ang makaaapekto nang malaki sa kaniyang mga bukirin. Hihimukin ni Don Tito na maging bakero si Lino at mangalaga sa mga lupain niya ngunit tatanggi si Lino. Ang anak ni Don Tito na si Benigno Sityar ang magtatangkang mamuno sa bayan ng mga magsasaka. Magkakasagupa ang mga armadong hukbo ni Benong at ni Lino, magwawagi ang pangkat ni Lino ngunit masasawi naman si Loreto Sanchez sa dulo ng nobela. Ang daluyong sa nobela ay ang mahihinuhang di-mapipigilang armadong pag-aaklas ng mga magsasaka laban sa mapanupil na sistemang agraryong pumapabor sa mga panginoong maylupa. Ang daluyong ay mahihitiwagan din na sanhi ng mga problemang panlipunang gaya ng prostitusyon, maruming pamumulitika, pang-aagaw ng lupain, panggagahasa at pagpatay, at di-makatarungang negosyo.

Mahihiwatigan ang transpormasyon ng pagkatao ni Lino sa dalawang nobela. Kung sa unang nobela’y napilitang pumanig si Lino at maging bakero ni Don Tito, sa ikalawang nobela’y iwawaksi niya nang ganap ang pakikipagkutsaba sa panginoong maylupa at magsisikap na makamit ang kalayaan sa mapanupil na sistemang agraryo. Ngunit hindi magagawa iyon nang mag-isa ni Lino. Hindi rin sapat ang tulong nina Pari Amando, Luring, at Koronel Roda. Kinakailangan ni Lino ang tulong ng iba pang magsasaka at malawak na lipunan upang mabago ang baluktot na sistemang agraryo.

Ang mga paksang tinalakay noon ni Francisco ay kakatwang nagbabalik ngayon sa ating piling. Pinaslang kamakailan ang isa sa mga pinuno ng mga magsasakang taga-Sumilao, Bukidnon at dating nagmartsa tungo sa Maynila, samantalang pinagtatalunan ang pagpapalawig sa batas hinggil sa repormang agraryo. Nagpapatunay lamang ito na hindi pa nagwawakas ang mga baluktot na patakarang sumasagka sa paglago ng mga magsasaka, at waring lalong umiilap ang paghahanap ng katarungan sa Filipinas. Makabubuti kung gayon na balikan ang mga nobela ni Lazaro Francisco, at alamin mula roon kung tumpak o hindi ang mga pagsusuri niya sa agos ng kasaysayan. Ipagugunita ng kaniyang mga nobela na ang paghahanap ng katarungan ng mga magsasaka ay hindi kathang-isip lamang, bagkus tunay at tumitibok—na marapat pakinggan ng mga awtoridad nang makamit ang kapayapaan at kaunlaran ng lahat ng mamamayan.

Pagbabago sa Sistema ng Produksiyon ng Teksbuk

Nangangailangan ng bagong sistema ang produksiyon ng sangguniang aklat, na tinatawag ding “teksbuk,” sa Filipinas. Ang pagsusuri ng teksbuk ay hindi dapat mauwi lamang sa pagsala at pagsinop sa mga maling gramatika, palaugnayan, gamit, katibayan, at konsepto ng mga salita, gaya ng malimit gawin ni Antonio Calipjo Go. Kailangan ang pagtataguyod ng mahigpit na proseso mulang pangangalap ng datos at impormasyon hanggang pagpili kung ano ang paksang ilalahok at kung paano isasalin yaon bilang araling kayang humubog sa kasanayan ng mga bata. Ang mga teksbuk ay hindi dapat alingawngaw lamang ng mga teksbuk sa Singapore, Canada, United Kingdom, at United States bagkus sumasalalim sa mga pangangailangan ng Filipinas. Ang mga teksbuk ay hindi rin dapat nakakulong sa Batayang Edukasyong Kurikulum ng Departamento ng Edukasyon, bagaman handang sumunod sa itinatakda ng naturang ahensiya.

Upang magawa ito, kinakailangan ang pagbubuo ng sirkulo ng mga eksperto sa bawat larang, gaya ng panitikan, agham, araling panlipunan, matematika. Ang mga tao na ito ay dapat inaalagaan nang mahabang panahon, dahil sila rin ang mag-aambag nang malaki sa produksiyon ng teksbuk. Ngunit kahit ang mga ekspertong ito ay dapat may kasamang bihasang manunulat at editor, dahil hindi nangangahulugang kayang magsulat nang matino ang sinumang may doktorado o masterado sa isang larang.

Iminumungkahi rin ang pagbubuo ng sirkulo ng mga manunulat na siyang kabalikat ng mga eksperto. Sa Filipinas, masyadong tinitipid kung hindi man minamata ang mga manunulat imbes na bigyan ng sapat na sahod o pabuya para mapaganda ang teksto. Kailangan ang solidong sirkulo ng mga manunulat upang maging katuwang ito ng mga eksperto na pawang nagmumungkahi kung paano bubuuin ang aklat. Ang pagtutulungan ng mga bihasang manunulat, guro, eksperto, at iba pang tao ang susi sa mahusay na produksiyon ng aklat.

Bukod sa sirkulo ng mga manunulat ay dapat binubuo rin ang sirkulo ng mga editor ng bawat larang. Iminumungkahi ang pagtatalaga ng mga editor sa bawat yugto ng produksiyon, at laging nakakawing sila sa mga pangkat ng mananaliksik at sa sirkulo ng mga eksperto. Sa ganitong paraan, naibubukod agad ang matitingkad na mali sa teksto at napapalitan ng sariwa’t tumpak na datos at impormasyon.

Iminumungkahi ang abanseng pangangalap ng datos at impormasyon. Magagawa ito sa pagbubuo ng pambihirang silid-aklatan at artsibo sa panig ng publikasyon, bukod sa pagbubuo ng mga pangkat na ang tungkulin ay maging katuwang sa pananaliksik. Ang pangkat ng mga mananaliksik ay dapat umaayon sa kontemporaneong panahon, ngunit hindi dapat mangingimi sa pagbabalik sa ugat, kasaysayan, at paglago ng isang larang, gaya ng panitikan at agham. Ang tungkulin ng pananaliksik ay hindi dapat iniaasa lamang sa mga gurong manunulat, dahil kung minsan ay wala silang panahon pa para magsaliksik. Nahuhulog din sa bitag ang iba na mangopya ng ibang aralin sa ibang teksbuk o blog, o kaya’y gamitin ang sinulat ng kanilang mga estudyante nang may mailahok sa teksbuk.

Ang sistema ng produksiyon ay dapat pinadadali ng mga makabagong aparato at kagamitan, gaya ng kompiyuter. Ngunit hindi dapat tipirin ang pag-eedit sa papel at panaigin palagi ang pag-eedit sa kompiyuter iskrin. Lumulusot ang maraming mali sa teksto dahil inaakala ng iba na sapat na ang pagtitig sa iskrin. Magagamit ang sistema ng kompiyuter sa paglalatag ng mga teksto, at natitingnan agad kung ano ang mga naulit na paksa o nilalaman. Magagamit din ito upang mahugot ang mga kinakailangang salita, at mapalitan agad yaon.

Nagkakaroon ng problema sa pagsulat ng teksbuk sa Filipinas dahil ang pagdulog sa mga paksang susulatin ay pinaghahati-hatian ng mga guro o eksperto gaya ng tinapay. Ang paghahati ay ibinabatay sa bawat kabanata, kaya ang isang awtor ay malimit ulitin kung hindi man banggitin ang natalakay na sa mga naunang kabanata. Ang tagapag-ugnay ng proyekto ang naiiwang magsaayos ng mga paksa, at magsinop ng mga aralin, kaya hindi gaanong nalilinis o naitutuwid ang mga mali. Kung minsan, ang tagapag-ugnay ang tumatayong editor na hindi dapat. Ang ibang pabliser na nagtitipid ay uupa ng tagalabas na editor o tagapagtasa na titingin sa mga mali, at pagkaraan nito ay inaasahang malinis na ang teksto.

Ang pagbubuo ng teksbuk ay malayo sa pagbubuo ng pahayagan, bagaman may mapupulot sa proseso ng pag-edit sa isang pahayagan. Ang isang makapal na teksbuk ay dapat pinagbubuhusan ng isip ng 80 editor o higit pa, upang masala ang mga impormasyon, aralin, talahanayan, estadistika, tanong, at kung ano-ano pang kuntil-butil na lalamanin ng teksbuk. Ang bawat editor ay dapat may kabihasaan sa kaniyang larang, gaya ng agham o panitikan o kasaysayan, bukod sa magaling humawak ng wika. Nagkakaroon ng problema sa paggawa ng teksbuk dahil kung minsan ang isang pabliser ay bibili ng mga imported na teksbuk at iyon ang ipagagaya na lamang sa mga lokal na awtor. Ang napapalitan ay ang mga pangalan at lugar lamang, ngunit ang konsepto ay nananatiling kolonyal. Sa panukalang maramihang editor, ang bawat paksa ay natititigan nang matagal at napag-aaralan sa bawat yugto ng produksiyon. Natatasa rin nang maigi ang bawat kabanata. At ang mga pangkalahatang editor (na maaaring binubuo ng lima o pitong katao) ay napapagtuhog-tuhog ang mga aralin at walang nasasayang na salita o papel kapag nailatag na ang teksto.

Malimit na inuupahan ng mga pabliser ang mga guro na sumulat ng teksbuk dahil ang mga gurong ito ang magpapagamit din ng kanilang teksbuk sa mga estudyante. Na malaking pagkakamali. Sa ganitong sistema, ang mga guro ay hindi lamang naaatasang sumulat at mag-edit ng teksto bagkus ginagawa pa silang tulay para sa promosyon, distribusyon, at marketing ng mga aklat. Napipilitan ang mga guro na sumunod sa atas ng publikasyon, para maibenta ang sinulat nila at kumita kahit kaunti mula sa pabliser. Ang nasabing sistema ay masisipat na katamaran sa ngalan ng katipiran sa panig ng mga pabliser ng teksbuk, dahil imbes na umupa sila ng mga tagapaglako ng aklat ay ginagago pa nila ang mga guro. Sa kabilang dako, may matatamo ring dagdag na puntos ang guro kapag nailabas ang teksbuk, at iyon ang maisasaad niya sa kaniyang resume.

Isa pang sakit ng teksbuk sa Filipinas ay ang mababang kalidad ng papel at paglilimbag. Sinasadya ito upang mapababa ang presyo ng teksbuk, at kapag napunit o nasira ang aklat ay mapipilitang palitan yaon sa susunod na taon. Kung minsan, ang teksbuk ay ginagawa ring workbook, na may mga pahinang pinupunit o sinusulatan. Sinasadya ito upang maging isahang gamit lamang ang teksbuk at puwede nang itapon sa oras na masulatan ang mga puwang sa ilalim ng mga tanong. Dapat baguhin ang ganitong sistema. Dapat maging matibay ang papel, malinis ang limbag, at masinop ang pagkakatahi at pagdidikit ng mga pahina, gaya noong dati. Bukod na papel o kaya’y kuwarderno dapat ang sinusulatan ng mga estudyante, at hindi ang kanilang mga teksbuk. Ito ay dahil ang ilang tanong ay nangangailangan ng masinop na espasyo para sa sagot na pasalaysay o paglalarawan, gaya ng sanaysay. Mapangangalagaan din ang teksbuk, at maipagagamit pa ito sa susunod na mga mag-aaral.

Napapanahon na ring baguhin ang wika na ginagamit sa mga teksbuk sa Filipinas. Halimbawa, ang wika sa agham at matematika ay hindi dapat sa Ingles nakasulat bagkus sa Filipino. Ito ay upang mapadali ang paghahatid ng konsepto sa mga bata na iba ang pinagmumulan kompara sa mga Amerikano. Bagaman nakasaad sa patakarang bilingguwal na Ingles ang dapat gamitin sa naturang mga larang, kailangang suwayin ito kung nais talaga ng mga guro na maturuan nang mabilis, magaan, at mahusay ang kanilang mga estudyante. Nang gumawa ng teksbuk na Filipino ang UP Sentro ng Wikang Filipino noon sa mga larang na gaya ng matematika, pisika, agham, biyolohiya, at iba pa ay naunawaan agad yaon ng mga estudyante batay sa resulta ng mga pagtatasa. Ngunit nabigong maipagpatuloy ang proyekto nang magpalit ng pangulo ng unibersidad, at nasayang ang pagod at pagpupursigi ng mga dalubhasa sa kani-kaniyang larang.

Marami pang dapat baguhin sa sistema ng produksiyon ng teksbuk. Ang pagtutuwid ng teksbuk ay hindi lamang dapat batay sa baryotikong pamumuna, kundi man de-kolor na pamumulitika, ni Antonio Calipjo Go. Kailangang isaayos ng mga pabliser ang loob ng lathalaan nito, lalo na yaong kumikita na nang malaki-laki. Kailangang isaayos din ng pamahalaan ang sistema ng pagrepaso ng mga aklat, at magtatag ng ahensiyang magbibigay ng tatak, pabuya, at pagkilala hinggil sa mahusay na pagkakagawa ng teksbuk o anumang aklat. Kailangang isaayos ng pamahalaan at pribadong sektor ang promosyon at distribusyon ng mga teksbuk, para ang mga pabliser ay hindi kinakailangang suhulan ang mga administrador at punong guro ng mga paaralan. Bukod dito, dapat patawan ng malaking parusa ang mga pabliser na nagpapakalat ng mali, at nangangalap ng mga pipitsuging mga manunulat. Higit sa lahat, napapanahon nang bigyan ng sapat na bayad at atensiyon ang matitinong manunulat, editor, ilustrador, potograpo, layout artist, at iba pang kawani ng publikasyon, dahil nakasalalay sa kanila ang ikagaganda ng aklat at iba pang babasahin sa paaralan.

Ang Problema ni Antonio Calipjo Go

Tinangkilik ng Philippine Daily Inquirer ang krusada ni Antonio Calipjo Go laban sa mga teksbuk na hitik umano sa mga pagkakamali. Na maganda sa isang panig, ngunit kung wawariin nang maigi ay higit na masisipat na pampolitikang hakbang iyon sa larangan ng paglilimbag ng teksbuk kaysa pagpapataas ng kalagayan ng edukasyon sa Filipinas.

Hindi nabibigyan ng sapat na kritika ang mga rebyu ni Go sa naturang mga aklat, at kahit ang PDI ay tila ginagamit na manyika lamang si Go imbes na magsaliksik at sumangguni sa mga eksperto kung gaano katumpak ang mga opinyon ni Go. Nagiging martir tuloy si Go gaya ng dapat asahan, at ito ay isang kalabisan. Ang panibagong mga banat ni Go sa limang teksbuk sa elementarya na inilathala ng PDI noong 2 Hunyo 2009 ay napakababaw at nabigong sipatin ang nilalaman, balangkas, pamamaraan, disenyo, at iba pang kaugnay na bagay na pawang matalik  sa Batayang Edukasyong Kurikulum ng Departamento ng Edukasyon (DepEd).

Kahanga-hanga sa unang malas ang paglalahad ni Go ng mga detalye hinggil sa mga mali sa gramatika at palaugnayan ng mga lahok sa limang teksbuk. Gayunman, hindi dapat ganito ang paraan ng pagsusuri ng mga aklat. Ang pagpulot ng mga katiting at paglilista nito ay ikinukubli ang konteksto ng pagkakasulat, ang nilalaman ng akda, ang estilo ng paglalahad o paglalarawan, ang punto de bista ng mga tauhan, ang panahon at espasyo nang likhain ang akda, ang lalim o babaw ng pananaliksik, at iba pa. Makabubuti kung susuriin ni Go ang buong aklat, at isaad kung ano-anong kuwento, tula, sanaysay, dula, balita, talahanayan, larawan, at iba pang aralin ang marapat tanggalin at ibasura nang ganap. Sa ganitong paraan ay mababatid kung saan nagmumula si Go, kung tumpak ang mga lente na ginamit niya sa pag-urirat ng bawat akda, at kung dapat paniwalaan ang kaniyang pinagsasasabi.

Ang pagpulot ni Go ng mga katiting at pagpapamukha niyon sa madla upang hiyain ang mga awtor o pabliser ay isang uri ng kayabangang pangkaisipan na dapat iwaksi, at dapat ituring na maling halimbawa sa mga bata. Maaaring sadyang walang tiwala si Go sa burukrasya at pamahalaan? Ano’t anuman, may mga ahensiyang malalapitan si Go, at ang mga ahensiyang ito ay makatutulong din sa kaniya sa pagtiyak ng kaniyang mga hinuha o opinyon. Ang problema kay Go ay waring siya lamang ang tama sa daigdig, at kapag hindi nasunod ang ibig niya ay ngangawa siyang parang sutil na anghel. Dapat tandaan ni Go na nakapaloob siya sa sistema, at ang sistemang ito ay hindi mababago ng isang tao bagkus ng sari-sari ngunit nagkakaisang mga tao na pawang may malasakit din sa edukasyon. Ang pagsusuri ng mga teksbuk ay dapat ginagamitan ng matibay na batayan at subok na pamantayan, at ang mga batayan o pamantayang ito ay maaaring may kaugnayan sa teorya at praktika ng pagbasa, at hindi sa paraang bara-bara.

Sa susunod na pagrepaso ni Go at paglitis sa mga sangguniang aklat sa elementarya o hay-iskul ay inaasahan ko ang higit na matalas na paraan ng pag-urirat ng mga aklat. Kailangang patunayan ni Go na hindi siya pipitsugin, na malalim ang pagkaunawa niya sa panitikan, wika, kultura, kasaysayan, agham, matematika, at iba pa, yamang iginagalang siyang edukador, tagapangasiwa, manunulat, editor, at pabliser. Halimbawa, maaaring talakayin sa susunod ni Go kung gaano kaepektibo ang isang teksbuk upang mahubog ang pagbabasa, pagsasalita, pakikinig, pag-iisip, at pakikisalamuha ng mga bata, at kung paano mapahuhusay ang naturang aklat sa pamamagitan ng pagkasangkapan sa mga akdang sinulat ng Filipino at tumatalakay sa usapin ng Filipinas. Maaaring talakayin niya kung lumilihis ang mga layunin at tuon ng bawat aralin o aklat, alinsunod sa itinatakda ng kurikulum. Maaaring ipaliwanag din niya kung saan sumasablay ang serye ng mga tanong sa bawat yugto ng aralin, at kung paano pa mapalilinaw ang mga tanong para madaling maunawaan ng bata. Maaaring ipaliwanag din ni Go ang paghahati-hati at pagkakasunod-sunod ng mga paksa sa aklat, o ang pagkakayari ng buong balangkas ng teksbuk, at kung ano ang dapat unahin at kung ano ang dapat ihuling talakayin. Ang mga sisipiin niya sa bawat teksbuk ay dapat ipaliwanag din ang konteksto at ang pakahulugan o pahiwatig, upang maiwasang malito ang bumabasa sa kaniyang artikulo. Makabubuti kung tatalakayin ni Go ang paghubog sa kasanayan ng mga bata, alinsunod sa nilalaman at saklaw ng mga akda. Kailangang pabulaanan din ni Go ang mga maling impormasyon, halimbawa sa kasaysayan o panitikan, at magsaad ng mga tiyak na tugon at mapagtitiwalaang sanggunian.

Kung mabibigong gawin ito ni Go, mananatili siyang alingawngaw lamang ng pahinagpis na kritika hinggil sa mga teksbuk sa elementarya man o hay-iskul. Hindi sapat ang paglilitanya ng hinagpis. Paglulustay ng papel at laway ang sinauna kung hindi man baryotikong paraan ng komentaryo. Kinakailangang makita rin ng mga guro, magulang, at estudyante ang mga alternatibong pagtutuwid sa mga pagkakamali, gaya halimbawa ng masinop na rebisyon ng mga talata at pagkakasunod-sunod ng diwain sa buong sanaysay, imbes na magtuon sa mga simpleng lihis na gramatika at nawawalang bantas sa isang pangungusap lamang. Ang problema kay Go ay hindi ko pa siya nakikitahan ng malalimang pagsusuri sa mga aklat. Huwag niyang sabihing wala siyang pook na paglalathalaan. Imbes na gamitin niya ang PDI ay maaaring lumikha si Go ng websayt o blog at doon niya ibuhos ang walang pangingimi niyang banat na hitik sa matalim na pag-iisip imbes na pabugso-bugsong damdamin. Makaiiwas din ang PDI na mabatikan ng politika, kung sakali’t magkataong may kapatid itong kompanyang naglalatha rin ng mga teksbuk para sa kapuwa pribado at publikong paaralan.

Mahalaga ang mga teksbuk para sa mga kabataang mag-aaral. Ngunit dapat tandaan ninuman na ang teksbuk ay isa lamang sa maraming tulay ng pagtuturo sa mga bata. Ang pag-aaral ay hindi dapat nakukulong sa teksbuk, dahil hindi maiiwasan ang mali rito yamang napakaatrasado ng sistema ng pagbubuo o paglikha ng mga teksbuk sa Filipinas. Napakaatrasado dahil hangga ngayon ay tinitipid sa atin ang mga manunulat, editor, kritiko, tagapagtasa, ilustrador, potograpo, at tagarepaso, bukod sa napakahina ng produksiyon ng aklat. Ang pagtuturo ay hindi dapat ikahon sa teksbuk, at ang mga bata ay dapat turuan ding lumaya sa teksbuk, at matutong magsaliksik mulang silid-aklatan hanggang pamayanan hanggang cyberspace at kung saan-saan pa.

Ang Mananayaw

Lingid sa kaalaman ng marami, ang salitang “búgaw” na katumbas ng “pimp” sa Ingles ay isang matandang salita sa Tagalog. Karaniwang ginagamit ito bilang panukoy sa pagtataboy ng mga ibon o hayop o tao palayo sa isang pook na pinagkukulumpunan nito. Sa pabalbal na paraan, ang “bugaw” ay hindi nagiging tagapagtaboy, bagkus mistulang tagapamagitan sa dalawa o mahigit pang tao upang magkaniig sila. Mahihinuha sa ganitong aksiyon na ang pagbubugaw ay patalinghagang paraan ng “pagbubulid sa kasamaan” at ang tao na ibinubugaw ay nalilihis ng landas tungo sa “pugad ng kaginhawahan” na sumasagisag sa pamilya.

Mahalaga ang ginagampanang papel ng bugaw dahil ito ang humahanap ng kostumer para sa sinumang puta, anuman ang kasarian nito. Bugaw din ang nagsasara ng transaksiyon sa panig ng kostumer at puta, at kumakatawan sa puta sa pakikipagnegosasyon hinggil sa upa sa serbisyong seksuwal. Ngunit bugaw din ang malimit gumagatas sa kapuwa parokyano at puta, kaya ang naging taguri sa kaniya noon sa Tagalog ay “linta” na hindi lamang sumisipsip ng dugo bagkus sumisigid pa hanggang buto at loob.

"Mananayaw" (2007), bronse, eskultura ni Raul Funilas.

"Mananayaw" (2007), bronse, eskultura ni Raul Funilas.

Matutunghayan ang konsepto ng “bugaw,” “puta,” “linta,” “baylarina,” at “kalapati” sa mala-nobelang Ang Mananayaw (1910) ni Rosauro Almario. Ang nasabing katha ay itinuturing na panganay na proyekto ng Aklatang Bayan na noon ay pinakamalaking samahan ng mga manunulat na Tagalog, at suportado nina Faustino Aguilar at Carlos Ronquillo. Maituturing na proyektong eksperimental tungo sa nobela ang katha ni Almario, at ito ay may kaugnayan sa paglilinang ng mga uri ng prosa, habang sinisikap na payabungin ang Tagalog bilang isa sa mga wika ng panitikan ng madla. Ani awtor sa pambungad ng aklat:

Sa gitnâ ng masinsíng úlap na sa kasalukuya’y bumábalot sa maunós na langit ng Lahíng Tagalog, ang Aklatang Bayan ay lumabás.

Layon? Iisáng-iisá: makipamuhay, ibig sabihi’y makilaban pagkât ang pakikipamuhay ay isáng ganáp na pakikitunggalí, isáng lubós at walâng humpáy na pakikibaka.

At makikibaka kamí laban sa masasamâng hilig, mga ugali’t paniwalà, magíng tungkól sa polítika, magíng sa relihiyón at gayón sa karaniwang pamumúhay; yamang ang mga bagay na itó’y siyáng mga haliging dapat kásaligan ng alín mang bayan: tatlóng lakás na siyáng bumúbuó ng káluluwá ng alín mang lahì. (Binago ang ortograpiya para madaling maunawaan ng modernong mambabasa.)

Payak lamang ang istorya ng Ang Mananayaw. Ipinakilala sa simula ng salaysay ang tatlong tauhang sina Pati, Sawi, at Tamad. Si Pati ay isang marikit na mananayaw sa salon, si Sawi ay estudyanteng mayaman ngunit muslak na mula sa lalawigan, at si Tamad ay lumaking ulila at hampas-lupa hanggang maging batikang bugaw ng mga mananayaw o puta. Nagkutsaba sina Pati at Tamad kung paano mabibihag si Sawi, at mahuhuthutan ng salapi. Naging tulay si Tamad upang mapalapit si Sawi kay Pati, at si Pati naman ay ginamit ang sining ng pang-aakit at panlilinlang upang mahulog ang loob ng kabataan. Nalibugan si Sawi sa kagandahan ni Pati, hanggang makipagtalik nang paulit-ulit subalit ang kapalit ay salapi. Naubos ang yaman ng kabataan, naisanla kung hindi man ipinagbili ang mga gamit, nalubog sa utang, itinakwil ng mga magulang, hanggang layuan ng matatalik na kaibigan. Huli na nang matuklasan ni Sawi ang pakana nina Pati at Tamad, at kung hindi pa nahuli niya sa aktong nagtatalik ang dalawa ay baka tuluyang masiraan ng bait si Sawi. Halos patayin sa sakal ni Sawi sina Pati at Tamad, at sa labis na poot ay sinurot ang babae. Subalit matalinghaga ang sagot ni Pati, at ito ang magpapabago ng timbangan ng halagahan sa lipunan:

At lalò pang nag-alab ang kanyáng damdamin, lalò pang nag-ulol ang kanyáng poót; kayâ’t sa isáng pag-lalahò ng isip ay minsáng dinaklót si Pati sa kanyáng gulóng-gulóng buhók, at ang tanóng dito sa buháy na tinig:

“Walâ kang sala, ang sabi mo?”

“Walâ, walâng walâ.”

“At bakit, bakit walâ kang kasalanan sa aking pagkakapàlungi?”

Si Pati, sa ganitóng tanóng, ay kimî at hálos pabulóng na sumagót. “Pagkât alám mo nang akó’y MÁNANAYAW….” (Binago ang ortograpiya para madaling maunawaan ng modernong mambabasa.)

Ang tindig ni Pati, na pinaikling “kalapating mababa ang lipad,” ay gumaganti ng sampal sa kabataang si Sawi. Para kay Pati, batid ni Sawi ang propesyon niya bilang mananayaw; at bilang mananayaw ay maaasahan ang pagbibili ng aliw o katawan katumbas ng salapi. Iba ang pagpapahalaga ng dalaga sa “puri” na noon ay ikinakabit sa “virginity” at “honor.” Samantala, napakamuslak [naive] ni Sawi at ang gayong katangian ay maaaring sanhi ng malayaw na pamumuhay na ipinatamasa sa kaniya ng kaniyang mayayamang magulang. Para kay Sawi, ang “puri” ay napakahalaga sa babae, at ito ang ilalaban nang patayan ng lalaki sa oras na siya’y pagtangkaang lapastanganin o gahasain.

Ang sinaunang pananaw ni Sawi hinggil sa puri ang magpapabigat din sa kaniya sa dulo ng salaysay. Mawawalan ng puri si Sawi dahil sa labis na pagkakalulong sa sex, sayawan, alak, at layaw. Ang pagkapalungi ni Sawi ang simula ng pagkakatuklas muli ng karunungan, bagaman maaaring huli na ang lahat. Walang makaaalam kung ano ang sasapitin niya sa buhay, at maipapahiwatig lamang ng kaniyang labis na pagkapoot at pagkasuklam sa babaeng dati niyang minamahal ang madiling na wakas.

Mahalagang papel din ang ginampanan ni Tamad, dahil ang kaniyang kasamaan ay magpapamalas ng mga baluktot na pagpapasiya ni Sawi. Gaano man kasamâ si Tamad, ito ay dahil wala siyang magulang, anak, kapatid, kamag-anak, at nahubog ang kaniyang pagkatao sa mga pook na gaya ng bilyaran, sabungan, pangginggihan, bahay-sayawan, at iba pang aliwan. Ang pagsandig ni Tamad sa salapi ay pailalim na pagsurot sa balighong lipunan, na salát sa pagtulong sa mga nangangailangan. Ang paggatas ni Tamad kay Sawi ay masisipat kung gayon na isang paraan ng pagbawi ng yaman o dangal, bagaman yaon ay maituturing na marumi o sungayan.

May babala ang kathang “Ang Mananayaw” ni Rosauro Almario para sa mga kabataan. At ito ay ang pag-iingat na mabitag sa pain ng mga bugaw at puta, at ang pagpapahalaga sa pagkakamit ng edukasyon. Ang edukasyon ni Sawi ay pambihirang edukasyon mula sa unibersidad ng lansangan—na ang mga propesor ay puta at bugaw. Kailangan ni Sawi ang matinding pagbabago ng katauhan upang maibalik ang kaniyang nadungisang dangal, na magsisimula sa pagtalikod sa layaw na ipinalasap nina Pati at Tamad o ng mayayamang magulang, at pagharap sa pagbabanat ng buto, gaya ng isinasaad ng Katipunan nina Emilio Jacinto at Andres Bonifacio.

Sanggunian:

Almario, Rosauro. Ang Mananayaw.  Santa Cruz, Maynila: Limbagan at Litograpía ni Juan Fajardo, 1910.

Si Juan Masili at ang Anyo ng Mala-Nobelang Tagalog

Mula sa Palawan, kuha ni Beth Añonuevo.

Mula sa Palawan, kuha ni Beth Añonuevo.

Mahabang kuwentong matataguriang mala-nobela ang akdang Juan Masili o ang Pinuno ng Tulisan (1906, Luzonica Libreria) ni Patricio Mariano. Masasabi ito kung ang gagamiting pamantayan ay ang mahabang tradisyon ng pagsulat ng nobela sa Ewropa. Mura pa ang edad ng pagsulat ng nobela sa Tagalog noong bungad ng siglo 20, at ang mga manunulat ay nasa yugto ng pangangapa. Ang totoo’y malabo pa noon ang pagkilala sa nobela bilang isang uri ng prosa, kaya ang ibang akdang tinatakang nobelang Tagalog ay nasa anyong patula na mahihinuhang naanggihan ng impluwensiya ng awit at korido.

Isa sa mga katangian ng mala-nobelang Tagalog ay ang paggagad sa kasaysayan, bagaman ang kasaysayang ito ay maaaring pinanghihimasukan ng guniguni. Sa paggagad sa kasaysayan, ang mga tauhan ay nailalarawan nang tila kontemporaneo sa isang takdang panahon, at ang awtor ay kalahok sa pagsasalaysay upang ang komunikasyon ay maging matalik pagsapit sa mga mambabasa. Ang ganitong teknik ay pagtataasan ng kilay sa Ewropa o Estados Unidos, ngunit noon ay mahalaga ito sa Filipinas dahil ang awtor at ang mga mambabasa ay waring nag-uusap lamang sa pantay na paraan. Napapalapit sa mga mambabasa ang akda dahil ang pagsasalaysay ay waring lumilingon sa paglalahad ng mga epikong bayan at sinaunang dula, upang lumitaw na maging kapani-paniwala. Samantala, ang sinasabing kasaysayan dito ay higit na makiling sa kasaysayang pabigkas (na gaya ng epikong bayan) kaysa kasaysayang pasulat (na gaya ng kronika). Nailalantad ng gayong kasaysayan ang mahahalagang pangyayari sa buhay ng isang personalidad, at ang tao na ito ay maaaring wala sa poder ng pamahalaan bagkus nasa hanay ng mga karaniwang mamamayan.

Maaaring hango sa mga balita o maalamat na pakikipagsapalaran ang buhay ng pangunahing bida, at ang bidang ito ay lilihis sa nakagawiang katangian ng hari at reyna o prinsipe at prinsesa sa kung saang kaharian. Ang bida ay karaniwang tao na nasusugatan at nasasaktan, at kung may kapangyarihan man siya ay maaaring sanhi ng pangyayaring napasapi siya sa isang kilusan o pangkat na magbibigay ng lakas sa kaniya upang gampanan ang mabigat na tungkulin. Ang banghay ng salaysay ay maaaring dumako sa tunggalian ng mga uri, lahi, kasarian, at paniniwala ngunit hindi magiging sentro ang tunggalian bagkus ang paghuhunos ng kalooban ng mga tauhan. Ang ganitong tunggalian ay nagtatangkang isiwalat ang kasamaang dulot ng pagbabalatkayo, at ang wakas ng salaysay ay nagsasaad ng resolusyon hinggil sa maaaring maging tadhana ng mga magkatunggaling panig.

Maihahalimbawa ang Juan Masili o ang Pinuno ng Tulisan ni Mariano. Sa akdang ito, isiniwalat ang buhay ng tulisang nagkukubli sa pangalang “Juan Masili” na kilabot noon sa bayan ng Morong (na ngayon ay kabilang sa lalawigan ng Rizal). Binuksan ang salaysay sa paglalarawan kay Juan Masili na lumunsad sa kabayo at sinalubong ng bati ni Pating. Nag-usap ang dalawa hinggil sa kanilang bihag, at sinabihan ni Juan Masili ang kasama na ingatan ang kanilang bihag. Napadako ang usapan hinggil sa masaklap na buhay ni Juan Masili at ikinuwento niya kung bakit siya napalulong sa buhay na maligalig.

Mula sa dukhang pamilya si Juan Masili, at noong dose anyos siya ay ginahasa ang kaniyang inang si Mencia na nagsadya kay Kapitan Tiago. Nagkasakit si Pitong na ama ni Juan at inutusan ang kaniyang esposa na kunin ang bayad sa utang na dalawampung kabang palay kay Kapitan Tiago. Ngunit imbes na magbayad ay niyurakan pa ang dangal ng babae. Umuwing sugatan si Mencia, at matapos magsumbong kay Pitong ay namatay. Nagngitngit ang ama ni Juan at tinangkang itakin ang salarin, ngunit nahuli at siya pa ang ipinakulong at pinahirapan. Nakita ni Juan Masili ang lugaming katawan ng ama, dahil ikinalaboso din ang naturang bata dahil sa paratang na anak siya ng mga manloloob.

Nakalaya lamang si Juan Masili makaraang tumanggap ng ilang latay mula sa mga guwardiya sibil at ilibing ang kaniyang ama. Lalayas na sana siya sa kung saan nang makilala niya ang tao na nagpalibing sa kaniyang ina. Inampon si Juan Masili at pinag-aral kasama ang anak ng mayaman doon sa kolehiyo ng San Juan de Letran. Lilipas pa ang pitong taon at magbabago ng anyo si Juan Masili hanggang makatagpo niya sa isang pagtitipon ang mag-amang Kapitang Tiago. Naungkat ang nakaraan at matapos ang mainit na pagtatalo ay tinaga ng sundang ni Juan ang mag-ama. Tumakas si Juan Masili tungo sa Novaliches at di-naglaon ay sumapi sa mga tulisan. Naging pinuno ng tulisan si Juan Masili nang yumao si Kapitan Tankad.

Hindi karaniwang tulisan si Juan Masili dahil mangulimbat man siya ng yaman mula sa mga masalapi ay ipinamamahagi yaon sa mga dukha. Ngunit higit pa rito, binibihag niya ang mga babaeng sapilitang ipinakakasal ng kanilang mga magulang sa kung sino-sinong lalaking maykaya. Ngunit hindi pinagsasamantalahan ang mga babae bagkus ay pinalalaya pa mula sa kaayusang patriyakal ng lipunan. Ginagawa umano ito ni Juan Masili upang ipadama sa mayayaman ang kanilang pagkakamali at nang ganap na masindak:

“Ay …matanda kong Pating! Nalalaman mo baga kung bakit ako nambibihag ng mga binibining anak ng mayayaman? Upang malasap ng mayayamang iyan ang pait ng magdamdam nang dahil sa kapurihan. Lahat ng makaalam ng pagkabihag sa isang binibini’y magsasapantaha na hindi na dapat asahang mauuwi na taglay ang linis na dating kipkip, kahit tunay na alam mong kung sakali’t may dalagang nagluwat nang apat na araw sa ating yungib ay hindi dahil sa ating pinipiit o dahil sa ikinahihiya niya ang mabalik sa sariling tahanan, sapagkat wala na ang kaniyang kalinisan, kundi dahil sa talagang nasa lamang ng may katawan ang lumagi pa nang isang araw sa ating tahanan.” (Binago ang ortograpiya para sa modernong mambabasa.)

Pinakasukdulan ng salaysay ang pagdakip kay Benita na napipintong ikasal kay Kapitan Ape. Hindi mahal ni Benita si Kapitan Ape, bagkus si Enrique. Sinunog ng mga tulisan ang bahay ng kapitan, itinakas si Benita, dinala sa yungib ng San Mateo, at doon niya natagpuan si Enrique na bihag rin. Kapuwa wala nang pag-asang magkakabalikan pa ang magkasintahan, kung hindi dahil kay Juan Masili. Iyon pala’y si Enrique ang anak ng mayamang umampon kay Juan Masili noon at naging matalik niyang kaibigan. Lumipas ang dalawang buwan at ikinasal ang magkasintahan, at naging ninong pa si Pedro Gatmaitan na tunay na pangalan ni Juan Masili.

Masasabing dramatiko ang daloy ng kuwento dahil ang magkasintahang Benita at Enrique ay kapuwa walang lakas na lutasin ang kanilang kapalaran hinggil sa sapilitang pagpapakasal na utos ng magulang. Si Juan Masili ang puwersang wala sa kumbensiyonal na ekwasyon, at ang pagpapakilala sa kaniya ay pagpapahiwatig ng pagtatakwil sa sinaunang kaugaliang pagpapakasal na nagsasaalang-alang lamang sa antas ng kabuhayan imbes na sa tunay na itinitibok ng kalooban. Ang imahen ni Juan Masili bilang tulisan ay taliwas sa itinatakda ng maykaya at makapangyarihan, at ang panunulisan ay higit sa pangungulimbat ng salapi at pamimihag ng babae, bagkus umuugnay sa pagpapakalat ng yaman at pagpapanumbalik ng puri o dangal ng babae.

Mahalaga ang puri ng babae sa akda ni Mariano. Ang puri ay mahihinuhang lumilingon sa konsepto ng puri ng Katipunan nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto, at ang babae ay nakakargahan ng iba pang pahiwatig gaya ng Inang Bayan. Ang pagdakip sa babae mula sa mga kamay ng tiwaling maykaya’t makapangyarihan ay mahihiwatigang simula ng pag-angkin muli ng pag-asa at ginhawa sa panig ng kasintahang lalaki. Mahalaga ang “pag-asa” at “ginhawa” dahil ang mga ito ang sangkap upang ganap na makamit ang sukdulang pag-ibig na sumasaklaw sa buong lipunan, gaya ng pakahulugan nina Bonifacio at Jacinto. Ang kasintahang lalaki ay masisipat dito na sumasagisag sa mga anak ng bayan na nagmimithi ng kalayaan, at ang pag-ibig ng lalaki-babae ay hindi lamang nasa antas na pisikal bagkus ideolohiko at espiritwal.

Kapansin-pansin din ang wakas ng katha ni Mariano dahil si Juan Masili ay ibinunyag na si Pedro Gatmaitan na tanyag noong makata at awtor ng koleksiyong Tungkos ng Alaala (1913). Maaaring ang pagkasangkapan sa pangalan ni Pedro Gatmaitan ay isang paraan ng pagpapakilala kay Gatmaitan bilang makata at manunulat, ngunit masasabi ring malikhaing gawi iyon ng awtor dahil ang Pedro Gatmaitan na tinutukoy ay naglaho nang sumiklab ang digmaan sa Kabite noong 1892 ayon sa pagwawakas ng akda.

Magaan basahin ang katha ni Patricio Mariano tawagin man iyong “mala-nobela,” “nobeleta,” at “mahabang kuwento.” Wala sa taguri ang susi sa pag-unawa sa katha ni Mariano bagkus nasa pag-alam sa mga dalumat na isinaad sa salaysay mulang detalye sa kasaysayan hanggang pagpapangalan ng tauhan hanggang gusot at kalutasan ng mga pangyayari. Ang mga makasaysayang pook gaya ng Morong, Yungib Pamitinan, at Novaliches ay nagkakaroon ng ibang gulugod kapag pinanghimasukan ng guniguni, gayundin sa pagpapakilala sa mga tauhang gaya ni Juan Masili, Kapitan Tiago, Benita, Enrique, at Pating. Samantala, ang awtor bilang tagapagsalaysay ay gumaganap ng papel bilang tagapamagitan mulang akda tungong mga mambabasa at siyang nagpapakilala sa konsepto ng “tulisan,”  upang ang kathang-isip ay pumiglas at ganap na maging makatotohanan sa isip o puso ng madla.

Sanggunian:

Mariano, Patricio. Juan Masili o ang Pinuno ng Tulisan. Santa Cruz, Maynila: Luzonica Libreria, 1906.

Hunyango sa Bato

Buwaya, kuha ni Beth Añonuevo

Buwaya, kuha ni Beth Añonuevo

Paglalakbay, pakikikipagsapalaran, at paghuhunos ng inhinyerong nangangarap maging manunulat ang pinapaksa ng Hunyango sa Bato (2004) ni Abdon M. Balde Jr. Maluwag ang sipat ng pangunahing tauhan, at sa kaniyang pananaw ay mauungkat ang mga kontrobersiyal, at malimit maanomalya, na pagawaing-bayan at multi-milyong proyektong pang-inhinyeriya. Kabilang sa binanggit ang pamosong pagguho ng Ruby Tower sa Binondo, ang pagkatibag ng imbakang minahan sa Mindoro, ang kahindik-hindik na pagtatayo ng Film Center, ang pagpapasemento ng mga daan mulang Pampanga at Cotabato hanggang paliparan sa Nepal at Indonesia at iba pang negosasyon sa pagawaing-bayan sa Asya.

Hunyango sa Bato (2004), ni Abdon M. Balde Jr

Hunyango sa Bato (2004), ni Abdon M. Balde Jr

Nagbabago ng kulay ang pangunahing tauhang di-pinangalanan, at ang paghuhunos na ito ay alinsunod sa pakahulugan niya ng paglikha ng balatkayo upang matanaw ang daigdig sa lilim ng karimlan. Matututuhan niya ito bilang tagamasid sa isang matandang malimit sumaksi sa mga kaso sa hukuman doon sa Bikol, at tataglayin hanggang sa pagkuha ng kursong inhinyeriya imbes na panitikan, alinsunod sa dikta ng ama. Gagagarin ng kabataan ang matanda sa mga pagkukuwento nito, at ito ang simula ng pagtatanim ng hilig sa pagsasalaysay na hitik sa siste at detalye, habang ikinukubli ang mga pailalim na puna sa kapuwa at lipunan.

Masisilab ang tauhan nang magsimulang maging inhinyero at kumuha ng proyekto mulang pagtitibag ng bato sa Rizal hanggang pagpapatag ng daan sa Zambales. Ang mga tauhang masasalubong niya ang uugit nang malalim sa kaniyang pagkatao hanggang pumalaot sa pandaigdigang larang.

Habang lumalaon, ang pangunahing tauhan ay kakainin ng sarili niyang anino bilang inhinyero. Malalasap niya ang lahat ng pighati at sarap, at sa pamamagitan ng paggamit ng isa pang tauhang babaeng kausap, ay ilalantad ang kabulukan ng paligid. Ang kabulukang ito ang magsisimulang gumapang sa katauhan ng inhinyero, upang sa bandang huli’y ibunyag sa mga peryodista ang mga lutaang ginagawa sa mga proyektong pagawaing-bayan ng pamahalaan at siyang tinutustusan ng salapi mula sa mga dambuhalang dayuhang institusyon. Ito marahil ang paglilinis ng tauhan, upang hindi kainin nang ganap ng bulok na sistema. Ngunit bitin ang salaysay, at maaaring nakahanda ang nobela para sa kasunod na pakikipagsapalaran.

Ang inhinyerong naging manunulat bilang tagapagsalaysay ay kahanga-hangang bahagi ng nobela. Nagsasalimbay ang mga salaysay na mapagkakamalang kumpisal na nagkukunwang sanaysay, at ang mga nakapahilis na talata ang magbubukod sa isa pang salaysay sa panig ng lalaking tagapagsalaysay na kausap ang mahihinuhang kasintahan o asawa niya. Habang lumalaon, paliit nang paliit ang nagiging puwang ng usapan ng magkabiyak, ngunit ang babae ang magpapagunita sa lalaki sa lunggati nitong maging mahusay na kuwentista.

Ang totoo’y hindi naman isinaad sa nobela kung paano maging mahusay na manunulat. Walang mababanggit sa nobela kung paano nagpakadalubhasa sa sining ang inhinyerong mapangarapin. Ang higit na mahalaga ay ang pagpapamalay na ang kadalubhasaang dapat taglayin ng sinumang manunulat ay nasa masinop na pagmamasid sa kaligiran. Ang anumang nasagap sa daigdig ang magiging mahalagang sangkap ng kuwento at magkakatalo na lamang kung paano isasalaysay ang gayong kalalim na pagmamasid. Ibig sabihin, mananagot ang mangangatha hindi sa katumpakan ng kaniyang datos, kundi kung gaano kahusay niyang napangatawanan ang kaniyang kasiningan sa pagkatha.

Maraming ibinubunyag ang nobelang Hunyango sa Bato, na kahit ngayon ay mainit na tinatalakay sa senado. Posibleng malikhaing tsismis lamang ang alingasngas sa mga pagawaing-bayan, ngunit anuman ito ay matagumpay na nailahok ng awtor sa kaniyang akda.

Ang pangunahing tauhang inhinyero ay masasabing matagumpay na nakapanaig sa kaniyang kaligiran dahil marunong siyang sumabay sa agos, wika nga. Ang pagsabay na ito ay pagkilala sa dambuhalang estruktura o sistema na pinaaandar ng mga tao na kabilang sa mayhawak ng salapi o kapangyarihang siyang kumokontrol sa lipunan. Naging bahagi siya bilang empleado sa gayong sistema, na bumabayad ng salapi upang magamit ang talino at lakas ng mga manggagawa. Maaaring pagkaraan ng ilang taon ay magiging bahagi ng burukrasya ang naturang inhinyero, ngunit hindi niya malalabanan ang sistema alinsunod sa patakaran nito bagkus alinsunod lamang sa abot ng kaniyang kakayahan, katusuhan, at kalakasan. Nakatakdang kainin ng bulok na sistema ang inhinyero, at maaaring ang solusyon upang makaligtas siya sa pagkatiwalag sa lipunan at sarili ay sa paraang lisanin ang kaniyang nakasanayang burges na pamumuhay bilang inhinyero at maghunos sa ganap na mangangatha.

Nakapanghihinayang lamang at maraming nakalusot na tipograpikong mali sa teksto ni Balde. Halatang minadali ang produksiyon ng aklat, at nawa’y maituwid ang mga ito sa susunod na edisyon upang makita nang lubos ang Hunyango sa Bato.

Konsepto ng “Balatkayo” sa “Si Tandang Basio Macunat”

Tumutukoy ang “balátkayô” sa masining na pagkukunwari, at paglilihim sa tunay na anyo at katauhan, upang mapaniwala ang sinumang tao na tumitingin. Tumutukoy din ito sa kasangkapan o kasuotang ginagamit upang ikubli ang tunay na anyo ng isang tao o bagay. Mahihinuhang hango sa dalawang salitang pinagtambal ang “balatkayo” (balát+kayo), ayon sa UP Diksiyonaryong Filipino. Malinaw ang una, na katumbas ng panrabaw na balot ng katawan, at nagkukubli sa laman at buto. Kung gagamitin sa punongkahoy, ang “balát” ay katumbas ng “balakbak,” samantalang tumutukoy din sa panlabas na balot sa prutas at katulad. Sa ibang pagkakataon, ang balát ay tumutukoy sa “katad” na hango sa pinatuyong panlabas na balot ng katawan ng hayop, gaya ng baka, bayawak, at buwaya. Samantala, ang kayô ay posibleng hango sa anumang uri ng tela, ngunit kung bakit nag-iba ang bigkas nito at naging maragsa nang gamiting pantambal sa “balát” ay walang makaaalam.

Isang magandang konsepto ang “balatkayo” ng Filipino, ngunit hindi ito nabibigyan ng sapat na pansin. Sa balatkayo, ang panlabas na anyo, gaya ng damit at alahas, ay siyang humahalili sa tunay na balát [lahi o kalooban] ng tao. Balatkayo ang nagbibigay ng panibagong pagkakakilala sa tao, upang ang taong ito ay maikubli ang anumang inaakalang mababa, marumi, at mahinang kalagayan at lumagay sa antas na katanggap-tanggap sa lipunan. Nagiging sibilisado ang tao sa pamamagitan ng balatkayo, kung ipakakahulugan ang pagiging sibilisado sa pananaw ng makapangyarihan at mapanakop na puwersa. Ngunit ang balatkayong ito ay nagsisilbi ring piitan ng tao, dahil makaiiral lamang siya alinsunod sa pakitang-tao habang ibinabaon sa limot ang likás na katangian ng pagkatao o pagkalahi. Binibiyak ng balatkayo ang tao sa dalawa: ang tunay at ang huwad, ang katutubo at ang banyaga, ang makaluma at ang makabago, ang nayon at ang lungsod, ang panloob at ang panlabas.

"Simbahan," kuha ni Bobby Añonuevo

"Simbahan," kuha ni Bobby Añonuevo

Magagamit ang balatkayo bilang kasangkapan ng pananakop sa paglikha at pagbuo ng mga teksto at kahulugan. Halimbawa, ang Filipina ay gumaganda sa bisa ng pampaputing tabletas o krema o sabon, ayon sa anunsiyo sa telebisyon. Walang katumbas umano ang maputing balat, at magmumukhang bata o sariwa ang sinumang may-edad. Nakakaligtaan sa gayong pagpapahiwatig na may angking rikit ang pagiging kayumanggi, na halos kumislap ang balat kapag tinamaan ng sinag, at ang pagiging makinis na waring pinahiran ng langis ay walang bahid ng pekas o bálat. Ngunit higit pa rito, ang usapin ng lahi ay nauungkat, dahil ang mga kayumanggi ay hinahatak na pumasok sa balatkayo ng kinathang diwaing “puti” alinsunod sa padron ng banyaga upang maging katanggap-tanggap sa lipunan at daigdig.

Isa pang katangian ng konsepto ng balatkayo ay inilalantad nito ang nais lamang na ilantad, yamang hindi maitatago sa publiko ang lahat. Pinipili sa ilang pagkakataon ang mga katangiang katanggap-tanggap sa panig ng makapangyarihan at mapanakop, nililinang ito, habang kasabay na inilalantad ang mga katangiang papabor at ginagamit ng naturang makapangyarihan at mapanakop. Ang ganitong taktika ay masasabing pagbubuo ng ibang anyo—at ang tao, kalagayan, at pangyayaring pawang nakabalatkayo ay nagkakaroon ng isa pang bukod na pag-iral, upang ang balatkayo ay hindi manatiling balatkayo bagkus isang pumipintig na diskurso, paniniwala, at kalakaran ng naghaharing estado.

Nagiging makapangyarihan ang balatkayo dahil ang punto de bista ay laging nakaayon sa pinaniniwalaang “tunay at totoo.” Ang katotohanang ito ang sisikapin ng sakop na kamtin, at yamang nasa mababa siyang posisyon at salát sa kapangyarihan o lakas, ay tatangkain niya kahit sa pamamagitan ng pagbabalatkayo ang abutin ang posisyong kinaiinggitan. Dito nagsisimula ang paghina lalo ng posisyon ng sakop, samantalang rumirikit ang pananakop. Ang pananakop, sa kabilang dako, ay nagkakahugis din ng kakatwang pagbabalatkayo, dahil ang realidad na nais nitong ipamalay sa lahat o maging sa malawak na lipunan o daigdig, ay naiiralan ng dogmatikong paniniwala upang mapanatili ang kaayusan at kumbensiyon.

Maihahalimbawa sa pagsusuring ito ang kuwentong “Si Tandang Basio Macunat” (1885) ni Fray Miguel Lucio y Bustamante na Fransiskano. Umiinog ang istorya sa salaysay ni Gervacio Macunat, alyas Tandang Basio, na nakilala noon ng isang paring Kastila sa Tanay, na dating sakop ng distrito ng Morong (na nakapaloob ngayon sa lalawigan ng Rizal). Tumira nang dalawang linggo ang naturang pari sa Tanay, nakilala si Tandang Basio, at sa kanilang paghuhuntahan ay naungkat ang usapin ng pagtungo sa Maynila upang mag-aral ng wikang Kastila at pagkadirektorsilyo. Nayamot si Tandang Basio dahil sa isyung iyon, at inilahad pagkaraan kung bakit siya nagalit.

Inilabas ni Tandang Basyo ang isang kasulatan na naglalaman ng buhay ng pamilya ng mag-asawang Don Andres Baticot (Kabesang Dales) at Donya Maria Dimaniuala (Kabesang Anggi). Nagkaroon sila ng mga anak na sina Prospero (Prosper) at Felicitas (Pili). Pinaaral ni Kabesang Dales si Prospero sa Maynila dahil nainggit ang binata sa kaniyang mga kaibigan. Tumutol noon ang kaniyang kapatid na si Pili, alinsunod sa payo ng kura paroko, dahil sa paniniwalang ang pag-aaral sa Maynila ay makapagdudulot ng pagkapariwara ng mga taganayon. Ngunit hindi ito sinunod ng Kabesang Dales, at binigyan ng laya at layaw ang anak na magtungo sa Maynila upang magpakadalubhasa sa wikang Kastila at iba pang larang. Ngunit imbes na mag-aral ay narahuyo si Prospero sa paglalakwatsa at pambababae sa loob ng apat na taon, hanggang mapatalsik sa paaralan at magkabaon-baon sa utang dahil sa bisyo at layaw. Nakulong ang binata, ngunit pipiyansahan ng kaniyang magulang, kahit magbenta ng ari-arian. Nangakong magbabago si Prospero, ngunit ilang linggo ang lumipas ay nagbalik muli siya sa bisyo at pambababae, hanggang magkasakit ang kaniyang ama dahil sa sama ng loob. Muling magsisisi si Prospero ngunit uulit ang kaniyang di-mapigil na kasamaan, makukulong muli, at nang piyansahan siya ng kaniyang ina ay naging katumbas iyon ng pagkatunaw ng lahat ng kanilang ari-arian. Hinatulang mabilanggo si Prospero sa Balabac at doon na namatay. Namatay din si Pili sa labis na kapighatian, at nalibing lamang dahil sa tulong ng kaniyang mga kaibigan, samantalang nakitira ang kaniyang inang si Maria sa kaanak bago namatay.

Matingkad na iginigiit ng kuwento na may nakatadhana sa tao. Ang mga Tagalog at Indio (mapang-aglahing tawag sa sinumang katutubo) ay nakatakdang gumanap nang habambuhay bilang magsasaka at hindi umano sila nababagay mag-aral ng wikang Kastila at iba pang larang. Nakapahiyas ito sa maling paniniwala ni Antonio Macunat, ang ama ni Tandang Basio, nang wikain na: “Ang mga Tagalog, ang mga Indio baga na humiwalay kaya sa kalabaw ay kadalasa’y nagiging masama at palamarang tao sa Diyos at sa Hari.” Tumutukoy ang “Diyos” sa Katolisismo, samantalang ang “Hari” ay sa pamahalaang Kolonyal.

Sa tekstong “Si Tandang Macunat,” ang pagbabalatkayo ay maaaring simulan sa mga payo ng pari kina Kabesang Andres at Pili, na ang pag-aaral ng wikang Kastila at pagkakamit ng mataas na edukasyon ay nababagay lamang sa mga piling tao o lahi. Bagaman sa unang malas ay waring malaya ang sinumang Tagalog na mag-aral alinsunod sa edukasyong tinatamo ng mga Kastila, ang ganitong kalayaan ay sinasagkaan ng prehuwisyo na hindi kaya ng utak ng Tagalog na tanggapin ang kaisipang banyaga. Ibig sabihin, bobo ang mga Tagalog. At yamang bobo ang mga Tagalog, wala silang kahihinatnan kundi magpalayaw lamang, at lustayin ang salapi at panahon sa pagpapalayaw ng katawan.

Tumitingkad ang pagbabalatkayo sa payo ng pari dahil ang tanging magagawa ng Indio ay magkamit ng mabuting ugali, magdasal nang magdasal, at sapat na ang matutong bumasa, bumilang, at bumigkas sa sariling wika at manatili sa munting daigdig lamang. Babanggitin ng pari na 90 porsiyento sa 100 ng mga taganayong nag-aral sa Maynila ay napapariwara lahat, at masuwerte na ang 10 porsiyento na nakaligtas sa gayong tadhana. Hindi susuriin sa kuwento ang datos na nagmula sa pari, at iiwasang ipaliwanag na may iba-ibang karanasan o panahon ang mga kabataan at kung sumapit man sila sa kabiguan ay walang makapagsasabi na dulot nga iyon ng bisyo at kapabayaan. Dinaraan ang pangangatwiran sa mapanlagom na paraan, at ang ganitong balikong lohika ang tatanggapin ng pamilya ng Macunat. Pinipintasan din ng pari ang ugali ng mga maykayang pamilya na paaralin sa Maynila ang kanilang mga anak, “kahit sintigas ng batubalani ang kanilang ulo at wala silang kabait-bait.” Ano ang ibig sabihin nito? Mahina ang kapasiyahan ng mga taganayong Tagalog, kaya dapat silang manatili sa nayon.

Ang pagbabalatkayo ay matatagpuan din sa katauhan ni Prospero. Magsisimula ang pahiwatig sa pangalang “Prospero,” dahil ang pahiwatig ng pagiging sagana ay hanggang sa pangalan lamang. Maglilihim si Prospero sa kabuktutang ginawa niya sa Maynila, at kung nabigo man siya ay hindi dahil mahina ang kaniyang ulo bagkus dahil sa bisyo at layaw. Ang pagbabalatkayo ni Prospero ay magsisimula sa kaniyang pamilya, tatawid sa mga babaeng kaniyang niligawan at inangkin, at tutuloy sa mga tao na kaniyang inutangan. May panlabas na anyo si Prospero bilang estudyante, na panandaling hahangaan ng kaniyang kababaryo at kaklase, ngunit magwawakas sa oras na mabunyag ang katotohanan. Ang pagkakabunyag sa kalokohan niya ay magdudulot ng pagkabilanggo, kahirapan, kahihiyan, at pagkawala ng dangal.

Makikita ang pagbabalatkayo kahit sa katauhan ni Pili. Dinaraan ni Pili sa dasal ang lahat, at ang kaniyang tadhana ay laging nakaatang sa Maykapal na hindi nakikita. Magiging halimbawa siya ng pagiging tapat na relihiyosa, ngunit ang katumbas niyon ay pananatili sa estado ng pagiging mangmang at limitado ang saklaw. Magiging sagisag na hadlang si Pili, at iyon ay hindi lamang sa gaya ni Prospero, kundi sa sinumang Tagalog na ibig mag-aral at abutin ang posibilidad ng karunungang maaaring taglayin ng sinumang tao. Samantalang nililinang ni Pili ang panig ng moralidad, kinakaligtaan naman niya ang isang kalikasan ng tao. At ito ay ang mag-aral, at higitin ang utak at talento, tungo sa mga antas na malayo sa hinagap ng karaniwang tao.

Pagbabalatkayo ang ipamamalas kahit ng mag-asawang Kabesang Dales at Kabesang Anggi. Gagawin nila ang lahat, mailigtas lamang sa kahihiyan ang kanilang pamilya at anak. Ang pagbabalatkayo nila ay kaugnay ng pagtatakip na mapanatili ang kanilang dangal, yamang tinitingala sila sa kanilang nayon. Ngunit ang pagbabalatkayo ay katumbas ng pagkaubos ng kanilang yaman, dahil kailangan nilang bayaran kahit ang mga utang at piyansa ng anak. Tanga kung gayon ang mag-asawa dahil nabigo silang supilin ang anak at maisalba ang ekonomiyang kalagayan. Ang tanging kalutasan ng kanilang suliranin ay kamatayan.

Ang konsepto ng balatkayo ay magwawakas kahit sa usapin ng wika. Ang mga Tagalog ay para sa Tagalog lamang umano, at wala silang kakayahang mag-aral at magpakadalubhasa sa ibang wika. Isa itong kabulaanan na pailalim na idinidikdik ng kuwento, at kung susundan ang paliwanag ni Marcelo H. del Pilar, ay ginagamit itong meme upang ang mga Tagalog ay manatili sa abang kalagayan. Ang masaklap, ginamit sa kuwento ang talinghaga ng “Ama” na kakatawanin ni Kabesang Dales at ng mag-amang Antonio at Gervacio Macunat, upang ang balighong paniniwala ukol sa edukasyon ay mapanatili at magkaroon ng awtoridad, at maisalba ang kapangyarihan ng relihiyon at pamahalaan palapit sa mga nasasakop nitong mamamayan.

Sa unang malas ay humihikayat ang akda ni Bustamante na magkamit ng mataas na edukasyon ang mga Tagalog. Ngunit isang balatkayo lamang iyon para sabihing ang sinumang pumitas at kumagat ng prutas mula sa punongkahoy ng karunungan ay masasawi, dahil ang prutas ay para lamang sa mga pinagpala ng Maykapal.

Ang prehuwisyo laban sa edukasyon ay tataglayin ni Hermana Penchang sa nobelang El filibusterismo (1891) ni Jose Rizal. Sa masisteng paraan, inilahad sa nobela ang balikong pananaw ng hermana ukol kay Juli, na sinisisi dahil sa pagkabihag kay Kabesang Tales. Aakalain ni Hermana Penchang na naligaw ng landas si Juli, “at magpapakita rito ang demonyo sa anyo ng isang mag-aaral.” Ang mag-aaral ay walang pasubaling humuhugot ng pahiwatig kay Prospero, at sa iba pang pangahas na kabataang nais magkamit ng mataas na edukasyon. Naniniwala ang hermana na maililigtas si Juli ng aklat na Si Tandang Bacio Macunat. Hindi iyon magaganap, dahil mabubunyag sa hinaharap ang balatkayo ng lahat.

Pamulinawen: Isang Pagbasa sa Epiko ni Jose A. Bragado

Si Jose A. Bragado ay isa sa mga iginagalang na manunulat na Ilokano na mangangatha, peryodista, editor, at makata na nagtamo ng mga parangal sa mga institusyong gaya ng GUMIL at UMPIL, at nakapaglakbay sa ibayong dagat upang magbigay ng mga panayam o katawanin ang bansa sa mga kumperensiya. Nakasulat aniya siya ng 16 nobela, 55 maikling kuwento, 55 tula, pitong nobelang pangkomiks, at 157 sanaysay at artikulo.

Pinakabago niyang epiko ang Pamulinawen (1995) na isinulat sa Iluko, at tinumbasan ng salin sa Filipino ni Dr. Crispina B. Bragado. Walang pumansin halos  sa naturang epiko, at kung bakit ay dapat nating alamin.

ilocos-escapade-apr2008-0431Pinapaksa ng Pamulinawen ang pakikipagsapalaran ni Ricardo na pinaghunos ang pagkatao ng pagsiklab ng digmaan. Sumalakay ang hukbong sandatahang Hapones sa Ilokos, nawasak ang kabuhayan ng mga mamamayan, gumuho ang halagahan at lumaganap ang panunulisan, at walang ibang magagawa kundi ang sumapi sa mga gerilya o pumanig sa mga mananakop. Pinatay ng hukbong Hapones si Tandang Angkuan, ang ama ni Ricardo, samantalang nagsundalo naman ang mga kapatid niyang sina Alfredo at Generoso. Naghasik ng lagim si Arrabas na puno ng mga tulisan.

Nagpasiya si Ricardo na hikayatin ang mga kabataan at magtatag ng armadong pangkat na handang lumaban sa mga Hapones at tulisan. Namundok ang pangkat ni Ricardo, at nagsanay sa mga pagsalakay, at tinambangan isang araw ang tropa ng Hapones. Nakaagaw sila ng armas, napatay ang mga kalaban, at ito ang naging sanhi upang mapoot si Kapitan Furukawa ng Imperyong Hapón. Gumanti si Furukawa sa pamamagitan ng panununog, panggagahasa, pagdakip, pagpapahirap, at pagpatay. Aakalain niyang nagapi na ang mga gerilyang Filipino, ngunit imbes na manghina ay lalong lumakas pa ang pagsalungat.

Nang lumaon, gagamitin ni Ricardo ang pangalang “Pamulinawen” na nangangahulugang “matigas o matibay” gaya ng batong hindi naaagnas o kahoy na taga sa panahon. Tumanyag ang pangkat ni Pamulinawen, at kikilalanin ito ni Koronel Lagmay. Gagawaran si Pamulinawen ng ranggong Tenyente, at pagkaraan ay aatasamg tugisin sina Furukawa at Arrabas. Nakipag-alyansa si Pamulinawen kay Satur upang mabihag si Arrabas, ngunit pagkaraan nito ay naglahong bigla sa salaysay si Arrabas. Masusukol sa isang armadong bakbakan ang tropa ni Pamulinawen at mabibihag sila ni Furukawa.

Muntik nang mapatay si Pamulinawen kung hindi siya sinaklolohan ni Berto na espiya ng tropang Hapones ngunit pagkaraan ay nagbagong loob at sumanib sa kawsa ni Pamulinawen. Pinalaya niya si Pamulinawen at ang iba pa nitong kasama, nagkaroon ng engkuwentro, at napatay si Furukawa. Nagwakas ang epiko sa paglisan ng tropa ni Pamulinawen sa kampo ng mga Hapones, at ipinahiwatig ang tagumpay sa pamamagitan ng pagsapit ng bukang-liwayway.

Maraming butas ang epiko na kasumpa-sumpa.

Una, problematiko ang daloy ng salaysay, mulang pangangalap ng tauhan ni Pamulinawen hanggang pakikipagbakbakan kina Arrabas at Furukawa. Kaduda-duda kahit ang paghirang sa sarili ni Ricardo bilang tenyente na waring hanggang isip-ranggo lamang ang mga kawal noon. Tumatalon kahit ang transisyon ng mga tagpo, mulang Pamulinawen at Furukuwa hanggang kampo at trintsera. Parang Rambo ang pagsasanay ng mga bagitong gerilya at pananambang sa mga Hapones, at nagapi ng pangkat ni Ricardo ang kalaban kahit wala pa itong sapat na karanasan sa pakikidigma. Hahabulin ni Pamulinawen si Furukuwa, at hahabulin ni Arrabas si Pamulinawen, at si Furukawa naman ay tutugisin din si Pamulinawen. Kung paanong hindi magtagpo ang tatlo sa Ilokos ay isang palaisipan.

Ikalawa, malabo ang mga tauhan sa epiko. Pinakamatingkad dito ang katauhan ni Arrabas na hindi malaman kung ano na ang nangyari sa kaniya matapos tugisin ng magkasanib na puwersa nina Pamulinawen at Satur. Matapos ipakilala si Arrabas na mabalasik na tulisan ay isinaad na lamang sa Kabanata 8 ang kaniyang pagkamatay sa hindi malamang dahilan. Kaduda-duda rin ang katauhan ni Berto bilang espiya ng Hapones ngunit kumampi pagkaraan sa mga Filipino, at isa siyang halimbawa marahil ng doble-karang espiya. Kung gayon nga, nabigo itong linangin sa salaysay, at parang komiko ang biglang pagbaligtad ni Berto. Mahina kahit ang paglinang sa mga katauhan nina Pamulinawen at Furukawa, at ang kanilang pagiging pinuno ay personal imbes na militar ang pagdulog. Sa Kabanata 6, isinaad doon ang unang paghaharap ng magkatunggali. Nagbigay ng manok kay Furukawa ang nagbabalatkayong magsasakang si Pamulinawen, at itong si Furukawa naman ay tila tunggak na naniwala sa gayong pakana. Kaya pala ginawa iyon ni Pamulinawen ay upang mukhaan lamang ang Hapones!

Ikatlo, nabigong maipakita sa epiko ang lawak ng imahinasyon sa paglalarawan ng mga lunan. Nasayang ang banggit sa Kailokuhan dahil parang palamuti lamang ito na nilalakbay nang mabilis nina Pamulinawen at Arrabas. Maganda sanang tagpo ang panununog ng buong bayan, ang pangungulimbat sa mga ari-arian, ang malaganap na ligalig at gulo ng mga tao, ngunit hindi iyon mapalalawig sa kuwento. Ni hindi rin maipamamalas ang malawak na kagutuman o tagsalat, at natabunan ang gayong tagpo ng panggagahasa nina Furukawa at Arrabas sa mga dalaga, o kaya’y sa pag-asinta ni Pamulinawen sa dati niyang kasintahan at bagong inaasintang dalagang si Brigida.

Ikaapat, kumapal ang epiko dahil ang ilang bahagi ng Kabanata 6 ay inulit lamang sa Kabanata 8, at marahil isama na ang pagkabusalsal ng paglilimbag. Nawala ang mga pahina 88 hanggang 103, at kung naroon man ang misteryo ng pagkamatay ni Arrabas ay hindi na mahalaga.

Ikalima, sumamâ ang epiko sa salin ni Belen, at pambihira ang pananaludtod sa Filipino na mapaiikli at maisislid sa tugma at sukat kung nanaisin.

Nakapanghihinayang na ang paksang umuurirat sa digmaan ay waring hanggang komiks pa rin ang pagdulog. Ang kabayanihan ay laging nakasentro sa iilang tao, at ang kaligtasan ay laging kaugnay ng paghihiganti imbes na malawak na bisyon para sa Filipino. Baryotiko ang pagtanaw sa pagbubuo ng armadong kilusang ni walang malinaw na ideolohiya o lunggati. Pasibo lagi ang mga Filipino na reaksiyonaryo ang tugon sa pananakop ng mga dayuhan o sa paghahasik ng lagim ng mga tulisan. Napakarupok ng balangkas ng epiko, at mabuway kung gagamiting haligi ang mga tauhang Pamulinawen, Furukawa, at Arrabas na waring hinango sa patakbuhing pelikulang koboy. Kung gagamiting panukatan ang epikong Pamulinawen, masasabing nahuhuli na ang panitikang Iluko sa pambansang antas. At ang epikong ito, na bagaman nasusulat sa Iluko at nagmula sa manunulat na Ilokano, ay hindi dapat mabilis na ipagmagara na mahusay. Kahanga-hanga ang wikang Ilokano, datapwat hindi nangangahulugan iyon na magaling na ang epikong tulang Pamulinawen, na napakalambot kung hindi man walang latoy bilang halimbawa ng matinong panitikan.

Pahabol: Nakikiramay ang Alimbukad sa pagyao ni Genoveva Edroza Matute, na mas kilala bilang Aling Bebang. Masakit ang pagkawala ng isang manunulat, lalo’t nakapag-ambag siya nang malaki at makabuluhan sa ating panitikan at sa ikagaganda ng daigdig.