Minahan ng Ginto sa Masbate

Napakalapit lamang ng Isla Masbate sa Maynila ngunit nakatago rito ang lihim na likas yaman. Nagluluwal ng 200 libong onsa ng bulawan ang Masbate kada taon, at katunayan, sang-anim [1/6] na ginto na matatagpuan sa buong bansa ay angkin ng nasabing isla, ayon sa websayt ng Leighton Asia. Binubutas, inuukit, at tinatabas ng Leighton Asia/Leighton Philippines ang kabundukan sa Masbate, upang pagkaraan ay tanggalin ang mahigit 14 bilyong tonelada ng basurang materyales at mahigit 14 bilyong tonelada ng mina [ore] sa loob ng walong taon.

Ibinunyag kamakailan ng Wikileaks na lumabag sa mga batas at reglamento ang Leighton Contractors Asia Limited/Leighton Contractors Philippines, Inc.  sa pagmimina sa Masbate, batay sa awdit report ng Bureau Veritas noong 2008. Ang Leighton Asia/Leighton Philippines ay pag-aari ng Leighton Holdings ng Australia, at pangunahing kontratista sa P2323 Masbate Gold Project.

Kabilang sa mga pagkukulang ng Leighton Contractors Asia Limited/Leighton Contractors Philippines, Inc. ay ang sumusunod: una, lumabag ito sa OHSAS 18001 Occupational Health and Safety Series nang hindi nito isinaalang-alang ang buhay at kalagayan ng tao sa pagtukoy ng peligro at pagtatasa ng panganib; ikalawa, hindi sumunod ang kompanya sa mga reglamento kung katanggap-tanggap o hindi ang pagtatasa sa peligro.

Ayon pa sa natuklasan na pinangunahan ni Adarne Crispo, kasama sina Gayle Russel Capulong at Venson Ramos, at may petsang 20 Pebrero 2008, hindi sumunod ang Leighton Contractors Asia Limited/Leighton Contractors Philippines, Inc. sa mga internasyonal na reglamento nang upahan nito ang mga di-awtorisadong tauhan sa paghawak at pagtesting ng radyoaktibong materyales. Hindi rin nasubok at walang sertipikasyon ang malalaking aparato sa mga kilalang organisasyon bago gamitin ang nasabing ekwipment. Nabigo pang iulat ng kompanya sa mga awtoridad ang isang aksidente nang ang IHI excavator ay mahulog sa malalim na hukay. Ang nasabing pagkukulang ay paglabag sa OSH Standard Rule, bukod sa inilingid sa Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Environment and Natural Resources (DENR), at opisyal ng gusali. Nabatid ng pangkat na nag-inspeksiyon na dalawang tauhan ang nagpinta sa pook idrokarbon [hydrocarbon] nang walang permiso na magtrabaho.

Walang akreditadong praktisyoner sa kaligtasan ang kompanya, at walang natagpuan sa loob ng laboratoryo kung paano ang tumpak ng paghawak sa radyoaktibong materyales. May iba pang pagkukulang umano ang Leighton Contractors Asia Limited/Leighton Contractors Philippines, Inc. na may kaugnayan sa pagsasapanahon ng aparato; pagkuha ng mga sertipiko sa kaligtasan ng pagsasakay sa barko at seguro sa mga pasahero; pagrepaso ng mga gamot at medisinang umaayon sa pamantayan sa kalusugan; at iba pang may kaugnayan sa kahusayan ng mga tauhan.

Isang Tsinong may Pekeng Identidad

Noong 22 Enero 2013 ay ginanap sa tanggapan ng Komisyon sa Wikang Filipino ang panunumpa ng pamunuan ng bagong tatag na Pambansang Samahan ng Ugnayang Filipino (UGFIL). Nagbigay ng mensahe sa naturang pagtitipon ang isang nagngangalang Pauline “Amah” Chong, na isa umanong Pandaigdigang Sentro ng Wikang Filipino (PSWF) Direktor sa Hong Kong, Tsina. Ang totoo’y walang PSWF Direktor sa Hong Kong o saanmang panig ng Tsina ang KWF. Ang ganitong imbensiyon ay mula lamang kay Jose Laderas Santos, na nagtapos na ang termino bilang Punong Komisyoner ng KWF noong 6 Enero 2013.

Nakasaad sa Seksiyon 14 ng Batas Republika Blg. 7104, na ang Komisyon (na tumutukoy sa Lupon ng mga Komisyoner ng KWF) ay may kapangyarihang “magsagawa o makipagkontrata ukol sa pananaliksik at iba pang pag-aaral upang isulong ang ebolusyon, pagpapaunlad, pagpapayaman at dakong huli’y estandarisasyon ng Filipino at iba pang wika sa Pilipinas.” Ngunit nang hirangin ni dating Punong Kom. Santos si Chong bilang dayuhang konsultant, hindi sinangguni o ipinagbigay alam ni Santos sa Lupon ng mga Komisyoner ang estado ni Chong. Ibig sabihin, ilegal at arbitraryo ang pagkakahirang kay Chong sa simula’t sapul.

Dapat mabatid ng taumbayan na ang KWF ay umiiral sa bisa ng lawas kolehiyado ng Lupon ng mga Komisyoner. Ibig sabihin, kahit may diskresyon ang Punong Komisyoner hinggil sa ilang bagay na may kaugnayan sa pagpapatakbo ng opisina, kinakailangang sumangguni pa rin siya at sumunod sa kapasiyahan ng Lupon. Ang punong komisyoner, gaya ng iba pang komisyoner, ay may isang boto lamang kung sino ang ipapasiyang mahirang na konsultant, dayuhan man o Filipino. Hindi maaaring arbitraryong humirang ng sinumang tauhan ang punong komisyoner, dahil hindi lamang ito paglabag sa esensiya ng Batas Republika Blg. 7104, bagkus pagganap ng kambal na katauhang tagapagbuo ng mga programa at patakaran sa isang panig, at tagapagpatupad ng mga programa at patakaran sa kabilang panig.

Ang higit na masaklap ay gumamit ng iba pang identidad si Chong na pawang maituturing na pekeng identidad, gaya ng “Pauline C.Ling Hui Kho,” “Paulyn Chong,” at “Cai Ling Hui” na pawang ipinangangalandakan niya sa kaniyang mga calling card. Ang nasabing mga pangalan ay hindi rehistrado sa civil registry, at malinaw na paglabag sa Batas Republika Blg. 6085 (na mas kilala bilang AN ACT AMENDING COMMONWEALTH ACT NUMBERED ONE HUNDRED FORTY-TWO REGULATING THE USE OF ALIASES). Sa kontratang pinirmahan niya sa KWF na may petsang 14 Enero 2010 at tinanggap ng dating residenteng COA awditor sa KWF Teresita Fernandez, ang ginamit niyang pangalan ay “Pauline C. Chiong.” Ang nasabing kontrata ay pirmado rin ni dating Kom. Jose Laderas Santos, at nakasaad pa ang mga pirma bilang mga saksi nina Julio A. Ramos (Punong Administratibo) at Almira Divina M. Alejandrino (HRMO III), bukod ang mga pirma ni Salvador L. Sagadal (na noon ay Officer in Charge ng Budget Unit) at ni Bernadeth M. Mequila (Accountant III). Nakapagtatakang lumusot sa buong Sangay Administratibo ang katauhan ng pekeng Tsino na si Chong o Chiong, na nagpasa ng iba pang dokumentong gaya ng “Terms of Reference for Pauline C. Chiong,” “Contract of Service,” “Accomplishment Report,” at “Katunayan ng Paglilingkod sa mga buwan ng Enero at Pebrero 2010.” Hindi man lang binanggit sa naturang mga dokumento ang pangalang Huadu Cai—na siyang tunay na katauhan ni Pauline Chong, Pauline Chiong, atbp.— alinsunod sa opisyal niyang Pasaporte blg. G34417238 na inisyu ng People’s Republic of China (PRC).

Ang naturang paglilihim ng pekeng identidad ay pinalakas pa ng pangyayaring binigyan ng identipikasyon kard ng KWF sa ilalim ng administrasyon Punong Kom. Santos si “Pauline Chiong” at ang kaniyang diumano’y anak na nagngangalang Henry C. Lu noong 2009. Walang matinong naimbag sa KWF magpahangga ngayon ang dalawang Tsinong ito, at naging galanteng tagapamudmod lamang ng regalo, salapi, at iba pang bagay sa mga kawani at opisyal ng KWF. Ngunit ang dapat puwingin ay ang maling representasyon ng dalawang Tsino sa isang tanggapan ng gobyerno, bukod sa nabanggit na paglabag sa Batas Republika Blg. 6085.

Sa isang liham awtorisasyon ni dating Kom. Santos na may petsang 14 Hulyo 2009, nakasaad ang sumusunod: “In the desire of Mme. HUA DU CAI to help in the research, promotion and preservation of Filipino Language in the Chinese Community wherein Mme. Cai is a member, the undersigned hereby authorize her to do such undertakings in line with the rules and regulation mandated under Republic Act 7104 creating the Commission on Filipino Language known as Komisyon sa Wikang Filipino.” Isang kabulaanan ito, lalo kung isasaalang-alang na ni hindi man lang binanggit sa mga dokumentong isinumite sa KWF at may kaugnayan sa pakikipagkontrata sa dayuhang konsultant ang pangalang Hua Du Cai, bukod sa inilingid ang numero ng kaniyang pasaporte. Hindi isinaad ni dating Kom. Santos na si Hua Du Cai o Huadu Cai at si Pauline C. Chiong at iba pang alyas ay iisang tao lamang. Wala ring karapatang magbigay ng awtorisasyon si dating Kom. Santos kay Huadu Cai sapagkat si Santos ay hindi awtorisado ng Lupon ng mga Komisyoner na gawin iyon. Kumbaga, arbitraryo ang gayong kapasiyahan.

Matagal nang naghasik ng kabulaanan itong si Huadu Cai, alyas Pauline C. Chiong atbp., hindi lamang sa loob ng KWF bagkus maging sa mga Panrehiyong Sentro ng Wikang Filipino ng KWF sa buong kapuluan at ibayong dagat. Si Huadu Cai, batay sa obserbasyon ng nakararaming nakasaksi sa kaniyang pananalita at pagsusulat, ay walang kasanayan sa wikang Filipino o lingguwistika at kulturang Filipino sa mga pamayanang Tsino. Kung pagbabatayan ang kaniyang curriculum vitae na isinumite sa KWF ay mahihinuhang kahit iyon ay pineke, at pinalusot ng HRMO Alejandrino at Punong Administratibo Ramos sa mahabang panahon. Ang masaklap pa nito, ginagamit pa ni Huadu Cai ang radyo at nagpondo pa ng sariling magasing Kowika noong 2010 upang isulong ang kaniyang interes.

Hindi dapat paniwalaan itong si Huadu Cai; ngunit ito’y patuloy na kinunsinti ni Jolad Santos hanggang sa wakas at lampas sa kaniyang termino. Kasumpa-sumpa ang ganitong impunidad, kasuklam-suklam ang ganitong pagmamalabis sa awtoridad, at karima-rimarim kahit ang kutsabahan sa loob ng KWF na lalong nagpaparupok sa pundasyon at integridad ng institusyong nagsusulong ng wikang Filipino at iba pang wikang panrehiyon.

Noong 2010, nagpasok ng mga kasangkapang pangkomunikasyon sa KWF at umokupa pa ng isang bukod na silid si Huadu Cai sa basbas ng mga Komisyoner na sina Santos, Carmelita Abdurahman, at Concepcion Luis, bukod sa pinayagan din nina Punong Administratibo Ramos at HRMO Alejandrino. Nangyari ito kahit pa masikip na ang tanggapan ng KWF sa Gusaling Watson, at umaangal ang mga kawani dahil hindi paborable ang lugar sa pagtatrabaho. Ang ganitong kaselang pangyayari ay naglagay sa alanganin sa Malacañang, lalo’t may isinamang mga tauhan si Huadu Cai na maaaring magdulot ng panganib o kapahamakan hindi lamang sa KWF bagkus sa Tanggapan ng Pangulo, yamang katabi ng silid ni Huadu Cai ang opisina ni Atty. Ronaldo Geron sa Gusaling Watson.

Nakapagdududa kung ano talaga ang identidad nitong si Huadu Cai. Ginamit niya ang alyas na “Ling Hui Kho,” at kung may kaugnayan man siya sa Ling Hui Kho Foundation, Inc. na nakarehistro sa Securities and Exchange Commission ay dapat pang imbestigahan. Ang nasabing organisasyon ay kahawig ng isa pang organisasyong nakareserba sa SEC, at pinangalanang Pamana LingHuiKho (PAMANA) Inc., na puwedeng imbestigahan ng NBI, DOLE, at BI. Sa isang ulat ni Alvin M. Remo ng Philippine Information Agency, si  Pauline Chong ay ipinakilalang direktor ng Language Exchange Center, Hong Kong at nagtatag umano ng Ling Hui Kho Temple sa Barangay Cuta, Lungsod Batangas. Kung ang naturang Language Exchange Center ay tumutukoy sa PSWF Hong Kong, iyon ay malinaw na maling representasyon sa panig ni Huadu Cai alyas Pauline Chong.

Iminumungkahi kong ituring na persona non-grata si Huadu Cai sa KWF, sa pagpasok ng bagong set ng mga komisyoner, dahil sa pagtataglay at pagpapanatili ng pekeng identidad at palsipikadong papeles. Mungkahi lamang ito, at maaaring hindi maganap. Ngunit hindi ko rin mapipigil kung may ibang tao o institusyong ungkatin ang ganitong kagarapal na pangyayari, at magmungkahing unahing papanagutin sa batas si Jolad Santos at ang kaniyang matatapat na tauhang kasangkot.

Si Huadu Cai, alyas Pauline Chiong, katabi ni Mayor Vilma Dimacuha.

Si Huadu Cai, alyas Pauline Chiong, katabi ni Mayor Vilma Dimacuha, na katabi ni dating KWF Komisyoner Jose Laderas Santos.

Si Huadu Cai, alyas Pauline Chong, kasama sina Ricky Ursua ng DWDD 1134, dating KWF Kom. Carmelita Abdurahman, at ang yumaong peryodistang Andy Beltran.

Si Huadu Cai, alyas Pauline Chong, kasama sina Ricky Ursua ng DWDD 1134, dating KWF Kom. Carmelita Abdurahman, at ang yumaong Andy Beltran.

Pulis at Tula

Kapuri-puri sa unang malas ang pagsisikap ng pambansang pulisya na pagandahin ang imahen ng mga pulis sa paningin ng mga bata sa pamamagitan ng tula. Ayon kay PNP Community Relations Group Director C/Supt. Nicanor Bartolome, “magpapadala ng mga pulis ang PNP sa mga paaralan upang maging guro.”

At bilang guro, ituturo ng mga representanteng pulis ang tungkulin ng pulisya sa mga mag-aaral na nasa una hanggang ikatlong grado. Hindi umano dapat katakutan ang mga pulis, at sa halip ay marapat paniwalaan. Pagkaraan, ang naturang programa ay ihahanda para sa matataas na grado, at marahil ay sasaklaw hanggang hay-iskul.

Nang panoorin ko sa telebisyon ang isang babaeng pulis na bumigkas ng “Isang Tula Para sa mga Mag-aaral” ay halos malaglag ako sa upuan. Parang binayaran ng payola ang network na nagpalabas nito, at imbes na maging kritikal sa gayong pakana ay naging instrumento pa ng kabalbalan.

Kulang sa sining ang tulang propagandang binigkas ng pulis. Ibinabalik ng pulis na nagkukunwang guro ang panahon ng mga mambabalagtas, ngunit ang pagkakaiba lamang ay sukdulan ang babaw ng tula at dapat ibitin nang patiwarik kung sino man ang awtor ng gayong propaganda. Kung pangit mang bumigkas ang pulis ay hindi siya masisisi; ginagampanan lamang niya ang tungkuling sumunod sa dikta ng nakatataas na mahihinuhang walang malasakit sa panulaang Filipino.

Kung nais ng Philippine National Police na pagandahin ang imahen nito, hindi sapat ang magpadala ng mga pulis sa mga paaralan para tumula ng kung anong sampay-bakod na berso. Kailangang maunawaan ng pulis na ang tula ay malayo na sa panahon ng kopong-kopong. Kailangang mag-aral ng wika at sining ng pagkatha ang mga pulis, at kung maaari’y dumaan sa mahabang proseso ng palihan sa pagsulat upang maitaktak palabas ng kanilang utak ang mga dating lihis na paniniwala hinggil sa pagtula.

Hindi matatakpan ng tula ang mga pagpaslang sa mga aktibista at peryodista. Hindi mapapayapa ng tula ang sindak sa mga pulis na protektor ng pasugalan, ismagling, droga, at bahay-aliwan. Hindi mapagagaan ng tula ang puso ng mga batang batid na, ni hindi mahuli ng pulisya ang senador na kinasuhan ng pagpaslang at malayang naglalakbay kung saan-saan, samantalang ang karaniwang suspek sa krimen ay lumalasap ng kisapmata’t lihim na pagdakip at pagpatay.

Kinakailangan ng pambansang pulisya ang reoryentasyon sa pagkilala at pananaw sa tula. Walang maidudulot na buti ang bersong pulis na imbes na magpakalat ng karunungan ay nagpapalaganap ng masamang halimbawa kung paano bumigkas at sumulat ng tula. Sa dakong huli, kayayamutan ng mga bata ang tula. Iisipin nilang ang tula ay hanggang panteksbuk lamang; na ang tula ay maganda lamang pakinggan ngunit hungkag ang nilalaman; na ang tula, gaya ng dati, ay dapat pigain upang magluwal ng mga leksiyon mula sa awtoridad at iyon lamang ang tama.

Kung pag-aaralan ng mga pulis ang mahabang tradisyon ng panulaang Filipino, matutuklasan nila na maraming tula ang hindi pabor sa kanilang marahas at madilim na nakaraang may bahid ng dugo at panunupil. At ang mga tulang ito ay hindi basta sinulat ng mga sampu-samperang mambeberso, bagkus matitinik na makatang may matayog na bisyon para sa tula at para sa bayan. Ang mungkahi ko’y iutos ng pambansang hepe ng pulisya na ilahok sa kanilang kurikulum ang pag-aaral ng tula at iba pang anyo ng panitikan. Nang sa gayon, lalawak lalo ang kanilang pananaw hinggil sa daigdig; at ang tula at katha ay tatanawing hindi laging salamin ng lipunan bagkus may sariling daigdig na dapat pasukin at alamin ng mambabasa.

Nagtataka lamang ako kung bakit hindi umaangal ang sinuman sa Kagawaran ng Edukasyon hinggil sa pakanang ito ng PNP. Lumalabas din ang katangahan ng mga peryodistang nag-ulat ng programa ng PNP, at walang umusisa kung bakit napakahina naman ng berso at kung sino ang gagong nagpakana nito. Hindi dapat pinapayagan ang PNP na magpadala ng mga pulis para sa indoktrinasyon ng mga bata, lalo’t walang kakayahan ang PNP na magpakalat ng tumpak na impormasyon hinggil sa panulaang Filipinas. Dahil kung papayagan ang pulisya, ang pulis sa loob ng paaralan ay hindi lamang nagpapakalat ng propaganda, bagkus ng makamandag na diwaing sisira sa masining na pag-unawa at pagkatha ng matatayog na tula.

Dominyo ng Jejemon

Sirkulo ng mga Jejemon ang pinag-iinitan ngayon ng mga awtoridad, at kabilang na rito ang Kagawaran ng Edukasyon. Portmanteau, o pinagsanib na mga salita ang “jejemon.” Mauugat ito sa “jeje-” (na katumbas ng mahinang pagtawa at binibigkas sa Espanyol na “hehe,” gaya ng Espanyol na “jefe” na “hepe” sa Filipino) at “-mon” na mula sa Ingles na “monster” na ang isa pang inimbento’t tinipil na anyo ay ang “pokémon” [pocket+monster] na pinasikat sa mga palabas na animé ng Hapones.

Ayon sa Urban Dictionary. Com, ang “jejemon” ay mga tao na nasa mga networking site na gaya ng Friendster at Multiply na “may mababang IQ na nagpapakalat ng katangahan” sa pamamagitan ng pagtipa ng mga salitang may pambihirang ispeling at sintaks. Isang halimbawa nito ang “a person WhO tyPeZ lYKeS tH1s pfOuh… whether you are RICH, MIDDLE CLASS or POOR ifpK eU tYpE L1K3 tHiS pfOuh..eU are CONSIDERED AS JEJEMON.” Ang nasabing paraan ng pagsasakataga ay tinatawag na “jejenese” na maituturing na isang bago’t malusog na wika ng isang subkultura.

Sumasaklaw din ang jejemon sa moda, at kinikilala siya sa pagsusuot ng makulay na ballcap o sombrero na halos nakapatong lamang sa ulo, at hindi inilalapat nang ganap. Nagsusuot siya ng maluluwang na tisert at pantalong maong, at kung umasta’y maangas na tambay na kung hindi nagpipilit na rakista ay alagad ng hip-hop at rap. Para sa ibang fashionista, ang jejemon ay reenkarnasyon ng “jologs” ngunit ang pagkakaiba lamang ay higit na adik at marunong kumalikot ng kompiyuter ang mga jejemon.

Mabalasik ang pagtanaw sa mga jejemon at ang hanay nila ay sinisipat ng mga maykaya at awtoridad na mababang uri. Ngunit kung susuriin nang maigi, ang jejemon ay isang anyo ng rebelyon ng subkultura, at ang rebelyong ito ay may kaugnayan sa laro ng kapangyarihan sa lipunan.

Ang mismong paraan ng pagsasakataga ng jejemon ay hindi basta paglalaro lamang ng salita. Ito ay mauugat sa Hypetext Markup Language (HTML) na pangunahing wika ng pagpopoprograma sa Internet. Lumilikha ng sariling kodigo ang mga jejemon, at ang mga kodigong ito ay isang anyo ng paglilihim upang ikubli ang mga pakahulugan at paghihiwatigan nang hindi madaling maunawaan ng nakatataas o awtoridad, gaya ng magulang at guro. Sa madali’t salita, ang wika ng jejemon ay hindi panlahat. Isinasaalang-alang ng gumagamit nito ang angking posisyon sa ugnayan ng mga tao o pangkat sa loob ng lipunan. Ang jejenese ay para sa isang uri ng subkultura na may angking konsepto at diskurso, at bagaman umiiral sa kasalukuyang realidad ay nakakayang tumawid at magpabalik-balik sa mala-realidad o hiperrealidad na likha ng Internet at World Wide Web.

Mauugat ang ganitong asta ng mga jejemon sa konsepto ng “tayo-tayo” at “kami-kami” ng mga Filipino. Para sa mga Filipino, may tinatawag na “malalapit na tao” na tumutukoy sa matatalik na kaanak, kaibigan, at kakosa. Kabaligtaran nito ang “ibang tao” na malayo sa kalooban ng nagsasalita. May mukhang inihaharap sa malalapit na tao, samantalang iba ang mukhang inihaharap sa ibang tao. Ang paraan ng komunikasyon ng mga Filipino ay isinasaalang-alang ang kausap at hindi itinuturing na isang malamig na bagay, ayon na rin sa pag-aaral ng sosyo-antropologong si Dr. Melba Padilla Maggay, at kung gaano ito kalapit o kalayo sa kalooban ng nagsasalita ang magpapabago ng timbangan ng usapan.

Kung babalikan ang kaso ng jejemon, ang kaniyang pagsasakataga ay nagsasaalang-alang na malapit sa kaniyang sirkulo ang kausap, at ang sirkulong ito ay maaaring esklusibo sa kung anong dahilan. Kapag ginamit ng jejemon ang kaniyang wika sa labas ng kaniyang sirkulo, may panganib na maisantabi siya dahil ang pamantayan at panuto ng komunikasyon ay nakakiling sa kumbensiyon ng gramatika at sintaks ng nakababatid ng wikang Ingles. Ngunit sa oras na pumasok sa sirkulo ng jejemon ang sinumang tuwid magsalita ng Ingles, lilitaw naman siyang katawa-tawa at maaaring hindi tanggapin sa sirkulo dahil iba ang kaniyang pinagmumulang wika at diskurso. Ito ay dahil hindi tanga o gago ang jejemon na ibubunyag ang identidad nang basta-basta.

Malaya ang sintaks at gramatika ng jejenese, ngunit habang lumalaon ay napupulido ito sa paraan ng pagsasanib ng patinig at katinig; sa kombinasyon ng mga salita at tunog; sa pagpapantig, pagpapahaba ng pantig, at paglalagay ng mga panlapi [i.e., unlapi, gitlapi, at hulapi]; at sa pagsasaad ng dalasan [frequency] ng malaki at maliit na titik sa loob ng isang salita o parirala o pangungusap na mahuhugot muli sa wika ng kompiyuter. Humihiram ang jejenese sa paraan ng paggamit ng pandiwa [verb] ng Tagalog, kahit nilalahukan ng Ingles ang pangungusap o parirala; at makikita ang paggamit ng pandiwang Tagalog sa transpormasyon ng mga pangngalan [noun] at pang-uri [adjective] tungo sa pagiging pandiwa sa ilang pagkakataon. Ang wika ng jejemon kung wawariin ay wika ng mga hacker at spamer; at ang paglihis nito sa kumbensiyon na itinatakda ng pormal na edukasyon ay masisipat na isang uri ng subersiyon at pagpapanatili ng seguridad at kaayusan ng subkultura. Niyayanig kung hindi man iniinis ng mga jejemon ang karaniwang konsepto sa komunikasyon ng malawak na publiko, at ang pagpasok nila sa eksena sa gaya ng Facebook sa paraang kakatwa ay parang asta ni Joker na lumiligalig sa estado ng Gotham City.

Dapat bang katakutan ang mga jejemon? Ang tanong na ito ay depende sa tumitingin. Para sa mga awtoridad, ang jejemon ay waring salot na dapat sawatain o supilin para mapanatiling matatag ang puwesto ng Ingles sa herarkiya ng mga wika; ngunit para sa iba’y ang penomenon ng jejemon ay pagbabalikwas sa kumbensiyon ng wikang itinatakda ng lipunan. Ang mabababang uri ay kailangang patayin sa pagpukol ng mararahas at makukulay na taguri. Kailangang hiyain ang jejemon upang siya mismo ay itakwil ang sarili at ikahiya ang inimbentong wika at diskurso ng isang subkultura. Kailangang pasunurin ang jejemon sa kumbensiyon ng Ingles sa pamamagitan ng mga “jejebuster” at “grammar nazi” na pawang mga pulis sa pagpapairal ng tumpak na paggamit ng Ingles sa lipunan. Ngunit ang ganitong paraan ng pamimilit ay sinauna at laos na.

Kailangang unawain ang mga jejemon, at nang mabatid kung ano ang kanilang iniisip at niloloob, maging yaon ay sa usaping personal o panlipunan. Nililibak ang mga jejemon, ngunit ang pinakamasiglang pakikilahok nila sa usaping panlipunan ay noong nakaraang pambansang halalan, at ang pagsuporta nila kay Jejomar Binay ang naghatid ng maraming boto para sa naturang kandidato. Ang wika ng jejemon ay hindi malalayo sa mga usapang bakla [gay lingo], usapang doktor, usapang abogado, at iba pa. Bawat pangkat ay may angking jargon, at ang jargong ito ay nagsisilbi para sa kapakinabangan ng mga nakauunawa at kasapi ng isang pangkat. Ito ang pangyayaring dapat mabatid ng lahat. Sa oras na tanggapin sa malawak na lipunan ang jejemon, ang kaniyang wika, diskurso, at pagkatao ay hindi na magiging palaisipan at kakatwa; maaaring mapalis ang prehuwisyo laban sa kanilang uri at anyo ng komunikasyon; at higit na lulusog ang ating pagkaunawa sa ugnayan ng mga Filipino saanmang dako sila naroroon.

Filipino at ang Halalan sa Mayo 2010

Napakahalaga ng paggamit ng wikang Filipino sa pambansang kampanya sa halalan sa Mayo, ngunit ngayon pa lamang ito ganap na nauunawaan ng mga politiko. Kung pagbabatayan ang datos mula sa National Statistics Office, ang CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) ang tinatayang may pinakamalaking populasyon sa buong bansa sa kasalukuyan, at ang pangkat ng mga lalawigang ito ay malaganap nauunawaan ang Tagalog na pinagbatayan ng Filipino. Inaasahang aabot sa tinatayang 11.9 milyong tao ang populasyon ng CALABARZON ngayong 2010, at ipagpalagay nang may 6-8 milyon ang botante rito.

Samantala, ang National Capital Region (NCR) ay tinatayang may 11.6 milyong katao ngayong taon, at kaunti ang lamang ng bilang ng babae kompara sa lalaki. Sumusunod ang Gitnang Luzon (Aurora, Bataan, Bulakan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac) na tinatayang may 10.2 katao. Kung makokopo ng politiko ang mga boto sa CALABARZON, NCR, at Gitnang Luzon, maaaaring makakuha siya ng 17–19 milyong boto, na napakalaki at puwedeng tumabon sa ibang lugar sa Filipinas.

Ang Rehiyon VI na sumasaklaw sa Kanlurang Visayas (Aklan, Antique, Capiz, Guimaras, Iloilo, at Negros Occidental) ay tinatayang may 7.6 milyong katao, at ang mga botante rito ay ipagpalagay nang nasa 2–4 milyong katao. Isama na rito ang Rehiyon VII na sumasaklaw sa Gitnang Visayas (Bohol, Cebu, Negros Oriental, at Siquijor) at may tinatayang kabuuang populasyong 7 milyon na ang mga botante’y nasa 2–4 milyon, at ang Rehiyon VIII o Silangang Visayas na may tinatayang populasyong  4.4 milyon na sabihin nang may halos 1 milyong botante, ay hindi makasasapat para burahin ang lamáng ng CALABARZON, NCR, at Gitnang Luzon.

May 4 milyong katao ang tinatayang populasyon ng Rehiyon XII na sumasaklaw sa SOCCSKSARGEN (South Cotabato, Cotabato, Sultan Kudarat, Sarangani  and General Santos City) ngayong taon, at sa bilang na ito ay masuwerte na kung makakuha ng 1 milyong botante. Ang Hilagang Mindanao (Bukidnon, Camiguin, Lanao del Norte, Misamis Oriental at Occidental) ay tinatayang may 4 milyong populasyon ngayong taon ngunit ang mga botante’y ipagpalagay nang nasa 1–2 milyong katao.

Tinatayang may 5.7 milyon ang populasyon ng Bicol, at sabihin nang may mahigit 2 milyon ang botante rito.

Mahihinuha rito na kahit pa pagsamahin ang mga boto ng Bicol, Visayas, at Mindanao, makalalamang pa rin ang boto ng CALABARZON, NCR, at Gitnang Luzon. Makatutulong kung gayon ang mga boto na mulang Ilocos, na tinatayang may 2–3 milyong botante (isama na ang mga Ilokanong botante na nasa ibayong-dagat), at Cagayan Valley na may tinatayong mahigit 1 milyong boto; at Rehiyon XI o Davao na may tinatayang kabuuang botante na mahigit 1 milyon.

Malaki kung gayon ang pagkakataon na magwagi si Noynoy Aquino kung magiging batayan ang mga botante alinsunod sa pinagmumulang rehiyon at popularidad. Ngunit hindi nakatitiyak ng pagwawagi si Aquino, dahil may sorpresang balikwas si Erap Estrada na kilala rin sa mga maralitang pook ng CALABARZON, NCR, at Gitnang Luzon, bukod sa Davao at SOCCSKSARGEN. Makadaragdag din kung makokopo ang mga boto mula sa MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon, at Palawan) na tinatayang may halos 1 milyong botanteng nakauunawa sa mga propagandang nasa wikang Filipino.

Ang isa pang pinaglalabanan sa eleksiyon ay ang mga blokeng boto mula sa pangkat relihiyoso, militar, migranteng manggagawa, at kooperatiba. Ngunit hindi masusuma ang lakas na maaaring ibigay ng mga maralitang tagalungsod at taganayon, na posibleng mahatak ng makukulay na propaganda kung hindi kulay ng salapi. Hindi naman mapagtitiwalaan ang boto ng mga sinasabing organisadong grupo, gaya ng mga samahang masa at di-gobyernong samahan, na higit na maingay kaysa tagaimpluwensiya ng mga botante.

Kapana-panabik kung gayon ang halalan sa Mayo 10, 2010. Hinuhulaan kong magkakaroon ng mahigpit na labanan sa araw ng botohan, dahil maaaring makaapekto sa bilang ng boto ang mga mababasurang balota at ang mga botanteng hindi makaboboto sa araw ng halalan anuman ang kani-kaniyang dahilan.

Kung ako ay kandidato ngayon sa pambansang halalan, ang dapat kong ikinakampanya ay hindi lamang ang magwagi, bagkus maging ang halaga ng pagboto ng bawat lehitimong botante. Kailangang lumabas ng bahay ang mga tao, lalo na ang mga kabataan, pumunta sa presinto, ingatan ang pagsulat o pagkulay sa mga habilog na nasa balota, at tiyaking maibibilang ng makinang PCOS ang boto. Pagkaraan nito, kinakailangan ang pagbabantay sa antas na panrehiyon at pambansa, dahil ang transmisyon ng mga boto sa paraang elektroniko ay hindi pa subok, at maaaring panghimasukan ng mga eksperto sa hokus-pokus na dagdag-bawas.

Sa dakong huli, ang halalan ay tunggalian sa husay na maipaabot ang mensahe sa pinakamahusay na pamamaraan, at pagtatatag ng epektibong linya ng komunikasyon habang gamit ang wikang matalik sa mga Filipino. Bawat boto ay nagsasaad ng pagtitiwala, pananalig, at pag-asa—na pawang maisasakatawan lamang ng tao na makabayan, matuwid, matalino, at marangal sa sukdulang pakahulugan.

Panawagan at Paghingi ng Tulong ng mga taga-Isla Talim

Humihingi ng tulong ang mga residente ng Isla Talim (Talim Island) na pinaghahatian ng Binangonan at  Cardona na pawang sakop ng Lalawigan ng Rizal, dahil hindi makabiyahe ang mga de-motor na bangkang makapaghahatid ng suplay ng pagkain, gamot, at iba pang kagamitan sa isla sanhi ng masigwang alon at hangin. Ang mga bahayang malapit sa baybayin ay malubhang naapektuhan ng baha noong sumagasa ang Bagyong Ondoy.

Nakatanggap din ng balita ang Alimbukad na naapektuhan ng baha ang mga baybayin ng Binangonan at Angono, na ang ilang barangay ay lubog pa rin sa baha. Hindi gaanong napapansin ang magkanugnog na bayang ito, ngunit marami ang apektadong tao na dapat saklolohan sa madaling panahon.

Mangyari po lamang na tumulong ang mga kinauukulan sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga pagkain, tubig, damit, at iba pang kaugnay na bagay na pawang kailangang-kailangan ng mga tao. Hinihimok din ng Alimbukad na makipag-ugnayan sa mga pamahalaang lokal, at iba pang pribadong ahensiya, na pawang nakatuon sa paghahatid ng serbisyo.

Pahabol: Lubog pa rin sa baha ang ilang pook sa Pasig, Pateros, at Taguig at ang mga tao ay nangangailangan ng maagap na tulong, gaya ng pagkain, gamot, at damit. Masigasig ang mga pamahalaang lokal sa pagtulong, ngunit hindi nito makakaya nang mag-isa lamang ang malawakang pinsala. Kung sakali’t nais tumulong, makipag-ugnayan lamang sa mga pamahalaang lokal at pribadong ahensiyang pawang nangangasiwa sa paghahatid ng tulong.

Paghahanda sa Pagdating ng Bagyong Pepeng

Larawang kuha mula sa satelayt, mula sa PAG-ASA

Larawang kuha mula sa satelayt, ayon sa PAG-ASA

Tuwing may malawakang pinsalang dulot ng bagyo muling nauunawaan ang halaga ng pagtaya ng panahon. Sa pamamagitan ng satelayt, nakukuhanan ng retrato ang daloy ng bagyo at natataya kung gaano kalakas ang epekto nito pagtama sa lupain o tubigan. Matatantiya rin ang volyum ng ulan, bukod sa alimpuyo ng hangin. (Tingnan ang ang  direksiyon ng pinakabagong bagyong pumasok sa Filipinas na tinawag na “Pepeng.”) Sinasabing mahirap pigilin ang bagyo, ngunit may magagawa pa rin ang mga tao para makaiwas sa anumang di-inaasahang sakuna. Heto ang ilang tip na maisasaalang ng mga tao.

  1. Kung malimit binabaha ang pook, makabubuting maghanap ng mataas-taas na lugar na hindi maaabot ng baha. Ang mga bahayan na malapit sa gilid ng estero, o nasa baybayin ng ilog, lawa, at dagat ang pinakadelikadong matangay o magiba, yamang ang pagtaas ng tubig sanhi ng pag-ulan kasabay ng pagtaog ay puwersang mahirap sagkaan.
  2. Kinakailangang mabatid ang mga sentro ng bakwetan, upang doon makalikas habang paparating pa lamang ang matinding bagyo. Bukod dito, dapat mabatid kung saan maaaring lumikas ang mga tao, at kung ano-anong sasakyan ang posibleng magamit sa paglilikas ng mga tao at kagamitan.
  3. Tiyakin na ligtas sa anumang pagguho ang lupang kinatitirikan ng bahayan o bakwetan. Tiyakin na ligtas ang lugar sa pagbagsak ng mga poste, punongkahoy, at anumang matataas na estruktura.
  4. Mahalaga ang palikuran at suplay ng tubig sa bakwetan. Huwag mag-atubiling humiling ng portalet (portable toilet) sa mga ahensiya ng pamahalaan o pribadong institusyon. Kung wala nito, maaaring magbayanihan sa pagtatayo ng pansamantalang palikuran na magagamit ng mga bakwet.
  5. Maaaring magtipon ng mga kinakailangang pagkain, inumin, kandila, plaslayt, gamot, lifevest, bangka, lubid at kaugnay na bagay. Maaaring makipag-ugnay sa barangay o pamahalaang lokal para makahingi ng tulong.
  6. Mahalaga ang komunikasyon, at makatutulong ang gaya ng selfon at radyo. Makabubuting sumubaybay sa pinakasariwang balita, gaya sa taya ng panahon, at nang maiwasan ang pagkaligalig sanhi ng mga di-natitiyak na tsismis.
  7. Mangalap ng mga boluntaryo, pero dapat organisado ang pamamahala sa kanila. Makabubuting matukoy kung sino ang mga posibleng pinuno o gabay, upang maayos ang pagkilos ng mga tao.
  8. Dalhin lamang ang mga bagay na mahalaga, at iwan ang mga kagamitang makapagpapabagal lamang sa paglikas.
  9. Kumilos nang mabilis at alerto, samantalang pinananatili ang pagiging mahinahon upang makapag-isip at makapagpasiya nang mabilis.
  10. Tanggalin ang hiya, at matutong makisalamuha sa ibang tao na makakasama sa pagbakwet.

Ilan lamang ito sa magagawa tuwing may malakas na bagyo. Pinakabago na itong si Bagyong Pepeng, at hindi ito dapat ipagwalang-bahala dahil makapagdudulot ito ng malawakang pinsala sa ating kaligiran.

Ang Espiya ng Pamahalaan

Banayad na pandarahas na maituturing ang pinakabagong pakana ng pamahalaan na tiktikan ang Pambansang Alagad ng Sining Bienvenido Lumbera. Kahapon, nahuli ng mga security guard ng Mapayapa Village ang isang ahente ng Hukbong Dagat ng Filipinas na kumukuha ng retrato ng bahay ni Lumbera, samantalang nakatakas ang dalawang kasapakat nito.

Ang dalawang ID ni Korporal Hannibal Mondido Guerrero mula sa Hukbong Dagat ng Filipinas (Philippine Marines)

Ang dalawang ID ni Korporal Hannibal Mondido Guerrero mula sa Hukbong Dagat ng Filipinas (Philippine Marines). Si Guerrero ang espiya ng pamahalaan laban kay Pambansang Alagad ng Sining Bienvenido Lumbera.

Nagngangalang Korporal Hannibal Mondido Guerrero, ang ahente ay pinalaya makaraang masiyasat ng mga tauhan ng seguridad ng subdibisyon.

Sa unang malas ay simpleng ehersisyo lamang ito, kung paniniwalaan ang palusot  ni Tenyente Koronel Edgard Arevalo, tagapagsalita ng Hukbong Dagat, na sumasailalim umano sa pagsasanay ang nasabat na ahente. Kung ang batayang kurso ng Hukbong Dagat ay hanapin ang mga aktibistang alagad ng sining, ang kursong iyon ay dapat isailalim sa masusing pagbabago sapagkat kahit ang mga karaniwang kritiko ng pamahalaan ay ipinapalagay sa ngayon na mahigpit na kalaban ng pambansang seguridad.

Mahirap paniwalaan ang butihing Tenyente Koronel Arevalo, dahil ang karaniwang tinitiktikan ay nakatitikim ng pagdukot, pagpapahirap, pagkulong, kung hindi man tandisang asesinasyon, hindi lamang noong panahon ng Batas Militar bagkus magpahangga ngayon. Matagal na itong iniaangal ng mga aktibistang dumanas ng gayong pandarahas, at siyang  nagiging bangungot sa mga dating sundalong militar na nasa poder ng pamahalaan. Kahit hindi aktibista ay nakararanas ng pandarahas, at maihahalimbawa ang ginawang paniniktik bago ang pagpaslang sa mga testigo ng kasong Dacer-Corbito na kinasasangkutan ng mga kilalang personalidad.

Kung paniniwalaan si Direk Carlo J. Caparas, si Lumbera umano ay alagad ng sining mula sa akademya at walang pangalan. Ngunit kung walang pangalan si Lumbera, ano’t abala ngayon ang pamahalaan para alamin ang mga gawain nito? Para makilala ang dati nang iginagalang ng mga tagasubaybay ng sining? Para sa kaalaman ng lahat, si Lumbera ay hindi lamang aktibo sa pagsusulat, pagtuturo, at paggampan sa tungkulin bilang pambansang alagad ng sining. Kalahok din siya sa mga makabuluhang organisasyong gaya ng Wika Inc. (Wika ng Kultura at Agham Inc), ACT (Alliance of Concerned Teachers) Partylist, at iba pang samahang binubuo ng matitinik na manunulat sa Filipinas.

Nakatatakot ang ginagawang paniniktik kay Lumbera, dahil ang isa pang Pambansang Alagad ng Sining, sa ngalan ni Virgilio S. Almario, ay malapit lamang ang tinitirahan mula sa bahay ni Lumbera. Maaaring tinitiktikan din si Almario, dahil sa pagtuligsa nito sa administrasyon ni Pang. Gloria Macapagal Arroyo mulang patakarang pansining hanggang patakarang pangwika; ngunit para sa akin ay naglulustay lamang ng salapi ang pamahalaan sa gayong pagkilos.

Kapuwa masugid na tagapagtaguyod ng sining at panitikan sina Lumbera at Almario, at sino man sa kanila ang unang paslangin ng mga armadong grupo ay makatitiyak na isa na namang bayani ang lilitaw sa paningin ng taumbayan.

Bagaman dinaraan sa biro ni Kalihim Tagapagpaganap Eduardo Ermita ang paniniktik kay Lumbera, hindi dapat magwakas sa ganito lamang ang lahat. Nakataya ang seguridad ng pamilya ni Lumbera, at ang anumang sinadyang kapahamakang sapitin niya mula sa awtoridad ay kapahamakang tatamasahin din ng buong sambayanang Filipino. Hindi sapat ang paghingi ng paumanhin ng pamahalaan kay Lumbera. Dapat imbestigahan ang kaso, at patawan ng parusa kahit ang mga opisyal na nag-utos kay Korporal Guerrero dahil sa katangahan.

Maraming silbi ang paniniktik. Ang datos na makakalap ng espiya ay maaaring gamitin ng awtoridad laban sa tao na tinitiktikan. Sa kaso ni Lumbera, ang mga datos ay maaaring may kaugnayan sa kaniyang radikal na pakikilahok sa mga organisasyong may kaugnayan sa sining, panitikan, at edukasyon, at anumang taghiyawat na makukuha sa datos ay maaaring gamitin laban kay Lumbera sa legal man o extra-legal na pamamaraan.

Ikalawa, ang paninitiktik ay maaaring ginagawa upang maunahan ng awtoridad ang anumang plano ni Lumbera o kaya’y ng mga samahang kinaaaniban niya. Ang pagkuha ng retrato ng bahay ni Lumbera ay isang panig lamang, at hindi pa kasama rito ang pag-iipon ng materyales na makakalap mula akademya at aklatan, pribado at publikong ahensiya, panayam sa ibang tao, at iba pa. Ang paniniktik ay posible ring may kaugnayan sa eleksiyon, at lumalampas sa usapin ng kontrobersiya sa paghirang ni Pang. Arroyo ng mga bagong Pambansang Alagad ng Sining.

Ikatlo, ang pag-eespiya ay maaaring babala kay Lumbera na ihinto na nito ang ginagawang pagtuligsa sa mga maling patakaran ng pamahalaan. At ang kasunod nito, maaaring inihahanda na ang mga hakbang kung paano patatahimikin nang lubos ang isang alagad ng sining, at bigyang-daan ang gaya nina Carlo J. Caparas at Cecile Guidote Alvarez.

Ikaapat, ang paniniktik ay hindi simpleng pagsasanay militar lamang. Ang paniniktik ay hindi isinasaalang-alang ang importansiya ni Lumbera bilang Pambansang Alagad ng Sining, at itinuturing lamang siya na ordinaryong kritiko ng pamahalaan na maaaring patahimikin o sindakin kung kinakailangan. Kung si Lumbera ay ituturing na panganib sa pambansang seguridad, mahihinuhang sadyang sagad na ang kababawan ng utak at sensibilidad ng pamahalaan para maghari nang matagal.

Gabi ng Gawad Palanca 2009

Nakalulugod at umaani ngayon ang Gawad Palanca ng mga bagong bunga ng panitikang Filipinas. Ang pagsibol ng mga tinig sa panitikan ay senyales na nagtutuloy at sumisigla ang pagtangkilik sa tula, katha, at dula, at kung gaano man katatag at kahusay ang mga akda ay mababatid sa mga darating na araw.

Binabati ko ang mga nagwagi, at kabilang na rito ang mga pamilyar na pangalan na gaya nina Reuel Molina Aguila, Michael Coroza, Genaro Gojo Cruz, Reynaldo Duque, Eugene Evasco, Jerry Gracio, Alwynn Javier,  Luis Katigbak, Domingo Landicho, Jing Panganiban-Mendoza, Jimmuel Naval, Erlinda Panlilio, Frank Penones, Floy Quintos, Jesus Manuel Santiago, Ariel Tabag, at Rodolfo Vera.

Ngunit sa aking palagay ay dapat nang abangan ang mga kabataang gaya nina Mark Cayanan, Vincenz Serrano, Charles Tuvilla, at Eliza Victoria. May iba pang manunulat na bago sa aking pandinig, at mababasa sa listahan ng mga nagwagi, ngunit marahil ay higit na nagtataglay ng galing ang kanilang panulat at siyang dapat tuklasin ng lahat.

Mahalaga ang Gawad Palanca, ani Pambansang Alagad ng Sining Bienvenido Lumbera na siyang panauhing pandangal, dahil ang pagpaparangal sa mga nagwagi ay walang bahid ng politika. May prosesong sinusunod ang mga hurado, at ang mga huradong ito ay nagtatalo-talo nang mainit hinggil sa husay at kasiningan ng pagkakasulat ng mga akda. Walang kapangyarihang makialam ang mga taga-Palanca sa mga magwawagi, na salungat sa panghihimasok na ginawa ng pangulo sa pamimili ng magiging Pambansang Alagad ng Sining.

Ang problema ngayon ay dadalawang beses na lamang nagtatagpo ang mga hurado sa bawat kategoriya, imbes na tatlo gaya noong nakalipas na mga taon. Ang ganitong kaikling panahon ay dapat ibalik sa tatlo. Hindi maiiwasan kung gayon na makaligtaan ang pagtitiyak kung ang ilang akda ay nanggaya lamang ba o nangopya ng akda ng iba at ipinalabas na sa kaniya. O kung dapat repasuhin muli ang isa o dalawang lahok dahil nagtataglay ng pambihirang kinang.

Malaki ang responsabilidad ng mga hurado dahil nakataya rin ang kani-kaniyang pangalan sa paghuhusga ng mga akda. Kaya sa pagsisimula pa lamang ng pagpupulong, karaniwang pinagkakaisahan ng lupon kung ano ang magiging pamantayan ng pamimili, at mula rito ay maaaring bumunsod palayo ang mga hurado na magagabayan ng ilang puntos. Nagkaroon lamang ng alingasngas sa Palanca ngayong taon, kung alingasngas ngang matatawag, dahil may nakasilip sa mga networking site hinggil sa estado ng pamimili ng ilang hurado.

Ipinaabot sa akin ang balitang ito, at nanahimik na lamang ako. Ang balita ko’y may sumulat sa pamunuan ng Palanca hinggil sa naturang banayad na pagpaparamdam ng ilang hurado. Ano ang mapupulot na leksiyon dito? Kung maging hurado ka man sa Palanca ay dapat kang matutong magtikom ng bibig. Sakali ma’t may lumabas na pangalan ng mga nagwagi, marahil ay nagmula na ito sa hanay ng mga mismong nagwagi na natural lamang na ipagmagara ang kanilang tagumpay sa mga kaibigan. Ngunit uulitin ko, hindi dapat magmula ang ingay sa panig ng mga hurado.

Isang bagay lamang ito na mapalalampas. Habang tumatagay kami ng Johnny Walker nina Rayvi Sunico at Krip Yuson, aba’y gumaan ang aking pakiramdam lalo’t nasaksihan ng lahat ang pagtatanghal ng dalawang tsikiting na maririkit sa entablado. Hindi ko matandaan ang mga pangalan ng dalawang bata, ngunit ang husay nila sa pagbigkas at pagtatanghal ng mga tula ay lalong nagparikit sa gabi ng Gawad Palanca.

Balatong Pampolitika

Mataas na pagkilala na maituturing ang pagtanggap ng anumang gawad o parangal, lalo kung may kaugnayan sa sining. Nagiging matamis ang gawad kung karapat-dapat tumanggap ang isang alagad ng sining, gaya ng manunulat o pintor o eskultor o kompositor, at ang mga kasama niya sa larang ay umaangat din kahit paano ang estado dahil pinagpupugayan sa pinakamataas na paraan ang kanilang kasama. Ang gawad ay iniuugnay sa simbolikong tagumpay, at nakahihigit sa pabuyang salapi, bagaman makapagbubukas din yaon ng pinto sa sinuman upang makilala sa daigdig.

Hindi naman ibig sabihin na kapag nabigong tumanggap ng gawad ang isang tao ay bigo na siyang maituturing sa kaniyang larang. Di-iilang manunulat, gaya ni Iñigo Ed. Regalado, ang tumangging tumanggap ng gawad kung nararamdaman nilang ang gawad ay ginagamit na balato, kung hindi man kasangkapang pampolitika, ng mga awtoridad. Pipiliin nila ang manahimik dahil buo ang tiwala nila sa sariling kakayahan, at hindi kailanman mapapupusyaw ng pagkaligta ang kanilang ambag sa piniling larang.

Nagbago na ang panahon ngayon. Pinakamagandang halimbawa ang panghihimasok ng pangulo ng Republika ng Filipinas hinggil sa pamimili kung sino ang dapat tanghaling pambansang alagad ng sining. Ang pagpili ng mga tao na mapapabilang sa Orden ng Pambansang Alagad ng Sining ay napakahigpit, at dumaraan sa maiinit na talakayan at deliberasyon ng mga lupong binubuo ng mga kinatawan ng bawat larang ng sining. Pinag-aaralan nang maigi ang naging ambag ng bawat kandidato, at dumarating sa yugtong kinakailangang may isang tagapagtanggol ang kandidato sa harap ng mga lupon upang ipaliwanag kung bakit karapat-dapat magwagi ang kaniyang manok.

Ngunit sa oras na makialam ang pangulo, ang kaniyang piniling mga kandidato ay sapilitang maipapasok sa listahan ng mga pararangalan. Karapat-dapat na magwagi bilang Pambansang Alagad ng Sining ang tulad nina Manuel Urbano, Lazaro Francisco, Federico Alcuaz, at Francisco Mañosa Ramon Santos na pawang pinili ng mga lupon sa sining. Ngunit por diyos por diyablo, nanghimasok muli si Pang. Gloria Macapagal Arroyo na pumili kina Cecille Guidote Alvarez, Carlo J. Caparas, at Pitoy Moreno! Isang mariing sampal ito sa buong pamayanan ng sining at panitikan, at lalong magpapababa sa kredibilidad ng pambansang institusyon.

Hindi ko kaaway sina Alvarez, Caparas, at Moreno ngunit sasabihin kong hindi sila karapat-dapat na mapabilang sa Orden ng Pambansang Alagad ng Sining. Kung kinakailangang bigyan ng gawad si Moreno ay dapat magmula lamang iyon sa hanay ng mga tagadisenyo ng damit at modista. Si Caparas naman ay kasumpa-sumpa kung ihahanay bilang manunulat o direktor ng pelikula, at lalong isusuka kung ibibilang sa larang ng sining biswal yamang hindi naman siya dibuhista o pintor o eskultor. At si Alvarez ay higit na magaling na politiko imbes na direktor ng dula, at ang kaniyang napipintong pagtanggap ng gawad ay lalong mababatikan dahil kabilang siya sa pamunuan ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA/ Pambansang Komisyon para sa Kultura at Mga Sining).

Naging tradisyon na yata ng pangulo na bigyan ng parangal ang mga tao na malapit sa kaniyang sirkulo. Ang pagbibigay ng ganitong gawad ay maituturing na “balatong pampolitika” dahil ang nagwagi ay hindi ang pinararangalan na gaya nina Alvarez, Caparas, at Moreno kundi ang pangulo mismo. Niyuyurakan ng pangulo ang prestihiyong dating taglay ng gawad, at waring sinasabi niyang kaya niyang magpasiya kung ano at sino ang karapat-dapat tanggapin sa larangan ng sining. Na hindi makatwiran. Ang tindig ng pangulo ay paglulugar sa mataas na luklukan, at ang awtoridad at pagsang-ayon ay laging nagmumula sa gitna. Isang bituin siyang iniinugan ng maliliit na planeta na kung hindi man sipsip ay kaibigan, at sinumang sumalunga sa kaniya ay walang pagkakataong mabigyan ng parangal. Higit pa rito, ang gawad ay nagiging parang kendi na maipamamahagi lalo kung malapit na ang halalan.

Naghahasik ng unos ang pangulo sa panghihimasok muli sa pamimili kung sino ang magiging Alagad ng Sining. Kung nabubuhay marahil si Francisco ay baka tanggihan niya ang gawad, dahil nalulukuban ng kontrobersiya ang isang pinagpipitaganang institusyon. Marahil ay hindi lamang tatanggihan ni Francisco ang gawad kundi babatikusin pa ang pangulo dahil ang ipinangangako nitong panlipunang pagbabago, gaya ng reporma sa lupa, ay nananatiling pangarap lamang ng mga magsasaka, gaya ng mababasa sa kaniyang mga nobela. Ngunit hindi na magagawa pa ito ni Francisco, dahil wala siyang kapangyarihan at impluwensiya gaya ng taglay ng kagalang-galang na Pangulo ng Republika ng Filipinas.

Pagtutuwid: Kabilang si Ramon Santos na batikang kompositor at musiko na pinili at inirekomenda ng lupon sa sining na dapat magwagi ng Gawad Pambansang Alagad ng Sining. Siya, sa aking palagay, ang dapat inuunang parangalan kaysa sa mga isiningit na sina Cecille Guidote Alvarez, Carlo Caparas, Francisco Mañosa, at Pitoy Moreno. Ang pagkawala ni Santos sa listahan ay sukdulang panghihimasok ng pangulo sa mga lupon ng tagasala, dahil kaya pala niyang baligtarin kahit ang pangwakas na desisyon ng sirkulo ng mga eksperto sa sining.