Minahan ng Ginto sa Masbate

Napakalapit lamang ng Isla Masbate sa Maynila ngunit nakatago rito ang lihim na likas yaman. Nagluluwal ng 200 libong onsa ng bulawan ang Masbate kada taon, at katunayan, sang-anim [1/6] na ginto na matatagpuan sa buong bansa ay angkin ng nasabing isla, ayon sa websayt ng Leighton Asia. Binubutas, inuukit, at tinatabas ng Leighton Asia/Leighton Philippines ang kabundukan sa Masbate, upang pagkaraan ay tanggalin ang mahigit 14 bilyong tonelada ng basurang materyales at mahigit 14 bilyong tonelada ng mina [ore] sa loob ng walong taon.

Ibinunyag kamakailan ng Wikileaks na lumabag sa mga batas at reglamento ang Leighton Contractors Asia Limited/Leighton Contractors Philippines, Inc.  sa pagmimina sa Masbate, batay sa awdit report ng Bureau Veritas noong 2008. Ang Leighton Asia/Leighton Philippines ay pag-aari ng Leighton Holdings ng Australia, at pangunahing kontratista sa P2323 Masbate Gold Project.

Kabilang sa mga pagkukulang ng Leighton Contractors Asia Limited/Leighton Contractors Philippines, Inc. ay ang sumusunod: una, lumabag ito sa OHSAS 18001 Occupational Health and Safety Series nang hindi nito isinaalang-alang ang buhay at kalagayan ng tao sa pagtukoy ng peligro at pagtatasa ng panganib; ikalawa, hindi sumunod ang kompanya sa mga reglamento kung katanggap-tanggap o hindi ang pagtatasa sa peligro.

Ayon pa sa natuklasan na pinangunahan ni Adarne Crispo, kasama sina Gayle Russel Capulong at Venson Ramos, at may petsang 20 Pebrero 2008, hindi sumunod ang Leighton Contractors Asia Limited/Leighton Contractors Philippines, Inc. sa mga internasyonal na reglamento nang upahan nito ang mga di-awtorisadong tauhan sa paghawak at pagtesting ng radyoaktibong materyales. Hindi rin nasubok at walang sertipikasyon ang malalaking aparato sa mga kilalang organisasyon bago gamitin ang nasabing ekwipment. Nabigo pang iulat ng kompanya sa mga awtoridad ang isang aksidente nang ang IHI excavator ay mahulog sa malalim na hukay. Ang nasabing pagkukulang ay paglabag sa OSH Standard Rule, bukod sa inilingid sa Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Environment and Natural Resources (DENR), at opisyal ng gusali. Nabatid ng pangkat na nag-inspeksiyon na dalawang tauhan ang nagpinta sa pook idrokarbon [hydrocarbon] nang walang permiso na magtrabaho.

Walang akreditadong praktisyoner sa kaligtasan ang kompanya, at walang natagpuan sa loob ng laboratoryo kung paano ang tumpak ng paghawak sa radyoaktibong materyales. May iba pang pagkukulang umano ang Leighton Contractors Asia Limited/Leighton Contractors Philippines, Inc. na may kaugnayan sa pagsasapanahon ng aparato; pagkuha ng mga sertipiko sa kaligtasan ng pagsasakay sa barko at seguro sa mga pasahero; pagrepaso ng mga gamot at medisinang umaayon sa pamantayan sa kalusugan; at iba pang may kaugnayan sa kahusayan ng mga tauhan.

Pambansang Kumperensiya sa Wika, Bida ang K-12 at Salita ng Taon

Ngayong Setyembre 2012, halos kalahating taon na ang implementasyon ng bagong programa sa edukasyon sa Pilipinas na binansagang K-12.Siguradong gusto nang malaman ng mga guro, administrador at magulang kung ano na ang nangyayari sa mga layunin ng programa batay sa mga repormang nangyari sa mga eskuwelahan, sa paggawa ng mga materyal panturo, at maging sa pagtuturo ng Filipino. Mangyari’y isa sa mga pangunahing isyu sa K-12 ang pagpapahalaga sa inang wika, o unang wika ng mag-aaral, at ang kaugnayan nito sa Filipino, ang pambansang wika.

Tatalakayin ng mga eksperto at praktisyoner sa edukasyon ang mga usapin kaugnay ng K-12 sa “Pambansang Kumperensiya sa Wika” na gaganapin sa Leong Hall, Ateneo de Manila University sa 20-22 Setyembre 2012 sa pagtataguyod ng Filipinas Institute of Translation.

Sa unang araw ng kumperensiya, tatalakayin ang papel ng wikang Filipino sa bagong programang pang-edukasyon. Magsasalita ang mga respetadong edukador, administrador at mga tagatangkilik ng isyu hinggil sa kabuluhan ng Filipino sa programang K-12, reporma sa Filipino bilang asignatura, at mga hamon sa larang ng paggawa ng mga bagong materyal pang-edukasyon. Makakatulong ng malaki ang mga panimulang pagtatasa sa pagpapabuti sa bagong programa.

Pagtutuunan din sa kumperensiyang “Sawikaan”ang pagtukoy ng bagong “salita ng taon.” Lalahok ang mga batang akademiko, lingguwista, at mananaliksik sa pagtataguyod ng mga salitang “level-up,”  “wang-wang,” “trending,” “SALN,” “impeachment,” “pagpag,” “fish kill,” “palusot,” “pick-up line,” “wagas,” “android,” “wi-fi,”at iba pang popular na salita para maitanghal na “salita ng taon.” Ang mga tagapanood at mga kasapi ng inampalan ang pipili kung alin ang karapat-dapat magwagi batay sa husay ng saliksik, patunay at pangangatwiran, at sa ganda ng pagkakasulat at presentasyon ng papel.

Itinataguyod ang kumperensiya ng Filipinas Institute of Translation, Inc. (FIT) sa pakikipagtulungan sa Wika ng Agham at Kultura (WIKA),  National Commission for Culture and the Arts (NCCA), Ateneo de Manila University (AdMU), Commission on Higher Education (CHED), at ng Department of Education (DepEd).

Para sa kompletong detalye, mag-email sa fitsawikaan2012@gmail.com o tumawag sa 547-1860 o  sa 09237395248.

Tula at Komentaryong Panlipunan ni Anastasio Salagubang

Sumikat ang talipanpan [pen name] na “Anastasio Salagubang” sa pitak na Buhay Maynila ng diyaryong Taliba noong mga taon 1927-1928 dahil sa pambihirang komentaryo nito sa lipunan. Araw-araw, binubulabog ng nasabing kolumnista ang bayan at pinupuna sa pamamagitan ng masisisteng tula ang baluktot na pamamahala ng awtoridad, itinutuwid ang magagaspang na asal o sinaunang kaugalian ng mga mamamayan, ipinagtatanggol ang mga api, at ibinubunyag ang masasamang loob. Dahil dito’y dinudulugan ng mga tagasubaybay si Anastasio Salagubang, hinihingan ng payo na para bang si Dr. Love o Dr. Margie Holmes ng modernong panahon,  at siyang pagsusumundan ng gaya nina Mon Tulfo at Mike Enriquez sa patumbalik na pamamaraan, bagaman ang dalawang komentarista ay walang maipagmamalaki sa panitikan.

Si Anastasio Salagubang ay makikilala pagkaraan sa katauhan ni José Corazón de Jesús, na kilala rin sa taguring “Huseng Batute,” ang makisig na makatang may tinig ni Frank Sinatra at titig ni Dingdong Dantes, habang taglay ang tikas o tigas ng pangangatawan ni Manny Pacquiao. Si De Jesus ang tanyag na mambabalagtas noong mga taon 1924-1932, at ang orihinal na makatang tsikboy ng Filipinas, at mahigpit na katunggali ni Florentino T. Collantes na may boses na tumataginting at hindi malalayo sa kabataang John Lennon kung  hindi man Harry Potter.

Isa sa mga katangian ni Anastasio Salagubang ang pagtataglay ng mabisang pagpapatawa, at ang kaniyang mga banat ay nag-iiwi ng kabihasaan sa wikang Tagalog, Espanyol, at Ingles upang laruin at paglaruan ang kaniyang pinapaksa. Maihahalimbawa ang “Biba Panyaaaaaaaa!” na nalathala sa Taliba noong 25 Hulyo 1927:

Biba Panyaaaaaaaaaa!

Ngayon ay araw ng mga Kastila:
Biba Panya!

Agora el piesta de San Tiago Galis,
el mana sebolyas ya pistang alegres,
. . . . . . banderas de sabit
. . . . . . kolgao na kamatis
el mana kastila ta pirot pigotes
biba Panyaaa, biba, el mana Kihotes.

El niña de Sulot ya biste de borlas
manton de Manila de gualda bulaklak
. . . . . . pula’t dilaw lahat
. . . . . . hasta na sebolyas
un poco de asiete un poko lechugas
biba Panyaaa, biba Pelipenas.

El mana torero na kalye Surbaran,
ya luci montilya ta embisti carabaw,
. . . . . . at kabayo mamaw
. . . . . . Lopez Nieto sakay
que kon un kornaso bariles ilandang
torero baliento nabali ang tadyang.

Mana pandereta y los castañuelas,
repiki kampana sabog ang patatas
. . . . . . kastila nang lahat
. . . . . . este Pelipenas
ya muri de negro el mejilla y balbas,
ya llama español negro pa el balát.

Biba, Panyaaa, biba, oh madre imortal
kunin mo po rito ang ilang animal. . .
. . . . . . pag ito’y nagtagal
. . . . . . no puedo soportar,
mas kastila pa po “papa” kung tawagan
pero mas maitim sa isang kalabaw.

Isang taktika na ginagamit ni Anastasio Salagubang ang pagkasangkasapan sa epigrape, at mula rito ay mabubuksan ang usapin na maaaring salungatin, purihin, o asarin niya para sa kagalakan at kabatiran ng mga mambabasa. Ang maikling siping epigrape ay karaniwang mula sa mga pahayagan kung hindi man sa balita na lumalaganap noon sa radyo at nasasagap ng mga komentarista.

Sa tulang “Biba, Panyaaaaaaaaaa,” prominente ang pagtatanghal ng tinig, at mauunawaan lamang ang tinig kung iisipin kung anong tauhan ang umiiral. Ang tinig ay magiging makapangyarihan dahil nakatutulong ito sa pagsasaharaya ng katauhan ng personang lumpeng intelektuwal, at handang magkomentaryo sa lipunan. Ang tauhan sa loob ng tula ay mahihinuhang may alam sa Espanyol, sabihin nang nagdudunong-dunungan ngunit nang-uulol, at ang kolonyal na mentalidad ay nilalaro sa pagkasangkapan mismo sa Kastag (Kinastilang Tagalog) na sa panahon ngayon ay katumbas ng Taglish (Tagalog English).

Nilalaro rin sa tula kahit ang sigaw na “¡Viva, España, Viva!” ngunit hinihimok ang Inang Sukaban [madre imortal], ayon sa termino ng Katipunan, na kunin ang ilang animal na maipagpapalagay na makapangyarihang opisyales ng Filipinas at alta-sosyedad na pawang utak-kolonyal na ibig maging puti bagaman ang tunay na kulay ay itim na itim.

Ang higit na mahalaga sa tula ay kung paano ginawang kakatwa ng persona ang paglalarawan sa kaniyang paligid: ang pista ng San Tiago Galis (na mahihinuhang hinugot ang alusyon sa tauhang Kapitan Tiyago ng  Noli me tangere ni Jose Rizal, o kaya’y tumutukoy sa Santiago, Chile na pinakamalaking lungsod sa Chile). Ang naturang pagdiriwang ay karnabal ng mga kakatwang imahen, mulang banderas at pasabit hanggang prusisyon ng mga kabayo at kalabaw hanggang pagpapatunog ng pandereta [tamborin], kastanuwela [kastanet], at kampana. Sa wakas, ang tunay na Espanyol ay may kayumangging balát, at kung umasta’y higit pa sa tunay na banyagang mananakop.

Mababatid na ang mala-karnabal na presentasyon ni Anastasio Salagubang ay pagyanig sa poder ng kapangyarihang Espanyol, saka iniinis ito para mapawi ang taglay na tiwala ng madla. Sa gayong paraan, mapaglalaho ang kontrol ng kolonyal na awtoridad sa publikong Filipino upang mapanumbalik ang mataas na pagpapahalaga sa pagka-Filipino. Samantala, ang wikang Kastag na dating sinisipat na mababang uri ng wika—gaya lamang ng jejemon at bekimon—ay napaghunos na midyum ng himagsikan upang uyamin ang mga tao na may baluktot na halagahan hinggil sa kanilang lahi.

Konsistent si Anastasio Salagubang sa paninindigang kontra-imperyalista, at mababatid ito sa isa pang halimbawang tulang pinamagatang “Ang Sasabitan ng ating Bandera” na lumabas sa Taliba noong 30 Hulyo 1927.

Ang Sasabitan ng ating Bandera

“Ako’y naiinis, kung makita kong magkapiling ang bandilang amerikano at pilipino. Dapat hulihin ng mga sundalo at ipagbawal sa mga paaralang nayon, ang ginagawang pagsisiping ng bandilang amerikano at pilipino.”
—Senador Bingham

Altura: 6 piyes, 4 pulgada
Poso: 198 libras
Edad: 58 anyos

Mahal na Senador na kagalang-galang,
kung ang salitaan nati’y pataasan,
kung itong medida ay sa patangkaran,
. . . . . . puede ka pong tagdan
. . . . . . sais talampatakan,
isasasabit namin sa tenga mong mahal,
ang aming bandilang karangal-rangalan,
at ikaw ang siyang puno ng kawayan.

Kung ang taas naman nitong isip natin,
ang pagtatangkaan na iyong sukatin,
ma malaking kahoy, nguni’t walang lilim,
. . . . . . dapat mong basahin
. . . . . . iyang good manner,
maliit mang bayan, ang amin ay amin,
at imbesilidad na iyong nasain,
ang di ninyo lupa’y piliting sakupin.

At naiinis ka tuwing makikita
dalawang bandera ay nagkakasama
ang sa pilipino’t sa amerikana?
. . . . . . alisin ang isa
. . . . . . isa ang itira. . .
Lupang hindi iyo’y huwag kang manguha,
tanggalin sa amin ang p’ranha’t estrelya,
bayaang ang aming bandila’y mag-isa.

Ang bandila namin kahi’t na nga ganyan,
iyan ay dakila, iyan ay marangal,
dito kailan man ay hindi sumilang,
. . . . . . iyang mangangamkam,
. . . . . . iyang salanggapang,
at kung mayro’n dapat alisi’t ilagay,
ilagay sa amin ang sa aming bayan,
at alisin dito ang mga militar.

Tahas na pinupuna at sinasalungat ng tulang ito kung bakit tutol si Sen. Hiram Bingham na pagsipingin ang bandilang Filipino at Amerikano. Tinututulan ng tula ang pananakop ng Estados Unidos sa Filipinas, at ipinagmamalaking may madugong kasaysayan ang pagkakabuo ng bandilang Filipinas. Ang pagbanat sa Amerikano ay kaagapay ng paggigiit ng kasarinlan, at ang sukdulan ay pagpapatalsik sa mga sundalong militar na Amerikano.

Ang maganda sa tula’y maging ang anyo ng saknong ay waring anyo ng magkatabing bandila na ang unang tatlong taludtod na lalabingdalawahing pantig ay ibinukod ng dalawang taludtod na tig-aaniming pantig, at siyang sinundan naman ng tatlong taludtod na lalabingdalawahin ang panting. Isahan lamang ang tugma, ngunit naiiba ang indayog dahil sa pag-iiba ng bilang ng mga taludtod.

Walang sinasanto si Anastasio Salagubang na kahit ang mga Tsino ay pinupuwing dahil sa pamamaraan nito ng rebolusyon, na tumatakbo sa bundok tuwing may putukan, at kung may pusong mamon ang pinatutungkulan ay baka ipagkamaling duwag nga ang mga taal na Tsino [Huwakyaw] sa Filipinas. Ngunit ang totoo’y inihahayag lamang niya ang taktikang gerilyang digmaan, at ang pag-urong nito sa labanan ang nakatutulong sa pananagumpay. Pansinin ang tulang “Ang Komperensia [Kumperensiya] ni Quezon” na nalathala sa Taliba noong 12 Agosto 1927.

Si Quezon ay gagawa ng panayam bukas ng ukol sa pagkakasulong ng mga intsik, at ang mga intsik dito sa Maynila ay nagkakagulo sa pagnanasang marinig si Quezon.

Ako palon Sanghay, akyen bago damit,
ako alam nayon sabi ngawa intsik,
akyen kita doon intsik nagagalit
sa pareho insiak nguni anak ahit.

Akyen kita loon laban araw-araw,
putukan ng bomba wala namamatay. . .
Pa’no intsik sungsong sila tapang-tapang,
isang putok takbo, tago sa kalaban.

Intsiak isang daang taong nagigiela,
wala lin paktelo, wala lin lisgrasya,
matapang ang instsiak, sa putok sa bomba
takbo na sa bundok tago pa. . . wapea. . .

Intsiak na batalya giera sa bunganga,
away intsik beho malami salita. . .
Pundia sa bahay, patago sa lungga
putukan-putukan wala isa tama.

Akyen napupuli instsik rebolusiong
parang pansit longlog may mike at  may bihon,
isang putol lamang takbuhan sa Sungsong,
wala napapatay, sampu libo taon.

Manuel Ele Kezzon
Anak lin sa Sungsong

Hindi ko alam kung matutuwa nito si Pang. Manuel L. Quezon, dahil ang persona sa tula ay ginagagad ang kaniyang pananalumpati at pagsasalita na parang Sanglay [Tsino]. Si Kezzon ay nagagalit umano sa Intsik na nagagalit sa kapuwa Intsik, lalo umano sa pagnenegosyo. Ngunit ang matindi rito’y matagal nang nakikihamok ang mga Intsik at maraming digmaan, at para magtagumpay ay pinipiling tumakbo sa bundok at lumitaw pagkaraan kapag wala nang sigalot. Ang pagpuri kung gayon sa rebolusyong Tsino ay pabalintuwad, at mahihinuha rito na inuuna ng mga lahing Tsino ang sarili kaysa pambansang kapakanan ng mga Filipino. Higit na lalawak ang pagbasa kapag isasaalang-alang ang pahiwatig ng “sungsong.” Sinaunang Tagalog ang “sungsong” na nangangahulugang “hilaga ng bugso ng habagat,” at kaya itinutumbas ito sa paraan ng paglalayag nang pasalungat sa hangin o alon. Kung si Kezzon ay anak ng Sungsong, mahihinuhang sinasalungat din niya ang mga Intsik kahit sabihin pang may dugo siyang Intsik.

Isang paraan pa lamang ito ng pagsipat, at maaaring matingnan sa iba pang anggulo ang pamumuna ni Anastasio Salagubang. Halimbawa, mauurirat ang kumbensiyong naitakda ng limitadong espasyo ng kaniyang kolum sa balita; ang lohika ng paglalahad at argumentasyon; ang eksperimentasyon sa pananaludtod at paglalaro ng salita; ang lawak ng bokabularyo at pintungan ng mga dalumat; ang mga paksang tinatalakay mulang politika hanggang kultura hanggang isports at aliwan; at ang pagpapatawang nakakikiliti sa guniguni ng taumbayan. Ang ganitong pag-aaral ay sapat nang disertasyong doktorado, at hinuhulaan kong malaki ang magiging ambag para lalong maunawaan ang pambihirang panulaang Tagalog noong nakaraang siglo.

Panahon at Gitara

Amansinaya sa Konsiyerto ng "Kuwerdas ng Panahon"
Amansinaya Añonuevo sa konsiyerto ng “Kuwerdas ng Panahon” noong 11 Disyembre 2010 sa Tanghalang Pasigueño. Kuhang-retrato ni Paul Lois Montero.

Matagumpay na idinaos ang Kuwerdas ng Panahon: A Classical Guitar Concert sa Tanghalang Pasigueño noong 11 Disyembre 2010, at ibig kong pasalamatan ang lahat ng tumulong sa proyektong ito:  PIAN Manila Chapter, RCBC Savings Bank, Atty. Henry Zamora, Tanghalang Pasigueño, APA Guitars, Dindo Balares ng Balita, sina Vim Nadera, Rachel Balawid, Chari Villegas, at Ivy Liza Mendoza ng Manila Bulletin, Tara FT Sering ng Philippine Star, Star Magazine, Lito Zulueta ng Philippine Daily Inquirer, La Immaculada School, St. Joseph Catholic School, Lourdes Samson, Melly Villanueva, G. at Gng. Gil Mendoza, PHILSSA, Our Lady of Remedios, Institute of Science and Technology, Ruben at Rhiz Javier, Segundo “Boyet” Vasquez Jr, CTC Printing Press, G. at Gng. Aldrin V. Carlos, at Atty. at Gng. JP Anthony Cuñada.

Nakatataba ng puso na makita ang mga kabataang gitarista sa larang ng klasikong musika, at mababanggit ang mga bagong sibol na sina Ruelson Bello, Evelyn Batobalonos, Jellou Borbe, Justin Agbulos, at Jerome Agbulos. Ibig kong itangi si Amansinaya Añonuevo, hindi lamang dahil nagkataong anak ko kundi dahil nakita ko sa kaniya ang rubdob, husay, tiyaga, at disiplina, bukod sa mataas na pagpapahalaga at paggalang sa audience na marapat taglayin ng sinumang alagad ng sining.

Sumapit na ang panahon ng aking anak, at marahil hindi ko na maiiwasan ang pagiging stage father sa mga darating na panahon.

Komunikasyon at Pagsagap sa Pahiwatig

Hindi nakapagtataka kung inuulan ng batikos kahit ang ngiwi ng ating Pangulo nang maghayag ito ng saloobin hinggil sa trahedya sa Maynila. Bagaman walang intensiyon si Pang. Noynoy Aquino na makapanakit sa damdamin ng mga kaanak ng nasawi sa pamimihag ay di-naiwasang basahin ang kaniyang pahiwatig sa negatibong paraan. Bahagi ng komunikasyon ng mga Filipino (at marahil ng mga Tsino) ang pahiwatig na taglay ng salita at ang angkop na kilos na kaugnay nito. Ito ay dahil ang pakikipag-usap ng mga Filipino ay isinasaalang-alang ang konsepto ng “kapuwa” na ang kausap na tao ay kabahagi ng katauhan ng nagsasalita. Hindi maaari sa Filipino na daanin lamang sa tahasang pagsasalita ang nais iparating sa iba na parang ang kausap ay malamig na bagay.

Halimbawa, ang paghingi ng paumanhin ay hindi basta pagpapaabot ng iniisip o niloloob sa pabigkas o pasulat na pamamaraan, bagkus tumitindi o humihina alinsunod sa kislot ng kilay at labi, o paglaki ng mata o paglobo ng ilong, na sinasabayan ng kumpas ng kamay o ibang galaw ng katawan. Kung minsan, kinakailangan ang tagapamagitan (na higit na kilala bilang padrino) para mapaglapit ang kalooban ng dalawang panig na nagkaroon ng alitan at di-pagkakaunawaan. Bakit nagkaganito? Dahil ang komunikasyon ng mga Filipino ay mataas at malalim ang paghihiwatigan. Ang nagsasalita at ang kausap nito ay itinuturing na may matalik na ugnayang higit sa maitatakda ng uring panlipunan, kulay ng balat, at paniniwala sa buhay.

Sa pagbasa ng mga pangyayari, maisasaalang-alang ang dalawang paraan. Una, ang pananaw ng pamahalaan na umaalam sa puno’t dulo ng pamimihag at ang mga naganap na pagkilos para supilin iyon. Sa yugtong ito, maaaring tingnan ang pamimihag sa punto ng naburyong na dating pulis na si Rolando Mendoza; sa ginawang pagsalakay sa bus para saklolohan ang mga bihag na Tsino, at iba pang pangyayaring sumibol matapos ang pamimihag. Ikalawa, ang pananaw ng mga nakasaksi sa trahedya, maging iyon ay sa telebisyon o sa tunay na buhay. Sa pananaw ng karaniwang saksi na bumabasa ng mga nasasagap na pangyayari sa midya, ang mga pahiwatig ay nakabuhol sa karanasan ng tao na masisipat sa kapuwa pansarili at panlipunang anggulo.

Ang “Trahedya sa Maynila” (na ginaganapan ni Mendoza, ng mga turistang bihag, ng mga sumaklolong pulis, ng mga mamamahayag at miron, ng mga opisyal ng pamahalaan ng kapuwa Filipinas at Hong Kong, at iba pa) ay maaaring basahin sa apat na antas. Una, ang sumasagap ng balita ay maaaring walang pakialam o pasibo bukod sa salát sa karanasan upang maunawaan ang puno’t dulo ng mga naganap. Ikalawa, ang sumasagap ng balita ay nahahatak sa madamdaming tagpo na kaniyang narinig, nakita, o nabasa hinggil sa pagkamatay ng mga turista, at kung gayon ay higit na pinananaig ang damdaming gaya ng poot at hilakbot, kaysa matuwid na pag-iisip. Ikatlo, ang sumasagap ng balita ay ibinabatay ang kaalaman sa mapagsiyasat na gawi hinggil doon. At ikapat, ang ganap, malinaw, at makatotohanang balita ay ibinabatay ng sumasagap sa resulta ng mga pagsusuring ginawa ng mga tao na may kakayahan at karanasan sa gawaing iyon.

Mabigat kung gayon ang pag-alam sa Trahedya. Ang kahulugan ng trahedya ay hindi na lamang mauugat sa pangyayaring sinibak si Mendoza dahil sa mga maling paratang na ikinaso sa kaniya at sa kaniyang mga tauhan. Ang kahulugan ng trahedya ay isa ring epekto na kailangang danasin, matapos mailibing ang mga nasawi, maparusahan ang mga opisyal na nagpabaya sa tungkulin, at mawakasan ang malalimang imbestigasyon at pagsusuri ng mga eksperto at pulis at mediko. Kung sisipatin ang madamdaming protesta sa Hong Kong, sa cyberspace, at sa mga pahayagan sa iba’t ibang dako ng daigdig, ang Trahedya sa Maynila ay kumakatawan sa posibleng bunga na matatamo sa proseso ng pag-alam sa balita, opinyon, at panitikan.

Hostage

Ipinamalas ng mga telebisyon network ang kapalpakan ng paglusob ng pulisya sa bus na binihag ni Rolando Mendoza na dating pulis na pinaltalsik pagkaraan dahil sa mga kasong kinasangkutan habang nanunungkulan.

Una, mahina ang punong negosyador sa pagpapalaya ng mga bihag. Pinagbigyan masyado si Mendoza sa mga hiling nito. Maganda na ang pagsisikap ni Bise Alkalde Isko Moreno na nagtungo pa sa Ombudsman ngunit hindi malinaw sa buong pangyayari kung sino ang itinalagang punong negosyador na handang makipag-ayos at maalam sa sikolohiya ng buryong na pulis na gaya ni Mendoza.

Ikalawa, inakala ng mga pulis na ordinaryong pagbihag lamang iyon na malulutas sa pakiusap. Lumipas ang napakatagal na oras bago nagpasiyang lusubin ang bus. Masyadong pinagbigyan ng mga pulis si Mendoza na waring pagpabor sa mga dating kasamang pulis.

Ikatlo, hindi napagplanuhan nang maigi kung paano lulusubin ang bus. Inalam muna dapat ang mga paraan kung paano papasukin ang bus: sa ilalim ba o gilid, sa harap ba o sa itaas.

Ikaapat, pulos porma ang SWAT na nang lumusob ay nakaarmalayt ang iba. Paano ka babaril nang malapitan at sa makitid na lugar gaya ng bus kung M-16 ang hawak? Hindi ba ang kailangan ay maiikling baril, gaya ng kalibre .45 o uzi?

Ikalima, hindi kompleto sa gamit ang SWAT. Nang lumusob ang mga kawal, walang nakasuot ng night vision goggles. May naghagis ng stun bomb o teargas pero ang nagtangkang pumasok na mga pulis ay walang gas mask.

Ikaanim, hindi marunong magmaso ang mga pulis. Sinikap ng isang kawal na masuhin ang bintana, gayunman ay hanggang pagbasag lamang ng bintana ang ginawa. Binasag din ang pintuan, ngunit nabigo pa ring mabuksan iyon hanggang sikapin na lamang na itali ng lubid ang pinto at ipahila sa isang sasakyan. Nalagot ang lubid at hindi pa rin nabuksan ang pinto. Binasag ang harapang salamin, at nang mabutas na ito’y lumusot sa loob ng bus ang maso.

Ikapito, walang kumontrol sa mga usisero. Isang usiserong bata ang tinamaan ng bala. Pinagdadampot dapat ng mga pulis ang mga usiserong ito, kung hindi man pinaghahataw ng batuta, dahil imbes na makatulong ay nagpalala pa ng seguridad ng mga inililikas o sinasagip na tao.

Ikawalo, masyadong maluwag ang coverage ng media. Pinagbigyan ng pulisya ang mga telebisyon network na isahimpapawid ang mga pangyayaring may kaugnayan sa negosasyon. Sa ganitong  pangyayari, namomonitor ng salarin ang mga pangyayari sa labas ng bus. Nagamit din ang media para magmukhang kaawa-awa ang kapatid ni Mendoza na isa ring pulis. At lumitaw din ang kahinaan ng media, dahil sa haba ng oras ng pamimihag, walang nagsaliksik sa buhay ni Mendoza kung karapat-dapat nga itong maparusahan o maparangalan.

Ikasiyam, ang mga kaanak ni Mendoza ay hindi nakontrol ng mga pulis, at puwedeng imbestigahan din dahil nagpainit pa ang mga ito sa dapat sanang kalmanteng negosasyon.

Ikasampu, nang binuksan ang pinto ng bus at kumaway si Mendoza ay dapat pinaputukan agad ng mga sniper. Pero walang pumutok. Ang dating pulis na armado at namihag ng mga turista ay hindi dapat pinagbibigyan nang matagal. May panganib siyang hatid, at kung kinakailangan siya barilin ay ginawa dapat nang maaga.

Ikalabing-isa, walang pahayag na nagmula man lamang sa Kagawaran ng Turismo o Ugnayang Panlabas. Dapat kumikilos agad ang mga opisyal nito dahil ang sangkot sa krisis ay mga turista.

Iisa lamang si Mendoza ngunit ang isang tao na ito ay halos wasakin ang buong imahen ng pambansang pulisya. Paano magtitiwala ang mga bata sa pulis, gaya ng propaganda nito sa mga paaralan na tumutula-tula ang isang babaeng pulis? Isang malungkot na pangyayari ang pamimihag, na dapat iwasan ngayon at sa mga darating na panahon.

PAHABOL: Malaki ang pagkakamali ng drayber ng bus ng mga turista. Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay pinasakay nito ang armadong si Rolando Mendoza na parang nag-aangkas ng kung sinong pulis. Dapat maging aral ito sa mga drayber na hindi dapat magpasakay ng kung sinong armadong tao, kahit magpilit pa ito para sa seguridad ng mga pasahero.

SAWIKAAN at Wikang Pambansa

Mainit na tinangkilik ng mga akademiko, estudyante, editor, manunulat, at iba pang may malasakit sa wika ang nakaraang SAWIKAAN 2010 na ginanap noong nakaraang linggo sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman. May 250 kalahok mulang hilaga hanggang timog ng Filipinas ang nakiisa, at nagpalitan ng kuro-kuro kung paano mapayayaman ang wikang Filipino. Ang Sawikaan ang isa sa mga tanyag na pambansang kumperensiya na isinusulong ng Filipinas Institute of Translation Inc. (FIT) tuwing taon.

Nagwaging Salita ng Taon ang “jejemon” na ipinagtanggol ni Dr. Rolando Tolentino at pinili ng mga hurado mula sa lupong binuo ng FIT. Napili sa ikalawang puwesto ang “ondoy” na ipinakilala ni Jayson Petras at pumangatlo ang “korkor” ni Schedar Jocson at “tarpo” ni Jelson Capilos. Samantala’y tumanggap ng People’s Choice Award ang “tarpo” mula sa buong kapulungan ng mga delegado.

Batay sa napagpasiyahan sa serye ng mga pulong ng FIT, ang Salita ng Taon ay “maaaring bagong likha; bagong hiram mula sa katutubo o banyagang wika; luma ngunit may bagong kahulugan; at patay na salitang muling binuhay.”

Ang mga panukalang salita ng taon ay dumaraan sa proseso ng pagpili mula sa kalipunan ng mga salitang tinanggap ng Filipinas Institute of Translation, Inc. (FIT). Bawat salita ay inuusisa ang etimolohiya o pinagmulan nito; ang mga tiyak na gamit nito sa pangungusap at bahagi ng pangungusap; at ang mga pangangatwiran kung bakit dapat kilalanin yaon bilang salita ng taon.

Pagpapasiyahan ng Lupong Tagapagpaganap ng FIT kung aling salita ang karapat-dapat na tanghaling nominado para sa Salita ng Taon.

Pagkaraan, ang napiling nominadong salita ay gagawan ng isang ganap na papel na magpapaliwanag kung bakit dapat itampok iyong Salita ng Taon.

Ang mga isinumiteng papel hinggil sa Salita ng Taon ay susuriin ng mga editor at magbibigay sila ng mga mungkahi kung paano mapahuhusay pang lalo ang nilalaman, balangkas, at talakay nito. Ang binagong papel ang siya ngayong ihahain sa kapulungan ng mga delegado at pagpapasiyahang muli ng Lupong Tagapagpaganap ng FIT.

Ang magwawaging Salita ng Taon ay ibinabatay sa “lawak ng pananaliksik, bigat ng mga patunay, at linaw ng paglalahad at pangangatwiran.” Ang mga delegado sa kumperensiya ay binibigyan din ng pagkakataon na pumili kung anong salita ang karapat-dapat magwagi, at dapat magkamit ng People’s Choice Award.

Kabilang sa mga nominadong salita ang “load” nina Christine Marie Magpile at Geraldine Uy-Escolar;  “ampatuan” ni Vladimeir Gonzales;  “emo” ni Anna Mariette Dy;  “namumutbol” ni Joselito delos Reyes; “ “spam,” ni Genaro Gojo Cruz;  “solb” ni John Enrico Torralba; at “unli,” ni April Perez.

Mahalaga ang SAWIKAAN dahil ito ang nagsisilbing talyer ng wika sa buong kapuluan. Ang mga kalahok ay malayang makapag-ambag ng mga mungkahi at puna kung paano ipakakahulugan ang mga salita; at naisasaalang-alang kahit ang usaping pangkultura at kaligirang pinagmulan ng salita. Ang sinulat na papel ng isang kalahok, halimbawa, ay maaaring dumaan sa masusing rebisyon, alinsunod sa mga mungkahi ng tagapayo, editor, at buong kapulungan ng mga delegado.

Kabilang sa mga panauhing tagapanayam si Dr. Jaime Caro na ipinaliwanag ang impluwensiya ng teknolohiya sa paghubog ng makabagong Filipino; at si Dr. Jesus Federico Hernandez, na nagpaliwanag ng impluwensiya ng mga bakla sa paghubog ng makabagong Filipino.

Pinakamabigat ang tampok na panayam ni Dr. Zeus Salazar hinggil sa pagpapayaman ng wika, alinsunod sa diskursong pangkasaysayan, at maaaring sumaklaw sa isang semestre sa kolehiyo. Inilugar niya ang panghihiram ng salita ng Filipino sa mga wikang banyaga at paglikha ng neolohismo alinsunod sa aniya’y “dambuhalang pagkakahating pangkalinangan sa kasaysayan ng bansa.” Namamayani ngayon ang Ingles at Inglesero sa estado, ekonomiya, edukasyon, at kulturang poskolonyal sa loob ng lipunang Filipino. At nagsimula ito nang magwagi ang pangkat ni Emilio Aguinaldo sa Kudeta sa Tejeros (1897) laban sa Himagsikan ng 1896 ni Andres Bonifacio.

Nang mamayani ang Ingles, ani Salazar, ang mga institusyong pampolitika, pang-ekonomiya, pangkultura, at iba pa ay isinalalay sa Ingles. Uminog sa Ingles ang mga transaksiyon at komunikasyon. Maibibilang dito ang batasan, hukuman, edukasyon, agham, inhinyeriya, moda, musika, tanghalan, kalakalan, at iba pa. Ginamit ang Ingles bilang midyum ng komunikasyon, at ito ang nagbukod sa mga elitista at sa mga karaniwang mamamayan.

Lumubha pa aniya ang sitwasyon nang makipagpatintero ang mga Filipinong intelektuwal sa Estados Unidos at iba pang bansang Anglophone sa pag-aakalang makikinabang sa magandang kabuhayang ipinangangako ng mananakop. Ang ilang nangabigo ay nagkaroon ng nostalhiya sa Filipinas. Samantalang ang ibang nagtagumpay makapasok sa akademya ng Estados Unidos at iba pang bansang Anglophone ay nagpaulan ng batikos sa Filipinas, partikular sa mga “suliraning etnolingguwistiko” o dili kaya sa mga wikang “inaaapi” umano ng Tagalog.

Ipinanukala ni Salazar na matatalakay ang panghihiram ng wika sa dalawang antas: una, sa sosyolingguwistiko o panlipunang antas; at ikalawa, sa pang-lingguwistikang antas ng bilingguwalismo. Walang hanggahan umano ang paglikha ng mga kataga [neolohismo]. Lipunan lamang ang nagtatakda ng hanggahan batay sa mga taglay nitong “kaisipan hinggil sa seksuwalidad, moralidad, panlasa, a iba.” Bagaman naitatakda ng diksiyonaryo ang hanggahan ng panghihiram, lalabagin at lalabagin umano ito ng mga gumagamit ng wika sa pasulat man o pabigkas na pamamaraan.

Iminungkahi ni Salazar ang pagbubuo ng Akademya sa Wika, gaya ng Académie Française, na binubuo ng mga tanyag na gumagamit ng wika sa iba’t ibang larang at aktibidad sa bansa. Mabubuo ng nasabing akademya ang isang saligang diksiyonaryo at Ensiklopedyang Filipino sa sariling wika. Magpapakita umano ito ng kabihasnang natamo ng Filipinas sa kasalukuyan, at sa maaaring makamit pa sa hinaharap.

Kabilang sa mga tumulong sa SAWIKAAN si Dr. Emerlinda R. Roman, pangulo ng Unibersidad ng Pilipinas; Dr. Sergio S. Cao, Tsanselor ng UP Diliman; Lirio Sandoval, pangulo ng Book Development Association of the Philippines; Atty. Andrea Pasion-Flores ng National Book Development Board; Departamento ng Edukasyon; Komisyon sa Wikang Filipino; Adarna House; at Nestle Philippines.

Ang SAWIKAAN ay itinaguyod ng Filipinas Institute of Translation, Inc., UP Sentro ng Wikang Filipino-Diliman, Anvil Publishing, Inc., at Kolehiyo ng Arte at Literatura, UP Diliman.

Pulis at Tula

Kapuri-puri sa unang malas ang pagsisikap ng pambansang pulisya na pagandahin ang imahen ng mga pulis sa paningin ng mga bata sa pamamagitan ng tula. Ayon kay PNP Community Relations Group Director C/Supt. Nicanor Bartolome, “magpapadala ng mga pulis ang PNP sa mga paaralan upang maging guro.”

At bilang guro, ituturo ng mga representanteng pulis ang tungkulin ng pulisya sa mga mag-aaral na nasa una hanggang ikatlong grado. Hindi umano dapat katakutan ang mga pulis, at sa halip ay marapat paniwalaan. Pagkaraan, ang naturang programa ay ihahanda para sa matataas na grado, at marahil ay sasaklaw hanggang hay-iskul.

Nang panoorin ko sa telebisyon ang isang babaeng pulis na bumigkas ng “Isang Tula Para sa mga Mag-aaral” ay halos malaglag ako sa upuan. Parang binayaran ng payola ang network na nagpalabas nito, at imbes na maging kritikal sa gayong pakana ay naging instrumento pa ng kabalbalan.

Kulang sa sining ang tulang propagandang binigkas ng pulis. Ibinabalik ng pulis na nagkukunwang guro ang panahon ng mga mambabalagtas, ngunit ang pagkakaiba lamang ay sukdulan ang babaw ng tula at dapat ibitin nang patiwarik kung sino man ang awtor ng gayong propaganda. Kung pangit mang bumigkas ang pulis ay hindi siya masisisi; ginagampanan lamang niya ang tungkuling sumunod sa dikta ng nakatataas na mahihinuhang walang malasakit sa panulaang Filipino.

Kung nais ng Philippine National Police na pagandahin ang imahen nito, hindi sapat ang magpadala ng mga pulis sa mga paaralan para tumula ng kung anong sampay-bakod na berso. Kailangang maunawaan ng pulis na ang tula ay malayo na sa panahon ng kopong-kopong. Kailangang mag-aral ng wika at sining ng pagkatha ang mga pulis, at kung maaari’y dumaan sa mahabang proseso ng palihan sa pagsulat upang maitaktak palabas ng kanilang utak ang mga dating lihis na paniniwala hinggil sa pagtula.

Hindi matatakpan ng tula ang mga pagpaslang sa mga aktibista at peryodista. Hindi mapapayapa ng tula ang sindak sa mga pulis na protektor ng pasugalan, ismagling, droga, at bahay-aliwan. Hindi mapagagaan ng tula ang puso ng mga batang batid na, ni hindi mahuli ng pulisya ang senador na kinasuhan ng pagpaslang at malayang naglalakbay kung saan-saan, samantalang ang karaniwang suspek sa krimen ay lumalasap ng kisapmata’t lihim na pagdakip at pagpatay.

Kinakailangan ng pambansang pulisya ang reoryentasyon sa pagkilala at pananaw sa tula. Walang maidudulot na buti ang bersong pulis na imbes na magpakalat ng karunungan ay nagpapalaganap ng masamang halimbawa kung paano bumigkas at sumulat ng tula. Sa dakong huli, kayayamutan ng mga bata ang tula. Iisipin nilang ang tula ay hanggang panteksbuk lamang; na ang tula ay maganda lamang pakinggan ngunit hungkag ang nilalaman; na ang tula, gaya ng dati, ay dapat pigain upang magluwal ng mga leksiyon mula sa awtoridad at iyon lamang ang tama.

Kung pag-aaralan ng mga pulis ang mahabang tradisyon ng panulaang Filipino, matutuklasan nila na maraming tula ang hindi pabor sa kanilang marahas at madilim na nakaraang may bahid ng dugo at panunupil. At ang mga tulang ito ay hindi basta sinulat ng mga sampu-samperang mambeberso, bagkus matitinik na makatang may matayog na bisyon para sa tula at para sa bayan. Ang mungkahi ko’y iutos ng pambansang hepe ng pulisya na ilahok sa kanilang kurikulum ang pag-aaral ng tula at iba pang anyo ng panitikan. Nang sa gayon, lalawak lalo ang kanilang pananaw hinggil sa daigdig; at ang tula at katha ay tatanawing hindi laging salamin ng lipunan bagkus may sariling daigdig na dapat pasukin at alamin ng mambabasa.

Nagtataka lamang ako kung bakit hindi umaangal ang sinuman sa Kagawaran ng Edukasyon hinggil sa pakanang ito ng PNP. Lumalabas din ang katangahan ng mga peryodistang nag-ulat ng programa ng PNP, at walang umusisa kung bakit napakahina naman ng berso at kung sino ang gagong nagpakana nito. Hindi dapat pinapayagan ang PNP na magpadala ng mga pulis para sa indoktrinasyon ng mga bata, lalo’t walang kakayahan ang PNP na magpakalat ng tumpak na impormasyon hinggil sa panulaang Filipinas. Dahil kung papayagan ang pulisya, ang pulis sa loob ng paaralan ay hindi lamang nagpapakalat ng propaganda, bagkus ng makamandag na diwaing sisira sa masining na pag-unawa at pagkatha ng matatayog na tula.

Sawikaan: Pambansang Kumperensiya sa Wika ngayong 29-30 Hulyo 2010

Sawikaan 2010: Kumperensiya sa Salita ng Taon sa UP Diliman sa Hulyo 29-30, 2010

Itatanghal ng Filipinas Institute of Translation Inc.  (FIT) sa tulong ng Blas Ople Foundation, Anvil Publishing, Kagawaran ng Edukasyon (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), Komisyon sa Wikang Filipino, U.P. Sentro ng Wikang Filipino, at ng U.P. Kolehiyo ng Arte at Literatura ang Sawikaan 2010: Pambansang Kumperensiya sa Salita ng Taon sa Hulyo 29-30, 8:00n.u. -5:00n.h. sa Pulungang Claro M. Recto, Bulwagang Rizal, Diliman, Lungsod Quezon.

Noong 2007, “miskol” ang naideklarang salita ng taon dahil sa angkop na paglalarawan sa pag-angkin ng Filipino sa hiram na konsepto ng komunikasyon. Hindi lamang ito di-nasagot na tawag kundi isang paraan ng paramdam, pagyayabang, at iba pang ugaling Filipino.

Hindi isinagawa ang kumperensiya noong 2008 at 2009 dahil naniniwala ang Sawikaan na walang karapat-dapat na salitang lumaganap ng panahong ang maitatanghal na salita ng taon. Sa ngayon, nagkaroon na ng sapat na dami ng mga salita para mapagpilian at maipagpatuloy ang Sawikaan.

Tinanggap ng Sawikaan ang mga mungkahing salita na nagkaroon ng malakas na impluwensiya sa larangan sosyokultura, politika, ekonomiya at iba pang aspekto ng buhay-Filipino sa nakaraang dalawang taon. Hiniram ito sa dayuhan o lokal na wika, o lumang salita na may bagong kahulugan. Mahalagang karagdagan sa diksiyonaryong Filipino ang salita ng taon.

Tulad sa nakaraang kumperensiya, nag-imbita ang Sawikaan ng mga eksperto sa wika para talakayin ang paraan ng pagpapaunlad sa wikang pambansa. Kabilang sa mga tagapagsalita sa mga sesyon ng Hulyo 29 sina Dr. Mario I. Miclat, dekano ng U.P. Asian Center;  Dr. Jaime Caro, siyentista sa agham-computer; at Dr. Jesus Federico Hernandez, Tagapangulo ng U.P. Departmento ng Lingguwistika; at higit sa lahat, Dekano Dr. Zeus Salazar na pangunahing teoriko at istoryador ng Filipinas. Pangunahing paksang tatalakayin ang neolohismo (pagbuo ng bagong salita), paghiram mula sa mga wikang di-Ingles, wika at kompiyuter, at kalikasan ng wika ng mga bakla.

Pagkaraan ng mga diskusyon, ilulunsad ang bagong edisyon UP Diksiyonaryong Filipino (Anvil Publishing) na pinamatnugutan ng Pambansang Alagad ng Sining Virgilio S. Almario. Si Dr. Isagani Cruz ang magbibigay ng kritika sa naturang diksiyonaryo para makatulong sa mga guro at estudyante sa pag-unawa sa naturang aklat.

Sa Hulyo 30, sampu hanggang labindalawang tagapagsalita ang magtatanghal ng kani-kanilang papel. Kabilang sa mga lahok para sa salita ng taon ang “jejemon, “unli,” “load,” “tarpo,” “spam,” “solb,” “emo,” “load,” “korkor,”  “namumutbol,” “Ondoy,” at “Ampatuan.” Hahatulan ang mga presentasyon sang-ayon sa mahusay na saliksik, husay ng ebidensiya at argumento, at ganda ng pagkakasulat. Igagawad ng Blas Ople Foundation ang premyong salapi sa una, pangalawa, at pangatlong gantimpala para sa salita ng taon. Ilalathalang libro ang lahat ng papel na binasa sa Sawikaan.

Sa katanungan at impormasyon, mag-email kay Bb. Eilene Narvaez sa filipinas.translation@gmail.com. O bumisita sa opisyal na website sawikaan.net.

Panawagan at Paghingi ng Tulong ng mga taga-Isla Talim

Humihingi ng tulong ang mga residente ng Isla Talim (Talim Island) na pinaghahatian ng Binangonan at  Cardona na pawang sakop ng Lalawigan ng Rizal, dahil hindi makabiyahe ang mga de-motor na bangkang makapaghahatid ng suplay ng pagkain, gamot, at iba pang kagamitan sa isla sanhi ng masigwang alon at hangin. Ang mga bahayang malapit sa baybayin ay malubhang naapektuhan ng baha noong sumagasa ang Bagyong Ondoy.

Nakatanggap din ng balita ang Alimbukad na naapektuhan ng baha ang mga baybayin ng Binangonan at Angono, na ang ilang barangay ay lubog pa rin sa baha. Hindi gaanong napapansin ang magkanugnog na bayang ito, ngunit marami ang apektadong tao na dapat saklolohan sa madaling panahon.

Mangyari po lamang na tumulong ang mga kinauukulan sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga pagkain, tubig, damit, at iba pang kaugnay na bagay na pawang kailangang-kailangan ng mga tao. Hinihimok din ng Alimbukad na makipag-ugnayan sa mga pamahalaang lokal, at iba pang pribadong ahensiya, na pawang nakatuon sa paghahatid ng serbisyo.

Pahabol: Lubog pa rin sa baha ang ilang pook sa Pasig, Pateros, at Taguig at ang mga tao ay nangangailangan ng maagap na tulong, gaya ng pagkain, gamot, at damit. Masigasig ang mga pamahalaang lokal sa pagtulong, ngunit hindi nito makakaya nang mag-isa lamang ang malawakang pinsala. Kung sakali’t nais tumulong, makipag-ugnayan lamang sa mga pamahalaang lokal at pribadong ahensiyang pawang nangangasiwa sa paghahatid ng tulong.