Mga Estatwa, ni Henri Michaux

Salin ng “Mes statues,” ni Henri Michaux ng Belgium
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Estatwa Ko

. . . . . . Mayroon akong mga estatwa. Ipinamana sa akin yaon ng mga panahon: ang mga panahon ng aking paghihintay, ang mga panahon ng panlulupaypay, ang mga panahon ng aking di-maipaliwanag, di-matighaw na pag-asa na lumikha sa kanila. At ngayon, narririyan sila.

. . . . . . Gaya ng mga baság na bahagi ng sinaunang mga guhô, malimit akong bigô na mabatid ang kanilang kahulugan.

. . . . . . Lingid sa akin ang pinagmulan nila—naglaho yaon sa gabi ng aking búhay—na ang mga anyo ay nakaligtas sa di-mahahadlangang daluyong ng panahon.

. . . . . . Ngunit naririyan sila, at ang kanilang mga marmol na hardin kada taon, pumuputi nang pumuputi laban sa maitim na sanligan ng maraming ibinaon sa limot.

Alimbukad: Wikang Filipino sa Panitikang Pandaigdig

Advertisements

Eskultura at Erotika

Ginulat ako isang araw ni Raul Funilas sa pagbubukas ng kaniyang munting galeriyang tinawag na “Eskultula ni Tata Art Gallery” sa Don Antonio Heights, Lungsod Quezon. Itinanghal niya sa unang pagkakataon ang kaniyang koleksiyon ng mga eskultura na yari sa bronse, kahoy, bato, kongkreto, plaster, at iba pang midya. Ang kakatwa’y tinambalan ni Tata Raul—na magiliw na tawag sa kaniya ng mga kaibigan—ng pambihirang siste at pagdulog ang kaniyang likhang eskultura, kaya ang dating pagtingin sa katawan ng babae o lalaki o pangyayari ay nakakargahan ng mga pahiwatig na makayayanig sa pandama at sensibilidad ng sinumang makakikita.

Halimbawa na’y ang kaniyang “Si Malakas at si Maganda” ay hindi iluluwal ng buhông nabiyak ng tuka ng isang ibon. Ang buho ay mismong tarugo na tulî, at sa loob niyon ay makikita ang magkayakap na lalaki at babae na kapuwa nakahubad, at tigas na tigas ang burat na akma’t handang kumarat. Kung sisipatin sa malayo, ang nabiyak na tarugo ay hindi na mag-aanyong titi, bagkus animo’y pukeng magsisilang ng katauhan ng dalawang magkasalungat na kasarian.

Ngunit huwag akalaing pulos kalibugan ang mga likha ni Tata Raul, at humahangga sa kabastusan. Humubog din siya ng mga eskultura ng mga batang nagsasaranggola, na inukit sa matigas na kahoy ang mga bata at ang mga saranggola naman ay yari sa tanso na animo’y lumulutang sa hangin. O ng mga batang namimingwit o mangingisdang gumagaod o nangingisda. Ang malalaking isda, sugpo, bibe, o alimango ay maaaring yari sa tanso o kahoy, at depende na sa mamimili kung ano ang nais niyang itanghal sa loob man ng bahay o sa gitna ng hardin.

Retablong relihiyoso, estatwa ng santo o mananayaw, busto ng alagad ng sining, lamparang yari sa kawayan, orasang pandingding, kandelabra, maskara, dulang na yari sa kahoy na tinatayang edad 200 ang tanda, at kung ano-ano pang kuntil-butil ang masisilayan sa galeriya. Si Tata Raul, na dating katuwang ng mga eskultor na gaya nina Billy Abueva at Jerry Araos, ay lumikha ng sariling pangalan at nagpatag ng angking landas kahit sa panulaang Filipino. Ang ibang tula ni Tata ay nakaukit mismo sa dulang o retablo o estatwa, kaya ang imahen ng isang bagay ay hindi na lamang basta masasalat o magagamit bagkus kababakasan din ng mga talinghagang kapupulatan ng hiyas ng diwa.

Abot-kayang halaga ang bawat piyesa na makikita sa galeriya ni Tata Raul. Gayunman, hindi nangangahulugan iyon na mababa ang kalidad at antas ng sining ng pagkakalikha ng bawat eskultura. Mahigpit ang pamantayan ni Tata Raul pagsapit sa kaniyang mga likhang sining, gaya lamang ng pagsulat ng bagong tula. Kayo na ang humusga, at dalawin na lamang ninyo ang kaniyang “Eskultula ni Tata Art Gallery” na matatagpuan sa #25 Holy Spirit Drive, Don Antonio Heights, Lungsod Quezon.