Sa Dila ni Khabib, ni Roberto T. Añonuevo

Sa Dila ni Khabib

Roberto T. Añonuevo

. . . . . … . .. “Kapag umusal ka ng maling salita sa ibang tao, maaari kang mapatay.”
. . . . . .  ..  . .Dewey Cooper

Umuulan ng mga salita, gaya ng mga bato at patalim,
At kung ikaw si Khabib, mauunawaan mo ang respeto
Sa loob ng oktagonong hawla ng búhay at kamatayan.

Doon, iiwan mo ang lahat at isusuot ang iyong tapang.
Wala kang maririnig bagkus bakbakan ng pahiwatig.
Masikip ang daigdig, at iisa lámang ang dapat manaig.

Nakahihimatay ang titig, ngunit nakapapatay ang wika.
Ang wika ay maaaring buldoser at trak na dumudurog
Sa mga tahanan, o palihim na pagdakip sa isang kaaway,

At kung ikaw ay nakatira sa kabundukan ng Dagestan,
Ang salitang bitawan mo ay kalashnikov na sumisigaw,
Dahil may pakpak ang salita na tumutudla sa mga agila.

Ang wikang imperyal ay kumukulimbat ng ginto’t salapi,
Gumagahasa sa mga babae, at sumusunog nang lubos
Sa mga bayan o masjid. Dapat bang ulitin mo pa iyan?

Ang wika ng espada at wika ng diyos ay nagkakaisa,
Na walang gitna sa mga taggutom at pakahulugan—
Alam mo iyan, lalo kung puputok ang digma sa málay.

Ngunit ang wika ay isa ring negosyo, at parang teatro
Ang likas na promosyon sa mga atleta kahit katumbas
Ng lahat ang paghimod sa tumbong ng awtoridad.

Kailangang ibalik sa tamang pedestal ang mga salita.
Kung hindi’y bakit pipigilin ang himagsik ng sikmura,
At ikukubli ang luha sa mukhang may dungis alimura?

Walang bibig ang dangal, ngunit batid nito ang kamao
At tadyak. Nakikilala ito sa sandali ng huramentado,
Matapos ang nakaiinip, nakababaliw na pagtitimpi.

Ang salita mo, sa malao’t madali, ang wawasak sa iyo.

mountain snow winter bird mountain range flight weather glide soar eagle season perching bird

Ang Tula ni Kobe Bryant

Ang Tula ni Kobe Bryant

Nakalulugod na ang sikat at retiradong basketbolistang si Kobe Bryant ay tumula para pagpugayan ang kaniyang karera sa basketbol. Ang kaniyang tula, na pinamagatang “Dear Basketball,” ay nalathala sa The Players’ Tribune noong 29 Nobyembre 2015, at pagkaraan ay ginawan ng animasyon, at kabilang sa mga nominado ngayon para magwagi ng Academy Award sa larang ng maikling pelikula.

Ang persona ng tula, na isang basketbolista, ay isinalaysay sa paliham na paraan sa kausap na basketbol kung paanong ang simpleng pangarap ng isang anim na taóng gulang na bata ay lumago at naging totoo sa hinaharap. Ang batang binibilog ang mga medyas ng kaniyang tatay para gawing bola, at malimit magpraktis  magsiyut ng bolang magpapanalo sa koponan doon sa kaniyang silid, ang magiging haligi ng tula. Ang mapangaraping bata ay tatangkad at magiging manlalaro, at sasabak sa makukulay na bakbakan sa kort at magwawagi sa maalamat na paraan. Ngunit sasapit ang yugto na hindi na káya ng kaniyang katawan ang maglaro, bagaman sumisigaw ang kaniyang isip o loob na “Sige, magpatuloy!” at kailangan na niyang magretiro.

Masyadong egosentriko ang persona sa tula ni Kobe, kahit sabihing personal ang diskursong namamagitan sa persona at sa karera nitong basketbol. Ang labis na pagmamahal ng persona sa basketbol ang bubulag sa kaniya tungo sa kasakiman, o pagkabuwakaw sa termino ng mga basketbolista, at hindi mababakás sa tula ang pambihirang ambag ng kaniyang mga kakampi sa koponan, mulang alalay hanggang bangkô hanggang miron hanggang coach atbp.  Nasabi ko ito nang mapanood matalo ang paborito kong koponan, ang Cleveland Cavaliers, na bagaman may tatlong MVP, bukod sa mga sikat at atletikong kakampi, ay nabigo sa kanilang kalaban dahil nakaligtaan yata nila ang pakahulugan ng “team work.” Tinambakan ang nasabing koponan kahit naroon si LeBron James, na kinikilala bilang pinakamahusay na basketbolista sa buong mundo sa kasalukuyan.

Sa realistikong pananaw, ang minamahal na larong basketbol ni Kobe na nakabalatkayong persona ay hindi pang-isahang tao lámang, at kung gayon ang kredito sa alinmang tagumpay ay maituturing na kolektibo. Nangangailangan ito ng mga kakamping handang pumaloob sa isang koponan, at handang magtaya, at magparaya para sa ikatatagumpay ng buong koponan. Ibig sabihin nito’y ang pagkilala sa importanteng papel ng bawat isa sa organisasyon, at ang bawat manlalaro, kung magagamit sa pinakaepisyenteng paraan, ang magdudulot ng pagwawagi sa buong koponan. Ngunit para sa persona ng tula, ang kaniyang relasyon sa basketbol ay isang personal na pagdulog, at siya lamang ang sentro, at ang tanging nakikita niya ay kompetisyon. Ang malungkot, nakaligtaan o hindi binanggit sa tula, na ang propesyonal na basketbol ay isang negosyo at laro ng kapangyarihan, at ang negosyong ito na may taglay na pambihirang kapangyarihang lumalampas sa koliseo ang nagdidikta sa magiging takbo ng karera ng mga manlalaro. Sa tula ni Kobe, ang persona sa tula ay hindi maaaring basahin sa punto de bista ng isang mababang uri at nakapailalim na basketbolista, tawagin man itong subaltern, bagkus isang pribilehiyadong manlalarong propesyonal at nasa panig ng maykapangyarihang ibig makahawak palagi ng bola.

Mahalaga sa basketbol ang mga tao na nakapaligid sa mga basketbolista. Dapat kilalanin ang mga tagapagsanay, na handang magpuyat o magrepaso ng video, at magpaliwanag nito sa mga manlalaro upang maiwasang gawin muli ang mga pagkakamali, halimbawa sa depensa o kaya’y opensa. Kailangan ang mga ekspertong estadistiko para mabatid ang kalakasan o kahinaan ng bawat manlalaro. Kailangan ang suporta ng maneydsment, lalo kung may kaugnayan sa kalusugan ng manlalarong nagkaroon ng pinsala sa katawan. Mabuti ring isaalang-alang ang tangkilik ng fans, sapagkat ang anumang suporta nila sa midya man o sa mismong laro, kung minsan, ang nakatutulong para sumigla ang buong koponan at magrali mula sa pagkakatambak, at magwagi bago maupos ang pangwakas na segundo ng laro. Kung tunay ngang mahal ng persona (na bukod sa katauhan ng tunay na Kobe Bryant) ang basketbol, ang kaniyang pagmamahal dito ay dapat makaabot sa kaniyang kapuwa basketbolista—kakampi man o katunggali.

Ang tula ni Kobe Bryant ay sadyang gumanda, hindi dahil sa pambihirang paglalaro ng salita o paglulubid ng talinghaga, gaya ng makikita sa mga tunay na makata at pinupuri ng mga formalista.  Ang tula ay gumanda at naging katanggap-tanggap sa masa dahil sa pambihirang ilustrasyon o animasyon, na tinumbasan ng mahusay na musika at promosyon. Sa ganitong pangyayari, ang tula ay hindi simpleng anyo o nilalaman lámang, bagkus kombinasyon ng dalawa, at hindi maibubukod ang ilustrasyon o animasyon. Dahil maykaya sa búhay, nakuha ni Kobe ang serbisyo ng matitinik na propesyonal sa pelikula at musika, at kung gayon, ang kaniyang tula ay hindi na lamang simpleng tula na binása ng awtor na nagkataong tanyag na personalidad sa basketbol, bagkus naghunos na natatanging kolaborasyon ng iba’t ibang isip at imahinasyon.

Ang kolaborasyon sa paggawa ng pelikula ang maituturing na tunay na prinsipyo ng basketbol, at ito ang esensiya ng konsepto ng bayanihan o sabihin nang “team work.”

Dapat hangaan si Kobe sa kaniyang pagsisikap na sumulat ng tula, at ipaloob sa talinghaga ang kaniyang maningning na karanasan bilang basketbolista. Ngunit para sa akin, ang tula ni Kobe ay isang malinaw na pagkaligta, at isang pagsisinungaling sa tunay na diwain ng sama-samang tagumpay. Ang pagkaligta na ito sa kaniyang mga naging kabalikat ay kataka-takang hindi nakita ng mga hurado ng Academy Awards, na ang hula ko’y ni hindi naman talaga nagbabasá ng tula.

Chess at Tula para sa mga Kabataan

Mapaghahalo ba ang chess at tula? Mahirap itong sagutin, ngunit maaaring magsimula sa pangyayaring ang chess at ang tula ay kapuwa gumagamit ng matalas na lohika at malalim na guniguni. Hinihingi sa chess ang kabihasaan sa teorya ng atake at depensa, mulang pangunang tira at sakripisyo ng piyesa hanggang pagsalakay na may kombinasyon ng mga hakbang. Walang dapat sayanging tira sa chess, at ang isang pagkakamali ay maaaring gumulong at magwakas sa pagkakamate. Hinihingi rin ang gayon sa tula, dahil ang pambungad na taludtod ay dapat suhayan ng mga susunod na taludtod, o kaya’y umugnay sa iba pang mga taludtod, upang maging matagumpay ang pagwawakas at maipamalas ang pananalinghaga sa naiibang paraan. Maaaring isiping may simula, gitna, at wakas ang tula, gaya ng yugto sa chess. Walang dapat aksayahing salita sa tula, dahil ang paglulustay ng salita ay magbubunyag ng kawalang disiplina, kung hindi man katangahan, ng makata.

Umiinog ang chess o ahedres sa limitadong oras, na taliwas sa tula na maaaring ang limitasyon lamang ay takdang panahon ng paglalathala at patimpalak.

Limitado ang tira ng chess sa 64 parisukat, at ito ang magtatakda ng kumbensiyon sa mga manlalaro. Ang kahanga-hanga’y kahit sa gayong napakasikip na mga kahon, napakaraming pagdulog at panuto ang naimbento at sinubok, kaya ang isang teorya ng grandmaster ay maaaring salungatin ng iba pang teorya ng iba pang grandmaster. Gumaganda ang chess tuwing may naipapasok na sariwang kabaguhan, mula man sa pagpapaunlad ng panimulang hakbang at gitnang laban hanggang paghahanda sa pandulong yugto ng pakikipaglaban. Layon ng manlalaro na sukulin o pasukuin ang kalaban. Lumalalim ang chess dahil ang hari, reyna, obispo, kabalyero, tore, at piyon ay may kani-kaniyang tungkulin, at ang tungkuling ito ay maaaring manaig kaysa iba, alinsunod sa hinihingi ng pagkakataon.

Taliwas naman iyon sa tula na halos walang hangga ang maaaring eksperimento, kung isasaalang-alang ang kombinasyon ng mga salita, pakahulugan, at pahiwatig. Ang tula ay maaaring umabot sa kung ilang libong pahina, o kaya’y mabuo sa ilang taludtod o sa pamagat lamang. Walang ibig sukulin o pasukuin sa tula, gayunman ay maaaring maglatag pa rin ito ng mga patibong at lalang, upang malikmatahin ang mambabasa at dalhin siya sa pambihirang antas ng kabatiran. Gumaganda ang tula habang lumalalim, at kung nakapagpapakilala ang makata ng samot-saring pagdulog mulang panimulang taludtod hanggang pagbubuo ng saknong tungo sa di-inaasahang wakas. Napakarami rin ang pagdulog sa tula, dahil ang tula ngayon ay hindi na lamang isinusulat upang basahin nang tahimik bagkus itinatanghal gaya ng dula. Nagiging makapangyarihan ang tula kung makalulusot ito sa iba’t ibang teorya ng pagsusuri, imbes na sumandig lamang isang teorya ng pagtula.

Sa ibang pagkakataon, may pinapasok agad na kumbensiyon sa pagsulat ng tula. Ito ang mga panuto sa tugma, sukat, hati, tayutay, sayusay, gramatika, palaugnayan, at iba pang kaugnay na bagay. Nababali ng makata ang ganitong kumbensiyon sa dalubhasang pagsasakataga ng mga larawan o pangyayari, samantalang nasa isip ang disiplinadong pagkatha at pag-isip ng talinghaga. Ang kumbensiyon naman ng chess ay nalilimitahan ng pari-parisukat na kahon, at nababali lamang ang gayong kumbensiyon tuwing may lumilitaw na baryasyon o baryedad ng mga tira o may nagpapauso ng ibang teorya na sumasalungat sa inaasahan ng mga kritiko o maestro sa laro. Hinihingi ng chess ang bilis na mag-isip at resistensiya sa paglalaro nang matagal. Samantala, kinakailangan sa tula ang mag-isip nang matagal ngunit magsulat nang mabilis upang maiwasang mawaglit sa guniguni ang pagdatal ng kabatiran. Magkaharap ang magkalaban sa chess. Sa tula, ang kalaban ay maaaring ang ibang makatang nagtataglay din ng kahusayan. Ngunit habang tumatagal, ang nilalabanan ng makata ay hindi ang ibang makata, kundi ang kaniyang sarili na maaaring nababalaho sa de-kahong pag-iisip.

Bibihira lamang sa panitikang Filipino ang nag-uukol sa ahedres, at maibibilang dito sina Ariel Dim. Borlongan at Lamberto E. Antonio. Kapuwa maestro sa tula ang dalawang makata, at nagiging dibersiyon lamang ang chess kung mailap ang musa at nagsawa na sa alak. Pansinin ang tulang ito ni Borlongan:

EN PASSANT
ni Ariel Dim. Borlongan

Mag-iingat ka, Mahal na Reyna,
Ipit na ipit na ang iyong hari.
Ang tore ay marupok na puwersa
Kapag nananaig ang Sundalo’t Pari.

Manalig ka sa nagkakaisang piyon
Kahit maliliit, sila’y makapangyarihan
At anumang oras ay handang humamon
Sa lalapastangan sa kaharian.

Nagtataksil na ang Sundalo.
Naglilihim na ang Pari. Depensa
Ng Tore’y malapit nang isakripisyo,
Mag-iingat ka, Mahal na Reyna.

Ang bawat sulong, ang bawat sulok,
Ang bawat hanay ay mahalaga ngayon.
Ang maliliit ay muli mong masusubok
Manalig ka sa nagkakaisang piyon.

Sinulat ni Borlongan ang tulang ito noong 1988, ang panahon na mabuway ang administrasyon ni Pang. Corazon Aquino dahil sa ilang tangkang kudeta ng kaniyang dating matatapat na kawal. May apat na saknong lamang ang tula, na bagaman may dulong tugma ay walang sinunod na sukat at hati [caesura]. Ginamit sa tula ang mga salita sa chess, gaya sa pamagat, ngunit ang mga piyesa ay nakargahan ng dagdag na pahiwatig na maaaring sumaklaw sa politika at lipunan. Ang persona sa tula na siyang nagsasalita ay maaaring matalik na nakababatid sa kaniyang “Reyna” (na maaaring pangulo). Ang paghimok sa kaniya na “manalig sa nagkakaisang piyon” ay paalaala na ang pakikibaka ay hindi napagwawagian ng isang piyesa lamang. Kailangan ang mga katuwang, ang planadong pagkilos, at ang malikhaing pagdulog sa mga problema o balakid. Animo’y propetiko ang tulang ito ni Borlongan na nagkakatotoo magpahangga ngayon. Ngunit ang mga piyon ng kasalukuyang reyna ay hindi karaniwang mamamayan, bagkus animo’y matatapat na turuang aso doon sa kongreso.

Isa pang maihahalimbawa ang tula ni Antonio na ginamit ang persona ni Bobby Fischer sa kaniyang tula. Masiste ang pagdulog ng makata, at kung hindi batid ng mambabasa ang mga termino, kasaysayan, o dalumat  sa chess ay tiyak na mahihirapan siyang arukin ang talinghaga ng tula.

ORAS NG AHEDRES (2)
(Monologo ni RJF)
ni Lamberto E. Antonio

Anumang oras, kahit ako puyat at nakatalikod
basta mataba ang pabuya, magaan kong itataob
ang hari-hariang si Kasparov o si Karpov.
Sa ganyan lubusang maaarok ng buong mundo
na sadyang dapat manganino ang dalawang ito
sa henyo ng larangang isinisilang sa Chicago.
Malayung-malayo na raw ang narating ng chess
sapul nang supilin ko si Spassky sa Reykjavik:
nakalabas ba sa teritoryo ng Unyong Sobyet?
Laging makiling ang pederasyon sa bansang iyan
kaya magluluwat bago magpiglas sa sinapupunan
ang dapat kong turuang magdepensa’t manalakay.
Walang mintis, susunod siya sa mga bakas namin
nina Steinitz, Euwe, Capablanca at Lasker;
ibang lahi ang muli niyang pangingibabawin.
Akin pa rin ang trono, alam ng lahat;
at dito ako naiidlip kapag nakapanghihinamad
ang iba kong hilig, tulad ng palmistry at jazz.

Simple ang tula na sinulat noong 1986 ngunit mabigat ang mga pahiwatig dahil ang mga salita ay humuhugot sa balon ng chess. Banayad ang tinig ng persona sa tula ngunit umiiwa at mayabang, gaya ng pasaring na kayang talunin ng persona ang dalawang pamosong grandmaster at ang FIDE ay makiling umano sa dating Unyong Sobyet. Isinaad din sa tula na ang politika sa loob ng pederasyon ang sumasagka sa persona para hubugin ang iba pang kabataang mahilig sa ahedres. At bagaman iba na ang kampeon, yamang tinanggalan ng korona si Fischer, ang pag-iisip na kampeon ay napanatili niya sa sarili. Ang pagiging kampeon ay wala sa panlabas na pagpapataw ng pederasyong magdidikta kung sino ang dapat maghari alinsunod sa itinatakda ng kumbensiyon. Lumilihis ang persona sa gayong pag-iisip. Ang pagiging henyo ng chess ay higit sa pagwawagi o pagkakamit ng titulo, at napakahalaga ng reimbensiyon ng laro at paglabas sa kahon na pawang makapag-aambag sa progreso at estado ng ahedres. Ito ang itinuturo ng tula.

Kung minsan, kinakailangan ng makata na lumabas sa kahon o kumbensiyon. Kailangang magkaroon siya ng lakas ng loob na sumalunga sa namamayaning pag-iral, pag-iral na maaaring bulag na pagsunod sa banyagang padron o walang malay na pag-uulit sa sinaunang panahon. Kailangan ng makata ang magtaya, at mabigo mang makilala agad ng madla, ang higit na mahalaga’y makapagpasok ng kabaguhan na maaaring umugit ng bagong landas sa panulaang pambansa, kung hindi man panitikang pandaigdig.

Manny Pacquiao at Filipino

Pinakaaabangan sa lahat ang laban ni Manny Pacquiao kontra Oscar de la Hoya at malaki ang kaugnayan dito ng promosyon ng boksing para kagatin ng madla. Si Pacquiao ay hindi na ang dating probinsiyanong nagbaka-sakali sa Maynila, at isinugal ang buhay sa ring para mairaos sa hirap ang pamilya, bagkus isa nang kosmopolitanong artista at negosyante at mandirigma. Ipinapalagay ng ibang komentarista na kumakatawan din si Pacquiao bilang Filipino sa loob at labas ng Filipinas, at sa estado ng propesyonal na boksing sa buong mundo. Ngunit si Pacquiao, gaya ni De la Hoya, ay isa ring kalakal na dapat itanghal upang pagkakitaan ng gaya ng malalaking network ng telebisyon, radyo, at pahayagan.

Maituturing na tatak-pangkalakal ang pangalang Manny “Pacman” Pacquiao, at bilang tatak ay dapat protektahan sa merkado. Mapapansin ito sa mga hirit ni Freddie Roach, na bukod sa matalinong gabay ni Pacquiao ay tumatayong taliba sa magiging katauhan ng kaniyang manok sa harap ng madla. Ang imahen ni Pacquiao ay iingatan din ng mga anunsiyante, mulang sapatos at medyas hanggang shorts at glab hanggang bitamina at gamot. Bibigat lalo ang imahen ni Pacquiao sakali’t manalo, at marahil kahit ang pangulo at iba pang politiko ay nakahanda na ang pahayag ng pagbati at pagsakay sa nakatutulirong kasikatan.

Dinalaw kamakailan ni Mike Tyson si Pacquiao, at marahil nadama ni Tyson ang dating silakbo at sinaunang lunggati na panaigin ang mga kamao sa magagaling na katunggali. Taglay ni Tyson noon ang ilahas na tapang at tibay ng katawan, ngunit gaya ng iba’y maaakit ng makamandag na layaw na kakabit ng tagumpay. Nasa palad ni Pacquiao ang lahat ng pagkakataon, at gaya ni Tyson, ay uukit ng sariling pangalan sa listahan ng mga dakila sa pamamagitan ng matutulis na suntok at kadyot. Ngunit taliwas kay Tyson, higit na mautak si Pacquiao sa paghawak ng kayamanan at puhunan, at hindi ako magtataka kung pumalaot din siya bilang promotor ng boksing at iba pang negosyo.

Ibigay ang karapat-dapat kay Pacquiao, at maging simbolo man siya ng Filipino ay mabuting pakasuriin pa rin. Ang boksing ay agham at sining ng bakbakan, at bilang bakbakan ay posibleng mahaluan ng pustahan, dayaan, at iba pang kabalbalan. Ang pagiging Filipino ay higit sa maitatakda ng tigas ng kamao at tibay ng panga at tatag ng sikmura. Ang pagiging Filipino ay hindi maiaasa sa magiging pasiya ng mga hurado at ipinahihiwatig ng hula o bituin. Maaaring nakikipagsapalaran ang Filipino sa kung saan-saang pook, ngunit hindi nangangahulugan iyon na para manaig ay kailangang manapak at patulugin ang kalaban, o kaya’y umasa sa magiging pasiya ng inampalan at suwerteng dulot ng sugal o pustahan. Napakaliit ni Pacquiao para lagumin ang gunita, simulain, at pangarap ng sambayanang Filipino.

Subalit malaya pa rin tayong maniwala, at paniwalaan si Manny Pacquiao na itataas ang mga kamay bilang hudyat ng bagong tagumpay.