Pulo ng Lalamunan, ni Roberto T. Añonuevo

Pulô ng Lalamúnan

Roberto T. Añonuevo

Sa panahón ng kopyadór, báwat isá’y malayàng magíng wíbu ng kamíkaze at yákuza, may dangál ng shōgun at nínja, hábang tagláy ang disiplína ng wábi-sabì at yókozunâ. Iyán ang dápat mong tandâan pagsápit sa Pulô ng Lalamúnan. Matutúto ka roón kung paáno bumása at sumúlat nang pábaligtád sa iyóng nakágisnán, mulâng pakanán hanggáng pákaliwâ, na ang gramatíka at paláugnáyan ay warìng pinághalòng baybáyin at sūdoku, na bagamán sukát na sukát ay may tsúnaming pahiwátig gáya sa hāyku at búnraku. Kailángang matutúhan mo ang wikà ng ótaku, na kabesádo ang sanlíbo’t isáng kuwénto pára sa shónen at shóju, na áraw-áraw hináharáp ang mga yóukáy mulâ sa pándaigdígang domínasyón. Hindî maburá-burá roón ang mga bómba atomíka sa Hiroshima at Nagasaki, sanhî ng mga animé na Little Boy and Fat Man; at ngayón, nágbabantâ ang mga pabríka ng Fukushima na ibalík sa laót ang láson na matagál na nitóng inimbák nang matikmán ng daigdíg. Sa Pulô ng Lalamúnan, ang pagsísinúngalíng at pagbábalátkayô ay malikhâing pagdulóg sa guníguní, na ang mánga-kâ ay lumílikhâ ng mga kontrabándang Godzilla at Voltes V, úpang harapín ang mabábalásik na propagánda ng Impéryong Hin at polítburo ng mga sampan. Isinábatás ng Pulô ng Lalamúnan na hindî na mulî itóng makikídigmâ sa ibáng nasyón, (na pinátunáyan ng mga tratádong nilagdâan,) makaraáng malúpig noóng nakalípas na Digmâang Pándaigdíg; gayunmán hiníhingî ng pagkakátaón na mulîng armasán ang saríli lában sa kanugnóg na mga estádong militár. Sinákop kamákailán ng Imperyong Hin ang Pulô ng Lúsong, binakúran ang káragatán nitó, at lahát ng mangíngisdâng walâng pahintúlot na maglayág o mangisdâ sa natúrang tubigán ay itinúring na piráta’t kriminál na binábanggâ, binábaríl, kinákanyón. Samantalà’y paná-panahóng ginagawâng kuwítis ng Imperyong Han ang mga bágong intérkontinéntal mísil. Hindî malayò sa paningín ng Pulô ng Lalamúnan ang lagím na sinápit ng Pulô ng Lúsong, at kung hindî kikílos ang mga mamámayán nitó sa maláo’t madalî ay daraóng sa mga dalámpasígan nitó ang mga sopístikádong bákemonó—na walâng kapáris na kopyadór ng anumáng prodúkto mulâ sa ibá’t ibáng pánig ng daigdíg. Sapagkát mahúsay na kopyadór ang Imperyong Hin (na pámbihiràng manggáya at manghuwád ng teknólohiyá at ídea mulâng súbmaríno hanggáng satélayt, bukód sa napápalsípiká ang mga antígong porselána, kasulatán, at mápa sa ngálan ng pósmodérnong kolónisasyón), ang Pulô ng Lalamúnan ay inimbénto ang nakájimá úpang hindî masundán ang anumáng kábaguhán na likhâ nitó. Sa nakájimá—na panloób na pulô—ay naróroón ang lahát ng líhim at tuklás ng buông nasyón, nakápahiyás sa mga kodígo at sényas ng dōjinshi, ligtás sa anumáng paníniktík at Wikiliks, at isinápelikúla pa ng tungkông Ozu-Mizoguchi-Kurosawa nang magíng disímuládo pára sa mga kopyadór ng Impéryong Hin. Sa Pulô ng Lalamúnan, ang bónsekí ay simulákro ng mitatê kapág nakádaramá ng pagkabató ang pusò, at nagíng bató ang haráya. Anumáng gayáhin sa nakájimá ay may katumbás na inteléktuwál na héntay, ngunit sa paraáng nakáaalíw na pagpapátiwakál—na walâng máliw na bumalíw sa Impéryong Hin. Sapagkát itinakdâ sa nakájimá na ang pánggagáya at pánghuhuwád, sa ngálan man ng negósyo o politíka o medisína o síning, ay paghábol ng kopyadór sa saríling aníno na tumítakbó sa paíkot-íkot sa laberínto hanggáng magwakas sa akumâ na sumisigaw ng “Shinê! Shinê! Shinê!” Húhuwarín ng kopyadór ang saríli, at mágtataksíl nang paúlit-úlit sa angkíng kákayahán, nang walâng kamálay-málay sa diwà ng obáytorí—na may pangánib ng diyábolíkong repétisyón—kung haharáp ka sa iyóng bíjin na kamukhâ warì si Alodia, para punítin ang matindíng pangúngulilà hábang tiwalág sa saríli’t daigdíg.

Alimbúkad: Poetry Filipinas engaging the world. Photo by Tazrey Redids on Pexels.com

Pulo ng Puso, ni Roberto T. Añonuevo

Pulô ng Pusò

Roberto T. Añonuevo

Ang gunitâ ng mga paá ay payák, gáya ng kiná Messi at Maradona, at lumahók man sa kampeonáto ng Grondonísta ay makálulusót lában sa bombéro at kortína, babákunáhan ang tarantádong hugadór rustíko, iíwan ang págong na libéro at háyop na doblé síngko, paíiyakín ang mainíting gágo, tatakbóng humáhagibís hábang pinátatalbóg o pinágugúlong ang bóla, hindî kailánman buwakáw bagkús liríko kung magpása, at sa pamámagítan ng kányo o sombréro o chílena ay magpápamálas ng golazonón pára pasabúgin ang líbong Bombonéra sa hiyáwan at kargáda. Ganiyán ang madaráma mo sa óras na sumápit sa Pulô ng Pusò. Malúlulà ka roón sa dalúyong ng mga táo, malilímot nang pánandalî ang probléma o trabáho, at mábibingí sa nakáririndíng sigáw na “Henyó henyó henyó, ta ta ta ta, goooooooooool!” Hindî mo mawarì kung saán ka lulugár, gayóng hindî namán infiltrádong hungháng, lálagabóg ang mga tibók mo, at atakíhin ka man sa pusò’y nakángitî pang yayakápin ang kamatáyan. Ikákabít mo ang pag-íbig sa poók na itó, makikísimpatyá sa mga tigmák sa luhàng trápo ng mga ámargo, at pára kang idudúyan ng mga táo na lumúlundág sa galák, tátangayín ng indáyog ng punyagî at tagumpáy, warìng malagíhay sa umaápaw na Vino Toro o kayâ’y sinipà ng espirítu ng Férnando, at pápakyawín ang lahát ng chóripan úpang ipámigáy sa lahát ng pagál at gutóm makáraáng humupà ang lábis na kasiyáhan. Sa Pulô ng Pusò, ang minámahál mo’y walâ sa dibdíb ng báwat panatíkong tagásubaybáy, bagkús nása kólgadong íbig maglarô ngúnit minálas na magpakínis ng bangkô. Sapagkát mayroón siyáng mga paá ngúnit nabigông maípakíta ang galíng sa gambéta; mayroón siyáng úlo subálit hindî nasúbok káhit sa isáng pálomíta. Tatahímik siyá gayóng naglálagabláb ang loób; tatandâan ang páng-aasár ng mga hindót at intsa, halímbawà, kung tawágin siyáng kúlyado gayóng guwápong-guwápo. Ngúnit dáhil túnay niyáng isinápusò ang áwit ng mahál mo, magsasánay siyá nang magsasánay, tátanggapín ang katángahán, mag-aáral nang mag-aáral umulán man o umáraw nang mahigtán ang Bielísta, isasádulâ sa guníguní ang mga angguló ng supérklasíko, hanggáng isílang ang kanáng paá na Ronaldinho at ang kaliwàng paá na Ronaldo. Sa Pulô ng Pusò, hindi mapipígil ang dáloy ng dugô—kayâ’t humáyo sa wikà ng músa mong sinúsuyò.

Alimbúkad: Poetry opening the world of possibilities. Photo by Pixabay on Pexels.com

Pulo ng mga Bahay, ni Roberto T. Añonuevo

Pulô ng mga Báhay

Roberto T. Añonuevo

Pagkáraán sa Pulô ng mga Mukhâ, hindî ka makáiíwas na pansámantálang humimpíl sa Pulô ng mga Báhay nang makapág-ípon ng lakás laló’t masúngit ang panahón. Mahabà ang iyóng páglalayág, at káhit sínong magdáragát ay kailángang mágpahingá, gáya ng mga nandárayúhang balángkawítan. Ang únang aákit sa íyong mga matá ay hiléra ng mga báhay na inúkit sa matátarík na dalámpasígan, ang mga gusalì sa tuktók ng bundók at kondomínyong kóntinentál na ginawàng bintanà ang mga inúkit na yungíb. Taón-taón, nagbábanyúhay ang mga tiráhan, na kung hindî gigibâin ay papatúngan ng bágong mga báhay, kayâ saán mo man pilìing maniráhan ay matútuklásan na ang kinátatayûan ng mga halígi mo ay posíbleng may sandaáng palapág ang lálim sa bubungán ng sinaúnang monastéryo o katedrál, kung hindî man bodéga o kalabósong imperyál. Masásalúbong mo ang mga táo na nagkúkumahóg, patingín-tingín sa reló o sélfon pára habúlin ang trabáho, at walâng makikítang tatámbay-támbay sa lansángan. Pámbihirà, wiwikàin mo, kung gaáno káabalá ang mga táo gáya ng mga langgám o bubúyog, sapagkát ang iniísip nilá ay ang kaligtásan, o higít na tumpák, ang kaligtásan ng réynang pinágsisilbíhan, at ang kaligtásan ng buông burukrásya nilá ay nagigíng butó’t lamán sa arkitéktoníkong disényo ng mga báhay. Maáarìng isá sa mga báhay na parísukát o tatsulók o pabilóg ay dáting tinulúyan din ng hinahánap mo. Áno’t anumán, matútuklásan mo, gáya ng natuklásan ng minamáhal mo, na ang págtatayô ng báhay ay katumbás ng nakámamatáy na pamúmuwísan o kúsang pagpapáalípin; báwat pintô ay ísang lagúsan sa máhiwagàng piítan sa ngálan ng pagsásarilí o pagkámakásarilí; báwat espásyo ay sínghalagá ng bányo o silíd; at báwat bintanàng kristál ay pribílehíyo ng mga maykáya’t sindikáto. May takdâng súkat káhit ang alulód at kanál, at ang bangkéta ay sinlápad ng hapág-kainán. Ang sinúmang hindî magtrabáho ay nakátadhanàng ipatápon sa ibáng poók, úpang doón gumawâ ng kaniyáng báhay kúbo o báhay na bató, at nang hindî makásirà sa magándang tanáwin o magíng ehémplo ng mga lakwatséro at bagámundó. Makítulóy sa mga báhay, ngúnit mabíbigô ka kung anyông gusgúsin o sampíd-bákod na dáyo. Kumatók ka, at sisílip múna sa muntîng bútas ang nása loób úpang tiyakíng hindi ka magnanákaw o masamâng loób. “Táo po!” at mulîng kakatók ka. Mapapágod ka sa kakákatók sa sarì-sarìng tiráhan; at magninílay kung isá ka ngang táo, at mamábutíhin mong magbalík sa iyóng lundáy úpang doón umidlíp, bágo ipágpatúloy ang paglálayág, tawágin man itó na imposíbleng pangárap.

Alimbúkad: Poetry quest for the impossible. Photo by Gotta Be Worth It on Pexels.com

Baybay Dover, ni Matthew Arnold

 Salin ng “Dover Beach,” ni Matthew Arnold ng United Kingdom
 Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Baybay Dover
  
 Panatag ang dagat ngayong gabi.
 Malakas ang táog, mabining nakahimlay ang buwan
 Sa mga kipot; sa baybaying Frances, kumukutitap
 Ang liwanag at naglalaho; matitikas ang buról ng England,
 Kumikislap at napakalawak, doon sa kalmanteng look.
 Dumungaw sa bintana. Kay sarap ng simoy-gabi!
 Gayunman, mula sa mahabang linya ng sabukay
 Na ang dagat ay lumalapit sa lupang sablay ang buwan,
 Makinig! Titiisin mo roon ang nakangingilong atungal
 Ng mga grabang itinataboy ng mga alon, at ipinupukol.
 Sa pagbabalik ng mga alon, doon sa kinapadparan,
 Nagsisimula, at humihinto, at magsisimula muli,
 Sa mabagal na kumakatal na indayog, ang paghahatid
 Ng eternal na nota ng kalungkutan.
  
 Narinig ito ni Sopokles noong unang panahon
 Doon sa laot ng Egeo, at pumasok sa kaniyang isip
 Ang labusaw ng táog at káti
 Ng mga gahamang tao; natuklasan din natin 
 Sa pamamagitan ng tunog ang kaisipan,
 At narinig yaon sa malayong panig ng hilagang dagat.
  
 Ang Dagat ng Pananampalataya’y
 Minsan ding sukdulan, at ang pasigan ng mundong bilog
 Ay nakalatag gaya ng pileges sa puting bilot na bigkis.
 Ngunit ngayon ang tangi kong naririnig
 Ay hinaing nito, ang mahaba, lumalayong atungal,
 Umuurong, kasabay ng buga ng hininga
 Ng simoy-gabi, pababa sa malawak na gilid na malamlam
 At lastag na bulutong ng daigdig.
  
 Ay, mahal, maging totoo nawa tayo
 Sa isa’t isa! Yamang ang daigdig, na wari’y
 Lumiliwanag sa atin tulad ng lupain ng mga pangarap,
 Iba-iba, napakasariwa, napakaganda,
 Ay sadyang salát sa tuwa, ni layaw o kaya’y gaan,
 Walang katiyakan, walang kapayapaan, ni gamot sa kirot;
 At narito tayo na parang nasa dumidilim na kapatagan,
 Nalulunod sa pagkabahalang tuliro sa pakikibaka at pagtakas
 Na kinaroroonan ng mga gagong hukbong nagtatagis sa gabi. 
Alimbúkad: Poetry translation challenge for a better Filipino. Photo by Anand Dandekar on Pexels.com

Pilosopiya, ni Pablo Neruda

Salin ng “Filosofia,” ni Pablo Neruda ng Chile
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Pilosopiya
  
 Masusubok ang katotohanan
 ng lungtiang punongkahoy
 sa tagsibol at balát ng lupa:
 Pinalulusog tayo ng mga planeta
 sa kabila ng mga pagsabog
 at pinakakain ng mga isda ng dagat
 sa kabila ng mga pagdaluyong:
 Mga alipin tayo ng lupain
 na nangangasiwa rin sa hangin.
  
 Sa paglalakad ko nang may kahel,
 nagugol ko ang higit sa isang búhay
 at inuulit ang globong terestriyal:
 Heograpiya at ambrosya.
 Ang mga katas ay kulay hasinto
 at puting halimuyak ng babae
 na tulad ng mga bulaklak ng arina.
  
 Walang matatamo sa paglipad
 upang takasan ang globong ito
 na bumihag sa iyo pagkasilang.
 At kailangang ikumpisal ang pag-asa
 na ang pag-unawa at pagmamahal
 ay nagmumula sa ibaba, umaakyat
 at lumalago sa kalooban natin
 gaya ng sibuyas, gaya ng mga ensina,
 gaya ng mga bansa, gaya ng mga lahi,
 gaya ng mga daan at patutunguhan. 
Alimbúkad: Poetry ecstasy at its best. Photo by Tuu1ea5n Kiu1ec7t Jr. on Pexels.com

Pag-ibig at Habilin, ni Saigyō

Salin ng dalawang tula mula sa Shinkokinshū ni Saigyō [Saigyō Hōshi] ng Japan
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
Noong nananahan ako sa malayong pook, ipinadala ko sa isang tao 
doon sa kabisera ang mga tulang ito noong kabilugan ng buwan.
  
 Pag-ibig [Blg. 1267]
  
 Tanging ang buwan
 Doon sa kalawakan
 Ang alaala:
 Gunitain mo ako’t
 Puso ko’y nasa iyo.
  
 Habilin [Blg. 1535]
  
 Kung iwan man ang mundo
 Na hitik sa pighati’y
 Dapat batid ang sanhi—
 Ibalabal, o buwan,
 Sa akin ang taglagas.  
Alimbúkad: Translating the world through poetry. Photo by GEORGE DESIPRIS on Pexels.com

Awit, ni António Botto

 Salin ng “Cancão,” ni António Botto ng Portugal
 Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Awit
  
 Umaalimbúkad ang lupain
 sa hininga ng mga bulaklak at lungting dahon.
  
 Sa malayo, may isang awit ng tao na naglaho
 ang pandama para umibig:
 ng isang napaiyak nang baguhin ng alaala,
 ng isang ngumingiti habang kumakanta.
  
 Ang tagsibol ko! Bughaw na tagsibol
 na naglalaro sa damuhan
 at sa mga kahuyan
 na hitik at mayamungmong,
 sariwa, mumunting supling ng dahon
 na nagpapatalbog ng liwanag,
 pinakikislap ang mga mata ko para mabuhay.
 Tagsibol ko, ilahad sa akin ang mga halik
 na nauupos sa mithing maabot ang kanlungan.
  
 Nahuhulog sa espasyo ang kristal na hamog,
 at may banayad na dibinong
 himig na lumulukob nang walang tinag
 sa mukha ng mga bagay.
  
 Nagbabago ang mga mundo—
 at nananatili sa pook ang kabuktutan ng tao.
  
 Umaahon sa puso ko ang liwanag ng pangarap,
 at ang maiinit na luha ay gumugulong sa pisngi. 
Alimbúkad: Poetry passion unmatched. Photo by Pixabay on Pexels.com

Ang Napulot sa Isang Bagyo, ni William Stafford

Salin ng “Found in a Storm,” ni William Stafford ng USA
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Napulot sa Isang Bagyo

Ang bagyo na nangangailangan ng bundok
ay natagpuan ito sa kinaroroonan natin:
Ginising tayo ng humahaginit na hangin
na nakikipagtalo sa ating tent,
at ang lahat ng nahimok na niyebe
ay bumalatay pahaba, at kinapa ang lupa.

Umatras tayo sa gayong kortina at bumaba.
Ngunit minsan, pipihit tayo pabalik
sa kortina at pilit yayao
ayon sa plano kahit may di-inaasahang bagyo,
maglalaho sa panahong malamig,
mga kahulugang naghahanap ng daigdig.

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Tiko Giorgadze @ unsplash.com