Ikalabintatlong Aralin, ni Roberto T. Aňonuevo

Ikálabíntatlóng Aralín

Roberto T. Aňonuevo

Nabubúhay ang mga salitâ sa gabí ng lamayán, tinútumbasán ng mga panúto, at kung nagkátaóng tawágin itó na dúplo ng Bíyernes Sánto ay sapagkát hinihingî ng pagkakátaón na patayín ng mga talinghagà ang iníp at hápis, bukód sa pinábubukál ang tamís at galák sa pánig ng bálo’t mga náulilà sa pamámagítan ng hánay ng mga bélyakang ináasintá ng mga bélyako na kung makátikím man ng pálmatóryá ay katanggáp-tanggáp sa matatálo. Ang mga salitâ ay isá ring tulâ, pinagsásalúhan ng madlâ at pinagníniláyan at biníbigkás nang buông talísik at tiwalà (imbés na ikulóng lámang sa papél pára págpistahán ng iiláng mahílig magkulóng sa silíd at magbasá, bukód sa tátanggí itó sa monopólyo ng ímprenta at elektrónikong padér). Túlad mo’y may kakayahán itóng magbanyúhay na kulasisì na mátagintíng ang tínig at kay lamyós bumírit sa sandalîng sagápin ng ísip itúring mang kagilá-gilalás na guníguní o panagínip, na maráhil makapagpápabángon sa bangkáy mulâ sa ataúl kung hindî man ng líhim sa maluwág na pantalón. Hábang lumalálim ang gabí, at nagsísimulâng kumalás ang buwán sa úlap, magdáraán ang máhalumigmíg na símoy, sakâ madáramá nang sagád sa butó ang paligsáhan sa pukól ng mga páhiwátig, na maglílitánya ng parátang at maglálantád ng mga pasaríng at palipád-hángin úpang sagutín ng kalában, hinahámon ang kaúsap mag-isíp nang walâng kútelo’t pabúlik-búlik, at hinahátak ang mga saksí na mapániwalà, mapáhangà, mapáhagikgík. Ang lamayán ang últimong larángan ng talinghagà, isáng ehersísyo ng paghúgot ng sundáng o káli, na karugtóng ng masíning na pagwáwasíwas sa hángin bágo magpakáwalâ ng búhat-áraw úpang salagín ng kátunggalî, ngúnit walâng dugông dadának, walâng búbulagtâ, at sa halíp, aápaw pa ang galák at hiyáwan sa muntîng bakúran. Sapagkát tulâ ang mga salitâ, ang répresentasyón nitó’y may kakayaháng magpátalón-talón sa ibá’t ibáng panahón, na ang halímaw ay hindî manánatíling asuwáng o león hábambúhay, bagkús pápaloób din sa gáya ng matiník maglarô ng básketbol o maglutò ng sinigáng. Ngúnit ang lahát ng itó’y pánandalî samantálang nalálaós ang ritwál ng paglalámay at nauúbos ang mga kaibígan sanhî ng digmâ at sálot. Kapág walâng pagpapáhalagá sa mga alaála at kamatáyan, walâ na ring silbí pa ang lamayán káhit sa nabubúhay kundî manghingî ng abúloy o magíng katwíran sa pagpúpusóy. Sa gabí ng lamayán, tangìng makatà ang makákaniíg mo—ngayón man o sa hináharáp—na magpápasiyáng ilibíng ka sa papél at mahalín at gawíng ínmortal nang higít sa balagtásan, iníwan man siyá ng kaniyáng músa na tumákas at nagtagò sa iláng.

Alimbúkad: Epic wave poetry solidarity with Ukraine. No to Wars! Yes to Humanity! Photo by KoolShooters on Pexels.com

Ikawalong Aralin, ni Roberto T. Añonuevo

Ikáwalóng Aralín

Roberto T. Añonuevo

Ang ínog mo, ang ínog ng tulâ, ay ínog din ba ng kásaysáyan mulâ sa paningín ng sumúlat sa iyó at umápaw hanggáng sa wikà ng mga taúhan mo? Sapagkát ikáw ang tulâ, ikáw samákatwíd ay umiíral. Itátakdâ ng panahón ang mga hanggáhan mo, at itátakdâ ang mga pósibílidád mo—sukátin man ay kúlang ang timbángan o médida—úpang pagkáraán, magíng maláy na maláy ka sa pagkátulâ, walâng pásubalì at malínaw sa saríli túngo sa kabatíran ng wagás na pag-íral. Lílinlangín ni Balagtas ang paningín ng madlâ pagtítig nitó sa kúwadro istóriko ng sinaúnang ímperyo ng Gresya, ngúnit bábanggitín din ang gáya ng Albania, Etolia, at Persia samantálang ináanínaw ang kasaysáyang tíla naganáp sa totoóng búhay. Kakatwâng kasaysáyan, na hindî namán talagá púrong Gréko-Rómano kung mag-isíp ang mga taúhan bagkús Tagálog na Tagálog, nággigiít ng pósible at aktuwál na mundó, na kung nabása ni Umberto Eco ay magsasábing, “Brávo! Brávo!” Nása ísip ba ni Balagtas si Thucidides nang binuô ang tínig ni Florante na warìng hinúgot mulâ sa tínig na naghíhinagpís sa loób at labás ng báyang sawî? Bákit ang edád ni Florante’y warìng káedád ng Tagálog na binúbugbóg o gínagáróte sa bilíbid? Anó’t háhangàan ang gérerong Móro? Kung ganitó, ipágpalagáy na, ang mga tanóng na naglarô sa ísip ni L.K. Santos nang sulátin ang krítika sa natúrang áwit, ang retórikong ugnáyan ng kasaysáyan at ng tulâ ay nása masínop na balangkás at masíning na salaysáy ng akdâ. Ngúnit hindî itó madalîng mahagíp, at káy-iláp makíta, dáhil káhit anóng gawín ay mahírap ihánay, ihambíng, o itambís ang éstruktúra at náratíbo ng isáng kasaysáyan, sa isáng pánig, at ang éstruktúra at náratíbo ng tulâ, sa kabilâng pánig—yámang guníguní lámang ang sinasábing kasaysáyang Gréko-Rómano. Ang daigdíg ng tulâ, nang sumánib o dumampî sa daigdíg ng kasaysáyan, ay pumáilálim ang mga taúhan ng túnay na kasaysáyan doón sa kasaysáyang itinátampók ng kathâng-ísip. Kinákailángan ni Balagtas na lumundág sa mátalinghagàng paraán, sa paraáng ékstra-istóriko na ang répresentasyón ng lipúnan mulâ sa isáng pintúra ay maílilípat sa masíning at íntersemyótikong anyô, sabíhin mang namímighatî nanlulumò naghíhimagsík ang pangunáhing taúhan nang maíbulálas sa paraáng pátagulayláy ang samâ ng loób lában sa kaniyáng masakláp na kapaláran. Sinungáling si Balagtas, bukód sa ádelantádo at taksíl sa sékwensiyá ng kasaysáyan; subálit kung magsábi man siyá ng anumáng kábalintunàán ay may may báhid pa rin ng kátotohánan, sapagkát ang kaniyáng áwit ay kúsang lumikhâ ng saríling kasaysáyan sa pamámagítan ng wikà at dískursong Tagálog. Hangò umanó sa sinaúnang Gresya ang Florante at Laura, at pagsápit sa Filipinas ay hindî lámang magigíng páimbabáw ang anumáng téstura ng pagká-Gresya (káhit pa may talâbabâ na hindî ginawâ ng kaniyáng kápanahón), bagkús manánaíg ang tunóg at páhiwátig ng Kátagalúgan na banyagà sa hinágap ng sensúra ng góbyernong kolonyál. Ang kátotohánan na dumaán mulâ sa mga matá ng makatà ay hindî wíwikàin ng makatà, bagkús magdáraán pa sa paningín ng gáya ng mga dugông bugháw, na noóng nakalípas na panahón ay nag-áagawán ng podér o nag-úubusán ng lahì sa ngálan ng pananálig. Maáarìng náhulàan ni Balagtas, na hábang lúmaláon, ang pangahás na wikà ng kaniyáng áwit ang manánaíg sa sasápit na isináharáyang bansà na nagkátaóng sumálok at patúloy na sumasálok sa málig ng Tagálog. Ngúnit hindî itó máhalagá. Ang sékwensiyá ng mga pángyayári sa áwit ay pósibleng hindî naganáp sa materyál na kasaysáyan; gayunmán, kung paáno itó itátampók sa áwit bílang matulàing kasaysáyan ay ibá nang usápan. Ang nakíta ni Balagtas sa kúwadro istóriko ay kathâng-ísip na hindî nakápirmí bagkús máhimalâng tumítibók, kumíkislót, humáhagunót. Ínteresádo ang kasaysáyan sa ágos ng mga pangyayári sa mga káharìán; ínteresádo namán ang tulâ sa mga hindî binanggít ngúnit maáarìng kabílang sa ágos ng naganáp sa isáng takdâng panahón ng mga káharìán. Naikákahón ang kasaysáyan sa mga káhingîán ng kátotohánan; napalálayà namán ang tulâ sa mga pósibilidád ng kátotohánan. Anó’t anumán, nagsisíkap ang dalawá túngo sa isáng direksiyón bagamán hindî masasábing páreho ang kaniláng pagdulóg nang makamít ang mithî. Ang ínog mo, ang ínog ng tulâ, ay isá nang kasaysáyan. Mulîng titígan ang pintúrang nakíta ni Balagtas, at kung ipágkanuló ka man ng iyóng paningín, ang pusò’y magwíwikà ng isáng kátotohánan káhit pa ilagdâ iyón sa mga títik ng tunggalîán.

Alimbúkad: Epic raging poetry solidarity in search of humanity. No to Wars. No to Genocide. Yes to Freedom! Photo by u2605ud835udc12ud835udc00ud835udc0cud835udc04ud835udc04ud835udc07u2605 on Pexels.com

Mga Piraso ng Alaala, ni Roberto T. Añonuevo

Mga Piráso ng Alaála

Roberto T. Añonuevo

1

Kung akó ang tulâ, gáya ng deklarasyón ni Alejandro G. Abadilla, akó ba ay maikákahón sa pagkakáunawà sa “tulâ” alínsunód sa pananáw ng pámayanáng pinágmulán nitó at nilikhâ mulâ sa guníguní sakâ nagpasálin-sálin ng mga dilà, bágo kakatwâng isinúlat ng isáng táo na pagkáraán ay tátagurîáng makatà? Kung akó ang tulâ, ang tulâng itó ay may kámalayán—gaáno man katáyog o kabábaw—at likás lámang na mágtagláy ng kíling ng polítika o pananálig, ngúnit kung paánong nakilála ko ang saríli bílang tulâ ay hindî dáhil may pámbihiràng kakáyahán akó bílang tulâ, na nakapágbubúlay sa pag-íral káhit mág-isa gáya ng érmitanyo, bagkús dáhil kiníkilála akó ng áking mga mámbabása, at ng ibá pang makatà, na may pagkakátugmâ o pagkakáhawíg ng pagkakáunawà sa órihinál na pakáhulugán ng nasábing “tulâ.” Halímbawà, kung ang tulâ, gáya ng tanagà, ay binúbuô ng ápat na taludtód na may pipítuhíng pantíg ang báwat taludtód, na may tugmâang umaáyon namán sa palábigkásan at paláugnáyan ng Tagálog, bukód sa nagtátagláy ng talínghagà alinsúnod sa pakáhulugán ng sinaúnang Tagálog, na itinalâ sa bokábuláryo niná Juan de Noceda at Pedro de Sanlucar, ang kariktán nitó, kung pagháhalùin ang mga pagtanáw ng gáya nina José Rizal, Lope K. Santos, Julian Cruz Balmaseda, Iñigo Ed. Regalado, at Ildefonso I. Santos ay nakaáyon sa estétika at panlása ng Tagálog, at maáarìng patúloy na magbágo kung panghihímasúkan at tátanggapín ang karagdágang pakáhulugán sa tanagà úpang magkároón itó ng sariwàng anyô at prínsipyo, tawágin man itóng Tanagàbadilla o Textanagà. Ngúnit sa ganitóng pagkakátaón, akó na tulâ na ikínahón sa tagurîng tanagà, ay maáarìng hindî na ang oríhinál na tanagà ng sinaúnang Tagálog, bagkús nagíng tanagà lámang pára sa kasiyáhang akadémiko dáhil pinalúluwág ang pakáhulugán  nitó nang makaságap ng ibá pang eleméntong magpápayáman sa pagkakáunawà sa “tulâ” na umaáyon namán sa pahiwátig ng pándaigdígang pagpapákahúlugán sa “tulâ.” Kung akó ang tulâ, akó samákatwíd ay hindî manánatíling iisáng akó. Kung akó ang tulâ, ang akó ay maáarìng magíng ikáw káhit hindî ka sinadyâng tulâ, na nagíging tulâ lámang dáhil sa mga dimensiyón ng pagkátulang magmúmulâ sa ákin.

2

Kung akó ang tulâ, mabúburá ko ba ang lahát ng préhuwisyó sa “tulâ” úpang makapágsimulâ nang panátag at malayà sa anumáng bitbít na bagáhe? Maisásaálang-álang itó, dáhil báwat panahón ay nakápagtátakdâ ng kumbénsiyón, ng angkíng pagtanggáp, at lumaláwig itó alinsúnod sa kapángyaríhang matátamó ko bilang tulâ. Kung akó ang tulâ sa sukdúlang pakáhulugán, akó ba ay pára lámang sa lóhika ni Socrates o método ni Descartes? Kung akó ang tulâ, akó na may kámalayán ay maáarìng gayáhin ng, o gumáya sa, ibáng akdâ; o kayâ’y burahín ang, o magpátiúna sa, lahát ng naúnang pagkakáunawà sa tulâ, na nagáganáp sa métabérso; ngúnit kung mangyayári itó, ang makatà ay walâng silbí—na nagwáwakás ang tungkúlin sa sandalîng matápos niyáng ísatítik o bigkasín ang tulâ—sapagkát tíla sumásakáy lámang siyá sa ákin úpang makilála at mapáhalágahán at magkároón ng panibágong pérsona—anumán ang kaniyáng ídeolohíya—na háhangàan o lílibakín pagkáraán ng kaniyáng mga mambabása o tagapákiníg alinsúnod sa magíging résulta ng kaniláng pagságap o pagkakáunawà sa ákin. Kung akó ang tulâ, ang pósibílidád ng pagdudúda ay hindî ba dápat manggáling sa ákin bagamán maáarìng mátunugán din ang ganitóng pagdudúda mulâ sa makatà o krítiko o mambabása na siyáng nakaságap ng nasábing akdâ? Kung akó ang tulâ, ang pagdudúda kung manggagáling sa ákin ay magsísimulâ ang kámalayán hinggíl sa kung paáno akó umíral o patúloy na umiíral bílang tulâ, lumípas man ang iláng síglo. At dáhil may ibá’t ibáng paraán ng pag-íral, gáya ng pagsásaáyos ng píyesa sa músika, akó bílang tulâ ay pósible ring magkároón ng ibá-ibáng anyô, ibá-ibáng tunóg, o umíral na walâ, gáya ng maláwak na éspasyo sa bágong sóneto ng empéradór. Kung ang tulâ ay sinadyâng binuô sa pabigkás na paraán, akó na tulâ ay hindî ba may karápatán pára sabíhing akó na umiíral ay nakásalálay sa mga taingá ng sumaságap sa ákin, gaya ng Ifugáw, Tagbanwá, at Mëranáw?

3

Kung akó ang tulâ, ang “akó” ba sa parámetro ni Imadeddin Nasimi ay ang idéntidád ng pagkátulâ? May saríling daigdíg si Nasimi, gáya ng may saríling daigdíg si Abadilla. Ngúnit kapág nágsimula siláng magsábi ng akó—”akó ang ságradong salitâ,” “akó ang daigdíg”—ang akó na tulâ ay magkakároón ng saríling kámalayán na maáarìng makálundág ng panahón, mágtagláy ng ánimo’y kapángyaríhang sóbrenaturál, magpabálik-bálik sa ibá’t ibáng útak, matá, at pusò, nang ang akó ay magíng tulâ na may silbí. Kung akó ang tulâ, ang “Akó” na tulâ ni Nasimi ay káya bang makipágtunggalî sa “Akó ang Daigdíg” na tulâ namán ni Abadilla, gáyong hindî ko batíd ang káakuhán at pagkátulâ ng ibinábanggâ sa ákin? Mapagdúdudáhan ang pagtatágis ng tulâ ni Nasimi at ng tulâ ni Abadilla, sapagkát kung akó ang tulâ, hindî ba akó rin ang kumákalában sa saríli, ang pérsonang hinahábol ng saríling aníno? Ang tagísan ng dalawá o higít pang tulâ ay hindî nagmúmulâ sa ákin bílang tulâ, bagkús pára sa kapákanán ng sinuwérteng benépisyádo sa gayóng pag-úurì, káhit sabíhin pang pataásan ng úri at ihì. Ang tagísan ay hindî rin bastá mabábalahò sa usapín ng anyô o nilalamán. Ang tagísan ay mahíhinuhàng nagbubúhat sa mga matáng kumíkilátis kung anó akó bílang tulâ, malayò man ang katangìan sa makatà, at kung gayón ngâ, ang tagísan ay magpápanúkalà ng káisipán, sabíhin mang itó ay nása baúl ni Regalado.

4

Kung akó ang tulâ, iisípin ko ba ang tradisyón pára mápahintulútang umíral nang mapánatíli o yugyugín ang status quo? Ang ganiyáng pag-iisip ay trábaho ng makatà o kayâ’y ng áking mga mámbabása. Sa pinakámahigpít na pagtanáw, pinakámadalîng sagót ang “Óo!” Ngúnit kapág inurì nang maígi, akó bílang tulâ ay maáarìng uyamín káhit ang tradisyónal na pagkákaságap sa “tulâ,” káhit ni hindî pinakíkislót ang hínliliít, at kung gayón, akó ay tíla nása bíngit ng pangánib na maíbasúra o kayâ’y mailágak sa madídilím na bódega bágo iresíklo o gawíng pambálot ng tinapá ng sinúmang kinayáyamután ang tulâ. Kung akó ang tulâ, akó ay maáarìng magíng sunód-sunúran sa anúmang náis ng lumikhâ sa ákin, subálit hanggáng hindî ako naipípirmíng téksto sa papél, sabíhin mang siyá’y nagkúkunwâng makatà na umákyát sa éntabládo o lumabás sa pelíkula. Hindî rin akó magtátaká kung akó bílang tulâ ay magíng karaníwan, bagamán tanyág o masatsát, at madalîng máunawàan ng malaláwak na mámbabása káhit límitádo ang kaaláman nitó’t panlása hinggíl sa tulâ, o sabíhin nang “panítikán.” Kung akó ang tulâ, na hanggá ngayón ay may pasúbalì ang pahayág káhit hindî nararápat, naturál na isaálang-álang ko ang tradisyón, úpang pagkáraán ay magkároón akó ng katwíran kung paáno wawasákin ang itínatág na kúmbensiyón, gáya sa éhersísyong itó.

Alimbúkad: Epic raging poetry beyond space and time. Photo by Porapak Apichodilok on Pexels.com

Bárbara, ni Roberto T. Añonuevo

Bárbara

Roberto T. Añonuevo

“Upang makilala,” pahayag minsan ni Bárbara, “ay dapat isaisip at isapuso ang kasarian.” Ang kaniyang mga akda (na mala-ube ang pabalát ngunit waring nagkukubli ng kimikong pormulasyon ng búrak) ay nagsimulang lumunsad sa daigdig ng panitikan na naglalabo-labo ang mga brusko, babaero, at lasenggo na magtatawanan pa matapos magsapákan o magbasagán ng bayag. Babae ang mga akda niya, babae kung pumili mula sa Villa Mare, o ito ang panlilinlang sa kaniya ng angking guniguni, sapagkat ang mga tauhan niya ay babae o pambabae, na kung hindi mapagpatawá ay galít sa mundo, at kung magkaroon man ng ásal o baít o hágod ng lalaki ay ituturing niyang binabae, ngunit hindi kailanman báyot na iniiyót nang patalikod, ni bato na newtral at nakapirmi para sa kaluguran ng malikot na eskultor. Kailangang ipagtanggol niya sa kaniyang mga sanaysay ang pangwakas na moog ng kalooban, ang pagka-feminista na waring kambal na katauhan ng maalamat na Purita at Fefita, naggigiit ng espasyo at gahúm at karapatan, marahil upang libakin ang mga lalaking kung sumulat ay tulisan o bilyonaryo mag-isip na walang pakialam sa kasarian bagkus sa hahamiging ari-arian; at siya, na nahirati at lumaki sa mga sayaw at awit at telenobela, ay nakákukutób na panahon nang baligtarin ang daigdig bago pa siya maiwan sa pansitan. Ang kaniyang mga akda, na naging babae dahil babae ang awtor, kung paniniwalaan ang mga seksiyon sa aklatan, ay nagiging babae rin sa pagtanaw ng kaniyang mga muslak na mambabasa, na kung hindi rin babae ay ibig maging babae, subalit ipagkakanulo siya ng anumang bahid na mula sa lalaki. Parang bahaghari, paniwala ni Bárbara, ang dakila niyang mga salita, mga salitang kapag pinagsama-sama’y nagiging antolohiyang sumusurot sa patriyarka at mapandahas nitong kalibugan, lihis man ang lohika o linsad ang gramatika o hokus pokus ang kasaysayan, basta matatag ang pagsasaharáya, at kulang na lámang timplahin bilang kalkuladong matriyarkado at marxista, kumakapâ sa mga ugat at diyalektika habang nakatitig sa pabrika ng mga diksiyonaryo at puhunan ng naghaharing uri, o higit na tumpak, ng nagrereynang uri, upang isigaw na ang ekonomikong produksiyon sa limbagan ang magdidikta ng bisyon at sining na dapat lasapin ng sambayanan. Natuto rin siya habang tumatagal sa salimuot ng burukrasya para lumikha ng sariwang kultura at batas na pabor sa kaniyang simulain, nakikipagbungguang-balikat sa gaya ng mga trápo, kúpal, o tibák kung kinakailangan, at ang pagtatatág niya ng kapisanan ng mga babae ay para banggain ang gahum ng mga lalaki o babaeng tumiwalag sa simulain ng kababaihan, na kung tatanungin naman ang mga sinasabing lalaki ay tutugunin siya ng bato-bato sa langit, sapagkat kailan pa naisip ang bakbakan o poder, anila, kung wala sa hinagap nila ang pumatol sa kaniyang mga akda? Nakásasawà rin ang korona, biro ng mga lalaki niyang kakosa kuno, at maluwag na ibinigay ang trono para sa kasiyahan ng sanlibo’t isang Bárbara na isisilang. Pinalalakad ni Bárbara ang kaniyang mga akda na magandang silipin, o kaya’y umasintá, sa bintana habang eksperto sa kusina o magpalaki ng mga bata—alisto sa anumang pasaring at palipad-hangin—pinagbabanyuhay ang sinaunang kawikaan, at ipinángangálandákan na ito ang bagong kawikaan, lalo sa panahon na dapat magmartsa tungo sa Palasyo ng Malabanan sapagkat malaganap ang kabuktutan at hindi masupil ang pandemya ng medyokridad.  Ipaglaban ang karapatan ng mga babae! Ipaglaban! Ito ang paulit-ulit isinisigaw ng mga akda ni Bárbara, na nakaririndi rin kahit sa tainga ng mga tindera o tumitiktok na dalagita. Kailangang pangatawanan ni Bárbara ang iisang polo, ang iisang tindig, ang iisang tinig, buskahin mang nakasasakál o nakasusuká ang linya, gayong sikát na nakatanghal, at parang set ng kosmetiko, sa kaniyang tokador. Ngayon, nag-iisip ang kaniyang bagong ahente at editor kung paano papalitan ang sagisag panulat niya—para umangkop sa eyre niyang sopistikada.

Alimbúkad: Battle-scarred poetry in search of humanity. Photo by Ece AK on Pexels.com

Panitikan at Kasaysayan

Panitikan at Kasaysayan

Roberto T. Añonuevo

Ang kasaysayan ng panitikan sa Filipinas ay hindi kailanman magiging kasaysayan ng isang awtor, bagaman ang awtor na ito ay maaari ding maging pabliser, propesor, tagasalin, leksikograpo, administrador, politiko, aktibista, promotor, artista, negosyante, doktor, at iba pa, at magkaroon ng talento o kapangyarihang sumulat ng sariling kasaysayan ng panitikan, alinsunod sa kaniyang punto de bista. Ito ay sapagkat ang awtor na ito, gaya ni Homer, ay produkto ng kaniyang panahon, at ang kaniyang mga akda, gaya ng Iliad at Odyssey, ay maituturing na konstelasyon ng mga dáting kaisipang maaaring nasagap niya, na sa paglipas ng panahon ay kaniyang ginagad, kinopya, tinipon, nilagom, dinagdagan kung hindi man binawasan, at hinubog para makabuo ng isang maipapalagay na modernong katha. Ang kasaysayan ng panitikan ay hinuhugis ng kalipunan ng mga manunulat—sa loob man o labas ng Filipinas—at ang mga manunulat na ito, habang malusog at malikhain ang produksiyon, ang makapagsusulong din ng kabaguhan sa panitikan sa kani-kaniyang panahon, bagaman hindi nangangahulugan yaon na ang mga manunulat na kakaunti ang nasulat ay maisasantabi agad; ito’y sapagkat ang panitikan ay hindi paramihan at pahusayan ng akda, at kung gayon ay hindi dapat ituring na de-kahong kompetisyon, gaya ng Palanca Awards, bagkus ay nakalaan para pahalagahan at kasiyahan ng lahat. Kung magkakaroon man ng tagisan sa panitikan, ang tagisang ito ay hindi lantad, at maituturing na pailalim o palihis (sapagkat ang sukdulang katunggali ng manunulat ay ang kaniyang sarili), na maaaring sipating nasa anyo ng pagpapahalaga sa pambihirang imahinasyon ng manunulat—na siya namang kinikilala ng kaniyang bayan.

Noong nakalipas na panahon, ang isang katutubong pamayanan ay maaaring magkaroon ng binúkot, at ang binúkot na ito ay kailangang maisaulo hindi lámang ang epikong bayan o ang kuwento ng kaniyang bayan, bagkus ang maituturing na kasaysayan at kultura ng pamayanan na kaniyang pinagmulan. Ang tulang kabesado ng binúkot ay hindi lamang nagmula sa kaniya, (bagaman posibleng lumikha siya nang kusa alinsunod sa abot ng kaniyang karanasan o guniguni,) bagkus produkto rin ng mga walang pangalang makata o binúkot noong nakalipas na panahon, at ipinasa sa kaniya sa pamamagitan ng araw-araw na pagsasanay kung hindi man pagsasadula. Sinasabing magwawakas ang kaniyang tungkulin bilang binúkot sa oras na sumapit siya sa edad ng pagkatigulang, at kailangan niyang magpakasal, at lisanin ang bahay na nagsilbi rin sa kaniya bilang marangya’t ligtas na bilangguan. Ang kasunod niyang tungkulin ay ang pagpapása ng kaniyang kaalaman sa sinumang napipisil na maging bagong binúkot na handa at karapat-dapat sa gayong kabigat ng tungkulin. Sa ganitong pangyayari, ang isang epikong bayan ay nagiging walang hanggahang salaysay, na gaya ng Hudhud, ay hindi matutuldukan hangga’t may isang makatang magpapatuloy ng gayong tradisyon. Isang malaking pagkakamali, kung gayon, na ituring na ang ultimo’t pangwakas na salaysay ay magtatapos sa isang binúkot, maliban na lamang kung ang binúkot na ito ay dakpin at idestiyero kung saan, o kaya’y maging sakim sa karunungan at sadyang ipagkakait ang kaniyang kaalaman sa iba sa paraang nagtatampong anghel o di-kaya’y matandang dalaga, at hindi ipapása sa susunod na henerasyon ang buong gunita ng kaniyang lipi kahit sa pasulat na paraan, kahit alam niyang sumapit na siya sa edad na dumurupok ang kaniyang mga buto, lumalalaylay ang mga lamán, at unti-unting nabubura ang memorya.

Nakalulungkot na ang panahon ng binúkot ay nagwakas na, at ito ay hinalinhan ng Artificial Intelligence (AI). Ang artipisyal na karunungang ito ay nakasalalay sa pambihirang database, at sa pamamagitan ng malikhaing eksperimento ng mga henyo, ay natuturuan ang isang kompiyuter kung paano magpanatili ng memorya, bukod sa magpamalas kung paano magpapasiya sakali’t sumapit dito ang ilang palaisipan, gaya sa ahedres. Ang pinakabagong AI ay kinakatawan ng AlphaZero na tumalo sa isang kampeon ng kompiyuter chess, at sa aking palagay ay may posibilidad na ilampaso ang gaya nina Magnus Carlsen, Levon Aronian, at Wesley So. Ang AlphaZero na nag-aral sa loob ng apat na oras ay nakáyang biguin ang maituturing na pinakamahusay na programa sa ahedres. Samantala, ang AI ay posibleng mailatag din sa panitikan sa hinaharap, ngunit sa aking palagay ay nasa paraan ng paghangò kung paano lumitaw o ginamit ang mga salita, kung paanong pinayaman ang kahulugan ng mga konsepto o diskurso, at kung paano magtitimpla ng mga salita, alinsunod sa jargon ng bawat larang o sub-kultura, o kaya’y sa paglalatag ng komplikadong banghay na may diwa ng laberinto at pala-palapag na pakahulugan. Masusubok ang AI sa paglikha ng tinatagurian ngayong mga tekstong posmoderno o poskolonyal, at ang mga eksperimento nina James Joyce, Salman Rushdie, at Gabriel García Marquez ay puwedeng maging talababà na lámang ng nakaraang panahon.

Kung babalikan ang panitikan, ang pagbubuo ng kasaysayan nito ay hindi simpleng pag-iimbak sa database ng lahat ng nasulat na panitikan, gaya sa Project Gutenberg, sapagkat ang panitikan ay hindi nagwawakas sa pasulat na tradisyon, bagkus kailangang isaalang-alang din ang mga tradisyong pabigkas, at ang mga materyal at artefaktong kaugnay nito sa kaligiran o pamayanan. Kailangang isaalang-alang ang konteksto ng pagkakasulat ng isang akda, at kung gayon, ang isang maituturing na grandeng naratibo ay magiging kathang-isip din, sapagkat ang naratibo ay hindi lámang maaaring magsimula sa itaas, at magmistulang didaktiko ang datíng, kundi maaari ding magsimula sa gilid-gilid [periphery], o kaya’y mula sa kailaliman [grassroots], na siyang pinag-uugatan ng malawak ngunit maralitang masa. Sa ganitong pangyayari, posibleng hindi makaiwas na basahin ang kasaysayang pampanitikan alinsunod sa humahawak ng paraan at uri ng produksiyon [ng akda], kung hihiramin ang dila ng Marxista. Halimbawa, ang isang awtor na konektado rin sa isang publikasyon, at may akses sa pondo mulang pribado hanggang panggobyernong institusyon, ay nakalalámang sa iba na hindi nagkaroon ng gayong oportunidad, bukod sa ang paraan ng kaniyang pamumuhay at pagkatha ay nahuhubog sa taglay niyang yaman at pinoprotektahang interes, gaya sa negosyo. Kung isasaalang-alang naman ang kasaysayan ng panitikan sa Filipinas, ang kasaysayang ito ay maaaring nakabatay sa pamimilì, prehuwisyo, eksentrisidad, at pasiya ng isang istoryador, alinsunod sa nais niyang pahalagahan sa pagbasa ng akda. Kayâ ang isang istoryador na mahusay sa Tagalog o Sebwano, sa isang banda, ay maaaring malimitahan sa kaniyang pagsusuri kung hindi niya isasaalang-alang ang iba pang tradisyon ng pagsulat sa gaya ng Ilokano, Bikol, Pangasinan, Mëranaw, at iba pang katutubong wika. Lalo pa siyang mahahanggahan sa pagbasa kung ang kaniyang mga kaaway sa panitikan ay iitsapuwera niya (batay man sa estetikong panlasa o personal kundi man politikong pagtanaw), at kung gayon ay hindi nailahok sa kung anong dahilan sa kaniyang mga antolohiya o kritika.

Ang pagbubuo ng kasaysayang pampanitikan ay masisipat na produkto ng kolektibong pawis at dugo ng mga manunulat. Maihahalimbawa ang Aklatang Bayan, na sinasabing itinatag noong 1910, ngunit ayon sa rekoleksiyon ni Engracio L. Valmonte ay nagsagawa ng kauna-unahang opisyal na pulong noong 9 Setyembre 1911, sa kalye Juan Luna, Gagalangin, Maynila. Ang Aklatang Bayan ay kinabibilangan ng mga bantog na nobelista, kuwentista, mandudula, at makata, gaya nina Iñigo Ed. Regalado, Julian Cruz Balmaseda, Faustino Aguilar, Rosauro Almario, Gerardo Chanco, Carlos Ronquillo, Leonardo A. Dianzon, Remigio Mat Castro, Sofronio Calderon, Pedro Gatmaitan, Valeriano Hernandez Peña, Carlos Ronquillo, at iba pa. Kabilang din sa pangkat ang mga Kapampangan, gaya nina Aurelio Tolentino at Francisco Laksamana. Ang Aklatang Bayan ay itinuturing na kapatid ng Samahan ng mga Mananagalog, na pinangunahan ni Lope K. Santos. May kabuoang 42 kasapi ang Aklatang Bayan, at sa bilang na ito ay nabago ang topograpiya ng panitikang Tagalog, kung hindi man Filipinas, sa pangkalahatan. Ang kaganapan nito ay nasa mapaghawan ngunit mahihinuhang kolaboratibong pagtatangka nina Balmaseda, Regalado, at Santos na bumuo ng mga pangunang sarbey ng mga panitikang nasusulat sa Tagalog, gaya sa nobela at tula, at pagsusumundan ng iba pang manunulat na magtutuon sa gaya ng dula, sanaysay, at musika.

Lumakas noon ang Aklatang Bayan sapagkat ang ilang kasapi ay makapangyarihang editor bukod sa mga batikang manunulat sa mga pahayagang gaya ng Taliba, Ang Mithi, at Pagkakaisa na pawang panloob ng La Vanguardia at El Ideal, ayon na rin kay Valmonte. Nakipag-ugnay din ang pamunuan ng Aklatang Bayan kay Don Alejandro Roces na nagmamay-ari ng El Ideal at Ang Mithi, at sa mga pinuno ng Lapiang Nacionalista. Tinangkilik ito ng mga gobernador, gaya nina Manuel Aguinaldo at Maximo de los Reyes ng Bataan, Lope K. Santos ng Rizal, at J. Vicente Salazar ng Nueva Ecija. Ang iba pang kasapi ay magiging politiko pagkaraan at magtataglay ng mga posisyon sa pamahalaan, gaya nina Iñigo Ed. Regalado, Antonio D. Paguia, Antonio K. Abad, Leonardo A. Dianzon, at Amado V. Hernandez. Itinatag ni Benigno Ramos ang Partido Sakdalista, samantalang si Hernandez ay nakilalang kapanalig ng Partido Komunista. Ang kataka-taka’y sa kabila ng pagkakaiba-iba sa pananalig ay may toleransiya ang isa’t isa sa pakikinig, at may kolektibong tindig laban sa tumitinding gahum ng mga banyagang wika sa mga dominyo ng kapangyarihan.

Binanggit ko ang bahaging ito ng kasaysayan sapagkat ibig ko lámang isaad na ang pagbubuo ng programa sa pagpapalathala, sa isang panig, at ang pagbubuo ng kasaysayang pampanitikan, sa kabilang panig, ay nangangailangan ng kontribusyon mula sa iba’t ibang tao, (bukod pa sa mga aktibong kasapi at pamunuan ng isang pampanitikang organisasyon,) at toleransiyang tanggapin ang iba-ibang kulay ng pananalig o politika o pinag-ugatan. Nagkakaroon lámang ng kulay ang pagbubuo ng kasaysayang pampanitikan sapagkat ang isang aktibong manunulat ay napipilitan o nahihimok maging diktador—sa tawag man ng panahon o politika o kalikasan—at maaaring maglahok ng kaniyang bersiyon ng katotohanan (na matataguriang promosyon-sa-sarili) hinggil sa kabaguhang kaniyang ginawa o ginawa ng kaniyang mga kapangkat sa uri ng panitikang nalathala, at kasalungat ng namamayaning gahum sa pagbasa at pagpapahalaga sa katutubong panitikan. Ang bersiyon ng katotohanan ay maaaring umagos sa tahas o maligoy na paraan, sa pamamagitan ng awtor mismo o kaya’y ng mga kasapakat niyang alagad, at ang katotohanang ito ay maaaring pabulaanan o salungatin ng mga susunod na kritiko, batay sa mga matutuklasang materyal na artefakto na magagamit sa pagsusuri ng mga akda. Ano’t anuman, ang isang manunulat ay hindi maaaring maging bato o newtral, o maituturing na newtral at walang pakialam. Hindi rin maituturing na newtral ang nilikha niyang grandeng naratibo ukol sa kasaysayang pampanitikan—na sakali mang magtagumpay ngayon ay maituturing na pansamantala, at inaasahang magbabanyuhay pa, sa ayaw man niya o sa gusto, sa paglipas ng panahon. Dahil hindi monopolyado ng isang manunulat ang pagbuo ng kasaysayang pampanitikan, ang kasaysayang ito ay maaaring ituring na patuluyang trabaho ng iba’t ibang isip na may sanlibo’t isang mata, para pahalagahan ang tulad ng Lupang Tinubuan, o ang dakilang santinakpan.