Ikalimampu’t walong Aralin: Ang Salubong, ni Roberto T. Añonuevo

Ikálimámpû’t walóng Aralín: Ang Salúbong

Roberto T. Añonuevo

Isáng karáyom ang pananámpalatáya—may pórtal na tinátawíd ng sinúlid o elepánte—ang tumátahî sa hablón at bagwís, ang tumátahî sa súgat at pagkáiníp, ang humahátak ng pasénsiyá at tumutúlak sa dî-ináasáhan (kung hindî man kaluwálhatìan), ang nagháhanáp ng ugát, gílid, at hanggáhan, úpang mínsan pa’y sumílang ang damít o láyag o tsinélas o watáwat na ilálantád at magíging taták o fátek bálang áraw. Ngúnit karáyom din ang tatápos kay Nakóda Ragám at magíging katwíran ng alamát, nang makábuô ng isáng kamalayán sa sánlibután, itúring mang alamís ng pagmámalabís o patagông pagyáyabáng. Umúulán ng mga karáyom sa áking pusò, na kung tawágin ay Maynilà, na warì bang nagkátaóng puláng-pulá at kasínglambót ng muntîng únan— pára sa iyó, pára sa mundó.

Alimbúkad: Epic silent poetry against war and occupation. Photo by Teona Swift on Pexels.com

Ikalimampu’t limang Aralin: Ang Halaga, ni Roberto T. Añonuevo

Ikálimámpû’t limáng Aralín: Ang Halagá

Roberto T. Añonuevo

“Isáng sísiw, isáng tulâ!” Hindî maráhil silá makápaniwalà, siláng namímingwít ng mga talinghagà nang únang máriníg itó sa bibíg ng makatà. Ang míto ng sísiw na ibinábaligyâ nang makábuô ng tulâ ang sísiw na susì nang máipágpatúloy ang pagtulâ. Sápagkát ang sísiw ay títis ng pagninílay at manipestasyón ng harayà, itó ang pagmúmulán ng sustánsiyá ng katawán at pag-ásang may makakáin bálang áraw.  Sísiw ang maángas na magtátakdâ sa pag-abót sa pagkasíning o kasiníngan; hindî lahát ng bágay ay líbre. Sa bisyón ni Huséng Sísiw, ang tulâ ay espesyálisádong gawâin—párang siyentípikóng pagdulóg sa áwit at korído—at kinákailángan ang dibdíbang pag-aáral at paglálaán ng panahón, sampû ng sigásig sa panánaliksík at pagpápakúmbabâ habàng nása yugtô ng apréndisáhe ang nangangárap na kabatàan, gáya ni Balagtás. Kung walâng sísiw, at makákamít sa kisápmatá ang lahát, hindî ba malilímot ng kung sínong bagíto ang pagsisíkap o ang masidhîng pagnanasàng matamó ang pagkátulâ ng kaniyâng tulâ, kung karápat-dápat ngâng itúring itóng síning? Sa únang málas, ang pakikipágpalít ng sísiw pára sa isáng tulâ, o kayâ’y nang matútong tumulâ, o nang makáriníg ng tulâ, ay kakatwâ at pagmámalabís na kabuntót ng patutsádang “walâng kuwéntang bágay.” Ngúnit ang ganitóng pananáw ay pagtátampók din ng halagá at pagpapáhalagá sa síning. Kapuwâ may halagá at halagahán ang tulâ sápagkát may guníguní itó at gunitâ na may kákayaháng lumampás sa isáng panahón at espásyo. Kung maáarìng magíng negósyo ang bundók at dágat, anó’t hindî maáarìng magíng negósyo o serbísyo ang tulâ? Hindî túlad ng likás na kaligirán, ang tulâ ay sumisílang mulâ sa walâ at nagsísimulâ sa mga salitâ.

Nakátindíg sa isáng tiyák na lupâín ang tulâ, alinsúnod sa wikâ at diskúrso nitó, na alám ni Platon noóng úna pa man. Gáya mo, háhanápan itó ng silbí, na kung sadyâ ngâng may halagá sa búhay ay marápat tuusín, halímbawà, kung nakagágamót itó ng lumbáy káhit pa panandalî at nakapágpapásiglá sa kidlát-sa-tág-aráw na pakikípagtálik. Habàng tumátagál, ang tulâ ay sásalungát máhanggahán sa abstráktong ídea at makalángit na pananálig sa músa; háharapín nitó ang literál na kátumbás ng isáng prodúkto o serbísyo, lalò’t nása kagipítan. Hindî importánte kung ang tulâ ay kátumbás ng limáng kusíng o kápalít ng pagtátayô ng báhay; higít na dápat pagtuúnan na itó ay máipápalít sa pangángailángan ng mga táo dáhil likhâ ng táo at hindî ng kung sínong aníto. Kung humíhingî man ng báyad ang makatà sa pagtátanghál ng kaniyáng tulâ, itó ay sápagkát ang tulâ na may kapuwâ intrínsikó at instrumentál na halagá ay lumálampás na sa sakláw ng páhiná at pagigíng personál at dumádakò sa maláwak na lipúnan. Ang tulâ ay hindî bastá tulâ na maáarìng angkinín ng buông lalawígan o kontinénte, bagamán malayàng isípin ang kabaligtarán nitó. Ang tulâ ay pag-áarì ng makatà na may karapatáng-ísip at karapatáng-kalákal sa natúrang likhâ, sabíhin mang orihinál o adaptasyón o varyasyón ang pagkakágawâ, áyon na rin sa patakarán ng modérnong lipúnan; at kung gayón ay pagkalás sa dáti nang nakágawîáng pagtutúring díto na ang tulâ o épikó ay pag-áarì ng isáng komunidád, gáya ng Manóbo o Sáma Laút na nagpapáhalagá sa kultúra at kasaysáyan nitó. Isinásangkót ng tulâ ang ibá pa, gáya ng pábliser at anunsiyánte dáhil sa ekonómikóng karapatán nilá, kayâ hindî na itó talagá magíging líbre sa habàng panahón.

Abánseng mag-isíp si Huséng Sísiw kung totoó ang máalamát na salaysáy ni Hermenegildo Cruz. Nakiní-kinitá niyá sa hináharáp ang magíging lagáy ng tulâ sa pánig ng ekonómikóng usapín, bukód sa ináasáhang gágampanáng papél ng wikàng Tagálog sa panulâán. Hindî lahát ng táo ay makásusúlat ng tulâ, gáya ng hindî lahát ng táo ay may talénto at kasanayáng lumikhâ ng súbmaríno o makapágtaním ng ektá-ektáryang maísan o makapágtistís ng pusò. Habàng nagíging espesyalísta ang makatà sa pagkathâ ng tulâ, ang tulâ ay hindî makáiíwas magíng esklusíbo—sanhî man ng paglikhâ ng mga personál na talinghagà o talinghagàng másalimúot ang disényo—na mahírap ulítin ng artipisyál na karunúngan. Kumikítid ang mga tumbásan sa isáng salitâ pagsápit sa tiyák na lárang, gáya sa krítiká o písiká, at higít na nagíging tiyák ang pákahulugán o páhiwátig, na siyá namáng paúlit-úlit nilálabág o sinúsuwáy ng makatà. Sa ganitóng pangyayári, lalòng masásabík ang mga táo sápagkát tíla dumádakò sa pagkáelitísta ang tulâ, alinsúnod sa pakanâ ng makatà at ináasáhan ng mga pihíkan at matalísik na konsumidór.

Hindî makáiíwas hanápin ng madlâ ang kabutíhang máidudúlot ng tulâ sa pánig nitó, sápagkát itó ang konsumidór ng mga talinghagà. Ang tulâ ay may masíning na pamámaraán nang matamó ang isáng bágay, gáya sa estruktúra ng igláp na kalugúran sa isáng háyku o walâng hanggáng pag-íbig sa isang épikó; gayundín, may ináasáhang búnga itó na makapágdudúlot ng kabutíhan sa pánig ng makatà at ng madlâ, gáya ng wagás na kamalayán. Ang ipágpalít ang sísiw sa isáng tulâ ay pagtátangkâ nang máangkín ang kung anóng kátotohánan, “ang bokasyón ng pagbúbunyág ng kátotohánan sa anyô ng artístikóng húgis,” kung híhiramín ang dilà ni Hegel. Ang tulâ, bílang síning, “ay nagtátagláy ng kapangyaríhan sa paglikhâ, o ng kapasidád o gámit na hindî maáarìng tipilín sa anyông-salapî,” wíwikàin ng mga alagád ni Marx, “samantálang iginígiít nitó ang pangyayáring prodúkto itó ng túnay na táo.”

Maáarìng ang isáng sísiw ay hindî makapápantáy sa halagá ng tulâ; o hindî makapápantáy ang tulâ sa kapuwâ intrínsikó at instrumentál na halagá ng sísiw. Sa kabilâ nitó, dápat pa ring kilalánin si Huséng Sísiw sa kaniyáng pilosopíya. Ang pagsílang ng sísiw na nagmulâ sa itlóg ay pagtanggáp sa masíning na tránspormasyón ng isáng bágay, na masisípat na panánalinghagà. Ang sísiw bílang katotohánan ay hindî lámang ang pangwakás na kátumbás ng tulâ, bagkús itó rin ang tuláy sa pagtátamó ng kátotohánan. Ikáw bílang tulâ ay makíkilála ni Huséng Sísiw, o makíkilála mo siyá bílang batikáng makatà at maútak na mangángalakál. At sa inyóng pagtátagpô, ikáw ay títindíg sa isáng kamalayán, na bagamán hindî káyang sagápin ng limáng pandamá ay magíging kasíngtigás ng bákal, seménto o yakál; sápagkát kailángan ang kátotohánan o ang kathâng-ísip nitó sa kapaní-paniwalàng yugtô at katanggáp-tanggáp na paraán.

Sísiw ka mang turíngan ay tulâ pa ring bábagtás nang walâng hanggán.

Alimbúkad: Epic poetry revolution across the world. Photo by Gabriel Frank on Pexels.com

Ikalimampu’t tatlong Aralin: Ang Pagbagay, ni Roberto T. Añonuevo

Ikálimámpû’t tatlóng Aralín: Ang Pagbágay

Roberto T. Añonuevo

Bágay na hindî maitátatwâ ng bágay ang kátotohánang warìng binilí itó bílang sukà, ngúnit ang bumilí ay náligáw sa kung saáng eskiníta, o dinúkot sakâ tinangáy ng kung sínong masamâng loób úpang dalhín at pigâín sa líhim na himpílan, at sagipín man ng alagád ng batás sa átas ng tungkúlin ay masásawì sa bandáng hulí sa kung anóng katwíran, halímbawà, sa lindól o súnog o kayâ’y mabúbundól ng humáhagibís na motorsíklong kamóte kung umastá. Ang bumilí (o higít na tumpák, ang pinabilí) ng sukà, pag-uwî nitó sa kaniyáng baháy, ay hindî na sukà ang dalá bagkús ang gastádong saríli o amóy-sukàng bangkáy na ang náyon o lungsód ay nakápaloób sa isáng bóte na kung malaglág at mabásag man kung saán ay mapápalitán ng pílat sa gunitâ o ng dî-ináasáhang luwálhatì dúlot ng sukdúlang kamalayán ng mga nangulilà na pinurgá sa awà at hilakbót.

Maáarìng nása sukà ang susì nang lúminamnám ang adóbo o sinigáng, o kayâ’y nang makálangóy sa pinaghálong ásim-angháng ang taníging kíkilawín. Isáng sangkáp iyón na kapág iníhalò sa ibá pang sangkáp ay makápagbíbigáy ng lugód nang higít sa katumbás nitóng salapî. Hindî magágampanán ng sukà ang tungkúlin nitó, gáya ng sawsáwan, pára sa isang hapúnan ng pamílya; at ang gútom ay manínigíd sa gitnâ ng pananabík at pagkábigông matamó ang kasiyáhan sa pagsasálo. Lilípas ang sandalî at lilípas ang gútom, at ang sukà bílang bágay ay umaásim lalò sápagkát kaugnáy ng isáng útos o pangángailángan, bukód sa perpéktong permentasyón ng katás mulâ sa niyóg o sasâ. May lása ito na pumúpuwérsa ng kung anóng kahulugán, at nakápanlílibák sa pagmámalabís kung ipagpápalagáy na ang nagtangkâng bumilí nitó ay nasawì nang dapùan ng kamalásan.

Ang taúhang bumilí o pinábilì ng sukà ay hindí ba naglakbáy din mulâng Rhine hanggáng Leipzig, ngúnit kataká-takáng ang mga labî ay áagúsin túngong Ílog Pásig?

Lumílingón sa nakalípas, ang bágay ay tahímik na nalulúsaw sa isáng igláp kapág nagwikàng makabágo samantálang tumátanggíng makalumà. Máhalagá ang estádo ng bágay sa kasalukúyan kahit kisápmatá ang silbí; naturál lámang na manimbáng itó sa hináharáp o libakín ang anumáng bátik ng nakalípas kung nakasásawà. Ang kasaysáyan ng bágay ay pánandalî ngúnit kasímbilís ng lintík; at dáhil isá ring dalúmat o panukalà ang pagkabágay—na mapabúbulàánan kung hindî man mapápalitán—ang lahát ay may posibilidád na magíng mákatotohánan, gáya sa panulâáng Tagálog, at máipápalagáy na puwédeng paniwalâan kahit pánsamantalá, gaáno man kálimitádo ang bokabuláryo ng pakikipágsapalarán. Ang diwà ng bágay ay nása kapangyaríhan nitóng tumbasán ng robótikóng kalansáy ang mga multó at kaluluwá; kúsang pakislutín ang baldádo at manhíd o tinágin ang makákapál, matátangkád na padér; at ibalík sa pandamá ang pag-uliníg na mailáp sa taingá, ang pagtítig na nagtátaksíl sa matá, ang paglangháp na iníingúsan ng ilóng, ang paglása na tinátanggihán ng dilà, ang paghipò na iniwásan ng kamáy sa pangambáng magkásalà’t lumabág sa kabutíhang-asal na itinakdâ ng estádo.

Masánay sa matamís ay nakasúsuyà rin, gáya ng nakasúsuyà ang sóbrang ásim na timplá sa nilúlutò o kinákanáw. “Ang bágay sa iyó ay bágay sa ákin,” wíwikàin ng pilósopo, “bákit hindî, gáya ng ang bágay sa iyó ay hindî bágay sa ákin, o hindî bágay sa iyó ang bágay sa ákin.” Bumabágay ang bágay sa alinmáng naísin dáhil may pangángailángan sa ngayón alinsúnod sa pagtanáw at máipapátaw díto ang balangkás ng pananálig nang hindî máipagpápabúkas pa. May sumaságap namán díto at sumusúka nitó pagkaraáng máitalâ, na ang isáng bágay ay hindî bastá bágay lámang o kímikóng reaksiyón dáhil may kákayaháng maglarô itó at magpabálik-bálik sa aspéktong materyál at selestiyál. Ikáw, bílang tulâ, ay isá ring bágay—sumisíkat úpang magíng artefákto pagláon. Na hindî man patók at mabilí sa madlâ sa habàng panahón (sanhî man ng nagbabágong sensíbilidád) ay bumabágay sa lahát dáhil nagbíbigáy at bumíbigáy, at ibigáy man nang líbre ay kay hírap sakyán, túlad ng batàng pinabilí ng sukà doón sa gusgúsing tindáhan ngúnit nabigông makábalík pa sa kaniyáng dampâng pinánggalíngan.

Alimbúkad: Epic contemplative poetry in search of humanity. Photo by Nikola Pavlau010dkovu00e1 on Pexels.com

Ikalimampu’t dalawang Aralin: Ang Kawing, ni Roberto T. Añonuevo

Ikálimámpû’t dalawáng Aralín: Ang Káwing

Roberto T. Añonuevo

Magbúbukás at magsásará ang agtás na warìng paningín, at doón ay makíkilála ang páikíd na ugnáyang walâng hanggán. Ang únang hakbáng, sabíhin nang may báhid ng pagbábantulót o panínimbáng, ay magsúsumpíng sa mga súsunód na yugtô o hakbáng, na tíla pagháhanáp ng kabuluhán o katwíran sa anyô ng mga tandâ o watáwat kung ang pinapások ay isá ngâng gúbat o kayâ’y libíngan o paláisipán. Kung ikáw ang tulâ, sásaiyó ang konsépto ng pilipít na sampáyan o henétikong kadéna, ang proyékto ng kápitbahayán o báyanihán, magtátakdâ ng matitíbay na káwad o taytáy dahil kinákailángan kung íbig umíral, magninílay sa mga batóng pátong-pátong nang makábuô ng napakáhabàng moóg o pasíkot-síkot na súrang, na ang wakás ay destinasyón ng lunggatî o panagínip sa padrón ng mga kúlay o úlap. Agtás din maráhil ang nása pusò ni Dante o Rumi, ang agtás na malíkmatá sa pánig ni Don Quixote, ang agtás na bungangà ng mga láson, bómba, at sibát—na kapág nálampasán ay warìng pagkátuklás ng baúl-baúl na aláhas na ibinaón ng buhángin at inilíhim ng mga álon sa mahabàng panahón. Sápagkát kailángan ang sérye ng mga hakbáng o hulagwáy, na hiníhingî sa tárget na sekwénsiya ng mga talinghagà nang gumána ang ibá’t ibáng bahagì ng láwas, kung íbig paníndigán na mayroón kang sinasábi káhit walâ, na mayroóng dápat usisàin at tiyakín na warìng pagháhanáp ng muhón sa mápang itínakdâ. Sa payák na pagdulóg, maáarìng itó ang masínop at episyénteng kolaborasyón ng mga sangkáp na laán sa résiping inimbénto ng batikáng barísta at kusinéro; ang aplikasyón ng pagtítimplá ng mga tunóg ng sarì-sarìng instruménto nang makábuô ng kagilá-gilalás na simpónikang orkésta. Ngúnit hindî sapát itó. Ang pagtátagnî ng mga diwàin at kaisipán ay maáarìng mágpanukalà ng salá-salabát na taltálan o kabulàánan, isáng abstráktong pintúra nang mapílit ang útak na humánap ng masásandaláng puwésto o kahulugán, at kung gayón ngâ, ang pagtítig ay humíhingî ng subhetíbong tagápagláwag pára sa estétikang maggígiít ng saríli. Sa ganitóng pangyayári, maglálakád kang sabóg na sabóg gayóng ni hindî lumaklák ng lambanóg o humithít ng damó, at maglálarô sa guníguní ang digmàan ng mga salitâ, na pawàng maglúlundágan nang lampás sa kaní-kaniyáng teritóryo túngo sa samsára, paúlit-úlit pumúpukól at sumásaló ng anumáng bágay na ikinákabít bagamán hindî limitádo sa gáya ng líbog, tákot, poót. Káhit ang kapulûán ay nagháhanáp ng ugnáyan, hindî sa anyô ng mga lupàín bagkús sa maitátakdâ ng karagatán o trápikó sa hímpapawíd. Mag-íngat. Kapág nagtaksíl ang mga matá, ang agtás na iyóng pápasúkin ay simulâ ng pagkáwalâ ng kamúsmusán. Magbábasá ka sa pamámagítan ng ilóng; sásalatín mo ang mga pasaríng o paramdám sa pamámagítan ng robótikong kamáy; lúlunukín ang mga tayútay at sayúsay hanggáng malúsaw ang baít na hindî na máibábalík pa sa dáti; at pakíkinggán ang saríli—sa áyaw mo’t sa gustó— sa paraáng sádomasokístang alimúom at singáw.

Alimbúkad: Epic poetry tsunami breaking barriers. Photo by cottonbro studio on Pexels.com

Ikaapatnapu’t siyam na Aralin: Ang Pormula, ni Roberto T. Añonuevo

Ikaápatnapû’t siyám na Aralín: Ang Pórmulá

Roberto T. Añonuevo

Tutubíng-kalabáw, Vimána, o kayâ’y anghél na sugò ng kaitaásan ang ilán lámang sa maáarìng magíng lunsáran ng balangkás ng pananámpalatáya. Ang lahát ng língid sa kaaláman ay kailángang magkábutó’t lamán, magkápórmulá gáya sa matemátika at díksiyonáryo, máglandás sa kung saán-saán, sakâ lunásan ang anumáng hindî káyang ipáliwánag ng lastág na lóhika. Kapág ipináloób pa ang diyós sa balangkás ng pananámpalatáya nang may basbás ng estádo, ang tulâ bílang diyós ay sísikáping ípadrón sa isáng tésis na títingalâín ng mga debóto’t peregríno, sinúlat man itó ni John Milton o Benigno Ramos. Ang balangkás ng pananámpalatáya ay hindî lílikhâín ng diyós (bagamán malayàng isípin iyán, gáya ng mákapangyaríhang tínig sa Paraíso, at maáanggihán ng pinaníniwalâan sa kung anóng paraán o lupâíng pinágmulâng may angkíng kasaysáyan). Ang balangkás ng pananámpalatáya ay lílikhâín ng mga mortál na nílaláng na nagháhagiláp ng sángkurót na mápangháhawákang dátos o mapanínindigáng katwíran sa ngálan ng pananákop, pakikipágsabwátan o paglúpig sa kaáway. Totoó, ang diyós ay maáarìng mapágbanyúhay sa pamámagítan ng alingawngáw at pagpápaláwig, sa anyô man ng mga ikónikong rebúlto ng santó at magágaràng simbáhan pára sa kapakanán ng komunidád o isáng kapisánan; o kayâ’y sa reduksiyón at pagtítipíl, gáya sa mga dasál o pagtátanghál ng móro-móro at tránsubstansiyón; ngúnit ang estruktúra ng pagkábathalà ay hindî bastá magígibâ bagamán maáarìng lapastangánin o pánghimasúkan. Gaáno man karámi ang pangálan ng diyós ay lálapátan itó ng pagkilála, paggálang at pagsunód—bátay sa dî-matitínag na balangkás, hanggáng ang tésis ng paglikhâ, pagpápalà, paghúhukóm o kung anó mang hakbánging dibíno’t elementál ay magíng túlad ng tinápay at álak— na talinghagàng pápaloób din at makabúbusog sa kataúhan, gáya sa pag-íbig ni Andres Bonifacio sa kaniyáng Tinubùang Báyan. Súsubúkin ang natúrang tésis alinsúnod sa nakámulátang balangkás—ang pagtátamó ng últimong ginháwa at pagsagíp mulâ sa kamangmangán bukód sa pagpapágalíng ng sakít. Pagdáka, ang tulâ ay hindî makáiíwas umíral na bangkáy sa maláo’t madalî, ibubúro sa kinathâng máwsoleo at kahón úpang madalîng máunawàan at matandâán ng madlâ. Habàng tumátagál at lumaláwak ang gahúm dúlot ng establisádong ritwál, gáya sa mga áwit at korído, ang tulâ bílang diyós ay “magkakásúgat sa salitâ,” wikà ngâ ni C.F. Bautista; at kung ang balangkás na itó ay hindî na sapát sa tinagurìang pagkádiyós na halígi ng panánalig, sanhî ng pagkakátaóng dumupók na ang pagíging kapaní-paniwalà nitó o kayâ’y ang pagkámakátotohánan ay kadúda-dúda o mapabúbulàánan bukód sa salát sa umanidád o lumábis ang pagkábaryótikó, idagdág pang naglahò ang angkíng estétikong silbí sa pánig ng tagaságap nitó, púpusyáw ang paníniwalà hanggáng ganáp na máwalâ at magíng rélikya na lámang ang mga témplo at aklátan ng mga dasál, himalâ, at ritwál. Maáarìng lumikhâ ng bágong balangkás ng pananámpalatáya, bákit hindî, gáya ng maáarìng umimbénto ng bágong pangínoóng tulâ; ngúnit ang tésis sa pagkádiyós at kaugnay nitong ínmortalidád ay maáarìng maglarô na lámang sa diwà makalípas isatáo itó’t ipáloób sa pagkatáo, at hindî bastá materyál na gawâ. Ang táo na sinaníban ng tulâ ay hindî na ang dáting táo; siyá ay isá na ring tulâ. Ang salitâng iniluwál ng táo, ang salitâng nagíng tulâ, ay nagíging diyós kapág binigkás o isinúlat sápagkát hindî na itó nása hángin lámang o isinúka nang walâng kamuwáng-muwáng. Sa mákapangyaríhang diwà, ang salitâng suplíng ng malikót na guníguní o maálab na kamalayán ay maáarìng hamúnin nang paúlit-úlit ang pagkádiyós ng Pangínoón-at-Maykapál sa anyô man ng kakatwâng damít o pihíkang panlása o másalimuót na pagdulóg na walâng hanggáhan ang espásyo at panahón, nang mápanatíli ang kabanálan ng tulâ—mukhâ man itóng gusgúsing bakwét, ulilàng migránte, o paláboy na walâng pasapórte sa ipuípo ng karimlán.

Alimbúkad: Epic explosive poetry rocking the world. Photo by Dziana Hasanbekava on Pexels.com

Ikaapatnapu’t pitong Aralin: Ang Pabula ng Manlalakbay

Ikaápatnapû’t pitóng Aralín: Ang Pábula ng Manlálakbáy

Roberto T. Añonuevo

Inilibíng ng húni ng kilíng ang dagâ noóng úna pa man; at ang dagâng naniwalà sa salitâng matatarlíng ang hímig ay tinúhog ang saríling leég sa matúlis na patpát, naubúsan ng dugô, dumilà warì nang wagás sa hángin, at namatáy nang dilát na maáarìng sa balintatáw nitó ay naroón ang isá pang kilíng, na tagláy ang eskarlátang bátik sa leég, umaáwit ng saríling áwit pára sa tag-aráw o tag-ulán. Nalímot maráhil ng dagâ na ito ay dagâ o sadyâng muslák lámang ang kamalayán nitó; at nang mangárap ng pakpák at tukâ ay maáarìng nainís sa tínig na umíik-ík at búhay na basúra at basúrang ang totoó’y kátumbás ng walâng hanggáng pigíng at ginháwa. Samantála’y hindî nalímot ng kilíng na itó ay kilíng, túlad ng ibá pang íbon: Humuhúni sápagkát nilikhâ úpang humúni, at humúni na tíla umaáwit ng laksâng pag-íbig o kayâ’y párang iyón ang pangwakás na pagsílay sa daigdíg. Anó ang nása áwit ng kilíng, gáya sa isáng pábulang Ibalóy, at dápat kainggitán ng namumúhay sa lunggâ? Mga palayáng konséntriko maráhil ni Kabunyîán, may úlap sa ibabáw at may hamóg sa ibabâ, at mga magbúbukíd na nakátanáw sa lungtî o buláwan, o ilihán ng yumayákap sa hudhúd ng katahimíkan. Íbig mo ring máriníg mínsan pa ang áwit ng kilíng sa isáng alamát, káhit sabíhing paglúlustáy ng panahón. Ang húni ng kilíng na bumúbulábog sa pag-íral ng dagâ ay maúunawàan sa pagpapátiwakál, alinsúnod sa pananáw at mákamandág na páyo ng íbon; o kung hindî’y itó ang pagyápak nang walâng pag-áatubilî sa bítag ng matátamís na melodíya nang malagót ang panánaghilì sa pánsamantalá’t sentimentál subálit hindî makákamít kailanmán.

Alimbúkad: Epic love poetry against war and occupation. Photo by Amit Talwar on Pexels.com

Ikaapatnapu’t anim na Aralin: Ang Paradoha

Ikaápatnapû’t ánim na Aralín: Ang Paradóha

Roberto T. Añonuevo

Hindî ka isinílang pára maniwalà; isinílang ka pára mag-usisà. Itó ang wíwikàin sa iyó ng pinágtambál na líryo-at-liwaywáy paglabás sa Tralalá, matápos magsawà sa kakúkutingtíng sa talyér ng mga gastádong salitâ’t talinghagà. Pakíramdám mo’y tinubûan ka ng mga súngay, bumigát ang katawán túlad ng damúlag, at káyang-káyang mag-aráro ng ektá-ektáryang bukirín. Hindî ka konténto sa iyóng saríli; at lálong hindî mapanátag ang iyóng kuwadérno. Bílang panimulâ, bábalikán mo mínsan pa ang náriníg sa gusgúsing pundúhan, bábaklasín ang pulútan sa mga huntáhan—ang talinghagàng náriníg din ng ibá at pílit ginagáya ni Síri at ng Karunungáng Artipisyál, ang naságap din ng iyóng impó at siyáng ipapása sa iyó bágo pa malíkom ni Damiana Eugenio:

Hampás sa anuwáng,
Sa pálad ang látay.

Sápagkát kailángang pasunurín at paamûin ang anuwáng, matútutúhan mong gumámit ng lakás. Ang únang pilantík kung hindî man hablíg na sinúsundán ng sitsít ay masisípat na mapanggúlat na humahátak ng pansín sa tinamàan; at ang mga kasunód nitó ay maáarìng hindî na makatínag, kayâ kinákailángan ang higít na malakás na hampás—ang  hagupít—na sa maláo’t madalî ay makakásanáyan ng háyop. Ang hampás ay maáarì ding tumúkoy sa malakás na bagsák ng pálad sa likurán o tagilíran ng anuwáng, at kung gánitó ngâ, ang látay ay hindî ang karaníwang pagkakáunawà sa látay, na maáarìng pagkágasgás ng balát mulâ sa matítigás, nakátinghás na balahíbo at makapál, magaspáng na balát ng háyop. Sa isáng pánig, maghúhudyát pa ang “hampás” ng ugnáyang maglíligtás sa háyop mulâ sa kagutúman o pinsalà o sakít sápagkát may tagapág-alagà. At sa kabilâng pánig, natítiyák ang katumbás na episyénte’t mabilís na pagbúbungkál ng lupà sa túlong ng alagàng háyop. Ang makapál na balát ng anuwáng, na binagáyan ng mga balahíbong ánimo’y makasásalubsób o makatítiník, ay hindî máiháhambíng sa iyóng balát na manipís at manipís ding pálad. Hagupitín ng lúbid nang paúlit-úlit ang anuwáng, at ang lúbid na iyóng háwak ang gágasgás sa iyóng balát, mag-iíwan ng paltós sa kamáy, at pagkáraán ay magíging mápuláng gúhit sa pálad. Uulítin mo pa ang káwikàán:

Hampás sa anuwáng,
Sa pálad ang látay.

Sa pagkakátaóng itó, ang anuwáng ay hindî na ang karaníwang anuwáng o kinatawán ng lahát ng kaurì nitó. Masaságap mo ang pananáw ng anuwáng, halimbawà, kung bákit nakatítiís itó sa hampás na paraán ng komunikasyón ng tagapág-alagà nitó at siyáng nagbubúnga ng relasyóng tagapág-alagà at ináalagàan; o kayâ’y sa relasyóng tinátanáw din bílang pagsasálin sa anyô ng kapuwâ máykapangyaríhan at alípin. Máisasáloób mo pa ang pananáw ng nagpapásunód sa anuwáng—na hindî man banggitín ay maáarìng ang táo na kápuwâ nagsasáka ng búkid at nagpapahíla ng parágos. Ang ikatlóng pananáw ang pinakámadalî: ang nakamámasíd sa háyop at táo—na makapápansín din sa mga pangyayári, gáya ng ákto ng paghampás sa anuwáng at paglitáw ng látay sa pálad ng nagpapásunód sa anuwáng.

Pinakálantád ang “hampás,” na mag-úugnáy sa “anuwáng” at sa “pálad” na walâng pasubalìng metonímya ng táo, o sabíhin nang tadhanà [kapaláran] ng táo at resúlta ng aksiyón nitó. Ang “látay” ay hindî bastá paglálaráwan sa tandâ ng kirót at pahírap na tinamó ng pinasúsunód; itó rin ay pagkábulábog sa dápat sánang napakádalîng pagkakáunawà kung bákit may “látay” ang “anuwáng” na hindî malálayô sa “pílat” o “marká” sa balát ng “máykapangyaríhan.” Dáhil sa gayóng pagkakátaón, ang “hampás” ay gumáganáp ng isáng anyô ng pagsasálin mulâng lúbid o látigó o pamatpát o kamáy túngong anuwáng hanggáng pábalík sa táo na ináarì yaóng kasangkápan; at sa kalaúnan, ang pagsasáling itó ay nagíging pagbábanyúhay hindî ng anyô, bagkús ng posíbleng tamuhíng diwàin mulâ sa gayóng anyô. Itó ay sápagkát ang kódigo ay nása anyô ng galáw ng kamáy o kasangkápan nitó sa pananákop, na hindî lámang paglálaráwan bagkús isáng adelantádong pagtanáw sa magíging resúlta ng hampás. Másalimúot kung gayón ang operasyón ng paradóha ng anuwáng.

Kung ang pálad ay metonímya ng táo, itó ay posíbleng magíng bukás din bílang metonímya ng kapangyaríhan, ang pagsasánib ng literál at metapórikong anyô (eksistensiyál+ materyál) úpang magsílang ng talinghagà. Sa ganitóng pangyayári, ang “anuwáng,” “hampás,” “pálad,” at “látay” ay hindî puwédeng manatíli sa orihinál at transendénteng hiwátig; malálantád itó káhit sa paramdám at pahatíd na may báhid ng polítika o ideolohíya, lalò kung isasaálang-álang kung paáno tinátanáw ng isáng lumàng pámayanán ang “anuwáng” [katatagán, katuwáng, alípin], “hampás” [kapangyaríhan, útos, parúsa], “pálad” [tadhanà, táo, kataúhan, hulà], at “látay” [marká, resúlta, pagkábusábos, hináharáp]. Kailángan ng mga itóng umigpáw sa mga dáti nitóng tagláy na pákahulugán nang makápagsílang ng sariwàng kabatíran.

Ang nasábing kawikàán ay posíbleng gumanáp sa isáng urì ng hula at babalâ, sápagkát ang humáhampás ang makáraránas sa bandáng hulí ng pasákit. Bagamán sa únang málas ay hinampás ang anuwáng, ang negatíbong resúlta nitó ay hindî pára sa anuwáng. Posíbleng hindî rin itó tuwírang darámdamín ng nasábing háyop dahil maáarìng namanhíd na yaón o makapál lámang ang balát; o sadyâng napáamò at napálapít sa kaniyáng tagapág-alagà. Ang hampás ay tumátamà sa may háwak ng kapangyaríhan sa malígoy na paraán, na kung hindî man sa pisikál na antás ay maáarìng sa antás na sikolóhiko at espiritwál. Sa kabilâ ng lahát, may mga puwáng pa rin sa nasábing taludtúran. Úna, hindî malínaw kung ang humampás ay ang tagapág-alagà, at kung sakalì’t ibáng táo ang humampás, maáarìng hindî siyá sanáy sa gawâing pambúkid. Ikálawá, kung ang humampás ay ang tagapág-alagà, masisípat na káhit dáti nang nagtátrabáho sa búkid ang humampás ay apektádo pa rin siyá sakalì’t masugátan o mapinsalà ang kaniyáng alagà. Sa gayóng pangyayári, ang “pálad” ay hindî máikákahón sa literál na “pálad” na bahagì ng kamáy bagkús ang maipápalagáy na “kapaláran” o “tadhanà” na búnga ng pasiyá, kung hindî man silakbó ng damdámin. Ang kapaláran ng kápuwâ humampás at hinampás samakatwíd ang apektádo pagláon, sa ugnáyang gantíhang pagtugón na hálos maglarô sa sádomasokístang paraán.

Ang ganitóng eksótikong talinghagà ay hindî káyang maisáhinágap ni Siri, sampû ng Karunúngang Artipisyál, ni makakáyang higtán. Ang magágawâ lámang ni Siri ay tumbasán itó at gagarín sa ibáng anyô, makaraáng lunukín ang lahát ng nilálamán ng málig ng iyóng báyan.

Masisípat sa isáng bandá na laós na ang sinaúnang tulâ dáhil sa pagpapákilála ng modérnong teknolóhiya at makinárya. Hálos maburá na sa gunitâ ng madlâ ang “anuwáng,” na náiligtás lámang sa bisà ng mga díksiyonáryo at tesáwro, at higít na makíkilála ang “kalabáw” o “karabáw” o “carabao.” Ngúnit gaáno man kasigásig ang panánaliksík, ang ugát ay posíbleng kasingkúlay ng paglálaráwan: ka+labáw, na kasámang tagápamahalà; ka+rabáw, kasámang nakatátaás. Ang “carabao” na tanawín mang hispanisádong Binisayâ at pumások sakâ inangkín sa kórpus ng Inglés ay áagáwin ang kápuwâ “kalabáw” at “karabáw” sa pinág-ugatán nitó, hanggáng ganáp na mapawì sa bokábuláryo ng madlâ ang “anuwáng.” Maglahò man sa balát ng lupà ang anuwáng, at ipagbáwal ang panánakít sa natúrang háyop, hindî pa rin ganáp na maisásantabí ang nasábing káwikàán dáhil itó ay nilikhâ sa isáng takdâng panahón sa loób ng tiyák na pámayanáng matálik sa gayóng mga salitâ at pagpápahiwátig. Patáy na ang anuwáng bágo pa man itó isúlat at bigkasín bílang tulâ.

Ang pagbábalík sa natúrang káwikàán ay tíla paghúhukáy ng mga arkeólogo ng mga artefákto’t butó, at pagkáraán nitó’y ang rékonstruksiyón ng paradóha sa ísip at guníguní nang mabatíd ang nakalípas. Kaugnáy ng rékonstruksiyón ang patúloy na tránspormasyón at pagbalì sa nasábing tulâ, kayâ huwág magtaká kung maglarô sa noó ang sumúsunód na ehersísyo:

Mga Varyasyón sa Téma ng “Hampás sa anuwáng. . .”

1
Hampás sa anuwáng
Sa pálad ang látay.

Hampás sa kabáyo
Anuwáng ang nakbó!

Hampás sa kalabáw,
Hampás sa anuwáng.
Látay sa kabáyo,
Látay sa pálad mo.

2
Lumátay sa anuwáng
Ang hampás-kapaláran.

3
Látay ng hampás
Sa áking pálad:
Mukhâng anuwáng.

4
Súngay ng anuwáng
Ang pálad mo’t látay.

5
Hampás sa anuwáng ang daigdíg
Sa pálad ang látay ng pag-íbig.

6
Hampás sa anuwáng ang daigdíg; lumapág
Sa pálad ang látay ng pag-íbig at lakás.

7
Hampás sa anuwáng ang daigdíg; lumapág, tumíning
Sa pálad ang látay ng pag-íbig at lakás—kay ningníng!

8
Hampás sa anuwáng ang daigdíg—
lumapág, tumíning sa noó.
Sa pálad ang látay ng pag-íbig 
at lakás—kay ningníng na bató!

9
Hampás sa anuwáng ang daigdig; 
lumapag, tumining sa noo ang poot.
Sa pálad ang látay ng pag-ibig 
at lakas—kay ningning na bato sa loob.

10
Hampás sa pálad
Háyop na hampás.

11
Hampás sa anuwáng
Hampás din sa báyan.
Látay sa kabáyo,
Látay ng pangúlo.

12
Hampasín ang anuwáng
At pálad ay himásin.

13
Hinampás ng hángin ang anuwáng ngúnit walâ ni látay. Umambâ ang mga súngay, sumingasíng ng alikabók ang pastól. Sa mga matá ng suwaíl, pumaskíl ang dugûáng pálad at malagkít na látigó ng asendéro. . . .
Alimbúkad: Epic raging poetry in search of humanity. Photo by Bapi Kundu on Pexels.com

Ikaapatnapu’t limang Aralin: Ang Pagtatanghal

Ikaápatnapû’t limáng Aralín: Ang Pagtátanghál

Roberto T. Añonuevo

Sápagkát laós na ang tulâ, sápagkát laós na ang makatà, sápagkát laós na ang tulâ ng makatà at ang makatà sa papél ng tulâ, sápagkát sukáng-suká na ang madlâ sa paúlit-úlit na tugmâ at walâng katórya-tórya o kung mínsan ay dî-máunawàang bóksing ng mga salitâ, ang pagtátanghál ang susì, ang pinakámadalîng paraán úpang itampók mulî ang talinghagà, himúkin ang sanlibután, at ipágmalakí ang ginintûáng lumípas na walâng kahulílip. “Ibalík ang tulâ sa pusò ng madlâ!” kóro ng mga lóro. “Ibalík!” Ikáw bílang tulâ—sa loób at labás ng sawîng Tralalá— ay magdudúda sa saríli at magdudúda sa iyóng panahón, itanghál ka man sa ibá’t ibáng paraán o anyô at pagpugáyan, gáya ng gawî ng dambuhalàng tínig na humíhiyáw nang walâng patíd at maaáwat lámang kung sakalì’t mapatíd ang lítid sa leég; o kayâ’y ng patpáting tínig na naghúhubád ng ágam-ágam, nagpápakanâ ng teátrikong kabuhungán o kalandîán, at bumíbigkás na warìng ginulpí at hindî pinakáin nang tatlóng áraw. Isásakáy ka sa pláka o kómpak disk at súsubaybayán sa rádyo; gágawíng ékstra sa pelíkula at gágawíng anúnsiyo sa bágong álak o sapátos; ipápaskíl sa mga póste ng koryénte at ipápalamutî sa trapál ng tráysikel; isisíngit pa sa koronasyón tuwíng Máyo o kapág nagpapádasál sa Mahál na Áraw; at gágayáhin ng alpabéto ng kasarìán habàng gumigíling nang patuwád at labás-dilà. No es noble ni es gentil el corazón que olvida./ No es mariposa el alma, que va de flor en flor./ ¡No hay nada que se pueda comparar en la vida,/ Al recuerdo que deja nuestro primer amor!// O Balmori! O Bernabé! Sápagkát laós ka na, marápat lang na imbéntuhín ang pagtátanghál, wikà ng matátapát na alagád ng síning, nang higít sa káyang isumpâ ng aklát at ípangakò ng Bágong Hukbóng Sumásampalatáya. Sápagkát laós ka na, isasáloób mo ang algorítmo ng palakpák o durâ na tíla kabílang ka na sa mga pinapílang haláng ang bitúka o kayâ’y kandidátong kalahók sa halálang pándaigdíg. Magsísimulâ kang tumáwa nang tumáwa, pálakás nang pálakás, hindî alintána ang pútik at múra, at pigílin man ang saríli’y lalòng maúupós sa galák. Mabalíw man ay likás lámang itó sa mundóng natátakám sa papúri’t salapî at ang pasénsiyá’y paiklî nang paiklî. Isusúlat kang mulî sa ibáng móda at ibáng panlása, bákit hindî, maráhil sa padér ng palásyo o sa sahíg ng basíliká, púpusùan sa mga basúrahán, bukirín, pantalán, paléngke, bilanggùan, at pábrika sa tumpák na panahón, babángon mulâ sa mga dugûáng larángan, at maglálakád nang walâng tákot, walâng taták, walâng útang na loób, walâng hanggán. . . .

Alimbúkad: Epic silent poetry challenging the world. Photo by cottonbro studio on Pexels.com

Dakilang Saloobin, bilang Ikatatlumpu’t pitong Aralin, ni Roberto T. Añonuevo

Dakilàng Sáloobín, bílang Ikátatlúmpû’t pitóng Aralín

Roberto T. Añonuevo

Sa pighatî at pagkakarátay, manánagínip ka ng máhiwagàng ibóng káyang magpágalíng sa anumáng karamdáman, nang maipágpatúloy ang pamámahalàng makálupà’t selestiyál. Búbulabúgin ka ng panagínip, kayâ magpápatáwag pa ng mga pithó at babaylán upang tungkabín ang líhim ng mga páhiwátig. Pagkáraán, isásalaysáy ng iyóng alálay sa tatló mong anák ang mahigpít na pangángailángan úpang gumalíng ka: Bihágin ang Íbong Adárna at dalhín itó sa kaharìán. Kailángan mong máriníg ang máhiwagàng áwit, ang áwit na matarlíng at tangìng lúnas sa iyóng sakít, áyon na rin sa sulsól ng matátapát mong tagapáyo.

Ngúnit gáya sa mga inaágiw na alamát, ang natúrang íbon ay nása ikápitóng bundók, at laksâ ang pagsúbok bágo masiláyan.

Ang máhiwagàng íbon ay kátumbás ng kaharìán, wíwikàin maráhil ng dalawá mong anák. Ang máhiwagàng íbon ay kátumbás ng dakilàng mithî at pagmámahál, wíwikàin maráhil ng mga matá ng bunsô mong anák. Ang máhiwagàng íbon ang kaligtásan ng buông lipì, wíwikàin maráhil ng dúkesang íbig magpáriníg. Subálit ang eskríbang nása gílid ng iyóng maringál na higâan ay mapapáilíng. “Kung ang pagbíhag sa Adárna ang magíging dakilàng sáloobín sa pagsúsulát,” naíhakà niyá, “nakátadhanàng magíng alípin ang íbon sa habàng-panahón!”

Maríriníg mo ang lahát káhit matamláy.

Ipaháhandâ mo sa eskríba ang kásulatán pára sa gantímpalàng matátamó ng sinúmang makáhuhúli sa nasábing íbon. Ipasásaád mo pa ang pagpapágawâ ng ginintûáng háwla; ang pagháhandâ ng natátangìng pátukâ na makabúbusóg at pagpápahánap ng pinakásariwàng túbig na maíinóm; at ang pagpapágawâ ng maluwág, máaliwálas na kámará na walâng kapára úpang makápagpáalunigníg ng pítong áwit at makápagpápatingkád ng pítong kúlay ng balahíbo.

Sa tumpák na panahón, maríriníg mo ang pitóng áwit sa heptatónikáng eskála na makápagpápagalíng sa iyó. Lúlusóg mulî ang iyóng katawán, at magbábalík ang iyóng kabatàan. Mababánat nang ganáp ang nánguluntóy mong balát. Títigás mulî ang iyóng gulugód at úten. Lilínaw ang iyóng paningín, gáya ng sa uwák. Masásamyô mo pa ang dántaóng halimúyak ng hardín ng mga ílang-ílang at wáling-wáling. Masásalat sa isá pang pagkakátaón ang sétro at ang mga eskultúrang handóg sa iyó ng malálayòng lupálop. Malálasáhan ang pinakámalinamnám na úlam, at mabábalíw sa lása ng álak at mga labì ng marírikít na binibíni.

Sísikápin mong dumílat, hanggáng mainís sa pagkáiníp. Anóng kúpad na mga anák!

Hindî pa man dumáratíng sa iyóng harapán ang eksótikóng íbon ay lábis-lábis na ang iyóng bálak, na kung ilílistá’y ikalúlulà ng iyóng eskríba. Maúupô kang mulî sa iyóng tróno sa ikapûng pagkakátaón, iyán ang paníwalà mo; at doón ay tíla dídikít ang puwít sa walâng hanggáng kapángyaríhan, at hindî na nanaísin pang bumabâ sa rúrok ng ginháwa at kalugúran ng kataúhan, sápagkát anó pa ang silbí ng lahát kung banyagà sa iyóng bokábuláryo ang salitâng kamatáyan? Mapapángiwî maráhil sa isáng tabí ang paboríto mong eskríba, na warìng sumusúlat ng sinematográpikong kórido, at naníniwalàng ang dakilàng sáloobín ay nása balighô at pagsísinungalíng—kung itó sa bandáng hulí, ang mítong makagágalíng.

Alimbúkad: Unstoppable epic raging poetry challenging the world. Photo by ARNAUD VIGNE on Pexels.com

Magrepaso ay hindi biro, ni Roberto T. Añonuevo

Magrepaso ay hindi biro

Roberto T. Añonuevo

Nakatutuwa na binalikan ng isang nagngangalang Steno Padilla [Stephen Norries A. Padilla] ang aking aklat na Paghipo sa Matang-Tubig (1993), at waring nakatagpo ako sa wakas ng isang wagas na kritiko. “Matatalas ang imahen sa mga tula ni Roberto Añonuevo sa librong ito,” aniya. “Kitang-kita mo sa isip yung [sic] mga tagpo na nilalatag [sic] niya sa kanyang mga saknong. Malawak din ang kanyang talasalitaan.” Ngunit nagmamadali sa mapanlagom na paraan ang pahayag ni Padilla, at ni walang siniping halimbawa. Pagkaraan, ipapasok niya ang kaniyang pagtanaw na bumabanat: “Iyon nga lang, may mga tula siyang gaya-gaya. Kung mahilig kang magbasa ng tula ng mga Pinoy, mapapansin mo na yung [sic] ibang tula ni Añonuevo e [sic] mimicry lang ng mga tula nina Virgilio Almario, Huseng Batute at Jose Garcia Villa.”

Dito dapat linawin ang konsepto ng panggagaya na ginagawa umano ng isang makata sa mga tula ng ibang makata. Sa panggagaya, ang padrong tula ay maipapalagay na nakaaangat, at ang “gumagaya” ay maipapalagay na nasa mababang antas, na waring dinadakila ang sinusundang padron. Sa ganitong pangyayari, hindi makatatákas ang ipinapalagay na “gumagaya” sa kaniyang “ginagaya.” Ngunit sa isang banda, ang panggagaya ay maaaring sipating isang pakana, na tumatawid sa panghuhuwad sa pabalintunang paraan, at kung gayon ay hindi sapat ang nasabing taguri upang lagumin ang mapangahas na talinghaga—na masisipat na hindi basta pagsunod sa isang “padrong” tula. Kung binasa nang maigi ni Padilla ang aking mga tula, at inihambing sa mga tula ng gaya nina Rio Alma, Jose Corazon de Jesus [Huseng Batute], at Jose Garcia Villa ay mapapansin niya ang himig na mapang-uyam o mapambuska sa panig ng personang nabuo sa loob ng mga tula, ang diyalektikong ugnayan ng mga dalumat, at kung nagkahawig man sa taktika at prosodya ay sinadya iyon upang baligtarin sa mapagpatawa o nakatutuwang paraan ang pagtanaw sa daigdig. Pinagmukhang seryoso ang mga pananaludtod, ngunit ang totoo’y ginagago lamang ang mga bugok o hambog.

Nagmamadali si Padilla, at idaragdag pa: “Hindi naman maiiwasan ang panggagaya lalo pa kung pare-pareho kayo ng mentor. Nagkakamukha na kayo minsan ng estilo at tunog sa pagtula.” Maaaring may bahid ng katotohanan ang winika ni Padilla. Ang ganitong opinyon ay higit na magkakabuto’t lamán kung sisipatin na ang mga bagitong manunulat ay tila may artipisyal na karunungan at hindi kumakawala sa parametro’t paradigma ng kanilang mentor. Kung sisipatin sa ibang anggulo, ang isang mentor ng tula ay nagsisilbing patnubay lamang, halimbawa, kung paano sumulat at bumalangkas ng mga piyesang may tugma’t sukat, ngunit sa bandang huli ay diskarte na ng isang mag-aaral ng tula kung paano niya isasalin sa papel sa malikhaing paraan ang guniguning daigdig na sumilang sa kaniyang utak. Ang mentor ay dapat magtaglay ng pinakamabagsik na puna pagsapit sa palihan, upang matauhan ang isang bagitong manunulat. Si Virgilio S. Almario bilang kritiko at guro ay sadyang napakahusay na dapat kilalanin. Ngunit hindi lahat ng kaniyang mga tinuruan ay naging dakila; ang iba’y nagkusang mapariwara. Ang nagiging dakila lamang na makata ay ang may lakas ng loob na lumihis at lumampas sa itinuturo ng kaniyang guro. Sa ganitong pangyayari, ang ibang mga mag-aaral ng tula na salát sa imahinasyon at talino ay nakatakdang magpailalim lámang sa kani-kanilang guro habang hirap na hirap tumuklas ng sariling tinig bilang pagsunod sa pamantayan. Kung babalikan ang aking aklat, ang titis ng pagsalungat ay mababanaagan doon sa payak na paraan; at ang konstelasyon nito ay higit na mauunawaan kapag sinangguni ang mga sumunod kong aklat ng tula.

“Pero understandable naman sa case ni Añonuevo dahil feeling ko, nagsisimula pa lang s’ya [sic] sa aklat na ito,” wika pa sa pabaklang himig ni Padilla. “Halata naman e. Labo-labo kasi ang tema. Walang isang pinapaksa ang mga tula. Parang potpourri. Pero mahuhusay.” Marahas at mapanlagom ang ganitong puna (na hindi dapat ulitin o tularan ng iba pang nagrerepaso ng aklat), sapagkat hindi isinaalang-alang ni Padilla ang kabuoang balangkas ng aklat. Ang tunay na kritiko ay hindi magsasabing “feeling ko. . .” dahil utak dapat ang pinagagana sa pagsusuri. Kahit bata pa noon ang awtor ng Paghipo sa Matang-Tubig ay may kakaiba na sa testura ng kaniyang pananalinghaga (na maituturing na mapangahas) na hindi matatagpuan sa mga makatang nauna sa kaniya. Mukhang labo-labo lang ang mga tula dahil ang pagkakalatag ng mga tula ay tinipid, at totoong tinipid ang mga pahina at papel. Sa kabila nito, masasalat sa mga tula ang pagtatangkang maglaro sa mga tinig, ang mga tinig na nagsasagutan kung hindi man nagsasalimbayan, na ipinaloob sa mga guniguning tauhan. Isang kaululan kung ituring na ang nasabing mga persona ay siya ring makata na nagsasalita.

Ang mainiping pagbasa ni Padilla ay mapapansin sa sumusunod: “Ang di ko nagustuhan sa aklat na ito ay yung [sic] karumihan n’ya [sic]. Ang dami kasing typo error na mukhang grammatical error na. Nakakasagabal sa pagbabasa at sa pagnamnam ng mensahe ng tula.” Ano uli? Ang daming tipograpikong mali na mukhang sablay sa gramatika? Kung may nasingit man na tipograpikong mali ay hindi totoong napakarami niyon na sapat para makasagabal sa pagnamnam ng “mensahe ng tula.” Ang tula ay hindi basta paghahatid ng mensahe, gaya ng maling akala ni Padilla. Ang tula ay nakasandig sa mga pahiwatig, na ang Punto A ay hindi basta pagdako sa Punto B, sapagkat maaaring lumiko muna sa X,Y,Z bago makarating sa C, kaya ang Punto B ay hindi ang inaakalang mensahe, at ang Punto A ay hindi na magiging Punto A pagsapit sa dulo ng tula. Sa pagitan ng mga punto ay naglalaro ang mga pananaw, pananalig, at pagdama, bukod pa ang kapangyarihan at espasyong-panahon, na hindi kagyat na mahuhuli sa isang iglap lalo kung isasaalang-alang ang kultura, gaya ng nakapanindig-balahibong “Isang takipsilim sa Sagada”:

          Lukob ng ulap
     Ang bundok; sobrang lamig.
          Loob ng yungib
     Ay niyanig ng pasyok.
          Wala nang ibon.

Hindi sa pagbubuhat ng bangkô, ngunit hindi ganito tumula ang mga Balagtasista kung hihiramin ang termino ni Almario. Sa unang malas ay waring naglalarawan lamang ng tagpo ang persona. Kapag ipinasok ang punto de bista sa isang matalas na persona, ang lunan ay nagiging kahindik-hindik, kung isasaalang-alang ang isang sagradong yungib sa Sagada, ang yungib na tila kumakain sa natitirang katinuan ng personang nagpapahiwatig ng pagbangon ng mga kaluluwa na pawang pinukaw ng pasyok at ng nangangatal na dayo kung hindi man panauhin. Ang kakatwa ay ikinubli ang naturang hindik sa panloob na tugmaan, sa hugis ng tula, at sa gansal na sukat ng mga taludtod. Nang dumalo ako sa palihan ng LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo), wala akong nakitang nauna sa akin o kapanabayan ko na ganito kung manalinghaga.

Kahanga-hangang bumasa ng tula itong si Padilla. Pansin nga niya, “Hindi ko rin nagustuhan yung [sic] mga tulang may pagka-homophobic tulad ng ‘Diona kay Diana’ at ‘Limot na gaybar.’” Paanong naging homophobic ang ganitong mga tula? Kapag inilarawan ba ang isang gaybar ay homophobic na ang tula? Kapag inilarawan ba ang isang tauhan ay masasabing homophobic na ang tula? Labis ba ang kargada at kiling ng salitang “bakla” kaya iniwas-iwasang gamitin sa tula? Marahil kailangan nang magpalit ng lente itong si Padilla. Hindi mauunawaan ng gaya ni Padilla ang tinutukoy kong gaybar kung hindi siya nakapaglibot sa buong Maynila noong mga dekada 1980-1990. Ang nasabing gaybar na isang isinaharayang lunan, bagaman may pagkakahawig sa mga ikonikong gaybar ng Maynila noong hindi pa naglilinis ng bakuran si Alfredo Lim, ay hindi ordinaryong pook (na wari’y metaberso sa ngayon) na ituring mang aliwan ay nagmimistulang impiyerno sa paningin ng personang nagsasalaysay:

Limot na gaybar

Gabi. Nagbabato ng usok
ang sigarilyo sa malalanding
ilaw-dagitab ng kuwarto.
Tila nakapakong bisagra
ang isang baklang naghihintay
sa tabi ng malagkit, maitim na hagdan.
Nangangamoy ang sahig ng bulwagan
sa serbesa, tamod, dura, suka.
Sa salamin ng kisame, 
maaaninag ang dalawang katawan
na nagpipingkian sa karimlan,
at ang dalawang ulong bumabasag
sa mga halakhak at tsismisan.
Kinikiliti ng mahahaba’t hubad
na hita ang libog, lungkot, kaba, poot.
Kumakain ng mga salapi’t papuri
ang indayog, ungol, ngiti’t kisapmata.
Tila mga nagliliyab na hiyas
ang iba’t ibang hugis ng matang
nagkukubli sa karimlan: walang imik.
Nagngangalit sa pag-awit ang estereo
nang lumapag sa umuugang mesa
ang dalawang supot ng droga.
Nag-usap ang mga daliri. At lumabas
sa bulsa ang mga ubeng salapi.
Matapos ang inuman at kuwentuhan,
lumisang may sugat sa puwit, dibdib
ang isang makisig na binatilyong
walang pangalan, walang tirahan. 

Ganito ba sumulat ang mga tanyag na baklang makata sa Filipinas noon? Walang naglalakas-loob noon na isiwalat ang ganitong tagpo, sa paraang banayad, payak, at napakalamig ng loob, at hindi mapanuos o linyadong bading gaya sa “Maselang bagay ang sumuso ng burat” ni Nicholas Pichay. Paanong naging homophobic ang ganitong uri ng pananalinghaga? Kahit ang mga kasama ko sa LIRA, at isama na ang mga macho ng GAT (Galian sa Arte at Tula) noon ay hindi ganito tumula. Kung babalikan ang pagdulog ni Padilla, ang tula ay hindi masasabing basta “pagpapahatid ng mensahe” sapagkat ang alamis sa pagitan ng mga salita ay kumakalag sa katinuan ng persona, na hindi maipapalagay na nagsasabi ng kung ano ang tama o mali [o kaya’y kung katanggap-tanggap o hindi] bagkus iniiwan sa mambabasa ang nakaririmarim na tagpong ang kakatwa’y itinuturing na aliwan ng mga bakla at matronang masalapi. Ngunit higit pa rito, mapanlansi at nagkukubli ng bitag ang paglalarawan ng pagmumukha at pagpapamukha ng isang anyo ng aliwan, na ang sex ay hindi basta sex, bagkus waring nasa karnabal na kaugnay ng bulok na sistema ng lipunan, na ang mga mamamayan ay nalulustay, napapabayaan, at nahuhubog sa aparato ng pagdurusta at karukhaan ng mga kalooban, samantalang ang nagmamasid ay unti-unting nababato at nagiging bato ang katauhan sa paglipas ng mga araw.

Isang liksiyon ang ginawang pamumuna ni Padilla sa aking tulang “Pagkilala.” Pinuna niyang, “Niromanticize pa ni Añonuevo ang suicide, at ang graphic ng paglalarawan niya. Nakakaloka.” Wala sa lugar ang kaniyang pagsipi, at hindi nabigyan ng kahit munting pagsipat ang pahiwatig ng personang nagsasalita sa tula. Heto ang buong tula, na hindi ipinakita ni Padilla:

Pagkilala

Noong nagbigti ang aking kaibigan,
Gumuhit sa silid ko ang katahimikan.
At walang mga magulang ni kaanak
Na lumuha sa ritwal ng pagpanaw.
Nakabibingi ang ugong ng halakhak
Ng mga sugarol sa gabi ng lamayan.
At naalaala ko ang mga sandaling
Nagpilit siyang sumulat ng mga tula.
Hindi siya sumikat na manunulat
Ni pinalad na magwagi sa timpalak.
Ngunit tiningala’t iginalang ko siya
Hanggang sa pagpili ng kamatayan:
Gumiwang-giwang siyang medalyon
Na nakasabit sa kisame, nakadila,
Habang nagpupugay ang maiingay
na bangaw.

Paano ni-romanticize ng makata ang pagpapatiwakal [suicide], gaya ng haka ni Padilla? Uulitin ko, ang persona sa tula ay hindi ang makata. Ang persona na nilikha ng makata ay may sariling daigdig, at kung paano tinatanaw ng naturang persona ang daigdig ang magbibigay ng puwang para sa sangkaterbang pahiwatig. Maaaring ang persona ay higit na nakakikilala sa kaniyang kaibigan, at taliwas sa asal ng kaniyang mga magulang at kaanak. Hindi nakita ng naturang mga tao ang itinatagong “galíng” ng nagpatiwakal, at marahil, ibang-iba ang kanilang pananaw sa pananaw ng pumanaw. Ang tahimik na paglalarawan sa nakabigti ay nakayayanig, sapagkat ang nakaririmarim na tagpo ay waring sumisigaw ng “Pakyu! Pakyu, pipol!” Kung sisipatin sa tradisyonal at moralistang pagtanaw, ang pagpapatiwakal ay karapat-dapat tumbasan ng paghamak at apoy ng impiyerno. Kung sisipatin naman sa ibang anggulo, gaya sa mga pananaludtod ni Antonin Artaud, ang pagpapatiwakal ang paraan ng pagbawi ng dangal at kapangyarihang makapagpasiya sa loob ng sarili, ang paglihis sa itinatadhana ng de-kahon at materyalistikong lipunan, ang pagdududa sa mga diyos, at ang mga bangaw na tumatakip sa bangkay ang isang anyo ng damit ng kalupitan, na umuuyam kahit sa mga pinakamalapit na kadugo. Kakatwang mapapansin ni Padilla na hindi nasa malaking titik ang /n/ sa “na” ng huling taludtod. Sinadya ito upang ituring na ang huling taludtod ay kaugnay ng penultimang taludtod.

Totoong bata pa ako nang sinulat ko ang Paghipo sa Matang-Tubig. Ngunit ang kagaspangan (kung kagaspangan mang matatawag) nito ang nagpapaningning sa pananalinghaga, at may pagtatangka nang sumuway sa mga naunang paraan ng pagtula. Hindi rin dapat ikahiya ang ganitong paraan ng pagtula, dahil kahit nagsisimula pa lamang ako noon ay ibang-iba na ang tabas ng aking dila na tinumbasan ng suwail na guniguni kung ihahambing sa aking mga kapanahon. Maipapalagay na isang ehersisyo itong aklat, suntok-sa-hangin at suntok-sa-buwan, na pagkaraan ay napakasinop na itutuwid sa mga aklat kong Pagsiping sa Lupain (2000), Liyab sa Alaala (2004), at Alimpuyo sa Takipsilim (2012).

Ang totoo’y lampas na ako sa mga palihan, at hindi gaya ng ibang iyakin at halos magpásagasà sa tren kapag pinuna nang todo ang mga obra. Hindi na ako natatakot pa sa anumang banat sa aking mga tula. Hindi ako ang mga sinulat kong tula. Hindi personal at mapagkumpisal ang aking mga tula, sapagkat sa oras na lumikha ng persona ang isang makata sa loob ng kaniyang tula, ang personang ito ay walang pakialam kung anuman ang estado ng makata at iyon dapat ang manaig. Nagkakaroon ng sariling búhay (at identidad) ang persona at nagkakaroon ng sariling daigdig, at kung sakali’t mabigo ang isang makata sa kaniyang pagsasaharaya, maaaring kulang ang kaniyang mga “teknikong kahandaan” sa pagtula kung hihiramin ang dila ni Cirilo F. Bautista. Gayunman, ibang usapan na ito, na dapat matutuhan ng isang babakla-baklang kritikastro na gaya at kauri ni Steno Padilla.

Alimbúkad: Epic poetry rant against mediocrity. Photo by cottonbro on Pexels.com