Malaking puwang ng pagsisiyasat ang mabubuksan kung ituturing ang tula bilang panlipunang sikolohiya. Maipapalagay na ang tula, gaya ng sikolohiya, ay bumubuo sa pag-aaral ng estado ng isip, damdamin, at katawan ng mga tao. Kung ganito nga, at kung hihiramin ang dila ni Carl Jung, ang tula ay maaaring maipailalim na paksa sa sikolohiya; at ang tula ay maaaring gamiting kasangkapan upang hawanin ang sukal ng loob, pagaanin ang isip, paginhawahin ang katawan, at ayusin ang ugnayan ng mga tao. Nagmumula sa magkabukod na larang ang “tula” at ang “sikolohiya,” na ang tula ay mapanlagom at malawak ang saklaw, samantalang ang sikolohiya ay tumutukoy sa maliit, espesyalisado, at esklusibong saklaw na may partikular na pagdulog sa kalusugan ng isip ng mga tao.
Kung babalikan ang astrolohiya, halimbawa, hahatiin ng astrolohiyang kanluranin ang personalidad ng mga tao alinsunod sa labindalawang planeta, na ang bawat planeta ay sumasagisag sa mga katangian ng tao. Hindi malalayo rito ang astrolohiyang Tsino, na ang personalidad ng tao ay ibinatay sa mga katangian ng hayop alinsunod sa pagbabago ng buwan. Ang ganitong pagdulog upang unawain ang magiging isip at damdamin ng mga tao ay maiisip na pagsasaayos at pagbubukod ng panlipunang ugnayan na may pagpapahalaga sa pakikipagkapuwa at pagtuklas sa angking kakayahan ng bawat tao. Ngunit higit pa rito, hinuhulaan ang magiging resultang ugnayan kapag pinagsama ang magkakaibang personalidad. Ang astrolohiya ay maituturing na ibang anyo ng sikolohiya, kung susundan ang teorya ni Jung, at ang kapangyarihan ay nakasalalay sa lawas ng mga sagisag na ginagamit ng salinlahi sa paglipas ng panahon.
Para kay Sigmund Freud, ang akdang pampanitikan ay sintomas ng sakit ng manunulat; na ang akda ay maitutumbas sa panaginip, samantalang ang awtor ang nananaginip. Taglay ng panaginip ang mga sikil na pagnanasa at maiitim na pangitain, at salamat sa panaginip ay napawawalan ang gayong pagpipigil para mapaginhawa ang isip at loob ng tao. Magagawa nang malaya ng manunulat ang anumang ibig niya sa loob ng kaniyang tula o katha, at mababatid ninuman ang sakit ng manunulat kung susuriin ang akda nito. Upang malunasan ang sakit ng isip, kinakailangang buksan ang kubling-malay (na naglalaman ng sukal ng loob), at iangat sa antas ng ulirat. Sinalungat ito ni Jung na naniwalang ang akdang pampanitikan ay hindi dapat maging batayan sa pag-aaral ng kalusugan ng isip ng awtor; ang akda mismo ang nagtataglay ng mga kubling-malay ng kapuwa tao at sangkatauhan.
Sa teorya ni Jung, ang psyche ng tao ay binubuo ng tatlong bahagi: ego (malay na isip), personal unconcious (pansariling kubling-malay), at collective unconscious (kolektibong kubling-malay). Bagaman ang unang dalawa ay binanggit na ni Freud, ang ikatlong katangian ang pinamahalagang ambag ni Jung. Nakaimbak umano sa kolektibong kubling-malay ang lahat ng karanasan ng sari ng tao, at bago pa man umano isilang ang tao ay mayroon na siyang taglay na karunungan. Gayunman hindi kaya ng tao na buksan ang gayong imbakan; maaapektuhan lamang umano nito nang di-sinasadya ang tao at ang kaniyang gawi o asal. Nakapaloob sa kolektibong kubling-malay ang mga arketipo, gaya ng mga sinauna at maalamat na hulagway na “ama” o “ina,” “hayop” o “bayani.” Malaki ang naitulong ng kolektibong kubling-malay upang ipaliwanag ang samot-saring sagisag at pahiwatig na ikinakabit sa isang bagay o pangyayari, at pinakinabangan nang malaki ng panitikan at iba pang sangay ng sining. Ngunit ang ganitong pagdulog ay lumalampas sa hanggahan ng agham at pumapaloob sa mga bagay na esoterikong bibigyang gulugod ng pananampalataya. Para kay Jung, may dalawang uri ng personalidad: una, ang introvert (palaisip), at ikalawa, extrovert (palakilos). Kung sisipatin sa ibang anggulo, ang ganitong pagbubukod ng mga personalidad ay paraan ng pagsusuri kung paano pakikiharapan ang kapuwa tao, at kung paano tutuklasin ang sarili.
Kung ituturing ang tula na “salamin” ng panlipunang sikolohiya, ang tula ay maaaring sapitin ang kapalaran ng agham na nagsisikap na lutasin ang problema sa isip ng mga tao at isaayos ang ugnayan sa lipunan. Maaaring sapitin din ng tula ang kapalaran ng astrolohiya, na may pagbubukod sa mga katangian ng mga tao, at paghula sa maaaring maging resulta ng kombinasyon ng mga personalidad alinsunod sa ipinahihiwatig ng mga planeta. Maiisip ang tula na imbakan ng mga arketipo, at ang mga arketipong ito, bagaman hindi maugat kung saan nagmula, ay hahayaang maging meme na siyang magdudulot ng epekto sa asal o pagpapasiya ng tao. Ngunit ang tula ay hindi kasingkitid ng larang ng agham ng sikolohiya o astrolohiya; ang tula ay maaaring magbunyag ng mga kultura, kasaysayan, at pakikipagsapalaran ng isang lipi, ngunit hindi magwawakas doon ang silbi ng tula. Dahil kung hanggang doon lamang ang tula, wala itong kaibhan sa kronika at tala sa kasaysayang nagpapahalaga sa preserbasyon ng mga pangyayari. Ang tula ay nagsisikap na makamit ang malikhaing rekonstruksiyon ng mga pangyayari, bagay, tauhan, at iba na pawang makaiiral sa realidad ng guniguni at makatutulay sa materyal na realidad, kahit walang direktang tumbasan sa materyal na realidad at realidad ng guniguni. Ang naturang rekonstruksiyon ay ginagawa nang may lubos na pagkamalay ng matitinik na manunulat, bagaman hindi masasabi ang gayon sa lahat ng manunulat. Malawak ang posibilidad ng tula, at kabilang dito ang mga epikong pagdulog na nagsasalaysay ng mga pakikipagsapalaran ng mga bayani at pagbubuo ng kabansaan na mahirap arukin kung ang pagbabatayan lamang ay pagsusuri sa takbo ng isip at kislot ng damdamin ng mga tauhan, o kaya’y pagsangguni sa imbakan ng arketipo na lilikhain din mismo ng salinlahi para magamit ng susunod na mga salinlahi.
Maihahalimbawa rito ang Ullalim ng Kalinga na nagtatampok ng kakaibang katapangang sinusubok sa pakikidigma. Sa isang bersiyon na mula sa antolohiya ni Damiana Eugenio, aakitin ni Dulliyaw si Dulaw na nakatakdang magpakasal kay Ya-u. Mahuhulog si Dulaw sa bitag ni Dulliyaw, na naghain ng nganga sa babaeng napupusuan, habang nilasing isang gabi si Ya-u. Nang magbalik si Dulliyaw kinabukasan upang itanan ang dilag, nakasalubong niya ang isang mandirigma na mapapatay niya sa isang paghahamok. Mahuhuli at mabibilanggo sina Dulaw at Dulliyaw ng tropang Kastila, at nang ibibigay na ni Dulliyaw kay Dulaw ang isang nganga ay mahimalang naglaho ito at napulot ng dalagang si Dinanaw na naliligo sa ilog. Mabubuntis si Dinanaw nang nguyain ang nganga, ipapanganak si Banna sa takdang panahon, at si Banna ang pagkaraan ay papatay kay Dulaw. Ipababatid ng kasama ni Banna na siya ang anak ni Dulliyaw na ikinulong sa destakamento ng Sakbawan. Sasakay ang mag-ama sa sinag, at magbabalik sa nayon ng Mangobya. Mag-iibigan sina Dinanaw at Dulliyaw sa pamamagitan ng nganga, at magdiriwang ang buong pamayanan sa pagtatagpo ng mag-asawa. Sa ullalim na ito, pinahahalagahan ang nganga bilang sagisag at arketipo ng panliligaw, pag-aasawa, pagbubuntis, at pagbabati ng dalawang tao na mula sa magkaibang lipi. At ang anak ang nagsisilbing tagapag-ugnay upang magkatagpo ang dalawang tao na karapat-dapat magpakasal.
May isa pang bersiyon ang itinala ni Eugenio at higit na madugo ang pangyayari. Si Laggunawa ay napaibig kay Banna na nakatakdang ipakasal kay Dungdungan dahil nagbayad na ito ng dote sa magulang ni Laggunawa. Isang gabi, nagtagpo sa bahay ni Laggunawa sina Banna at Dungdungan, nag-away, at upang malutas lamang ang suliranin ay umisip ng pagsubok si Laggunawa kung sino ang higit na matapang sa dalawa. Sinuman sa kanila ang makaligtas sa pagtungo sa isang ili ay siyang magwawagi. Nagpunta si Banna sa Bibbila ay pinaslang ang lahat ng naninirahan doon. Nagkita sina Banna at Dungdungan, at sinabi ni Dungdungan na kung mapapatay ni Banna ang higanteng Uwon ay papayag na siyang mapunta si Laggunawa kay Banna. Pinatay nga ni Banna ang Uwon at inubos ang lahi ng Baliwon. Nagbigay muli ng pagsubok si Dungdungan, at pinatay ni Banna ang dambuhalang si Gittam. Tumanggi pa rin si Dungdungan, at ang pangwakas na pagsubok ay kailangang patayin ni Banna ang kaniyang tukayo na mula sa Agunawa. Pinugutan ni Banna ang nasabing tukayo, at itinakda ang pagpapakasal nina Banna at Laggunawa. Ngunit nanggulo pa rin si Dundungan, at sa bandang huli’y mawawakasan lamang ang paghahamok nang pumayag ibalik ni Awingan, ang ama ni Banna, ang doteng katumbas ng ibinayad ni Dungdungan sa ama ni Laggunawa.
Sa dalawang bersiyon ng ullalim, ang pagsusuri sa mga isip at kalooban ng mga tauhan ay hindi maikakahon lamang sa sikoanalisis ng agham, at maipapaliwanag sa mga limitadong termino gaya ng “muslak” (extrovert) at “sentimental (introvert)” upang ipaliwanag ang kasiningan ng salaysay o katangian ng mga tauhan. Ang buong akda ay hindi basta hinango sa materyal na realidad, bagaman posibleng may gayong kahawig na pangyayari; bagkus muling pagsasaayos ng mga kalagayan at pangyayaring kinakailangang gawing payak ng sikolohiyang umuugat sa mga sanhi ng sigalot. Higit pa rito, ang pananaw ay magbabago alinsunod sa pagtatanghal sa mga tauhang isinasatinig ng makata na malikhaing ibinabalangkas ang mga tagpong magkakaroon ng buto’t laman, at estetikang halaga at silbi, sa buong pamayanan. Kung paniniwalaan ang kolektibong kubling-malay ni Jung, ang pagpapakasal ay laging kaugnay ng bakbakan; kailangang may mamatay para may mabuhay. At ang nganga ay arketipong hulagway ng ginhawa na ang manipestasyon ay pagkakasal ng mga tao, pagbabati ng mga magkaaway, pagbubuntis ng isang dalaga, at pagsasanib ng dalawang lipi. Samantala, ihahaka naman ni Sir James Frazer sa kaniyang akdang The Golden Bough, na ang pamumugot ng ulo sa Ewropa, Kanlurang Asya, at Timog-Silangang Asya na kinabibilangan ng Filipinas ay may kaugnayan sa pagtatanim at pagpapayabong ng mais. Kung gayon nga, ang pamumugot ay arketipo ng sakripisyo ng buhay ng tao para sa pinaniniwalaang Maykapal, upang isilang ang mga pananim na siyang magbibigay ng pagkain sa sangkatauhan. Sa kabilang dako, ang pagpapahalaga sa “kasal,” “nganga,” at “pamumugot” ay umaabot sa arketipo alinsunod sa pagtanaw ng mambabasa na inilulugar ang sarili batay sa mga nagaganap sa mga tauhan. Ang naturang mga hulagway ay hindi magiging estatiko ang puwesto; mababago iyon batay sa paggamit ng makata o mambabasa o kritiko, at alinsunod sa nakikita nitong landas ng pagpapakahulugan.
Gumagamit ng isip sa paglikha ng tula, at ito ang malimit idahilan upang pag-aralan ang tula alinsunod sa ilang aspektong pangkaisipan. Bagaman saklaw ng tula ang usaping pangkaisipan, ang pagpapalagay na mauunawaan, kung hindi man malulunasan, ang sakit o pinsala sa kolektibong isip ng isang lipunan sa pamamagitan ng tula o pagsusuri nito ang mabigat na palaisipan magpahangga ngayon. Mabigat naman ang ipinapataw na pagpapahalaga sa kolektibong kubling-malay, na parang ang lahat ng di-kayang ipaliwanag ay idaraan sa sinaunang hulagway at sagisag na pawang hinahanapan ng katumbas na pakahulugan at pahiwatig para pangatwiranan ang anumang sintomas, sakit, o pinsala na matatagpuan sa akda. Ang pagsusuri at pag-arok sa tula ay hindi payak na pagbabalik sa sinapupunan, at pag-alam sa abnormalidad ng DNA (Deoxyribonucleic acid) ng mga magulang o ninuno, upang doon mabatid ang problema o sikil na damdamin ng makata at ang sakit o salimuot ng kaniyang katha. Ang pag-arok sa tula ay hindi pagtatangkang buksan ang imbakan ng arketipo, dahil ayon na rin kay Jung ay hindi kailanman matutuklas nang ganap ang laman ng nasabing imbakang maipapalagay na walang hanggahan. Maraming maisasaalang-alang sa pag-arok ng tula, at kabilang dito ang pag-aaral sa panahon ng makata, at sa kapuwa kasaysayan ng panitikan at kasaysayan ng bansa, samantalang isinasaalang-alang ang pagbabalik sa mga sagisag, pahiwatig, at pagpapakahulugang matalik sa diskurso ng bayan at siyang ginamit sa tula.
Kung ang tula ay makapaglalaman ng kolektibong sagisag, lunggati, at damdamin ng bayan, ang naturang tula ay maaaring nakakikiliti sa bahagi ng maláy na kaisipan, gaya halimbawa ng tulang “Bayan Ko” ni Jose Corazon de Jesus na nilapatan ng musika ni Constancio de Guzman at sumikat hanggang Aklasang Bayan sa EDSA; o kaya’y ng mapaggigiit na indibidwalidad ng “Ako ang Daigdig” ni Alejandro G. Abadilla noong dekada 1940. Tradisyonal ang hulagway at sagisag ng ibong ginamit ni De Jesus sa kaniyang tula kung ibabatay sa mga unang kawikaan at tekstong Tagalog, samantalang sariwa ang pagpapamalay ng “daigdig,” “tula,” at “makata” sa akda ni Abadilla. Bagaman dumukal sa iisang imbakan ng mga salitang Tagalog ang dalawang makata, nagkakaiba ang mga nalikhang pagpapakahulugan dahil sa malikhaing kombinasyon ng mga salita. Mababatid na nagbabago ang datíng ng mga arketipo, kung ibabatay sa personang nagsasalita sa tula, at kung paano babasahin ng madla ang gayong persona.
May tula na makapagtataglay ng mga bagay na mula sa kubling-malay na maaaring nakaaapekto sa mga pananaw, pag-iisip, at pagpapasiya ng tao, at siyang dapat maunawaan, gaya halimbawa ng konsepto ng “dangal,” “puri,” “loob,” “kapuwa,” “bayan,” at iba pa, na pawang di-gaanong napapansin ng mga tao ngunit isinasaalang-alang sa pagpapasiya. Maihahalimbawa rito ang mga tula at katha nina Lope K. Santos, Julian Cruz Balmaseda, at Iñigo Ed. Regalado na gumamit ng konsepto ng dangal at puri sa pambansang antas, at maikokompara sa ideolohiyang ibig isulong ng Urbana at Feliza ni Modesto de Castro na ginamit ang pangangaral sa puri at dangal upang mapanatili ang kolonyal na kaayusan. Gayunman, hindi maipapalagay na ang tula ay may tiyak na lunas na gaya ng awit ng Ibong Adarna na sasagip sa naghihingalong hari, o magliligtas kay Don Juan na pinagtaksilan ng kaniyang mga kapatid para makamit ang trono ng kaharian. Makatutulong ang tula sa pag-unawa sa mga iniisip at kilos ng lipon ng mga tao, subalit dapat pang ibitin sa ngayon ang pagsasabing ang isang tula ay lumalagom sa kolektibong pag-iisip ng sambayanan dahil unang-una’y mahirap iyon mailangkap lahat ng awtor.
Kailangang pagpakuan ng pansin ang pagpapakahulugan sa tula. Kung ang tula ay sumasalamin sa sikolohiyang panlipunan o sikolohiya ng pamayanan, ang realidad ng tula ay maaaring may direktang tumbasan sa realidad ng lipunan, ngunit hindi ito totoo sa lahat ng pagkakataon. Ang tula ay mahihinuhang huhugot ng lakas sa mga sagisag at damdaming may kaugnayan sa pangyayari, tauhan, o pakikipagkapuwa mula sa isang tiyak na lugar. At ang mga sagisag at damdaming ito ang magiging diskurso ng taumbayan pagkaraan upang magkaunawaan ang mga tao. Kung isasaalang-alang ang mga bugtong at salawikain, ang mumunting tulang ito ay hindi lamang naglalarawan o nagpapahiwatig hinggil sa isang tao, bagay, o pangyayari, bagkus nagpapasok minsan ng mga kaisipan upang maisaayos ang ugnayan sa lipunan, at maitampok ang halagahan [values] at pagpapahalaga sa mga bagay. Maihahalimbawa ang sumusunod na kawikaan:
Ang tubig ma’y malalim
Malilirip kung libdin,
Itong budhing magaling
Ang mahirap paghanapin.
Sa tanagang ito, na itinuturing na salawikain, ang hulagway ng tubig ay itinataas ang pahiwatig at iniuugnay sa budhi. Ang tubig ay hindi basta likido; ito ay maaaring tumukoy sa sanaw, sapa, talon, ilog, lawa, o dagat. Ang pisikal na anyo ng tubig ay itinapat sa budhi na elementong matatagpuan sa kalooban ng tao. Kung madali umanong maarok ang tubig, hindi gayon kadali ang pagtuklas sa “budhing magaling” na makapagpapahiwatig ng kabutihan, katatagan, katwiran, at iba pang kaugnay na katangiang makapagpapataas ng pagkatao. Kasalungat ng “budhing magaling” ang “budhing masama” na nagsasaad ng negatibong asal ng tao. Ang konsepto ng tubig ay hindi puwedeng hugutin lamang sa imbakan ng arketipo; ang tubig o tubigan ay kailangan munang maranasan ng mga tao, at iba ang magiging pagsagap sa tubig kung ang mga tao ay nasa gitna ng disyerto o sa isang bundok na salat sa tubig-tabang. Ang budhi bilang imbakan ng arketipo at siyang maitutumbas sa “pansariling kubling-malay” o “kolektibong kubling malay” ni Jung ay mahirap matagpuan, lalo’t hindi mailalarawan o maipapakahulugan ang dalumat ng budhi alinsunod sa pananaw ng mga Filipino sa isang tiyak na panahon.
Mahalagang balikan kahit ang pag-aaral sa dalumat ng “loob” na kaugnay ng “budhi” ng mga Filipino kung isasaalang-alang ang ugnayan ng tula at panlipunang sikolohiya sa punto de bista ng mga Filipino. Inilista halimbawa ni Albert Alejo ang ilang konsepto ng loob sa sari-saring larang. Ang “loob” ay maituturing na yungib ng kaisipang Filipino, haka nga ni Emmanuel Lacaba. Para kay P. Leonardo N. Mercado, mauunawa ang loob at isip ng tao batay sa pagsusuri ng kaniyang salita at kilos dahil ang mga ito “ay bunga ng isip ng tao.” Para kay Zeus Salazar, ang “loob” ay nakatuon sa emosyon, samantalang ang “budhi” ay may aspektong moral at intelektuwal; at ang “kalooban ng budhi ay tungo sa unawa.” Kung pag-uusapan ang “loob” ay hindi malalayo ang “labas” dahil ang konsepto ng “labas” ay may kaugnayan din sa pakikipagkapuwa, pananaw sa buhay, at pagkilos alinsunod sa ibinubulong ng loob. Sa pananaw naman ng kritikong Virgilio S. Almario, ang tula ay kapuwa nagtataglay ng loob at labas; at may tulang paloob at tulang palabas. Ang loob ng tula ay ang anumang disenyo at likha ng makata; samantalang ang labas ng tula ay may kaugnayan sa pag-unawa ng mambabasa o pagsusuri ng kritiko. Ang tulang paloob naman ay higit na mapagmuni, at maitutumbas sa introvert ni Jung, at may katangiang tahimik; samantalang ang tulang palabas ay nasa anyong patanghal at pabigkas, na maitutumbas sa extrovert ni Jung, at siyang ikinakabit sa gaya ng balagtasan at iba pang tanghal-tula. Kung iuugnay ang ganitong mga katangian ng tula sa panlipunang sikolohiya, ang pag-urirat ng tula ay magiging dinamiko at maaasahang kakasangkapan sa samot-saring ambag ng iba’t ibang larang.
Magiging problematiko ang tula bilang salamin ng panlipunang sikolohiya kung ang tula ay ituturing at magwawakas na may iisang tabas lamang, na ikakahon ang pagdulog sa realismong panlipunan, at sumusunod sa kumbensiyon at inaasahan o abot ng alam ng madlang mambabasa o madlang nakikinig sa pagtatanghal ng tula. Ito ay sa pangyayaring puwedeng akalain na kung may kolektibong kubling-malay ang pamayanan, maaaari ding isipin ang kolektibong ulirat nito—ang ulirat na ang hegemoniya ay maaaring kumakatawan sa kung sino ang mayhawak ng makinarya at kontrol sa paghubog ng kaisipan ng mga tao at siyang ipinapaloob sa mga tula. Ang pagkakaroon ng iisang tabas ay maaaring dulot ng makapangyarihang impluwensiya, gaya ng paggamit sa padron ni Balagtas ng mga tagasunod niyang tinaguriang “Balagtasista” ni Almario. Ang kumbensiyon ay maitatakda ng wika at anyo ng mga tula, na pawang ipinalalaganap ng mga manunulat, at inaayudahan ng mga publikasyong nagtataguyod ng mga akdang komersiyal. Kahit ang akademya ay makapagpapalawig ng kumbensiyon sa pagtula, kung ang ituturo lamang nito ay ang mga sinaunang pagtulang animo’y nakikipagbalagtasan at iiwas pag-aralan ang anumang modernistang pagdulog na ipinakilala ng mga makata sa iba’t ibang panahon. Ang kumbensiyon ay maaaring bunga ng mga pagsisikap na panatilihin ang anumang katutubong pagtula, gaya ng pagkasangkapan sa tugma at sukat, o talinghaga at dalumat, na pawang nag-ugat sa bansa. Ngunit habang lumalaon, ang labis na konserbatibong pagpapanatili ng katutubong pagtula ay mahihinuhang nakapagdudulot naman ng pagkauyot ng pagtula ng susunod na henerasyon ng mga makata.
Magbabago ang pagtingin sa tula bilang salamin ng panlipunang sikolohiya kapag pinag-aralan ang mga koleksiyon ng mga tula ni Rio Alma. Tampok sa Muli, Sa Kandungan ng Lupa (1994) ang talinghaga ng pagbabanyuhay at resureksiyon ng isang bansa, na ang pangunahing halimbawa ay nakalahok sa mala-epikong “Oriental” na sumususog kung hindi nagdaragdag sa teoryang pampanitikan ni Edward W. Said. Bukod dito, nagpapanukala rin ang aklat kung paano babasahin ang panitikang Filipinas at uunawain ang konsepto ng kabansaan alinsunod sa pananaw ng mga Filipino. Isa pang maimumungkahing pag-aralan ngayon ng mga guro at estudyante ang pinakabagong epiko ni Rio Alma na pinamagatang Huling Hudhud ng Sanlibong Pagbabalik at Paglimot para sa Filipinas kong Mahal (2009). Ang Hudhud ni Rio Alma ay mapaglaro, mapangahas, at sabihin nang mailalaban sa pandaigdigang antas. Gagamit siya ng tatlong pilas na persona sa katauhan nina Aliguyon, Jose Rizal at Kabataang Di-Kilala. Ang tatlong personang ito ay sabay-sabay maglalakbay sa kani-kaniyang dimensiyon, makikipagdiskurso sa diwa ng kasaysayan samantalang makakabangga rin ang sari-saring tauhan sa kasaysayan, mitolohiya, kultura, politika, aliwan, at iba pang aspekto ng lipunan. Ang paglalakbay ng tatlong pilas na persona ay kaugnay ng paghahanap ng kabansaan, pagpupurga ng sarili sa imbakan ng arketipo mula sa kolektibong kubling-malay at dalumat ng Filipinas, kaya masisipat na ang wakas ng epiko ay hindi pangwakas, bagkus nagbabanta ng panibagong anyo ng hudhud na ang mitikong tagapagsalaysay ay ipagpapatuloy ang pagbubunyag ng sariwang pakikipagsapalaran at ang pagsisiwalat ng bagong anyo ng buhay at kabansaan.
Panimulang pag-aaral pa lamang ang papel na ito hinggil sa tula bilang salamin ng panlipunang sikolohiya. Mahirap ikahon ang takbo ng isip at damdamin ng lipunan, at gayundin, mahirap ikulong sa iisang pakahulugan ang tula. Sa ganitong pagkakataon, ang tula ay posibleng basahin sa iba’t ibang anggulo, at ang pag-urirat sa sikolohiya ng akda ay isa lamang sa maraming posibilidad ng pagbasa at pag-unawa sa kabuuan ng akda.
(Binasa ni Roberto T. Añonuevo sa Ikaanim na Neo-Angono Public Arts Festival na ginanap sa Regional Pilot School for the Arts ng Angono, Rizal, Filipinas noong 18 Nobyembre 2009.)