Mumunting Talâ sa Aklat ng Pagkalupig, ni Nizar Qabbani

Salin ng “Hawamish ʿala Daftar al-Naksa” ni Nizar Qabbani ng Syria
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mumunting Talâ sa Aklat ng Pagkalupig

I
Mga kaibigan, ikinalulungkot ko ang sinaunang wika
At mga antigong aklat.
Ikinalulungkot ko
Ang warak na mga salita, gaya ng lumang sapatos,
Ang mga parirala ng kalibugan, paninira, at panlalait.
Ikinalulungkot ko
Ang wakas ng kaisipan na nagbunga ng pagkalupig.

II
Maaalat ang tula sa ating mga bibig,
Maaalat ang tirintas ng mga babae,
At ang gabi, at ang lambong, at ang mga puwit.
Maaalat ang mga bagay na nasa harapan natin.

III
Bayan kong kawawa,
Binago mo ako sa kisapmata
Mulang makatang nagsusulat ukol sa pag-ibig at pananabik
Tungong makatang nagsusulat nang may tangang patalim.

IV
Dahil mabigat ang niloloob kaysa ating mga aklat
Ay marapat lámang na ikahiya ang ating mga tula!

V
Hindi kakatwa kung matalo man tayo sa digmaan:
Pinasok natin ito
Nang taglay ang lahat ng silanganing sining ng retorika
At kabayanihang ni hindi nakapatay ng isang niknik.
Pinasok natin ito
Nang taglay ang lohika ng mga tambol at rebab.

VI
Ang lihim ng ating trahedya
Ay nakatutulig ang ating sigaw kaysa ating mga tinig
At higit na matangkad sa atin ang sariling mga espada.

VII
Ang kalagayan
Ay malalagom sa isang kasabihan—
Isinuot natin ang sibilisadong balát
bilang panakip sa kaluluwang pagano.

VIII
Hindi matatamo ang tagumpay
Sa pamamagitan ng plawta at pipa!

IX
Ang improbisasyon natin ay nagsilang
Ng limampung libong bagong tent.

X
Huwag sumpain ang langit
Kung pinabayaan kayo,
Huwag sisihin ang pangyayari,
Dahil idinudulot ng Diyos ang tagumpay saanman niya naisin—
Ngunit wala kayong panday na makalilikha ng mga patalim.

XI
Kay sakit marinig ang mga balita sa umaga,
At masakit sa akin kapag narinig ang tahol.

XII
Hindi tumawid ang mga Hudyo sa ating hanggahan
Ngunit nagsigapang,
gaya ng mga hantik, sa pamamagitan ng ating kahihiyan.

XIII
Sa loob ng limang libong taon
Ay namuhay tayo sa malalim na lungga
At nagpahaba ng balbas, at lingid ang pananalapi,
At naging lagusan ng pulgas ang ating mga mata.
Mga kaibigan,
Buwagin ang mga pinto!
Hugasan ang pag-iisip, at labhan ang mga damit!
Mga kaibigan,
Subuking magbasa ng aklat,
O sumulat ng aklat,
Magtanim ng mga liham, granada, ubas,
Maglayag sa mga bansang maulop at maniyebe!
Walang nakakikilala sa inyo sa labas ng lungga.
Akala ng mga tao roon, kayo ay mga lobo.

XIV
Manhid ang ating balát sa mga pakikiramdam,
Nagrereklamo ang ating diwa sa pagkabangkarote,
Ang mga araw natin ay umiinog sa mga pagdalaw,
Paglalaro ng ahedres, at nakasanayang siyesta.

XV
Tayo ba “ang pinakamahusay na bansang nilikha”?
Ang mga lumigwak nating krudo sa disyerto
Ay makapagsisilbi bilang umaapoy na patalim . . .
Ngunit
Naging kahihiyan ito sa mga maharlika ng Quraish,
Naging kahihiyan ito sa timawa ng Awse at ng Nizar
Dahil ibinubuhos para yapakan ng mga aliping babae.

XVI
Nagsisitakbuhan tayo sa mga lansangan,
At ipit-ipit ng kilikili ang mga lubid.
Kay hihina nating mga karpintero!
Binabasag natin ang mga salamin at kandado.
Pumupuri tayo gaya ng mga palaka,
Sumusumpa tayo gaya ng mga palaka.
Ginagawa nating bayani ang mga unanò
At ang mga duwag ng mga Maharlika.
Nagtitindig tayo ng mga bayaning balyan . . .
Mga tambay,
Tayo’y umuupo sa loob ng mga masjid
Bumabása ng mga berso, o kumakatha ng kawikaan
At namamalimos ng tagumpay laban sa kaaway
Mula sa kamay ng Maykapal.

XVII
Kung sinuman ang magbibigay sa akin ng pahintulot—
Kung makakapanayam ko lamang ang Sultan,
Sasabihin ko sa kaniya: O panginoong Sultan,
Ang mababalasik mong aso’y pinunit ang damit ko.
Ang mga ahente mo’y malimit nakabuntot sa akin,
Nasa likuran ko ang kanilang mga mata,
Nasa likuran ko ang kanilang mga ilong,
Nasa likuran ko ang kanilang mga paa.
Tulad ng hindi matatakasang kapalaran,
Binubugbog nila sa tanong ang aking asawa,
At itinatala sa kanilang mga aklat
Ang mga pangalan ng aking mga kaibigan.

O panginoong Sultan,
Dahil dumulog ako sa mga piping pader ng iyong lungsod—
Dahil sinikap kong ibunyag ang pighati at ang kagipitan—
Pinagpapalo ako ng sapatos.
Pinilit ako ng mga kawal mong kainin ang aking sapatos!

XVIII
O panginoon,
Ang aking panginoong Sultan,
Dalawang ulit kang nabigo sa digmaan
Dahil walang dila ang kalahati ng buong sambayanan.
Ano ang silbi ng mga tao na wala namang dila?
Kalahati ng populasyon ng mga mamamayan
Ay sinusukol na gaya ng mga langgam at daga
Sa intramuros.
Kung pahihitulutan ako ng sinuman para makaraan
Sa mga kawal ng Sultan,
Sasabihin ko sa kaniya: Dalawang ulit kang bigo sa digmaan
Dahil bumukod ka nang malayo sa bawat kondisyon ng tao.

XIX
Kailangan natin ang napopoot na salinlahi.
Kailangan natin ang salinlahing lumilinang ng panganorin
At hinuhukay ang kasaysayan mula sa pinag-ugatan nito,
Hinahalukay ang kaisipan mula sa kailaliman—
Kailangan natin ang susunod na salinlahi
Na may naiibang tabas ng katangian
Na hindi nagpapalusot ng mga mali, hindi nagpapatawad,
Hindi yumuyukod
At hindi natututong magsinungaling.
Kailangan natin ang dambuhalang
Salinlahi
Ng mga paglisan.

XX
Mga anak,
Mulang Atlantiko hanggang Karagatang Indiyo,
Kayo ang lungtiang trigo:
Kayo ang salinlahi na lalagot sa mga tanikala,
Ang magwawakas nang lubos sa opyo sa mga utak
At papaslang sa mga ilusyon.
Mga anak, mga inosente pa kayo
At gaya ng hamog ay dalisay.
Huwag basahin ang hinggil sa aming bigong salinlahi.
Mga anak,
Bigo kami . . . walang saysay tulad ng butong pakwan,
Nabubulok gaya ng lumang sapatos.
Huwag basahin ang aming mga balita,
Huwag sambahin ang aming mga monumento,
Huwag tanggapin ang aming mga diwain.
Kami ang salinlahi ng trangkaso, sipilis,
At tuberkulosis.
Kami ang salinlahi ng mga impostor, mananayaw
Sa mga lubid.
Mga anak!
Ulan sa tagsibol, mga sibol ng pag-asa!
Kayo ang malulusog na butil sa aming tigang na búhay,
Ang salinlahing lulupig sa aming pagkalupig!

(1967)

Pagtitika sa anumang pagyao, ni Jorge Luis Borges

Salin ng “Remordimiento por cualquier defuncion,” ni Jorge Luis Borges ng Argentina
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas

Pagtitika sa anumang pagyao

Malaya sa ating taglay na gunita at sa pag-asa—
walang hanggan, abstrakto, halos hinaharap—
ang patay ay hindi patay: ito ay ang kamatayan.
Gaya ng Bathala ng mga mistiko,
na anila’y kabaligtaran ang mga ipinapahayag,
ang patay saanman ay wala kundi pagkawasak
at kawalan ng mundo. Ninakawan natin ito ng lahat,
at ni hindi nag-iwan ng isang kulay o isang pantig:
heto ang bakurang tinanggihang pukulin ng tanaw,
ang landas na inililigaw ang taglay na pag-asa.
Kahit ang iniisip natin ay maaaring iniisip din nito;
pinagsasaluhan natin, gaya ng mga magnanakaw,
ang kagila-gilalas na yaman ng mga gabi at araw.

Ukit sa Puntod, ni Jorge Luis Borges

Salin ng “Inscripcion sepulcral,” ni Jorge Luis Borges ng Argentina
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ukit sa Puntod

Para kay Koronel Isidoro Suárez, ang aking lelong

Lumampas sa Andes ang kaniyang katapangan.
Nakihamok siya laban sa mga bundok at hukbo.
Kapangahasan ang gawi ng kaniyang espada.
Ganap niyang winakasan sa Junín ang bakbakan
at itinigis sa mga sibat ng Perú ang dugong Español.
Itinala niya ang listahan ng pambihirang tagumpay
sa prosang mahigpit gaya ng pandigmang trumpeta.
Yumao siyang bilanggo sa kay lupit na destiyero.
Heto siya ngayon—isang kuyom na abo at dakila.

Ang Pamilihan, ni Oktay Rifat

Salin ng “Pazar,” ni Oktay Rifat (Oktay Rifat Horozcu) ng Turkey
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Pamilihan

Kawangis nila ang mga barbarong bathala,
na pawang marubdob, tahimik, at maringal,
suot ang itim na damit at nakagora,
balbasin, at maluwag ang tabas ng pantalon,
yari sa goma ng mga gulóng ang sapatos,
nagtatanghal ng mga kilím na may mga usá,
naglalatag ng mga telang búlak na may pintá,
at háin ang mga piraso ng keso, kamatis, at ígos
na nasa gitna ng kanilang nakangangáng bákol.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extra-judicial killing. Yes to human rights. Yes to humanity!

Shona: Awit sa Pagbabayo

Salin ng katutubong awit ng Zimbabwe na inawit ni Apollonia Hodza
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo,                          batay sa bersiyong Ingles ni Aaron C. Hodza

Shona: Awit sa Pagbabayo

Ikaw na kabilang sa pook pulungan ng mga lalaki,
Ang tangan mong nilupak ay dapat sapat na ang dami;
Nakapapagod din naman ang pagbabayo ng mais.
Noong bata pa ako’y tumatawa ka nang malimit
Dahil lagi nang tumutulo ang uhog ko’t gusgusin.
Ano ba ngayon ang lagi mong napapansin sa akin?
Dahil ba nakita mo ang gayuma ng aking dibdib
Na bilog, malambot, at ang utong ay tirik na tirik?
Bakit ka naninilip sa likod ng punong mabolo?
Sumasasál ang tibok ng puso mo sa pagbayo ko,
Habang unti-unting nadudurog ang mais sa lusóng,
Habang unti-unting nadudurog ang mais sa lusóng.

Impong Polinesyo, ni Talosaga Tolovae

Salin ng “Polynesian Old Man,” ni Talosaga Tolovae ng Samoa
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Impong Polinesyo

Nagtataka lámang ako,
. . . . . . . . . .O, impo,
kung bakit umiiwas sumulyap ang mga mata mong kaypula
kapag lumabas akong magara ang suot na Amerikana,
at kumikinang ang pares na metalikong botang Italyana.

Nagtataka lámang ako,
. . . . . . . . . .O, impo,
kahit iniuwi sa iyo ang tatlong-taóng titulado ng lahing puti,
ay taglay mo pa rin ang nababalisâ, duguang mga mata.

Nagtataka lámang ako,
. . . . . . . . . .O, impo,
na bago ka tuluyang yumao’y tinanggihan mo ang itim
na botang Italyana, ang bagong itim na Amerikana,
ang salaping pilak na pampagamot sa duguang mata
na marangyang handog ng iyong edukadong kadugo.

Nagtataká ako kung bakit,
. . . . . . . . . .O, impo,
itong kutob ko’y kabado kang makatagpo ang maputla
at mababaw na kayumanggi mong Polinesyong anak—
na may kutis ng puting lahing maángas kung maglakad.

Abiku, ni Wole Soyinka

Salin ng “Abiku,” ni Wole Soyinka ng Nigeria
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Abiku

Batang lagalag. Ang parehong batang namatay at paulit-ulit nabubuhay upang  salantain ang ina. —Paniniwalang Yoruba

Walang saysay ang mga borloloy na galáng ninyo
Na paikid na gumagayuma sa aking mga paa;
Ako si Abiku, na nanánambítan sa una
At paulit-ulit na pagkakataon.

Dapat bang itangis ang mga kambing at báka
Kapalit ng langis ng niyog at inihasik na abo?
Hindi nagpapasibol ng agimat ang mga ube
Upang tabunan ang mga galamay ni Abiku.

Kapag sinunog ang balát ng isang susô’t
Pinatalas ang nagbabagang piraso, sakâ itinatak
Nang mariin sa aking dibdib, dapat batid na ninyo
Kung muling nanánawágan sa inyo si Abiku.

Ako ang ngipin ng tapilak, na kumalag-kalag
Sa palaisipan ng palmera. Tandaan ninyo ito:
Ihukay pa ako nang malalim na malalim
Tungo sa namamagang paa ng bathala.

Minsan at sa paulit-ulit na yugto, di ako tumatanda
Bagaman nákasusuká na, at kapag ibinuhos ninyo
Ang tagay sa anito, bawat hintuturo’y tinatangay
Ako malapit sa aking pinanggalingan, sa pook

Na tigmak ang lupain sa luha ng pagdadalamhati.
Hinihigop ng puting hamog ang mga tigmamanok,
Kinakaibigan ng gabi ang gagamba’t binibihag
Ang mga gamugamo sa mga bulâ ng tuba.

Gabi na, at sinisipsip ni Abiku ang natitirang langis
Sa mga tinghoy. Mga ina! Ako ang nanánawágang
Ulupong na pumupulupot sa inyong mga pintuan
At tumitilaok bago ang pagpaslang.

Ang pinakahinog na prutas ang pinakamalungkot
Na aking ginagapang. Ang init ay nakasusulasok.
Sa katahimikan ng mga sápot, umungol si Abiku,
At inihugis ang mga tumpok mula sa pulá ng itlog.

Stop weaponizing the law. Stop militarizing the bureaucracy. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extra-judicial killing. Yes to human rights. Yes to humanity!

Sa Uxmal, ni Octavio Paz

Salin ng “En Uxmal,” ni Octavio Paz ng Mexico
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Sa Uxmal

1.  ANG BATO NG MGA ARAW

Araw ang oras;
Oras: araw ng bato;
Ang bato’y dugo.

2. TANGHALING-TAPAT

Dilát ang sinag.
Basyong minuto’ng oras.
Ibon sa eyre.

3. HÁPON

Pusyaw ang sinag,
Mga haligi’y gising,
Sayaw na pirmi.

4. GANAP NA ARAW

Bakát ang oras:
Di man kíta ang ibon,
Kulay ang awit.

5. MGA GINTONG KUSING

Ang ulan, sumasayaw, mahaba ang buhok,
May mga galáng ng kidlat ang bukong-bukong,
Ay lumusong sa saliw ng mga kalatong:
Dumilat ang mais, at marahang lumusog.

6. ANG AHAS NA UKIT SA MOOG
Huminga, nanginig, umalon ang moog sa araw
Ang fatek na buháy na kabiyak ng kalangitan:
Tinungga ng tao ang araw, ang tubig, ang lupa.
At lahat ng búhay ay taglay ng ahas na gigíl
Sa ulong sakmal-sakmal ng kaniyang mga pangil:
Lumalamon ng dugo’t tao ang mga bathala.