Pulo ng Puso, ni Roberto T. Añonuevo

Pulô ng Pusò

Roberto T. Añonuevo

Ang gunitâ ng mga paá ay payák, gáya ng kiná Messi at Maradona, at lumahók man sa kampeonáto ng Grondonísta ay makálulusót lában sa bombéro at kortína, babákunáhan ang tarantádong hugadór rustíko, iíwan ang págong na libéro at háyop na doblé síngko, paíiyakín ang mainíting gágo, tatakbóng humáhagibís hábang pinátatalbóg o pinágugúlong ang bóla, hindî kailánman buwakáw bagkús liríko kung magpása, at sa pamámagítan ng kányo o sombréro o chílena ay magpápamálas ng golazonón pára pasabúgin ang líbong Bombonéra sa hiyáwan at kargáda. Ganiyán ang madaráma mo sa óras na sumápit sa Pulô ng Pusò. Malúlulà ka roón sa dalúyong ng mga táo, malilímot nang pánandalî ang probléma o trabáho, at mábibingí sa nakáririndíng sigáw na “Henyó henyó henyó, ta ta ta ta, goooooooooool!” Hindî mo mawarì kung saán ka lulugár, gayóng hindî namán infiltrádong hungháng, lálagabóg ang mga tibók mo, at atakíhin ka man sa pusò’y nakángitî pang yayakápin ang kamatáyan. Ikákabít mo ang pag-íbig sa poók na itó, makikísimpatyá sa mga tigmák sa luhàng trápo ng mga ámargo, at pára kang idudúyan ng mga táo na lumúlundág sa galák, tátangayín ng indáyog ng punyagî at tagumpáy, warìng malagíhay sa umaápaw na Vino Toro o kayâ’y sinipà ng espirítu ng Férnando, at pápakyawín ang lahát ng chóripan úpang ipámigáy sa lahát ng pagál at gutóm makáraáng humupà ang lábis na kasiyáhan. Sa Pulô ng Pusò, ang minámahál mo’y walâ sa dibdíb ng báwat panatíkong tagásubaybáy, bagkús nása kólgadong íbig maglarô ngúnit minálas na magpakínis ng bangkô. Sapagkát mayroón siyáng mga paá ngúnit nabigông maípakíta ang galíng sa gambéta; mayroón siyáng úlo subálit hindî nasúbok káhit sa isáng pálomíta. Tatahímik siyá gayóng naglálagabláb ang loób; tatandâan ang páng-aasár ng mga hindót at intsa, halímbawà, kung tawágin siyáng kúlyado gayóng guwápong-guwápo. Ngúnit dáhil túnay niyáng isinápusò ang áwit ng mahál mo, magsasánay siyá nang magsasánay, tátanggapín ang katángahán, mag-aáral nang mag-aáral umulán man o umáraw nang mahigtán ang Bielísta, isasádulâ sa guníguní ang mga angguló ng supérklasíko, hanggáng isílang ang kanáng paá na Ronaldinho at ang kaliwàng paá na Ronaldo. Sa Pulô ng Pusò, hindi mapipígil ang dáloy ng dugô—kayâ’t humáyo sa wikà ng músa mong sinúsuyò.

Alimbúkad: Poetry opening the world of possibilities. Photo by Pixabay on Pexels.com

Kamusmusan, ni Antonia Pozzi

Salin ng “Innocenza,” ni Antonia Pozzi ng Italy
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Kamusmusan

Nagpanginig ang sinag-araw
sa makitid na bangka
nang dumait  sa mga tuhod
kong  muslak na batang hubad
at ang luwalhating sanhi
ng dusa sa silakbo ng dugo
ay lingid sa kaniyang málay.

Pacquiao at Sagisag ng Bayan

Mayayanig sa darating na linggo ang buong mundo sa oras na maglaban sa ibabaw ng lona sina Manny Pacquiao at Juan Manuel Marquez. Hihinto sa trabaho ang mga karaniwang tao, uupo sa harap ng telebisyon o sa tabi ng radyo, at habang ngumangata ng sitsirya o tumotoma ng serbesa ay magpapalitan ng maaanghang ng opinyon hinggil sa gilas at tibay ng magkatunggali. Tatabo nang malaki ang telebisyon sa pag-ulan ng anunsiyo; magsisikip ang mga bar sa mga parokyano’t miron; at papakyawin sa kalye ang mga tisert o anumang produktong may tatak ni Pacquiao. At si Pacquiao ay hindi na mananatiling Pacquiao na isang karaniwang boksingero, bagkus isusuot din niya ang katauhang sumasagisag sa lunggati, pagsisikap, at katauhan ng mga Filipino.

Kahanga-hangang kabulastugan iyon, at kabulastugan na pinagkakakitaan at paulit-ulit na pagkakakitaan ng malalaking negosyo na kumakalakal sa boksing at lumilikha ng mga panibagong pagpapakahulugan sa “pagkabayani” at “pagkamakabayan.”

Si Pacquiao na nilikha ng mass media ay ipipilit na ipalunok sa atin na siya ang sumasagisag sa buong Filipinas, at iyon ay isang anomalya na dapat pagbulayan nang maigi.

Iba ang lárang ng boksing kaysa tunay na nagaganap sa Filipinas. Pinaiikot ng malalaking negosyo ang boksing, at ang boksing ay hindi malalayo sa mga sinaunang koliseo na nagtatagisan ang mga armadong mandirigma, at kung sino ang magwagi ay aani ng papuri at pagkilala mula sa mga sabik na maharlika at madlang sabik sa pagdanak ng dugo.

Kumikita nang napakabilis ang mga boksingero at promoter, samantalang ang dapat sanang yaman na ilalaan sa mga dukha at kulang-palad sa iba pang panig ng daigdig ay ipinagkakait ng mayayamang bansang kinakalakal kahit ang mababalasik na digmaan. Bumubulusok sa kawalan ang pagpapahalaga sa buhay; at ang tagisan nina Pacquiao at Marquez ay nagluluwal ng mga baluktot na pananaw at halagahan hinggil sa pagyaman, pagsikat, at pananaig.

Hindi kayang ipaloob ni Pacquiao sa kaniyang sarili ang kabansaan ng Filipinas sa pamamagitan ng kaniyang mga kamao. Ang taguri sa kaniyang “pambansang kamao”—na pinalalaganap ng gaya ng Solar Sports at GMA 7— ay bulaklak ng dilang nagsasaad ng kagila-gilalas na tapang at tatag ng buong bansa, ngunit ang pakikipaglaban ni Pacquio ay hindi totoong “para sa Filipinas” bagkus para sa kaniyang sarili lamang. Hindi rin para sa diasporang Filipino ang tagumpay o kabiguan ni Pacquiao—bagaman malayang isipin ang gayon—dahil hindi kayang saklawin ni Pacman ang loob at isip ng lahat ng Filipino. Maaaring katanggap-tanggap si Pacquiao sa mga taga-Metropolis, ngunit maiiba ang sitwasyon kapag dumako na sa malalayong rehiyon ng Filipinas.

Higit sa lahat, iba ang pakikibaka ng Filipinas kompara kay Pacquiao, at maihahalimbawa na ang pagnanasa nitong ayusin ang pagpapatakbo ng pamahalaan, paunlarin ang agaw-buhay na ekonomiya, pagyamanin ang nalulusaw na kultura, at patalsikin sa puwesto ang mga tarantadong opisyal na patuloy na ginagatasan ang bansa sa pamamagitan ng mga maanomalyang kontrata at programa. Ang gayong pakikibaka ay hindi madadaan sa suntukan, bagkus sa maláy at nagkakaisang kilos ng sambayanan.

Kung si Pacquiao ang metonimiya ng Filipinas, ang Filipinas ay bumagsak na sa pinakamababang antas ng pagpapakahulugan.

Sa kabila ng lahat, paniniwalaan natin si Pacquiao. Paniniwalaan natin na isasalba tayo ni Pacquiao mula sa matagal na kahihiyan at panlilibak, mula man sa hanay ng mga Mehikano, Amerikano, at iba pang lahi ng daigdig. Paniniwalaan natin si Pacquiao na makaaahon ang Filipinas sa kahirapan dahil sa katanyagan at bakbakan. Paniniwalaan natin si Pacquiao na ang kabayanihan ay laging nasa kamay ng isang tao imbes na nasa kamay ng sambayanang Filipino.

Purihin natin si Pacquiao. At aasahan natin ang pinakamabigat na hatol hinggil sa ating kagila-gilalas na katangahan.

Chess para sa Filipino

Napakagandang libangan ang paglalaro ng chess, o tinatawag ding ahedres, anumang oras at saanmang lugar. Chess ang laro sa mga barberya at pundohan, at sa tambayan ng matatanda o kabataan, mapagilid man ng bangketa o malalamig na silid ng paaralan. Wala rin itong pinipiling edad, kasarian, at propesyon. Bata o matanda, babae o lalaki, empleado man o tambay, ang lahat ay malayang makapaglalaro nito hangga’t may chessboard o anumang pamalit dito.

Ngunit ang lahat ay kailangang sumunod sa mga panuto ng chess. Sa ibang pagkakataon, hinihingi ang orasan (chess clock) , upang di-gaanong humaba ang laban at makapaglaro ang iba pang miron na ibig sumabak o pumusta. Binabanat ng chess ang isip, at hinihigit ang pasensiya ng bawat manlalaro. Tinuturuan din nitong magbuhos ng konsentrasyon ang mga manlalaro o miron, at ang pinakamainam na tira’y kung minsan ay palaisipan kung sinadya nga ba o tsamba lamang.

Kaya hindi ako magtataka kung bakit ang isa kong anak ay mahilig sa chess.

Nag-aral siya ng mga pangunang tira, nabaliw sa pagbabalangkas ng mga kombinasyon ng atake at pagdepensa, pinag-aralan ang mga panloob at pangwakas na bahagi ng laban. Napilitan tuloy akong bumili ng mga aklat, manghiram ng mga CD na may larong chess, at maggalugad sa internet hinggil sa mga laban. Hanggang sumapit ako sa isang kabatiran: walang aklat sa chess ang nasusulat sa Filipino.

Nanghihinayang ako ngayon dahil walang ginagawa ang mga intelektuwal sa larangan ng chess na ilapit ito sa masa. Ang paglikha ng mga aklat sa chess sa wikang Filipino ay lalong magpapadali upang lumaganap ang larong ito sa buong Filipinas. Nang magmasid ako sa nakaraang kompetisyon ng National Chess Federation of the Philippines (NCFP), may isa o dalawang lalaking nagbebenta ng mga librong sineroks. Magaganda ang libro, ngunit dapat naipaliliwanag iyon sa Filipino dahil hindi lahat ng kabataan ay mahusay sa Ingles at nakaiintindi ng salimuot ng gayong wika at jargon.

Sa aking palagay, madaragdagan pa ang mga Mark Paragua at Wesley So sa Filipinas kung magtataya ng salapi upang makapagpundar ng mga babasahing nasa Filipino. Mauunawaan agad ng mga bata ang mga konsepto, alinsunod sa wikang ginagamit nila sa tahanan o pamayanan. Dito dapat pumasok ang mga patrong gaya ni dating mambabatas na si Prospero Pichay na ngayon ay pangulo ng samahan sa chess. Ang wika at diskurso ng chess ay hindi laging dapat nasa Ingles, bagkus maaari ding nasa Filipino.

Ang wikang Filipino ang magiging tulay ng karunungan ng mga bata. Malaki ang tungkulin ang gagampanan dito ng mga grandmaster sa Filipinas, dahil sila ang nasa posisyon upang makabuo ng gayong proyekto. Ang pagpapalaganap ng Filipino sa larang ng chess ay kaugnay ng pagsusulong ng adhikaing linangin ang pambansang wika, at makabuo ng pambansang diskursong batay sa gayong wika.

Hindi dapat maging esklusibo ang chess para lamang sa mga kabataang nakababasa o nakauunawa sa Ingles. Kailangang lumaganap ang chess sa buong bansa, at hindi ito matutugunan kung laging mag-aangkat lamang ng mga imported na aklat ang Filipinas doon sa ibang bansa.

Isang opinyon lamang ito, na maaari ninyong pabulaanan, susugan, o dagdagan nang maitaas natin ang antas ng paglalaro ng chess sa Filipinas, at makahimok ng mga kabataang maglaro nito, mula man sila sa malalayo’t liblib na pook ng ating bansa.