Sisiw, ni Roberto T. Añonuevo

Sisiw

Roberto T. Añonuevo

Bakit ka iiyak kung ang nasa harap mo
ay kalawanging mga rehas?
Masuwerte ka’t
. . . . . . . . . . . . . . . . . .  .hindi tumakas o pumalag,
sapagkat batid mo ang kisapmatang wakas.
Manok lámang ang pumipiyok
. . . . . . . . . . . . .. . .. . . . . . . . . . . . . . . . . . .kapag ito’y
mangingitlog o ihahaing bagong pinikpikan.

Nakapaglalagos sa ating hanggahan
. . . . . . . . . . . . . . . . . .  . .ang mga kargadong salita.
Ang lumang papel ay napaghuhunos mong
sariwang rosal,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .at lumalambing na awit
ang mga sentimiyento mong humihibik.
Kumain ka na ba?
. . . . . . . .. . .. . . . . . . . . . . .Paano ka naliligo?
Mahimbing ba ang iyong tulog?
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Mahaba ang litanya
ng mga tanong ng iyong ina,
samantalang ako’y ni walang maibubulalas
. . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . .na hinanakit o sermon.

Tinitigan kita, at mula sa iyong mga mata
ay lumitaw ang mga guru mong sumasayaw
sa layaw.
. . . . . . .  . . . . . . .Mga anghel silang naglalakad
sa lagablab: Walang mga bayag,
. . . . . . . . . . . . .  . . . . . . . . . .at buntot ang bahag,
may sungay
. . . . . . . . . .. . . . .ngunit sumusuwag sa langaw.
Tinuruan ka nilang bumitin sa mga sapot,
at ang kamalayan mo’y unti-unting
pinalapot,
. . . . . . . . .. . . . . . . . . . .  .gaya ng tinunaw na pilak.
Lumalamon sila ng mga barya ng daigdig,
habang ikaw ay tinutuklas muli ang salitang
Pag-ibig.

light black and white white window glass dark san francisco bar line metal darkness black monochrome door security cage criminal justice captivity symmetry prison closed law crime jail shape locked alcatraz prisoner despair penitentiary imprisonment sentence prison cell monochrome photography lockup convict

Advertisements

Ang Sértipiko bilang Talâ sa Kasaysayan, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Sértipiko bilang Talâ sa Kasaysayan

Roberto T. Añonuevo

May silbi bilang puwang sa pag-aaral ng panitikan at kasaysayan ang pagbabalik sa mga sertipiko na tinanggap ng mga pinarangalang manunulat. Ang parangal, sa isang panig, ay sadyang nakapagbibigay ng prestihiyo sa manunulat, lalo kung ang nagbibigay ng parangal ay kagalang-galang at tinitingala sa lipunan. Ngunit sa kabilang panig, nakikinabang din ang isang institusyon o ahensiya sa pagbibigay ng parangal sa isang manunulat, lalo kung ang manunulat na ito ay hindi matatawaran sa kadakilan, sapagkat nalulugar ang nasabing institusyon o ahensiya para maanggihan ng popularidad ng pinararangalan.

Nagkakatalo ang lahat sa tekstong inilalahok sa sertipiko o plake. May ilang institusyon na isinasaad lámang ang ginawang serbisyo ng manunulat, at masasabing de-kahong pagkilala; may iba namang inililista ang mahahalagang ambag nito, at nagkasiya sa pagkatalogo ng mga nagawa o tagumpay. Samantala, may ibang institusyon na dahil sa komposisyon ng lupon nito ay nakalilikha ng pambihirang pagpaparangal sa manunulat dahil sa mga walang kamatayang salitang sadyang kumikilala sa ambag ng nasabing manunulat sa panitikan at kasaysayan.

Isa si Iñigo Ed. Regalado sa mga binigyan ng maraming parangal at papuri sa kasaysayan ng Filipinas, ngunit ang iba’y naiwaglit, naitapon, o nawala sa kung anong dahilan sa paglipas ng panahon, samantalang ang ibang natitira’y matatagpuan ngayon sa Ateneo de Manila University Library. Sinikap ko noong masagip sa ganap na paglalaho, at maisalin pagkaraan sa nasabing aklatan ang mga akda at memorabilya ni Regalado sapagkat hindi na ito maalagaan ng kaniyang mga kaanak.

Narito ang isang sipi mula sa plake ni Regalado, na ibinigay ng Malacañang Palace noong 1966, at nilagdaan nina Carlos P. Romulo (Chairman, The National Independence Day National Committee), Patrocinio Velenzuela (Chairman, Republic Cultural Heritage Awards Sub-Committee), at Francisco Arcellana (Chairman, Sub-Committee on Literature):

“The Independence Day National Committee upon the recommendation of the Republic Cultural Heritage Awards Sub-Committee, the Independence Day National Committee of the Republic of the Philippines, hereby awards this PLAQUE to Iñigo Ed. Regalado, dean of Filipino men of letters, the last of the giants of the Tagalog novel and our only surviving classic, for a truly distinguished body of work in Tagalog in scholarship and criticism—the first definitive study of the Tagalog novel, in translation—from the Spanish of Rizal, in verse and in fiction, specially novel, Madaling Araw, one of the truly great novels in Tagalog. . . .”

Naaangkop ito kay Regalado, lalo kung ang sumulat ng parangal ay nagmula kay Arcellana, na magiging Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan sa paglipas ng panahon. Ang kakatwa’y tinanggihan mismo ni Regalado kahit maging kandidato para maging National Artist, sapagkat para sa kaniya’y hindi dapat nangangampanyang parang politiko ang isang manunulat para kilalanin ng madla. Ibig sabihin, ang kaniyang mga obra at kontribusyon sa lipunan sa iba’t ibang kapasidad ay sapat nang testamento sa kaniyang kadakilaan.

Noong 1969, hahandugan ng Gantimpalang Pampanguluhan ni Pangulong Ferdinand E. Marcos, sa tagubilin ng Civic Assembly of Women of the Philippines na pinamumunuan ng batikang abogado Josefina Phodaca-Ambrosio, si Regalado. Pambihira ang banggit sa kaniyang sértipiko, na lagom wari sa kaniyang mga talambuhay:

Dahil sa kanyang mahalagang abuloy sa Panitikan ng ating bayan sa pagsusulat niya ng mga tula at mga nobelang maitatangi;

Dahil sa may 25,000 mga sanaysay, editorial, pitak at iba pang lathalaing sinulat niya na nagtatampok sa ating kultura sa iba’t ibang magasin at pahayagang kanyang pinamatnugutan sa loob ng mahigit limampung taon;

Dahil sa kanyang ulirang paglilingkod bilang konsehal at pangulo ng Hunta Munisipal ng Maynila sa loob ng labinlimang taon bago magkadigmaan;

Dahil sa kanyang sikap at malasakit sa ating wikang pambansa, hindi lamang sa pagsusulat, kundi sa pagtuturo nito sa kabataan ng bansa sa ating mga pamantasan hanggang sa kasalukuyan. . . .

Kung totoo ang tantiya ng lupon ng gawad, si Regalado ay nakasulat ng 500 akda kada taon sa loob ng 50 taon, at ito ay hindi imposible dahil wala namang bisyo si Regalado, kung hindi ang lingguhang dibersiyon lamang sa karera ng kabayo sa ipodromo ng Santa Ana, Maynila. Hindi magtatagal at lalabò ang mga mata ni Regalado, at halos mabulag, at kaya tatanggihan niya pagkaraan ang mga imbitasyon, gaya sa pagiging hurado sa mga pambansang timpalak pampanitikan.

Ibibilang si Regalado na isa sa pitong haligi ng Sentrong Pangkultura ng Pilipinas, at ipapaloob sa kapsula ang kaniyang mga piling sinulat.

Ang ibang sértipiko ng parangal ni Regalado ay sulat-kamay na kursibo ang anyo, gaya sa mga sertipiko na ibinibigay noon ng Palanca Memorial Awards for Literature at University of Santo Tomas. Maihahalimbawa rito ang bigay ng Pamantasang Centro Escolar noong 1966, na nilagdaan nina Pilar Hidalgo Lim (Pangulo ng Pamantasan), at Paz Policarpio-Mendez (Dekana, at Pangulo ng Lupon sa Pagpili); at ang parangal ng Panitik ng Kababaihan na ibinigay noong 1956 at nilagdaan nina Nieves Baens del Rosario (Pangulo, Panitik ng Kababaihan), Ligaya Perez (Kalihim ng Panitik ng Kababaihan), at Hilaria Labog (Tagapangulo ng Lupong Tagahirang). Ang mga babaeng ito ay mga premyado ring manunulat ng kanilang panahon.

Masarap tumanggap ng parangal, lalo kung ang parangal ay tapat at makatotohanan, at kusang ibinibigay nang walang halong politika o pamomolitika. Mainam din ito kung mahusay ang pagkakasulat sa parangal at hindi basta bola lamang ng kung sinong kagawad sa lupon ng gawad. Kung hindi matatamo ang ganitong mga katangian, kahit si Regalado ay tatanggihan ang gawad o parangal, sapagkat higit na mahalaga ang pagpapanatili ng malinis at dalisay na pangalan, kaysa tumanggap ng panandaliang popularidad.

File:Inigo Ed Regalado.jpg

Iñigo Ed. Regalado.

“Lilim” ni Boleslaw Prus

salin ng kathang “Cienie” ni Boleslaw Prus mula sa orihinal na Polish, at batay sa saling-Ingles ni Christopher Kasparek
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

LILIM

Habang nauupos ang sinag ng araw mula sa kalangitan, sumisilang ang takipsilim mula sa kalupaan. Takipsilim ang malaking hukbo ng gabi, na may laksang di-nakikitang hanay at bilyon-bilyong kawal. Ang makapangyarihang hukbo na noong una pa man ay nakikibaka sa liwanag, nadudurog tuwing bukang-liwayway, lumulusob tuwing gumagabi, maghahari mulang dapithapon hanggang madaling-araw, at pagsapit ng umaga’y magkakawatak-watak, at magkukubli sa mga pook na lihim habang nagmamatyag.

Maghihintay sa malalalim na guwang at silong ng lungsod, sa makakapal na kagubatan, at sa kaibuturan ng maiitim na lawa. Mag-aabang habang mananambang sa walang-kupas na lungib, bituka ng minahan, singit ng kanal, sulok ng bahay, at pusod ng mga dingding. Waring kalat-kalat ito at naglaho, ngunit napupuno nito ang bawat lilignan ng paligid. Umiiral ito sa bawat siwang ng punongkahoy, sa mga tupi ng damit ng tao; humihimlay sa pinakamaliit na butil ng buhangin, sumasabit sa pinakapinong hibla ng sapot ng gagamba, at mag-aantabay. Pinalis mula sa isang pook, lilipat ito nang kisapmata kung saan, at magbabalik sa pinag-ugatan kapag nakasumpong ng pagkakataon, upang mapasok ang di-nasasakop na posisyon at mangibabaw sa daigdig.

Samantalang naghihingalo ang araw, ang hukbong takipsilim ay tahimik at maingat na magmamartsa palabas sa mga kublihan nito. Pupunuin nito ang malalamlam na pasilyo, bulwagan, at hagdanan ng mga gusali; mula sa mga aparador at dulang ay marahang gagapang sa gitna ng silid at kukubkob sa mga kurtina; mula sa mumunting lagusan ng hangin sa pintungan ng alak at bintana ay tatakas patungo sa lansangan, sasalakayin ang katahimikan ng mga pader at bubong, magpapasukot-sukot nang pakubli sa bubungan, at matiyagang maghihintay na maglaho ang mamula-mulang ulap sa kanluran.

Maya-maya’y biglang sasambulat ang karimlan mulang lupain tungong kaitaasan. Magtatago ang mga hayop sa kani-kanilang himpilan; tatakbo pauwi ang mga tao sa kani-kanilang tahanan. Ang búhay, tulad ng halamang pinagkaitan ng tubig, ay mangunguluntoy at malalanta. Malulusaw ang mga kulay at anyo sa kawalan; maghahari ang sindak, mali, at krimen sa buong daigdig.

Nang sandaling iyon, sa mga kalye ng Warsaw na natitigang, lumitaw ang kakatwang hulagway ng isang tao na may munting apoy sa kaniyang tuktok. Tinahak niya ang bangketa na waring hinahabol ng dilim, hinintuan ang bawat lampara, at nang mapailaw yaon, ay naglaho gaya ng anino.

Gayon ang nagaganap araw-araw kada taon. Nangyayari iyon sa mga bukid, habang humahalimuyak ang mga bulaklak; o tuwing Hulyo habang humahalihaw ang bagyo. Umuunos man ng alikabok tuwing taglagas o sumisigabo ang niyebe sa himpapawid, malimit tuwing pagsapit ng gabi’y kakaripas siya sa mga bangketa habang tangan ang munting apoy, magsisindi ng ilaw, saka maglalaho sa lilim.

Saan ka nanggaling, ginoo, at saan nakahimpil? Ni hindi namin alam ang tabas ng iyong mukha o narinig man lang ang tinig. May asawa ka ba o ina na naghihintay sa pagbabalik mo? May mga anak ka bang kakandungin at yayakapin pagkaraang sindihan ang mga ilawan? May mga kaibigan ka bang mahihingahan ng tuwa at lungkot, o kakilalang makakahuntahan sa mga nagaganap araw-araw?

May tahanan ka ba na kinaroroonan mo? May palayaw ka ba? May pangangailangan ka ba’t nararamdaman, gaya namin? O sadyang wala kang hubog, tahimik at maysa-tagabulag na nilalalang na lumilitaw lamang tuwing takipsilim, magsisindi ng ilaw, saka maglalaho gaya ng anino?

May nagsabi sa akin na lalaki nga siya, at binigyan pa ako ng kaniyang adres. Pinuntahan ko ang kaniyang tirahan sa gusaling paupahan, at nagtanong sa porter:

“Nakatira ba rito ang lalaking nagsisindi ng mga ilaw sa kalye?”

“Oo, dito nga.”

“Nahan siya?”

“Sa silid na iyon.”

Nakakandado ang silid. Sumilip ako sa bintana at natanaw ang isang sopa sa tabi ng dingding at kalapit niyon ang mahabang tungkod na may ilawan. Wala roon ang tagailaw.

“Ano ho ba ang kaniyang itsura?”

“Ewan,” sambit ng porter. “Ni hindi ko siya kilala, dahil wala siya kapag umaga.”

Pagkaraan ng kalahating taon, nagbalik ako sa kaniyang tirahan.

“Nariyan ba ang tagailaw ng kalye?”

“Ay, naku!” saad ng porter. “Wala na siya at hindi na magbabalik pa. Inilibing siya kahapon. Patay na siya!” Napakunot ang porter.

Nagtanong ako ng ilang detalye at nagtungo sa sementeryo.

“Mamang sepulturero, maituturo mo ba ang puntod ng tagailaw ng kalye?” Inulit niya, “ang tagailaw ng kalye?”

“Sino ang makatatanda niyan? Tatlumpung bangkay ang inilibing kahapon!” aniya.

“Inilibing siya sa pinakadukhang puwesto ng sementeryo. Ang tagailaw,” untag niya.

“May dalawampu’t limang tagailaw na gayon.”

“Ngunit naroon siya sa walang barnis na kabaong.”

“Nagdala sila rito ng labing-anim na walang barnis na kabaong.”

Hindi ko nabatid ang kaniyang mukha o pangalan, o natukoy man lamang ang  libingan. At nanatili siyang lihim hanggang kamatayan, tulad noong siya’y nabubuhay: nakikita lamang tuwing takipsilim, pipi at mailap na gaya ng anino.

Sa gitna ng karimlan ng buhay, na nangangapa ang sawimpalad na sangkatauhan, na ang ilan ay sasalpok sa mga hadlang, mahuhulog ang iba sa guwang, at walang makaaalam ng ligtas na landas, na ang mapamahiing tao ay makalalasap ng kabiguan, karukhaan, at pagkapoot—sa madilim, walang bakás na pook ng buhay, magkukumahog ang mga tagailaw, mananatiling lihim ang pag-iral, magpapagal nang di-matingkala, saka maglalaho gaya ng lilim. . . .

Preso sa katha nina Benjamin P. Pascual at Benigno R. Juan

Maselang paksa ang buhay ng preso, kaya ginagamit itong materyal sa paglikha ng kuwento, tula, dula, pelikula, sayaw, awit, eskultura, pintura, at iba pang anyo ng sining. Maihahalimbawa ang mga akdang pampanitikan nina Benigno Ramos, Iñigo Ed. Regalado, Amado V. Hernandez, at Teo S. Buhain hanggang kina Wilfrido Pa. Virtusio, Benjamin P. Pascual, Benigno R. Juan, at Lualhati Bautista. Mahaba ang listahan, ngunit nagkakatalo sa pagkasangkapan sa tauhan, at sa paggamit ng pananaw ng tauhan upang maibunyag ang ugat ng krimen, ang konsepto ng katarungan, at ang salimuot ng banghay o lunan.

Magandang balikan ang kuwento ni Pascual na “Di Mo Masilip ang Langit” (1981) at itambis sa “Piitan” (1975?) ni Juan. Ang tauhang nagsasalaysay sa naturang mga kuwento ay isang preso, at sa pamamagitan ng monologo ay masinop na ilalarawan sa kani-kaniyang kausap ang pangyayari kung bakit siya nabilanggo. Magkaiba ang pananaw ng dalawang tagapagsalaysay na tauhan, ngunit ang pinakaubod ng kuwento ay ang pag-urirat sa esensiya ng kalayaan sa loob at labas ng piitan.

LANGIT, kuha ni Beth Añonuevo

LANGIT, kuha ni Beth Añonuevo

Sa “Di Mo Masilip ang Langit,” ang preso—na kausap ang kaniyang kakosa—ay isang dating piyon na kabilang sa gumawa ng malaking ospital at pagkaraan ay susunugin iyon dahil nang manganak ang kaniyang misis at dalhin sa naturang ospital ay pinabayaan naman ng mga nars ang sanggol na mahulog sa sahig at mamatay. Ang panununog ng piyon ay udyok ng paghihimagsik sa di-patas na pagdalo sa mga dukhang nangangailangan. Higit pa rito, mamahalin ng piyon ang kaniyang trabaho ngunit kapag tapos na ang proyekto’y tila layak na isasantabi ng maykaya’t maykapangyarihan ang mga manggagawang nagpawis.

Taliwas naman ito sa preso sa kathang “Piitan” ni Juan, na kausap ang isang baguhang peryodista na ituturing niyang sariling anak. Punong kahero ng malaking kumpanya ang pangunahing tauhang nabilanggo dahil sa paglustay ng salapi ng kaniyang opisina. Ikinuwento ng tauhan kung gaano kaluho ang kaniyang asawa at apat na anak, bukod sa pagkakalulong niya sa bisyo at layaw ng katawan. Sa labis na pagmamahal ng tauhan sa kaniyang pamilya ay gagawin niya ang lahat, kahit pa mangurakot sa pondo ng kompanya. Higit kung gayon ang pagpapahalaga ng tauhan sa usaping pampamilya kaysa usaping panghanapbuhay.

Sa kuwento ni Pascual, ang tinig ng tauhan ay mahihinuhang mula sa lumpen, at mahahalata ito sa tabas ng kaniyang pananalitang kolokyal. Tinig ng propesyonal naman ang tauhan ni Juan, at mahahalata ito sa maingat na pukol ng mga salitang nahahaluan ng Ingles. Kung nasa gitnang uring panlipunan ang tauhan ni Juan, nasa mababang uri ang kay Pascual. Iskuwater ang piyon, samantalang may sariling bahay ang kay Juan.

May hibo ng pagtataksil sa kuwento ni Juan, at ipapamalas ito ng pagtataksil ng asawang babae na nakiapid kay Dell na kasamahan sa opisina ng pangunahing tauhan. Ngunit matapat naman ang asawa ng preso sa kuwento ni Pascual, at kahit nakulong ang dating piyon ay paulit-ulit itong dadalawin ng babae upang ipadama ang pagmamahal. Samantala, makakalimutan ng pamilya ang preso sa kuwento ni Juan, at ang dating mapagmahal na ama ay sisipating parang ilahás na hayop ng sariling asawa at mga anak.

Ang korupsiyon at prehuwisyo sa kuwento ni Pascual ay mula sa mga nakaririwasa, at ito ang sasalungatin ng panguhing tauhan. Samantala, ang korupsiyon at prehuwisyo sa kuwento ni Juan ay magmumula mismo sa pangunahing tauhang nasilaw sa salapi at sumandig sa baluktot na pananaw ng mapagpalayaw na pagmamahal.

Kapansin-pansin din na ang pagdulog ng isang reporter sa preso sa katha ni Juan ay tila propesyonal at malamig ang trato, kung ihahambing sa pagdulog ng kapuwa bilanggo sa kuwento ni Juan na tila kadugo kung hindi man matalik na kaibigan.

Pinakamahalaga ang wakas ng dalawang kuwento. Sa “Piitan,” ayaw nang lumabas sa bilangguan ang tauhan dahil wala na siyang pamilya at mukhang ihaharap sa lipunan. Madilim naman ang “Di Mo Masilip ang Langit,” dahil wala nang pag-asa ang preso at naniniwalang pinabayaan na siya ng Maykapal. Ngunit nais lumaya ang preso sa kuwento ni Pascual mula sa pisikal na bilangguan para itindig muli ang buhay kasama ang kaniyang misis. Taliwas ito sa kuwento ni Juan na ang bilangguan ay nasa puso mismo ng persona, at kahit lumaya pa ang naturang bilanggo ay mananatili siyang nakakulong sa madilim na nakaraan.

Parehong mahusay sumulat sina Benjamin P. Pascual at Benigno R. Juan, ngunit nagkakaiba lamang ang kani-kaniyang pagdulog sa katha, at sa paggamit ng tauhan o lunan. Dapat pag-aralang muli ng mga estudyante at guro ang mga kuwento at nobela ng dalawang mangangatha, nang tuluyang lumaya ang panitikang Filipino mula sa piitan ng prehuwisyo at pandurusta.

Konsepto ng Puri at Paglikha ng Mito

Kung may isang konsepto mang paulit-ulit nagbabalik sa gunita ng taumbayan, iyon ay walang iba kundi ang “puri.” Ang “puri” ay maaaring sintayog ng pagdakila sa diyos, gaya ng masisilayan sa mga awit at korido. Ang “puri” ay maaaring ang “dangal” (i.e., honor) mismo ng tao, na minamahalaga ang paggalang at ang pagsang-ayon ng ibang tao. Ang “puri” ay maaaring kaugnay ng panlabas na katangian ng tao na ipinakakahulugan o ipinapataw ng isang pangkat o lipunan, batay sa itinuturing na katanggap-tanggap, malinis, maringal, at mataas. Ngunit habang lumalaon, ang “puri” ay nahanggahan ang pakahulugan, at kinasangkapan ng relihiyon at awtoridad upang itumbas sa manipis na lamad o kalamnang matatagpuan sa pagitan ng mga hita ng kababaihan.

Minamahalaga ni Florante—na mula sa akda ni Francisco Balagtas—ang “puri” habang nagpapalahaw at lungayngay sa kagubatan (“Dusa sa puri cong cúsang siniphayo,/ palasong may lasong natiric sa puso;/ habág sa Ama co,i, tunod na tumimo;/ aco,i, sinusunog niring panibugho.”//) , at ginugunita ang pag-agaw ni Adolfo sa poder doon sa kahariang Albanya. Samantala, si Laura, na ibig gahasain o ilugso ni Adolfo ang “puri” o “kabirhinan” (“Capagdating dito aco,i, dinadahas/ at ibig ilugso ang puri cong ingat,/. . .)  ay ipinagtanggol ni Flerida, tumakas patungo sa kagubatan, huwag lamang madungisan ang loob para sa kaniyang minamahal. Kay Florante, ang “puri” ay nasa antas ng paghawak ng kapangyarihan; samantalang ang kay Laura ay nasa antas ng personal na nagsisikap umabot sa antas ng malawak na lipunan, yamang isa siyang prinsesa at bahagi ng buhay ni Floranteng magiging hari balang araw. Ang ganitong mga konsepto ng puri ay gagawing makapangyarihang mito ni Iñigo Ed. Regalado sa kaniyang mga kuwento, lalagyan ng gulugod, at ipaaalingawngaw na tila alagad ng Katipunang pinalago ng kaisipan nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto.  

Sa kuwentong “Ang Dalaginding” (1922), ang puri ay magsisimula sa ina na nagpapása ng gayong katimyas na halagahan sa kaniyang anak na nagdadalaga. Si Irene, ang anak, ay ilalarawang simbusilak ng mga sampagitang bibilhin ni Eduardo. Mangangamba ang ina ni Irene, dahil hindi nakatitiyak kung sino ang lalaking manliligaw, lalo na’t sumusulak ang di-maipaliwanag na hormone ni Irene. May ugat ang pangangamba ng ina, at sa wakas ng kuwento ay ibubunyag nito ang naging karanasan nang ligawan sa unang pagkakataon, at mapaibig sa isang binata, at pagbawalan ng sariling ina. Ngunit hindi napigil ang babae at nagpakasal, na ang supling ay magiging si Irene.  

Maiiba naman ang konsepto ng “puri” sa kuwentong “Pusong Uhaw sa Pag-ibig” (1917) ni Regalado. Sa naturang kuwento, ang puri ay matatagpuan hindi sa panlabas na katauhan bagkus sa kalooban ng tao. Si Milagros Manalang, na anak-mayaman at sumusunod sa makabagong panahon, ay mapapaibig sa binatang si Arturo na  dating nagpaparamdam ng pagmamahal sa kaniya.  Ngunit habang rumirikit si Milagros, napapalayo naman ang loob ni Arturo. Iyon ay dahil nanaisin ng binata ang pagpapahalaga sa sariling kagandahan imbes na manghiram ng pamantayan ng kagandahang mula sa ibang bansa. Nakapaloob ang hangad ni Arturo sa liham para kay Milagros: “. . . alalahanin mong may sarili kang katangian na lalo kang napapatangi kung ang kadakilaan ng iyong damdamin ay hindi mo ipaloloob sa isan kasuutang hindi iyo at sa mga kagandahang hinihiram mo sa kagandahan ng iba, at sa iyo’y hindi nababagay.”

Ang konsepto ng puri na ipinamalay ni Arturo kay Milagros ay isasapuso ng dalaga, at magkukulong sa silid, upang sa muling paglabas at pagkikita nila ni Arturo ay makikita ng binata ang pambihirang gandang walang halong artipisyalidad. Alinsunod na rin sa pagtatasa nina Clodualdo del Mundo at Alejandro G. Abadilla, ang “Pusong Uhaw sa Pag-ibig” ni Regalado ay “makulay ang paglalarawan ngunit hindi maligoy.” Totoo ito, bagaman ituturing na ngayon na mapagpahiwatig ang testura ng prosa ni Regalado na parang tumutula sa paraang maindayog at nakatutulala.

Mataas ang pagpapahalaga ni Regalado sa mga babae, lalo kung babalikan ang kaniyang mga kuwento. Dukha man o mayaman, matalino o mangmang, ang babae ay laging kaugnay ng “puri” na naging mito para sa susunod na henerasyon ng mga manunulat.

Sa kuwentong “Ang Makasalanan” (1917), ang pagiging sentimental ni Anisia ay magiging hadlang sa paglago ng kaniyang pagmamahal sa kaniyang asawa at anak. Nang una’y maayos ang pagsasama nina Anisia at Amando, hanggang magkaanak sila’t ang anak ang maging sanhi upang managhili ang babae. Mababato si Anisia sa napakatahimik na buhay, at magliliwaliw sa piling ng mga kaibigan, hanggang isang araw ay halos matukso sa panliligaw ng ibang lalaki. Ngunit tatanggi si Anisia, lalo nang mabasa ang isang aklat hinggil sa pagtataksil ng babae sa asawa nito, at ipinangako sa sariling hindi magaganap sa kaniya ang malagim na sinapit ng babaeng makasalanan sa nobela. Iyon pala’y sinadya talaga ni Amando na bilhin ang aklat upang mabasa ng kabiyak, at nang mapanatili nito ang puri.

Naghunos ang “puri” sa nasabing kuwento dahil ang puri ay hindi lamang para kay Anisia bagkus maging para sa kabiyak nitong si Amando at sa kanilang anak. Bagaman nabasa ni Anisia ang aklat, ang pagpapasiya ay nagmula sa loob ng babae at hindi basta inudyukan lamang siya ni Amando. Ang pagsubok kay Anisia ay pagsubok din sa taglay niyang puri, at sa bandang huli’y ang puring ito ay tataas lalo nang mabatid ni Amando. Sabihin nang dramatiko ang wakas ng kuwentong ito, ngunit ang gayong wakas ay hindi pagsandig sa isang yugtong marupok ang batayan bagkus sa halagahang magpapatibay sa pagsasama ng buong pamilya.

Maiiba ang rendisyon ni Regalado sa puri pagsapit sa kuwentong “Nagbago ang Landas” (1916). Isang magandang dalagang nagngangalang Alisya ay napadpad sa nayon ng Malinay. Kumalat sa buong nayon ang kariktan ng babae, at ito ang nagbunsod upang manligaw ang maraming lalaki sa kaniya. Isa si Pirmin sa mapapaibig kay Alisya, at ito ang ipagyayabang niya sa kaibigang si Sidro. Ngunit nang makita ni Sidro si Alisya, nagbalik sa gunita niya ang “madilim” na nakaraan ng babae, na dati niyang kasintahan, at ito ang isinalaysay ng binata kay Pirmin. Ipinaalaala ni Sidro sa kaibigan na hindi dapat tumingin sa panlabas na anyo lamang ng tao, dahil ang gayong katangian, ay gaya lamang ng “ningning” na makabubulag ng paningin.  Nagwakas ang kuwento sa hitik sa pagpapahiwatig ng pag-asa, at sa pagbabagong-buhay ni Alisya, na nakatingin sa lumiliwayway na araw mula sa likod ng kabundukan. Sa kuwentong ito, ang konsepto ng “ningning” at “liwanag” nina Bonifacio at Jacinto ay hiniram ni Regalado at siyang ikinuwadro sa ugnayang Pirmin, Sidro, at Alisya doon sa nayon ng Malinay.

Kung babalikan ang akda ni Jacinto, ang “puri” ay kaugnay ng konsepto ng “kalayaan” (“Kung ang tao’y wala ang Kalayaan ay dili mangyayaring makatalastas ng puri, ng katwiran, ng kagalingan, at ang pangalang tao’y di rin mababagay sa kaniya.”)  Bukod dito, ipinaalaala ni Jacinto ang pagtatangi sa “ningning” na nakasisilaw at nasisira ng paningin, at sa “liwanag” na naglalantad ng mga tunay na bagay. Magdaraya ang “ningning,” at ito ang dapat pag-ingatan ninuman.

Titingkad ang konsepto ng puri, na kaugnay ng “ningning” at “liwanag,” kapag binalikan ang kuwentong “Ang Babae sa Katapat na Bahay (1954). Si Leonarda ay asawa ng isang abogadong si Lutgardo Sendres, at maituturing na kabilang sa uring maykaya sa lipunan. Bagaman na kay Leonarda na ang lahat ng katangian, tulad ng maganda, mayaman, at mabuti ang pamilya, ay nakadama pa rin siya ng panibugho o inggit nang may isang magandang babaeng tumira sa tapat ng kanilang bahay. Ang babaeng ito’y maganda rin, at laging dinadalaw ng kung sino-sinong lalaki. Aabot sa sukdulan ang selos ni Leonarda nang ibig nitong gayahin ang marangyang pamumuhay ng babae at yayaing lumipat ng tirahan silang mag-asawa. Ngunit ipababatid ni Lutgardo na ang babaeng kinaiinggitan ni Leonarda ay isang babaeng nagbibili ng aliw upang mabuhay. Magbabago ang loob ni Leonarda, at hindi na muli siyang magpapaalipin sa mga baluktot na damdaming sisira ng kaniyang katauhan at pagmamahal sa asawa’t anak.

Sa nasabing kuwento, ang puri ay tinitimbang sa dalawang panig, at muli sangkot ang dalawang babae. Gayunman, lumalampas sa ordinaryong hambingan ang lahat, dahil walang dapat ihambing yamang magkaiba ang polong pinagmumulan ng dalawang babae. Ipinamamalas lamang sa kuwento na hindi kayang palamutian ng ginto ang puri, at ang puring ito ay hindi nabibili bagkus pinagsisikapan, at nasa sa tao na kung paano titingnan ang kaniyang pagkatao.

Marami pang dapat tuklasin sa mga kuwento, nobela, tula, dula, at sanaysay ni Regalado. Isa si Regalado sa mga dakilang manunulat na kinaliligtaan sa mga teksbuk o antolohiya, at ito ay isang mabigat na pagkakamali na dapat ituwid ng kasalukuyang henerasyon.  Si Regalado ay hindi karaniwang mangangatha o makata, at ito ang tadhanang dapat nating harapin, ngayon at sa susunod na pagbasa ng kaniyang mga akda. Kailangang mapag-aralan si Regalado, upang makalikha tayo ng sariwang mga mito ng ating henerasyon—na maaaring lihis sa mga mito at konseptong binuo ng henerasyon ni Iñigo Ed. Regalado— at mapalago natin nang lubos ang ating panitikan at pagkabansa.

Uhaw ang Tigang na Lupa

Ipagdiriwang sa 8 Mayo 2008 ang ika-65 taon ng pagkakalathala ng maikling kathang “Uhaw ang Tigang na Lupa” (1943) ni Liwayway A. Arceo. Mahalaga sa aking palagay ang nasabing araw dahil iyon ang magbubukas ng pinto kay Liwayway sa daigdig ng panitikang Tagalog, at pagkaraan, sa panitikang Filipino sa kabuuan. Pambihira ang hagod ng mga salita sa kathang “Uhaw ang Tigang na Lupa,” at hindi kataka-taka kung umani iyon ng mga papuri mula sa mahihigpit na kritiko.

Inilahad ang “Uhaw ang Tigang na Lupa” sa punto de bista ng isang anak na dalagita, at sa kaniyang mala-muslak na mata’y masisilayan ang matimpi, kung hindi man sikil na ugnayan, ng magkabiyak na ang lalaki’y manunulat at ang babae’y tapat na maybahay. Magkakalamat ang kanilang pagsasama, nang di-sinasadyang matuklasan ng babae na may ibang sinisinta ang kaniyang bana. Ngunit lilihis sa kakaibang wakas ang kuwento nang magkasakit, magdeliryo, at pagdaka’y mag-agaw-buhay ang lalaki. At bago ito malagutan ng hininga’y hiniling nito ang pagsang-ayon ng kaniyang kalaguyo sa bagong pagsasama. Sumagot ang kabiyak at nagkunwang kalaguyo—at pinagbigyan kahit napakasakit pakinggan ang gayong pagtataksil ng kaniyang bana.

Tapat at dalisay ang himig ng persona, at bawat kataga nito’y tila ibinubulong sa kaniyang saksing talaarawan. Kung naganap marahil ang tagpong iyon sa ngayon ay hindi na talaarawan ang anyo bagkus isa nang lahok sa blog. Ang paglalarawan sa mga tauhan, ang paghuhunos ng panahon, ang unti-unting pagbubunyag ng lihim, at ang maingat na pagkatalogo ng diwa’t damdamin ay pawang itatakda ng numero sa simula ng talata o pangkat ng mga talata.

Walang pasubaling naiiba ang hagod ng wika ni Liwayway sa iba pang manunulat na nauna sa kaniya, gaya nina Fausto Galauran, Valeriano Hernandez Peña, at Antonio Sempio, at kahit sa kaniyang kapanahong si Genoveva Edroza-Matute. Maindayog gaya sa musika ng tulang tuluyan ang pukol ng salita ni Liwayway. Ngunit hindi mahahaba ang pangungusap, at kung pinahaba man ay halatang sinadya upang patagintingin ang bagsak ng mga salita o diwa; hindi rin mapalamuti ang pandiwa o pang-uri; at lalong hindi makapagpapaantok ang monologo gaya ng sa mga tauhang nauuso noon. Heto ang ikalimang bahagi ng “Uhaw ang Tigang na Lupa” na maitatangi sa iba pang bahagi dahil waring sinadya rito ang repetisyon ng mga salita at paglalarga ng diwa:

Kung gabi ay hinahanap ko ang kaaliwang idinudulot ng isang amang nagsasalaysay ukol sa mga kapre at nuno at ukol sa magagandang ada at prinsesa, ng isang nagmamasid at nakangiting ina, ng isang pulutong ng nakikinig na magaganda at masasayang bata.

Nguni, sa halip niyon ay minamalas ko si Ama sa kaniyang pagsusulat, sa kaniyang pagmamanikilya, sa kaniyang pagbabasa. Minamasdan ko kung paano niya pinapangungunot ang kaniyang noo, kung paano niya ibinubuga ang asóng nagbubuhat sa kaniyang tabako, kung paano siya titingin sa akin na tila may hinahanap, kung paano niya ipipikit ang kaniyang mga mata, kung paano siya magpapatuloy sa pagsulat . . . .

Si Ina ay isang magandang tanawin kung nanunulsi ng mga punít na damit, kung nag-aayos ng mga uhales at nagkakabit ng mga butones sa mga damit ni Ama. Sa kaniyang pagbuburda ng aking mga kamison at panyolito-sa galaw ng kaniyang mga daliri-ay natutunghan ko ang isang kapana-panabik na kuwento. Nguni, ang pananabik na ito’y mapapawi.

Kabagut-bagot ang aking pag-iisa at ako ay naghahanap ng kasama sa bahay-isang batang marahil ay nasa kaniyang kasinungalingang gulang o isang sanggol na kalugud-lugod, may ngiti ng kawalang-malay, mabango ang hininga, may maliliit na na paa at kamay na nakatutuwang pisilin, may mga pisngi at labìng walang-bahid kasalanan at kasiya-siyang hagkan, o isang kapatid na kahulihan ng gulang, isang maaaring maging katapatan . . . .

Magaan ang ganitong uri ng pananagalog, at masasabing kauri ng wikang ginagamit kahit sa pagsusulatan ng mga karaniwang tao noon. Ngunit siyempre, hindi na uso ngayon ang ganitong uri ng wika. Ano’t anuman, kapupulutan pa rin iyon ng aral ng bagong henerasyon ng mga manunulat, gaya sa hanay ng mga manunulat sa Tagalog Online Pocketbook at iba pang literaturang pangkabataan. Mabuti nang mag-aral hinggil sa ating wika at panitikan, kaysa ipagpatuloy ang pangangapa at walang habas na katangahan.

Inaanyayahan ko kayong basahin muli si Liwayway A. Arceo. Basahin natin ang kaniyang mga nobela, kuwento, dula, sanaysay, at iba pang akda nang bukas ang isip at malayo sa prehuwisyo at haka ng ibang kritikong mababaw ang pagsusuri sa panitikang Filipino. Basahin at pahalagahan natin ang mga manunulat na Filipino alinsunod sa likas na agos ng kasaysayan ng panitikang pambansa habang gamit ang lente ng pagbasang magmumula lamang sa pananaw ng Filipino. Mabigat ito, subalit nakatitiyak akong kayo rin ang ganap na makatitighaw ng uhaw ng malawak, mayamang lupain ng ating pambansang panitikan.