Ikaapatnapu’t apat na Aralin: Ang Larangan

Ikaápatnapû’t ápat na Aralín: Ang Larángan

Roberto T. Añonuevo

Umuwî sa kaniyáng báyan si Ápolakí pagsápit ng ikálabíngwalóng áraw ng ikálabíng-isáng buwán ng penúltimang taón at dekáda ng síglo de óro, tagláy ang súgat na dúlot ng palasóng may dità mulâ sa mga kaáway, makalípas ang tatlóng daáng taón ng pananáhan sa larángan at tumangkád ang bundók sa mga pugót na bangkáy. Ang súgat, na umáanták at nagnánaknák sa buông áraw, ay kisápmatáng nagíging pílat sa ritwál ng gabí; ngúnit pagsápit ng umága ay mulîng bumúbukád úpang pigílin ang poón ng digmâan sa kaniyáng bálak na manalantâ sa ibá’t ibáng lupálop. Hinipò ni Ápolakí ang kaniyáng pílat sa leég, na tíla kumíkináng na medálya ng kaniyáng pakikipágsapalarán; at ni mínsan ay hindî siyá nangambá na mamatáy nang hindî man lámang pumápalág o lumalában. Pumikít siyá, at nagdíwang sa bahá-bahágharìng watáwat ang mga táo sa mga lansángan. Nalánghap niyá sa nagdáraáng símoy ang pistá ng pitóng líbong síning, na ang báwat músa’y may angkíng galíng at halína na nakápagpapákalmá ng kaniyáng kalúluwá, samantálang umaákit sa sínumang naninímdim pára isádulâ ang pag-ása. Pagkáraán, dinunggól siyá ng antók at humimbíng sakâ kináin ng mga álon nang managínip ng nagbúbulkáng káluwalhatìan ng isáng ímperyo. Hindî na mulî siyá tinamàan ng liwánag mulâ noón; at hindî matátagpûán nang kung iláng líbong taón malíban sa isáng talâbabâ sa antígong áklat na sinúlat ng anónimong awtór. Sa ilálim ng karagatán, pára siyáng paslít na nag-iípon ng lakás nang makapágpundár ng dambuhalàng lalawígan: may estásyon ng telékomunikasyón ng hukbóng sandatahán; ekópark ng mga endémikong háyop at lamandágat; mináhan ng bumúbukál na gas at minerál; pantalán ng mga bigáting yáte o súbmaríno; esklusíbong resórt ng mga polítiko at bilyonáryo; at palipárang mag-áalagà ng mga súperjet at helikópter. Ngayón, tinátantiyá ng isáng siyentípikong pithó alinsúnod sa wagás na algorítmo ang mga áraw kung kailán siyá dápat pukáwin at mag-alburóto, habàng nagbábakbákan sa láot at himpápawíd ang mga tsísmis, míto at hakà-hakà, at abaláng-abalá namán ang mga kabatàan sa larông dihitál bílang pagháhandâ sa Olímpiyáda ng mga Síning.

Alimbúkad: Epic poetry battlefield in search of humanity. Airfield memorial sculpture on roundabout by John Goldsmith is licensed under CC-BY-SA 2.0

Ang Resureksiyon, bilang Ikadalawampu’t pitong Aralin, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Resureksiyón, bílang Ikádalawámpû’t pitóng Aralín

Roberto T. Añonuevo

Kapág nagsawà ka na sa sapád at makínis, kapág nagsawà sa tuwíd at malínis dáhil nakabábató yaón o nakaáantók, magháhanáp ka ng bundók na áakyatín, o buról na lúlundagín. Hindî ka mabíbigô. Iíwan mo ang iyóng motorsíklo o helikópter ngúnit mangangárap bílang pinágtambál na shérpa at paragláyder, pílit áabutín ang úlap sa anyô ng pagtítindíg ng guniguníng zíggurát sakâ magpapásampál sa hánging makapílas-balát kundî man mangungúsap bílang kulóg nang halinhán itó, magpapákalúnod sa abót-tanáw na pawàng muntî o mga diyamánteng kumíkináng, lílimútin káhit pánandalî ang saríli sa lábis na galák, at ihíhiyáw, O, Diyós ko! sa umaápaw na damdáming higít sa máidudúlot ng Bóhun Úpas. Ang patáy ay nabubúhay sa isáng kindát; ang kidlát ay dumádapò sa kílay; ang kúlay ay gumugúlong na dalúyong, at kung hindî pa itó sapát, magwáwakás ang lahát na kasímpayák ng pagkabásag ng pinggán o pagkapúnit ng kartón.  K’ara K’ara. Olusosun. Payátas. Walâng katapusán ang katumbás ng Sagarmatha, at sa noó ng káitaásan, ay magágawâ mong pababâín mulâ sa paraíso si Dante na sabóg na sabóg sa kaluwalhatìan, at utúsan itóng pagniláyan ang umáanták na súgat ng modernidád. Ngúnit matagál nang iníwan siyá ng patnúbay na makatàng nagbalík sa impiyérno úpang gampanán ang ibáng tungkúlin, at hindî na sumáma pa ang patnúbay na músa na nagpaíwan sa paraíso úpang pumapél na soloísta sa kóro ng mga anghél. Si Dante, pagsápit sa máalamát na Smokey Mountain, ay sásalubúngin ng alingásaw na yumáyapós at tumátagós hanggang lamánloób, at mabábatíd mo itó sa tínig ng patnúbay na kung hindî si Balagtás ay isáng matapát na alagád na Méta-Balagtasín.

Ngúnit kung ikáw si Dánte, anó ang dápat ikagitlâ sa bágong planéta ng abentúra kung namatáy ka na’t nakáratíng sa pinakámalálim at pinakámataás hanggáng makakíta ng liwánag? “Ang bágong impiyérno ay walâ sa kríptográpikóng Gimokúdan bagkús nása pagháhanáp ng sariwàng naratíbo ng kaligtásan,” isusúlat mo; at sa iyóng mga talâ mulâ sa kuwadérno ng talinghagà, ang lóhiká ng ikásiyám na kamatáyan kung itátambís sa ídeolohíya ay mawawalán ng saysáy. Sa resureksiyón ng makatà, ang Firenze ay metonímya ng bundók ng basúra [sa kabilâ ng kabihasnán], at gáya sa tulâ ni Rio Alma ay isáng libíngan. Ngúnit ang libíngang itó ay hindî karaníwang libíngan bagkús kabilâng-dúlo ng modérnidád, ang látak at katás ng pagmámalabís, kasakimán, at láyaw, na pawàng magbubúnga ng pagkátiwalág kung hindí man paglabò ng idéntidád. Maáarìng itó ang “Tanghalì sa Smokey Mountain,” na isáng ehersísyo ng pagpápaápaw sa rimárim, poót, at sindák, at ang ilóng ang magtúturò sa wakás ng materyálidád at sa wakás ng kasaysáyan ng arì-arìan at bágay. Subálit ang ilóng ay sinungáling, at ang bibíg ang magalíng.

Kailángang sundán ang tínig, na magsasábing ang espásyo ng kabulukán ay isáng anyô ng bángko o kayâ’y laboratóryo na pinagtútubùan at hindî bastá imbákan ng mikróbyo at bangkáy; at kung ang ganitóng kápangahasán ay sanhî ng orihinál o sinadyâng kasalánan ay kasalánang hindî umanó dápat salangín. At bákit hindî? Maáarìng itó ang talinghagà ng pagpapátumpík-tumpík sa óras na sumunód sa burukrásya ng kalinísan nang may disimuládong pagsang-áyon sa medyókridád at kapabayâán. Ngúnit itó rin ang pasiyá na pagníniláyan, at si Dante ay hindî na kailángan pang “maligò sa liwánag ng alingásaw” sapagkát noón pa man ay niyákap na siyá ng bantót pagsápit na pagsápit sa pórtal ng kabulukán. Totoó, waláng karatúlang nakásaád na Lasciate ogne speranza, voi ch’intrate pagsápit sa paanán ng Bundók ng Basúra. Hindî tinútubós ni Krísto ang saríli noóng nakábayúbay sa krus; at kakatwâ kapág tinubós ng mga debóto ang kaniláng diyós sa pamámagítan ng malawakáng paglípol bílang gantí tuwíng nilálapastángan ang kaniláng sagrádong pananálig. “Ang pagkilála sa likás na síklo ng kamalayán,” isusúlat mo pa sa talâbabâ, “ay nagáganap hindî sa isáng igláp,” at kung síno man ang patnúbay na tínig ni Dante sa bágong impiyérno ay “kailángang íugnáy ang saríli káhit sa mikróbyo at basúra ng ísip” sapagkát walâ sa dogmátikóng patnúbay, at walâ sa íisáng tínig na makapangyarihan, ang páhiwátig ng kolektíbong kaligtásan.

“Kailán dápat másindák o márimárim si Dante?” itó maráhil ang pangángahás na puwédeng sagutín—ngúnit lampás na itó sa hanggáhan ng pagsasánay sa ilusyón at alusyón na gáya nitó.

Alimbúkad: Epic fluid poetry ideas overflowing. Photo by Mauro Contaldi on Pexels.com

Mga Lahok sa Kuwaderno ng Manlalakbay, ni Roberto T. Añonuevo

Mga Lahók sa Kuwáderno ng Manlálakbáy

Roberto T. Añonuevo

Búbuklatín mo isáng áraw ang inaágiw na kuwáderno, kung sakalî’t nása iyó pa, at pápaloób sa iyóng noó ang alaála ng iyóng músa. Hindî mo na siyá matátagpûán kailánman; at maráhil, ibá na ang kaniyáng anyô, mithî, ngálan. Ngúnit babángon siyá sa pamámagítan ng iyóng mga salitâ, gáya ng mga muntîng lahók sa talâarawán.

1
Magsisítiklóp káhit ang párola at mólino
bágo sumápit ang súperbagyó,
sakâ ihíhiyáw ng mga pipít
ang daán túngo sa yungíb ng mga patáy.

2
Napakátiwasáy ng hímpapawíd.
Walâng kislót ang mga dáhon at lamók.

3
Tinukláp
ng hángin ang ánit ng munísipyo,
binurá ang mga báhay,
niloóban ang mga tindáhan,
iwínasíwas bágo ibinuwál ang niyúgan.

At isáng áso 
ang umáhon sa gumuhông padér
ng bányong humíhikbî, ginígináw.

4
Ulán! Ulán! Lampás kawáyan!
Bagyó! Bagyó! Lampás kabáyo!

Nagtakíp akó ng mga taínga
at napáhagulgól,
hábang tíla binúbuská ng mga anghél.

5
Tumátakbٖó ang mga bangkáy
sa gitnâ ng bagyó,
tulalá’t tuliró:
Walâng silbí ang pagbíbiláng.

Tináwag kitá, ngúnit 
kinárit ang klínika.

6
Kung kasínglakás ng sígnal ng sélfon 
ang sígnal ng bagyó,
magsásará ang rádyo o peryódiko
sa búhos ng réklamo.

“Huwág matákot!” at párang sumagì 
sa pusò
ang isáng kúbong pasán ng mga hantík.

7
Sumaklólo sa mga bakwét
ang Mababâng Páaralán
úpang págdaka’y itabóy mulî ng dalúyong.

At naísip ko:
Lahát kamí ay basúra, at kasíngrupók
ng mga sílya at písara
ng mundó.

8
Lumubóg ang mga palayán.
Ngunit pumuság sa pápag
ang mga hitò at plápla,
párang áyuda
sa áming dî-maabót ng Máykapál.

Húlog ng lángit,
isáng bangkâ at tatlóng kótse 
ang naligáw sa mga pítak ng gulayán.

Ngunit tumírik, kahápon pa, 
ang makína 
ng áking ísip 
sa makapál na banlík.

9
Bumabángon sa bayánihán,
bumabángon pára sa báyan.

Pinápanoód kamí ng daigdíg
kung paáno manaíg sa bisà ng pag-íbig.

10
Umambón mulî.
Párang winísikán ang mukhâ kong putikán.

At inusál ang sumpâ na mámahalin ka—
bumábagyó ma't kay dilím.
Alimbúkad: Epic poetry storm beyond Filipinas. Photo by Emma Li on Pexels.com

Cheese Mess, ni Roberto T. Añonuevo

Cheese Mess

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo

Naisisilid ang vayrus sa mga titik ayon sa diksiyonaryo ng kesong puti at retorika ng keso de bola; at kung ikaw ang haring kusinero ng kaisipan, ang pagbigkas ng salita ay makasasakit at makapagbibigay ng sakít sa hindi mo kauri, bukod sa sadyang peligroso sa hangal sakali’t sumubok itong magsulat. Ikaw, sampu ng iyong kaututang-dila, ang tanging makapag-aari ng mahihiwagang salita. Sandangkal na tinapay ang tama at mali na nagdaraan sa dila at ngalangala, naisip mo, at itutulak ng barakong kape sa ngalan ng paninimbang para tunawin sa bituka ng pananalig.

Ang seguridad ng republika ang mahalaga, isasahinagap mo, at waring pinaalunignig ang talinghaga ni Platon na sinurot ang kakayahan ng mga makatang nagsasabing batid nila ang tibok ng lipunan (na patutunayan ng kanilang malalanding berso), ngunit hindi naman marunong magtornilyo sa pilipisang ang memorya kung hindi man guniguni’y limitado sa paggagad sa mundo. “Bakit maniniwala sa sabi-sabi,” naglaro sa utak mong hiram wari kay Socrates, “kung ang sukdulang katotohanan ay matatagpuan sa dakilang artipisyong magmumula lámang sa Maykapal?”

Batid mong ang kontaminadong titik, kapag inihalo sa iba pang titik na sabihin nang muslak o antigo o bagong luto, ay maaaring magluwal ng salitang asintomatiko, na pagkaraan ng ilang araw ng pagkahinog ng inililihim, ay mauuwi sa salot na katumbas ng hanging sinisinghot. Sa oras na pumutok gaya ng bulkan ang mga parirala ng pagdududa, na nagiging mabalasik na tanong, ay lalantad ka sa telebisyon upang pahupain ang pangamba ng taumbayang nakalimot yatang bumulong o sumigaw alinsunod sa tulak ng pusòng de-piston.

Sa laboratoryo ng mga dalubwika, mapanganib ang maruruming salita. Ang mga salita, kapag nagtipon-tipon sa mahika ng kung sinong ulol na tagasulsol, at naging pangungusap at ang gayong pangungusap ay nanganak ng iba pang pangungusap at nagbanyuhay na talata na may angking realidad—ay ano’t nakapagdudulot ng di-mawaring dalamhati o kamatayan sa gumagamit nito. Payak ang payo sa iyo ng mga eksperto: Ipagbawal gamitin ng mga mamamayan ang kontaminadong salita, sapagkat katumbas nito ang pandaigdigang sakuna.

Na siya mong ipinatupad.

Hindi naman nagkamali ang iyong mga tagapayo. Ngunit may ilang matitigas ang ulo. Halimbawa, ang salitang kontaminado at ginamit ng kung sinong mensahero o senador ay kisapmatang yumao. Pagkaraan nito’y sunod-sunod ang mga nabubuwal sa kalye, at sumikip ang mga ospital sa mga maysakit, at walang nagawa ang maraming bansa kundi isakatuparan ang mabilisang kumbersiyon ng mga bukid para maging sementeryo. At ang pakpak ng balita sa gayong pangyayari, sa anyo man ng aklat o elektronikong pabatid, ay naghasik ng kapahamakan sa pitong kontinenteng ang lupain ay hitik sa taingang namumukadkad sa lupain.

Hawak mo ngayon ang kutsilyo at sa labis na inis ay hindi alam kung itutusok ba sa kesong puti o keso de bola. Kumakalam ang iyong sikmura, ngunit wala kang ganang kumain ng mga balita. Dudungaw ka sa iyong bintana, at makikita sa paanan ng iyong palasyo ang kumakapal na madlang hindi makapagsalita ngunit tangan ang makukulay na plakard na kung hindi nagsasayaw gaya ng payaso’y nagtatanghal ng komedyang naghahatid sa mga nasasakupan mong tumawa nang tumawa, na kasinglutong at kasinghaba ng maibibigay ni Bert Tawa. Ilang sandali pa, mayayanig ang kinatatayuan mo, at mahihilo ka na waring may tama, at iduduwal ang mga kontaminadong salita—na ipinagtataka mo kung bakit unti-unting kinakain ang iyong anino.

Alimbukad: Poetry unstoppable

Araw, ni Roberto T. Añonuevo

Araw

Roberto T. Añonuevo

Kapág umíbig ka, ang bató ay nagkakábagwís úpang maabót
Ang úlap, at pagkaraán, uulán díto sa áking kinatatayûan.
. . . . . . . .Kapág umíbig ka, ang luhà ay nagíging sariwàng talón
Sa galaktíkong bundók, at maiinggít ang sinaúnang disyérto
Na naípon sa áking loób na nahahatì sa poót at lungkót.
Kapág umíbig ka, ang búkid ay elektroníkong kabáyo
Na tumatakbó, at isinasakáy akó pára mabatíd ang igláp.
Kapág umíbig ka, ang kisáp ay eternál sa walâng bisàng baít.
Kapág umíbig ka, kumukulóg at kumikidlát, at humahángin
. . . . . . . .Nang malakás; at kung itó ang áking muntîng wakás,
Ang pag-íbig mo’y kay lamíg sa nilalagnát na gabí ng mgá aklát.

Ako, ni Roberto T. Añonuevo

Ako

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas

Buhawì sa láot ang naípapások sa hungkág na kahón—na kapág ibinálot sa hablón ay malayàng isíping regálo kung kaníno. At ang kahón ay kusàng maghuhúnos na alupíhang-dágat, na untî-untîng hihimbíng kapág tinamàan ng sínag at magkákapakpák sa panagínip úpang isakátupáran ang pagigíng paruparó. Lilípad ang paruparó at darapò sa áking balíkat. Putîng gamugamó na palamutîng panaúhin sa kayumanggîng balát, anó ang pangálan ng ginháwa na hatíd mo? At ang áking balíkat, na tawágin mang tátay o bána, ay tutugón sa paglápad hanggáng lumayláy o dumupók dáhil sa bigát ng pinapásang daigdíg, at ang daigdíg na itó na húgis parisukát ay mágbabalík sa guniguníng kahón, at matitigmák sa di-inaasáhang ulán hanggáng malúsaw at magbanyúhay na símoy na kung hindî tuliróng ipuípo ngayón ay mag-iípon ng lakás búkas hanggáng magíng ganáp na bagyó na maglalahò sa tatlóng áraw—tawagin man itóng talangkâ, tiniklíng, tanagà.

Sa Barangay ng Makata, ni Roberto T. Añonuevo

Sa Barangay ng Makata

Roberto T. Añonuevo

Pumikit ang araw nang sanlibong taon,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . at nang dumilat ka,
ang tula ni José Corazón de Jesús ay lumalakad sa tubig—
na mula sa walang kamatayang

. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . . . . . . . . . . . matang-tubig ng iyong ama,
at naglalagos na sariwang hangin sa mga rehas ng bilibid.

Ang Sértipiko bilang Talâ sa Kasaysayan, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Sértipiko bilang Talâ sa Kasaysayan

Roberto T. Añonuevo

May silbi bilang puwang sa pag-aaral ng panitikan at kasaysayan ang pagbabalik sa mga sertipiko na tinanggap ng mga pinarangalang manunulat. Ang parangal, sa isang panig, ay sadyang nakapagbibigay ng prestihiyo sa manunulat, lalo kung ang nagbibigay ng parangal ay kagalang-galang at tinitingala sa lipunan. Ngunit sa kabilang panig, nakikinabang din ang isang institusyon o ahensiya sa pagbibigay ng parangal sa isang manunulat, lalo kung ang manunulat na ito ay hindi matatawaran sa kadakilan, sapagkat nalulugar ang nasabing institusyon o ahensiya para maanggihan ng popularidad ng pinararangalan.

Nagkakatalo ang lahat sa tekstong inilalahok sa sertipiko o plake. May ilang institusyon na isinasaad lámang ang ginawang serbisyo ng manunulat, at masasabing de-kahong pagkilala; may iba namang inililista ang mahahalagang ambag nito, at nagkasiya sa pagkatalogo ng mga nagawa o tagumpay. Samantala, may ibang institusyon na dahil sa komposisyon ng lupon nito ay nakalilikha ng pambihirang pagpaparangal sa manunulat dahil sa mga walang kamatayang salitang sadyang kumikilala sa ambag ng nasabing manunulat sa panitikan at kasaysayan.

Isa si Iñigo Ed. Regalado sa mga binigyan ng maraming parangal at papuri sa kasaysayan ng Filipinas, ngunit ang iba’y naiwaglit, naitapon, o nawala sa kung anong dahilan sa paglipas ng panahon, samantalang ang ibang natitira’y matatagpuan ngayon sa Ateneo de Manila University Library. Sinikap ko noong masagip sa ganap na paglalaho, at maisalin pagkaraan sa nasabing aklatan ang mga akda at memorabilya ni Regalado sapagkat hindi na ito maalagaan ng kaniyang mga kaanak.

Narito ang isang sipi mula sa plake ni Regalado, na ibinigay ng Malacañang Palace noong 1966, at nilagdaan nina Carlos P. Romulo (Chairman, The National Independence Day National Committee), Patrocinio Velenzuela (Chairman, Republic Cultural Heritage Awards Sub-Committee), at Francisco Arcellana (Chairman, Sub-Committee on Literature):

“The Independence Day National Committee upon the recommendation of the Republic Cultural Heritage Awards Sub-Committee, the Independence Day National Committee of the Republic of the Philippines, hereby awards this PLAQUE to Iñigo Ed. Regalado, dean of Filipino men of letters, the last of the giants of the Tagalog novel and our only surviving classic, for a truly distinguished body of work in Tagalog in scholarship and criticism—the first definitive study of the Tagalog novel, in translation—from the Spanish of Rizal, in verse and in fiction, specially novel, Madaling Araw, one of the truly great novels in Tagalog. . . .”

Naaangkop ito kay Regalado, lalo kung ang sumulat ng parangal ay nagmula kay Arcellana, na magiging Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan sa paglipas ng panahon. Ang kakatwa’y tinanggihan mismo ni Regalado kahit maging kandidato para maging National Artist, sapagkat para sa kaniya’y hindi dapat nangangampanyang parang politiko ang isang manunulat para kilalanin ng madla. Ibig sabihin, ang kaniyang mga obra at kontribusyon sa lipunan sa iba’t ibang kapasidad ay sapat nang testamento sa kaniyang kadakilaan.

Noong 1969, hahandugan ng Gantimpalang Pampanguluhan ni Pangulong Ferdinand E. Marcos, sa tagubilin ng Civic Assembly of Women of the Philippines na pinamumunuan ng batikang abogado Josefina Phodaca-Ambrosio, si Regalado. Pambihira ang banggit sa kaniyang sértipiko, na lagom wari sa kaniyang mga talambuhay:

Dahil sa kanyang mahalagang abuloy sa Panitikan ng ating bayan sa pagsusulat niya ng mga tula at mga nobelang maitatangi;

Dahil sa may 25,000 mga sanaysay, editorial, pitak at iba pang lathalaing sinulat niya na nagtatampok sa ating kultura sa iba’t ibang magasin at pahayagang kanyang pinamatnugutan sa loob ng mahigit limampung taon;

Dahil sa kanyang ulirang paglilingkod bilang konsehal at pangulo ng Hunta Munisipal ng Maynila sa loob ng labinlimang taon bago magkadigmaan;

Dahil sa kanyang sikap at malasakit sa ating wikang pambansa, hindi lamang sa pagsusulat, kundi sa pagtuturo nito sa kabataan ng bansa sa ating mga pamantasan hanggang sa kasalukuyan. . . .

Kung totoo ang tantiya ng lupon ng gawad, si Regalado ay nakasulat ng 500 akda kada taon sa loob ng 50 taon, at ito ay hindi imposible dahil wala namang bisyo si Regalado, kung hindi ang lingguhang dibersiyon lamang sa karera ng kabayo sa ipodromo ng Santa Ana, Maynila. Hindi magtatagal at lalabò ang mga mata ni Regalado, at halos mabulag, at kaya tatanggihan niya pagkaraan ang mga imbitasyon, gaya sa pagiging hurado sa mga pambansang timpalak pampanitikan.

Ibibilang si Regalado na isa sa pitong haligi ng Sentrong Pangkultura ng Pilipinas, at ipapaloob sa kapsula ang kaniyang mga piling sinulat.

Ang ibang sértipiko ng parangal ni Regalado ay sulat-kamay na kursibo ang anyo, gaya sa mga sertipiko na ibinibigay noon ng Palanca Memorial Awards for Literature at University of Santo Tomas. Maihahalimbawa rito ang bigay ng Pamantasang Centro Escolar noong 1966, na nilagdaan nina Pilar Hidalgo Lim (Pangulo ng Pamantasan), at Paz Policarpio-Mendez (Dekana, at Pangulo ng Lupon sa Pagpili); at ang parangal ng Panitik ng Kababaihan na ibinigay noong 1956 at nilagdaan nina Nieves Baens del Rosario (Pangulo, Panitik ng Kababaihan), Ligaya Perez (Kalihim ng Panitik ng Kababaihan), at Hilaria Labog (Tagapangulo ng Lupong Tagahirang). Ang mga babaeng ito ay mga premyado ring manunulat ng kanilang panahon.

Masarap tumanggap ng parangal, lalo kung ang parangal ay tapat at makatotohanan, at kusang ibinibigay nang walang halong politika o pamomolitika. Mainam din ito kung mahusay ang pagkakasulat sa parangal at hindi basta bola lamang ng kung sinong kagawad sa lupon ng gawad. Kung hindi matatamo ang ganitong mga katangian, kahit si Regalado ay tatanggihan ang gawad o parangal, sapagkat higit na mahalaga ang pagpapanatili ng malinis at dalisay na pangalan, kaysa tumanggap ng panandaliang popularidad.

File:Inigo Ed Regalado.jpg

Iñigo Ed. Regalado.

Reaksiyonaryong Tula ni Tomas F. Agulto

Bahagi ng mahabang kasaysayan ng panitikang Filipinas ang paggamit sa tula bilang propaganda—kung hindi man programa—upang isulong ang ideolohiya ng isang kilusan o politika ng isang tao. Ang tula ay maaaring sipatin na bahagi lamang ng simulaing pampolitika, at yamang higit na makiling sa politika, ay hindi maaasahan dito ang mataas na uri ng estetika na posibleng hinihingi sa, o ipinapataw ng, sining. Ang estetikang maaasahan sa tula ay estetikang pampolitika, na sinisipat ang tula alinsunod sa linyang isinusulong ng partido imbes na malikhaing pagdulog na labas-sa-kumbensiyong indibiwalidad. Ang higit na mahalaga ay ang resultang pampolitikang mahuhugot sa tula, kung paniniwalaan ang partisanong makata, at ang tula ay nananatiling kasangkapan lamang gaya ng ibang materyal na bagay.

Ngunit ang tula ay higit sa kasangkapang pampolitika lamang. Ang tula ay maaaring magtaglay ng iba pang silbing higit sa kayang ibigay ng materyal na bagay, at kabilang dito ang kasiyahan, kaluwagan, at kabukasan ng isip na pawang makapagpapataas ng pagkatao. Ang tula, bagaman kayang magbunyag ng tunggalian ng mga uri at magpasimula ng himagsikan, ay makapagpapamalas din ng mga halagahang taliwas sa tunggalian o himagsikan, na kahit hindi makalulutas ng suliranin ng daigdig ay makapagbubukas ng pang-unawa at kalooban ng karaniwang tao. Ano ang ibig sabihin nito? Hindi maikakahon ang tula sa isang taguri lamang, gaya ng ibig ng ilang Marxista kuno. Ang pagtula ay hindi rin maikakahon sa dalawahang panig, na ang isang banda ay mabuti at puti samantalang ang kabilang banda ay masama at itim. At ang pagkasangkapan sa tula ay hindi monopolyo ng aktibistang makata, o dating aktibistang makata. Maihahalimbawa ang tulang “Huwag na po kayong tutula tungkol sa amin” (2009) ni Tomas F. Agulto:

Huwag na po kayong tutula tungkol sa amin

1 Huwag na po kayong tutula tungkol sa amin
2 Wala po kayong utang na loob sa masa
3 Gawin lamang ninyo ang inyong trabaho nang mahusay
4 Pagkat ginagawa namin ang aming trabaho nang walang alinlangan.

5 Huwag nyo [sic] po kaming pagtatakpan ng ilong
6 Hindi po namin ikahihiya ang ligamgam ng putik
7 Basta sigurado ang sirkulasyon ng bigas
8 At sibuyas, bawang, paminta sa buong bansa.
9 Basta laging may masarap kayong pulutan at ihaw-ihaw
10 Basta hindi kakalawangin at laging full tank ang kotse nyo araw-araw.

11 Sumusuot kaming parang mga alupihan sa ilalim ng lupa
12 Pikit-mata po kaming nakikiraan sa mga bitak sa bato ng lindol
13 Upang matiyak ang variety ng mga alahas sa inyong tenga at daliri
14 Upang sari-sari ang inyong mapagpipilian sa Ongpin
15 O sa Ayala Alabang.

16 Kahit dinadaan na lamang namin sa tulog ang hapunan
17 Tiyak na may darating na bigas at mais sa pamilihan
18 Hindi kami makapandadaya sa kalidad ng mais at bigas,
19 Kung kulang man ang timbang ng mga sako sa tindahan
20 Hindi na namin iyan kasalanan.
21 Wala pong natitira sa amin anuman.

21 Hindi ninyo kami maakusahan ng pandaraya o katamaran.

22 Hinahabol namin sa palaisdaan ang [mga] bangos at alimango
23 Sinisisid namin sa look ang mga kabibi, sea urchin at maliputo
24 Tambakol galunggong bariles dilis tandipil at abo-abo
25 Kung dumating sa inyong pinggan ang isda at bilasa
26 At makati na sa dila, hindi na po namin yan kasalanan.

27 Hindi ninyo kami maakusahan ng pandaraya o katamaran.

28 Sinusupil namin ang kati, inis at himagsik sa mga pabrika
29 Nagbubuwis kami ng daliri o kung minsa’y buong kamay sa imprenta
30 Nagkakaulser, nagkakaTB at kataka-taka
31 Kung bakit maraming niluluslusan gayong ice-tubig
32 Lang naman ang madalas na laman ng tiyan.

33 Hindi ninyo kami maaakusahan ng pandaraya o katamaran.

34 Hindi po ito pangungunsensya,
35 Hindi po kami umaasang kayo’y meron pa—
36 At hinding hindi rin ito pagbabanta.
37 Nagsasalita lang kami nang tahas, walang ligoy
38 Nagsasalita po kami tungkol sa mga bagay
39 Na aming nararanasan walang labis walang kulang.

40 Hinding hindi po kami makikipagtalo sa inyo nang basta-basta

41 Basta huwag na lang po kaming istorbohin sa bukid
42 Igalang po ninyo ang aming mabigat na pag-aantok
43 Saan man kami mahilata at abutan ng tulog
44 Hayaan ninyo kaming magpahinga.
45 Hayaan po ninyo kaming mapahinga.

46 Huwag ninyo kaming istorbohin sa pagpapahingalay
47 Nakangangawit din po kasi ang maghapong
48 Paghahasa ng itak at sundang.

49 Huwag na po kayong tutula tungkol sa amin.

Naglustay ng 388 salita sa loob ng 49 taludtod ang buong tula, kung tula mang matatawag ang nasabing akda. Payak lamang ang ibig ihatid nito: Huwag daw tulaan ng kung sinong makatang mahihinuhang burges ang pamumuhay ng mga anakpawis. Sasapit sa ganitong kabatiran kapag ibinukod ang dalawang panig. Una, ang panig ng personang nagsasalita na pabor umano sa mga dukhang mangingisda, magsasaka, at manggagawa. At ikalawa, ang panig ng kausap ng persona, na mahihinuhang negosyante, o kung sinong mayhawak ng kapangyarihan o kayamanan ng lipunan, at siyang isinasatinig ng makatang burges.

Kung uuriin nang maigi, ang winiwika ng persona ay tanging ang makatang nagmula sa uring anakpawis ang kayang tumula ng buhay ng mga anakpawis. Ang sinumang tutula hinggil sa anakpawis ngunit nagmula sa uring burges at naghaharing uri ay mabibigo, at maaaring maghatid lamang ng mga balighong interes na maaaring kinakatawan ng interes ng burgesya at naghaharing uri. Ang ganitong linya ng pag-iisip ay hindi na bago, at mahuhugot sa mga akda ni Jan Mukarovsky, at nagpapahiwatig lamang na ang kadakilaan ng isang likhang sining ay nakabatay sa halaga o pagpapahalaga na ipinapataw ng isang salinlahi tungo sa susunod pang salinlahi. Para sa anakpawistang persona, ang pagpapahalaga sa tula ay magiging makatotohanan lamang kung mula sa uring anakpawis, sakali’t ang uring anakpawis na ito ang maging dominanteng uri sa agos ng kasaysayan.

Nagmamadali ang ganitong pagbasa, at kailangan pang balikan ang tula. Sa unang unang saknong, nagpapayo ang pangmaramihang persona na huwag na daw tulaan ang mga anakpawis dahil “walang utang na loob sa masa” ang kanilang tiyak na kausap na makata. Gawin lamang daw ng makata [na burges] nang mahusay ang trabaho, dahil may trabaho din ang mga anakpawis. Ngunit ano ba ang trabaho ng makata? Hindi ba tumula? Ang pagtula nang matino ang pangunahing dapat asahan sa sinumang makata, at kung hindi bilib dito ang maramihang personang nagkukunwang anakpawis na tumutula rin, ang ganitong pagdududa ay dapat alamin pa nang malalim. Kung babalikan ang mga akdang Marxista, ang tula—o sabihin nang panitikan at sining—ay mula sa esperang pang-ideolohiya ngunit hindi kasintahas ng matatagpuan sa mga sistemang panrelihiyon, pambatas, o pampilosopiya. Maiisip dito na mababago lamang ang kamalayan ng taumbayan kung makikilahok ang uring anakpawis sa diskursong pampolitikang mailalahok sa tula; at hindi solusyon ang pagsasabing “huwag nang tumula ang mga makatang burges at elitista.”

Ang pagsasabing “huwag na kayong tumula hinggil sa amin” ay pasibong tugon sa diskursong inilalatag ng “naghaharing uri ng mga makata.” Wala itong inilalaang alternatibong hakbang na magbibigay ng katwiran sa himagsikang pangkaisipan at pang-estetika na pawang ibig salungatin ng anakpawistang persona. Kung ang estetikang silbi ng tula ay hindi maipapaliwanag kahit sa relatibong paraan sa panig ng anakpawistang persona, ang estetikang silbi ng tula ay mananatili lamang sa dati nitong lunan at mabibigong lumago para “para pagsilbihan ang masa.”

Sa ikalawang saknong, may pasaring ang persona hinggil sa prehuwisyo ng makatang burges laban sa mga anakpawis. Uulitin ang pasaring bilang retorikang pamamaraan sa mga taludtod 21, 27, at 33. Ngunit hindi ipinakilala nang maigi kung sino ang pinasasaringan. Upang maging kapani-paniwala kung may prehuwisyo mang ginagawa ang tiyak na kausap ng persona, ang tao na ito ay dapat ibunyag nang maipamalas ang diyalektikong ugnayan ng mga kaisipan at uring nagbabanggaan. Ngunit nabigong ipamalas yaon sa tula, at ang inilahad ay ang sawing kapalaran ng magsasaka, minero, tagalimbag, at mangingisda. Ang ganitong taktika ay matataguriang “epektong paawa” na nagtatangkang maging kalunos-lunos ang anyo o kalagayan ng uring anakpawis, sukdang maging romantisado, at ang sinumang kasalungat nitong uri ay magiging kontrabida. Laos na ang ganitong uri ng pagdulog sa tula, at kakatwang hindi nakapag-ambag kahit sa progresibong pakikibaka ng mga anakpawis.

Ang pahayag ng maramihang persona na “Hindi ninyo kami maaakusahan ng pandaraya o katamaran” ay pagpapahiwatig na nag-aakusa nga ng ganito ang kanilang kausap. Ngunit may ganito ba talagang akusasyon ang kausap ng persona? Wala, dahil hindi matibay na naipamalas sa tula kung sino ang tarantadong kausap ng persona at kung bakit nag-aakusa sila nang gayon. Ang pahayag ng persona ay maaaring sipatin na nagmumula sa baliw—na nakaririnig ng kung ano-anong tinig—at animo’y pinarurusahan ng guniguning makata na walang isinusulong o ipinagmamatwid kundi ang interes lamang ng uring burgesya at elitista. Payak lamang ang ibig ipaunawa ng tula: Na ang uring pinagmulan ng anakpawistang persona ang nagtatakda ng kamalayan nito at siyang mahuhugot din sa linyang isinusulong ni Karl Marx. Wala umanong magagawa kundi maghimagsik. Sa tula ni Agulto ang kondisyon ng paghihimagsik ay mababaw ang pagkakalugar sa agos ng kasaysayan, at ang konteksto ng anakpawistang persona ay nabigong maitampok ni maipahiwatig sa tula.

Binanggit sa taludtod 34 na hindi raw pangungunsiyensiya iyon ng persona sa makatang burges. Nagsasalita lamang daw ang persona nang tahas at batay sa karanasan “nang walang labis at walang kulang.” Ngunit hindi ito totoo. Ang pagsasalita ng persona ay hitik sa ligoy, at ang mga pasaring ay lihis na lihis sa pinatutungkulan. Ang persona—na nagtatangkang kumatawan sa uring manggagawa, magsasaka, mangingisda, minero, at dukha—ay nabigong maitampok sa kapani-paniwalang pamamaraan ang buhay ng anakpawis na inapi o kinawawa ng makatang burges sa mahabang panahon. Ang akusasyon ng “pandaraya at katamaran” ay isang meme na ipinalalaganap ng mga telenobela at sinaunang kuwentong komiks, at kung ito man ay gagamitin sa tula ay dapat higit na mabalasik at matindi na kayang rumindi sa sensibilidad ng mambabasa o makatang burges na pinatutungkulan. Kaya ang pahayag na “huwag ninyo kaming tulaan” ay sampal na bumabalik sa persona at hindi sa pinatutungkulang makatang burges.

Ang problema sa akda ni Agulto ay hindi naibukod ang “makatang burges” sa “uring burgesya” o “naghaharing uri” na patuloy na naghahasik ng pang-aapi at pandurusta sa mga anakpawis upang manatiling anakpawis ito sa habang panahon at manaig lamang ang naghaharing interes. Kung ang makatang burges ay siyang may kontrol sa produksiyon ng materyal na bagay sa lipunan, kabilang na ang panitikan, ito ang dapat linawin sa tula. Paano natitiwalag ang persona sa mga makatang burges? At paanong ang mga makatang burges ay nakapaghahari sa lipunan kahit sa puntong pagbilog sa kamalayan ng taumbayan? Hindi ito sinagot sa tula. Ang makatang burges ba ay “nang-iistorbo sa bukid” o baka naman ang tinutukoy ay “panginoong maylupa” lamang? Bagaman sinasabi ng persona na hindi ito “nagbabanta” sa tiyak na kausap ay mahihinuhang gayon ang ibig nitong ihayag, lalo kung sasapit sa mga taludtod 47–48 na hinggil sa maghapong “paghahasa ng itak at sundang” na pahiwatig ng pag-iisip ng madugong krimen.

Maitatanong: Para saan ang maghapong paghahasa ng itak at sundang? Para sa pahiwatig ng anakpawistang himagsikang mala-milenaryo? Sayang ang ganitong pagtatangka, dahil marupok at mababaw ang pagsusuri ng persona hinggil sa mga pangyayaring pampolitika, pangkabuhayan, at pangkultura sa lipunan. Kung may himagsikan mang ibig ang persona, ito ay dapat nakatuon sa pagbasag sa mga kumbensiyonal na pananaw ng pagiging anakpawistang makata, at anakpawistang kaligiran sa lipunan. Maaaring basagin din ng persona ang kumbensiyonal na pananaw ng makatang burges, ngunit ang masaklap, ang mga isinaad na hulagway patungkol sa makatang burges ay lumang-luma at pinagkakitaan na noon pa mang dekada 1970–1980 ng mga aktibistang makata.

Kung babalikan ang tesis ng tula, de-kahon ang pananaw na “hindi kayang tulaan ng mga makatang burges” ang buhay ng mga anakpawis. Kung ang pagtula ay ituturing na malikhaing pagsisinungaling—na ang realidad ng anakpawis ay naitatanghal sa ibang antas ng realidad, anyo, at pamamaraang di-kumbensiyonal—ang tesis ni Agulto ay mapabubulaanan. Kung ang pagtula ay pagsasaharaya ng buong lipunan, ang lipunang ito ay hindi lamang bubuuin ng anakpawis bagkus ng iba pang uri. May prehuwisyo lamang ang persona ng tula, at maaaring ito rin ang pananaw ni Agulto, na ang mga anakpawis ay matutulaan lamang ng mga makatang anakpawis, at ang pagtulang ito ay mahihinuhang nasa pagdulog na realistang panlipunan lamang. Posibleng may nakikitang ibang anggulo ang tinaguriang “makatang burges,” at ang anggulong ito ay maaaring nabigong maisahinaganap ng mga makatang anakpawis na linyado kung mag-isip at tumula.

Sa dulo, mahihinuhang ang pagrerebelde ng personang nagsasalita sa tula ay nakabatay sa sukal ng damdamin, imbes na sa matatag na lohika, at maaaring sanhi ng prehuwisyo rin ng nasabing persona laban sa ipinapalagay nitong “makatang burges.” Kung ipagpapalagay na ekstensiyon ni Agulto ang persona ng tula, si Agulto ay nagbabalatkayong anakpawistang makata, dahil nabigo niyang lagumin ang mahabang kasaysayan ng uring anakpawis at ang makulay nitong pakikibaka sa lipunan. “Huwag na kayong tutula tungkol sa amin” ang pamagat ng tula, at ang pamagat na ito ay marahil nagpapayo rin sa makatang Agulto na suriin ang kaniyang sariling akda na maaaring hindi na tumutugma sa kalagayan ng uring manggagawa, mangingisda, at magsasaka na pawang mga dukha at nagsusulong ng himagsikang pangkaisipan at pangkalooban. Ang pagtula ay nangangailangan ng natatanging kasanayan, sigasig, sensibilidad, at talino, at ang mga ito ang hinihingi kahit sa premyadong makata na gaya ni Tomas F. Agulto.

PAHABOL:  Para sa kaalaman ng lahat, ang kritika sa tulang “Huwag na po kayong tutula tungkol sa amin” ni Tomas F. Agulto ay hindi simpleng sagot sa banat ni Agulto sa aking tulang “Lawa ng Wala.” Hindi iyon “ganting-salakay” sa tula ni Agulto, kahit si Agulto ang unang umulos at nag-ingay upang magpapansin. Walang ginawang masusing kritika si Agulto sa aking tula, at ano kung gayon ang dapat sagutin? Kayang ipagtanggol ng aking tula ang sarili nito, at hindi gaya ng tula ni Agulto. Ang tula ni Agulto ay binigkas niya sa Kongreso ng UMPIL (Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas) nang may halong pang-uuyam at paglibak sa naturang organisasyon, at sa aking palagay ay dapat inuurirat nang maigi. Mababatid sa naturang akda ni Agulto kung karapat-dapat siyang bigyan ng parangal bilang makata, o kung dapat isumpa sa pagsulat “ng walang kawawaan.”