Prosang itim at tulang tuluyan sa Filipino

Mauugat sa aking palagay ang tulang tuluyan sa Filipinas sa pagsilang ng “daglî” noong huling mga taon ng siglo 19 at unang dekada ng siglo 20. Tumutukoy noon ang “dagli” sa mga prosang alanganing kuwento at alanganing sanaysay, na binubuo ng ilang talata, at nagtataglay ng larawan o salaysay na nababalutan ng pananalinghaga. Malalathala ang mga dagli na mapagpatawa, mapagmuni, mapanuos, mapang-uyam, at mapaglahad sa pinakamatipid na paraan, gaya ng matatagpuan sa mga pahayagang El Renacimiento at Muling Pagsilang. Sisilang ang dagli sa panahong hindi malaman ng mga manunulat na Tagalog noong bungad ng siglo kung ano ang itatawag sa “maikling-maikling kuwento” o “tulang tuluyan” o “nobela” o “sanaysay” ngunit ayaw magpakahon sa gayong tatak.

Prosang Itim at ibang aklat ni Mike L. Bigornia,

Mga aklat ni Mike L. Bigornia

Ang salitang “tulang tuluyan” na panumbas sa “poeme en prose” ng Pranses o “prose poem” ng Ingles ay hindi kagyat na kinilala nang ganap sa Filipinas. Nagwagi ng unang gantimpala si Amado V. Hernandez sa timpalak pampanitikang itinaguyod ng kapisanang Ilaw at Panitik at pinondohan ni Don Manuel Tambunting noong 1931. Ang kaniyang “maikling kuwento sa tuluyang tula” ay halimbawa ng kalituhan kung paano tatawagin ang bagong uri ng panitikang naglalaro sa hanggahan ng “tula” at “kuwento.” Alanganing kuwento at alanganing tula ang ginawa ni Hernandez. Heto ang halimbawa ng unang tatlong talata na bumubuo sa tatlong yugtong akda na pinamagatang “Wala nang Lunas” ni Hernandez:

Bulaklak ng kasalanan. Maganda at mabango, sariwa pa at makulay.

Siya’y napulot ko sa maalikabok na lansangan ng paglimot; isang bulaklak na maganda nga ay waring pinagsawaan na ng kamay ng kasalanan, isang maputing ibong nabalian ng pakpak at lumagpak sa putik, isang pusong bata nga ay lipus naman ng sugat.

May iba siyang pangalan, nguni’t tinawag ko siya ng Tina. Tina! Mga matang maiitim at mabibilog, mga labing ang saklap ng hapis ay hindi maitago ng tila pahid na dugo ng kalapati, mga pisnging mandi’y mabulong hinog na nakabitin sa sanga. Iyan si Tina. Matamis mangusap, magiliw kumilos; walang kasintamis at kasinggiliw kung maglambing at umibig.

Hindi pa nauuso ang kanta ng Hot Babes hinggil sa “bulaklak” (i.e., puke o kiki) ay nauna na ang kay Hernandez. Umiinog ang sabihin nang “tulang tuluyan” ni Hernandez sa karanasan ng personang magsasaka na nakatagpo ng “kalapating mababa ang lipad” (i.e., puta o baylarina). Inalagaan ng persona ang babae na tinawag niyang “Tina,” at sila’y nagkaibigan. Ngunit dumating ang sandali na kailangang maghiwalay sila, dahil kailangang kumayod sa bukid ang lalaki. Nainip si Tina, nag-alsa-balutan, at nagbalik sa dating gawi nito makaraang makaipon ng lakas. Namighati naman ang lalaki, at hinanap ang dilag hanggang makaabot siya sa isang kabaret doon sa Maynila. Nagpakalasing at nag-eskandalo ang lalaki. At sa di-inaasahang sandali’y nakita si Tina sa madilim na kabaret, kayakap ang ibang lalaki, at nawaring may sakit si Tina. Hindi sa katawan, kundi sa kaluluwa.

Ang kalituhan sa pag-uuri sa akda o tula ni Hernandez ay sasapit din sa akda ni Alejandro G. Abadilla. Noong 9 Setyembre 1932, nalathala sa Liwayway ang tatlong tula ni Abadilla. Ang ikatlong akda ni Abadilla na may pamagat na “Ang Panahon” ay tinawag niyang “kaunting tula at kaunting tuluyan.” Alam ni Abadilla na mahirap tatakan ang kaniyang bagong likha. Alanganin yaong tula at alanganing prosa, at lalong naiiba sa tinatawag na “dagli” na pawang nalalathala at inaabangan sa mga diyaryo o magasin, gaya sa Muling Pagsilang, Renacimiento Filipino, at Taliba. (Tandaan ding mahirap ituring noon na “tula” ang isang akda hangga’t wala itong tugma at sukat, at kahit ang “malayang taludturan” ay hindi pa ganap na tanggap sa loob man o labas ng pangkat ng mga makatang Tagalog. Ang mga makatang nangauna kay Abadilla  ay nagsisikap na mapanatili ang anumang matatawag na katangian ng katutubong tulang Tagalog; samantalang si Abadilla at ang kaniyang mga kapanalig ay nagsisikap namang magpasok ng kabaguhan sa panulaang Tagalog, na magsisimula sa paggamit ng malayang taludturan hanggang pagkasangkapan sa himig o tinig ng tula o iba pang taktikang panretorika.) Narito ang masasabing kauna-unahang tinawag na “tulang tuluyan,” na pinamagatang “Ang Panahon,” ni Abadilla:

—Kung ang mga taong nangakalipas na’y muling magbalik at minsan pa’y magbibigay ng pagkakataon!…—Iyan ang sigaw at kahilingan ng yutayutang nagsisipagsisi ngayon. Sila, na mga sawi! Katulad ng mamamaril na nagpabaya!

Ang kamay ng Panahon ay sumusulat at patuloy sa kanyang paggawa. Ang sino mang di sumama sa kanyang paglakad ay maiiwan sa buhanginan ng naaksayang mga araw. At ang mga ito, kung tunay mang mga buhay pa at humihinga, ay mga patay nang matatawag, sapagka’t sila’y hindi nangatutong magsamantala ng pagkakataong sa kanila’y iniukol ni Bathala.

Napakaikli ng kay Abadilla, at tila paningit lamang sa espasyo ng Liwayway. Lilinaw lamang ang pagbabalikwas ni Abadilla pagsapit ng dekada 40, nang makipagtalo siya sa gaya ni Iñigo Ed. Regalado hinggil sa paggamit ng “malayang taludturan.” Ang “tulang tuluyan” ni Abadilla ay halos kaalinsabay ng paglitaw ng “malayang taludturan” na sinasalungat ng mga nakatatandang makata mula sa kapisanang Aklatang Bayan, ngunit isinusulong naman ng pangkat na Ilaw at Panitik at pagkaraan ng Panitikan.

Kung ihahambing ang nabanggit na tulang tuluyan ni Abadilla sa dagli ay malaki ang pagkakaiba. Maski ang “dagli”—na mauugat sa pahiwatig na agaran ang pagkakasulat—ay sasaklaw sa maituturing na “anekdota,” “pasingaw,” “salaysayin,” “vignette,” “munting kasaysayan,” “sanaysay,” “maikling-maikling kuwento,” “pangulong-tudling,” “tulang tuluyan,” at iba pang kauri. Ipinanunumbas naman ng ibang manunulat o kritiko ang “dagli” sa “sketch” sa Ingles; samantalang ang “pasingaw” ay itinuturing na katimbang ng “protofiction” o “microfiction” na ang malimit na layon ay dumiga’t magpalipad-hangin sa babaeng nililigawan o dili kaya’y mang-inis o mang-uyam sa tao na kinayayamutan.

Halos walang hanggahan ang nasabing mga taguri, at kahit ang mga tulang pasalaysay gaya ng Kahapon, Ngayon, at Bukas (1910) ni Aurelio Tolentino ay ituturing na “novelang Tagalog.” Noong bungad ng siglo 20, karamihan ng sumusulat ng dagli ay nakatago sa talipanpan o sagisag-panulat. Ito ay upang mapangalagaan ang sumulat, at makaiwas siya, sa maaaring libelo, pananakit, o balikwas na magmumula sa pinatatamaan o pinahahagingang mambabasa. Maihahalimbawa ang dagli—pinamagatang “Karamelo”—na halaw ni Antonio K. Abad sa aklat na Impressiones ni Antonio Luna, at nalathala sa Diwang Ginto. Narito ang sipi sa apat na talata na hinalaw ni Abad:

Isang dukhang angkan ang aking dadalawin. Siya’y isang balo na may pito o walong anak. Ang asawa’y isang marangal at matapang na kawal na namatay sa Jolo sa harap ng kuta ng mga Moro noong mga sandali pa namang wari’y kakamtan na niya ang tagumpay. Walang naiwan sa kanyang mga anak kundi katapangang balot ng limot, maraming luha, pangungulilang puspos ng paghihikahos.

Dahil sa pagluluksa, ang balo’y nanirahan sa isang sulok na malayo sa masayang Madrid. Dahil sa lungkot at sa kagipitan ay napilitan siyang tumira sa isang silid ng ikaapat na antas at tila baga ang kasaliwaan ay maaglahing nagsasabi na ang sulok na iyon ay laang maging daingan ng mga sakit.

Hindi ako tumigil sa tapat ng pinto, gaya ng mga nakaraan na pinakikinggan ko ang mga tugtugin sa piyano ni Lucy, isa sa mga anak. Noon ay ibang tugtugin ang pumipintig sa aking kaluluwa buhat sa loob, isang tinig ng batang lalaki na inuulit ang:

“Tinapay, mamá, bigyan mo ako ng tinapay! Pan, mamá…dame pan.”

Wari bang maikling “maikling kuwento” o “munting kasaysayan” kundi man “sketch” ang hagod ni Abad, at halos patula ang ilang pangungusap bagaman hindi kasimbulaklak ng kay Hernandez.  Ano’t anuman, maikakatwirang gayon talaga sumulat ang mga Tagalog, lalo noong bungad ng siglo 20 na ang mga talata ay mabubulaklak, at malimit matalinghaga ang paglalarawan ng mga tagpo.

Kung pagbabatayan ang mga pangunang pag-aaral ni Iñigo Ed. Regalado, maibubukod sa dagli ang “sanaysay” (essay) at “salaysayin” (thesis). Aniya:

5. Ang sanaysay ay lathalang nagpapahayag ng isang palagay o kuro hinggil sa alinmang bagay, suliranin, o paniniwala. Ito’y hindi sinusulat nang mahaba; habang maikli ang isang sanaysay ay lalong tumutugon sa layon ng lathalang ito.

6. Ang salaysayin ay isang lathalang tumutukoy sa isang paksang nangangailangan ng malawak na pagpapaliwanag. Masasabing sa pagsulat ng isang salaysayin ay nagagamit ang kaalaman ng pagsulat ng sanaysay. Bawa’t bahagi ng isang mahabang salaysayin ay isang sanaysay.

May pagtatangka na si Regalado noon na pagbuklod-buklurin ang mga katagang ginagamit sa pagsusuri ng panitikang Tagalog. Sa retorikang kaniyang binuo, halimbawa, ang “paglalahad” ay ipinakahulugang “isang ayos ng pagsulat na ang layon ay gumawa ng isang malinaw, sapat, at walang kiling na pagpapaliwanag sa lahat ng bagay na saklaw ng kaalaman ng tao.” Itinangi niya ang “paglalahad” sa “paglalarawan” (i.e., sketch). Ang “paglalarawan,” aniya, ay “isang ayos ng pagsulat na ang layon ay ipamalas sa nagsisibasa ang anyo at kalagayan ng anumang nais paabutin sa kaalaman ng sino man.” Idinagdag pa niyang ang layon nito’y “maipakilala ang kaibahan ng inilalarawan sa lahat ng kanyang kauri.” Mahaba ang paliwanag ni Regalado sa kaniyang mga termino, at marahil ay nangangailangan ng bukod na pagtalakay hinggil doon upang masuri nang ganap ang lahat ng isinaad niya sa nasabing aklat.

Ang “tulang tuluyan” bilang katapat ng “poeme en prose” ay unti-unti lamang magkakahugis noong mga dekada 1960-1970 at magsisilbing tulay ng protesta kahit noong dekada 1980 at ganap na magkakasanga noong dekada 1990. Kabilang sa mga gagamit nito ang gaya ni Manuel Principe Bautista (na ang mga tulang tuluyan ay tinatatakan ng “maikling kuwento” sa Liwayway) at nina Pedro L. Ricarte, Epifanio G. San Juan Jr., Virgilio S. Almario, at Gemino H. Abad sa hanay naman ng kabataan. Dapat banggitin ang isang napakagandang halimbawa ng tulang tuluyan ni Ricarte, na pinamagatang “Tao sa Hapag Tistisan” na ibang-iba ang hagod kaysa nakagawiang pagsulat noon ng prosa sa Tagalog. Gagamitin ni Rio Alma bilang hinpamagat sa kaniyang koleksiyong Muli, Sa Kandungan ng Lupa, (1994) ang “mala-kuwento” na tila pagsasabing “hindi pa ganap na kuwento” ang kaniyang akda, isang uri ng hybrid at ni ayaw waring magpatawag na dagli, subalit nakaugat pa rin sa tula. Magbabago ang tindig ni Rio Alma nang ilabas niya ang Memo mulang Gimokudan (2005) at pangangatawanan ang taguring “tulang tuluyan.” Ipinamalas ng makata sa naturang koleksiyon ang sari-saring posibilidad ng pagdulog sa tulang nasa anyong prosa, at animo’y humaharap sa daigdig upang magpakilala.

Sa hanay ng mga Filipinong makata, lumikha ng daluyong noong dekada 1980 ang Prosang Itim (1996) ni Mike L. Bigornia. Ibang-iba ang tulang tuluyan ni Bigornia, at malinaw na lumilihis sa malapot na pagsasakataga ng “mala-kuwento” ni Rio Alma, o sa kahig-manok na Marxistang tulang tuluyan ni E.San Juan Jr., o sa mala-propetang parabulang pampolitika ni G.H. Abad. Isang buong koleksiyon ng mga tulang tuluyan ang kay Bigornia, at nagtatalaglay ng makabagong himig ng pagsasakataga ng mga pangyayari, diwa, lunan, o tauhan na pawang taliwas sa nakagawian noong pagsulat ng mga makatang Tagalog mulang Aklatang Bayan hanggang Panitikan at kahit hanggang sa mga Makatang Bagay at nakararaming kasapi ng GAT (Galian sa Arte at Tula).

Malikot si Bigornia. Ang kaniyang tulang “Bestiyaryo,” halimbawa, ay maituturing na hybrid at karugtong ng “Ondine” ni Aloysius Bertrand (sagisag panulat ni Louis Bertrand); bukod pa sa sumasagap din ng sustansiya sa  “Laquelle est la vrai” ni Charles Baudelaire. Malayo rin ang hagod ng “Bestiyaryo” sa maiitim na pangitain ni Arthur Rimbaud, at isang pagkakamali na ihambing, itambis, o itagni ang anumang tuluyang tula ni Rimbaud sa “Bestiyaryo” ni Bigornia. Ang “Bestiyaryo” bilang pambungad na tula sa Prosang Itim ay tila pagkilala na rin ni Bigornia sa halina ng iniiwang panulat ni Bertrand, gaya lamang sa kumpisal ni Baudelaire hinggil sa paghanga sa Gaspard de la nuit ni Bertrand, ang sinasabing ama ng tulang tuluyan sa Pransiya. Ano’t anuman ay namumukod-tangi pa rin ang kay Bigornia sa paggamit nito ng alusyon hinggil sa diwata at sa sinaunang paglikha, na pawang nakalugar sa matagal na panahon at sa pagtuklas ng kaakuhan, buhay, at bait. Itambis si Ondine, ang diwata ng tubigan doon sa ilog na humiling maging dilag sa “Bestiyaryo,” at pagkaraan ay itagni sa ideal na Benedicta na nilulunggati ng persona sa “Laquelle est la vrai?” ay mababanaagan ang salungatan-sagutan-saputan ng mga diwa ng mga tauhan, katauhan, at pangyayari sa tatlong dimensiyon—alinsunod sa mahika blangka ni Bigornia bilang makata.

Ang paglalaro ni Bigornia sa kaniyang prosang itim ay patikim sa maaaring maganap sa panulaang Filipino. Ang aghamistikang isinasaad sa “Ang Matanda sa Tabing-dagat” ay waring paglalahok sa bisa ng puwersang sobrenatural na tila UFO papaloob sa katutubong alamat kay Lam-ang. Mababanggit din ang pambungad na tagpo sa pelikulang Superman bilang eksena sa kimera ng bawat makata sa “Uniberso” ni Bigornia. Pambihira ang lalang ni Bigornia at humuhula ng resureksiyon, na di-malalayo sa resureksiyon ni Kristo at iba pang diwaing magbabalik sa tumpak na pagkakataon. Maiuugnay ang ganitong pagtatangka sa mala-Star Wars na tagpo na “Kuwento ni Handiong” ni Rio Alma, na kompleto sa bakbakan at pakikipagsapalaran, at halos ganap na baguhin ang Handiong ng Bikol. Isa pang tula ni Rio Alma, ang “Kuwento ng Gagamba” ay pagpapasalikop ng selestiyal at galaktikong lunan sa nagbabagong hulagway ng gagamba alinsunod sa personang tumitingala rito.

Samantala, ang kagulat-gulat kay Bigornia’y binubura niya ang mga hanggahan ng tula at prosa; o ng tula-sanaysay-kuwento-dagli-anekdota-pasingaw at kung ano-ano pa nang makaiwas magmukhang puro bilang tula. Halimbawa’y nakikipag-argumento ang “Eman at Rimbaud” hinggil sa sablay na hambingang ipinataw sa dalawang makata; at ang “Luha ng Supremo” na nagsasaad ng ilang haka o panig sa maaaring isinaloob ni Bonifacio bago paslangin ng mga kapanalig ni Aguinaldo. Maipagkakamaling sanaysay ang kay Bigornia ngunit hindi. May katangian ng sanaysay ang tula ni Bigornia, at may katangian din ng tula, gayunman ay hindi maglulunoy si Bigornia sa pagkasanaysay kundi sa kasiningan ng paglalatag ng tagpo o pangyayari bilang sangkap sa tula. Waring magaan ang kabuuang disenyo ng prosang itim dahil sa pambihirang paggamit nito ng wikang Filipinong maituturing ngayong kosmopolitano. Na ang totoo’y mahirap pa ring intindihin hangga’t hindi nauusisa nang maigi ang mga kanto, singit, at sulok ng mga talinghaga’t dalumat na sariwang inilatag ng makata. Hamak na mas mabigat intindihin ang kay Rio Alma. Baklasin man ang mga mala-kuwento ni Rio Alma, at isaayos ang mga taludtod bilang tulang malaya ang taludturan ay hindi maipagkakailang tula. Maglaro man ng mga salita si Rio Alma’y nananatili roon ang iisang puso: tula, na higit sa anumang genre.

Pag-aninag sa tulang tuluyan

Tawagin mang “tulang tuluyan,” “prosang itim,” “mala-kuwento,” o “dagli” ang malimit ipanumbas sa “prose poem,” “microfiction,” at “short-short stories” ay walang pasubaling lumilikha ito ng pailalim na agos sa laot ng panitikan simula nang ilabas ni Baudelaire ang kaniyang Petites Poemes en Prose. Ito ang haka ni Rachel Barenblat, at masasabing may katotohanan, hindi lamang sa Filipinas kundi maging sa ibang bansa.

Kung babalikan ang kaso ng Prosang Itim ni Bigornia, ang estruktura at halina ng tulang tuluyan ay nakakubli o nagkukubli ng tunay nitong anyo. Mabuting balikan sa yugtong ito ang “Nang mauso ang magmakata” ni Bigornia. Sa nasabing tula, ipinakita ni Bigornia kahit sa pinamasagwang paraan ang pinakamarikit at pinakamahusay na makata. Lahat ng tao’y ibig maging makata, ngunit ang tunay na makata’y sumusuway sa kumbensiyon, at ayaw magpakahon sa taguri. Higit pa rito’y lumilikha ng salamangka si Bigornia sa pagkasangkapan sa paningin ng isang bagitong manunulat, at sa marahan, tila muslak na pagsasalaysay ay niyayanig ang mambabasa.

Maparikala at nakapagpapahagikgik ang mga unang tulang tuluyan, kung gagawing modelo si Bertrand. Magiging sindumi ng daigdig naman ng bagamundo at nakahihindik kung pagsusumundan ang mga modelo nina Baudelaire, Rimbaud, Jules Laforgue, at iba pang makatang simbolista o surrealista. Hahaba pa ang usapan kung babalikan sina Frank O’Hara, Oscar Wilde, Amy Lowell, T.S.Eliot, Pablo Neruda, Jorge Luis Borges, J.B. Jacobsen, Walt Whitman, Robert Bly, W. S. Merwin, Russell Edson, Charles Bernstein, Peter Redgrove, Heathcote Williams, at maging si Michael Benedikt. Sa Filipinas, may masasabing bagnos nang hinawan sina Bigornia at Rio Alma na pawang kaibang-kaiba sa mabulaklak na pananagalog ni Hernandez o sa alanganing-tula ni Abadilla. Dapat ding idiin na iba ang “tulang tuluyan” sa Filipino, dahil nagmumula ito sa pambihirang malig, pananaw, pagdanas, at panitikang natatangi lamang sa Filipinas ngunit kayang-kayang makipagsabayan kahit sa tulang tuluyang nasusulat sa Pranses, Ingles, Espanyol, Aleman, Tsino, at iba pang wika ng daigdig.

Mga Tala


Basahin ang nasabing akda ni Amado V. Hernandez sa Amado V. Hernandez: Tudla at Tudling na pinamatnugutan ni Rosario Torres-Yu.
Ang tatlong tula ay “Ang Umang,” “Ang Kuneho,” at “Ang Panahon.” Ang “Ang Umang” at ang “Ang Kuneho” ay kapuwa nagtataglay ng tiglalabindalawahing pantig bawat taludtod, at bawat saknong ay binubuo ng apat na taludtod. Mapipintasan ang tugmaan ni Abadilla, gaya sa “Ang Umang” na maihahanay ganitong paraan: abca/ dead/ efee// o kung hindi man ay axxa/bxxb/cxxc//.  Samantalang ang “Ang Kuneho” ay may ganitong tugmaan: abcd, acea/ cfgc//. Masasabing bungi ang tugmaan ng makata, ni hindi maingat sa paggamit ng pandulong tugma, at malayong-malayo sa mga makatang tarikan na kaniyang pinagrerebeldehan. Kung nagtatangka na si Abadilla noon sa malayang taludturan ay mapipintasan pa rin siya na tersera klase ang kaniyang tula. Ang mga ispesimen ng nabanggit na mga tula ay hango sa Mga Tulang Tagalog, Unang Bahagi, na nasa koleksiyon ni Teodoro A. Agoncillo.
Hango sa makinilyadong manuskrito ni Iñigo Ed. Regalado, at nakalaan wari bilang teksbuk ng mga estudyante sa kolehiyo. Walang petsa. Matatagpuan ang kopya sa espesyal na koleksiyon ng Filipiniana sa Ateneo de Manila University. Si Roberto T. Añonuevo ang nagsikap at naging tulay sa pamilya ng mga Regalado at ng Ateneo de Manila University upang maisalin sa aklatan ng Ateneo ang mga antigong manuskrito ni I.E. Regalado.
Hinpamagat [png.]: mula sa ugat na salitang hin+pamagat, at inimbento kong salita bilang panumbas sa “subtitle” sa Ingles.
UFO [daglat]: tumutukoy sa “Unidentified Flying Object” na popular sa mga science fiction sa kanluran.

Advertisements

Ang Dakilàng Makatà

José Corazón de Jesús

José Corazón de Jesús

Maálinsángan ngúnit nánanabík ang buông plása nang gabíng iyón. Nagsimulâ nang magtípon-típon ang mga táo. Nagháhabulán ang iláng batàng uhugin paikót sa mga kawáyang upúan. May limá o ánim na dalágang naghuhuntahan, hábang nágpapaypáy, sa tabí ng póste ng koryénte. Samantála, ang mga  binatà’y nagsimulâng umáwit ng kundíman, at tíla nagpápalipád-hángin. May mga tindérang naglalakò ng kakanín, tabáko, ngangà, tinápay, at ibá pang bágay sa halagáng isá o dalawáng kusíng. Hábang lumaláon,  lumakás nang lumakás ang lagitík ng mga bakyâ sa loób ng plása. At ang gabí’y may kung anóng kutítap pára sa bituíng pandangál.

Mayá-mayá pa’y dumatíng ang kalésa na hinihíntay ng lahát.

Bumabâ sa sasakyán si José Corazón de Jesús na nakabaròng Tagálog na yarì sa husì, at binagayan ng putîng pantalón at sapátos na putî. Pinagkáguluhán si Huséng Batutè—ang paláyaw ng makatà—ng mga dalága, at humintô ang awítan ng mga binatà. May tatló o ápat na laláking umalálay sa nasábing makatà paakyát sa entabládo. Magálang na bumatì si Huséng Batutè sa mga táo, at tinugón namán siyá ng mga sigáw, paswít at palakpák. At nang siyá’y magsimulâng tumulâ nang maálab, lálong napaíbig ang mga binibíni. Humangà ang mga kabatáan. Nápailíng ang alkálde’t kapitán. Natigalgál ang kúra paróko’t napápalakpák ang matatandâ’t batàng matiím na nakíkiníg. 

Kumálat ang sarì-sarìng opinyón úkol sa nasábing makatà, makaraáng bigkasín niyá ang mga tulâ ng pag-íbig at pagbabalík. May iláng napaluhà at naantíg. At may iláng natuwâ, hábang ang ibá namán ay nainís, sa mga usápang walâng kaugnáyan sa pánitikán o tulâ. Lumagánap din ang ibá’t ibáng puná, balità o tsísmis, na pawáng nagpatingkád sa alamát at gayúma ni Huséng Batutè. Ngúnit may iláng nayamót, at nainggít. “Síno ba iyáng binatà?” usig ng isáng dáyong nagpakilálang si Alejandro. “Nawá’y si Huséng Batutè’y hindî multó lámang niná Huséng Sísiw at Balagtás!”

Halugaygáy sa Panahon ng Globalisasyon

I.
Sa unang malas ay alanganin sa panahon ang iniíwang bakás ng pananalinghaga ni Raúl Funilas. Mabilis siyang mababansagan, kung hindi man mapaparatangan, na alagad ni Francisco Balagtas sa sukdulang pakahulugan, sakali’t pagtuonan ang lalim o lawak ng kaniyang  bokabularyong hango sa Tagalog-Binangonan, at wala ni sa hinagap ng mga akdemiko’t kritikong nahirati sa wika o lente ng banyaga. Kayayamutan din ang mga dalumat-pantubigan ni Funilas, lalo na ng mga tagalungsod, dahil hindi maaarok yaon sa pamamagitan ng kisapmata’t linear na pagbasang de-kahon, gaya ng matatagpuan sa mga blog sa internet at karaniwang rebyu ng aklat sa mga diyaryo. Dagdag pa’y malikot ang pananaludtod at pamamarirala ng makata, at tiyak kong ikagugulat yaon ng sinumang magbabasa ng tula sa unang pagkakataon; o kaya’y nasisiyahan lamang sa mga tula ng ilang makatang ang tinutumbok ng tula’y kalungsuran, kalibugan, at kahungkagan ng pag-iral.

Ngunit sadyang naiiba ang laláng ni Funilas.

Kuha ni Beth Añonuevo

SA DALAMPASIGAN, kuha ni Beth Añonuevo

Masasálat ang kaniyang lakas ng loob bilang makata sa paggamit ng mga salitang unti-unti nang nabubura sa gunita ng bansa, at siyang nakapaloob sa lawás ng wikang pumipintig hangga ngayon sa Talim, Binangonan, Rizal. Ang paggamit ni Funilas sa wika ng kaniyang sinilangang bayan ay tila pagsisikap na ring makipag-usap ng makata sa sariling kababayan, sa wikang kanilang kapuwa nauunawaan at kinalulugdan. Sa gayong pagkakataon, ang diskurso ay maaaring sipatin sa M (Makata) + B (Binangonan) o pabalik. Kumukuha ng lakas at konsepto ang M doon sa B, habang ang B naman ay iniaangat ng M sa sariwang kabatiran sa sandaling matuklasan ng B ang mga dinamikong nagaganap sa loob ng tulang likha ng M. Nabubuo ang diskurso sa panig ng M at B, mula sa saligang sistema ng komunikasyong magkakaunawaan ang bawat isa. At tumataas ang kabatiran ng B mula sa pambihirang pag-akda ng M, o kaya’y tumatalas ang M dahil nagmimistulang kritiko at konsumidor ang B mula sa mga tulang nililikha ng M.

Lalawak pa ang diskurso kung ang mga konsepto’t tekstong dáting nakapaloob lámang sa ugnayang M + B = MB ay iugnay sa malawak na bansa, at ang nasabing bansa naman ay tumugon nang may pag-unawa, sakâ pumaloob sa naturang ugnayan. Sa nasabing yugto, ang M (Makata) + B (Binangonan) o vice versa  ay magiging M (Makata) + B (Binangonan) + F (Filipinas) = MBF. Ang wika o dalumat na huhugutin ng “Makata” doon sa “Binangonan” ay hindi lamang aalingawngaw o kaya’y magbabalik sa nasabing pook, bagkus ay huhulagpos palayo roon, tungo sa malawak na kamalayan ng “Filipinas.” Matagal na proseso ito, ngunit hindi imposible. Ang kahandaan ng Filipinas ay maaaring magsimula sa mga tulang lilikhain ng Makata, at kung gaano kabukás ang Makata na papasukin ang Filipinas sa láwas ng diskurso’t ugnayan ng M + B. Ang B ay maaaring maging metonimiya-kung hindi man mikrokosmo-ng F, alinsunod sa alkimistang pag-akda ng M. Ang B ay hindi lamang mananatiling B, at ang F ay hindi lamang mananatiling F, ayon sa sinaunang pagkakilala nito sa kani-kaniyang sarili. Ang pagsasalikop ng B at F ang pinakamahalagang yugto ng diskursong panghihimasukan ng M. Na bagaman nababawasan nang bahagya ang B sa pagpapaubaya nito sa malawak na F, at kumikitid o lumiliit ang F dahil sa pagpaloob nito sa B, tumatatag pa rin ang B dahil sa kodipikasyon nito sa loob ng F. Lumalalim din ang F dahil sa bukod-tanging ambag na pampanitikan ng B, at may kaugnayan dito ang masining na pagsasatula ng M, na tulad ni Funilas.

Sa kabilang panig, ang ekwasyong M + B + F = MBF ay maaaring madagdagan pa ng mga salik. Una, ang panahon na kinapapalooban ng M, at kapuwa pinagdaraanan ng kabuuang B at F. At ikalawa, ang kasaysayan ng panitikang pinagdaanan ng B at F, at ang pag-akda ng M. Kung isasaalang-alang ang gayon, masisipat ang ekwasyon bilang M (P+KP+A) + B (P+KP) + F (P+KP). Na ang “M” ay tumatayong “Makata,” ang “P” ay “Panahon,” ang “KP” ay “Kasaysayan ng Panitikan,” ang “A” ay ang “Akda o ang Pag-akda,” ang “B” ay “Binangonan,” at ang “F” ay “Filipinas.” Ibinukod ang P bilang kasaysayan sa KP na Kasaysayan ng Panitikan, dahil ang panitikan-pampook man o pambansa-ay may bukod na agos, at maaaring hindi tuwirang sumabay sa agos ng Kasaysayan. Kung babalikan ang mga tula ni Funilas, ang “Binangonan” ng makata ay maituturing na “Binangonan” sa realistikong pagtanaw, sa isang panig. At sa kabilang panig naman ay maaari ding iba sa “Binangonan” na kilala ng nakararami, bagaman posibleng matalik sa puso at isip ng mga taga-Binangonan mismo. Lumilikha ng sariwang pook at panahon ang makata mula sa pinagbatayang pook at kasaysayan. Nagluluwal din siya ng mga tauhang hinugot sa guniguni, ngunit hiningahan ng sining upang makairal sa bagong realidad. Ang bukod na realidad ng “Binangonan” ng makata ay maipapanukalang hindi dapat itumbas lamang nang tuwiran sa realidad ng “Binangonan” ayon sa daloy ng kasaysayan. May panghihimasok na ginagawa ang makata sa kaniyang pinapaksa, at ito ang dapat titigan nang maigi.

Kayâ hindi mananatili at hindi dapat manatiling lihim o sarado ang diskurso sa panig ng Makata at ng Binangonan lamang. Naiuugnay ng makata ang kaniyang tula-hindi lamang sa kaniyang lalawigan bagkus maging sa bansa-kung magkakapuwang ang bansa na alamín, suriin, at timbangin ang anumang inihahatag ng makata sa pamamagitan ng pintungan ng salita o dalumat na kusang-loob na ipahihiwatig o isinasaad niya sa masining na paraan. Makatutulong din sa mambabasa ang mapagkakatiwalaang diksiyonaryo o talasalitaan, ang mga saliksik sa kasaysayang pampook ng Lalawigan Rizal, at iba pang tala mula sa tradisyong pabigkas. Hamon din ng makata sa mambabasa ang pagbabalik sa poetikang tradisyon ng Tagalog, at mula rito’y mababatid kung saan nagmumula at tumutumbok ang makata sa kaniyang pagsunod, paggagad, paglihis, o pagsuway sa mga nakalipas na makata. Para kay Funilas, hindi mahirap unawain ang kaniyang tula. Kinakailangan lamang na handang magtaya ang mambabasa sa teksto, bago mabuo sakâ maunawaan ang diskurso, sa panig ng makata at pook, o sa panig ng tula at mambabasa.

Ang panitikan at wikang nagmumula sa Binangonan ay maituturing na “panrehiyon”-at malayo sa sentro ng kapangyarihan-dahil alanganin yaong Tagalog at Filipino na batid ng nakararami, at hindi nakapailalim sa taguring “Imperyalistang Tagalog-Maynila” na mahilig isakdal ng mga politiko at akademiko, kung hindi man panitikerong politiko, mulang Visayas at Mindanao. Naiiba ang tabas at puntó ng Tagalog-Binangonan na malayo sa Tagalog ng Batangas, Bulakan, at Maynila ngunit may pagkakahawig nang kaunti sa Tagalog-Laguna. Masasabi rin na pawang “lalawiganin”-kung sisilipin sa anggulo ng metropolis-ang wika at dalumat ng Binangonan. Ang nasabing taguri ang bagaheng maituturing upang mabansagang sinauna ang mga tula ni Funilas at siyang malayo sa tunog rap, rock, at pop ng lungsod. Maraming salita’t dalumat mulang Binangonan ang binanggit ni Funilas at hindi pa nailalahok sa diksiyonaryo, bagaman malimit gamitin pa rin sa Binangonan. Walang pasubaling dumaan sa pagbabago, panghihiram, at pagtanggap ang wika ng Binangonan; at huwag asahan ang purong Tagalog nito. Subalit higit pa rito, ang panitikan lalo sa laráng ng tula ay hindi pa natitipon at naitatala nang ganap. Mababanggit ang mga bigkasan ng tula sa plasa doon sa Binangonan noong dekada 1950-1970, at malimit maganap tuwing may pista, halalan, o koronasyon. Bukod doon, wala nang maririnig o mababasa pang tula hinggil at mula sa Binangonan, na sinulat ng taga-Binangonan.

II.
Ang Halugaygáy sa Dalampasigan ang masasabing kauna-unahang solidong koleksiyon ng tulang umiinog sa  tubigan, partikular sa Lawa Laguna, at sa kaligiran ng Talim, Binangonan. Ang mga hulagway at dalumat na ginamit ni Funilas ay katatakutan ng mga hindi nagbabasa ng panitikang Filipino. Mababanggit si Ildefonso Santos at si Alejandro G. Abadilla na pawang lumikha rin ng mga tula noon hinggil sa dagat, o ang mga tulang may bahid ng politika’t ideolohiya na gaya ng kina Rio Alma, Teo T. Antonio, at Edgardo B. Maranan. Mababanggit din ang mga ambag na tula ni Tomas F. Agulto hinggil sa kaniyang mga karanasan bilang mangingisda sa Bulakan man o Batanes. Ngunit ang kay Funilas ay naiiba dahil sa taglay nitong dupil at konsentrasyon sa paghuli ng hulagway sa estatikong yugto kundi man sa sinematograpikong pagdulog-ayon sa punto de bista ng karaniwang mangingisda-samantalang gamit ang wika ng Binangonan. Ibang-iba ang hagod ng wika ni Funilas; at bagaman mapaglaro, magaspang at nagmumurang kamatis kung minsan ay kakikitaan ng kinang na maitatambis sa Tagalog-Bulakan-Maynila nina Alma, Antonio, at Agulto. Pansinin ang “Bumbón” ni Funilas:

Mga dulong yangkáw ng puno sa gubat,
May putok-putukan, dalingdinga’t kilap;
Sa dalampasigan ito’y ibibilad
Layong pahulasin ang sariwang katas.
Bibilang ng linggo’t dahon ay babagsak,
Iisa-isahing sa lupa’y ihampas;
Tuloy sa garoteng may aserong kawad
Molete’t baketeng hahapit ay lakas.
Katulad ng paldang pansayaw ng dilag,
Adorno ay yunot. Kung ito’y ibagsak
Sa rabaw ng lawa’y dito namumugad
Ang tagunto’t ulang na humuli’y salap.
Isang palakayang maraming humamak,
Mula nang mauso ang surong panuwag.

Sa unang malas ay napakahirap ng tula. “Mabibigat,” wika nga, ang mga salitang ginamit ng makata, at walang maiintindihan ang tagalungsod dito lalo’t hindi basta matatagpuan sa diksiyonaryo ang ilang salitang binanggit. Ngunit kung uuriin, maaaring pagpangkat-pangkatin ang mga salita, upang madaling maunawaan. Halimbawa, uri ng mga punongkahoy ang “putok-putukan,” “dalingdingan,” at “kilap.” Tumutukoy naman ang “yangkáw” sa dulong bahagi-kung hindi man duklay-ng punongkahoy o kawayan na babád sa ilalim ng tubig. Mahihinuha naman ang “pahulasin” na katumbas ng “tanggalin” o “paagusin” ang katas, at maiuugnay sa “pagbibilád” o “pagpapatuyo sa init ng araw.” Magkaanak naman ang mga salitang “taguntón” at “ulang.” Uri ng hipon ang “taguntón” na naninirahan sa tubig-tabang; samantalang kauri ng “sugpô” ang “uláng” ngunit sa tubig-tabang imbes na sa tubig-alat nabubuhay. Magkakaugnay ang “garote”(garrote), “molete” (muleta), at “bakete” (baqueta) na pawang hango sa Espanyol, at ginagamit na pampiga sa punongkahoy. Tagalog ang “yúnot” na tumutukoy sa magagaspang na himaymay o bunót, ngunit sa pakahulugan ng makata’y  katumbas ng “itim na lubid na pantubig.”  Namumukod ang salitang “rabáw,” dahil hindi ito Tagalog bagkus Ilokano, at tumutukoy sa pinakaibabaw ng anumang bagay. At maitutumbas naman ang “suròng panuwag” sa hugis-kutsarang panalok ng mga isda at hipon. Kung babalikan ang diksiyonaryo ni Jose Villa Panganiban, ang “surò” ay mula sa sinaunang Tagalog, at katumbas ng “kutsara.” Kaugnay ng nasabing palakaya ang “sálap” na isang uri ng panghuli ng hipon at dulóng.     

Matapos balikan ang mga pakahulugan ng nasabing salita’y madaling mauunawaan ang pahiwatig ng tula. Inilarawan sa tula ang proseso kung paano gumagawa ng “bumbón,” mulang pagpili ng punongkahoy at pagpapatuyo nito sa sikat ng araw, hanggang pagpiga rito at pagdidisenyo ng lubid o bunót. Iniiwan ang nasabing bitag sa laot, upang pagpugaran ng hipon o uláng. Babalikan yaon ng mangingisda sa tamang sandali, upang mahango ang huli. Hinahamak umano ang bumbón bilang panghuli ng hipon o ulang, at nalaos nang mauso ang higit na mapanalasang “suròng panuwag.” Kung titingnan ang anyo ng tula, ang paghahanay ng mga taludtod na lalabindalawahin ang pantig at isahan ang tugma ay tila paggagad sa anyo ng bumbón. Maitatanong: May mahirap ba sa tula? Ang sagot: Wala. Maaaring mahirap sa unang basa ang tula dahil sa malalalim na salitang ginamit. Ngunit kung taal na taga-Talim, Binangonan ka’y karaniwan lamang ang mga salita, at mauunawaan ang diskursong isinasaad ng tula.

Mahihinuhang ang personang nagsasalita sa tula (at bukod sa makata) ay isang mangingisda, at alam kung paano manghuli ng hipon at uláng. Ang paglalahad ng paggawa ng bumbón ay tila pagtatangka na ring ilantad ang dáting gawi ng mga mangingisda. Na nalilimutan na sa ngayon, at kakaunti na lamang ang nakagagawa nang mahusay. Ngunit higit pa rito, ang pagpapagunita sa mga taga-Binangonan hinggil sa bumbón ay pagpapataas na rin ng diskurso hinggil sa sinauna ngunit mabisa at tapát sa likas-kayang pangingisda kompara sa mapangwasak at mapanghamig na uri ng pangingisda. Binubuksan din ng tula ang landas upang ipaalam sa Filipinas na may paraan ng paghuli ng hipon o uláng na hindi kailangang wasakin ang paligid. Sa naturang paraan, umaangat ang salitang “bumbón” mula sa abang kalagayan nito sa Binangonan tungo sa malawak na laráng ng Filipinas, at maaaring makargahan pa ng panibagong pahiwatig o pakahulugang maiuugnay sa bitag o palakayang ginagawa ng makapangyarihang puwersa sa pamahalaan o negosyo at bumibigkis sa isip o loob ng mga tao upang patuloy na madusta ang mga ito. Hindi kailanman nakamamatay ang paggunita, maliban na lamang kung ang gunita mismo ay dati nang bilibid ng malabo at makapangyarihang puwersa, gaya ng kolonyalismo sa ngalan ng globalisasyon, at siyang mapagdududahan kung pilit sasandigan.

Hindi lahat ng tulang may timpla ng tubigan ay nakatuon lamang sa Lawa Laguna. Sa tulang “Pag-uwi sa Pulô,” matatagpuan ang masinop ang pagkakapili ng mga hulagway sa kaligiran at ng katumbas nitong pahiwatig sa kalooban ng tao. Ang gayong taktika ay tila mula sa sinematograpo, at kapupulutan ng aral sa pagtula:

May kulimlim ang banaag
Ng pag-asang kumakalat
Sa kapusuran ng dagat.
Kahit anong pagsisikap,

Ang kutitap nito’y walang
Aranya ng mga talang
Tatanglaw sa pagpapalang
Isasaboy ng tadhana.

Ang dalít na saknungang ginamit sa tula’y nagpapatingkad sa pahiwatig ng unti-unting pagkaupos ng pag-asa sa paligid at ilalim ng dagat. Ang kombinasyon ng “kulimlim,” “banaag,” at “pag-asa” ay pumapaloob sa mataas na dimensiyon kapag idinugtong sa “kapusuran” (ka+pusod+an) at “dagat.” Ang “kapusuran” na tinutukoy ay mahihinuhang hindi lamang tumutukoy sa ilalim ng dagat, bagkus maging sa kaugnay na búhay (kapusod) sa loob ng dagat o sa kaligiran ng nito (pulô). Kung babalikan ang personang nagsasalita sa tula, maaaring siya mismo ang “kapusod” ng dagat, at ang tahimik na saksi sa pagbabanyuhay ng dagat. Mahiwaga ang “isasaboy ng tadhana” at kung idurugtong iyon sa “dagat” at “kapusod” ang positibo sanang resulta ng “pagpapalà”-na maaaring masaganang biyaya ng dagat o karatig-pook nito-ay mauuwi sa wala. Ang pag-uwi ng persona doon sa pulô ay nakargahan ng iba pang pahiwatig, at ang dating elegansiya ng tanawing pangnayon (“aranya ng mga tala”) ay napawing bigla sa kung anong dahilan. Ang gayong pangyayari’y maaaring pahiwatig ng di-pagkilala sa personang umuuwi sa pulô. Ang persona ay mahihiwatigang hindi na kilala ng pulô o ng dagat. At ang kalungkutan ng kaligiran ay masisipat na ekstensiyon lamang ng kalungkutan sa loob ng persona. Ang nasabing tula’y nagpapagunita ng isang matandang kawikaan: “Ang tubig ma’y malalim/ Malilirip kung lipdin,/ Itong budhing magaling,/ Ang maliwag paghanapin.”//

Mapagtatakhan din kahit ang pagpili ng hulagway ni Funilas, at lihis sa inaasahan ng mambabasa. Maihahalimbawa ang “Habilin ng Ama sa Kaniyang Anak na Mangingisda”:

Huwag kang iiyak, anak,
Kung ang luha’y walang dahil,
At mata’y nagbabalatkayo.
Hayaan mo na lamang
Na lumuha ang mga alon.

Napakapayak na pangaral iyon, sa unang tingin. Kung uuriin nang mabuti’y malalim ang pinag-uugatan ng sinasabing “luha” at mahihinuhang hindi dapat iyon itumbas sa gaya ng “luha ng buwaya” na may bahid ng pagtataksil at panloloko. Mahalaga kahit ang “luha” at hindi dapat inaaksaya iyon sa gaya ng paiyak-iyak na pag-arte mula sa isang tao na laki sa layaw. Kagulat-gulat din ang “pagluha” ng mga alon, at sa iba’y higit na pipiliin ang pagluha ng “lawa” o “dagat.” Gayunman sa tula ni Funilas ay ibinubukod ang mga alon bilang may sariling pag-iral, at maihihiwalay sa pag-iral ng “lawa” o “dagat.” Ang “lawa” o “dagat” ay mahihinuhang ang kabuuan ng mga alon; at ang alon ay maiisip na ekstensiyong metonimiya ng tubigan. Ang gayong pananaw, ayon na rin kay Funilas, ay itinuturing ang tubigan bilang uniberso, at ang mga alon ay bahagi lamang ng nasabing uniberso. Kung gayon nga, ituring mang “Maykapal” ang tubigan, ang mga alon naman ang magsisilbing mga nilalang ng nasabing “Maykapal.” Magbabago ang mga alon at mawawala, ngunit magbabalik nang paulit-ulit sa dalampasigan, ayon sa simoy ng panahon. Ang pamagat ng tula ni Funilas ay isa pang susi sa pag-arok ng talinghaga. Ang ama ay isa lamang alon sa malawak na uniberso ng tubigan. At ang kaniyang pangangaral sa anak ay pagpapagunita ng mga halagahan hinggil sa “katapatan,” “pag-ibig,” at “sakripisyo,” tulad ng pag-akò ng ama sa kalungkutan o responsabilidad.

III.
Sabihin nang sinauna si Funilas bilang makata, ngunit pasusubalian yaon ng kaniyang mga eksperimentasyon sa pananaludtod. Batid ng makata hindi lamang ang tradisyonal na awit, gaya ng kay Balagtas, bagkus maging ang sari-saring pagdulog sa ambahan, blues, dalít, ghazal, rondel, sestina, soneto, tanaga, villanelle, at iba pang anyo. Idinidisenyo rin ni Funilas kung minsan ang kaniyang mga tula na magtaglay ng panloob na tugmaan-bukod sa tugmaang wagás, pantigan, tudlikan, at karaniwan-at ipagmamagara ang kaniyang bersiyon ng tumbalik tugmaang pinauso ng kaniyang kaibigang makata. Sa tumbalik tugmaan, ang mga katinig at patinig ng isang salita ay binabaligtad, gaya ng “lakás” na maitutugma sa “kalás” o “sakál.” Ngunit sa panig ng “kalás” at ng “sakál,” higit na mataas na antas ang “sakál” dahil sa katangian nitong ganap na mabaligtad ang “lakás” mula man sa katinig o sa biswal na anyo ng salita.  Ang agimat ng tumbalik tugmaan ay nasa pagpili ng salitang kapag pinagpalit ang mga katinig at patinig ay nagluluwal ng kakaibang hulagway at pahiwatig. Halimbawa, ang “ilog” ay maipapares sa “golì” na balbal na salita, at sa “ligô” na mula sa Tagalog. Paghambingin ang dalawang rendisyon ng tumbalik tugmaan sa “Aldabis Balantok Takloban” at “Tumbalik” ni Funilas. Kung maluwag ang taludtod ng una’y napakasikip naman ng ikalawa, ngunit kapuwa nagtataglay ng indayog sa pandinig at paningin (kung isasaalang-alang ang tekstong pasulat). Marunong ding gumamit si Funilas ng pinakamasikip na tatluhang pantig na taludtudran, at mababanggit ang “Pana sa Lawa.”  Ang kakatwa’y ipinapares pa ni Funilas ang mga banyagang padron ng tula doon sa dalumat ng pangisdaan at kaligiran ng Binangonan, at nagbunga yaon ng espiritung makalalasing sa makikinig o magbabasa. Mahilig din sa akrostik ang makata, at isa sa mga paborito ko ang “Panganay sa Panginay,” na ginamit ang salitang “Balagtas” na akrostik sa simula at dulo ng taludtod. Maikokompra iyon sa pasiklab na “Sigaw,” na ginamitan ng karaniwang akrostik ang mga unang titik ng mga taludtod, samantalang tumbalik akrostik naman ang nasa dulo ng bawat taludtod. Ang totoo’y karaniwan lamang noon ang paggamit ng akrostik sa mga tulang pambigkasan sa Binangonan. Sa paglipas ng panahon ay tila nakaligtaan na ito, at kahanga-hangang ibinabalik ni Funilas sa higit na masiklab na eksperimentasyon.

Uyamin si Funilas na pangnayon ang kaniyang sensibilidad, at tiyak kong ngingitian lamang niya iyon. Hula ko’y lulusog pa ang pagbasa sa kaniyang mga tula dahil sa gayong pang-aasar. Bakit? Madulas ang karamihan sa mga tula ni Funilas, at mahirap ikahon iyon sa mga pagbabansag-na gaya ng “tradisyonal,” “moderno,” “postmoderno,” at “postkolonyal” na pawang matatagpuan sa mga teksbuk sa kolehiyo-nang walang matibay na sandigan.  Lalansihin ng makata ang kaniyang mga mambabasa sa mabini ngunit payak na paraan ng paglalahad, upang gulatin pagkaraan sa wakas. Maihahalimbawa ang “Kitáng”:

Binagting ang liténg na dinampulayan,
bawat isang dipa’y may lawit na sima-
isang palakayang ginaya ni Amba

sa mga dumayo na taga-Batangan.
Lumaganap ito’t nauso sa lawa
ng Laguna. Ayon sa mga matanda,

ito ay marangal, munting hanapbuhay
na makapupundar ng kahit na dampa
(kung magtitiyaga yaong mangingisda).

Noon iyon. Nitong nagdaang tag-araw,
huntahan sa pukás na daan “na walang
pag-asang bumalik” ang kitáng na luma;

lalo pa’t bantad na pinag-aangkahan
ang lawak ng lawa’t hindi masawata.

Ginamit sa “Kitáng” ni Funilas ang mala-sonetong balangkas na may lalabing-apating taludtod. Bawat taludtod ay lalabindalawahin ang sukat, at sunuran ang tugmaang may antas na karaniwan (abb, abb, abb, abb, ab). Wala sa tugma’t sukat ang halina ng tula, bagaman maiisip na ang tatluhang taludtod bawat saknong ay paggagad sa anyo ng serye ng kitáng na ginagamit ng mga mangingisda, samantalang ang pares ng taludtod sa pangwakas na saknong ang animo’y bangka, at lumalagom sa agos ng tugmaan. Ang gayong disenyo ay isa nang uri ng panlalasi, kayâ hindi basta mapaparatangang gumagamit lamang ng padron ng soneto si Funilas.

Sa unang malas ay nakagigitla ang mga salitang ginamit ng makata, gaya ng “liténg,” “kitáng,” “pukás,” “angka,” at “bantad.” Kahit ang “Batangan” na sinasabing pinag-ugatan ng “Batangas” ngayon, o kaya’y ang “ambâ” na tumutukoy sa “amain” o kung minsan ay sa “ama ng lolo” ay ni hindi na marahil maaarok ng moderno’t kosmopolitanong kabataang aliw na aliw sa Ragnarok at Naruto. Ngunit kung babalikan ang naturang mga salita’y karaniwan lamang iyon sa mga mangingisda at taal na residente mula sa lalawigan ng Rizal at Laguna. Tumutukoy ang “kitáng” sa uri ng pangingisdang gumagamit ng mahahabang tansî at bawat linya (liténg) ay may mga kawil na de-páin at sukát na sukát ang agwat sa bawat isa (o isang dipa, gaya ng isinasaad sa tula). Karaniwang iniiwan sa laot ang kitang, at binabalikan na lamang iyon ng mangingisda sa tumpak na oras na inaasahan niyang may huli nang mga isda. Alinsunod sa likas-kayang pangingisda ang kitáng, dahil ang mga huli nitong isda ay ayon sa laki ng páin at kawil na pinili ng mangingisda, at umiiwas hamigin ang lahat ng lamandagat na mabibitag. Kailangan ng tiyaga at pasensiya sa paggamit ng kitáng, na taliwas sa makabagong aparatong laan para sa mabilisang pangingisda.

Sa tula ni Funilas, ang personang naglalahad sa tula ay mahihinuhang may kaugnayan sa mga mangingisda. Magiging susing salita ang “amba” sa ikatlong taludtod; at kaya ang persona na masisipat na kaanak ng “amba” ang magiging saksi rin sa pagtatangkang muling gamitin ang “kitáng” sa Lawa ng Laguna. Sa himig na mapaglarawan, ang persona’y humahatak sa mambabasa na pumasok sa diskurso ng persona at ng kausap nitong mahihinuhang taga-Rizal din. Mataas ang ekonomikong silbi ng kitang noong araw, ayon sa tula. Kaya nitong bumuhay ng pamilya’t makapagpapatayo pa ng bahay ang mangingisda sa dami ng huli. Ngunit nagbago ang panahon. Ang pares ng taludtod sa pangwakas na saknong ang magpapahiwatig na “labis na kinakamkam” [ng maykaya o ng kung sinong awtoridad] ang lawa. Hindi na nagpalawig pa ang tauhang nagsasalita sa tula. Kung magagawi sa Lawa Laguna, mahihinuhang ang tinutukoy ng persona ay ang malaganap na pitak-pitak na palaisdaan; at ang walang taros na pangingisdang gumagamit ng mapanalasang uri ng kagamitang ikawawasak ng likás na kaligiran.

Ang “kitáng” sa tula ay masisipat hindi lamang sa laráng ng pangingisda; pumapaloob din iyon sa kasaysayan, kultura, at pananaw sa daigdig. Nabubunyag ang naaagnas na mukha ng lawa sa pamamagitan ng pagkawala ng kitáng. Kitáng din ang hihimok sa mga tao upang mag-usap, maglimi, at marahil kumilos nang sama-sama. Ang lunggating ibalik ang kitáng ay masasabing lunggati rin ng pagpapanibagong-anyo ng lawa. Na imposibleng mangyari, lalo’t nananaig ang puwersang pampolitika’t pang-ekonomiya sa mga lalawigang gaya ng Rizal, Laguna, Batangas, at Quezon. Kung magiging ganito ang pagbasa, tiyak kong lalagumin ng kitáng kahit ang sangang pahiwatig hinggil sa mabilis na pagbabago ng klima; sa pagkawasak ng balabal ng kalawakan; sa lumalaganap na polusyon at paglaki ng populasyon; sa labis na pag-ubos ng tubig-tabang; at sa pagbabago ng topograpiya ng buong Rizal, Laguna, Batangas, Quezon, at karatig na Metro Manila. Serye ng mga tuldok na bumubuo ng mahabang linya ang kitáng sa lawa, kung sisipatin mula sa itaas pababa. Gayunman, nakapagluluwal iyon ng kakaibang kabatiran at lumalawak na palaisipan pagsapit sa tula.

IV.
Laro, musika, at tradisyon ang tatlong inuukilkil ng Halugaygay sa Dalampasigan. Isang uri ng larong pambata ang “halugaygáy” na ginagamitan ng mutyang nakukuha mula sa malaking kanduli. May tatlong bata ang magkukutsaba upang itago ang isang mutya. Sa harap ng iba pang bata’y pahuhulaan nilang tatlo kung sino ang may hawak ng mutya, habang inaawit ang halugaygáy. Ang sinumang makahula ay siyang magwawagi. Unti-unting nalilimutan na ang larong halugaygay. Ito ay dahil na rin sa bibihira nang makahuli ng malalaking kanduli na pagkukuhaan ng mutya. Nagbago na rin ang uri ng laro ng mga bata, saka nagbago na ang panahon. Dito lamang sa Kamaynilaan, kung hindi man nasa harap ng computer ang mga bata ay tiyak na nagbababad sa telebisyon.

May laro na inihahain ang makata sa kaniyang mambabasa. At ito ang pagpapahula, kung hindi man pagdurugtong, sa inilalagdang talinghaga ng kaniyang mga tula. Ngunit kung ang orihinal na larong halugaygáy ay nakasalalay sa tsamba at pag-alam sa pahiwatig ng mukha o kilos ng nagpapahulang bata, ang koleksiyon ni Funilas ay taliwas sa karaniwang laro. Laro sa ruweda ng talino at bait ang inihahain ng aklat niya, at mahirap mahulaan yaon basta-basta nang umaasa lamang sa hula at tsamba at tadhana. Kaugnay ng nasabing ehersisyo ng isip ang birtud ng musika, at gaya ng matatagpuan sa tulang “Halugaygáy,” ang dating awit pambata o awiting-bayan ay nabihisan ng sariwang anyo pagsapit sa mga tula:

Halugaygáy, halugaygáy puwit ng Da Inggay,
Halugaygáy, halugaygáy nilusob ng bangaw.

Maiuugnay sa nasabing tula ang “Tigalpo” na bulong ng matanda upang mapagaling ang mga maysakit. Sa “Tigalpo,” ang sinaunang agimat hinggil sa panggagamot ay nabubudburan ng siste. Ang mismong manggagamot ay hindi nakagagamot ng sarili; at idinahilan pang ang plema o ubo niya’y pampadagdag ng bisa ng agimat. Ang kakatwa’y inilahad ang mga pangyayari alinsunod sa punto de bista ng isang bata. At ang mahika o himala, kung mayroon man, ay naganap sa isip ng bata hanggang sa siya’y tumanda.

Ang isa pang eksperimento hinggil sa paglikha ng musika ay matatagpuan sa “Kumukumkum.” Wala naman talagang ibig sabihin ang “kumukumkum” kung hindi ang paglalaro ng mga salita. Ang pampolitika’t pang-ideolohiyang pahiwatig ng tula ay tila ipinaskel sa serye ng mga hulagway na pawang inihuhudyat ng unang salita ng bawat taludtod. Ang nasabing mga salita’y nagsisimula sa titik K, at maaaring ipakahulugan din sa gaya ng “Katipunan” o “Komunismo” o “Kalayaan.” Ang laro ng salita at laro ng diwa sa tula ang nagpapaangat sa dáting simpleng awit:

Kumakanta ang pingkiang sibat at armas,
Kumakantang duweto ang riple at tabak;
Kumakawala’y tingga at dugong bumulwak
Kumakaway ang saksing dahong nalalagas.

Kumislot ang puso ng bawat naghimagsik,
Kumilos sa pagsulong ang paang nagputik;
Kumulapol ang dugong sa lupa’y nahasik
Kumislap ang may silaw na abuhing langit.

Mula sa payak na awiting-bayan ay naililihis iyon ni Funilas tungo sa higit na matining na politika ng pakikibaka. Na bibihirang makita ngayon sa mga kabataan, na hindi na yata marunong kahit ng karaniwang tugma at sukat.

Pinakamabigat sa lahat ang tradisyon, at siyang ipinasok ni Funilas sa kaniyang mga tula. Sinikap ni Funilas na ipakita ang nauupos na tradisyon ng Binangonan, lalo na sa panig ng mga mangingisda, sa paggamit ng sari-saring hulagway na karamihan ay taal sa nasabing lugar. Prominente rito ang hinggil sa bangka, isda, halaman, punongkahoy, ibon, insekto, kagamitan, pangisdaan, at iba pang may kaugnayan dito gaya ng tindera ng isda. Kailangan ng tiyaga sa gayong proyekto, at bibihira nang matagpuan iyon ngayon sa mga kabataang nawiwili sa “modernong” pagtula, na halos paggagad lamang sa mga segunda klaseng makata ng ibang bansa. Waring bagong diksiyonaryo ang inihahandog ni Funilas, at tila hinihimok niya ang mga mambabasa na tuklasin ang bawat salita, magsimula sa tunog hanggang sa pinakaubod nito. Maniwala man tayo o hindi kay Funilas ay hindi mahalaga. Higit na mahalaga ang halimbawang iiwan niya sa atin bilang mambabasa. At nasa atin na kung hihigtan iyon sa anumang paraan.

Hindi alanganin sa panahon ang Halugaygáy sa Dalampasigan ni Funilas. Kailangan natin ang ganitong uri ng aklat na handang magtaya, at umiba ng daan, lalo sa panahong pilit pinagpapare-pareho ang lahat-mulang wika hanggang damit tungong pananaw-at tila mga palito na nakapaloob sa isang kaha ng posporo ang lahat. Ito ang pagkakataon na matuklas ang dati nang naririyan, bagaman matagal na nating nililimot kung hindi man tinatakasan. At magaganap lamang iyon, kung sisimulan nating makipagbuno sa mga laláng at salamangka niya. Halina, at salubungin natin ng tagay ang makata ng Talim, ang makatang matalim sa lubos na pakahulugan ng sining.  

Lungsod Pasig
25 Marso 2006

Matulaing Katha ni Manuel Principe Bautista

Mahigit animnapung taon na ang nakalilipas nang unang malathala sa mga magasin at pahayagan ang karamihan sa mga kuwento ni Manuel Principe Bautista, ngunit ang kataka-taka’y tila bulaklak iyong nananariwa tuwing babalik-balikan ng sinumang mahilig sa panitikang Tagalog. Ang tinutukoy kong mga kuwento ay nakapaloob sa Ang Bahay sa Kabila ng Daan (Mga Katha) na hindi ko alam kung kailan ilalathala ng Ateneo de Manila University Press.

Binubuo ng labingwalong kuwento ang kalipunan ni Bautista. Labingwalong kuwento na matipid sa mga salita ngunit hitik sa mga pahiwatig; na masinop ang pagkakahabi’t halos tawirin ang hanggahan ng tulang-tuluyan (prose poem); na mayaman sa paglalarawang maisasalin sa kambas ng pintor o sa maiikling pelikulang eksperimental. Walang inaksayang mga salita si Bautista, na mahihinuhang ginamit ang disiplina ng tula upang humugis ng pambihirang paraan ng pagsasalaysay.

Magkakasanga ng magkaibang pahiwatig ang lunan ng Usling-Bato sa “Sa Ibang Daigdig” at “Alaala.” Hinggil sa patpating manunulat na sumasariwa ng mga akda ang una, samantalang ang ikalawa’y kay Marcia na nagbubulay sa nakalipas. Kung paano pinihit ni Bautista ang daloy ng dalawang kuwento ay matutuklasan sa pahiwatig na mga larawan doon sa Usling-Bato.

Ang paglalarawan ng mga tagpo ay magpapahiwatig sa maaaring maganap sa mga tauhan. Halimbawa, sa “Ang Bahay sa Kabila ng Daan,” ang pagpapagawa ng malaking bahay sa kabilang kalye ang maghuhudyat ng inggit sa mga dukhang nakatira sa magkakatanikalang barong-barong. Ngunit sa dulo ng kuwento’y isa pa lang hinihinalang kriminal ang nakatira sa malaking bahay. Ang “inggit” ng mga dukha ay hindi tuwirang buburahin upang wakasan ang kuwento, bagkus sa paglalarawan ng tagpong hitik sa mga pahiwatig:

Naging walang patlang ang anasan. Ang bulungan ay lalo lamang naging magulo sa kanyang pandinig. Lumayo siya sa karamihan ng tao. Bumagtas. At muling tumayo sa tabi ng sunog na haligi ng kanilang barong-barong at buong pagkaunawang hinagod ng tingin ang magandang bahay sa kabila ng daan….

Ang ingay ng bumulabog sa mga dukha sa unang bahagi ng kuwento’y maparikalang binaligtad sa wakas. Binulabog naman ang mayaman ng mga anasan ng taumbayan, at iyon ay parang pagganti na rin sa ginawang pambubulahaw ng mayaman sa mga dukha. Walang tahas na pangangaral na matatagpuan sa mga kuwento ni Bautista. Sapat na ang paglalarawan ng mga tagpo upang madama ng mga mambabasa ang ibig ipahiwatig ng malulungkot o masasayang pangyayari.

Ang nasabing taktika ng paglalahad ay mababanaagan din sa “Krus na Patpat” na ang libingan ay naging lunsaran ng mga babaeng nagbibili ng aliw. Mababatid ang hiwatig ng mga usapan ng mga belyas kung babalikan ang makasaysayang Santa Ana Cabaret, na galante ang mayayamang kostumer; at ang sementeryo na dinadalaw ng mga naulila. Maiuugnay ang mapaglarawang paglalahad sa paggamit ng kapana-panabik na mga tagpo, gaya sa isa pang kuwento, ang “Fighting Dodo,” na hinggil sa boksingero na pinipigilang magboksing ng kaniyang esposa. Kung gaano kabangis si Dodo sa loob ng ring, ay gayon din kalambot ang kaniyang puso basta misis ang pinag-uusapan. Ang kapana-panabik na tagpo ay nakatimo rin sa “Nakatunghay ang Diyos sa Lupa,” na ang pagbubuno ng dalawang lalaki ay wawakasan ng tanglaw ng plaslayt ng mga pulis.

Marunong ding magpatawa si Bautista, ngunit daraanin niya iyon sa maparikalang paraan. Maihahalimbawa ang “Ang Lihim ng Liham” na ang istorya hinggil sa pag-iibigan ay ibinibitin upang ipasok ang katawa-tawang tagpo hinggil sa lalaking manunulat. Taliwas iyon sa seryosong “Ang Artista” na ang kabaliwan at katanyagan ay nabubura ang hanggahan.

Saludo ako kay Manuel Principe Bautista magpahangga ngayon, at hayaan ninyong tagayan ko siya sa modernong panahon.

Aves ni Jerry B. Gracio

Hindi ako nagulat nang magwagi ng Grand Prize si Jerry B. Gracio sa kategoryang tula sa Filipino sa nakaraang UP Centennial Literary Contest. Magaling na makata si Gracio, at walang kasarian ang kaniyang sining bagaman hitik kung minsan sa alusyon ng kabaklaan ang ilang tula niya. Nang maging editor ako sa Filmag (na dating Filipino Magazin), si Gracio ang isa sa mahihilig noong magpadala ng tula sa aming tanggapan. Napansin ko agad ang kaniyang talento, kaya inilakip ko minsan sa dulo ng kaniyang tula, na siya “ang nakatakdang magpabagsak sa mga makatang nagdudunong-dunungan.”

Natutuwa ako at kahit paano ay isinapuso ni Gracio ang bilin sa kaniya ng mga kasama kong Oragon. Sa mga hindi nakaaalam, kabilang si Gracio sa ikalawang alon ng Oragon Poets Circle, na binuo namin nina Joey Baquiran, Niles Jordan Breis, at Gil O. Mendoza noong 1998. Mahilig kami noong mag-inuman sa Timog, o kung hindi man ay sa UP Diliman, upang magpakalango sa tula, kritika, at alak. Masiklab noon ang mga talakayan, at si Gracio, na minsang sinabihan ko na napakatradisyonal tumula, ay nasaktan yata ang loob at kaya naghasa muna ng tahid para sa mga susunod na talakayan at palihan.

Ngunit magbabalik siya sa aming pangkat, gaya ng ilahas na ibon.

Nagbunsod din ng unang aklat si Gracio sa UP, ngunit sumama ang aking loob dahil ang inilabas lamang niya noon ay pabalat ng aklat at iniwan sa imprenta ang kaniyang nalimbag na aklat ng tula. Pakiwari ko’y nagasgas ang pangalan ng Oragon, at nagtampo ako na gaya ng isang kapatid. Ang totoo’y mabubulok sa imprenta ang mga aklat, malulubog sa utang ang makata, hanggang maisipan ni Gracio na bumuo muli ng koleksiyon na higit na matalim kaysa sa una niyang koleksiyon. Nagbunga iyon ng Apokripos (2006) na nagwagi ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle.

Kung may isa mang tao na tuwang-tuwa sa pagkapanalo ni Gracio ay isa na marahil ako. Natutuwa ako dahil ganap na niyang natuklasan ang sarili niyang tinig bilang makata, at ito ang mahalaga. Puwede na siyang palargahin. Sinubaybayan ko ang kaniyang karera, at ikinabuwisit ko ang paggawa niya ng mga pelikulang tumatabo man sa takilya para sa Seiko Films ay pulos kalibugang pansamantala lamang. Ngunit iba na ngayon si Gracio. Ang Gracio na sumulat ng iskrip ng pelikulang Santa-Santita at bumuo ng Apokripos at ngayon ay nagpapaimbulog ng Aves ay higit na matatag, buo ang sarili, at maalam sa kaniyang sining. Kung magpapatuloy sa paggawa ng pelikula si Gracio, hinuhulaan kong higit na magiging matalinghaga iyon dahil ang iskriprater ay isa ring makata.

Si Gracio ay matagal ko nang sinasabing dapat subaybayang makata, ngunit nakapagtatakang ngayon pa lamang siya napapansin ng madla at kritiko. Heto ang isang halimbawa ng kaniyang tulang tuluyan, na ang alusyon sa maalamat na tigmamanukin—na ang huni’y nakapagbibigay umano ng masamang babala o balita sa sinumang makaririnig—ay binihisan ng sariwang rendisyon upang malahukan ng siste at likot ng guniguni. Ang epigrape ni Gracio ay hango sa Vocabulario de la Tagala (1860) nina Juan de Noceda at Pedro Sanlucar, at ito ang magbubukas ng bintana tungo sa madulaing tagpo sa loob ng tula.

Tigmamanukin

“Hayo na tigmamanuquin,
Honihan mo nang halinghing. “

–Vocabolario de la lengua Tagala

Humuni ng labay ang tigmamanukin at hindi ito narinig agad ng Pangulo, ang narinig lamang niya ay ang tilaok sa banát na lalamunan ng manok.

Umabot ang huni sa labas ng palasyo. Kayâ agad na nagpulong ang mga paham, nagpatawag ang mga pangunahing pamantasan ng mga komperensiya at palihan. Binusisi ng mga musikologo ang estruktura ng labay. Sinuri ng mga makata kung ang panawagan ay nasa pantigan, tudlikan, o tugmang dalisay. At matapos ang mga balitaktakan gamit ang mga teorya mula sa silangan at kanluran, nagbunyi ang mga pantas dahil sa pagkabuhay ng awiting-bayan na matagal nang patay, at agad na nagpetisyon sa Unesco upang ideklara ang labay bilang isa sa mga Obra Maestra ng Pamanang Oral ng Sangkatauhan.

Ngunit nasaan na ang tigmamanukin?

Narinig ng tigulang na babaylan ng palasyo ang huni ng tigmamanok. Hintatakot siyang nagbangon at nagtungo sa Pangulo. Binasa niya ang laman ng labay at hinulaan na lilindol sa buong kahabaan ng Marikina fault; babangon ang tsunami sa gitna ng Pasipiko at lulubog ang 107 sa 7,107 pulo; muling puputok ang Pinatubo; uulan ng mga tipak ng yelo na sinlaki ng Malacañang.

Natigalgal ang Pangulo. Ngayon lamang niya natanto na ang tigmamanok ay hindi manok; ang labay ay hindi tilaok. Agad niyang inatasan ang mga bantay sa palasyo na hulihin at ikulong ang tigmamanukin.

Nagpatuloy ang ibon sa paghuni ng labay.

Nagkagulo ang mga paham sa pag-uunahang maitalâ at madukal ang mga bagong karunungan.
Hindi makatulog ang babaylan sa mga bagong hula-apokaliptiko at abismal.

Sa katiwasayan ng buong bayan, nagpas[i]ya ang Pangulo na tapusin na ang sumpa ng labay.

Sa pulong ng gabinete nang araw na iyon, ang tanghalian ay tinola na pinaghalong manok at tigmamanukin. Pagkahigop sa sabaw, ang gabinete at Pangulo ay nagsitilaok ng labay.

Isa ako sa mapapalad na makabasa ng Aves ni Gracio, at hindi nagkamali ang sumulat ng citation para sa kaniyang gawad sa tinataglay na kariktan at talim ng koleksiyon ng makata. Kinasangkapan ni Gracio ang kasaysayan, mito, kabulastugan, politika, kasarian, kultura, at kung ano-ano pang bagay upang payamanin ang mga alusyon sa tula samantalang isinasaalang-alang ang mahigpit na sining ng pagtula mulang pagbabalangkas, pagdidisenyo, paglalarawan, at pagsasalaysay ng anumang may kaugnayan sa ibon. Inililipad tayo ni Jerry B. Gracio sa pamamagitan ng kaniyang binagwisang mga tula, at tayo na ang bahala kung paano muling lalapag ang mga paa sa lupa.

Ang Tinubuang Lupa ni Teo T. Antonio

Teo T. Antonio, kuhang larawan ni Bobby Añonueo

TEO T. ANTONIO, kuha ni Bobby Añonuevo

Maraming modelo ng pagbasa ang maaaring ilapat sa mga tula ni Teo T. Antonio (alyas ni Teodoro Teodoro Antonio). Pinakamalapit na marahil ang Bagong Formalismong Filipino na ipinanukala ni Virgilio S. Almario. Taglay ng naturang teorya ang tatlong salik: una, ang paglingon sa kodipikasyon ng tulang Tagalog mula kina Fray Gaspar de San Agustin, Fray Francisco Bencuchillo, at iba pa hanggang kina Lope K. Santos, Julian Cruz Balmaseda, Iñigo Ed. Regalado, at iba pa. Ikalawa, ang pagsisiyasat “sa matalik na anyubog ng teksto,” kabilang na ang mga sangkap at kasaysayan nito nang likhain; at siyang kaugnay “ng lunggati’t kalooban” ng autor. Ikatlo, ang paglilinaw sa mga batis ng tradisyon sa paraang batay sa naging kasaysayan ng mga panitikan sa Filipinas.1 Ang hakang pagsipat ni Almario ay maituturing na sanga ng Pinoy dialogics—kung makatwiran man ang gayong taguri—at sinusuri ang teksto “bilang interseksiyon ng sarisari at dinamikong puwersa na maaaring umimpluwensiya sa may-akda at bilang produkto ng mga pagpapasiya ng may-akda sa bawat salita, bantas, pangungusap, at puwang na ipinambuo sa teksto.”2

Sa dialogics3 ni Mikhail Bakhtin, produkto ng sari-saring tinig na pinaglangkap sa ilalim ng panlipunang saplot ng wika ang lahat ng indibidwal na pagpapahayag. Sinusuhayan ang nasabing pilosopiya ng metalinguistics, na nagsasaad namang ang bawat binibigkas ng tao ay “interseksiyon ng tiyak na layunin ng nagsasalita at ng aktibong pagtugon ng tagapakinig,” na pawang “binibigkis sa pamamagitan ng matatag, ngunit malimit na di-malay na uri ng pamamahayag.” Ang komunikasyon, kung gayon, ay hindi lamang basta pagpapadala ng mensahe. Nasa hanggahan ng kamalayan ng dalawang tao ang komunikasyon at ang pakahulugan, at ang salitang ginagamit nila’y “nakaugat sa lipunan at taglay ang nakalipas at hinaharap na mga tinig.” Kargado ng ideolohiya ang wika, at maituturing itong materyal.

Para kina Almario at Bakhtin, ang pagsusuri ng teksto ay hindi lamang nagwawakas sa sagisag (signifier), sinasagisag (signified), at tulay (referent), gaya ng matutunghayan sa mga paliwanag ni Ferdinand de Saussure, at siyang pinalawig ng kilusang deconstructionism nina Jacque Derrida at Paul de Man. Ang tatsulok na akda-autor-mambabasa, gaya ng sa retorikang unang binuo ni Aristotle ay masasabing binubuhay nina Almario at Bakhtin. Ang pagkakaiba lamang, isinasaalang-alang ni Almario ang katutubong poetika (o ang kaligiran) sa Filipinas. Ang teksto bilang anyo, saad ni Almario, ay masisipat na may kambal na salik. Una, ang “panlabas na kaganapan” na umiiral sa pandama; at ikalawa, “ang mga katangiang kaloob ng gunita’t haraya ng may-akda.” Maraming pagkakatangi sa mga teorya nina Almario at Bakhtin, ito ang matagal nang idinidiin ni Almario, ngunit mangangailangan yaon ng hiwalay na talakay.

Kailangang balikan sina Almario at Bakhtin sa pagsusuri sa lawas ng mga tula ni Antonio. Bumuo si Antonio ng lawas ng mga tula, na masisipat ang pananalinghaga sa pagsisimula sa niloloob ng tao tungong palabas sa lipunan; at magwawakas mulang palabas tungong paloob na pagdanas sa sarili at lipunan. Ang siklo sa mga tula ni Antonio ay nakatuon sa kaniyang “bayan” (i.e., Filipinas) na magsisimula sa kaniyang sinilangang lalawigan, maglalandas tungong lungsod at kung saan-saan, at magbabalik sa pinagmulan gaya ng matagumpay na mandirigma. Nakasalig sa mga tula ni Antonio ang kaniyang Tinubuang Bayan, ang dating Katagalugan na lunggati ng mga maghihimagsik ng Katipunan, at ang mga dalumat na mahirap na ngayong maintindihan ng bagong henerasyon ng Filipino na pinalaki sa MTV, hamburger, at selfon. Ang panukalang sipat na ito ay susuong sa poetika ni Antonio na kaniyang pinagyaman nang mahabang panahon, upang mailugar ang kaniyang teksto sa hulagway (panlabas) at anino (panloob) nitong tinataglay.

II
Gumigitna sa parisukat na parabula-paradoha at salawikain-satira ang matalinghagang biro ni Antonio mula sa kaniyang tinubuang lupa sa loob ng tatlong dekada ng kaniyang pagkamakata. Ang nasabing biro ay “bato-bato sa langit” na ikangingitngit, kung hindi man ikahahagikgik, ng sinumang makababatid ng singit at likaw ng kaniyang isip at pamamaraan ng pagsasabi nang tapat. Maiisip na may bahid ng katotohanan ang naturang biro—na maaaring seryosohin o isantabi o sakyan na lamang—alinsunod sa antas ng kaalaman, pagsagap, at reaksiyon ng mga mambabasa sa mga pahiwatig na inugat ng makata sa kaniyang kinalakhang bayan. Isang paraan ng pag-arok sa lupain ng talinghaga ni Antonio ang pagbabalik sa kaniyang labindalawang aklat ng mga tula, at ang pagbusisi sa mga dalumat na kaniyang nilinang saka pinalawig at pagkaraan ay itinanghal sa ating lahat.

Sa unang kalipunan ng mga tula ni Antonio, ang Biro-biro kung Sanlan (1982), kinasangkapan niya ang katutubong saplot mula sa mga taal na awiting-bayan, kawikaan, at paniniwala ng Tagalog at siyang isinuot sa kontemporaneong anyo ng panulaan. Mula roon ay magpapakana siya ng subersibong pagtatahi-tahi ng kaisipan, batay sa tinaguriang modernismo’t aktibismo noong mga dekada sitenta at otsenta habang matiim na isinasaalang-alang ang halina ng nauupos na bisa ng balagtasan at iba pang tradisyong pabigkas. Nakapaloob ang himig na binuo ni Antonio sa balangkas ng awit, dalít, tanaga; at sisingitan kung minsan ng mala-soneto, villanelle, at malayang taludturan. Ang paggamit ng sukat na gansal ni Antonio, halimbawa, ay maihahakang isa nang pagtatangka na lumihis sa naging paborito noong lalabindalawahing pantig ng awit.4 Mababanggit ang “Buntong-hininga” na pipituhin ang sukat ng pantig: “Isda sa kilawkilaw/ di mahuli’t may pataw./ Ngayon pag lumalangoy/ may baklad na susukol.”5 Gagamit siya ng tugmaang isahan, sunuran, at salitan samantalang handa ring magpasiklab sa pagpapamalas ng tugmang dalisay, tudlikan o pantigan, bukod pa sa paggamit ng ibang elemento ng retorikang nasagap niya sa pagbabasa’t pakikipagbarkada sa mga makatang kapanahon niya. Maipagyayabang ni Antonio ang ikalawang saknong ng “Ang Mutya kong si Perfecta” na taglay ang tugmang dalisay:

Natutukso ako’t parang may suplína,
Sukatin kung ako’y merong disiplína.
Nasanay na akong nababartolína
Ang laya ng gunam na nanghahalína.
Ang pader at rehas ay bukal at mína
Niring talinghagang amoy-gasolína.
6

Higit pa sa tugma at sukat ang dapat pagtuonan sa tula ni Antonio. Sa awiting-bayang “Doon Po sa Amin” na ginagad ng makata, ang “San Roque” ay naging “Panique” na tumutulay sa hanggahan ng totoo o dili kaya’y maalamat na pangyayari. Pabaligho ang salaysay sa unang saknong, itinulay sa ikalawang saknong na masasabing gusot ng kuwento, at magiging resulta ang ikatlo’t pangwakas na saknong. Metonimiya ang susi sa pagtuklas ng buong estruktura ng bulok na sistema; at ang babaeng ginahasa’t niluray ang puri ang luray na puri din na tataglayin ng Panique. Dahop sa hustisya ang nasabing pook, ayon sa tula, at kaya maiisip na metonimiya ang Panique sa malawak na lipunan (i.e., Filipinas). Lalampas sa tradisyonal na pagpapakahulugan ang “Doon Po sa Amin,” lilihis nang kaunti sa mga varyant nitong awit, habang makakargahan ng pambihirang dupil na panretorika ang Panique. Pansinin, halimbawa, ang adnominatio sa una’t ikalabing-isang taludtod, na magiging kaugnay ng repotia sa una hanggang ikatlong mga saknong. Magsisilbing expolitio ang ikatlong saknong kung itatambis sa unang saknong. Sa madali’t salita’y ang “Panique” bilang maalamat na “paniki” ay iiral sa dilim, at gaya sa mga kuwentong-aswang at bampira, ay daragit at pagdaka’y sasaid sa dugo ng muslak, mortal na dalagang birhen.7

Ambidekstrong mailalahok ni Antonio ang kaisipang suwail sa kawa ng katutubong dalumatan, habang tumatagal. Malulutong ang kaniyang pasaring at pahaging sa nangingibabaw noong utak-kolonyal, kolonyalista, at kolonya ng mga api’t sawimpalad. Halimbawa, nagsasagutan ang “Bahay-Kubo” at “Pen pen de Sarapen” kung ihahambing sa nagsusuhayang “Kasal ni Kikay,” “Ako’y Ibigin Mo,” at “Sinisinta Kita.” Magpapanukala naman ng pagbalikwas ang “Walang Matimtiman” at “Ale, Ale” kung itatambis sa mapanudyong “Aling Fidelina” at sa mapagpatawang “Si Kulasa at ang Senyor.” Paninimbang sa subteraneong paniniwala ang “Isang Pagtanaw sa Pamahiin,” “Ikatlong Sindi ng Sigarilyo,” at “Santigwa” kung itatagis sa mapusók na pag-usig ng “Duwende,” “Kapre,” at “Wala raw Silang Alam sa Pulitika.” Ang maganda’y hindi nangimi na kasangkapanin ni Antonio ang anumang hiblang kaugnay sa malig ng Tagalog-sa masining na paraan at sa paraang umiiwas maging manipesto lamang ng propagandistang kilusan-at nang maitanghal iyon sa panahong halos mabura na sa gunita ng sambayanan ang katutubong pagtula.

Makikitid ang taludtod ngunit siksík at binúli sa mapanudyo’t masisteng pahiwatig ang Biro-biro kung Sanlan. Walang itulak-kabigin ang bawat tula, solido ang estruktura ng kalipunan, at komplementaryo kahit ang mga bukanang paliwanag ng mga makatang Mike L. Bigornia at Romulo A. Sandoval. Likás kay Antonio ang abakada ng tugma at sukat, talinghaga, kariktan, at kaisipan sa panulaang Tagalog kung pagbabatayan ang mga aral ng mga kritikong sina L. K. Santos at I. E. Regalado. Tila nasagap niya ang agimat ng kaniyang amang si Emilio Mar. Antonio-na naging prinsipe at pagkaraan ay kinilalang Hari ng Balagtasan makalipas yumao noong 1950 si Florentino T. Collantes-sa paghabi ng tula. Gayunman ay nakaahon na ang nakababatang Antonio sa dating kinabalahuang pananalinghaga ng mga Balagtasista. Gagamitin niya ang kumbensiyon sa panulaang Tagalog upang pagkaraan ay suwayin ang mga batas nito. Na magsisimula sa pagpili ng mga salitang lantáy, balbál, laláwiganín, at kosmopolitano hanggang sa pagsusugpóng ng mga hulagwáy o anino at pagsasalansan ng kata’t salaysay tungo sa muling paglalang ng sariwang kabatiran.

III
Maihahakang kailangan ni Antonio noon ang higit na maluwag na pananaludtod, lalo’t makislot ang kaniyang guniguni at nasa kasibulan ng pagtula. Pinagtiyap naman ang panahon ng protesta at ang yugto ng radikal na pagsusulat laban sa Batas Militar ng administrasyong Ferdinand E. Marcos; at malinaw na pruweba ang di-matatawarang ambag ng Galian sa Arte at Tula (GAT)-ang organisasyon ng kabataang manunulat sa Filipino-sa panitikang pambansa at siyang humubog sa sinumang ibig matuto ng matinong pagsusulat at pagsusuri ng panitikan. Nagkatugma ang habang-alon ng GAT at ni Antonio. Siya’y nasa tumpak na pook at tamang panahon, bukod pa sa nagtataglay ng pambihirang talento at sigasig sa pagtula. Titimo sa malay ni Antonio ang estetika (at pilosopiya, kung mayroon man) ng GAT, isasapuso kahit ang politika ng maka-Kaliwang aktibismo, ngunit hindi kailanman tatalikdan ang kaniyang pinagmulan bilang tao at mamamayan. Matutuklasan pagkaraan ni Antonio na walang hangga ang posibilidad ng pagtula, at ito ay hindi matatakdaan kahit ng ideolohiya o relihiyon o kautusan. Mulang dekada sitenta hanggang otsenta’y hahamig ng mga gawad sa iba’t ibang timpalak pampanitikan si Antonio, mapapansin sa mga pagtatanghal ng tula, at magiging kauna-unahang pangulo ng GAT.

Waring bagyong kumawala sa supot ng kalawakan ang mga tula ni Antonio nang ilathala ng Ateneo de Manila University Press ang Taga sa Bato, Mga Piling Tula 1973-1988 (1991). Mabilis na naubos ang mga sipi, at lumikha ng alingayngáy sa merkado, at pinag-aralan ng mga estudyante. Hinikayat nga ni dating direktor ng publikasyon na si Esther M. Pacheco si Antonio na dagdagan ng ilang tula at pakapalin ang nasabing koleksiyon para sa susunod na paglilimbag. Sa pinalaking edisyon ng Taga sa Bato (1994), nabago ang pabalát, isiningit ang bagong seksiyon, at inilahok ng makata ang kaniyang piling mga tula mula sa Biro-biro kung Sanlan. Ang resulta: Naging pinakamatimyas na testamento ang Taga sa Bato hinggil sa bisyon, estetika, at pananalig ni Antonio sa ebolusyon ng kaniyang pagkamakata.

Ang semilya ng Biro-biro kung Sanlan ay ganap na magkakabuto’t laman sa Taga sa Bato. Pinaghalong panata at sumpa-bukod pa ang tandisang pagtatampisaw sa usaping panlipunan at ang pagbubunyag ng angking ars poetica-ang inilalagda ni Antonio sa kaniyang ikalawang aklat. Humaba ang mga taludtod ni Antonio sa ikalawa niyang koleksiyon. Higit na matipuno ang mga salita at ang diwa’y mayamungmong. Naglaho ang pagbabantulot sa mga anyo, nilalaman, at paksa ng mga tula. Sabihin nang nagsimula ang Taga sa Bato sa sipat ng isang probinsiyano.

Noong dumating ka sa lungsod,
inakala mong malinis at sementado
ang lahat ng bagay.
Noo’y di ka pa nakapagsasaulo
ng mga pangalan ng kalye
o nakasuot sa mga walang-pangalang eskinita.
Hindi mo pa rin nasusubukang
kumalikot ng telepono at direktoryo.
Hindi mo pa rin kilala ang presinto
at marka ng kalsada.8

Makikipagbuno ang nasabing probinsiyano sa mga lamanlupa at impakto ng kapuwa nakalipas-mito at kasalukuyan-realidad; maglalagalag sa mga tumana at mamamangka sa ilog ng pagtuklas at pagdanas bilang baguntao; haharapin ang multo ng sarili at ang itim na paruparo habang tahimik ngunit marubdob na hahanapin ang kabuluhan ng pag-iral. Magdudulot ng kaliwanagan ang pagbubulay, gaya ng isinasaad sa “Karayom sa Dayami”:

Hindi na kadena ang kahapon na umaalipin,
gumagapos sa pagsulong. Ito’y bukal ng tubig
na pagsasalukan ng pang-unawa sa sarili,
upang lumaya at matatag magpasiya,
upang hindi maging dungo at duwag,
upang maging matapang sa pakikidigma.9

May matutuklasang agimat sa nakaraang panahon, at para sa persona, kailangan ito sa pakikitunggali sa hinaharap. Mahihiwatigan ang “hinaharap” pag tinitigan ang ikatlong kabanata ng Taga sa Bato. Sa ikalawang yugto ng koleksiyon ay sasapit ang probinsiyano sa Maynila. Ang “Maynila” na binuo ni Antonio ay ibang-iba sa “Maynila” na dating dukalan ng talinghaga nina Julian Cruz Balmaseda, I. E. Regalado, José Corazón de Jesús, at F. T. Collantes. Hitik ang Maynila ni Antonio sa rambulan ng saring imahen at pananalig; malimit marungis o maangas ang kapuwa loob at looban ng mga tao; amoy-tsiko kung hindi humihiyaw o malamuyot ang birhaws at bangketa; basketbolan o pasugalan ang mga kalyehon o eskinita; masikip ang trapiko ng sasakyan at hanapbuhay; at singnipis ng dividendazo ang pananalig kina Santa Ana at San Lazaro.

Walang tigil ang mga paang
nagmamadali sa Quiapo,
walang tigil ang tawaran at bilihan,
walang tigil ang pagngiti ng despatsadora
sa barat na kostumer,
walang tigil ang paniniyempo ng tingin
ng may masamang hangarin,
walang tigil ang pag-awit ng pulubing
hangga ngayon ay pulubi pa rin…10

Hubad sa romantikong pitlag ang “Maynila” ni Antonio, ngunit naroon lagi ang pag-asa at pagmamahal.

Ipapanukala ni Antonio ang kakaibang pagdulog sa nasabing realidad upang baligtarin ang pangyayari. Ipamamalas niya ang pambihirang bisa ng paggamit ng EQ (emotional quotient) kaysa IQ (intellectual quotient) sa ilang pagkakataon, na maituturing na isang uri ng pagsalungat sa lipunang pulos “tunay, mahusay, maganda” ang sigaw subalit kabaligtaran ang umiiral. Mahihiwatigan ang nasabing pakana ni Antonio sa tulang “Bobo ng Gastambide.” May himig-hinanakit ang pangmaramihang persona na tumutukoy wari sa mga estudyanteng tinaguriang bobo at taliwas sa asal ng mga iskolar sa kalye Recto. Mahilig magyabang ang mga iskolar dahil matataas ang grado. Samantalang ang persona ay “nagsusunog ng baga at hindi kilay” at inaatupag ang “marka demonyo” (i.e., hinyebra) imbes na “matataas na marka” sa eskuwela.

Pero, nadarama ang galaw ng buhay
at katarantaduhan ng mundo.
Kaming walang binatbat
at buwang ng Gastambide.

May alamís na iniiwan ang nagsasalita sa tula. Lampas sa apat na dingding ng silid-aralan ang dapat pag-aralan, at ito ay walang iba kundi ang “buhay” mismo. Bakit naiimpatso ang persona sa loob ng klase? Isang hakang sagot ang “Pulos kabulaanan at malayo sa realidad ang itinuturo ng guro at ng buong sistema ng edukasyon.” Na hindi masikmura ng estudyanteng nagbabayad ng mahal na matrikula. Magulo ang labas ng paaralan at ang loob ng estudyante’y magulo—na maaaring kimkim ang himagsik laban sa establisimyento at diktadura—at ito ang malimit kinatatakutang tingkiin at iniiwasang pakinggan ng mga guro. Lalo’t panahon ng Batas Militar ang namamayani.

Potograpiko ang memorya ni Antonio. Detalyado at kung minsan ay nakapanlilinlang. Lumiliit-lumalaki ang mga retrato na dinurukot niya sa alaala, natitimpla ang kulay at linya ng mga hulagway, halos mabura ang hanggahan ng realidad at kathang-isip, gaya ng mapapanood sa Galaxy, Metro Theater, at Cine Zest. Pipili ang makata ng mga pambihirang hulagway (panlabas) at anino (panloob) na pahiwatig upang mahatak ang mambabasa sa mapagmuning kabatiran. At sa pamamagitan ng pagkasangkapan sa paningin ng probinsiyanong bagong salta sa lungsod ay makapagwiwika nang may matalas na pagmamasid sa paligid:

Ang memorya’y kawad ng koryenteng
nakasampay sa mga posteng nakatirik
sa kalyehong iisahing metro.
Na kahit ka datihan sa distrito ng Quiapo
ay hindi mo tatapunan-pansin.

Pambihira ang pagkatalogo ni Antonio sa Maynilang muling tinuklas niya para sa mga mambabasa na sadyang tumalam ang pagdama at pandama. Sunod-sunod, bumubuhos ang mga hulagway na pawang mahuhugot lamang sa tunay na dumanas ng gayong karanasan. Balikán pa ang tulang “Retrato”—na kabilang sa koleksiyong Bagay-Bagay (1992)—at tila ikinumpisal na ni Antonio ang paninirahan ng kaniyang mag-anak sa Quiapo at ang paglipat nila sa Sampaloc. Ang nasabing mga pook ay magkakamapa sa isip ng makata, at ang lalandasin ng iba’t ibang persona sa guniguni ng mambabasa.

Ang “Memorya ng isang Kalyehon,” halimbawa na, ay masasabing sinematikong pagbubulay sa Bagong Lipunan, mula sa punto de bista ng mikroskopikong pagsilip sa kalyehon ng maralitang tagalungsod. Ang labas-masok na mga tao na inilarawan sa tula’y isang uri ng pagkandî sa kalyehon. Ang naturang pook ay perya ng karukhaang pisikal-espiritwal sa gitna ng madilim na hinaharap at lumalabong lunggati ng mga residente o dayo. Panandalian ang lahat ng pagtatagpo at ugnayan na pawang nakasaad sa bawat tungkulin o papel na ginagampanan—o kung hindi’y tinatakasang gampanan—ng mga tagalooban. Nakapagluluwal ng rimarim at awa ang tagpo mula sa persona at palayo sa mga tauhang iginuguhit nito. Nakasusugat sa budhi at gunita ang gayong nanggigitata’t umaalingasaw na tadhana, gayunman ay nakapupurga ng sarili, at para sa persona’y dapat igpawan ang dapat igpawang busabos na pamumuhay.

Hindi magtatapos sa Maynila ang mga tula ni Antonio. Mapapabilang sa kaniyang koleksiyon ang mga tulang may inspirasyon ng kaniyang paglalakbay sa iba’t ibang pook, at maihahalimbawa na ang “Biyaheng Abra,” “Lungsod na Pawid at Kawayan,” “Retrato sa Beijing,” at “Todos los Santos sa Hong Hong.” Ang mga persona ni Antonio ay hindi igigiit ang sarili, manapa’y ituturing ang katauhan na “Katutubo akong banyaga sa sariling bayan.”11 Maglalaro din siya sa mga napapanahong usapin at balita, at yaon ang kaniyang ilalarawan o isasaysay sa ilang tula na nilalapatan kung minsan ng epigram, gaya ng “Sa Nabaklas na Andamyo,” “Mensahero,” “Hindi Mapupuksa ang Laksang Rolando,” at “Flores de Julio.” Ano’t anuman ay madaling nakatawid nang tuwid si Antonio sa kipot—na ang magkabilang pampang ay naglilihim ng panganib, pagsubok, at kapahamakan—dahil angkin niya ang kahusayan “bilang mandaragat sa laot ng talinghaga.”

IV
Walang pasubaling nagtataglay ng mga paniniwala at lunggati ni Antonio bilang makata ang kabanatang “Sa Harap ng Makinilya” sa Taga sa Bato. Ang nasabing kabanata ay aalingawngaw sa ilang tula sa Karikatura at iba pang Kontra-banda (1999); Kalawang sa Patalim (1998); Ornamental (1998); Pira-pirasong Bituin (1996); at Bagay-Bagay (1992).

Nakapahiyas ang pananalig ni Antonio sa kaniyang tula sa “Pamamangka.” Nagsimula ang tula sa retorikang tanong na “Bakit kailangan ko pang manlambat ng talinghaga?” na mauugat kaipala sa mga alalahanin ng ama na nagkataong makata. Ang nasabing tanong, wika nga, ay tila pag-usig sa araw kung bakit kailangan nitong sumikat tuwing umaga, at kung bakit may siklo ang hihip ng simoy bawat panahon. Ano’t anuman, may batayan ang tanong dahil ang pagiging makata naman ay nakaugat sa realidad ng lipunan, at kailangang “kumain ang tao para mabuhay.” Maliban na lamang kung isang hatag na ang pangyayaring maykaya sa buhay ang makata at hindi na kailangang kumayod maghapon. Sa paningin ng ibang tao, ayon sa tula, “Ang maging makata sa panahong ito’y/ pamamangkang walang patutunguhan.” Na tila pagsasabing: “Hindi ka bubuhayin ng pagtula. Walang kabuluhan ang tula!” Para sa persona’y hindi makatwiran ang naturang pananaw, at mapanlagom ang pahayag. Ang higit na mahalaga’y sumubok pumalaot, matutong magpaamo ng unos, manghuli ng talinghaga, gumaod nang mag-isa, at magbalik sa pampang nang matagumpay sa paglikha habang taglay ang pananalig na hindi niya inaksaya ang buhay sa walang katuturang bagay. Isinasakataga lamang ni Antonio ang matagal nang kawikaan: “Ang galing ng mamalakaya/ kung may bagyo nakikilala.”

Tandaang dagat ang karaniwang hulagway, kung hindi man sagisag, ng karunungan sa maraming kultura lalo dito sa Asia. Sa Filipinas pa lamang, may animnapu’t walong kawikaan ang umiinog hinggil sa dagat, tubigan, at kaugnay nito; bukod pa ang patungkol sa isda bilang hulagway at talinghaga.12 Ang “panlalambat ng talinghaga” ay masasabing pagsisikap na makamit ang dunong at bait, na pawang kailangan ng tao para mabuhay, dahil pangaral nga sa Bibliya, “Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao.” Ang pagsulat ng tula, kung gayon, ay isa nang mabigat na tungkulin para sa persona; at hindi dapat itong ihambing sa ibang propesyon na ang tanging sukatan ay kayamanan, kapangyarihan, at katanyagan. May maipagmamalaki ang persona sa kaniyang lumalaking mga anak at naghihintay na esposa. At ang puhunan ng makata’y pag-ibig at buhay na kaniyang maipapamana sa susunod na henerasyon.

Ang naghuhunos na poetika ni Antonio ay maibubuhol sa maláy na pakikisangkot sa malawak na inog ng lipunan. Kaugnay yaon sa pangangarap na ang “…tula’y ripleng/ bumubuga ng pulbura ng taludtod/… naliligo sa dugo ng pagbabaka.”13 Pagkilala ng utang na loob ang isinasaad ng “Lapis at Papel” na itinuring ng persona sa tula na siyang nag-aruga sa “musmos na pagtatangkang tumula” nito. Kung minsan ay nagpapatama si Antonio sa mga mambeberso at makatang sampay-bakod, gaya ng isinasaad ng “Berso”: “Niluluray nila ang aking/ kariktan, naging gusgusin ang alindog/ at hinuhubdan nila ako ng dangal at pangalan.”14 Maitatambis ang pahaging sa tulang “Akala Niya,” na nagpapahiwatig na taliwas sa “…pagluluto ng ulam/ ang paglikha ng tula sa sinapupunan.”15 Bakit? Gaano man kabihasa umano ang isang tao sa pamamaraan ng paghahalo ng sangkap ng tula ay hindi sapat kung kulang ang tula sa “lasa’t sangkap ng sarsa ng buhay” (i.e., karanasan, abentura, dunong, at iba pa).

Binanggit ang dalawang tulang pahaging ni Antonio upang itangi ang tula bilang musa na katumbas ng buhay, ang musang nagkatawang-tao na makakaniig nang walang kahulilip.16 Munting piraso ng karanasan, at halos pangungumpisal, ang pahiwatig ng isang tula ni Antonio hinggil sa pagpapalitan ng kaalaman at teknika sa pagtula ng mga makatang tuwing Biyernes ay walang palyang nagkikita-kita upang tumoma. Subalit higit sa pag-inom ng alak at mainit na talakayan hinggil sa kabaguhan ng tula ang pagkatanto sa pinakamahalagang bagay:

Sa bawat Biyernes ng gabing pinag-uusapan ang taludtod,
daming bagong istilo, porma, talinghaga’t pagsubok.
Ang totoo, kahit magbago’t mag-eksperimento ang lahat
ng iba-ibang porma, salansan, istilo at hinagap;
Tanging ang bihasang manalinghaga’t bumerso
ang lilitaw at lilitaw na tunay na artesano.17

Maitatambis sa nasabing tula ang “Subersiyon” na pagsusuri wari sa sarili ng makata. Ang subersiyon na tinutukoy sa tula ay paninimbang sa metapisikang tukso, o sa paglikha ng bagong kaakuhan (i.e., identidad) bilang tao at makata. Magsisimula sa loob ang deskontento, na ang manipestasyon ay mababanaag kahit sa pisikal na anyo at kilos ng persona. Narito ang unang bahagi ng tula:

Pabagsakin ang sarili
na baguhin ako.
May ibang ako na nanunukso
at ibig palitan ako.
Halimbawang pagbigyan
ang ibang ako,
maging kumpleto kaya
na pabagsakin ako?18

Mauugat ang dalumat ng persona ng “ako” ni Antonio sa dalumat ng “ako” ni Alejandro G. Abadilla. Pilosopiko, kung hindi man maysa-pilosopo, ang pahiwatig ni Abadilla hinggil sa “Ako” na nakasaad sa tulang “Ako ang Daigdig”19 at sa labing-anim na mala-tanaga sa Tagabadilla. Maihahalimbawa ang isang mala-tanaga ni Abadilla: “Walang hanggang tula/ Sa iyo ang ako:/ Bakit ka tulala/ Sa kaakuhan ko?20 Taglay wari ng tula ang misteryo ng “kaakuhan,” alinsunod sa sipat ng makata, at tila alingawngaw naman ng isinasaad ng kawikaang higit na mahirap arukin ang budhi kung ihahambing sa pag-arok sa balong malalim. Naiiba ang tula ni Antonio dahil puwedeng itangi ang “ako” bilang persona at ang “ibang ako” bilang kapilas na persona o dili kaya’y ibang tao. Kung babalikan ang siniping tula ni Antonio’y mahihiwatigang nababago ang ilang panig ng kaakuhan ngunit mananatili ang “ipinaglalaban” ng persona at ito ang pinagmumulan ng “pagsalungat” sa “agos ng pagbabago.”

Marami na akong binago,
asal, gawi, pananaw, taktika:
ako pa rin ako.
Maubos man ang buhok,
pumuti ang bigote’t balbas
o lahat ay ahitin ko.
Ako pa rin si Teo
o si makatang kalbo,
may iba nang nadarama
pero, pilit ipinaglalaban
ang paniniwala
bilang makata at ako.

Ang “paniniwala” ni Antonio “bilang makata at ako” ay mababatid lalo kapag sinuyod ang iba pa niyang koleksiyon. Lalayo ang makata sa impluwensiya o dikta ng kaniyang kapanahon—kahit bansagang tradisyonal ang bikas—at igigiit niya ang matataguriang taták Teo T. Antonio:

Kung lilikha ako ng tula
at lalagyan nila ng hanggahang
parisukat, hindi ko alam
kung masusunod ang takdang guhit
at kung ano ang lalabas na tula.
Halimbawa namang sundin ko
ang nakatakdang parisukat na itinakda,
ano naman kaya ang sisibol
na usbong ng puso’t diwa?21

Ano ang ibig ipahiwatig nito? Maihahakang gagawa siya ng sariling daigdig, at ang daigdig na ito ay kaniya lamang. At kung ibig ninuman na kilalanin si Antonio o ang mga tula niya’y kailangang pasukin ang nasabing daigdig, ang daigdig na masasabi ring hitik sa patibong, salamangka, at laberinto ng pahiwatig. Gagamit ng mga tauhan at ibang tinig ang makata, at padadaluyin ang mga alamis sa gaya ng pangarap na lumikha ng “ensayklopidya ng talinghaga” habang tumitipa sa bagong kompiyuter.22 Masasalat ang gayong pagtatangka sa Ornamental, na ang karamihan sa mga tula’y nakagiya sa paningin at niloloob ni Antonio, kung ihahambing sa kaniyang mala-aktibistang pananaw noong mga dekada sitenta at otsenta. Halimbawa’y ipapanukala ni Antonio na, “Nabubuhay tayo sa salita” at siyang nakapagbibigay ng saring panlasa sa buhay mulang kamusmusan hanggang pagtanda.

Mabilis tumula si Antonio, pansin nga ng kaniyang matatapat na kaibigan, at aakalain ng iba na wala siyang ginagawa sa opisina kundi tumula nang tumula. Gayunman ay hindi nangangahulugan yaon ng pagiging bulagsak, at magmumula pa nga sa mga taludtod ni Antonio ang paalalang maging masinop at maingat gumamit ng salita. Batid ng makata ang kaniyang hanggahan, at may pahiwatig ng pagwawakas ang tulang “Talinghaga.”23 Hindi lahat ng yugto ng buhay ay maningning. Ihahayag ito ng kabuuang temang bumibigkis sa Pira-pirasong Bituin: “Alam kong pana-panahon/ ang liyab ng talinghaga./ May panahong huhupa ang ningning,/ tulad ng mga bituin;/ kapag nag-ulyaning lalo/ ang harayang bumugso…”/ Hindi rito magtatapos ang pagbubulay ng makata, bagkus itutuloy yaon sa pangangarap na “maging pira-pirasong bituin” ang kaniyang talinghaga sakali’t ito’y “mabasag sa lupa” (Sirain ng kritika?). At sinumang makapulot ng kaniyang talinghaga ay “huwag akalaing pamantingin” lamang iyon at iwasan ng mga paang “ayaw masugatan ng liwanag at dilim.” Liwanag ng salita ang lunggati ni Antonio bilang makata, ang “liwanag” na taliwas sa “ningning” ayon sa isinasaad ng Katipunismo nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto. Ang nasabing liwanag din ang ibig niyang ihain sa mambabasa, gaya ng matutunghayan sa “Pamimitas ng Bituin” at “Kailangan Ko ang Iyong Pang-unawa.”

Masasalamin ang kaganapan ng poetika ni Antonio bilang makata at alagad ng sining sa Karikatura at iba pang Kontra-banda. Maihahakang tipong coffee table book ang nais ni Antonio ngunit sa kasamaang-palad ay hindi natupad. Magastos iyon at mapangarapin, at aangalan kahit ng pinakamalaking pabliser na magdadalawang-isip sumugal sa nasabing proyekto. Ano’t anuman ay makatatayo nang mag-isa ang koleksiyon ni Antonio kahit walang pintura, ilustrasyon, at grafiks ng mga pamosong artist ng Filipinas. Matimbang ang Karikatura at iba pang Kontrabanda dahil matatag ang pundasyon nito sa paggamit ng parikala, paradoha, at parabula sa paraang masiste at kung minsan ay halos absurdo. Matalas ang iniiwang talinghaga ng “Nawawalang Mukha”:

Isang araw, nang humarap siya sa salamin,
wala na ang kanyang mukhang madalas kausapin.24

Ang tinutukoy na tauhan sa salaysay ay si Kulasfiro, ang dukhang probinsiyano na nagtungo sa Maynila upang makipagsapalaran. Kumapit siya sa patalim, wika nga, dahil kailangang makaraos at mabuhay. Nagkataon namang napabilang siya sa sindikatong nagpupuslit ng kargamento, at naging bihasang ismagler, at di-maglalaon ay yayaman. Hinabol ng batas si Kulasfiro, kaya minabuting ilihim ang identidad, at nangibang-bayan, at nagparetoke ng mukha (i.e., plastic surgery). Ngunit sa pagbabalik ni Kulasfiro sa sariling bayan ay nabura na ang kaniyang kaakuhan. Hindi na siya si Kulasfiro at hindi isang Filipino. Kundi ang bagong si Don Nicolo. Ang pagkilala sa sarili ay nagbabago, ayon sa tula, at ang mga pagbabago’y nililinlang kahit ang mismong lumikha ng pagbabalatkayo.

Kung itatambis ang nasabing tula sa “Ang Huklubang Lalaking Kinakausap ang Hagdanan,”25 halimbawa, ang kabaliwan na masisilayan ng nagsasalitang persona sa panig ng “lalaking kumakausap ng hagdanan” ay huhugot ng alusyon kay Sisyphus, ang mabalasik na Hari ng Corinth, na pinarusahang magdusa sa napakadilim at mala-kanárakáang Tartarus. Ang totoo’y wala namang paulit-ulit na batong itinutulak pataas at inihuhulog pababa ang nagpakilalang “Sisyphus” sa tula ni Antonio. Wala ring pahiwatig kung bakit sumapit sa pagkatantong “Sisyphus” ang nasiraan ng bait at siyang pinagtatakhan ng persona. Ano ang “kasalanan” ni “Sisyphus” sa tula ni Antonio at bakit tila habambuhay siyang isinumpang makipag-usap sa bawat baitang? Walang nakasaad. Samakatwid ay hindi mahalaga kung totoong si “Sisyphus” ang nakita ng persona. Ang kaparusahan—kung kaparusahan ngang matatawag ang kabaliwan—ay ang mismong pagkausap nang paulit-ulit sa baitang; at ang bagabag nitong iniiwan sa alaala ng nagtatanong na persona. Ang “baitang,” sa isang banda, ay maaaring sagisag sa antas ng pananaw, sa makasariling ambisyon at marahas na pagtrato sa sarili. Ito ang sákit na maaaring danasin lamang sa daigdig na pulos absurdo ang umiiral, at walang pagkakaiba sina Hades at Zeus at burado ang hanggahan ng dilim at liwanag.

V

Kaugnay ng poetika ni Antonio ang pagtatampok sa marubdob na pakikipagniig sa Tinubuang Bayan. Nasa Biro-biro kung Sanlan ang pangunang titis, na naging sigâ’t lumagablab sa Taga sa Bato, lalaganap sa Pagsunog sa Dayami (2003), Ornamental, Bagay-Bagay, at Tilad na Dalít (2003), sasagitsit kahit ang alipato sa Pira-pirasong Bituin, lilihis na may heometrikong hulagway sa Karikatura at iba pang Kontra-banda, dadalisay sa Kalawang sa Patalim, iluluwal bilang timpladong satori at satyagraha sa Sa Aking Soledad (2002), at magbubukas ng paningin sa epikong bayang Piping-Dilat (2002). Lumilingon lamang si Antonio sa nakaraan. Ang kaniyang pagtulang may bahid ng pagmamahal sa bayan ay mauugat bago pa man dumating si Francisco Balagtas, at naging instrumento sa makabayang adhikaing lumaya sa anumang uri ng pananakop ng dayuhan.

Filipinas ang matang-tubig ni Antonio. Kaya malimit siyang nakalilikha ng mga taludtod na pumupuna sa maling kaugalian (“Ang pamahiin ay kamatayan sa paniniwala./ Ang paniniwala’y itinutulos na bandila.”26), ngunit marunong kumambiyo upang itanghal ang natatanging pagdanas (“Ang bawat alamat, talinghaga’t bugtong/ nitong alimango’y dagat na nasisid.”27), at ilarawan sa sariwang tagpo ang kabatiran (“Isang mandala ang pamahiin,/ nakabalabal na mga pinangko/ sa tulos ng kawayan sa gitna.”28). Kung minsan ay umuusig sa lango at walang kapag-a-pag-asang nilalang (“Saan hahangga ang iyong pagkabasag?/ Ang pagkadapa mo sa lupa/ ay paghalik sa sarili.”29). Nagpapasaring sa mga sakim na mariwasa (“Kahit sa angkan ng saranggola,/ may nandaragit at dinadagit tuwina.”30). Inuuyam ang sinumang taglay ang mapagbalatkayong tindig sa bayan (“Ngayon, ang sumpa at panata/ para sa kalayaan/ ay itinititik sa alagwa ng laway.31). At nagpapagunita ng halaga sa madalas kaligtaang bagay (“Hindi natin pansin/ ang sumisibol na pag-ibig sa pinitak./ Naroon ang puhunang pagtitiis/ na binhi ng pawis at luha…”32). Marami pang halimbawa na hindi na mababanggit dito sa kakulangan ng espasyo.

Mababatid sa mga tula ni Antonio ang pagsasalikop ng nilalaman at anyo. Ang paksa hinggil sa bayan, tao, hayop, o bagay ay laging kasugpong ng estilo, wika, at iba pang disenyong panretorika niya. Halimbawa’y ang katutubong dalít sa “Alitaptap” at ang tanaga sa “Bahay ni Ka Tale” ay mahihinuhang ginamit ni Antonio dahil angkop na angkop ang nasabing padron sa paksang tinatalakay sa tula.

Ang mapaglaro’t mapangahas na pananaludtod ni Antonio sa unang bahagi ng kaniyang pagtula ay maituturing na yugto ng eksperimentasyon. Ang mga pormang awit, dalít, salawikain, at tanaga ay mahahaluan ng haiku, rondel, soneto, triolet, villanelle, at iba pang padron. Maihahalimbawa ang mga piyesa sa Taga sa Bato at Bagay-Bagay. Habang lumalaon ay tila kakaligtaan ni Antonio ang porma at magtutuon nang mahigpit sa pinakadiwa ng tula (i.e., insight). Magiging prominente ang halos blokeng mga taludtod, na masisingitan kahit paunti-unti ng mahahaba o maiikli o sungking mga taludtod upang maiwasan ang nakauumay na anyo ng mga tula. Kahit ang astang “linyadong pagtula”-kung makatwiran man ang gayong taguri-na masisilayan sa Taga sa Bato ay magbabago, at mag-iiba ang himig na patuos sa himig na mapagpatawa, magaang, at mapagbulay, gaya ng mababanaag sa Pagsunog sa Dayami, Karikatura at iba pang Kontra-banda, at Kalawang sa Patalim.

Madaling bansagang tradisyonal at kumbensiyonal si Antonio nang hindi napagdidilian nang maigi. Malalim kasi ang baul ng talasalitaan niya, at malayong-malayo sa limitadong talasalitaan ng ibang kasabayan niya na pulos Tagalog-Maynila ang alam o kung hindi’y Taglish o dili kaya’y malasadong Filipinong Binisaya, Binikol o Inilokano. Bukod sa nabanggit, gawi ni Antonio na pagtugmain ang dalawang magkasunod na pandulong salita ng taludtod, kaya malimit lumitaw sa kaniyang mga tula ang tugmaang aabbccddeeff, at iba pa. Hindi naman makikita yaon sa lahat ng kaniyang tula, dahil sisikapin din ng makata ang tinig na kumbersasyonal-naturál na naturál ang hagod ng mga linya-at halos pasukin ang daigdig ng mala-prosa. Ang nakapagtataka’y ang tunay na tradisyonal na tugmaang isahan, gaya ng pulos aaaa o dili kaya aaaa/ bbbb/ cccc/ etc., ay bihirang makita kay Antonio. Maihahakang ang taktika ni Antonio ay aproksimasyon ng tulang pabigkas at pahimig, na ang bawat kataga ay umaalunignig at umaaluy-oy, at itinakda hindi lamang para namnamin nang tahimik sa pagbabasa bagkus pakinggan nang taimtim pag binibigkas o inaawit nang maindayog sa saliw ng musika.

Susubok si Antonio kahit sa paggamit ng mahahabang saknungan, at maihahalimbawa ang unang eksperimento niya sa “Flores de Julio” na maikokompara sa “Magtanong Tayo sa Bituin,” “Ang Kubo ni Filomena,” “Pagsalakay ng Lahar,” “Kamatayan ng Isang Lawa,” at “Sa Dibdib ng Gubat at Bundok.” Mag-iiba-iba ang tabas ng mga taludtod ng makata, magiging yugto-yugto, at bawat yugto ay tila pilas ng pangyayaring magbabadya ng susunod na pangyayari. Pinakamahaba sa lahat ang de-tugma’t sukat na epikong-bayang Piping-Dilat, ang pakasaysayang rendisyon ni Antonio sa buhay, pakikipagsapalaran, at pakikibaka ni Marcelo H. del Pilar kapiling ang iba pang propagandista at anakpawistang mandirigma noong panahon ng pananakop ng Espanya sa Filipinas. Tila nobelang patula ang ginawa ni Antonio, at doon pinagsalimbay ang kasaysayan at kathang-isip upang punan ang anumang puwang na mahirap nang matagpuan sa pasulat na kasaysayan. Maihahalimbawa ang “Canto VII: Pangungulila Pagdaong sa Hong Kong” na malikhaing pagsasalaysay sa maaaring naganap kay Del Pilar sa banyagang pantalan.

VI

May sariling diskarte si Antonio sa pagbubuo ng koleksiyon. Kade-kadena ang kaniyang mga kabanata, at kahit ang panghuling kabanata-o ang ilang tula sa isang kabanata-ng isang aklat ay papasok sa susunod niyang aklat ng tula. Ang repetisyon ng ilang tula sa isang koleksiyon ay maituturing na malikhaing estribilyo ni Antonio, na mapangangatwiranan dahil tinatangka nitong paigtingin ang eksposisyon ng isang paksa o tema sa kabilang koleksiyon tungo sa iba pang koleksiyon; at pagpapaalala na rin sa mga mambabasa na magkakaugnay ang ilang tula kung tema, taktika, at anyo ng siklo ng mga tula ang pag-uusapan. Maihahalimbawa ang Taga sa Bato, na ang mga kabanatang “Karayom sa Dayami,” “Isang Pagtanaw sa Pamahiin,” “Tilad na Dalít,” “Maynila,” “Sa Nabaklas na Andamyo,” “Biyahero,” “Sigwa’t Sagwan,” “Pagpuksa at Pakikidigma,” at “Sa Harap ng Makinilya” ay magsisilbing bunsuran ng mga susunod na aklat, gaya ng Bagay-Bagay, Kalawang sa Patalim, Pira-pirasong Bituin, at Ornamental.

Titigang maigi ang labindalawang aklat ni Antonio upang mabatid ang kaniyang lalang. Magiging prologo ang Biro-biro kung Sanlan. Ang Taga sa Bato (una’t pinalaking edisyon) ang magiging haligi ng siklo hinggil sa nayon at lungsod; sa nakalipas at makabagong panahon; sa realidad at kathang-isip; sa pag-iisa at pakikisangkot; sa sarili at kaligiran. Halos higupin ng Taga sa Bato ang nilalaman ng Biro-biro kung Sanlan, ngunit maidadahilang kailangan yaon upang mabuo ang estruktura ng Taga sa Bato bilang panata ng pagkamakata ni Antonio. Pagbabalik sa minulan at sa sarili ang hagod ng Ornamental, at halos nasa balag ng pangungumpisal, gayunman ay may kakayahang umigpaw ang masasabing pansiriling lunan tungo sa panlipunang lunan. Nagsusuhayan naman ang Bagay-Bagay, Pira-pirasong Bituin, at Kalawang sa Patalim na pawang maituturing na pagpapalawig sa nasimulang kabanatang “Tilad na Dalít” mula sa Taga sa Bato. Ang rurok ng tatlong nabanggit na aklat ay kakatawanin ng Pagsunog ng Dayami na walang pasubaling pinakamatindi’t pinakamasinop na koleksiyon ni Antonio kung uuriin ang mga tulang umiinog sa temang pangkaligiran. Maituturing na kapilas na anyo ng Biro-biro kung Sanlan ang Karikatura at iba pang Kontra-banda. Ang pagkakaiba lamang ay mapaglaro sa estilo at pananaludtod ang Biro-biro kung Sanlan, ngunit sopistikado naman ang rendisyon ng parikala, siste, at paradoha sa Karikatura at iba pang Kontra-banda.

Samantala’y kung tula hinggil sa pag-ibig ay hindi pahuhuli si Antonio. Tumining ang gayong paksa sa koleksiyong Sa Aking Soledad na lumagom sa halos lahat ng tula ng pag-ibig ni Antonio at dinagdagan pa ng mahigit tatlumpung tulang pulos bago. Nakapaloob din sa nasabing aklat ang iba’t ibang sipat at pagdulog sa pag-ibig ngunit hindi kailanman magyayabang ng pagsakop—dili kaya’y magtatanghal ng mapagkandiling pagpapaikot sa babae—gaya ng romantikong awit ni Julio Iglesias. Para kay Antonio’y nariyan ang pag-ibig subalit hindi kailanman maitatakda ang pakahulugan. Subukin mong lapatan ng pakahulugan ang “pag-ibig” ay maglalaho itong parang bula. Ihambing ang magkaibang sipat sa “Sinisinta kita” sa “Ang Mangingisda at ang Sirena”; o itambis ang konsepto ng pagtatalik sa “Paghiga sa Kamang May Tinik” at “Musa Abandonada.” Mababatid na hindi kayang saklawin ng isip ang wika ng puso. Nakasaad ito sa tulang “Walang Paa ang Pag-ibig” ni Antonio:

Walang paa ang pag-ibig,
Pero nalalakbay ang gubat at bundok.
Walang pakpak,
Pero nalilipad ang matayog
na panaginip at pananagutan.
Walang bituka,
Pero nadarama ang uhaw at gutom.
Walang bisig,
Pero kumikilos at nakikibaka
Laban sa pagduduhagi.
Walang ilong,
Pero nasasamyo ang halimuyak
Ng pag-asa at tagumpay.
Walang mata,
Pero nakakakita
Ng luwalhati sa kabiguan.
Walang tainga,
Pero nakaririnig ng pagdaing.
Walang utak,
Pero sinlawak ng dagat at papawirin.
Walang ngalan,
Pero sagisag na sinasambit,
Isinasapuso at isinasadiwa.
Walang katauhan,
Pero kalangkap ng lupa at katotohanan.33

Laging kalangkap ng lupa at katotohanan ang pag-ibig ng makata sa kaniyang musa. Ang “lupa” ay maaaring tulay na pahiwatig sa kaniyang tinubuang bayan. At ang “katotohanan” ay isang hiwagang paulit-ulit na tutuklasin ng makata, at lalo na ng madlang naghahanap ng bagong larang ng selestiyal na pagmamahal. Isa nang uniberso si Teo T. Antonio. Nakasalalay sa ating paningin ngayon kung paano huhulihin ang kaniyang liwanag o luningning.

Mga Tala

1 Basahin ang Mutyang Dilim ni Virgilio S. Almario (Marikina City: Talingdao Publishing House, 2001). Maiuugnay din dito ang Kung Sino ang Kumatha kina Bagongbanta, Ossorio… at iba (Pasig City: Anvil Publishing Inc., 1992).

2 Almario, ibid., p. 3.

3 Basahin ang The Dialogic Imagination ni Mikhail M. Bakhtin, inedit ni Michael Holquist. Salin nina Caryl Emerson and Michael Holquist (Austin: University of Texas Press, 1981).

4 Basahin ang “Balani at Birtud ng Tula ni Teo T. Antonio,” introduksiyon na sinulat ni Mike L. Bigornia sa Biro-biro kung Sanlan (Kamuning: Tagak Series, 1982), mp. 10-14. Ang pagpapakilala ni Bigornia sa panganay na aklat ni Antonio ay masasabing mapangahás, dahil kabataan ang sumulat ng kritisismo at hindi matandang kritiko o makata na siyang tradisyon na sa panitikang Tagalog noon.

5 Ito ang unang saknong ng tulang “Bugtong-hininga,” mula sa koleksiyong Biro-biro kung Sanlan, p. 52. Mababasa rin sa Taga sa Bato, pinalaking edisyon (Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 1994), p.36.

6 Mula sa tulang “Ang Mutya kong si Perfecta” kabilang sa koleksiyong Biro-biro kung Sanlan, p. 69. Ang buong tula’y hindi purong tugmang dalisay, gaya ng isinaad na panuto ni Iñigo Ed. Regalado. Ang una at ikatlong saknong ay nahaluan ng tugmang tudlikan, gayunman ay hindi nakasira yaon sa buong estruktura ng tula.

7 Magandang balikan ang mahaba-habang sanaysay ni Virgilio S. Almario, “Ang Tradisyonal sa ‘Doon Po sa Amin’ ni Teo T. Antonio,” na kabilang sa Mutyang Dilim Ang Bagong Pormalismong Filipino sa Pagbasa ng Tula (Marikina City: Talingdao Publishing House, 2001), mp. 99-112. Marami pang panig ng pagtula ang matutuklasan kay Antonio, at isang magandang simula ang ginawa ni Almario.

8 Unang saknong ng tulang “Maynila,” na kabilang sa koleksiyong Taga sa Bato, unang edisyon (Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 1991), p. 32-33. Mababasa rin sa pinalaking edisyon ng aklat, mp. 44-45.

9 Mula sa tulang “Karayom sa Dayami,” na kabilang sa koleksiyong Taga sa Bato, una at pinalaking edisyon, p. 24.

10 Mula sa tulang “Maynila,” na kabilang sa koleksiyong Taga sa Bato, unang edisyon, mp. 32-34. At sa pinalaking edisyon, mp. 44-46.

11 Ito ang pangwakas na taludtod sa tulang “Biyaheng Abra,” mula sa koleksiyong Taga sa Bato, unang edisyon, p. 76. Mababasa rin sa pinalaking edisyon, p. 76.

12 Batayan ko rito ang listahan ng mga kawikaan sa The Proverbs, tinipon at inedit ni Damiana L. Eugenio (Quezon City: University of the Philippines Press, 2002), mp. 490 at 602-607.

13 Mga taludtod sa tulang “Sigan Natin Ngayong Gabi ang Aking Taludtod,” nalathala sa Taga sa Bato (Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 1991), p. 57. Mababasa rin sa bagong edisyon ng aklat na nalathala noong 1994.

14 Mga taludtod mula sa tulang “Berso,” nalathala sa Bagay-bagay (Pasig: Anvil Publishing Inc., 1992), p. 13.

15 Basahin ang tulang “Akala Niya,” nalathala sa Ornamental (Maynila: University of Santo Tomas Publishing House, 1998), mp.111. At Karikatura at iba pang Kontra-banda (Maynila: University of Santo Tomas Publishing House, 1999), p. 61.

16 Basahin ang tulang “Ang Makatang Tagalog na Hindi Maintindihan,” unang nalathala sa Ornamental, mp., 113-114. At sa Karikatura at iba pang Kontra-banda, mp. 41-43. Napiling finalist sa Panorama Literary Contest noong 1993 ang nasabing tula, ngunit may tipograpikong pagkakamali sa pamagat.

17 Mga taludtod mula sa tulang “Kapag Biyernes,” nalathala sa Bagay-Bagay, p. 58.

18 Mga taludtod mula sa tulang “Subersiyon,” nalathala sa Bagay-Bagay, p. 57.

19 Kabilang sa koleksiyon ng mga tula ni Alejando G. Abadilla, pinamagatang Ako ang Daigdig at Iba Pang mga Tula (Manila: Silangan Publishing House, 1965).

20 Kabilang sa seksiyong “Ang Ako,” at nalathala sa Tanagabadilla, Ikalawang Aklat, ni Alejandro G. Abadilla (Pilipinas: Limbagang Pilipino, 1965), p. 18.

21 Mga taludtod sa tulang “Ang Ayaw Ko,” kabilang sa koleksiyong Ornamental, mp. 88-89.

22 Basahin ang mga tulang “Usok ng Sigarilyo” at “Antigong Makinilya” na pawang kabilang sa koleksiyong Ornamental, mp. 12-13 at 43-44.

23 Mga taludtod sa tulang “Talinghaga” na kabilang sa Pira-pirasong Bituin (Quezon City: University of the Philippines Press, 1996), p. 10.

24 Mula sa tulang “Nawawalang Mukha,” kabilang sa koleksiyong Karikatura at iba pang Kontra-banda, mp. 107-109.

25 Mula sa Karikatura at iba pang Kontra-banda , p. 11.

26 Mga taludtod ng tulang “Ikatlong Sindi sa Sigarilyo,” unang nalathala sa Biro-biro kung Sanlan, p. 60. At sa Taga sa Bato, pinalaking edisyon, p. 27.

27 Mga taludtod sa “Pakikipaglaro sa Alimango,” nalathala sa Taga sa Bato, pinalaking edisyon, p. 144.

28 Mga taludtod sa “Isang Mandala ang Pamahiin,” nalathala sa Pagsunog ng Dayami, (Quezon City: University of the Philippines Press, 2003), p. 86-87.

29 Mga taludtod sa “Panauhin sa Lansangan,” nalathala sa Taga sa Bato, pinalaking edisyon, p. 43.

30 Mga taludtod sa “Angkan ng Saranggola,” nalathala sa Pagsunog ng Dayami, p. 80.

31 Mga taludtod sa “Inilalagda sa Dugo,” nalathala sa Kalawang sa Patalim (Pasig City: Anvil Publishing Inc., 1998), p. 9.

32 Mga taludtod sa “Kung Walang Nagmamahal sa Lupa,” nalathala sa Sa Aking Soledad (Pilipinas: Oregem International Publishing Co., Inc., 2002), p. 113-114.

33 Mula sa koleksiyong Sa Aking Soledad, p. 16.

Sugal, Babae, Sugal

Mahirap ipaliwanag ang halina ng sugal. Nakaaaliw ito kung paminsan-minsan; ngunit habang tumatagal ay nakakawilihan, gaya ng sex at droga, hanggang mamalayan mo na lamang na lulong ka na’t lustay na ang salapi, dangal, at panahon. Walang makapagpapaliwanag ng sugal kundi ang mismong sugarol o sikologo, ngunit ang sugarol at sikologo ay kinakailangan muna ang malawak na guniguni at kadalubhasaan sa wika at panitikan, bago mapantayan ang pambihirang tulang “Ang Pangginggera” (1912) ni Lope K. Santos.

Isinalaysay sa “Ang Pangginggera” ang buhay ng babaeng napariwara dahil sa pagkakalulong sa sugal na “panggingge.” Ang panggingge ang ninuno ngayon ng tong-its, sakla, at poker, at siyang paboritong laro sa mga pasugalan, gaya sa Santo Cristo sa Binondo noong siglo 1900. Noong una’y mabuting maybahay ang nasabing babae, maayos ang pamumuhay, at kaakit-akit ang anyo’t ugali. Ngunit nang mamatay ang kaniyang unang anak, nagdalamhati ang babae at upang maibsan ang kaniyang lungkot ay niyaya ng kaniyang hipag na maglaro ng ripa. Nang tumagal, nahatak ang babae na sumubok maglaro ng panggingge, makiumpok sa pasugalan, at malulong sa bisyo nang di-inaasahan.

Ang transpormasyon ng babae ay magsisimula sa bahay hanggang sa pasugalan. Sa bahay, magiging pabaya siya sa kaniyang bana at ang kaniyang bana ay magiging sugapa rin sa sabong. Sa pasugalan, ang babae ay maghuhunos sa pagiging bagitang pinagkakaisahan ng mga kalaban tungo sa pagiging bihasang balasador at sugarol. Ang sugal (panggingge at sabong) ang balakid na maghihiwalay sa mag-asawa upang sa tuwing gabi na lamang sila magkita sa bahay. Nang mabuntis muli ang babae at nahirapang dumayo ng panggingge sa ibang pook, hinatak niya ang mga kalaro at doon na sa bahay niya mismo nagpasugal. Nang maging pasugalan ang bahay ng babae at ng kaniyang bana, nabura ang hanggahang nagbubukod sa pamilya at sa madlang sabik sa aliwan. Dito nagsimula ang pagguho ng ugnayang mag-asawa.

Kahit buntis ay hindi napigil ang pangginggera sa kaniyang bisyo. Nahinto lamang sandali nang siya’y manganak, ngunit pagkaraan ay itinuloy ang pagsusugal. Ang ikalawa niyang anak ay sumuso sa pasugalan, at ang dating mahiyaing babae ay naging burara at kumapal ang mukha. Ang masaklap, higit na malaki ang panahong ginugol ng babae sa panggingge kaysa sa pag-aalaga ng anak o pakikiharap sa asawa. Bukod dito, ayaw makinig ng babae kahit sa payo ng kaniyang biyenan, at ang biyenan pa ang binulyawan na parang nakaligtaan ang paggalang sa sinaunang kaugalian.

Dahil maganda’t bata pa, ang pangginggera ay naging titis din upang pag-awayan ni Pulis at ni Lalaki (na isa ring sugarol). Si Pulis ang magiging kabit ng pangginggera, at magiging protektor ng pasugalan, at sa bandang huli’y matatanggal sa serbisyo dahil sa mga kasalanan. Si Pulis din ang magiging dahilan upang maging laman ng tsismis ang pangginggera sa buong baryo, at masira ang puri. Darating ang sandali na mabubuntis muli si pangginggera, at ang pinaghihinalaang maysala’y si Pulis. Magkakahiwalay ang pangginggera at ang kaniyang mister nang magkunwa itong kalaguyo at mahuli ang misis na ang kinababaliwan ay si Pulis. Napilitan ang babaeng umuwi sa bahay ng magulang, at isama ang kaniyang anak.

Ngunit hindi rito nagwawakas ang salaysay. Tinanggap si pangginggera ng kaniyang ama, nanganak sa ikatlong pagkakataon, at nabingit sa alanganin ang buhay. Tutulong naman ang kaniyang ama at biyenan upang magkabalikan ang mag-asawa. Naganap nga iyon, at nagpanibagong buhay ang mag-asawa. Si babae’y pananahi ang ikinabuhay, samantalang ang kaniyang bana’y naging katiwala sa pagawaan hanggang umangat ang posisyon. Nakaipon ang mag-asawa, nakabili ng mga gamit, nakapagpundar ng tahanan, nakabili ng lupa, at umupa pa ng katulong. Samantala, nagbago rin ang buhay ng hipag ni pangginggera. Iniwan ng hipag ang pagsusugal, at nakapangasawa pa ng lalaking mayaman kahit sabihin pang pangit ang anyo ng naturang hipag.

Maganda na sana kung dito magwawakas ang tula. Subalit muling malululong sa panggingge ang babae, samantalang sabong ang pag-iigihan ng kaniyang asawa. Guguho ang anumang kabuhayang kanilang naipundar, at ang masaklap, magkakaroon ng kabit ang bana, samantalang ang pangginggera ay mahuhulog sa pang-aakit ng mirong si Lalaki. Si Lalaki ang mahihiwatigang bubuntis kay Pangginggera, at magnanakaw ng itinatago nitong alahas. Habang lumalaon, mapapabayaan ni Pangginggera ang kaniyang tahanan, at magiging balasubas kahit sa pagpapalaki ng mga anak.

May iba pang sanga ang banghay ng tula. Mabubuntis ang katulong dahil kinakalantari ng kaniyang kasintahan. Pababayaan ni Lalaki ang sariling pamilya, halos ibugaw ang anak na dalaga para magkasalapi, at mananakit ng asawang babae kapag wala itong maibigay na pambisyo. Masasangkot din sa kaso si Lalaki dahil sa paglulustay ng salapi, pagnanakaw ng mga alahas ni Pangginggera, at hahanapin ng mga alagad ng batas. Sasampahan din ng kaso ang mister ni Pangginggera, dahil nilustay nito ang mga salapi at benepisyong laan sa mga manggagawa. Binulutong ang dalawang anak ni Pangginggera. Isinumpa naman siya ng kaniyang hipag, magulang, at kapitbahay, dahil sa pagpapabaya sa mga anak. Pinakasukdulan ang pagkamatay ng kaniyang anak na lalaking umakyat ng punongkahoy, pagdaka’y nahulog, at natuhog ang tiyan ng urang na naging sanhi upang ikamatay ng bata.

Maraming binabago ang “Ang Pangginggera.” Lumihis ito sa nakagawiang lalabindalawahing pantig bawat taludtod at apatang taludtod bawat saknong na ang dulong tugma’y isahan (aaaa, bbbb, etc) gaya ng kay Francisco Balagtas. Ginamit sa tula ang sukat na 12/12/6/12/612, at ang tugmaan ay aababa na masasabing kombinasyon ng isahan at salitang tugma. Hindi uso noon ang ganitong eksperimento, at napakahirap gawin lalo sa mahabang tulang pasalaysay na halos doble ng haba ng Florante at Laura. Bukod sa tugma at sukat ay pinayaman ng “Ang Panginggera” ang wikang Tagalog noon, dahil ipinakita ni Santos na lumalago ang Tagalog at nalalahukan kahit ng mga balbal na salitang hindi matatagpuan sa mga awit at korido. Ang realistang pagdulog sa paksa ay isa ring positibong punto at winawakasan ang mga awit at koridong pulos hari at reynang hinalaw kung saan-saang bansang malayo sa kalagayan ng Filipinas.

Nanghihinayang ako at hindi napag-aaralan nang mabuti ang “Ang Pangginggera” ni Santos. Marami roong mapupulot, gaya ng pagbubuo ng banghay, paglilinang ng tauhan, pagkakatalogo ng mga pangyayari, paglalarawan ng kaligiran, paglalatag ng mga tunggalian sa isip o kalooban, pagdidisenyo ng tugma at sukat na pawang aangkop sa yugto ng pagsasalaysay, paggamit ng punto de bista, at pagtitimpla ng mga salita at talinghaga. Magiging kapana-panabik ang pagtuturo ng naturang tula kung iigpaw ang guro at estudyante sa paghalungkat ng “aral” o “liksiyon” ng nasabing tula, at pag-aralan iyon sa pamamagitan ng mga kasangkapan sa panunuring pampanitikan.

Tiyak kong maraming matutuklasan ang sinuman sa “Ang Pangginggera” ni Santos. Ang pagkaadik sa sugal ay dati nang nagaganap. Ang pagkawala ng puri at dangal dahil sa sugal ay dati nang nagaganap. Ang pagbangon mula sa pagkabalaho sa sugal ay dati nang nagaganap. Ngunit ang mahalaga’y dapat tayong matutong talikdan ang masasamang bisyo’t gawi; at gaya ng itinuturo ng Katipunan nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto, makita nawa natin ang tunay na “liwanag” ng pagpapagal at pagkayod sa mabuting paraan, kaysa umasa sa ginhawang ipinangangako ng kapalarang hindi natin batid kung kailan mapasasakamay.

Kaugnay na akda
1. Konsepto ng Puri at Paglikha ng Mito
2. Dalawang Babae, Dalawang Pag-ibig
3. Malilikot na Kuwento ni Vicente Sotto

Ang siste sa “Ale-aleng Namamayong”

May 82 taon na ang nakararaan nang sulatin at mailathala sa Sampagita ang tulang “Ale-aleng Namamayong” (1926) ni Julian Cruz Balmaseda. Maituturing ang tula na laan sa mga bata, at ang himig nitong mapagpatawa ay pinagagaan ang dating ginagawang pagpapalipad-hangin ng mga binata sa dalagang sinisinta o inaasinta.

Sa “Ale-aleng Namamayong,” ginamit ni Balmaseda bilang lunsaran ang isang awiting bayang pinamagatang “Ale, aleng Namamayong,” ngunit binago, pinahaba, at hinugisan ng ibang pagdulog hinggil sa pagsinta. Ang buong tula’y binubuo ng apat na saknong, at bawat saknong ay may tig-aanim na taludtod. Bawat taludtod ay may sukat na lalabing-animing pantig, na ang hati (caesura) ay sa tuwing ikawalong pantig (8/8), at binagayan ng pandulong tugmang isahan (aaaaaa, bbbbbb, cccccc, dddddd), at may antas na karaniwan. Lumilihis ang naturang tula sa usong-uso noong awit na tiglalabindalawa ang pantig bawat taludtod at apatang taludtod bawat saknong na pinatanyag ni Francisco Balagtas, at ang sukdulan ay noong panahon ng balagtasan (1924–1935). Heto ang buong tula:

¡Ale-aleng namamayong! ¡Ale-aleng naglalakad!
Sumilong ka pong sandali at ang ula’y lumalakas,
Halika po muna rini sa ilalim ng tayakad
At nang ikaw po ay hindi maligo sa hindi oras;
Ang alampay mo po’y baka maging lamping walang tigas,
At ang kulot na buhok mo, kung mabasa’y mauunat.

¡Ale-aleng namamayong! ¡Ale-aleng nagdaraan!
Magpahinga ka po muna at malakas pa ang ulan,
Saka ka na po magtuloy sa layon mong parurunan
Kung ang ulan ay tumila’t matuyo na ang lansangan. . .
Kung sakaling gabihin ka’y akin ka pong sasamahan
At tuloy ihahatid ko saan man ang inyong bahay.

Ale-aleng namamayong! Kung ikaw po ay mabasâ
Ay tutulas pati pulbos na pahid sa iyong mukha,
Ang baro mong bagong pinsa’y sapilitang manglalata’t
Ang puntas ng kamison mo ay sa putik magsasawa. . .
At pati ng butitos mo, ang kintab ay mawawala
Pag naglunoy na sa agos ng tubig na parang baha.

¡O, magandang Aleng Kuwan! ¡Ale-aleng namamayong!
Kung ikaw ay nagpipilit na sa lakad ay magtuloy,
Baga man at sa lansangan ang tubig ay lampas-sakong,
Isukob mo sana ako’t sa payong mo ay isilong. . .
Pag ako ang kasama mo, ulanin ka mang maghapon
Huwag ka lamang mabasa, ako na ang maglulunoy.

Ang buong tagpo’y masisipat sa paningin ng personang lalaki na nakasilong noon sa isang tayakád. Ang tayakad ay isang uri ng silungang yari sa nipa, at maitutumbas sa waiting shed ngayon. Mula sa tayakad, ang paningin ng persona ay dadako sa paparating na babaeng naglalakad at nakapayong, at magsisimulang maglaro ang guniguni ng persona kung paano mapapalapit sa binibini.

Ayon sa tula, may  maganda’t pustoryosang babaeng naglalakad sa lansangan, at nagkataong nagsisimulang bumuhos ang ulan noon. Ngunit nagpatuloy sa paglakad ang babae yamang nakapayong, kaya inamuki ng persona ang dilag na sumilong muna sa tayakad na kinaroroonan niya. Inilahad pagkaraan ng persona ang mga dahilan kung bakit dapat sumilong ang babae: lalambot ang alampay na pinatigas ng almirol, mauunat ang ayos ng kulot o pinakulot na buhok, maghuhulas ang meyk-ap o pulbo, manlalata ang baro, mapuputikan ang kamison, at maglalaho ang kintab ng butitos na botang pambabae.

Matindi ang panghihikayat ng persona, at ihahatid pa umano nito ang babae sa uuwiang bahay.  Subalit suplada ang babae, kaya nanambitan muli ang persona na siya na lamang ang isukob sa payong, at ulanin man umano sila sa buong maghapon ay handang maglunoy sa baha ang personang lalaki huwag lamang mabasâ ang babae.  Ano ang ibig sabihin nito? Handang kargahin ng persona ang babae, lusungin ang baha, huwag lamang matigmak sa putik o tubig ang babae.

Ang maganda sa tula’y ang pagpapatawa ng makata ay nakatuon sa personang lalaki, at hindi sa babae. Magpapahangin ang lalaki, at bibiguin naman siya ng babae. Sakali’t pumayag na isukob ng babae ang lalaki ay iyon na ang simula ng pananagumpay ng lalaki. Magwawakas na bitin ang tula, marahil upang ipabahala sa babaeng pinatutungkulan ang magiging sagot sa pahiwatig ng persona.

Ang ganitong uri ng pagpapalipad-hangin ay hindi na uso ngayon. Ang babae’y hindi na inaawitan ng “Ale-aleng Namamayong” at mabilis pa sa kidlat ang pagtatagpo ng lalaki at babae sa pamamagitan ng pagkudkod (i.e., internet chatting) o pagtawag o pagteteks sa pamamagitan ng selfon.

Sa kabila ng lahat ay may matutuhan pa rin sa ganitong uri ng tula. Una, ang isang lumang awiting bayan ay maaaring kasangkapanin para lumikha ng bagong tula. Ikalawa, ang pagpapatawa ay hindi laging nakatuon sa pinatutungkulang babae, bagkus sa personang lalaki mismo. Ikatlo, at kaugnay ng ikalawa, ang tula ay hindi kinakailangang laging seryoso, at isang teknik ang paggamit ng siste sa paglalahad ng mga pangyayari. Ikaapat, ang paningin ng persona ay maaaring gamiting parang kamera upang ilarawan ang bagay, tao, tagpo, o pangyayari. Ikalima, ang tinig na nananambitan ay hindi rin laging seryoso, at kahit ang pag-amuki ay mahahaluan ng kalikutan ng guniguni.

Itinuturing na tulang pambata ang “Ale-aleng Namamayong” ni Julian Cruz Balmaseda, at maaaring tingnan ngang ganito. Ngunit may kakayahang umigpaw din ang tula ni Balmaseda sa pagiging tulang pambata lamang, at umabot sa mataas na sining ng paghihiwatigang may kaugnayan sa panunuyo. Ang pananambitan ay makapagpapamalas ng kapangyarihan ng salita, at ng tiyaga, sa paghuli ng loob ng babaeng ilalaban ng patayan ng sinumang binata, umulan man o umaraw, o tumindi ang init sa sangkalupaan.  

Apokripos ng Bagong Baklang Bumabangon

Kumukurot sa guniguni, kung hindi man sa utong, ang Apokripos (2006) ni Jerry B. Gracio na dapat subaybayang makata at manunulat ng panahong ito. Bagong baklang bumabangon sa paningin ang ipinamamalas ni Gracio sa kaniyang mga tula, at yumuyugyog sa dati nang de-kahong pagtingin sa mga bawal na pag-ibig, makahayop na pagnanasa, at matimyas na pagsasama ng magkasintahan, mag-ama, mag-asawa, magkaibigan, magkakilala, at iba pa. Ngunit higit pa rito, ang ugnayan ng mortal at inmortal na diwain ay ipinamalas sa dulong aklat, at waring pumupuno sa bawat puwang na hindi kailanman maitititik sa mga sagradong aklat ng pananampalatayang espiritwal.

Ngunit lumalampas sa orihinal na pakahulugang Griyego ang Apokripos ni Gracio. Ang nasabing aklat ay hindi basta nanunulay sa “lihim” o “lingid” na kaakuhan o kaisipan, o kaya’y sa di-kanonigong kathang kaduda-duda ang ugat ng pagkakasulat o ng may-akda. Pinaksa ng makata sa kaniyang mga tula ang mga ugnayan ng mga tao habang isinasaalang-alang ang laro ng puwersa at pananaw ng mga tauhang maaaring anak, deboto, kabit,  lasenggo, partisano, puta, tambay, at higit sa lahat, alagad ng sining. Wala sa epektong moralistiko ang halina ng mga tula, bagkus sa masining na pagtitimpla ng mga hulagway at pangyayaring sininop wari ng alkimista. Estratehiko kahit ang paglalarawan o pagsasalaysay ng bawat lunan, at ang lunan ng diyalohikong agos ay hindi lamang sa pisikal na antas, bagkus maging sa antas ng isip o kalooban ng bawat tauhan.

Hinati sa apat ng panig ang aklat. Ang unang panig ay tumutuon sa ugnayan ng magkaibigan o magkasama, na ang dualistikong ugnayan ay humahangga sa di-tiyak, at hindi laging itim-puti, positibo-negatibo, at babae-lalaki ang makapagpapasindi ng patay na damdaming maaaring nangungulila, nasisiyahan, namimighati, nanlulumo, o nalilibugan. Ang ugnayan ay maaaring pagtatambis ng mga pambihirang kulay na gaya ng sa kambas ni Vincent Van Gogh, na ang dilaw ay mababagayan ng kahawig na kulay, at gaya ng dapat asahan, sa pagtitimpla ng mga berde tumitingkad ang eleganteng kabaklaan, kahit sa loob ng kilusan o sa gilid ng pantalan.

Ang ikalawang panig naman ay hinggil sa ugnayan ng magulang-anak, at sa pagkakataong ito, ang ugnayan ng puwersa at estado ng bawat isa ay masisipat hindi lamang sa relasyon ng pagmamay-ari ng kasangkapan sa produksiyon, gaya sa pananaw ng Marxista, bagkus maging sa relasyon ng pagbubukod ng anak sa magulang, upang ang anak ay maghunos sa pagiging anak, o ang magulang ay maghunos ng higit sa papel ng magulang. Mababanggit ang mga piyesang “Pagbasa,” “Isda,” at “Paglalanggas” na pawang maitatangi sa iba.

Ang ikatlong panig ng aklat ay maaaring sipating estribilyo ng unang panig, ngunit sa pagkakataong ito’y lumilihis ang paksa sa pag-iisa, na maaaring tumutukoy sa soltera, kerida, balo, puta, at kolboy. Samantala, ang mga bahagi ng katawan, gaya ng bulbol, dibdib, uten, at puke ay hinubdan ng mga nakaaasiwang moralistikong damit o taguring pang-agham upang ilantad ang selebrasyon ng sukdulang pagkakarat at pagmamahal.

Pinakasolido ang ikaapat na panig ng aklat, at sa pagkakataong ito, gumamit ng mga biblikong alusyon si Gracio upang itampok ang mga kabatiran niya sa mga puwang na posibleng naganap ngunit hindi maaaring mailangkap sa sagradong aklat. Ang mga tauhan ni Gracio ay tahasang humaharap sa kani-kaniyang mga diyos, at nagbubunyag ng mga kakatwang pananaw kung iba ang anggulong pinagmumulan nina Lazaro, San Juan, Hesus, Zaqueo, Satanas, Magdalena, at ng mga kaugnay na bagay, tulad ng kopa, káyong lino, krus, at templo.

Makabubuo ng apat na salamin sa apat na panig, na kapag inilatag ay maaaring maging banig, o parisukat na kahong salaming makapagbibigay ng apat na antas ng pakahulugan at paghihiwatigan.

Kinasangkapan ni Gracio ang himig na kumbersasyonal, at ang maganda’y tinumbasan niya iyon ng masidhing pagtitimpi at tantiyadong pananaludtod, kaya lumilihis na ang kaniyang deklarasyon sa mga tula ng gaya nina Danton Remoto, Nick Pichay, at J. Neil Garcia. Masinop sa salita at matalim manalinghaga, si Jerry B. Gracio ay hindi basta baklang makata o makatang nagkataong bakla. Kung susumahin, matutuklasang wala namang kasarian ang kaniyang sining, at testamento ang kaniyang Apokripos sa lalim, lawak, at lawas ng panulaang Filipino sa nagbabagong panahon.

Dilang-Anghel at ang Panitikan

Muli na naman tayong ginigitla ni Fr. Arnel S. Vitor sa pamamagitan ng kaniyang pinakabagong aklat na Dilang-anghel (2007) na karugtong ng Bulong Pari (2005). Kung babalikan ang Bibliya, ang “dilang-anghel” ay may pinakamalapit na alusyon sa 1 Corinto 13:1, ngunit maihahakang literal na salin lamang o malikhaing halaw ang taguring “dilang-anghel” na mula sa “tongue of angels.” Ayon sa The Proverbs ni Damiana L. Eugenio, may apatnapu’t dalawang salawikain mula sa iba’t ibang wika sa Filipinas ang hinggil sa “dilà,” samantalang iisa lamang ang tungkol sa “anghel,” gaya ng “Anghel sa paningin,/ demonyo sa turing.” Ni isa’y walang bumanggit hinggil sa “dilang-anghel.” Hindi katutubo ang “dilang-anghel” o “anghel” sa atin, at maihahakang hatid iyon ng mga Kastilang fraile’t kolonisador.

Ngunit ang kasabihang “Magdilang-anghel ka nawa!” ay pagpapamalas din ng pag-angkin ng mga Filipino sa isang banyagang termino at ang paggamit nito sa konteksto ng mga Filipino. Pumasok sa bokabularyo ng karanasan ng karaniwang Filipino ang “dilang-anghel” na maitatambis sa gaya ng “dilang makamandag,” “dilang matamis,” “dilang matalas” o kaya’y sa “tainga ng lupa” at “taingang kawali.” Iba ang “dilang-anghel” ng Tagalog, halimbawa, kung ihahambing sa “tongue of angels” ng Ingles o Latin. Ang “dilang-anghel” na pangngalan ay may pahiwatig ng “kabanalan, katapatan, at katotohanan.” Samantalang ang “pagdidilang-anghel” sa Tagalog ay ang kaganapan ng isang katotohanan, ang katuparan ng isang hiling o pangarap, at ang pagtatagpo ng dibino at makalupang tadhana o hula.

Naiiba ang aklat ni Fr. Arnel sa karamihan ng mga babasahing relihiyoso. Ang kaniyang mga payo at sermon ay nabibihisan ng matalas ngunit katawa-tawang kuwento at daglî, ng matimyas na pag-unawa sa kapuwa Kristiyanismo at pagka-Filipino, at napalalamutian ng tula, halaw, at kritika upang maitulay ang espiritwalidad sa pamamagitan ng panitikan. Ang himig niyang patalastas ay kisapmatang napaghuhunos na himig kumbersasyonal, at nagsisikap na kausapin tayo sa wikang maaaring magtugma ang diskurso niya at ang diskurso ng madla. Magaspang, kolokyal, at kung minsan ay tila kolehiyalang pa-wers-wers ang kaniyang wika. Subalit naroon ang katapatan, at ang kakayahang kumambiyo sa matalim na pagmumuning magmumula lamang sa tao na nagtataglay ng malawak na karunungan at karanasan.

Mahilig magpatawa si Fr. Arnel, gayunman ay hindi nakaaasiwa ang kaniyang mga banat, dahil nakatuon ang kaniyang mga patawa sa sarili, at hindi gaya ng mga patawang napapanood natin sa telebisyon, ang mga patawang malimit libakin, linlangin, at pagkakitaan ang karaniwang mamamayan. Ngunit higit pa rito, pinangatawanan ni Fr. Arnel ang disiplina ng tula, at sa limitadong espasyo ay nailahok niya ang lahat ng ibig niyang ilahok sa pamamagitan ng talinghaga para makabuo ng isang bagong akda. Ang paggamit ng talinghaga ay isang mahalagang instrumentong matagumpay na naipamalas niya, at humahamon sa mga Filipino na balikan ang kanilang mahabang tradisyon ng ligoy at paghihiwatigan.

May isa pang iginigiit ang akda ni Fr. Arnel. At iyon ay ang kapangyarihan ng ating isip at guniguni na humanap ng mga padron sa ating paligid. Ang paghahanap ng mga padron ay maaaring matagpuan sa dasal at Bibliya, sa himala at parusa, sa kamatayan at katubusan, at maraming iba pa. Ang likás na paghahanap ng padron ng ating utak ay simula rin ng pagbubuo ng ating kolektibong gunita, na maaaring palaganapin ng midya at ideolohiya, ng relihiyon at paaralan, ng lahi at kasapiang mula sa iba’t ibang lárang. Naiiba ang akda ni Fr. Arnel dahil sinisikap nitong itampok ang pansariling gunita, na malimit natatabunan ng kolektibong gunita. Kailangan ang pansariling gunita, dahil ito ang magpapatingkad ng indibiwalidad sa karagatan ng kumbensiyonal at nakababatong pag-iral.

Magandang halimbawa rin ang akda ni Fr. Arnel para sa kaniyang mga kapuwa pari at relihiyoso. Ang akda niya ay nagbabalik sa panitikan, at humihilig sa panitikan, at nagtatangkang umukit ng pangalan sa lárang ng panitikang popular. Ang bisa ng gaan ng talakay ni Fr. Arnel ay mapapansing isang taktika lamang upang maihatid sa mga mananampalataya ang igting at bigat ng nilalaman ng pilosopiya at ugat ng simbahang kaniyang pinagsisilbihan. Ang nasabing pamamaraan ay malimit nakakaligtaan ng di-iilang pari at katekista, kaya dumarami rin ang inaantok sa mga de-kahong paliwanag hinggil sa kasaysayan ng kaligtasan ng sangkatauhan. Kailangan natin ang mga bagong pari at layko na mahilig sa panitikan, na mahilig magbasa at maglunoy sa tula, kuwento, nobela, dula, at iba pang uri ng panitikan, upang lalong lumawak ang ating kamalayan sa ating pananampalatayang pinanghahawakan.

Maituturing na isang uniberso ang Kristiyanismo, at ang nasabing uniberso ay hindi isang retrato, bagkus rolyo-rolyo ng pelikulang patuloy na umaandar at lumalago; at doon, tayo ang pangunahing aktor at kalahok. Ito ang tadhanang hindi natin matatakasan. Hindi estatiko ang Kristiyanismo, kung pagbabatayan ang halimbawa na ginawa ni Fr. Arnel, dahil kung gayon nga, matagal nang ekskomulgado siya o ipinako nang patiwarik sa krus dahil sa pagtataglay ng kaisipang may rebeldeng sungay ng isang makata o panitikero. Nahuhutok ng Kristiyanismo ang lipunan at pakikipagkapuwa; gayundin, nahuhutok ng lipunan at ugnayan ng mga tao ang Kristiyanismo sa iba’t ibang paraan. Ang mabisang pagpapasalikop ng dalawang panig ang ídeal na pangyayari; at maaaring mapalawig ng mga manunulat na pari, o paring manunulat, na gaya ni Fr. Arnel.

Maganda ang posibilidad na binubuksan ni Fr. Arnel, gayunman ay kailangang mag-ingat pa rin ang ibang ibig sumunod sa kaniyang yapak. Ang landas ng panitikan ay hitik sa mga patibong at laláng, wika nga ng Pambansang Alagad ng Sining na si Virgilio S. Almario. At idaragdag kong ang sinumang kumasangkapan sa panitikan ay maaaring malunod din sa sariling kumunoy, lalo’t ang panitikan ay gagamitin lamang upang ipaunawa ang isang kumbensiyonal na kabatiran, at hindi ganap na masusuri ang panitikan bilang panitikan. Ano ang ibig sabihin nito? Kailangan nating maging palasuri, kailangan nating buksan ang isip, kailangan nating palayain sa pagkalumpo ang bait at kalooban mula sa baluktot na paniniwala, gaya lamang ng isinaad ng Katipunan nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto. Ngunit mahabang usapan ito, kaya magkasiya muna tayong pagbulayan ang sagradong Salita mula sa dilang anghel ni Fr. Arnel S. Vitor.