Pulo ng Noo, ni Roberto T. Añonuevo

Pulô ng Noó

Roberto T. Añonuevo

Sapagkát ang áraw ay walâng katiyákan, gáya ng mga mísil na pináuulán ng magkátunggalîng nasyón, likás lámang na manálig bílang suplíng mulâ sa angkán ng mga pithó. Itó ang másaságap mo pagsápit sa Pulô ng Noó. Doón, naitátakdâ ang mga grándeng pláno ng mga negosyánte, halimbawà sa págtatayô ng modérnong pasugálan sa gitnâ ng disyérto o tuktók ng bundók, sa túlong ng mga kabál ng salámangkéro at mapámahìing pungsoyísta. Naidídisényo ang poók panturísta, o iskédyul ng pások ng mga estudyánte’t empleádo, o kayâ’y ang sakláw ng ektá-ektáryang bukirín, bátay sa rékomendasyón ng mga wéder fórkaster na pawàng babaylán sa matemátika at ástronomíya, o kayâ’y sa álmanake ng mga bagyó at tagtuyót. Naipátutupád ang mga makabágong hílig, gáya sa kombínasyón ng bóksing at ahedrés, o pag-áwit hábang tumútuláy sa lúbid, alínsúnod sa sárbey ng artipísyal intelígens. Ngúnit pagsápit sa tradisyón, nápipilì ng mga siyentipíkong maáram ang mga politíkong máluluklók sa gobyérno alinsúnod sa hókus-pókus na resúlta ng pambansâng halálan na pinánghihímasúkan ng Impéryong Hin. At káhit ang mga propéta ng hukbóng sandátahán ay nakapágbibigáy ng paúnang babalâ kung hindî man páyo kung kailán dápat mágkudéta o manákop ng ibáng bansâ. Matíbay ang paniníwalà ng báwat mamámayán na siyá ay mulâ sa pilîng lahì. Marúnong manghulà ang mga batà at matandâ, anumán ang kasarìan, anumán ang estádong panlipúnan. At dáhil kailángang magíng mahúsay bumása ng pálad o mukhâ o ásal o panagínip, ang mga táo sa Pulô ng Noó ay ginawâng lehítimo ang pánghuhulà sa edukasyón, na umáalinsúnod sa úso ngúnit dumúdukál ang kurikulúm sa kalendáryo ni Honorio Lopez at epíko ni Nostradamus. Nanghulà sila nang nanghulà, tumayâ man sa lotto o magpáhinóg sa kalabóso, nagpágalíngan kung síno ang makábabatíd sa hindî pa naisásaaklát, hanggáng tulúyang mabalíw sa hináharáp at yakápin ang pagkabúlag sa pag-íral sa loób ng limáng minúto o labínlimáng segúndo.  Hindî nilá maúnawàan ang kaniláng tadhanà, gayóng kiníkilálang may dugô ng mga pithó. Párang diktadór, silá’y umáastáng butangéro kung hamúnin ang sinumáng tumutútol sa kaniláng rehimén, at kapág nasukól o pinukól ng mga tanóng ay kidlát kung mangatwíran na isáng birò o bulaklák ng dilà lámang ang lahát ng winikàng sabláy. Sa Pulô ng Noó, ang kapaláran ay minúskulo ng sálot na kumákawalâ sa laboratóryo ng kábuhungán: walâ ni bakúna o lúnas, at maskí ang iyóng minámahál ay maáarìng mapahámak kung hindî siyá maniníwalà sa ultimóng katotohánan.

Alimbúkad: No to war. No to occupation. Yes to humanity. Yes to poetry. Photo by Alina Vilchenko on Pexels.com

Pulo ng Lalamunan, ni Roberto T. Añonuevo

Pulô ng Lalamúnan

Roberto T. Añonuevo

Sa panahón ng kopyadór, báwat isá’y malayàng magíng wíbu ng kamíkaze at yákuza, may dangál ng shōgun at nínja, hábang tagláy ang disiplína ng wábi-sabì at yókozunâ. Iyán ang dápat mong tandâan pagsápit sa Pulô ng Lalamúnan. Matutúto ka roón kung paáno bumása at sumúlat nang pábaligtád sa iyóng nakágisnán, mulâng pakanán hanggáng pákaliwâ, na ang gramatíka at paláugnáyan ay warìng pinághalòng baybáyin at sūdoku, na bagamán sukát na sukát ay may tsúnaming pahiwátig gáya sa hāyku at búnraku. Kailángang matutúhan mo ang wikà ng ótaku, na kabesádo ang sanlíbo’t isáng kuwénto pára sa shónen at shóju, na áraw-áraw hináharáp ang mga yóukáy mulâ sa pándaigdígang domínasyón. Hindî maburá-burá roón ang mga bómba atomíka sa Hiroshima at Nagasaki, sanhî ng mga animé na Little Boy and Fat Man; at ngayón, nágbabantâ ang mga pabríka ng Fukushima na ibalík sa laót ang láson na matagál na nitóng inimbák nang matikmán ng daigdíg. Sa Pulô ng Lalamúnan, ang pagsísinúngalíng at pagbábalátkayô ay malikhâing pagdulóg sa guníguní, na ang mánga-kâ ay lumílikhâ ng mga kontrabándang Godzilla at Voltes V, úpang harapín ang mabábalásik na propagánda ng Impéryong Hin at polítburo ng mga sampan. Isinábatás ng Pulô ng Lalamúnan na hindî na mulî itóng makikídigmâ sa ibáng nasyón, (na pinátunáyan ng mga tratádong nilagdâan,) makaraáng malúpig noóng nakalípas na Digmâang Pándaigdíg; gayunmán hiníhingî ng pagkakátaón na mulîng armasán ang saríli lában sa kanugnóg na mga estádong militár. Sinákop kamákailán ng Imperyong Hin ang Pulô ng Lúsong, binakúran ang káragatán nitó, at lahát ng mangíngisdâng walâng pahintúlot na maglayág o mangisdâ sa natúrang tubigán ay itinúring na piráta’t kriminál na binábanggâ, binábaríl, kinákanyón. Samantalà’y paná-panahóng ginagawâng kuwítis ng Imperyong Han ang mga bágong intérkontinéntal mísil. Hindî malayò sa paningín ng Pulô ng Lalamúnan ang lagím na sinápit ng Pulô ng Lúsong, at kung hindî kikílos ang mga mamámayán nitó sa maláo’t madalî ay daraóng sa mga dalámpasígan nitó ang mga sopístikádong bákemonó—na walâng kapáris na kopyadór ng anumáng prodúkto mulâ sa ibá’t ibáng pánig ng daigdíg. Sapagkát mahúsay na kopyadór ang Imperyong Hin (na pámbihiràng manggáya at manghuwád ng teknólohiyá at ídea mulâng súbmaríno hanggáng satélayt, bukód sa napápalsípiká ang mga antígong porselána, kasulatán, at mápa sa ngálan ng pósmodérnong kolónisasyón), ang Pulô ng Lalamúnan ay inimbénto ang nakájimá úpang hindî masundán ang anumáng kábaguhán na likhâ nitó. Sa nakájimá—na panloób na pulô—ay naróroón ang lahát ng líhim at tuklás ng buông nasyón, nakápahiyás sa mga kodígo at sényas ng dōjinshi, ligtás sa anumáng paníniktík at Wikiliks, at isinápelikúla pa ng tungkông Ozu-Mizoguchi-Kurosawa nang magíng disímuládo pára sa mga kopyadór ng Impéryong Hin. Sa Pulô ng Lalamúnan, ang bónsekí ay simulákro ng mitatê kapág nakádaramá ng pagkabató ang pusò, at nagíng bató ang haráya. Anumáng gayáhin sa nakájimá ay may katumbás na inteléktuwál na héntay, ngunit sa paraáng nakáaalíw na pagpapátiwakál—na walâng máliw na bumalíw sa Impéryong Hin. Sapagkát itinakdâ sa nakájimá na ang pánggagáya at pánghuhuwád, sa ngálan man ng negósyo o politíka o medisína o síning, ay paghábol ng kopyadór sa saríling aníno na tumítakbó sa paíkot-íkot sa laberínto hanggáng magwakas sa akumâ na sumisigaw ng “Shinê! Shinê! Shinê!” Húhuwarín ng kopyadór ang saríli, at mágtataksíl nang paúlit-úlit sa angkíng kákayahán, nang walâng kamálay-málay sa diwà ng obáytorí—na may pangánib ng diyábolíkong repétisyón—kung haharáp ka sa iyóng bíjin na kamukhâ warì si Alodia, para punítin ang matindíng pangúngulilà hábang tiwalág sa saríli’t daigdíg.

Alimbúkad: Poetry Filipinas engaging the world. Photo by Tazrey Redids on Pexels.com

Awit ng Musa, ni Roberto T. Añonuevo

Awit ng Músa

Roberto T. Añonuevo

Nálilikhâ ng kamáy ang húbog, testúra, at kúlay na nátuklasán ng matá. Nálilikhâ ng bungangà ang tínig at tunóg na sinágap ng taingá at isinálin sa senyás ng kamáy. Nálilikhâ ng matá ang paít-ásim-tamís-angháng na ibinúbunyág ng dilà. Nálilikhâ ng ilóng ang ligamgám o halúmigmíg na inílilíhim ng taingá at pálad. Nálilikhâ ng taingá ang kahúngkagán o dumí na námumuô sa bungangà at ilóng. Ngúnit hindî málilikhâ ng kamáy ang saríling kamáy nang hindî iíwan ang pagigíng kamáy at maisálin sa kumpás at indáyog. Hindî málilikhâ ng matá ang saríling matá kung hindî itó pipikít nang papáglahùin ang saríli. Hindî málilikhâ ng ilóng ang saríling ilóng nang hindi nagmúmukhâng elepánteng sumísinghót sa angkíng likídong buntót at nasúsulások sa saríling bigát. Hindî málilikhâ ng taingá ang saríling taingá, sapagkát iyón ang kúsang pagkulób at paglagô nang pauróng. Gayunmán, pipilítin pa rin ng bungangà na likhâin ang saríling bungangà, na lilikhâ ng ibá pang bungangà na magsásalitâ pára sa kaniyá káhit walâng kawawâan, na kapág hindî natiís ng ibá’y púpukulín ng masamâng tingín, sásampalín nang mataúhan, pálalayásin hábang hinahágad ng málulutóng na panghahámak, at sa ísang singasíng ay tútuldukán ang ipinamálas na pághahambóg. Ang bungangà na lumikhâ sa saríli ay nakatakdâng ipatápon sa malayò at doón mamatáy, gáya ng mga hungkág na anúnsiyó sa páhayagán. Itó ang talínghagàng iníwan ng áking mahál, hábang siyá’y umaáwit ng áking áwit, na malugód na tinátangáy ng hángin sa kung saáng daigdíg.

Alimbúkad: Poetry Filipinas moving mountains. Photo by Plato Terentev on Pexels.com

Gabí ng Lagím, ni Roberto T. Añonuevo

Roberto T. Añonuevo

Pinipílit niyáng ibuká ang bibíg, ngúnit sa áraw na itó, warìng kumúnat ang kaniyáng mga pangá, umiklî ang dáting matálas na dilà at dumikít sa ngalángalá, at nahinóg na rambután ang kaniyáng mga tónsil na hálos bumará sa kaniyang lalamúnan. Ang mga salitâ niyá’y sumílip sa kaniyáng paningín, pagkaraán ay gumápang pababâ sa kaniyáng mga pisngí, nahúlog sa mga taingá, at mínsan pa’y nagkáhalò-halò túngo sa kaniyáng uták úpang pagdáka’y magrambúlan palabás ng kaniyáng ilóng. Íbig niyáng magtanóng, halimbawà, kung anó ang pétsa at óras, subálit káhit ang ganitóng kadalîng ehersísyo ay ipinagkaít ng paghábol sa hiningá. Bumúbulagâ sa kaniyáng dibdíb ang sandalî, gáya ng krimén na dápat ilíhim o iwásan ng sinumáng walâng pakíalám sa pag-íral. Umilíng-ilíng sa kaniyá ang mga mukhâng Johnnie Walker o John Puruntóng, o iyón ang kaniyáng naságap, sapagkát maaarîng hindî rin nilá alám ang sagót sa kaniyáng kalagáyan. At yámang hindî siyá makáusál ni isáng katagâ, ang mga nakápalígid sa kaniyá’y isá-isáng nagtanóng: Anó ang pangálan mo? Saán ka nakatirá? Nakaínom ka ba ng álak? May sakít ka ba? at sisíyasátin siyá ng mga titíg ngúnit hindî kailánman haplós ng pagdámay. Siyá na bumulagtâ sa bangkéta ay siyá ring nása istrétser at nakapíla sa gílid ng mórge ng ospitál. Hindî niyá matandâan kung síno siyá, at pakíramdám niyá’y isá siyáng bángaw na dumikít sa sagrádong langís ng mangkukúlam. Párang abándonádong lungsód ang kaniyáng loób, ngúnit sabík pa ring magtanóng—hanggáng marínig níya ang isáng tulâ sa dáko paroón, ang tulâ na gáya nitó’y nagkúkunwarîng mga sitsít at alulóng.

Alimbúkad: Poetry rumble in your face. Photo by Pixabay on Pexels.com

Bagong Búhay, ni Dante Alighieri

Salin ng tatlong bahagi ng “Vita Nuova,” ni Dante Alighieri ng Italy

Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Bagong Búhay

I

Sa aking Aklat ng Gunita, sa unang bahagi na kakaunti lámang ang mababása, ay naroon ang kabanata na may pamagat: Incipit vita nuova [Simula ng bagong búhay]. Hangad kong sipiin sa munting aklat na ito ang mga salitang isinulat sa ilalim ng gayong pamagat—kung hindi man ang lahat ng ito ay kahit yaong pinakaubod ng mga kahulugan nito.

II

          Siyam na ulit mula nang ipinanganak ako’y uminog ang langit ng liwanag sa iisang punto, nang bumungad sa aking paningin ang ngayon ay mabunying dilag ng aking isip, na tinawag na Beatrice ng mga tao na ni hindi alam kung ano ang kaniyang pangalan. Umiral siya sa búhay na ito nang sapat para ang langit ng mga nakapirming bituin ay makaabot sa ikalabindalawang antas sa Silangan ng kaniyang panahon; kumbaga, lumitaw siya sa akin sa simula ng kaniyang ikasiyam na taon, at unang nakita ko siya sa halos pagwawakas ng ikasiyam na taon. Lumantad siyang nakadamit sa pinakamaharlikang mga kulay, na sikíl at mahinhing pulá, at ang kaniyang roba ay may tali at napalalamutian sa estilo na angkop sa kaniyang edad. Sa sandaling iyon, at nagsasabi ako nang totoo, ang masiglang diwa, na nananáhan sa pinakalihim na silid ng puso, ay nagsimulang kumatal nang napakalakas na kahit ang maliliit na ugat ng katawan ko’y ano’t apektado; at sa panginginig, winika nito ang ganitong mga salita: Ecce deus fortior me, qui veniens dominabitur michi [Narito ang diyos na higit na malakas sa akin at dumating upang sakupin ako]. Sa sandaling iyon, ang likás na diwà, na nananáhan kung saan tinutunaw ang pagkain, ay nagsimulang tumangis, at inusal ang mga salitang ito habang lumuluha: Heu miser, quia frequenter impeditus ero deinceps! [Ay, kawawa naman ako!  Malimit na akong mabubulabog mula ngayon!] Masasabi ko na mula noon, pinagharian ng Pag-ibig ang aking kaluluwa, na kagyat namang naging matapat sa kaniya, at lumukob iyon sa akin nang may katiyakan at pamamahala, at idinulot sa kaniya ang kapangyarihan ng guniguni, at maihahandog ko lámang ang sarili sa kaganapan ng kaniyang bawat kaluguran. Madalas niya akong utúsan na umakyat at hanapin ang pinakabatà sa mga anghel; kayâ noong unang mga taon ay malimit ko siyang hanapin, at natagpuan siya na may likas na dangal at karapat-dapat sa gayong paghanga na ang mga salita ng makatang si Homer ay bagay na bagay sa kaniya: “Waring anak siya hindi ng mortal, bagkus ng bathala.” At bagaman ang kaniyang hulagway, na nananatiling palagi sa akin, ay pagtitiyak ng Pag-ibig na hawakan ako, iyon ang lantay na kalidad na hindi ako papayagang pagharian ng Pag-ibig nang walang matapat na patnubay ng katwiran, sa lahat ng bagay na ang payo ay malaki ang maitutulong. Yámang ang maglunoy sa aking libog at gawi noong kabataan ko’y tila paggunita sa mga pantasya, isasantabi ko muna ang mga ito; at sa pagtanggal sa maraming bagay na masisipi mula sa teksto na bukál ng aking mga salita ngayon, magtutuon ako sa mga isinulat sa aking alaala sa ilalim ng higit na mahahalagang pamagat.

III

          Makalipas ang maraming araw sa nasabing siyam na taon nang makita, gaya sa nailarawan, ang pinakamarikit na binibini, naganap naman sa huling mga araw ang paglitaw ng mahiwagang babae, na nakadamit sa dalisay na kaputian, na nakapagitna sa dalawang maharlikang babaeng nakatatanda sa kaniya; at habang tumatawid sa isang kalye, ipinaling niya ang tingin sa kinatatayuan ko na kahiya-hiya, at sa gayong di-mailarawang kabutihan na ngayon ay pinagpala siya ng walang hanggahang búhay, mahimalang binati niya ako na wari ko’y nang sandaling iyon ay lumukob sa akin ang lahat ng labis na ligaya. Iyon ang ikasiyam na oras ng nasabing araw, ikatlo ng hapon, nang ang kaniyang matamis na bati ay sumapit sa akin. Halos lumutang ako sa tuwa, at inasam ang pag-iisa sa aking silid, at doon ko sinimulang isipin ang butihing dalaga at, sa pagninilay sa kaniya, nakatulog ako nang mahimbing, at isang kagila-gilalas na pangitain ang nasilayan ko. Waring nakita ko ang ulap na kulay apoy, at sa nasabing ulap ay naroon ang isang makapangyarihang tao, na nakasisindak masdan, ngunit siya rin ay kahanga-hangang sakbibi ng tuwa. Nagsalita siya, at maraming binanggit na bagay, na kaunti lamang ang naunawaan ko; ang isa’y Ego dominus tuus [ Ako ang iyong panginoon]. Tila naaninag ko sa kaniyang mga bisig ang isang natutulog na pigura, lastág ngunit bahagyang nakabalot sa telang pula; nang titigan ko nang maigi ang pigura, nakilala ko ang dilag na bumati sa akin; ang dilag na noong hápon ay mapagkumbabang bumati sa akin. Sa isang kamay ay waring tangan ng lalaki ang apoy, at wari ko’y inusal niya ang mga salitang ito: Vide cor tuum [Masdan ang aking puso]. Makalipas ang ilang sandali, tila ba napukaw ng lalaki ang dalagang natutulog, at pinilit niyang ipakain sa dilag ang naglalagablab na bagay sa kaniyang kamay; bantulot na kinain iyon ng babae. Pagkaraan ng ilang sandali, ang kasiyahan niya ay napalitan ng mapait na paghagulgol, at umiyak nang nakayakap sa dilag, at sabay silang umakyat tungong kalangitan. Sa yugtong ito ng aking pananaginip, hindi ko nasikmura ang lungkot na nadama; at naputol ang aking panaginip at nagising ako. Nagsimula akong magnilay, at natuklasan ko na ang oras nang lumitaw ang pangitain ay ang ikaapat na oras ng gabi. Inisip ang aking nakita, saka nagpasiya akong ihayag iyon sa maraming bantog na makata ng panahon. Dahil hindi pa naglalaon nang mag-aral akong mag-isa sa pagsulat ng tula, nagpasiya akong kumatha ng soneto na laan sa matatapat na tagasunod ng Pag-ibig; at sa hiling sa kanilang ipakahulugan ang aking pangitain, susulatan ko sila kung ano ang nakita ko sa panaginip. At nagsimula akong sulatin ang sonetong ito, na nagsisimula sa Handog ko sa bawat kaluluwa’t puso.

Handog ko sa bawat kaluluwa’t pusò
ang mga salitang maselang tinahî
upang sagutin mo, na isang pagbatì
sa ngalan ng iyong poon na Pagsuyò.
Itong tatlong oras, ang oras ng wakás
ng mga bituing ngayon napapáram,
ang yugtong sumikat sa tanaw ang Mahál,
na nakaiinis ang anyong matatáp.

Masaya, wari ko, ang sintang kumuyom
sa aking damdamin; at niyakap niya
ang pagnanasa kong himbing mamahinga.
At pinukaw niya ang dilag sa apoy
na sakdal lumukob sa kaniyang dibdib,
at nita’y pag-ibig sa luha nasaid.

          Ang sonetong ito ay nahahati sa dalawang bahagi. Sa unang bahagi, isinaad ko ang pagbati at humingi ng tugon, samantalang sa ikalawa naman ay inilarawan ko kung ano ang hinihinging tugon. Nagsimula ang ikalawang bahagi sa Itong tatlong oras.

          Tinugon ng marami ang sonetong ito, at binigyan ng samot na interpretasyon, kabilang na sa mga sumagot ang itinuturing kong matalik na kaibigan, na tumugon sa sonetong nagsisimula sa Wari ko’y taglay mo ang lahat ng mahal. Ang tunay na kahulugan ng paniginip na aking inilarawan ay hindi naarok ninuman noon, ngunit ngayon ay ganap na malinaw kahit sa isang sopistikado.

Alimbúkad: Poetry online translation revolution staring at you. Photo by Pixabay on Pexels.com

Pabula ng Sirena at mga Lasenggo, ni Pablo Neruda

Salin ng “Fabula de la suena y los borrachos,” ni Pablo Neruda ng Chile
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pabula ng Sirena at mga Lasenggo

Lahat ng tigulang na lalaki’y naroroon sa loob
nang pumasok siya, hubad na hubad.
Nag-iinuman sila, at sinimulan nilang duraan siya.
Dahil galing sa ilog, ni wala siyang naunawaan.
Isa siyang sirenang naligaw sa patutunguhan.
Umagos ang mga insulto sa kumikislap niyang balát.
Natigmak sa pambabastos ang bulawan niyang súso.
Lingid sa kaniya ang pagluha kaya hindi siya umiyak.
Lingid sa kaniya ang pananamit kaya hindi nagdamit.
Pinasò siya ng mga sigarilyo at nagbabagang tapón,
at napagulong sa katatawa ang mga nasa taberna.
Hindi siya umimik dahil banyaga sa kaniya ang wika.
Mga mata niya’y kakulay ng malayong pag-ibig;
mga braso niya’y katumbas ng kambal na topasyo.
Kumislot ang kaniyang labì sa liwanag ng korales,
hanggang sukdulang lumabas siya sa pintuan.
Nang lumusong sa ilog ay iglap na dumalisay siya,
at muling nagningning gaya ng batong naulanan;
at muli siyang lumangoy nang hindi lumilingon,
lumangoy tungo sa kawalan, sumisid sa kamatayan.

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity

Mito, ni José Antonio Ramos Sucre

Salin ng “Mito,” ni José Antonio Ramos Sucre ng Venezuela
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mito

Batid ng hari ang mga pag-aaklas at kaguluhang ginatungan ng pagkadismaya sa buong kabisera. Sa bawat hakbang niya’y sumasalubong ang mensahero ng madidilim na pangitain. Nagpasimuno siya ng nakagugulat na diyalogo hinggil sa isang malabong balita.
. . . . . . .Pumasok sa guniguni ng soberano ang pagkawasak ng sonang mataba ang lupain at ang pagkalipol ng mga magsasaka nito. Isang ilahas na tribu ang nakasilip ng pagkakataon nang mabulabog ang kaharian, at sinakop yaon sa pamamagitan ng mga karitong kargado ng mga karit. Ang ilang walanghiyang mangkukulam, na tagapayo ng mga barbarong pinuno, ay pabulalas na inihayag ang kanilang mga hula sa gitna ng nagliliparang alipato ng siga. Sa hihip ng maalinsangang simoy, ang duguang araw ay umahon mula sa mainit na nayon.
. . . . . . .Inilipat ng mga lalaki ng ilahas na tribu ang ilang tolda na yari sa balát na isinakay sa kanilang mga despiguradong aso, na uhaw sa dugo, at sumiping sa piling ng kanilang mga babae, nang panatag at magaan, sa loob ng mga yungib na pinagsanayan. Inilaan nila ang mga tolda para sa kanilang mga hepe.
. . . . . . .Bigong sinangguni ng hari ang hanay ng matatandang kapitan hinggil sa lunas sa estado, ang hiwatig ng balbas na pontipikal, at ang mapipiga sa maiikling usapan.
. . . . . . .Ang prinsipe, na kaniyang anak, ay sumabat upang sumingit sa konseho, na pinangibabawan ng nakaririnding katahimikan. Umimbento siya ng maginhawang pamamaraan at nagmungkahi sa kanila ng madaling diskurso. Taglay niya ang makapangyarihang diwain at mapagsalbang pandiwa. Nilisan niya ang pangkat ng mga nagugulumihanan.
. . . . . . .Sumuko sa usapan ang mga beterano, at umasa at sumunod sa kaniyang mga utos. Ang presensiya ng kabataan ay sumupil sa urong-sulong na tagumpay, at ibinuwal ang mga pakana ng mga rebelde.
. . . . . . .Hinarap ng bayani ang panganib sa tulong ng masilakbong madla. Noong araw na magbalik siya, inihimig ng maririkit na babae, mula sa asotea ng mga palasyo ng kabisera, ang awit ng sinaunang sekular na pumupuri sa bahaghari.

Abiku, ni Wole Soyinka

Salin ng “Abiku,” ni Wole Soyinka ng Nigeria
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Abiku

Batang lagalag. Ang parehong batang namatay at paulit-ulit nabubuhay upang  salantain ang ina. —Paniniwalang Yoruba

Walang saysay ang mga borloloy na galáng ninyo
Na paikid na gumagayuma sa aking mga paa;
Ako si Abiku, na nanánambítan sa una
At paulit-ulit na pagkakataon.

Dapat bang itangis ang mga kambing at báka
Kapalit ng langis ng niyog at inihasik na abo?
Hindi nagpapasibol ng agimat ang mga ube
Upang tabunan ang mga galamay ni Abiku.

Kapag sinunog ang balát ng isang susô’t
Pinatalas ang nagbabagang piraso, sakâ itinatak
Nang mariin sa aking dibdib, dapat batid na ninyo
Kung muling nanánawágan sa inyo si Abiku.

Ako ang ngipin ng tapilak, na kumalag-kalag
Sa palaisipan ng palmera. Tandaan ninyo ito:
Ihukay pa ako nang malalim na malalim
Tungo sa namamagang paa ng bathala.

Minsan at sa paulit-ulit na yugto, di ako tumatanda
Bagaman nákasusuká na, at kapag ibinuhos ninyo
Ang tagay sa anito, bawat hintuturo’y tinatangay
Ako malapit sa aking pinanggalingan, sa pook

Na tigmak ang lupain sa luha ng pagdadalamhati.
Hinihigop ng puting hamog ang mga tigmamanok,
Kinakaibigan ng gabi ang gagamba’t binibihag
Ang mga gamugamo sa mga bulâ ng tuba.

Gabi na, at sinisipsip ni Abiku ang natitirang langis
Sa mga tinghoy. Mga ina! Ako ang nanánawágang
Ulupong na pumupulupot sa inyong mga pintuan
At tumitilaok bago ang pagpaslang.

Ang pinakahinog na prutas ang pinakamalungkot
Na aking ginagapang. Ang init ay nakasusulasok.
Sa katahimikan ng mga sápot, umungol si Abiku,
At inihugis ang mga tumpok mula sa pulá ng itlog.

Stop weaponizing the law. Stop militarizing the bureaucracy. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extra-judicial killing. Yes to human rights. Yes to humanity!

Bakas ng Takas, ni Roberto T. Añonuevo

Bakás ng Tákas

Roberto T. Añonuevo

Dumarating na bagong bagyó ang Kuríta
at magpapantay sa daluyong ang mga bundok.

Napanaginip marahil iyon ni Indarapatra,
at isinakay ng simoy na hatid ang galura.

Sino kayang pinuno ang hindi mababahalà
kapag yumayanig ang ibayo palapit sa iyo?

Marahil, narinig niya ang mga tumatákas
na lipì, ang naghihingalong iligan sa gutom,

at ang bantâ ng lason mula sa tuka ng Páha.
(May ugong ng paglusob ang mga Tarabusaw.)

At kung ikaw si Sulayman, magwiwika muli
ang kampilan upang tigpasin ang galamáy

ng tákaw na umuubos sa sasá’t lamandagat,
putulin ang mga paa ng dambulang kaaway,

o kaya’y itiklop ang mga pakpak ng lagim.
Ngunit yayao ka rin tulad ng ibang bagani,

at kailangan ang tubig ng bukál nang mabuhay
muli, magsuot ng singsing, humawak ng bárong,

sakâ abangán ang kinasisindakang kaaway—
na may pitong ulo’t anyo ngunit walang tatak

ang kabangisan, at isang nagbabantâ sa supling
ng punòng naghihintay sa aming durungawan.

Lilipad sa ulap ang kumikinang na kulintang,
habang nakatitig si Indirapatra doon sa laot:

“Lumundag nang buong tatag, o ito’y pangarap!”

Mga Kawikaang Tamil

Mga Kawikaang Tamil

Roberto T. Añonuevo

Kahanga-hangang pumipintig pa rin magpahangga ngayon ang kabuluhan ng mga kawikaan. Ang kawikaan, na hinango sa kaligiran, ay maaaring gamitin ninuman alinsunod sa kaniyang pagbasa. Ngunit ang kawikaang ito, sa di-sinasadyang pagkakataon, ay nakahuhubog din sa kaisipan ng taumbayan, at nagsisilbing patnubay kung paano dapat mabuhay at makiharap ang isang tao sa kaniyang kapuwa.

“Kung ang utusan mo ang may hawak ng sandok,” saad ng isang Kawikaang Tamil, “mahalaga ba kung ikaw ay nakaupo sa dulo o kaya’y sa harap ng handaan ng isang pista?” Sa ganitong pahayag, ang kumpigurasyon ng trabaho sa kusina ay mailalabas hanggang sa pagdiriwang ng isang pista, at ang mga lingid ngunit dinamikong ugnayan ng mga tauhan ay mahahalata. Hindi kinakailangang magsalita ng maykapangyarihan; ang kaniyang mga alalay ang bahala sa kaniyang kaligtasan.

Ang isang kawikaan ay hindi basta nanggagaya o kumakatawan o kaya’y nagsisilang ng realidad na nasagap ng awtor, kung hihiramin baga ang dila ni Darío Villanueva, bagkus lumilikha rin ng sinasadyang pagkilala sa angking realidad nito sa pamamagitan ng tekstuwal na pagtukoy sa isang ipinahihiwatig at di-nakikitang mambabasa. Mahalagang sipatin ang mga kawikaan, hindi lamang sa pagiging labis na matapat nito sa teksto na sinasandigan ng awtor, bagkus sa realistang pagsagap ng mambabasa sa mga anyo nito.

Narito ang ilang kawikaang Tamil na aking isinalin sa Filipino, at mula sa bersiyong Ingles ni Reb. P. Percival. Pinili ko ito ay inihanay, at ang ilan dito ay sumasapol kahit sa realidad ng mambabasang Filipino.

1. Nababasag ang liwanag sa ulo ng dukha.
2. Ang kariktan ng isip ay nababanaag sa mukha.
3. Magtatangka ba ang magnanakaw kung inaasahang huhulihin siya?
4. Habang nagmumura ang bigas, ang kasiyahan ay tumataas.
5. Ang paghihiwalay ay makapagpapamalas ng pagkakaibigan.
6. Siya na walang alam sa halaga ng butil ay hindi batid ang pighati.
7. Mauunawaan ba ng aso ang mga veda, kahit pa isinilang ito sa nayon ng Brahman?
8. Maghubad man siya’t maligo sa ilog ay walang maling matatagpuan.
9. Mangingibang bayan ka ba kung ang kapitbahay ay sumagana?
10. Ang kabayong binili nang napakamahal ay dapat makalundag sa kabilang pampang.
11. Ang kababaang-loob ang palamuti ng babae.
12. Ang kawayang tungkod ang hari ng mabagsik na ahas.
13. Ang humahagupit bang hangin ay kinasisindakan ang sinag ng araw?
14. Kahit ang gilingang-bato ay mauusog sa paulit-ulit na pagpapaikot.
15. Kapag walang apoy sa dapugan, wala ring sinaing na kakainin.
16. Manunuklaw ang ahas kapag binaklas mo ang bakod.
17. Ang atomo ay magiging bundok; at magiging atomo ang bundok.
18. Ang itlog na kinuha mula sa bahay ng pinuno ay makabibiyak ng gilingan ng magsasaka.
19. Saksi ang langit sa ari-arian ng hari.
20. Ang hari at ang ahas ay magkatulad.

May ibang kawikaang Tamil na kapag hinalaw sa Filipino ay pumipitlag. “Humuli man ng bubuli’t ipatong yaon sa kutson,” saad ng isang kawikaan, “ay hahanap-hanapin pa rin nito ang tumpok ng mga dahon.” Sa ganitong pangyayari, hindi lamang nakabubuo ng representasyon ng isang realidad, bagkus inuusisa nito kung ano ang magiging realistang tugon ng mambabasa kapag nakaengkuwentro ang mga hulagway ng “bubuli,” “kutson,” at “dahon,” at iniugnay yaon sa malupit na tadhana ng talinghaga ng pagbihag. Isang ehersisyo lamang ito sa pagsasalin mula sa libo-libong kawikaang Tamil, na kapupulutan ng aral ng mga Filipino.