Awit, ni António Botto

 Salin ng “Cancão,” ni António Botto ng Portugal
 Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Awit
  
 Umaalimbúkad ang lupain
 sa hininga ng mga bulaklak at lungting dahon.
  
 Sa malayo, may isang awit ng tao na naglaho
 ang pandama para umibig:
 ng isang napaiyak nang baguhin ng alaala,
 ng isang ngumingiti habang kumakanta.
  
 Ang tagsibol ko! Bughaw na tagsibol
 na naglalaro sa damuhan
 at sa mga kahuyan
 na hitik at mayamungmong,
 sariwa, mumunting supling ng dahon
 na nagpapatalbog ng liwanag,
 pinakikislap ang mga mata ko para mabuhay.
 Tagsibol ko, ilahad sa akin ang mga halik
 na nauupos sa mithing maabot ang kanlungan.
  
 Nahuhulog sa espasyo ang kristal na hamog,
 at may banayad na dibinong
 himig na lumulukob nang walang tinag
 sa mukha ng mga bagay.
  
 Nagbabago ang mga mundo—
 at nananatili sa pook ang kabuktutan ng tao.
  
 Umaahon sa puso ko ang liwanag ng pangarap,
 at ang maiinit na luha ay gumugulong sa pisngi. 
Alimbúkad: Poetry passion unmatched. Photo by Pixabay on Pexels.com

Ang Gitara, ni Federico García Lorca

Salin ng “La guitarra,” ni Federico García Lorca ng España
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Gitara

Nagsimulang humikbi
ang gitara.
Nabasag ang mga kopa
ng madaling-araw.
Nagsimulang humikbi
ang gitara.
Hindi ito mapatatahan.
Imposibleng
mapatahimik pa ito.
Monotomong iyak nito’y
gaya ng iyak ng tubig,
gaya ng iyak ng hangin
sa niyebeng pumapatak.
Humihikbi ito
sa malalayong bagay.
Nananambitan
sa mapuputing kamelya
ang mainit na timugang
buhanginan.
Humihikbi ito sa tudla
ng palaso sa kawalan,
sa gabing walang umaga,
at sa unang patay na ibon
sa sanga.
O gitara!
Pusong kay lalim tinusok
ng limang espada.

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity

“Lupa ng Araw,” a classical guitar concert at the BGC, on 26 November 2017

Maestro Ruben Reyes and his elite gang of classical guitarists belonging to the Silangan Chamber Guitar Ensemble are set to rock Bonifacio Global City with their latest concert, entitled “Lupa ng Araw,” on 26 November 2017 at the Zobel de Ayala Recital Hall, BGC Arts Center, 26th Street, Taguig City. The said concert features the works of noted composers such as Holborne, Bach, Almeida, York, Dyens, and Solares. Tickets are available at the Ticket World, 891-9999.

Balada, ni Nikita Koshkin

Amansinaya Añonuevo performs Nikita Koshkin’s Ballads, second and third movements.

 

Isinilang sa Moscow, Russia noong 1956, si NIKITA KOSHKIN ay kompositor, gitarista klasiko, at guro sa modernong panahon. Nakilala siya mahigit tatlong dekada na ang nakalilipas sa kaniyang akdang Usher-Waltz, na humuhugot ng alusyon sa nakapangingilabot na kuwentong “The Fall of the House of Usher” (1839) ni Edgar Allan Poe.  Kabilang sa kaniyang mga konsiyerto para sa gitara at orkesta ang Concerto Grosso, Megaron Concerto, at  Bergen Concerto na pawang itinanghal, at umani ng paghanga mula sa publiko. May 41 komposisyon siya para sa solong gitara, na ang pinakabago ay 24 Preludes and Fugues,  bukod sa mahigit 10 para sa dalawahan, tatluhan, at apatang gitara. Pambihira din ang kaniyang dedikasyon sa restorasyon ng musika, gaya ng ginawa niya sa Sonata Prima (1822) ni Fernando Sor, na estilistang binuo muli sa guniguni ang musika ng siglo 19. Ang Ballads: Suite for Solo Guitar (1998), na inialay niya sa Rusong gitaritarista na si Vadim Kouznetov, ay isinulat sa estilong popular at may bahid ng rock, at itinuturing niyang isa sa kaniyang mahuhusay na katha.