Pandaigdigang Panitikan at Filipino: Isang Pagtanaw
Roberto T. Añonuevo
Kapag tinanong tayo kung mayroon bang “pandaigdigang panitikan” [world literature] ay madali nating sagutin ito na “oo.” Ngunit ano ba ang pandaigdigang panitikan, at ang pandaigdigang panitikan sa konteksto ng Filipinas?
Ang talakay hinggil sa pandaigdigang panitikan ay maaaring simulan sa pag-urirat kung ano ang konsepto ng “daigdig” at “panitikan.” Ang paglalakbay ng mga dayong mangangalakal sa isang bayan, o ang paglabas ng isang “bayani” o “bagani” sa kaniyang pamayanan upang umuwi pagkaraan, ang magpapakilala sa kaniya ng malawak na “daigdig” na kakaiba ang kultura, kasaysayan, at kulay kompara sa kaniyang kinagisnan.
Ang konsepto ng “daigdig” ay nagsimula sa interaksiyon ng mga bansa sa pamamagitan ng pang-ekonomiya at pampolitikang ugnayan. Ang tinaguriang Silk Road[i], at daanan sa Indian Ocean at Mediterannean, ang maghahatid ng mga produkto, kasama na ang panitikan at relihiyon, mula sa iba’t ibang bansa. Ang susi sa mga lihim ng banyagang panitikan ay nasa pagsasalin at pag-aaral ng mga wika, kaya ang mga akdang nasusulat sa Chino at Arabe ay nagkaroon ng puwang na mabása sa Ewropa sa pamamagitan ng salin sa Frances, Aleman, Ingles, Portuges, atbp.
May dalawang konsiderasyon ang pagtuturing noon sa “pandaigdigang panitikan,” ani ilang kritiko, bagaman hindi pa lumilitaw ang ganitong termino hanggang imbentuhin ni Johann Wolfgang von Goethe. Una, ang lawak na masasaklaw nitong populasyon; at ikalawa, ang kalidad ng akda na umaabot wari sa pagiging klasiko at dakila. Ang mga imperyo, gaya sa China, India, at Gitnang Silangan, ay nakapagpapalaganap ng panitikan sa maliliit na bansa sa pamamagitan ng kalakalan, at hindi kataka-taka na maraming kuwentong bayan ang nagkaroon ng lokal na kulay.
Nang lumaon, lumakas ang Ewropa dahil sa pag-angat ng ekonomiya nito at dahil na rin sa mga nasasakop nitong mga bansa. Noong panahon ng kolonisasyon, ang Ewropa ay sinisipat ang panitikan alinsunod sa punto de bista nito, at ang panitikang nalilikha sa Ewropa ang tinitingnang nangunguna sa lahat. Ang usapin sa pagiging “superliteratura” [Spitzenliteratur] ay isa pang isinaalang-alang na pamantayan, upang masalà ang mga obra maestra mula sa mga karaniwang akda.
“Kung may lakas ng loob tayong ihayag ang Ewropeong panitikan,” ani Johann Wolfgang von Goethe[ii] sa kaniyang disipulong si Johann Peter Eckerman, “o yaong unibersal na pandaigdigang panitikan, ay hindi pa natin ganap na nagagawa yaon maliban sa pagtukoy na ang iba’t ibang nasyon ay kinikilala ang bawat isa at ang kani-kaniyang mga likha, dahil sa ganitong diwain ay umiral ito nang napakatagal, at patuloy na nagtatagumpay.” [Wenn wir eine europäische, ja eine allgemeine Weltliteratur zu verkündigen gewagt haben, so heißt dieses nicht daß die verschiedenen Nationen von einander und ihren Erzeugnissen Kenntnis nehmen, denn in diesem Sinne existiert sie schon lange, setzt sich fort und erneuert sich mehr oder weniger].[iii]
Kayâ kahit binanggit ni Goethe na ang Ewropeong panitikan ay pandaigdigang panitikan, ang ganitong paniniwala ay sinisimulan na niyang baklasin, upang itanghal ang panitikang maaaring magmula sa mga bansang hindi Ewropeo. Naniniwala si Goethe na ang sining ay pag-aari ng buong mundo, at maipapalaganap lámang sa malaya at pangkalahatang interaksiyon ng mga kapanahon.[iv] Kung ang tula ay pag-aari ng buong mundo, aniya, hindi rin umano dapat ipagmayabang na ang isang makata ay nakalikha ng nakauungos na tula, sapagkat ang paglikha ng tula ay hindi pambihirang bagay sa iba’t ibang panig ng mundo.
Nawika ni Goethe na “Walang halaga sa kasalukuyan ang pambansang panitikan, sapagkat ngayon ang panahon ng pandaigdigang panitikan, at dapat magsikap ang lahat para pabilisin ang panahong ito.” [Nationalliteratur will jetzt nicht viel sagen, die Epoche der Weltliteratur ist an der Zeit, und jeder muß jetzt dazu wirken, diese Epoche zu beschleunigen.][v] Ang tinutukoy ni Goethe na pandaigdigang panitikan ay ang sumisilang na panitikan sa kaniyang panahon, at hindi noong nakalipas, at kung gayon ay dapat maging bukás ang paningin ng lahat hinggil dito. Hindi tinitingnan ni Goethe na may “superliteratura,” sapagkat ang “pandaigdigang panitikan” ay paparating pa lamang, ngunit tumitingki wari sa globalisasyon. Ang kalakalan ay hindi na basta produkto o serbisyo lamang, bagkus kaugnay ng mga idea o kaisipan, at sa yugtong ito, ang mga tao sa iba’t ibang panig ng daigdig ay kinakailangang makilahok sa ganitong gawain.
Importansiya ng Pandaigdigang Panitikan
Mahalagang balikan ang konsepto ng pandaigdigang panitikan at mga wika, sapagkat sangkot tayo lahat dito, gaya ng winika ng manunulat at intelektuwal na si Tariq Ali[vi]. Hindi natin napapansin na ang pandaigdigang panitikan ay hinuhubog ang mga isipan at asal ng ating mga estudyante at guro, kahit sa panonood ng Koreanobela at Mexicanobela o ng mga pelikulang yari sa Hollywood at Bollywood. Tinatanggap natin nang hindi namamalayan ang bisa, kiling, at prehuwisyo kahit sa mga balita ng Fox News, ESPN, at CNN, at sa mga pagpapahalaga nito sa mga manunulat at artist.
Magaan nating tinatanggap ang manipis na talakay mula sa ating kurikulum pagsapit sa pandaigdigang panitikan. Halimbawa, hindi natin napapansin kapag tinalakay ang Florante at Laura (1838) ni Francisco Balagtas Baltazar na maraming alusyon ukol sa Imperyong Ottoman ang matatagpuan sa naturang tula at bahagi ng “ibang panitikan.” Hindi ito kataka-taka, sapagkat mulang siglo 14 hanggang siglo 20, ang Imperyong Ottoman, na kilala ngayon bilang Turkey, ay sumakop sa Timog-silangang Ewropa, Kanluraning Asya, at Hilagang Africa. Isang multi-lingguwal at multi-nasyonal na imperyo ang Turkey na malaki ang ambag sa pagpapalaganap ng iba’t ibang panitikan noong kasibulan nito.
Kahit balikan natin ang mga mapa noong 1822 o1885, malawak ang imperyalistang pananakop ng Turkey, gaya sa Africa, Asia, Sudamerica, Greenland, Russia, Mongolia, China, hanggang Australia, at yaon ay nakahihigit sa mga sakop ng France, España, o US. Kahit ang Filipinas ay hindi nakaligtas sa impluwensiya ng gayong pananakop, at isang halimbawa ang koridong Ibong Adarna na sumagap ng maraming alusyon sa mga pook at mito mula sa Turkey.
Gayunman, kung ihahambing ang ibang panitikang nalathala noon sa Ewropa, ang panitikang pasulat sa Filipinas ay waring nakaiwanan ng panahon, sanhi na rin ng baluktot at paurong na pamamalakad ng España sa Filipinas. Hindi lalaganap nang lubos ang pasulat na panitikan sa Filipinas dahil sa censura ng Español, at sa pagdating pa lamang ng mga Amerikano at Hapones magkakaroon ng bagong sigla ang panitikang palimbag, at maipagpapasalamat ang pagdating ng mga imprenta, pagbubukas ng Suez Canal, at transportasyong panghihimpapawid.
Ang pandaigdigang panitikan at ang paglinang sa mga wika (kabilang na ang mga wika sa Filipinas) ay parang magkapatid na hindi mapaghihiwalay. Sa kabilang panig, kapag pinag-usapan ang pambansang panitikan ay hindi naiiwasang maiugnay ang isang pambansang wika, gaya sa Filipinas, at kung gayon ay maaaring mahanggahan ang mailalahok sa pambansang panitikan kung sadyang marupok ang pagpapahalaga sa salin at paglinang sa mga katutubong wika mula sa mga rehiyon. Kung hindi naman magkakapuwang sa merkado ang mga panitikang mula sa rehiyon ay mabilis ang magiging pagkalusaw nito sa hinaharap.
Isang realidad na ang isang panitikang sumilang mula sa isang liblib na lalawigan ay tumataas sa nibel ng pambansang antas dahil sa pagsasalin, halimbawa, sa Filipino, bukod sa lumalalim ang diskurso ukol sa nasabing akda. Sa kabilang dako, ang akdang Filipinong pampanitikan ay umaakyat sa nibel ng pandaigdigang panitikan sa oras na ito ay maisalin sa Ingles, Frances, Español, Mandarin, Arabe, at sa lahat ng pangunahing wika ng daigdig. Kayâ ang ating mga katutubong tanaga at dalít, kapag naisalin sa Ingles o iba pang pangunahing wika at nalathala sa US o France, ay hindi na lamang pag-aari ng Filipinas, bagkus ng lahat ng bansang nakauunawa sa nasabing mga pangunahing wika.
Gayunman, ikakatwiran ng iba na hindi kinakailangan ang salin para maging kanonigong “pambansa” o “pandaigdig.” May katotohanan ito, subalit kailangan nating tanggapin na para lumaganap ang isang panitikan, at makilala saka maangkin sa pambansa at pandaigdigang antas, ay dapat maunawaan sa wika ng nakararaming mamamayan. Nagkakaroon pa ng multiplikasyon ng lakas ang panitikan sanhi ng natatamong prestihiyo nito sa mga wikang pinagsasalinan. Kayâ kung hindi isasalin sa mga malaganap na wika ang mga akdang pampanitikang nagmula sa iba’t ibang rehiyon ng Filipinas, mananatili sa limitadong baul ang gayong yaman at hindi mapakikinabangan ng iba pang populasyon.
Ang isa pang impluwensiya ng tinaguriang “pandaigdigang panitikan” ay sa pagpasok ng mga hulagway at alusyong banyaga sa mga lokal na panitikan, gaya sa ating mga dalít at tanaga hanggang awit at korido noong siglo 18, hanggang sa introduksiyon ng nobela at kuwento noong siglo 19-20. Sa ganitong pangyayari, ang pananaw sa daigdig, gaya ng mula sa Imperyong Ottoman at España, ay nagiging lente ng Filipinas na nagbubunga kahit sa pagkabansot ng pambansang panitikan. Maihahalimbawa ang koridong Ibong Adarna, na nagpasok ng mga konsepto ng hari at reyna, paghahanap ng lunas sa sakit, pag-aagawan ng poder, paglapastangan sa magulang o pagtatatwa sa kapatid, bukod sa bulok at rasistang pagtanaw sa ating mga katutubo. Kung ako ay isang kasapi ng liping sabihin nating Agta (na inuuyam din sa taguring “Negrito), marahil ay sinunog ko na ang Ibong Adarna dahil sa paglalarawan nito sa pangkat etnikong Negrito na ginagawang laruan ng hari. Kahit ang ganitong kaikling banggit sa ating mga kapatid na pangkat etniko ay dapat tinutuligsa, dahil sa imperyalistang pananaw, upang mapurga ang baryotikong listahan ng babasahin sa ating sistema ng edukasyon.
Proseso ng Pandaigdigang Panitikan
Problematiko kung gayon kapag tinalakay ang pandaigdigang panitikan, lalo’t tinanggal ang panitikan sa tersiyaryang antas at ibinuhos lahat sa sekundaryang antas—na magpapasakit sa ulo ng DepEd. Hindi natin mababatid ang buong saklaw ng pandaigdigang panitikan hangga’t limitado ang ating bansa sa wikang pinagsasalinan, lalo kung ang pinagsasalinang ito ay Filipino at mga katutubong wika. Wala nang iba pang magagawa kundi sumangguni sa mga tekstong Ingles, at ito ang maglalagay sa balag ng alanganin sa Filipino.
Ang salitang “pandaigdigan” ay patuloy na nagbabago ang pakahulugan, halimbawa sa punto de bista ng mayayaman at ng mahihirap na nasyon, o kaya’y sa mga nasyon na may iba’t iba ang kultura. Sa panig ng mayayaman, ang salin mulang maliit at mahirap na bansa ay maaaring tanawing magaspang, eksotiko, at kakatwa; samantala, ang salin ng tekstong mula sa mayamang bansa ay maaaring tanawing sopistikado, mapanupil, at de-kahon kung sisipatin sa paningin ng mahihirap na bansa. Ang paglulugar sa “pandaigdigang panitikan” ay maaaring nasa konteksto ng “pambansang panitikan” at “lokal na panitikan,” at dito matutuklasan ang iba’t ibang henyo ng kultura, na bagaman nabubukod sa lahat ay makapagluluwal ng unibersal na diwain.
Hangga ngayon, isang pangarap ang pagtuturo ng pandaigdigang panitikan sa wikang Filipino sapagkat walang mayamang malig ng panitikang salin sa Filipino, at may kaugnayan dito ang patakaran at programa ng gobyerno.
Makadaragdag pa ang sagabal na kakaunti ang mga panitikang naisasalin tungo sa mga pangunahing wika ng daigdig—kung isasaalang-alang ang bilang ng mga bansang kasapi o hindi kasapi sa United Nations— at dahil sa pangyayaring ito ay hindi nababasbasáng kanonigo ang naturang mga akda. Isang konsiderasyon dito, pansin ni Tariq Ali, ay kung kikíta ba ang pabliser mula sa paglalathala ng salin, at kung magkano ang mapipiga nito sa bansang tatanggap ng salin. Apektado ang Filipinas sa pangyayaring ito, sapagkat labis tayong nakasalalay sa mga panitikang nasusulat sa Ingles, bukod sa mga duwag sumugal ang ating mga lokal na pabliser. Hindi dapat ipagtaka kung gayon kung limitado ang pumapasok na panitikan sa Filipinas sa pamamagitan ng edukasyon o salin.
Sa US, noong 2008–2017, may 4,592 titulo ng mga aklat na isinalin sa Ingles at nagmula sa ilang bansa, gaya ng China, España, Italy, Denmark, France, Iceland, Mexico, South Africa, Germany, Switzerland, Chile, Austria, Sweden, Serbia at Montenegro, Czech Republic, Romania, Netherlands, Israel, Palestine, Morocco, Brazil, Ukraine, Poland, Pakistan, Djibouti, atbp. Ang mga wikang pinagmulan ng salin tungo sa Ingles ay German, Icelandic, Norwegian, Español, Italian, Arabe, Danish, Greek, Portuges, Swedish, Czech, Russian, French, German, Chinese, Dutch, Bengali, Yiddish, Romanian, atbp.[vii] Sa ganitong pangyayari, makikita na agad ang limitasyon ng mga pagsasalin, at hindi pa napapasama rito ang Filipinas na ngayon ay may mahigit 100 milyon ang populasyon. Nakalulungkot din na kulang ang estadistika sa atin, halimbawa, kung ilan ang nalalathalang saling akda tungo sa Filipino kada taon, at ang ganitong kakulangan sa impormasyon ay dapat tugunin ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), yamang ito ay ahensiyang ang tungkulin ay gumawa ng saliksik at bumuo ng patakarang pangwika na may kaugnayan sa panitikan.
Isinasalin naman sa wikang Arabe ang tinatayang 1,500-2,500 aklat kada taon, ayon sa tantiya ni Richard Jacquemond na isang tanyag na tagasalin[viii]. Higit na malaki ang bilang na ito kung ikokompara sa suma-total ng inilalathalang aklat sa Filipinas sa isang taon, na umaabot sa mahigit 1,500 titulo ng aklat kada taon, ayon sa UNESCO.
Realidad ng pagsasalin sa Filipinas
Mananatili tayong nakasandig sa puta-putaking salin mula sa KWF, na ang mga salin ay kakaunti kung ipagpapalagay na nakapaglalabas ito ng 10-14 titulo kada taon simula noong 2013. Masakit mang tanggapin ngunit ito ang totoo, na ang mahuhusay na tagasalin ay mabibilang mo sa iyong mga daliri—kahit ang mga ito ay kinontrata pa sa kung saang unibersidad o institusyong malapit sa puso ng tagapagpasiya. Ang magandang balita, nagsisimula na ang KWF sa paglulunsad ng mga pagsasanay sa pagsasalin, at may kurso pa ito hinggil sa pagsasalin na maidurugtong sa propesyonalisasyon ng pagsasalin. May hakbang din na magtatag ng Kawanihan ng Pagsasalin, at kaugnay ito sa bisyong Kagawaran ng Kultura na binubuo ng mga burukrata ng gobyerno. Ang lahat ng ito ay mailalangkap sa pambansang adyenda sa pagsasalin, na magmumula sa KWF o sa Pambansang Lupon sa Wika at Pagsasalin (NCLT-NCCA).
Kung kakaunti ang salin ng mga banyagang aklat tungo sa Filipino, ano ang maaasahan ng ating mga estudyante kapag pinag-aralan ang pandaigdigang panitikan sa wikang Filipino? Wala. Natural na sumangguni ang mga estudyante sa mga akdang Ingles sapagkat doon makikita ang iba pang panitikang nagmula sa iba’t ibang wika ng daigdig. Sa ganitong pangyayari, ang ating pagtanaw sa pandaigdigang panitikan ay kumikitid—sapagkat ang “pandaigdigang panitikan” natin ay batay sa Ingles o salin sa Ingles— at kung ano ang pagtanaw ng mga bansang umiingles ay halos hindi nalalayo ang pagtanaw natin sa kanila. Masuwerte na tayo kung sa ilang pagkakataon, na may isa o dalawang akdang mula sa Español o Frances o Aleman o Mandarin ang sinuwerteng maisalin nang buo tungo sa Filipino nang walang interbensiyon ng Ingles. Mabuting halimbawa rito ang ginawa Joaquin Sy, na nagsalin ng mga kuwento ni Ba Jin (Ang Piping Balalaika at iba pang Kuwento, 2017).
Ang limitasyon ng ating bansa ay nasa pagbibigay priyoridad sa Ingles, at pagkaligta sa iba pang wika ng daigdig. Ngunit hindi ito kataka-taka, sapagkat ang Ingles ay wikang imperyal at makapangyarihan na káyang manakop ng mga bansa. Sa ganito ring pangyayari ay lalong nababansot ang Filipino. Kung hindi gagamitin nang puspusan sa pagsasalin ang Filipino, at hindi mailalathala sa palimbag o elektronikong paraan, hindi lalago ang korpus nito, bukod sa mababansot, gaya sa pagtanaw na bakya o baduy, kapag ginamit ang gramatika at sintaks sa gaya ng mga transaksiyon o komunikasyon.
Sa isang artikulong sinulat ni Kai Chan, at nalathala sa World Economic Forum noong 2 Disyembre 2016, ang pagiging makapangyarihan ng isang wika ay maaaring sukatin sa limang aspekto: una, Heograpiya (kakayahang maglakbay); ikalawa, Ekonomiya (kakayahang makilahok sa ekonomiya); ikatlo, Komunikasyon (kakayahang makapagdiyalogo); ikaapat, Karunungan at Midya (kakayahang kumonsumo ng kaalaman at midya; at ikalima, Diplomasya (kakayahang makiharap sa mga ugnayang pandaigdig)[ix]. Kabilang sa 10 nangungunang bansa ang Ingles, Mandarin, Frances, Español, Arabe, Ruso, Aleman, Hapones, Portuges, at Híndi. Ang mga wikang ito ang pinagmumulan ng panitikang pandaigdig, at batay sa volyum ng mga panitikang mula sa iba’t ibang bansa ay nagagamit ang gayong mga wika bilang midyum ng pagsasalin.
Kung babalikan ang pag-aaral ng panitikang pandaigdig sa Filipinas ay mapapansing wala pa tayo sa kalingkingan kung ihahambing sa ibang bansa— kung ipagpapalagay na may 20 aklat ang naisasalin sa Filipino kada taon. Naipagkakait sa atin ang mga pambihirang panitikang nasususulat kahit sa 10 wikang binanggit kanina. Ngunit higit pa rito, maliit na bahagi ang ating nababatid sa panitikang pandaigdig dahil kulang na kulang ang mga salin ng mga panitikan tungo at palabas sa Filipino. Ano ang maaasahan natin sa ating mga pag-aaral? Kumikitid ang ating pagtanaw sa pag-aaral ng panitikang pandaigdig, dahil kulang ang materyales sa Filipino, at dapat tanggapin natin na tayo’y nagiging baryotiko habang tumatagal.
Ang tinaguriang globalisasyon ng panitikan, kung hihiramin ang dila ni Tariq Ali, ay nagreresulta para ang mga akda ay maging de-kahon o magkaroon ng kompartmentalisasyon sa bawat bansa, kaya higit nagiging baryotiko ang pagtanaw sa kultura.[x] Idaragdag ko rito na hindi lamang nagiging de-kahon, bagkus nasasalà nang husto at hindi nakatatagos ang mga akdang makayayanig sa status quo. Ayon sa International Monetary Fund (IMF), ang “globalisasyon” ay may kaugnayan sa kalakalan, pamumuhunan, migrasyon ng mga tao, at pagpapakalat ng impormasyon sa pamamagitan ng teknolohiya.[xi] Ang globalisasyon ng panitikan ay hindi masasabing patas—na may malayang palitan ng karunungan at impormasyon—bagkus pumapabor sa mayayamang bansa na ang wika ay ginagamit sa mga dominyo ng kapangyarihan, gaya ng kalakalan, edukasyon, impormasyong teknolohiya, at transportasyon, at may mga teknolohiyang umaagapay sa kanilang idea at akda. Sa Filipinas, makatutulong nang malaki sa bansa ang paggamit ng Filipino sa mga dominyo ng kapangyarihan, at pangunahin na rito ang wika ng gobyerno, edukasyon, at kalakalan.
Hindi makaaasa kung gayon na mabása sa Ingles ang mga manunulat na intelektuwal halimbawa sa Iran o Egypt o Syria o Africa o Hilagang Korea o Russia, at higit na pipiliin ang mga awtor na makapagluluwal ng mga aklat na hindi malayo sa hinagap o makasasaling sa sensibilidad ng publikong mambabasa ng America at kapanalig nito. Ang resulta nito ay hindi natin nauunawaan nang malawak ang ibang kultura sa ibang bansa. Hindi sapat ang Internet para malunasan ang ating katangahan. Kinakailangan ang produksiyon ng higit na maraming libro, na higit sa interes ng DBM o o NBDB[xii] o lokal na pabliser o ng kung sinumang opisyal na gobyerno na may palimbagan at negosyo sa paglilibro.
Ang pangyayaring hindi natin nababása sa ating wika ang mga aklat na nasusulat sa iba’t ibang wika at mula sa iba’t ibang kultura ay malaking sagka sa ating pag-unlad. Nabibigong mahikayat ang mga kabataan nating mag-aral ng iba’t ibang wika sa iba’t ibang panig ng mundo dahil bakit mag-aaral kung salat naman sa libro? Nababansot tayo sapagkat hindi natin nababása ang mga intelektuwal na manunulat sa Ewropa, Asia, Africa, Hilaga at Timog America, Australia, at Antartica. At aminin natin na kakaunti ang ating nalalaman sa pandaigdigang panitikan sapagkat matamlay ang mga pagsasalin na ginagawa tungo sa Filipino at mga katutubong wika, o sabihin nang kahit sa Ingles. Kung kakaunti ang salin sa Filipino o kaya’y Ingles ng mga akdang nagmula sa iba’t ibang bansa, ang ating mga estudyante ay parang isang pangkat ng bulag na sumasalat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ng elepante, kung hihiramin ang isang matandang kuwentong Budista, at depende sa masalat nila o maamoy ay ibabatay doon ang kani-kaniyang pagkilala hinggil sa elepante.
Ang pagsasalin bilang ambag sa pagbabago
Gayunman, may ilang pagtatangka na isalin sa Filipino ang mga internasyonal na manunulat, at ito ang matutunghayan sa salin ng mga tula ni Mao Zedong na pinamagatang KAMAO: Salin ng mga Tula ni Mao Zedong (Aklatang Bayan, 2012), at ng mga rebolusyonaryong Vietnamese na salin ni Mykel Andrada. Ang unang antolohiya ay salin ng mga aktibistang makata, samantalang ang kay Andrada ay salin dahil sa pangangailangan sa kaniyang kurso. Ang limitasyon ng ganitong koleksiyon ay nakapokus sa layuning pampolitika, at hindi naibibilang ang mga tula na waring lumilihis sa itinatadhana ng partido. Samantala, ang KWF ay naglabas din ng mga salin, gaya ng mga nobela, kuwento, at tula, na ang konsiderasyon ay maipakilala sa madla ang mga hiyas ng panitikang internasyonal. Halimbawa na rito ang Sa Prága: Mga Piling Tula ni Jaroslav Seifert, na bagaman dating kasapi ng Partido Komunista ay kamangha-manghang nakapagsulat din ng mga paksang matalik sa puso at guniguni ng kaniyang mga kababayan sa Czech Rapublic.
Kung babalikan ang kasaysayan ng Filipinas, ang mga lokal nating manunulat noong bungad ng siglo 20 ay nagsalin ng mga akdang pampanitikan sa Tagalog at iba pang wikang katutubo. Halimbawa, ang Divina Comedia ni Dante Alieghieri ay hinalaw ni Conrado S. Acuña; hinalaw ni Isaac Dizon (alyas Anak-Bayani) ang Decameron ni Boccacio; hinalaw ni Gerardo Chanco ang Las damas de las camelias ni Alejandro Dumas, at isinalin ng iba pang awtor ang mga kuwentong Frances, Aleman, Americano, Español, Arabe, atbp. Para kay Dionisio San Agustin, ang pangulo noon ng kapisanang Aklatang Bayan, ang mga pangunahing layunin ng pagsasalin o paghahalaw ng mga akdang banyaga nang panahong iyon ay ang sumusunod: una, magaang na maunawaan ng mambabasang Tagalog ang ibang akdang mula sa ibang bansa; ikalawa, mapalaganap at malinang ang Tagalog bilang isang wikang pambansa; ikatlo, maunawaan kahit paano ang mga dayong kultura at pananaw; at ikapat, makatulong sa pagpapapaunlad ng katutubong kabihasnan habang gamit ang sariling wika.[xiii] Ang winika ni San Agustin ay totoo pa rin magpahangga ngayon.
Magpapatuloy ang pagsasalin, at isa ang PAKSA (Panulat para sa Kaunlaran ng Sambayanan) na maglulunsad ng programadong pagsasalin ng mga akdang pampanitikang kumikiling sa simulaing mapaghimasik noong dekada 1970-1980. Nais ng PAKSA, ayon kay Jose Ma. Sison, na lumikha ng mga huwarang akda, mula man ito sa salin, na pawang makapagmumulat sa masa.[xiv] Ngunit hindi ito magtatagal, dahil na rin sa internal na di-pagkakaunawaan ng mga magkakapartido.
Magpapatuloy ang proyektong pagsasalin sa panig ng UMPIL (Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas), na pangungunahan ni Virgilio S. Almario, at ilan ang mailalathalang antolohiya at aklat. Maisasalin sa Filipino ang mga akdang pampanitikang internasyonal, sa ayuda na rin ng gaya ng UNESCO, ASEAN, at iba pang ahensiya. Itatatag ang UNTAP (Unyon ng mga Tagasalin sa Pilipinas) na pinamunuan noon ni Teo T. Antonio, at makahihikayat ng mga bagong tagasalin mulang akademya. Ang nakalulungkot ay magiging limitado ang pagpapalaganap ng mga sipi ng salin, at hindi naipalaganap nang lubos sa buong kapuluan ang mga aklat o babasahin.
May ibang ahensiya, gaya ng UP Sentro ng Wikang Filipino na noong 2000 ay naglunsad ng seryeng Aklat Bahandi na binubuo ng mga salin sa Filipino ng mga akdang internasyonal. Ang mga saling aklat na ito ang magagamit sana sa pagtuturo ng panitikan sa sekundarya at tersiyaryang antas. Masigla noong una ang produksiyon nito, sa pamumuno ni Dr. Mario I. Miclat, ngunit nang magpalit ng administrasyon at presidente ang UP, naglaho rin ang nasabing proyekto dahil sa matamlay na suportang pinansiyal ng nasabing unibersidad.
Kung iisipin natin, ang limitasyon ng ating pagtanaw sa panitikang pandaigdig ay nagbubunsod din para ang pagtuturo natin ng “panitikang pandaigdig” ay maging de-kahon habang tumatagal. Ang panitikang pandaigdig natin ay Americasentriko, at hindi Ewropeosentriko o Asiasentriko, dahil manipis ang ating pagkilala sa mga panitikang nasa Ewropa kung pagbabatayan ang kasalukuyang kurikulum sa hay-iskul o kolehiyo. Nagiging kasangkapan din ang salin sa mga layuning pampolitika, at ito marahil ay sanhi ng pakikibaka ng mga manunulat laban sa Batas Militar at buntot ng diktadura. Sa ilang pagkakataon, ginawang raket ang pagsasalin, kaya ang mga proyektong pagsasalin ay di-naiiwasang mapunta sa kamay ng ilang tagasalin lamang.
Negosyo ng mga Aklat
Ayon kay Tariq Ali, ang panitikang pandaigdig ay naididikta ng gaya ng New York Times Best Seller list, at ito ay may kaugnayan sa merkado. Halimbawa, ang bestseller na Go Set a Watchman ni Harper Lee ay nakapagbenta ng 1.6 milyong sipi noong 2014. Kung hindi kumikita ang isang aklat, makaaasa na hindi ito magkakapuwesto sa mga bukstor. Ang isang manuskrito ay kinakailangang ipagdasal na mapansin ng pabliser, at hindi kataka-taka na kahit ang mga awtor na Frances ay nagmamakaawa ngayong malathala sa US. Hindi ito katulad dati, na kung ibig mong manalo ng Nobel Prize in Literature, kinakailangan ka munang maisalin sa Frances, sapagkat ang Frances ang wika ng intelektuwal.
Ano ba ang nasa New York at bakit ito ang tinataguriang Mecca sa publikasyon ng mga panitikan? Matatagpuan sa New York ang 167 bigatin at independiyenteng pabliser ng mga aklat, at kabilang dito ang mga higanteng gaya ng Oxford University Press, Pantheon, Penguin Group, Picador, Random House, W. W. Norton & Company, Vintage/Anchor, Scholastic Coporation, atbp. Bilyon-bilyong dolyar ang kinikita ng industriya sa US, at noong 2014 ay kumita ito ng $27.99 bilyon.[xv] Ang isang aklat sa US sa nasabing taon ay may average na halagang $15.50 kada aklat (pulp fiction), o katumbas ng P 808.56 kada aklat; samantalang ang may matigas na pabalat (hard cover) ay $26.67 kada aklat, o katumbas ng P1,391.24 dito sa Filipinas.
Sa Filipinas, kinakailangan kang manalo sa gaya ng Palanca para mapansin ng pabliser, o kaya’y ng NBDB National Book Award upang ang iyong aklat ay magkaroon ng promosyon sa merkado, bukod sa maisasaalang-alang ng DepEd o CHED na magamit bilang sangguniang aklat, at bilhin pagkaraan ng mga aklatang akademiko sa buong bansa. Kailangan ka ring kumabit sa mga maykapangyarihan para malathala, at isang daan nito ay paglahok sa mga grupo ng mga manunulat o tagasalin. Ganito ang realidad sa Filipinas sapagkat negosyo rin ang pagsasalin.
Sa ating mga pangunahing bukstor, ang matutunghayan nating mga aklat na itinatanghal sa mga estante ay yaong na NYT Best Seller List din. Hindi susugal ang ating mga bukstor na bumili ng aklat na hindi napapansin ng New York Times, o kaya’y naisapelikula, gaya ng Lord of the Rings (1937–1949) ni J.R.R. Tolkien, at higit na papaboran ang gaya ng mga nobelang romanse kaysa antolohiya ng mga kuwento o dula, halimbawa ukol sa Lebanon. Gayunman, may ilang tindahan gaya ng Solidaridad, na maghahain ng ibang putaheng pampanitikan. Ang ibang tindahan ay nagbebenta ng mga segunda manong aklat na hinakot wari sa ukay-ukay o tambakan ng basura sa US. Kahit ang mga isinasaling aklat ng KWF ay makikita rin ang bersiyong Ingles sa gaya ng National Bookstore. Mahilig tayong manggaya, at kung minsan, hindi natin alam na inilalathala yaon nang hindi sinusuri nang maigi ng pabliser at pinagbabatayan lámang kung mabilis tumakbo ang aklat sa merkado.
Nakatatakot ang ganitong pangyayari. Halimbawa, kapag isinalin sa Filipino ang To Kill a Mockingbird (1960) ni Harper Lee, masasagap ng mga Filipino kahit ang rasistang pagtanaw at ang pangingibabaw ng puti sa itim na lahi, at ang puti ay waring siyang laging tagapagligtas ng itim o Negro na umiiral lámang para magdulot ng kaliwanagan sa puti.[xvi] Estereotipo at walang latoy ang pagkakalarawan sa mga Negro sa nobelang ito, at waring umiiral para kaawaan ng puti, pansin ng sanaysayistang si Anjali Enjeti.
Usapin sa Karapatang-intelektuwal
Nagkakaroon pa ng suliranin kapag pinag-usapan ang mga intelektuwal na pag-aari sa mga akda, kayâ ang isang banyagang akda ay hindi agad makatagos sa ating wika dahil sa lintik na legalidad. Ang isang pabliser o tagasalin ay kinakailangang humingi ng permiso (at magbayad) sa mga kontemporaneong awtor o kaya’y pabliser o fundasyon nito para maisalin sa Filipino o katutubong wika ang kanilang akda. May kontrata sa pagsasalin at paglalathala, at ito ang pahirap sa panig ng mga lokal na pabliser. Wala sanang problema sa aspektong ito. Ngunit kung ang legalidad lagi ang pagbabatayan para tayo makapagsalin, maipagkakait sa atin ang mayamang malig ng daigdig. Sa aking palagay, ang pagsasalin ng mga kontemporaneong akda na mula sa maykayang bansa ay hindi dapat masagkaan ng usaping pinansiyal. Kinakailangang manghimasok kahit ang ating gobyerno—sa pamamagitan halimbawa ng KWF o NBDB o NCCA— para makapagsalin nang walang humpay ang mga Filipino.
Ang isa pang sagabal ay umaabot o lumalampas kung minsan ng isang buwan ang isang awtor o pabliser kung pahihintulutan nito ang pagsasalin ng kanilang akda. Kung ikaw ay matatakuting lokal na pabliser ay masisiraan ka ng loob sa labis na bagal ng pagsagot mula sa hinihingan ng permiso, bukod sa mahal ang bayad sa karapatan sa pagsasalin. Ang ginagawa ng ilang lokal na pabliser ay isaad na ang salin ay nakalaan para sa layuning pang-edukasyon lamang.
Kung babalikan ang kasaysayan ng pagsasalin sa Filipinas, walang ganitong problema noon. Halimbawa, noong bungad ng siglo 20 ay nailalathala sa mga pahina ng El Renacimiento at Muling Pagsilang ang mga tula ni Eugene Field at ni Emperor Mutsuhito nang walang hinihinging permiso mula sa mga orihinal na awtor. Editor at peryodista si Field, na mahilig sumulat ng tulang pambata, bukod sa ang ilang tula ay nilapatan ng musika o kaya’y ilustrasyon, at kabilang sa St. Louis Walk of Fame. Samantala, si Emperor Mutsuhito ang ika-122 emperador ng Japan, at sa kaniyang pamamahala ay napaghunos niya ang kaniyang bansa mula sa pagiging bukod tungo sa pagiging bukás at moderno. Ang pagsasalin ng mga tula, kuwento, at dula ay sisigla bago at makaraan ang Ikalawang Digmaang Pandaidig, at magsasagawa pa ng mga patimpalak, gaya ng timpalak ng salin ng Don Quixote ni Miguel Cervantes. Magwawagi ang grupo nina Dionisio San Agustin, Cirio H. Panganiban, Teodoro E. Gener, at Buenaventura G. Medina dahil sa kanilang rendisyon ng Ang Palaisip na maharlikang si Don Quijote de la Mancha (1940). Ang nakapagtataka’y hindi na nakapaglabas ng iba pang modernong salin ng Don Quixote na aangkop sa kasaluyang panahon.
Mahalaga ang Don Quixote sapagkat ito ang kauna-unahang modernong nobela na kinilala sa buong daigdig. Ang pinapangarap noong España ni Don Quixote ay may toleransiya, na ang mga kultura ng Kristiyano, Hudyo, at Muslim ay umiiral nang magkakatabi at payapa, imbes na magkakabukod, nagbabakbakan, at watak-watak. Mula sa pagsasanib ng mga kultura, ani Tariq Ali, ay sumilang ang kulturang Al Andalus (Muslim Spain o Muslim Iberia). Si Miguel de Cervantes, na nagkukuwento ng buhay ni Don Quixote, ay nagsaad na hindi sa kaniya nagmula sa kuwento bagkus sa isang Moro. Ang nobela kung gayon ay mahihinuhang hindi basta ukol sa pagiging kabalyero o matapat na Kristiyano (dahil nabaliw si Don Quixote sa kababasa ng mga basurang librong romanse na mahihinuhang doble-karang aklat relihiyoso), bagkus hinggil sa pagsasaharaya ng isang ideal na daigdig na higit sa maihahain ng isang pananalig o kultura.
Paglampas sa Legalidad
Ang kinakailangan ng ating bansa ay makalundag sa legalidad na may kaugnayan sa karapatang intelektuwal nang sa gayon ay makapagsalin nang malaya ang malaking populasyon ng mga Filipino. Sa panig ng KWF, imbes na magsalin ito ng sertipiko at ilang dokumento mula sa ibang ahensiya ng gobyerno, ito ay dapat gumagawa ng mga patakaran at patnubay na batay sa saliksik upang ang pagsasalin ay maging malaya at katanggap-tanggap sa mga unibersidad at kolehiyo, bukod sa mahimok ang mga pribadong indibidwal o korporasyon o kaya’y grupo ng mga pabliser na mag-ambag sa pagsasalin.
Ang programa sa pagsasalin ay maaaring isaalang-alang ang paglalathala ng 5,000 titulo o higit pang aklat sa loob ng tatlo o limang taon, sa tulong ng mga estadong unibersidad at kolehiyo, at may subsidyo mula sa gobyerno o pribadong sektor. Ang isa pang magagawa ay muling buhayin at gawing obligatoryo ang mga kurso sa pagsasalin, upang ang pagsasalin ay hindi lamang maging elective subject sa kolehiyo o senior high school bagkus isang nagsasariling larang.
Kung ang bawat Estadong Unibersidad at Kolehiyo ay makapaglalabas ng isa o dalawang salin ng mga akdang internasyonal kada taon, malulutas ang problema natin ukol sa panitikang pandaigdig sa loob ng limang taon.
Nakalulungkot na kung babalikan ang librong Apat na Siglo ng Pagsasalin, ang Bibliograpiya ng mga Pagsasalin sa Filipinas (1593-1998), ni Dr. Lilia F. Antonio, matutunghayan doon na may tinatayang 1,060 titulo ng mga akda ang naisalin sa Filipino. Sa loob ng apat na siglo, pansin nga ni Dr. Mario I. Miclat, halos dalawang aklat o titulo kada taon ang naisasalin sa loob ng 400 taon.[xvii] Higit na marami pa rito ang isinasaling aklat pampanitikan sa Ingles sa US sa loob ng limang taon (2008-2017), at walang sinabi sa mga salin sa wikang Arabe. Mahihinuha na sa estado ng pagsasalin sa Filipinas, ang pagiging makitid ng ating pagtanaw sa daigdig ay tumitingkad, at hindi maikukubli ang ating saliwang pagpapahalaga ukol sa panitikan at mga wika ng daigdig, o kaya’y sa edukasyon sa pangkalahatan.
Pagsasalin bilang Pangkatang Gawain
Kailangan nating tanggapin na ang pagsasalin o ang paghahasa sa mga tagasalin ay hindi lamang trabaho o tungkulin ng KWF. Hinihingi ng panahon na buksan natin ang ating loob at isip hinggil sa posibilidad ng malawakang pagsasalin, na pinopondohan nang malaki ng gobyerno at tinatangkilik ng pribadong sektor, para sa kapakanan ng ating mga estudyante at guro. Binuksan ko ang usaping ito sapagkat kung nais nating pasiglahin ang pagtangkilik sa mga banyagang panitikan, kinakailangan nito ang katumbas na pagsisikap ukol sa pagsasalin.
Sa mikrokosmong pagdulog, ang isang guro na makapagtuturo nang mahusay na pagsasalin, ay maaaring makahikayat sa buong klase niya na binubuo ng 50 kabataan na bumuo ng mga salin. Ang pagsasalin ay maaaring maging pangkatang gawain, at kung ang bawat pangkat ay may tiglilimang kasapi, makabubuo agad ng 10 akdang salin na maituturing na antolohiya at maaangking proyekto ng lahat. Ang proseso ng pagtuturo ay maaaring nasa anyo ng palihan [workshop], at hindi mahalaga ang pagtatamo ng mataas na grado bagkus ang pagkatuto sa esensiya ng pagsasalin. Bukod pa rito ay matuturuan ang mga estudyante kung paano tumanaw ang isang editor ng antolohiya, na hindi lamang maalam sa wika, bagkus sa konsistensi sa estilo, anyo, at gamit ng mga salita o jargon.
Ang modernong rebolusyon na may kaugnayan sa mass media at Internet ay nakapag-ambag nang malaki sa pagsasalin. Pinalitan ni Mark Zuckerberg si Johanne Gutenberg, at dinanas natin kahit ang masaklap na pangyayari ukol sa mga pekeng balita at akda. Ngunit higit pa rito, ang Internet ay nagpapadaloy ng malayang impormasyon, kaya ang isang akdang banyaga ay maaaring magkaroon ng katumbas sa Filipino sakali’t ito’y isalin at ilathala sa elektronikong paraan. Kung gagamitin sa positibong paraan ang Internet, ang mga salin sa Filipino ay maipalalaganap nang lubos hindi lamang sa Filipinas bagkus maging sa iba’t ibang panig ng daigdig.
Sa isang klase ng mga estudyante, ang Internet ay maaaring maging lunsaran ng isang kolektibong publikasyon at dito matitingnan ng guro ang progreso ng kaniyang mga estudyante. Ang paglalathala—sa ayaw man natin o gusto—ay hindi lámang matatagpuan sa palimbag sa papel na pamamaraan, bagkus sa elektronikong paraan. Mahalaga pa rin sa aking palagay ang mga imprenta, ngunit hindi matatawaran ang impormasyong teknolohiya na higit na nagiging malaya ang pagtatamo ng akdang pampanitikan mula sa iba’t ibang bansa, at makapagpapadali sa gawain ng mga estudyante.
Sa mga paaralan na hindi pinapalad na maabot ng Internet, ang magagawa natin ay ang pagbabalik sa lumang paraan ng pag-aaral. Kabilang dito ang paglalaan ng oras sa pagbabasa ng mga aklat, ang pagpapalalim ng bokabularyo ng bawat kasapi, ang talakayan sa loob ng pangkat hinggil sa nilalaman o anyo ng akda, at ang pagsasaalang sa lente ng pagbasa, halimbawa kung ano ang nararapat na pagdulog o teorya na magagamit sa pagbasa. Matuturuan sa ganitong paraan ang mga estudyante nang walang pakialam sa mga grado o award, at ang higit na mahalaga ay naitatampok kung naunawaan nga ba talaga ng isang estudyante ang aklat na kaniyang binása.
Tungo sa Ibayong Pagsasalin
Ang isang university press sa Filipinas ay masuwerte nang makapaglimbag ng 2-3 na titulong salin sa isang taon. Kung ang nasabing palathalaan ay madaragdagan pa ang salin at maging 20 kada taon, mapupuwersa ito tungo sa malikhaing promosyon at distribusyon ng mga aklat. Ngunit hindi ito nagaganap. Hindi na sapat ngayon ang maglathala ng 500-1,000 sipi, bagkus panahon nang maglathala ng tig-25 libong sipi bawat titulo upang madaling maabot ang pangarap na 1 milyong aklat kada taon.
Kapag pinag-aralan na ang konsepto ng pandaigdigang panitikan pagsapit sa mga silid aralan ay nagkakaroon na ng problema kung iuugnay dito ang wika o mga wikang pinagmumulan ng nasabing larang. Ito ay sapagkat ang pandaigdigang panitikan ay nakasalalay sa wika ng pinagsasalinan, pansin ni Tariq Ali, at depende sa volyum ng salin ng mga akda ay mababatid natin kung ano ang nilalaman ng mga malikhaing akda sa iba’t ibang panig ng daigdig. Halimbawa, hindi kilala sa Filipinas si Adonis (Ali Ahmad Said Esber) na isang rebeldeng makata ng Syria, kahit ang taong ito ay tinitingalang pinakadakilang makata sa modernong panahon sa hanay ng mga bansang ginagamit ang wikang Arabe. Ang kakatwa’y ni hindi siya manalo ng Nobel Prize in Literature (at nauna pa si Bob Dylan), subalit hindi ako nagtataka dahil ang nasabing parangal ay mula sa umimbento ng dinamita na kung hindi lumipol ng mga tao kapag may digmaan ay ginagamit sa pangingisda ng mga tiwaling propitaryo.
Ang Filipino, at iba pang pangunahing katutubong wika sa Filipinas, ay dapat magkaroon ng programadong pagsasalin ukol sa panitikang pandaigdig, na ang network ay tumatagos hanggang pamayanan, upang maunawaan ang sari-saring kultura at kasaysayan ng bawat bansa o nasyon, at nang lumawak ang ating pagtanaw bilang mamamayang kabilang sa sandaigdigan at bilang isang Filipino. Ang trabaho ng pagsasalin ay hindi nangangailangan ng titulong Masterado o Doktorado, bagkus ay patuluyang pagsasanay sa mga aktuwal na pagsasalin na mailalathala sa papel o sa elektronikong anyo. Ito ay upang salungatin ang namamayaning gahum ng globalisasyon na “walang pakialam” sa kultura, bagkus kumita.
Waring hindi nasusupil ang agos ng intoleransiya mula sa malalaking negosyo, at ang nakikita nating problema kahit sa diskurso ng “bagani” ay dahil sa ating baluktot na pagtanaw at mala-Hollywood na pagdulog sa ating mga aliwan, gaya ng telenobela, pelikula, at timpalak sa telebisyon. . . .
Ibig kong wakasan ang aking papel sa pagsasabing ang panitikan saanmang bansa ito nagmula ay nagiging pandaigdigan pagsapit sa Filipinas kapag ito ay naisalin sa Filipino o sa mga katutubong wika ng Filipinas. Sa pagsasalin, ang isang banyagang akda ay nagkakaroon ng lokal na testura at kulay, upang umangkop kahit paano sa konsepto na taglay ng wikang pinagsasalinan. Kung hindi ito magaganap, mananatiling nasa literal na pakahulugan ang salin, at lilitaw ang kahinaan ng isang akda kahit hindi karapat-dapat ang gayong pagtaya. Nakatutulong din ang pagsasalin para umunlad ang mga lokal na panitikan hinggil sa korpus ng mga salita, pakahulugan, at pahiwatig, at lumawak ang ating pagtanaw sa daigdig.
Sa ating panig, hinihintay tayo ng panahon na mag-ambag sa ating sari-sariling mga pamamaraan. Huwag na tayong umasa pa sa gobyernong bulok, o ipinapalagay ng ilang kritiko, na bulok. Sapagkat sa bandang huli, ang importante ay may masimulan, anuman ang antas ng ating kaalaman at kasanayan ukol sa pagbabasa, pagsusuri, at pagsasalin ng mga akdang dayuhan. Ang pagsasaayos ng ating kurikulum ukol sa pandaigdigang panitikan ay tungkulin nating lahat, at kung gayon, natural na hinihingi ang inyong pakikiisa sa ganitong gawain.
Mga Talâ
[i] Silk Road—sinaunang ruta ng kalakalan, mulang China hanggang Turkey at Mediterannean. Ang ruta ay aabot Ewropa, Arabia, at Hilagang Africa.
[ii] Dakilang manunulat mulang Germany, isinilang noong noong 1749 at yumao noong 1832.
[iii] Hendrik Birus, “The Goethean Concept of World Literature and Comparative Literature” page 2 of 8 CLCWeb: Comparative Literature and Culture 2.4 (2000), p. 2.
[iv] Ibid, p. 3.
[v] Eckermann, Johann Peter. Gespräche mit Goethe in den letzten Jahren seines Lebens. Ed. Regine Otto and Peter Wersig. Berlin: Aufbau, 1987, p. 198. Matatagpuan din sa Hendrik Birus, “The Goethean Concept of World Literature and Comparative Literature” p. 8 CLCWeb: Comparative Literature and Culture 2.4 (2000).
[vi] British-Pakistani na manunulat at intelektuwal, at kinikilalang kritiko at historiyador sa kasalukuyan.
[vii] Complete Database Translation, na may petsang 13 Agosto 2017, at nalathala sa Three Percent: A Resource for International Literature at the University of Rochester, hinango noong 30 Marso 2018, 10 am.
[viii] Basahin ang The Arabist, sa https://arabist.net/blog/2010/11/4/new-numbers-on-translations-into-arabic.html na hinango noong 13 Agosto 2017, 10 am.
[ix] Basahin ang “These are the most powerful languages in the world,” na nalathala sa World Economic Forum noong 2 Disyembre 2016. Tingnan ang https://www.weforum.org/agenda/2016/12/these-are-the-most-powerful-languages-in-the-world/ na hinango noong 26 Marso 2018, ganap na alas-onse ng gabi.
[x] Hango sa lektura ni Tariq Ali na pinamagatang “World Literature and World Languages,” sa University of London noong 2013. Mapapanood ito sa https://www.youtube.com/watch?v=NaP0KEwdGro.
[xi] Mula sa International Monetary Fund (IMF). Basahin ang http://www.imf.org/external/np/exr/ib/ 2000/041200to.htm, na hinango noong 30 Marso 2018, 9:22 am.
[xii] NBDB, daglat ng National Book Development Board.
[xiii] Basahin ang introduksiyon ni Roberto T. Añonuevo sa salin ng nobelang La Hija del Cardenal ni Felix Guzzoni (Ang Anak ng Kardenal) ni Gerardo Chanco na inilathala ng Ateneo de Manila University Press noong 2007. Ang Aklatang Bayan ay binubuo ng 42 manunulat na Tagalog, na ang karamihan ay marunong magsalin ng akdang nasusulat mulang Español, Ingles, Aleman, Frances, Hapones, atbp.
[xiv] Basahin ang “Mensahe sa PAKSA Hinggil sa mga Tungkulin ng mga Kadre sa Larangan ng Kultura,” ni Prof. Jose Maria Sison, at may petsang 20 Disyembre 1971. Muling nalathala sa Aklatang Tibak (https://aklatangtibak.files. wordpress.com/2017/05/mensahe-sa-paksa-hinggil-sa-mga-tungkulin-ng-mga-kadre-sa-larangan-ng-kultura.pdf) na hinango noong 29 Marso 2018, 7:27 pm.
[xv] Hango sa datos ng GBO New York, German Book Office. Matutunghayan sa https://buchmesse.de/images/fbm/dokumente-ua-pdfs/2016/book_market_us_jan_2016_56617.pdf na hinango noong 2 Abril 2018, 4 pm.
[xvi] Basahin ang maikling kritika ni Anjali Enjeti na pinamagatang “It’s time to diversify and decolonise our schools’ reading lists,” na nalathala sa Al Jazeera.com. Tingnan ang https://www.aljazeera.com/indepth/opinion/time-diversify-decolonise-schools-reading-lists-180318100326982.html na hinango noong 31 Marso 2018, 1:02 am.
[xvii] Basahin ang “In Focus: Translations into Filipino,” ni Mario I. Miclat, Ph.D., na nalathala sa websayt ng National Commission for Culture and the Arts noong 26 Pebrero 2015. Matutunghayan sa http://ncca.gov.ph/about-culture-and-arts/in-focus/translations-into-filipino/ na hinango noong 30 Marso 2018, 4:48 pm.