Baybay Dover, ni Matthew Arnold

 Salin ng “Dover Beach,” ni Matthew Arnold ng United Kingdom
 Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Baybay Dover
  
 Panatag ang dagat ngayong gabi.
 Malakas ang táog, mabining nakahimlay ang buwan
 Sa mga kipot; sa baybaying Frances, kumukutitap
 Ang liwanag at naglalaho; matitikas ang buról ng England,
 Kumikislap at napakalawak, doon sa kalmanteng look.
 Dumungaw sa bintana. Kay sarap ng simoy-gabi!
 Gayunman, mula sa mahabang linya ng sabukay
 Na ang dagat ay lumalapit sa lupang sablay ang buwan,
 Makinig! Titiisin mo roon ang nakangingilong atungal
 Ng mga grabang itinataboy ng mga alon, at ipinupukol.
 Sa pagbabalik ng mga alon, doon sa kinapadparan,
 Nagsisimula, at humihinto, at magsisimula muli,
 Sa mabagal na kumakatal na indayog, ang paghahatid
 Ng eternal na nota ng kalungkutan.
  
 Narinig ito ni Sopokles noong unang panahon
 Doon sa laot ng Egeo, at pumasok sa kaniyang isip
 Ang labusaw ng táog at káti
 Ng mga gahamang tao; natuklasan din natin 
 Sa pamamagitan ng tunog ang kaisipan,
 At narinig yaon sa malayong panig ng hilagang dagat.
  
 Ang Dagat ng Pananampalataya’y
 Minsan ding sukdulan, at ang pasigan ng mundong bilog
 Ay nakalatag gaya ng pileges sa puting bilot na bigkis.
 Ngunit ngayon ang tangi kong naririnig
 Ay hinaing nito, ang mahaba, lumalayong atungal,
 Umuurong, kasabay ng buga ng hininga
 Ng simoy-gabi, pababa sa malawak na gilid na malamlam
 At lastag na bulutong ng daigdig.
  
 Ay, mahal, maging totoo nawa tayo
 Sa isa’t isa! Yamang ang daigdig, na wari’y
 Lumiliwanag sa atin tulad ng lupain ng mga pangarap,
 Iba-iba, napakasariwa, napakaganda,
 Ay sadyang salát sa tuwa, ni layaw o kaya’y gaan,
 Walang katiyakan, walang kapayapaan, ni gamot sa kirot;
 At narito tayo na parang nasa dumidilim na kapatagan,
 Nalulunod sa pagkabahalang tuliro sa pakikibaka at pagtakas
 Na kinaroroonan ng mga gagong hukbong nagtatagis sa gabi. 
Alimbúkad: Poetry translation challenge for a better Filipino. Photo by Anand Dandekar on Pexels.com

Ang Tinig na Hiram Ko sa Iyo, ni Pedro Salinas

Salin ng ikalabindalawang yugto ng “La voz a ti debida”  
ni Pedro Salinas ng España / Spain
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Ang Tinig na Hiram Ko sa Iyo
  
 12
 Hindi kailangan ang panahon
 upang mabatid ang kahawig mo:
 Magkakilala tayo gaya ng kidlat.
 Sino ang susubok na maarok ka
 sa mga salitang hindi sinasabi
 o kaya’y pinipigil mong sabihin?
 Sinumang naghahanap sa búhay
 na isinasabuhay mo ngayon ay taglay
 ang mga alusyon hinggil sa iyo,
 ang mga palusot na kinukublihan mo.
 Ang bumuntot sa iyo sa lahat 
 ng nagawa mo na, ang magdagdag 
 ng kilos para makuhang ngumiti,
 ng mga taon sa mga pangalan,
 ay paglapit para mawala ka. Hindi ako.
 Dumating ako sa iyo na bagyo.
 Nakilala kita, nang kay bilis,
 noong brutal na napupunit
 ang takipsilim at liwanag,
 na ang lalim na tumatakas
 sa araw at gabi ay nabubunyag.
 Nakita kita’t nakita ako, at ngayon,
 hubad sa lahat ng walang katiyakan,
 ng kasaysayan, ng nakalipas,
 ikaw, amasonang sakay ng kidlat,
 pumipitlag ngayon mula sa hindi
 inaasahang pagdating,
 napakasinauna ka para sa akin,
 kilala na kita nang napakatagal;
 na nakapipikit ako sa iyong pag-ibig,
 at nakalalakad nang tama at ligtas
 sa pagkabulag ko; walang may ibig
 sa gayong mabagal, tiyak na sinag
 na alam ng mga tao ang kahihinatnan
 ng mga titik, anyo, at pigura,
 at naniniwala na kilala ka nila,
 kung sino ka, ang aking tagabulag.
   
Alimbúkad: Ultra-passionate poetry beyond your textbook. Photo by Dave Morgan on Pexels.com

Hugis at Pag-ibig, ni Kalilah Enriquez

 Salin ng “Shapes,” ni Kalilah Enriquez ng Belize
 Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Mga Hugis
  
 kung ang mga puso’y
 may hugis lámang ng mga bituin
 at káyang maghayag ng kalidad
 ng bituing-dagat
 upang pasuplingin muli
 ang naglahong bahagi
 sa sandaling ito’y mabakli
  
 Salin ng “Love You to Life,” ni Kalilah Enriquez ng Belize
 Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Sabik Magmahal
  
 Heto ang aking mga lalaki.
 Makasarili ako sa piling nila
 at labis na mapagsanggalang
 sa atas ng pangangailangan.
 Nanaisin kong sabihin nilang
 ibig nilang mabuhay para sa akin
 kaysa mamatay para sa akin.
 Mamahalin ko sila habambuhay
 hangga’t makakaya ko.
 At kung hahayaan nila ako’y
 itatrato sila nang mabuting-mabuti.
 Bubusugin sila ng pagkain habambuhay
 at iibigin nang hindi nila naranasan noon.
  
 Ngunit malimit nila akong iniiwan
 kayâ mahigpit akong nakakapit sa isa
 hanggang maglaho rin siya. 
Alimbúkad: Rebuilding life through poetry. Photo by Mark Walz on Pexels.com

Pipi, ni Margaret Atwood

Salin ng “Mute,” ni Margaret Atwood ng Canada
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pipi

Magsalita o manahimik: muling lumilitaw ang tanong kapag namalayang lumabis na naman ang nasabi mo. Isa na namang kuyom sa mga pangngalan, isang dakot: masdan kung paano nila pinipili ang mga ito, ang mga mamimíli ng mga salita, kumukurot dito at doon upang tingnan kung may gurlis yaon. Hindi nakalalamáng ang mga pandiwa, iniikid nila ang mga ito, pagdaka’y ilalarga, pag-aagawan sa mesa, iikirin muli nang mahigpit, at malalagot ang ispring. Hindi mo matatanggap ang isa pang tula ng ispring, tatanggihan ang mga nakataling patinig, tatanggihan ang gasgas na salitang berde na taglay nito, hindi sa iyo, hindi sa mga langgam na gumagapang sa kabuoan nito, hindi sa ganitong pagkapeste. Merkado ito at may batik ng langaw; paano hinuhugasan ang wika? Naroon ang umpisa ng mabantot na amoy, maririnig mo ang mga atungal, may kung anong nilalamon, na nagiging malimit. Ramdam mong nabubulok ang iyong bibig.

. . . . . .Bakit ka makikisangkot? Makabubuti kung umupo sa gilid, sa bangketa sa lilim ng tabing, nakatukop ang mga palad sa bibig, tainga, mata, at may baso sa harap mo na huhulugan o hindi huhulugan ng barya ng mga tao. Pakiwari nila’y hindi ka makapagsalita, naaawa sila sa iyo, ngunit. Ngunit naghihintay ka ng salita, ang salita na sa wakas ay magiging tumpak. Isang tambalan, ang salinlahi ng búhay, putik, at liwanag.

Alimbúkad: World poetry solidarity for humanity. Photo by Radu Stanescu.

 

Mag-isa ang Gabi, tulad ng Pulubi, ni Georges Rodenbach

Salin ng “La Nuit est seule, comme un pauvre. . . .” ni Georges Rodenbach ng Belgium
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mag-isa ang Gabi, tulad ng Pulubi

Mag-isa ang gabi, tulad ng pulubi.
Inihahain ng mga poste ng ilaw
Ang madidilaw na lagablab
Bilang abuloy.

Sintahimik ng saradong simbahan ang gabi.
Ang panlulumo ng mga poste ng ilaw
Ay naglalantad ng apoy na rosas,
Matitingkad na pumpon ng bulaklak,
Mga pumpon sa ilalim ng salamin,
ang sagradong relikyang pumupuno
sa Gabi nang may indulhensiyang plenarya.

Natitiis ng Gabi ang kirot!
Ang nagkokorong poste ng mga ilaw
Ay pinasisirit ang pula’t asupreng alab,
Gaya ng sinumpaang mga hulagway,
At mga Sagradong Puso,
Na pawang pinadurugo ng simoy sa pamamagitan
Ng malalamig na patalim.

Lalong nagngangalit ang Gabi!
Ang mga ilaw ng poste, na magkakahanay,
Ay inilaladlad ang mga bughaw na ningas,
Tulad ng mga kaluluwa, na humihinto para mamahinga,
Mga kaluluwa ng patay na araw, tinatahak ang mga daan,
Nangangarap ng pagbabalik sa kanilang saradong bahay,
Habang aali-aligid, nang malaon, sa bungad ng lungsod.

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity. No to foreign invasion of the Philippines! No to War!

Dalawang Bayan, ni José Martí

Salin ng “Dos Patrias,” ni José Martí ng Cuba
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Dalawang Bayan

. . . . . . Dalawa ang aking bayan: ang Cuba at ang gabi.
O magkapareho lámang ang dalawa? Hindi maglalaon,
Mauunang magretiro ang mabunying araw
Kaysa Cuba na mahahaba ang belo at may tangang
Gumamela, walang kaimik-imik,
Gaya ng malungkot na balong lumitaw sa harapan ko.
Batid ko ang duguang gumamela
Na nanginginig sa kaniyang kamay! Hungkag ito,
Ang dibdib ko ay wasak at hungkag,
Na kinaroonan dati ng puso. Panahon na
para magsimulang mamatay. Ang gabi ay tumpak
Sa pagsabi ng pamamaalam. Nakaiistorbo ang liwanag
At ang salita ay pantao. Ang uniberso
Ay nakapagwiwika nang higit kaysa káya ng tao.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .Tulad ng watawat
Na inaanyayahan tayo sa pakikidigma, kumukutitap
Ang pulang apoy ng kandila. Nalula ako nang buksan
Ang mga bintana. Umid na umid, pinipigtal
Ang mga dahon ng gumamela, gaya ng dagim
Na tumakip sa langit, ang Cuba, na balo, ay dumaraan. . .

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity.  Retrato ni Kurt Kleeb @unsplash.com

Hinaing at Ulan

Salin ng klasikong tula sa Sanskrit ni Vidyā ng India
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Hinaing

Kay palad ninyo, mga kaibigan!
Malaya ninyong napag-uusapan ang nangyayari sa piling ng kasintahan:
ang harutang parang paslit, ang halakhak at lambingan, ang kasiyahang
tila paikot-ikot.
Samantalang ako, kapag kinalas ng aking irog ang sarí ko, sumpa man,
ako’y nakalilimot.

 

Salin ng klasikong tula sa Sanskrit ni Yogeśvara ng India
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Kapag Umuulan

Umaapaw ang ilog na nagpapaligaya sa aking puso: sa taas ng tubuhán
ay nahihimbing ang ahas; sumisiyap ang itik; nananawagan ang gansa;
nagbubuhol ang kawan ng mga usa; ang makakapal na damong-ligaw
ay lumalaylay sa agos ng mga langgam; at ang ilahas na ibon ng gubat
ay lasing na lasing sa kaluguran.

Kabaliwan, ni Ada Negri

Salin ng “La Follìa,” ni Ada Negri ng Italy
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Kabaliwan

Napigtal sa sikomoro ang dahon, niyanig ng lawiswis ang puso
. . . . . . . . . . ng sipres,
at ikaw ang tumawag sa akin.

Mga matang tagabulag ang bumutas sa dilim, nagpakò sa akin
. . . . . . . . . . gaya ng pakò sa dingding,
at ikaw ang tumitig sa akin.

Humipo sa akin ang mga kamay na tagabulag, tungo sa himbing
. . . . . . . . . . na bukál ay sinalok nito ako,
at ikaw ang may gusto sa akin.

Pasukdól sa malamig na gulugod na kumakatal nang tahimik,
. . . . . . . . . . ang kabaliwan ay umahon sa aking utak,
at ikaw ang pumasok sa akin.

Hindi na sumasayad sa lupa ang mga paa ko, magaan ang láwas
. . . . . . . . . . na lutáng, tangay ng nakahihilong dilim,
at ikaw ang nagpabagsak sa akin, ikaw.

Si Sultan Murati at ang Albanés, ni Fatos Arapi

Salin ng “Sulltan Murati dhe Shqiptari,” ni Fatos Arapi ng Albania
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Si Sultan Murati at ang Albanés

Nakasakay noon sa kabayo si Sultan Murati
at minasdan ang isang bilanggong nakabigkis
ang mga kamay at paa:
ang anyong tumanda, ang mga sugat at pilat,
ang mga tanikala. . .
“Albanes!” usisa niya, “bakit ka naghihimagsik
gayong makapamumuhay nang maalwán?”
“Padishah,” tugon ng bilanggo, “sapagkat
ang bawat tao’y may langit sa kaniyang dibdib
na malayang nililipad ng langay-langayan!”