Aghamistika, bilang Ikadalawampu’t siyam na Aralin, ni Roberto T. Añonuevo

Aghamístiká[1], bílang Ikádalawámpu’t siyám na Aralín 

Roberto T. Añonuevo

Ang lalaking naglalakad sa loob ng isip ang lalaking nakaupo at nagbabasa ng peryodiko sa malamig na kuwarto ngunit ang lalaking ito ang lalaki ring nagsusulat ng batas at nagpapatupad ng batas sa malayong lupalop gayunman ay hindi uso sa kaniya ang huminto dahil hindi uso sa kaniya ang bantas o kudlit na paglabag sa gramatika ng awtoridad at palaugnayan ng sawimpalad na walang pakialam sa sugnay na katunog ng bugnay na ang mahalaga ay sumasayaw ang mga titik na umiimbento ng indayog gayong nagpapakana ng kubling pakahulugan o pahiwatig o sabihin nang ito ang totoo ang totoo na parang totoo na hindi totoo na realidad sa realidad at iperrealidad ng hilaga sa realidad ng timog na realidad ng kanlurang realidad ng silangang gumagawa ng pelikula na pelikulang walang istorya na isang kababalaghan ay ay ay patawarin ay patuwarin paano siya mauunawaan kung ang kasalukuyan niya ang nakaraan kung ang nakaraan niya ang hinaharap kung ang kasalukuyan ang hinaharap at nakalipas na magpapanukala ng karunungang artipisyal na lilikha sa iyo at maniniwala ka sa patuluyang wika na patuloy na pagsasalita na may papel man ay tumatangging pumapel o gumamit ng papel sapagkat ito ang pinakamadali sapagkat ito ang mabilis maunawaan na ang tanong ay ginagaya si Roque Ferriols na nagkakanulo kay Ferriols na nagkukunwang Ferriols subalit hindi masagot kung mahalaga ba ang maunawaan ay hindi mahalaga dahil totoong wala kang mambabasa walang babasa sa iyo kundi ang puso ang puso mo sa pinggan ang puso ng saging na kung minsan ay pusong mamon ang sustansiyang isusubo ngunguyain lulunukin walang pakialam sa paligid walang pakialam sa impiyerno o langit sapagkat muling nagbabalik ang naglalakad sa loob ng isip na lalaking nakaupo at nagbabasa ng peryodiko sa malamig na kabaong baliw na baliw sa kapangahasan ito ang bago ito ang gago ito ang makabago ay ay ay wiwikain mo ikaw ang lalaking ito walang hanggan walang pakialam sapagkat ito ang kapangyarihan ang paggigiit na semyotika ng alanganin hungkag at sumasanto lamang sa kawalan kalawang kawala kawal kawa kawkaw ka nang kaka ng Wala Ala Lala la la aaa ikaw ba ito o ito ako ang itatanong mo para sa akin ngunit sadyang para sa iyo para sa iyo iyo iyo


[1] Ginamit dito ang salitang “aghamistika” (na mula sa tinipil na “aghám” at “místiká”) bílang panumbás sa isáng anyô ng íperrealidád.

Alimbúkad: Epic poetry insanity breaking the rules. Photo by GEORGE DESIPRIS on Pexels.com

Ikalabinlimang Aralin, ni Roberto T. Aňonuevo

Ikálabínlimáng Aralín

Roberto T. Aňonuevo

Sakalì’t isakáy ka sa BRP Ang Pangúlo at tíla humintô ang óras ng daigdíg, matátagtág ang iyóng loób, magtátangkâng limútin ang kinágisnáng lugód, at mabigô man sa gayóng pagdulóg ay babasáhin ang mga talampád at bulalákaw sa mga gabí ng paglalayág. Pagtingalâ’y pagkilála sa saríli, dáhil isá ka ring paralúman. Tuwîng nagtátaksíl sa mga salitâ ang makatà, maráhil ay úpang makáligtás pang mag-isíp nang malálim, pumánig sa pinakámadalî pinakámagaán pinakámabilís máunawàan; at ikáw bílang tulâ na ginagád kung saán ay párang napakahírap nang ngumitî, matiím tumítig na ánimo’y galít sa kabarò, sisisíhin nang taás-kamaó at taás-kílay ang lahát ng ugát sa mekánikong paraán, málagáy man sa péligro ang pagkatáo mo’t sángkataúhan. Ang katátawanán sa iyóng katawán ay ni hindî mabábakás sa alinsángan at asín at mabilís tangayín ng hángin; at kung umárte mang payáso ang taúhan mo sa panahón ng paglálakbáy ay sapagkát nangangárap din itó na bálang áraw ay mailúluklók na presidénte o representánte ng isáng báyan, handâng ipaglában ang kásarinlán sa pananákop ng dáyo, húhubarín ang bárbarong bíhis at magíging séryoso at híhimúkin ang mga táo at nasyón na makílahók sa sukdúlang pakikibáka túngo sa kalayàan. Bísyo ang katátawanán, pansín ngâ ni Platon, káhit itanóng mo pa kiná Kúntil Bútil at Anastasio Salagúbang. Gagamítin kang áparáto, na tíla ikáw ay sadyâng ipináglihî sa kubéta at lumakí sa bangkéta, nakádísenyo halímbawà sa pasawáy na método úpang pahagíngan ang isáng polítiko na ang kakatwâ’y galák na galák pa turíngan mang bóbo, tamád, at lutáng dáhil nagúguníguní niyáng siyá ang mataás mapalad makapangyarihan kompará sa milyón-milyóng sawîmpálad. Sa panahón mo, ang katátawanán ay nádupílas na paslít na ang katigásan ng úlo’y sinaló ng timbâ na umaápaw sa tsókoláte o táe. O isáng matabâ, hubád na dilág na íbig daigín ang timbáng ng dágat, sikát na sikát sa mabilís manudyô at bumilíb sa isinásahímpapawíd, at humáhagikgík kung bákit ang katabí’y patáy-gútom at payát na payát. Anó ang katátawanán díto kung itó ang nagkátaóng nórmatíbo at isá kang sirâúlo? Ang nakapágpapángitî o nakapágpapátawá ba ay nása hulagwáy o dî-ináasáhang píhit ng pangyayári? Kapág ang pagbíbirô, ang katawá-tawá, ang katátawanán ay nawalán ng hanggáhan, ang panlaláit kung hindî man panlílibák ay hulagwáy ng lángit na nabatíkan ng tínta o pútik. Ang ábstrakto ay kailángang magíng kóngkreto na síngkapál ng mukhâ pára sampalín o dunggulín malayò man sa tradisyón nina Pugò at Tugò, at kiníkilála ng ákadémyang pámpelíkula makáraáng mágtalumpatì ng ápolohíya. “Háy, kaawà-awàng áso,” súlat ngâ ni Charles Baudelaire, “kung binigyán kitá ng táe’y lugód na lugód na sininghót-singhót mo na iyón, at kináin pa maráhil. Sa gayóng paraán ay kawángis mo ang madlâ, na hindî dápat handugán ng pabangóng ikayáyamót nitó, bagkús pilîng basúra lamang.” Ang ábstrakto ay masíning na pukól sa matimtíman o marahás na paraán, hináhagíp ang mukhâ ng pinúpuntiryá sakâ sásapáwan, dinúdumihán nang padaplís ang isáng bahagì ng pagkatáo nitó úpang maípamálas ang kabulukán at kahayúpan sa sandalíng magálit at gumantí itó. Sapagkát ang kómiko, wikà ngâ ni Henri Bergson, ay isáng buháy na nilaláng, lumálagô o tumátangkád ngúnit sumásalungát sa iisáng pákahulugán, at káhit ikáw ay gagawíng éksperiménto pára sa kalugúran ng públiko. Walâng pusò ang katátawanán ngúnit may útak. Paúlit-úlit ang dápithápon, at walâng katawá-tawá sa paglubóg ng áraw; walâng katawá-tawá sa rítmikong pagsalpók ng álon sa pásigan; walâng katawá-tawá sa pagkátigáng ng lupàín sa dáting maláwak na kagubátan, malíban na lámang kung sadyâng sádista ang tumítingín. May lóhika ng éksentrísidád ang kómiko, sambít ni Bergson, at itó ang dápat tuklasín sa gáya mong may pinsalà na ang kaligayáhan ay matátagpûán lámang sa kaloób-loóban. “Ang katákatáyak, súkat/ makápagkáti ng dágat.”// Katumbás ng dágat ang isáng paták ng álak, at kung hindî itó makapágpangitî sa iyó ay sapagkát walâ kang pakíalám sa lipúnan, kóntento sa saríli at ni hindî nalasíng sa ilahás na kandúngan—isáng érmitanyong tinálikdán ang kaniyáng sánlibután.

Alimbúkad: Epic poetry tsunami challenging the world. Photo by Riccardo on Pexels.com

Monologo ng Lansangan, ni Roberto T. Añonuevo

Monólogo ng Lansángan

Roberto T. Añonuevo

Kapág may nagsábing “Ang dískurso hinggíl kay Charlie Chaplin ay isá talagáng pananáw na isinábalátkayô bílang pilósopo na isinábalátkayô bílang ístoryadór na isinábalátkayô bílang sosyólogo na isinábalátkayô bílang ártista na isinábalátkayô bílang Charlie Chaplin,” maníniwalà ka ba? Dápat bang mag-íngat o maníwalà sa mga pagsasábalátkayô? Si Chaplin sa rólyo-rólyong pelíkula ay táo ngúnit hindî túnay na táo na kung may pangálan man ay lumakíng hindî naríriníg ngúnit nakikíta. Si Chaplin, sa kaniyáng hényo (na mukhâng gágo), ay maáarìng may katangìan ng pilósopo ngúnit humáhantóng sa katángìan ng ístoryadór na humáhantóng sa katangìan ng sosyólogo na humáhantóng sa katangìan ng ártista na may katangìan ng pagká-Chaplin. Maáarìng ihakàng siyá’y sibúyas, na may sapín-sapíng balát, ngúnit dáhil sa pagsasábalátkayô, ang pagsípat sa sínematógrapíya ay pagsílang ng ísang pilósopo na ang karunúngan ay lumalálim dáhil sa pagninílay sa palí-palígid at bágay-bágay; at sa gayóng paraán ay kailángang gumanáp siyá bílang ístoryadór na nagtátalâ ng angkíng kasaysáyan at grápikong ídyoma pára sa madlâng manónoód. Maálam sa síngit at súlok ng nakáraán, bukód sa kapâdo ang kasálukúyan, makágaganáp pa siyáng sosyólogo na sumúsurì at nanghíhimások sa lipúnan; at úpang malubós itó’y kailángang pumapél din sa sukdúlang yugtô bílang aktór, ang ártista sa pinakámatáyog na pakáhulugán, si Chaplin na nilaláng  ng kunwarì’y ibáng Chaplin, nang hindî ipatápon ng áwtoridád doón sa kalabóso o kayâ’y pugútan ng úlo ng mga bérdugo. Yámang ang pagigíng ártista ang penúltimang pagsasábalátkayô, si Chaplin na pumápapél na hindî na dáting Chaplin, kumbagá sa pag-anínaw ni Heráklitus, ay maáarìng sipátin na hindî bastá aktór bagkus sírkerong alagád ng síning, sa hánay ng ibá pa, ang umaárteng pilósopong gusgúsin at malungkútin ngúnit umaárte ding ístoryadór ng kaniyáng búhay na umaárteng sosyólogo na gulanít ang damít, warák ang sápatos, nakásombréro o nakátungkód, sa kabilâ ng pangyayáring walâng tókis at itím at putî ang pelíkula. Si Chaplin, alinsúnod sa bisyón ng iskripráyter at dírektor, ay hindî na ang oríhinál na táo bagkús ang walâng pangálang paláboy, óbrero, káwal, boksingéro, kargadór, préso, péryante, katúlong, pulúbi at kung síno-síno pa, nag-íibá ng silbí o gawâin ngúnit isáng táo na mulâ sa guníguní at kumíkilitî sa guníguní na kung ibabátay sa reálidád ay maáarìng totoó sa ísang poók subálit pósibleng lumitáw sa ibáng poók, o sa ibáng daigdíg, lálo kung isásaálang-álang ang paglagánap ng módernong makinasyón at pag-apúhap sa umánidád. Kung ísang pananáw si Chaplin, si Chaplin na últimong payáso na mahírap maíkahón ay hindî Éwropéo o Ásyano, bagkús maáarìng ang milyón-milyóng sawimpálad na tinátanggiháng pakinggán at untî-untîng nililípol sa ngálan ng negósyo, ang iníingúsan at pinagtátawanán dáhil sa préhuwisyó, ngúnit sa bandáng hulí’y iníiyakán, pinápalákpakán, dáhil sumásapól silá sa pusò, sumásapól sa noó, sumásapól sa pagkatáo. Totoó, ang dískurso kay Chaplin ay isáng pananáw; ngúnit dáhil sa kapaní-paníwalàng pagtátanghál ay maítutúring na taták Chaplin—na dápat husgahán sa pagigíng Charlie Chaplin—na gáya níto’y nagkúkunwâng tulâ ng kalbóng payáso na nagsísigâ para sa iyo, kung nanlálamíg ang mundó.

Alimbúkad: Epic raging poetry unmasking Filipino. Photo by James Frid on Pexels.com

Adiyogi sa Pasig, ni Roberto T. Añonuevo

Adiyogi sa Pasig

Roberto T. Añonuevo

Ang gabi ng mga kamay ay mga kaluluwa
sa agos.
Ang gabi ng pagtatalik ng mga kaluluwa
ay agos.
Ang gabi ng pagsilang ng mga kaluluwa
ay agos.

Hayaang umagos ang sayaw ng kalululuwa.
Hayaang umagos ang buwan ng kaluluwa.
Hayaang umagos ang bulaklak ng kaluluwa.

Sapagkat ito ang gabi ng landas palaot.
Sapagkat ito ang gabi ng landas ng laot.
Sapagkat ito ang gabi ng laot ng mga landas.

Ang gabi ng bathala ay gabi ng mga likha.
Ang gabi ng bathala ay likha ng mga gabi.
Ang gabi ay bathala na gabi ang lumilikha.

Ito ang sandali ng paglusong sa karimlan.
Ito ang sandali ng pag-ahon sa karimlan.
Ito ang karimlan ng paglusong at pag-ahon
ng sandali.

Sapagkat ito ang inaasam na paghuhugas
ng sandali.
Sapagkat ito ang inaasam ng paghuhugas.
Ang sandali—
Ang inaasam na paghuhugas nang wagas.

Alimbúkad: Poetry walking the talk. Poetry making the impossible possible. Photo by Arti Agarwal on Pexels.com

Ang Mistikong Kalatong, ni Gabriel Okara

Salin ng “The Mystic Drum,” ni Gabriel Okara ng Nigeria
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Mistikong Kalatong

Pumipintig sa loob ko ang mistikong kalatong
at nagsasayaw ang mga isda sa mga ilog
at umiindak sa lupa ang mga lalaki’t babae
sa indayog ng aking tambol

Ngunit nakatindig lámang sa likod ng punò
at suot paikot sa baywang ang mga dahon,
siya’y napangiti habang umiiling-iling.

Nagpatuloy ang lagabog ng aking kalatong,
pinakikilapsaw ang simoy sa bumibilis
na tempo na humahatak sa mabibilis
at mga yumao na umindak at umawit
sa anyo ng kanilang mga anino—

Ngunit nakatindig lámang sa likod ng punò
at suot paikot sa baywang ang mga dahon,
siya’y napangiti habang umiiling-iling.

Pagdaka’y humataw ang kalatong sa ritmo
ng mga bagay sa lupa
at nanambitan sa mata ng kalangitan
sa araw, sa buwan, sa mga anito ng ilog
at sumayaw ang mga punongkahoy,
ang mga isda’y nagbanyuhay na mga tao,
at ang mga tao’y nagbalik sa pagkaisda
at ang mga bagay ay huminto sa paglago—

Ngunit nakatindig lámang sa likod ng punò
at suot paikot sa baywang ang mga dahon,
siya’y napangiti habang umiiling-iling.

At ang mistikong kalatong
sa loob ko’y huminto sa pagpitlag—
at ang mga tao ay naging tao,
ang mga isda ay naging isda
at ang mga punongkahoy, araw, at buwan
ay natagpuan ang kani-kaniyang lugar,
at ang mga patay ay nagtungo sa libingan
at ang mga bagay ay nagsimulang lumago.

At sa likod ng punò na kinatatayuan niya
ay sumibol ang mga ugat mula sa kaniyang
mga paa at yumabong ang mga dahon
sa kaniyang ulo at lumabas ang usok
sa kaniyang ilong
at ang labi niyang nag-iwan ng ngiti
ay naging hukay na sumusuka ng karimlan.

Sakâ ko iniligpit ang mistikong kalatong
at yukod na umalis; at hindi na muling
nagtambol nang nakatutulig.

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity

Paglingon sa “Ang Sawá” ni José Corazón de Jesús

Paglingon sa “Ang Sawá” ni José Corazón de Jesús

Roberto T. Añonuevo

Sa unang malas ay maituturing na ehersisyo ng paglingon sa tradisyon ng awit at korido ang mahabang tulang pinamagatang “Ang Sawá” (1920) ni José Corazón de Jesús, ang dakilang makatang Tagalog na humuli sa guniguni ng taumbayan nang higit pa marahil kay Balagtas. Ngunit ang nasabing tula ay hindi simpleng bunga ng romantikong pagtanaw sa daigdig ng prinsesa at prinsipe, tulad sa telenobela. Ang tula ay maibibilang na halimbawa ng kontra-kuwentong ada o anti-fairy tale (na katumbas ng Antimärchen na unang ipinakilala ni Andrè Jolles), at lumilihis sa nakagawiang kabalyerong romanse sa Ewropa, at lumalampas sa pantastikong pakikipagsapalaran o makarelihiyosong damdaming hatid ng kolonisasyong Español, bukod sa bumabalì sa kumbensiyong itinadhana ng tradisyonal na awit at korido sa Filipinas.

May anim na yugto o awit ang tulang “Ang Sawá” na ang pagkakahati ng mga taludtod ay nagtatangkang lumundag sa wawaluhing pantig ng korido at lalabindalawahing pantig ng awit. Sabihin mang ang putol ng mga salita ay waring pagkukubli lámang sa tradisyonal na tugma at sukat ng panulaang Tagalog, ang nasabing taktika ay mahihinuhang iniaayon sa allegro tempo o mabilis ang kumpas, kung pagbabatayan ang putol ng mga taludtod na naglalaro sa apat at walo, at pagkaraan ay lumilipat sa andante tempo tuwing nasisingitan ng labindalawa at labing-anim na bilang ng pantig ang mga taludtod para basagin ang pagiging monotono ng indayog ng mga tunog. Pumapabor ang nasabing taktika sa piyanista o mang-aawit o mambibigkas, sapagkat ang buong tula ay hindi nakapadron sa Balagtasan na pagsapit pa lamang ng taon 1924 magsisimulang sumikad.

Ipinakilala sa unang yugto ang pangunahing tauhan na si Tarhata. Si Tarhata ay prinsesang anak ni Sultan Ormalik, at nagtataglay na pambihirang rikit, layaw, at ringal, bukod sa masigla at masayahin. Ngunit dadapuan ng malubhang sakit ang dalaga isang araw, at ang kaharian ay malulumbay sa sinapit na kapalaran ng prinsesa. Sa ikalawang yugto, mababalisa ang Sultan at magpapahanap ito ng mga dakilang manggagamot at pantas ngunit mabibigo pa ring magamot ang prinsesa. Magbabago ang kalooban ng Sultan, na ang kabagsikan ay mahahalinhan ng karupukang hatid ng kalungkutan. Nang sumuko na ang lahat, nagmungkahi sa hari ang isang alila ni Tarhata mula sa liping Ita na ang tanging makagagamot sa maysakit ay ang pag-inom ng dugo ng sawang bitin. Sa ikatlong yugto, si Tarhata ay gagaling sa sakit, at muling magliliwaliw sa gubat na sakop ng kaharian. Mapupulot niya roon ang isang munting sawá, na kaniyang kagigiliwan at aalagaan doon sa palasyo. Ituturing ng prinsesa na gaya ng tao ang sawá, at magiging maamò ito na parang may pagliyag din sa prinsesa.

Ang gusot sa salaysay ay magsisimula sa ikaapat na yugto. Mababalitaan ni Tarhata si Prinsipe Madagaskar, na isang Moro mulang Kanluran at tanyag sa pagiging matapang na kabalyero at nagwagi pa sa torneo ng Damasko. Papangarapin ng dilag ang binata, at unti-unting mababaling ang pansin ng prinsesa mula sa sawa tungo sa nasabing lalaki. Sa ikalimang yugto, magkakatotoo ang iniisip ni Tarhata at darating sa palasyo si Prinsipe Madagaskar upang manligaw at hingin ang kaniyang kamay. Sa ikaanim na yugto, maghahatid ng dote ang prinsipe para sa prinsesa, at magdiriwang ang buong kaharian dahil sa napipintong pagpapakasal nina Tarhata at Madagaskar. Ngunit bago ang oras ng kasal, naisipan ng prinsesa na dalawin ang kaniyang alagang sawá upang magpaalam. Matapos hagkan ang alaga, at anyong tatalilis na ang dalaga, biglang nilingkis ng sawá ang prinsesa hanggang sa ito’y mamatay.

Ang trahikong wakas ni Tarhata ay katumbalik ng motif sa mga namamayaning awit at korido, na ang babae ay magwawagi sa kabila ng mga pambihirang pagsubok, gaya sa Constance Saga, alinsunod sa pag-aaral ni Alfred Bradley Gough. Sa Filipinas, ayon na rin sa saliksik ni Damiana L. Eugenio, maihahalimbawa ang koridong Buhay ng Kawawa at Mapalad na Prinsesa Florentina sa Kahariang Alemanya, na ang hari ay pagnanasahang pakasalan kung hindi man lurayin ang kaniyang anak na babae, na magiging resulta upang tumakas ang dilag tungo sa kung saan-saang pook, at tutulungan ng mga milagrong sobrenatural mula sa Kristiyanong pananalig, makatatagpo ng angkop na binata, at sa wakas ay magbabalik sa kaharian upang tamuhin ang pagpapalà at kasaganaan dahil sa pagiging matuwid.

Sa tula ni De Jesus, ang hari ay hindi kinakailangang pagnasahan ang dalaga niyang anak, na taliwas sa Constance Saga, at sa halip ay ipinamalas pa ang kaniyang pusong mamon pagsapit sa pagkalinga sa anak. Ang kamalayan ng prinsesa at ng hari ay magkakaroon ng transpormasyon dahil sa pagkakasakit at pagkaraan ay paggaling ng dalaga, at hanggang sa pag-aalaga ng sawá. Ngunit ang kanilang kamalayan ay may kaugnay na limitasyon, gaya ng pagtanaw ng naghaharing uri sa hayop na mahuhuli nito. Para sa prinsesa, ang sawá ay isang laruan o kaya’y kaibigan gaya ng tao; ngunit sa punto de bista ng sawa, ang pagkakakulong nito sa palasyo ay isang pagsalungat sa kalikasan nito bilang hayop at nilalang na dapat ay nasa gubat para panatilihin ang siklo ng búhay. Sa ganitong pangyayari, sinasagkaan ng prinsesa ang kalikasan, at kahit ano pa ang uri ng kaniyang pag-aalaga sa sawá, iyon ay maituturing na taliwas sa itinadhana ng kosmikong kamalayan.

Ang isa pang elemento ng pagiging kontra-kuwentong ada ng tula ni De Jesús ay ang pagkasangkapan sa katutubong talino ng Ita. Sa koridong Ibong Adarna, halimbawa, ang labindalawang Negrito ay pinaglaruan ng hari. Ang ganitong rasista at kontra-katutubong pagtanaw, gaano man kaikli ang banggit sa nasabing korido, ay dapat tinutuligsa sapagkat lumalapastangan ito kahit sa iba pang pangkat etniko na matatagpuan dito sa Filipinas. Kung babalikan ang tula ni De Jesús, binaligtad ang pangyayari sapagkat walang nagawang lunas ang mga dakilang manggagamot at pantas ng palasyo hinggil sa sakit ng prinsesa. At isang alila pa ang magsisiwalat ng katangahan ng naturang pangkat. Sa ganitong pangyayari, iniaangat ni De Jesús ang estado ng Ita mulang alila tungong tagapagligtas, samantalang pailalim na nililibak ang estado ng mga tanyag na manggagamot at pantas.

Walang silbi sa tula ni De Jesús ang makisig at maharlikang kabalyero na gaya ni Prinsipe Madagaskar, na kahit nagwagi sa torneo o digmaan sa ibang bayan ay binigo naman ng isang sawa. Bukod pa rito, ang representasyon sa sawá ay hindi mistikal, bagkus natural, at ang sawáng lumingkis kay Tarhata ay mahahalatang nakasagap ng negatibong enerhiya mula sa dalaga nang ito’y papaalis na upang magpakasal. Sa pananaw ng mga yogi sa India, gaya halimbawa ni Sadhguru, ang mga ahas o sawá ay hindi basta nanunuklaw o nanlilingkis; ang mga ito ay umaayon sa enerhiya ng lumalapit o humahawak dito. Ang pagpapaalam ni Tarhata sa sawá ay maituturing na isang bantâ sa kaligtasan ng sawá alinsunod sa instinct nito; at marahil, kung hindi nagpamalas ng gayong damdamin (na may taglay na negatibong enerhiya) ang dilag ay maaaring hindi siya nilingkis ng sawá. Isa pang nakadagdag dito ay matagal nang nabaling ang pansin ng dalaga tungo sa binata imbes na makipaglaro sa sawá, na marahil ay magpapabago rin ng pagsagap ng sawá sa dalaga.

Ngunit ang pinakamagandang hulagway [imahen] sa tula ay ang mismong sawá. Sa pormalistikong pagtanaw, ang hulagway ay magsisimula sa mapaglarong hugis at haba ng mga taludtod, at sa indayog ng mga salitang waring gumagapang; at sa kalkuladong paglinang sa katauhan ni Tarhata, at sa makulay na paglalarawan sa hari o prinsipe. Lalawak pa ito kung isasaalang-alang ang sinematograpikong pagdulog sa mga tauhan o lunan o panahon, gaya sa videopoema, at kung paanong naisisilid ang panahon sa kakatwang espasyo at aksiyon sa anggulo ni Tarhata. Ang ganitong dinamikong paglalahad ay taliwas sa monotonong pagdulog sa tradisyonal na awit at korido sa Filipinas na pawang nakatuon sa paglinang sa masalimuot na banghay.

Sa arketipong pagtanaw, ang pagbubuwis ng dugo ng isang sawa ay magpapanumbalik ng lakas at sigla ng dalaga; ngunit isang sawa rin ang sa huli’y babawì, at lilingkis at pipiga sa dugo hanggang sa mamatay ang nasabing dilag. Naghuhunos ng balát ang sawá upang isilang muli, gaya ng bagong kamalayan, at ito ang matatagpuan sa iba’t ibang mito sa daigdig, at maihahalimbawa ang kuwento ni Demeter at ng anak niyang si Persephone. Si Tarhata na nakainom ng dugo ng sawá ay magkakaroon wari ng kapangyarihang makapangarap o makapanghulà sa hinaharap, gaya sa katangian ni Apollo, na matapos paslangin ang Delpikong Sawá ay nagkaroon ng kapangyarihang makapanghula. Sa tula ni De Jesús, ang sawá ay hindi tulad ng mga serpiyenteng niyayapakan ng mga santo, bagkus inaaruga upang ang maging estetikang silbi ay umayon sa layaw ng bumihag sa kaniya. Gayunman, maituturing na bipolar ang katangian ng sawá na puwedeng maging tulay ng búhay at kamatayan, gaya sa kasal, na masisilayan sa paniniwala ng mga pangkat etniko sa Kordilyera.

Samantala, sa Marxistang pagtanaw, ang alyenasyon ng sawa at ni Tarhata sa kani-kaniyang kalagayan ay hatid ng uring pinagmumulan nila, at kung paano umiikot ang kanilang kapalaran ay batay lámang sa mga mayhawak ng kapangyarihan sa palasyo at ng yamang taglay ng hari na makapagpapatakbo ng lipunan. Marupok bilang babae si Tarhata kung itatambis sa Constance Saga, na ang babae’y pambihirang nakaliligtas sa kapahamakan dahil sa tulong ng sobrenatural na kapangyarihan at makisig na kabalyero, ngunit ginagampanan lámang ni Tarhata ang realidad ng dalagang nagmula sa naghaharing uri. Ang dalagang prinsesang nakatakdang ikasal ay maglalaho ang katauhan bilang prinsesa at dalaga sa sandaling lingkisin, lamugin, at lunukin ng sawa. Ang sawá ang ultimong pagsasanib ng dalawang identidad, at magreresulta ng pagkalusaw ng dating identidad na naghaharing uri. Ang pagpatay ng sawá sa prinsesa ay masisipat na muling pag-angkin ng sawá sa estado nitong binihag sa mapagkandiling pananakop, at lumalampas sa panuntunan ng moralidad o ideolohiya. Hindi mahalaga kung ano ang magiging wakas ng sawá. Ang higit na mahalaga ay ang tagumpay nitong natamo sa paglaya sa hawla, at ang pagwiwika nito ng pamamaalam alinsunod sa sariling pananaw nito na taliwas sa pananaw ni Tarhata.

Ang napipintong paglamon ng sawá sa babae ay hindi simpleng prosesong biyolohiko, o pahiwatig ng pagsanib ng demonyo sa magandang katauhan ng babae, gaya sa representasyon ni Michaelangelo sa kaniyang pintura sa bobeda ng simbahan, o kaya’y sinaunang simbolo ng pagkalagot ng inmortalidad, gaya sa epikong Gilgamesh, bagkus maituturing na mapaghimagsik sa panig ng sawá na ang silbi sa kalikasan ay nasa pagiging ganap na sawá (at hindi bilang tao o diyos o sobrenatural na katauhan) para mapanatili ang balanse sa ekosistema ng daigdig.

Isang panukalang pagbasa ito sa tulang “Ang Sawá,” at marahil ay bunga lámang ng aking pagkayamot sa nakasasawàng pagkakahon at paulit-ulit na pagpatay kay José Corazón de Jesús—sa pamamagitan ng pagsipi sa makukulay na taguri at palamuti.

black and white girl hair white photography cute mystical female mystic portrait model young darkness black monochrome close up fairy tale dress gloomy fantasy princess dreamy fairy gorgeous emotion fairytale stunning young girl cute girl monochrome photography fantasy girl atmospheric phenomenon