Paniki, ni Roberto T. Añonuevo

Paniki

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo

A
Lumulukob na dilim ang balita ng kamatayan, at gaya sa henétika ng asuwang ay hindi maunawaan kayâ kinatatakutan—na waring pagkasangkapan sa estadistika upang ilihim ang kabulaanan.

B
Walang tao sa lansangan, at kahit ang mga bayakan ay hindi dinalaw ngayong gabi ang punong tsiko sa aming bakuran.

C
Kumakain ka ng mga prutas at kulisap, at malimit, nalulunod sa tuba doon sa niyugan, at kung paano ka nagkakasakit ay isasalaysay ng lason sa mga ugat at balát na kami rin ang may kagagawan.

D
Mapanghi ang simoy? Nabibilaukan sa tae ang yungib? Matutulog ka, kasama ang iba pa, nang nakatiwarik, at dikit-dikit, na parang tinuturuan kami kung paano sisinupin ang init kapag mahaba ang taglamig.

E
Manghihiram ng mukha sa iyo si Batman, para sa kaligtasan ng bayan, at para sa aming nagiging libangan ang halina ng dilim. Gayunman, hihintayin namin kung kailan mo hihiramin ang aming pagmumukha—na parang tubigang inaangkin ng mga banyaga.

F
Sisisihin ka sapagkat ikaw ang ugat ng pandemikong trangkaso, at parang naririnig namin ang umaalunignig mong ik-ik-ik sa eksotikong kusina para sa mga gutóm na panauhin na ikaw ang pulutan.

At mayayanig sa halakhak ang paligid.

G
Alas-onse ng gabi, at parang di-mapakaling kabág ang mag-anak na walang makain sa hapag. At ang ultrasonikong alon ng bituka ang magtuturo sa lahat kung paano makararaos sa pamamagitan ng pagninilay at tumpak na paghinga.

F
Salamat sa iyo, at naunawaan namin kung paano kami mahalin ng mga politiko. Salamat sa iyo, at nakita namin kung gaano kagulo magpaliwanag ang pangulo. Salamat sa iyo, at nadama namin kung gaano kasalimuot ang pagpapatakbo ng gobyerno. Salamat sa iyo, at aliwan namin ngayon ang pakikinig sa radyo—na ang lahat yata ng nagsasalita ay eksperto sa kani-kaniyang kuwentong barbero.

G
Lumalayo ka, sampu ng iyong kalahi, tuwing papalapit nang papalapit kami sa iyong kinaroroonan. Ngunit ikaw at ikaw ang dapat sisihin, sakali’t wala kaming matagpuang gamot mula man sa basag na págang o kalbong bundok.

H
Pambihira ang iyong pandinig at pambihira ang paswit, at kung naririnig namin ang litanya ng iyong reklamo at hinihingi, masuwerte ka na kung maging palasyo mo ang maalinsangang bilibid.

I
Sa laboratoryo ng agham, isa kang halimbawa kung paano matutuklas ang homolohiya ng aming sakít. Ngunit ang sákit mo’y hindi kami ineeksperimento para sa lunas laban sa taglay na bigat ng iyong ilong at pakpak.

J
Pampatigas sa impotenteng libog, ikaw ang mahiwagang sopas upang humaba at lumawig ang aming salinlahi. O sadyang napakaikli ng aming titi para sa gayong kalaking pagkakamali.

K
Pumapasok ka sa aming panaginip, at ang eskarlata mong hulagway ang inaabangan naming kasaganahan o kabaitan o kapanatagan sa oras ng pagpanaw. Na kakatwang kabaligtaran ngayong nagbibilang kami ng mga agaw-buhay.

L
Ikaw ang bampira sa antigong kastilyo ng aming guniguni. Ngunit sa oras na kami’y mapukaw, asahan mong bangungot ang pagtugis sa iyo para maitanghal ka sa aming kayliwanag na museo.

M
Ano kung uminom ka ng dugo mula sa sugatang kambing o kalabaw? Higit na marami kaming napapatay araw-araw, at tumutungga ng mapupulang alak sa ngalan ng Negosyo at Digmaan.

N
Lumulusog ang aming pananim mula sa iyong dumi. At ang dumi mo’y nagpapakapal sa aming bulsa. Bilang pagkilala, iuukit ka namin sa mga alahas, itatampok na fatek sa dibdib, ibuburda sa sablay, ipapalamuti sa setro, at hahaba nang hahaba ang salaysay kung hindi ka namin wawakasan.

O
Ligaya kung tanawin ka namin, at tatangayin kami ng suwerte sa mga pook na hindi inaasahan. Hindi mo ba itatanong kung bakit nagluluksa ang mga bata’t matanda?

Ang Pangarap, ni Roberto T. Añonuevo

Tulang tuluyan ni  Roberto T. Añonuevo

1.
Ang mga pangarap, kapag ipinasok sa puso, ay mag-uutos sa iyo na utusan ang iba para wikain ang salitang hindi kaniya, gaya ng pagbabanat-anino sa diyaryo at magasin, upang ikaw ay makilala.

2.
Mapanganib ang pangarap, at para itong punsô ng milyong kulisap na gumagalaw dahil sa emperatris. At ang emperatris ay hindi karaniwang kulisap, sapagkat ito ang Maykapal, ang kinakanding Langit at naglalaway sa init, ang kinabukasan ng salinlahing allid at sintamis ng minapakturang pulut.

3.
Narinig mo ba o nabása sa isang makatang intelektuwal ang lunggati, at ikaw ngayon ang di-pamilyar na talinghaga na pinapalakpakan ng mga di-nakauunawa?

4.
Iyo ang salita o iyan ang opinyon mo; at ang lahat ng bagay na labás sa iyong katawan ay pawang kasangkapan tungo sa nakababalaning tinig—o ito’y makulit na panagimpan lámang?

5.
Ang salita: para maging gusali ang pandak, para maging dibino ang buhangin, at kung papalarin, para humalimuyak ang pangalang tigmak sa imburnal. Ikaw ang panginoon ng salita, at ang Salita, pagkaraan, ang aalipin sa iyo sa ngalan ng pangarap.

6.
Importante ang paghahanap ng puwáng o lihís, at garantisado sa iyong parirala na hindi ka pahuhuli nang buháy. Ikinahon mo ang mga pangalan sa kanilang panahon, at ang panahon mo ang ipinagmagarang Panahon ng Padron at Patron. Modernisasyon, wika mo, ang panghihiram ng hagdan, ang panghihiram ng dila na humihimod sa iyong nababatong utak.

Bakit mag-iimbento ng gulong kung káyang lumipad?

Gayunman, nakukuha sa sipag at tiyaga ang lahat, lalo’t nabibigong sumirit o dumuwal ang haraya.

8.
Kumikilos ka at ang gabi ay umaga at ang umaga ay likido na iniinom sa mithing pagbabago. Isang bisyon, na katumbas ang sining ng alagad ng pambihirang pagsisinungaling at pagpapalayok. O sabihin nang matalinghagang pagsasakataga mula sa misil ng Amerikano o satelayt ng Ruso, at walang dos por dos na sagisag na sinasagisag ang maikukulong sa iyong málay.

Sa usapang lasing, ito ang kaululan.

9.
Sapagkat kasangkapan ang lahat, at ang hagdan ay libong ulo at libong balikat, isang politika na ang sukdulan ay pananaig ng mga langgam sa di-kilalang bangkay. Ngunit hindi ba ito dapat ipagpasalamat? Walang Tore ng Babel kung walang mason o kargador, at kailangan ang kalansay tungo sa ikalulusog ng sabana.

10.
Maniwala sa iyo ay kay-bigat, na gumagaan sa indoktrinasyon, ngunit ang tiyanak na pasán ay langit kung ituturing na ikaw ang punongkahoy, na walang humpay sa pagtayog sa wagas na pagkatuod.

11.
Ang pangarap mo, kapag inulit-ulit, ang pangarap mo, kapag inulit-ulit na sirang plaka, ang pangarap mo, kapag inulit-ulit na sirang plaka sa mga talumpati at talambuhay, ay kakatwang nagiging pala-palapag na mawsoleo ng mga de-kahong sertipiko at kuwintas ng mga papuri.

Kahit ikaw ay maiinis sa ganitong ritwal, ang ritwal na karaniwan at nakaugalian, ngunit dahil matayog ang pangarap mo, ang pangarap mo’y yutang bantayog sa mga kontinente ng kataga.

12.
Ikaw na nasa itaas ngayon ay hindi na abstraktong pangarap bagkus iniilawang atraksiyon ng mga kulay. Na hindi mo mawari kung dapat ipagpasalamat o ipagmaktol dahil malaya ka nang iputan ng mga ibon at ihian ng palaboy o askal: Ikatwiran man nila ang tawag ng kalikasan, o ikatwiran ang makalupang pagtatanghal.

purple green and yellow round mirror

Cheese Mess, ni Roberto T. Añonuevo

Cheese Mess

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo

Naisisilid ang vayrus sa mga titik ayon sa diksiyonaryo ng kesong puti at retorika ng keso de bola; at kung ikaw ang haring kusinero ng kaisipan, ang pagbigkas ng salita ay makasasakit at makapagbibigay ng sakít sa hindi mo kauri, bukod sa sadyang peligroso sa hangal sakali’t sumubok itong magsulat. Ikaw, sampu ng iyong kaututang-dila, ang tanging makapag-aari ng mahihiwagang salita. Sandangkal na tinapay ang tama at mali na nagdaraan sa dila at ngalangala, naisip mo, at itutulak ng barakong kape sa ngalan ng paninimbang para tunawin sa bituka ng pananalig.

Ang seguridad ng republika ang mahalaga, isasahinagap mo, at waring pinaalunignig ang talinghaga ni Platon na sinurot ang kakayahan ng mga makatang nagsasabing batid nila ang tibok ng lipunan (na patutunayan ng kanilang malalanding berso), ngunit hindi naman marunong magtornilyo sa pilipisang ang memorya kung hindi man guniguni’y limitado sa paggagad sa mundo. “Bakit maniniwala sa sabi-sabi,” naglaro sa utak mong hiram wari kay Socrates, “kung ang sukdulang katotohanan ay matatagpuan sa dakilang artipisyong magmumula lámang sa Maykapal?”

Batid mong ang kontaminadong titik, kapag inihalo sa iba pang titik na sabihin nang muslak o antigo o bagong luto, ay maaaring magluwal ng salitang asintomatiko, na pagkaraan ng ilang araw ng pagkahinog ng inililihim, ay mauuwi sa salot na katumbas ng hanging sinisinghot. Sa oras na pumutok gaya ng bulkan ang mga parirala ng pagdududa, na nagiging mabalasik na tanong, ay lalantad ka sa telebisyon upang pahupain ang pangamba ng taumbayang nakalimot yatang bumulong o sumigaw alinsunod sa tulak ng pusòng de-piston.

Sa laboratoryo ng mga dalubwika, mapanganib ang maruruming salita. Ang mga salita, kapag nagtipon-tipon sa mahika ng kung sinong ulol na tagasulsol, at naging pangungusap at ang gayong pangungusap ay nanganak ng iba pang pangungusap at nagbanyuhay na talata na may angking realidad—ay ano’t nakapagdudulot ng di-mawaring dalamhati o kamatayan sa gumagamit nito. Payak ang payo sa iyo ng mga eksperto: Ipagbawal gamitin ng mga mamamayan ang kontaminadong salita, sapagkat katumbas nito ang pandaigdigang sakuna.

Na siya mong ipinatupad.

Hindi naman nagkamali ang iyong mga tagapayo. Ngunit may ilang matitigas ang ulo. Halimbawa, ang salitang kontaminado at ginamit ng kung sinong mensahero o senador ay kisapmatang yumao. Pagkaraan nito’y sunod-sunod ang mga nabubuwal sa kalye, at sumikip ang mga ospital sa mga maysakit, at walang nagawa ang maraming bansa kundi isakatuparan ang mabilisang kumbersiyon ng mga bukid para maging sementeryo. At ang pakpak ng balita sa gayong pangyayari, sa anyo man ng aklat o elektronikong pabatid, ay naghasik ng kapahamakan sa pitong kontinenteng ang lupain ay hitik sa taingang namumukadkad sa lupain.

Hawak mo ngayon ang kutsilyo at sa labis na inis ay hindi alam kung itutusok ba sa kesong puti o keso de bola. Kumakalam ang iyong sikmura, ngunit wala kang ganang kumain ng mga balita. Dudungaw ka sa iyong bintana, at makikita sa paanan ng iyong palasyo ang kumakapal na madlang hindi makapagsalita ngunit tangan ang makukulay na plakard na kung hindi nagsasayaw gaya ng payaso’y nagtatanghal ng komedyang naghahatid sa mga nasasakupan mong tumawa nang tumawa, na kasinglutong at kasinghaba ng maibibigay ni Bert Tawa. Ilang sandali pa, mayayanig ang kinatatayuan mo, at mahihilo ka na waring may tama, at iduduwal ang mga kontaminadong salita—na ipinagtataka mo kung bakit unti-unting kinakain ang iyong anino.

Alimbukad: Poetry unstoppable

Katulad mo, ni Roque Dalton

Salin ng “Comu tú,” ni Roque Dalton ng El Salvador
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Katulad mo

Katulad mo, mahal ko
ang pag-ibig, ang búhay, ang halimuyak
ng mumunting bagay, ang bughaw
na tanawin ng mga araw ng Enero.

At kumukulo ang aking dugo,
at ako’y napapahalakhak  sa pamamagitan
ng mga matang batid ang búko ng mga luha.

Nananalig akong marikit pa rin ang mundo;
gaya ng tinapay, ang panulaa’y para sa lahat.

At ang mga ugat ko’y hindi magwawakas
sa akin, bagkus sa mga lingid na dugo
nilang nakikibaka para sa búhay,
pag-ibig,
mumunting bagay,
tanawin at tinapay,
ang panulaan para sa lahat ng nilalang.