Bob Blues

Bob Blues

Roberto T. Añonuevo

Kapag humahalik ang hangin sa iyong mukha,
naririnig ng mga bathala ang pinong saxófono
at kahit sila’y napapaindak sa elektromusika
ng basyo.
. . . . . . . . . . . . . Ang hangin ba ay isa ring musika
na ang ritmo ay nakapapawi ng libong buhawi
sa maghapong trabaho o paglubha ng trapik?

Sariwa man o marumi, ang hangin ay hangin
na iyong sisinghutin, at lalanghapin ng langit
ang saxófono na ano’t bumabangka sa hapag
na basyo.
. . . . . . . . . . . Humahalik ang hanging may mukha
sa iyo, at ang saxófono ay magiging bathalang
hubog sa Italya at maglalakad na elektromusika
ng basyo.

At ang hangin ay tatakas sa ibayo palapit dito
upang ibalita ang mukha mo sa pamamagitan
ng saxófono, na ang nilololoob ay bagyo sa loob
ng basyo.
. . . . . .      . . Sapagkat ang hangin ay ako rin  sa iyo
na tutugtugin sa saxofóno sa gabi ng kawalan:
Naririnig ng mga bathala ang mundo ng musika
sa basyo—tawagin man silang wala sa huwisyo.

Advertisements

Musang, ni Roberto T. Añonuevo

Musang

Roberto T. Añonuevo

. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . . .Para kay Tatang

Umakyat sa huklubang punongkahoy
ang anino
. . . . . . . . . . . . .  . . . at tumitig sa panganorin.
“Mapalad ang nagugutom, sapagkat. . .”
Umihip ang simoy na sinlansa ng daga,
at natanaw ng uwak na umiikot sa langit
ang hapunan.
. . . .. . . . . . . . . . . .Umalingawngaw ang siyap
ng mga maya sa ilang,
. . . . . . . . . . sakâ umambon nang di-inaasahan.
Lumawiswis ang mga lungtiang kawayan
na kung makatatakbo’y magsisipagtago
sa mga bakás ng dugo,
. . . . . . . . . . . .  . . . . . at maya-maya’y bumuwal
sa sagingan ang mga payat na hulagway.
Pigil-hiningang tumitig ang anino
tungo sa kaluskos
. . . . . . . . . . . . . . . . . .  dahil sa udyok ng bituka,
at ibinuka-sara ang mga panga.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . .Nakiusyoso ang bayawak
mula sa natutuyot na batis.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Pagkuwan, nagtilaukan
nang sabay-sabay ang mga ulupong
na nakatatô sa dibdib,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . .sumitsit ang mga kuliglig,
at di-naglaon, nagsimulang lumakad-lakad
 . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .ang mga bundok
sa guniguni—na tila sakay ng naglalagablab
na Sputnik.

Ang Batas, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Batas

Roberto T. Añonuevo

1
Naiisip ito gaya ng paghinga, at nakakaligtaan
nang hindi napapansin ang simoy
. . . . . . . . . . . . . . . . . .na tulad ng nakababatong aklat.

Ituturing din itong panutong sugat at mga ugat
ng kasaysayan,
na binabago pana-panahon, alinsunod sa layaw
o pangangailangan,
nang taglay ang prinsipyo ng ilong at sikmura
na magsisimula sa tumbasan ng diwa at kataga.

2
Sa semiyotika ng mga kulay, lungti ang kilusan
sa taggutom,
dilaw ang kalusan ng mga epidemya’t disaster,
at pula ang katipunan ng bayani’t kalansay.

Ngunit bahaghari ang mga duwag at taksil—
na nagbebenta ng lupa at tubigan sa mga dayo.

3
Sumusunod, at susunod at susunod tayo—
sa ayaw man at sa gusto—
sa patakaran ng biláng na mga hakbang,
sa kautusan ng tinig na katók sa ataul,
sa patnubay ng bagong diwang popular
na sapin-sapin ang kahanga-hangang
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . .kabulaanan
dahil naaakit sa “Mabuhay! Tuloy po kayo!”

4
Ang padron ng gunita ang mito ng mga bathala
na ngayon ay pangulo at búkas ay magiging ulo
ng litson
para sa publikong sabik sa pelikulang bakbakan.

5
Kolektibong watawat na sumasayaw sa himig
na sinasalungat ng pinakamataas na luklukan,
ano ang karapatan sa parada ng mga bilanggo?

Wala, ngunit matigas ang mga ulo at burat
hanggang humaba ang prusisyon ng mga ulila.

6
Ang piskal na kabit ng pulis sa ilalim ng tulay
ay tulay din sa abogado’t hukom na takót sa sabon
sapagkat tumatanggap ng suhol sa laboratoryo
ng damo at kubeta.

O iyan ay guniguni lamang ng heneral na bato
at pangulong batong-bato sa kalabang politiko.

7
Merkado ng sabong, palengke ng mga gusali,
at listahan ng buwis mulang lupa hanggang ulap:
lumalakad ang mga tao
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .at lumalakad ang oras
ngunit ang enerhiya ay bateryang titigok-tigok
sa madilim na espasyo
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ng Palasyo ng Malabanan.

8
Ang bigas ang timbangan sa adwana at agahan,
inaabangan ng mga maya,
at sampu-sampera ang palay ng mga magsasaka.

Sa malayo, ang balyan ay lastag, tigmak, giniginaw.

9
Talaksan ng teksbuk sa mesa kung tayo’y mag-isip,
ngunit ang isip ba ay isip na talagang ginagamit?

Dumarating ang superbagyo nang walang pasabi,
kung ang bagyo ay pagtutol na hindi masabi-sabi:

kay-bagal man ng trapik ng sasakyan at mensahe.

Ako, ni Roberto T. Añonuevo

Ako

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas

Buhawì sa láot ang naípapások sa hungkág na kahón—na kapág ibinálot sa hablón ay malayàng isíping regálo kung kaníno. At ang kahón ay kusàng maghuhúnos na alupíhang-dágat, na untî-untîng hihimbíng kapág tinamàan ng sínag at magkákapakpák sa panagínip úpang isakátupáran ang pagigíng paruparó. Lilípad ang paruparó at darapò sa áking balíkat. Putîng gamugamó na palamutîng panaúhin sa kayumanggîng balát, anó ang pangálan ng ginháwa na hatíd mo? At ang áking balíkat, na tawágin mang tátay o bána, ay tutugón sa paglápad hanggáng lumayláy o dumupók dáhil sa bigát ng pinapásang daigdíg, at ang daigdíg na itó na húgis parisukát ay mágbabalík sa guniguníng kahón, at matitigmák sa di-inaasáhang ulán hanggáng malúsaw at magbanyúhay na símoy na kung hindî tuliróng ipuípo ngayón ay mag-iípon ng lakás búkas hanggáng magíng ganáp na bagyó na maglalahò sa tatlóng áraw—tawagin man itóng talangkâ, tiniklíng, tanagà.

Hulát, ni Roberto T. Añonuevo

Hulát

(para kay IMA)

Roberto T. Añonuevo

Pantalan ba ito na nag-aabang ng barko
na kung hindi hinalihaw ng tribunada’t bagyo
ay dinakip ng lungkot ang mga tripulante?
Tatanawin ko ito nang walang pagkapagod,
na tila dayaray na naglalagos sa baláy.
Sapagkat ang pagsubaybay ay mga alon
na dumarating at lumalayo nang paulit-ulit—
isang ritwal na tigmak sa pag-asa’t pananabik,
at ikaw ang hulagway na aahon sa guniguni.

Ang oras ang tumatayog na bundok ng inip,
at ang espasyo sa puso ay lalong lumalamig.

Ngunit darating ka, gaya ng isang dalubhasa
sa ahedres na nagsusulong matapos magbúlay
at pigain ang posibilidad ng hakbang at pasiya.
Mauuna marahil ang iyong mga liham at tula
na tumatawid sa maaliwalas na himpapawid.
Susunod ang iyong mga pangarap na nakaipit
sa kuwardernong gulanit, at ang isang pabatid,
nagmula man sa hari o hukom o hunghang.

Matutulog ako para kita makita. Matutulog ako,
at ikaw ang pupukaw sa daigdig kong giniginaw.

Sa Tiendesitas, ni Roberto T. Añonuevo

Sa Tiendesitas

Roberto T. Añonuevo

Kung ako ang ama ng daigdig na ito, ikaw pa rin ba ang anak ko sakali’t magunaw ang kinatatayuan mo? Sasagutin mo ako ng ngiti, na waring ang ngiti ay pagsasabi na hindi kailanman magaganap iyon, na katumbalik ng alak na nasa hapag.

“Iba ang planeta ko,” isisingit mo, at tayo’y malalasing sa espiritu at salita. “Bakit mo inakalang ikaw ama ng daigdig na ito kung ang realidad na ito ay nasa loob lámang ng iyong guniguni? Paano kung ang daigdig na ito ay sirang plaka na paulit-ulit umiikot, at nagsasabing ang Ama ay hindi ang lumikha ng lahat, bagkus ang laláng ng Salita para lapatan ng katwiran ang adelantado at alibugha?”

“Anak ka talaga ng putang ama!” sambit ko sabay yugyog sa balikat mo, habang isa-isang humihiga ang mga bote ng wiski.

Stop weaponizing the law. Yes to humanity. Yes to human rights!

Matututuhan ng Magkasintahan, ni Cirilo F. Bautista

Salin ng “Lovers Learn,” ni Cirilo F. Bautista ng Filipinas
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Matútutúhan ng Magkásintáhan

(para kay Arlene Babst)

Matútutúhan sa maláo’t madalî ng magkásintáhan
ang mapangánib na heograpíya ng pag-íbig
yámang ang síning ng págmamahál ay nakáraráos
úpang ipaliwánag ang intríga ng kirót ng loób,
ang tuwâng ni hindî kailanmán malilímot.
Mga karagatán, madidilím na bundók at halamanán,
mga ílog na hitík sa isdâ, mga ílog na walâng lamán
gáya ng pangárap—
pinupunô nitó ang mga puwáng sa mga mápa
ng mágsing-írog, naglalátag ng marikít na gayúma
at mabalásik na bítag.

Pinipigâ ng paglalakbáy ang pusò at kasarián
dáhil káyang sunúgin ng áraw ang mga damuhán,
at káyang lapátan ng mga kúlay ang kahuyán,
ngúnit ang túnay na pag-íbig ay naglalákbay at bulág
sa pahiwátig at pelígrong bumabaón sa ulirát,
nagpapatúloy itó at sumusúlong, hindî umíiyák
at nagpapatúloy, sumusúlong, lumalagô, tumatatág.

Ang Tanong, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Tanong

Tula ni  Roberto T. Añonuevo

(Para kay Tatang Temyong)

Mga gusali sa kaliwa, mga barumbarong sa kanan,
ano na ang tahanan
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ng mga palaka at paruparo?
Isang retrato sa dingding o kaya’y mesang salamin.

Tila ba maasim na tsismis o diyabolikong pag-ibig:
Bulawang mga pakpak
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . na nagpapaguho ng metropolis
sa loob ng aklat.
Ang lumang peluka o pelikula sa antigong estante.
Ang fatek sa iba’t ibang timbang at katawan.
. .. . . . . . . . . . . . . . . . .. .Nakaririnding rak-en-rol ng kokak
sa selfon at Youtube. Maaaring punit na tisert
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .o pintadong pader sa Instagram.
Ang niresiklong notbuk para sa listahan ng utang.

Maidaragdag:
Ang botelya ng lason at halimuyak ng luwalhati.
Ang hinihimod na pook ng albularyo at adik.
Ang kasarian ng súpot o supót na pananalig.
Ang motel ng pag-ibig at motel ng pagtataksil.
Ang kongreso ng pataasan ng ihi at balatkayo.
Ang ruleta ng numero at kubeta ng suwerte.
Ang mapang ipinambalot sa lumpiya at bibe.

At marahil,
ang pinunong matapat sa resipi ng lutong makaw.

Ang magugunita
mong ipit sa buhok sa utak na natutulog sa tag-araw
ang magugunita
mong kumakain sa kulisap o tumatakip sa bulaklak.

Na marahil ay guniguni sa kagubatan ng kamalayan.

Tangkilikin ang mga aklat ng MBMR Publishing. Bili na!

Láom, ni Roberto T. Añonuevo

Láom

Roberto T. Añonuevo

Pumikit ako, at gumuhit sa aking balintataw
ang bukirin ng mga bulaklak na sumisiklab
sa iba’t ibang kulay.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Dumilat ako,
at tumambad ang punongkahoy sa gilid ng bangin
na hitik sa sari-saring ibon.
. . . . . . . . . . . . . . . . .  . . . Kinusót ko ang aking paningin
nang tatlong ulit
. . . . . . . . . . . . . . .bago dumilim nang lubos ang paligid,
at umahon mula sa sumisikip kong puso
ang maaliwalas na baláy
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . .na naghihintay
ng isang payak ngunit kay-tamis na agahan
sa napakatarik, napakalamig na dalampasigan.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No extra-judicial killing. Yes to humanity. Yes to poetry.

Monumento, ni Roberto T. Añonuevo

Monumento

Robeto T. Añonuevo

Matatayog na basura, gunita kayo ng matatangkad
na bisyon, at ngayon ay ultimong bakas ng polusyon.
O yaon ay guniguni lamang ng bulag na si Borges?

Nabása marahil ito ng Komandante, at kung ang Cuba
ay Filipinas, ang rebolusyon ay pagtanggi sa parangal
na magpapasikip sa rotunda o plasa ng mga palaboy.

Sementeryo ang bantayog. Kung hindi kayo mga multo,
bakit iihian ng askal o dudungisan ng aktibista’t tambay?
Kulang para sa tindahan o terminal ng mga sasakyan,

memoryal kayo ng isla o kalabisan, ang palatandaan
kapag naliligaw, ang kabayanihan sa aming natatakot
humawak ng baril at laging tangan ang bagong selfon.

Ngunit babalâ kayo para sa inaasahang kapahamakan,
dulot man ng bagyo o sunog o digma, at tinatanggap
namin ang henyo ng eskultor o kontratista na kumikita

para iresiklo ang mga kamalayang lumulutang sa baha,
tinatabunan ng banlik at putik, at kung sakali’t magbalik
ay hindi mauunawaan ng mga batang naglalaro sa titik.

Pana-panahon kayong nililinis para ulanin ng bulaklak,
at kung minsan ng awit at tula at dula, sa selebrasyon
ng mga politikong artista o sotang bastos ng burukrata.

Sapagkat kayo’y mahal ngayon, at magmamahal lalo
kung artefakto ng kolektor: ang dambana ng papuri,
ang listahan ng pangalan at patina sa tansong tagumpay.

Kung ituring man kayong bilangguan ng dakila’t bathala
ay ano’t hindi namin ikinasisiya ang luwag at aliwalas?
Kahit ang gamot ay nagiging lason sa wika ng hinaharap.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extra-judicial killing. Uphold human rights at all costs!