Sayaw ko, ni Blaise Cendrars

Salin ng “Ma danse,” ni Blaise Cendrars (Frederick Louis Sauser)                   ng Switzerland
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Sayaw ko

Kay Platon, walang karapatan sa lungsod ang makata
Hudyong palaboy
Metapisikong Don Juan
Mga kaibigan, matatalik sa loob
Wala ka nang kaugalian at wala nang bagong gawi
Dapat nang lumaya sa tiranya ng mga magasin
Panitikan
Abang pamumuhay
Lisyang kayabangan
Maskara
Babae, ang sayaw na ibig ipasayaw sa atin ni Nietzsche
Babae
Ngunit parikala?
Tuloy-tuloy na pagpasok at paglabas
Pamimilí sa lansangan
Lahat ng tao, lahat ng bansa
At ikaw ay hindi na pasanin pa
Tila ba hindi ka na naroroon .  .  .
Ginoo akong nasa kagila-gilalas na treng tumatawid sa parehong lumang Ewropa
. . . . . . . at nakatitig nang malamlam mula sa pasilyo
Hindi na makapukaw sa aking interes ang tanawin
Ngunit ang sayaw ng tanawin
Ang sayaw ng tanawin
Sayaw-tanawin
Paritatitata
Ang aking paiikutin

Advertisements

Salitaan, ni Adam Czemiawski

Salin ng “Speech,” ni Adam Czemiawski ng Poland
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Salitaan

Hindi kailangang maunawaan ang awit ng tamsí
upang hangaan at tingalain.
Hindi kailangang maunawaan ang kokak ng palaka
upang mabatid na nakalalasing.
Nauunawaan ko ang usapan ng mga tao
na doble-kara at sinungaling.
Kung hindi ko iyon nauunawaan
ay ako ang magiging makatang pinakamagaling.

Huwag akong titigan, ni Martin Carter

Salin ng “Do not stare at me,” ni Martin Carter ng Guyana
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Huwag akong titigan

Huwag akong titigan mula sa iyong bintana, binibini,
huwag akong titigan at pagtakhan kung saan nagmula.
Isinilang ako’t gumulang sa lungsod na ito, binibini.
Naririnig ko ang mga kuliglig tuwing alas-seis ng gabi

at ang nakabubulahaw na tilaok ng manok sa umaga
kapag ang mga kamay mo’y ginugusot ang kobrekama
at ang magdamag ay nakabilibid sa loob ng aparador.
Hitik na hitik sa mga pileges ang aking mga kamay

gaya ng dibdib mong namumutok ang ugat, binibini.  .  .
Huwag akong titigan at pagtakhan kung saan nanggaling,
ang mga kamay ko’y bumibigat sa mga pileges,
gaya ng dibdib mong hitik sa mga ugat, binibini—

Dapat kumalinga ang isa’t sumuso ng buhay ang isa.  .  .
Huwag akong titigan mula sa iyong bintana, binibini.
Titigan mo nang lubos ang  bagon ng mga bilanggo!
Titigan ang karo ng patay na nagdaraan sa tarangkahan!

Titigan ang mga pook-maralita sa timog ng lungsod!
Titigan nang mariin, at isipin, binibini, kung saan
ako nagmula, at kung saan papalaring mapapadpád!
Hitik na hitik sa mga pileges ang aking mga kamao,

gaya ng mga súso mong namumurok sa ugat, binibini,
at dapat kumalinga ang isa, at sumúso ng búhay ang isa.

Hulát, ni Roberto T. Añonuevo

Hulát

(para kay IMA)

Roberto T. Añonuevo

Pantalan ba ito na nag-aabang ng barko
na kung hindi hinalihaw ng tribunada’t bagyo
ay dinakip ng lungkot ang mga tripulante?
Tatanawin ko ito nang walang pagkapagod,
na tila dayaray na naglalagos sa baláy.
Sapagkat ang pagsubaybay ay mga alon
na dumarating at lumalayo nang paulit-ulit—
isang ritwal na tigmak sa pag-asa’t pananabik,
at ikaw ang hulagway na aahon sa guniguni.

Ang oras ang tumatayog na bundok ng inip,
at ang espasyo sa puso ay lalong lumalamig.

Ngunit darating ka, gaya ng isang dalubhasa
sa ahedres na nagsusulong matapos magbúlay
at pigain ang posibilidad ng hakbang at pasiya.
Mauuna marahil ang iyong mga liham at tula
na tumatawid sa maaliwalas na himpapawid.
Susunod ang iyong mga pangarap na nakaipit
sa kuwardernong gulanit, at ang isang pabatid,
nagmula man sa hari o hukom o hunghang.

Matutulog ako para kita makita. Matutulog ako,
at ikaw ang pupukaw sa daigdig kong giniginaw.

Impong Polinesyo, ni Talosaga Tolovae

Salin ng “Polynesian Old Man,” ni Talosaga Tolovae ng Samoa
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Impong Polinesyo

Nagtataka lámang ako,
. . . . . . . . . .O, impo,
kung bakit umiiwas sumulyap ang mga mata mong kaypula
kapag lumabas akong magara ang suot na Amerikana,
at kumikinang ang pares na metalikong botang Italyana.

Nagtataka lámang ako,
. . . . . . . . . .O, impo,
kahit iniuwi sa iyo ang tatlong-taóng titulado ng lahing puti,
ay taglay mo pa rin ang nababalisâ, duguang mga mata.

Nagtataka lámang ako,
. . . . . . . . . .O, impo,
na bago ka tuluyang yumao’y tinanggihan mo ang itim
na botang Italyana, ang bagong itim na Amerikana,
ang salaping pilak na pampagamot sa duguang mata
na marangyang handog ng iyong edukadong kadugo.

Nagtataká ako kung bakit,
. . . . . . . . . .O, impo,
itong kutob ko’y kabado kang makatagpo ang maputla
at mababaw na kayumanggi mong Polinesyong anak—
na may kutis ng puting lahing maángas kung maglakad.

Pagkanegro, ni James Emanuel

Salin ng “Negritude,” ni James Emanuel ng United States of America
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pagkanegro

Itim ang unang pakò na aking niyapakan;
Itim ang kamay na pumawi sa aking luha.
Itim ang unang matandang aking napansin;
Itim ang pamatok ng kaniyang mga taon.

Itim ang naghihintay sa pook ng karimlan;
Itim ang sahig na kinalugmukan ng mga siga.
Itim ang kuwentong tigmak sa pighati;
Itim ang kapatiran ng mga pagdurusa.

Itim ang tahimik na pintong yari sa bakal;
Itim ang landas ng dumarako sa hulihan.
Itim ang paglikô sa paglipas ng mga taon;
Itim ang mga talaarawan ng isipan.

Itim ang mga kamao ni Gabriel Prosser;
Itim ang lastag na dibdib ng Manlalakbay.
Itim ang patay na ina ng batang mag-aaral;
Itim ang batang namumukod sa iba pa.

Itim ang paggaralgal ng isang motor;
Itim ang tapak kapag naging berde ang ilaw.
Itim ang bukbuking papel ng nakaraang taon;
Itim ang ulong-balitang hindi pa nababása.

Itim ang pasaning magiting na inihihimig;
Itim ang krus na pawis sa pagbangon ng bayan.
Itim ang batang kilala ang kaniyang mga bayani;
Itim ang paraan ng pagyao ng bayang bayani.

Stop weaponizing the law. No to Chinese invasion. Yes to people power. Yes to human rights. Yes to humanity!

 

Sa isang kabataan, ni Nancy Morejón

Salin ng “A un muchacho,” ni Nancy Morejón ng Cuba
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Sa isang kabataan

Habang unti-unting lumalatag
ang dapithapon,
umahon ang kaniyang likod
na taglay ang bulâ ng alon at taog.

Kinuha ko ang itim niyang mga mata,
gaya ng batotoy sa gulaman ng pasipiko.

Kinuha ko ang maninipis niyang labi,
gaya ng asín na nadarang sa buhangin.

Sa wakas, kinuha ko ang balbasin niyang
babà na kumislap sa sinag ng araw.

Isang kabataan ng mundong gaya ko:
ang mga awit ng bibliya
ang humubog sa kaniyang mga binti,
bukong-bukong, at ubas ng kasarian.
Mga himig na tigmak sa ulan ang umagos
sa kaniyang bibig na bumilibid sa amin,
na tunay na pagmamahal,
gaya ng mga magdaragat na naglalayag
sa walang katiyakang karagatan.

Nabubuhay ako sa kaniyang mga yakap.
Ibig kong mamatay sa matipuno niyang bisig,
gaya ng isang nalulunod na kanawáy.

Ang araw ng liwanag, ni Bjørnstjerne Bjørnson

Salin ng tula ni Bjørnstjerne Bjørnson ng Norway
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Araw ng Liwanag

Iyon ang pinakamarikit na liwanag ng araw,
Ang baláy at bakuran ay ni hindi ako mapigil;
Gumalà ako sa kahuyan, humiga sa damuhán,
At sa duyan ng kaluguran ay nagpabíling-bíling;
Ngunit laksa ang langgam, nangangagat ang mga lamok,
Mabagsik ang mga niknik, at putakti’y nag-aamok.

“Mahal ko, gusto mo bang magliwaliw ngayong maganda
ang araw?” ani inang nasa hagdan at kumakanta.

Iyon ang pinakamarikit na liwanag ng araw,
Ang baláy at bakuran ay ni hindi ako mapigil;
Sumapit ako sa párang, humilata sa damuhan,
At inawit ang ibinulong sa akin ng damdamin;
Gumapang ang ulupong na sandipa ang habà,
Nagbilad sa araw, at tumakbo ako nang magitlâ.

Sa ganitong araw, puwedeng magyapak, ani ina,
Habang hinuhubad niya ang medyas sa mga paa.

Iyon ang pinakamarikit na liwanag ng araw,
Ang baláy at bakuran ay ni hindi ako mapigil;
Kinalag ko ang tali’t humilata ako sa paráw
At masayang nagpaanod saka biglang napahimbing;
Ngunit nakapapasò ang sinag, sunog ang ilong ko,
Ayoko na, dadaong na ako sa pasigan dito!

“Ito ang panahon para mangalaykay,” ani ina’t
Isinudsod ang kalaykay sa dayami ng mandalá.

Iyon ang pinakamarikit na liwanag ng araw,
Ang baláy at bakuran ay ni hindi ako mapigil;
Umakyat ako sa puno’t naglaro nang walang humpay,
At ang malamig na simoy ang nagpakalma sa akin.
Ngunit nangalaglag ang mga uod sa aking batok,
Napalundag ako’t humiyaw: “Yawang umiindayog!”

“Kung hindi malilinis ang mga baka,” ani inang
nakatitig sa buról, “huwag umasang lilinis pa.”

Iyon ang pinakamarikit na liwanag ng araw,
Ang baláy at bakuran ay ni hindi ako mapigil;
Nagtungo ako sa talón, naglaro kahit maginaw,
At natamo ang kapanatagan sa angking damdamin.
Nakita ako ng sinag-araw nang nalunod at yumao—
Ikaw ang kumatha ng awit na ito’t hindi ako.

“Tatlong maliwanag na araw na lamang,” ani ina,
“at lahat ay handa na,” at inayos ang aking kama.

Abiku, ni Wole Soyinka

Salin ng “Abiku,” ni Wole Soyinka ng Nigeria
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Abiku

Batang lagalag. Ang parehong batang namatay at paulit-ulit nabubuhay upang  salantain ang ina. —Paniniwalang Yoruba

Walang saysay ang mga borloloy na galáng ninyo
Na paikid na gumagayuma sa aking mga paa;
Ako si Abiku, na nanánambítan sa una
At paulit-ulit na pagkakataon.

Dapat bang itangis ang mga kambing at báka
Kapalit ng langis ng niyog at inihasik na abo?
Hindi nagpapasibol ng agimat ang mga ube
Upang tabunan ang mga galamay ni Abiku.

Kapag sinunog ang balát ng isang susô’t
Pinatalas ang nagbabagang piraso, sakâ itinatak
Nang mariin sa aking dibdib, dapat batid na ninyo
Kung muling nanánawágan sa inyo si Abiku.

Ako ang ngipin ng tapilak, na kumalag-kalag
Sa palaisipan ng palmera. Tandaan ninyo ito:
Ihukay pa ako nang malalim na malalim
Tungo sa namamagang paa ng bathala.

Minsan at sa paulit-ulit na yugto, di ako tumatanda
Bagaman nákasusuká na, at kapag ibinuhos ninyo
Ang tagay sa anito, bawat hintuturo’y tinatangay
Ako malapit sa aking pinanggalingan, sa pook

Na tigmak ang lupain sa luha ng pagdadalamhati.
Hinihigop ng puting hamog ang mga tigmamanok,
Kinakaibigan ng gabi ang gagamba’t binibihag
Ang mga gamugamo sa mga bulâ ng tuba.

Gabi na, at sinisipsip ni Abiku ang natitirang langis
Sa mga tinghoy. Mga ina! Ako ang nanánawágang
Ulupong na pumupulupot sa inyong mga pintuan
At tumitilaok bago ang pagpaslang.

Ang pinakahinog na prutas ang pinakamalungkot
Na aking ginagapang. Ang init ay nakasusulasok.
Sa katahimikan ng mga sápot, umungol si Abiku,
At inihugis ang mga tumpok mula sa pulá ng itlog.

Stop weaponizing the law. Stop militarizing the bureaucracy. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extra-judicial killing. Yes to human rights. Yes to humanity!