Iral sa pagitan nina Nasimi at Abadilla, ni Roberto T. Añonuevo

 Iral sa pagitan nina Nasimi at Abadilla
  
 Roberto T. Añonuevo
  
 Ang katawan
                 ang isipan
 at ako
 at ikaw
              ay hindi mundo
              ang mundo
 ay hindi ako
 at hindi ikaw
 bagkus
          ang kamalayan
 tawagin man ito
                  na Maykapal
 o himagsikan sa mga maykapal
  
 Ang kamalayan
 ang mundo
              sa isipan
              sa katawan
 ang lakas
           ang puwang
                   ang panahon
  
 At ako’y
                    nasa labas
            at ikaw
            at ako’y
 nasa loob
 ang kamalayan
                 ang kamalayan
 na gumagalaw
                    ang lawak
                    ang lalim
 mula at tungo sa lahat 
                       ng bagay
 Ang pumasok
              sa katawan
 ay katawan
              ang lumabas
 sa katawan
 ay katawan
             ang mundo
                   ng kamalayan
 sa lahat ng nilalang
  
 Ang pumasok
 sa isipan
 ay isipan
                ang lumabas
                sa isipan
                ay isipan
 ng katawan
 ng kamalayan
  
                Ang pumasok
                ang lumabas
 ang katawan
 ang isipan
                ang kamalayan 
 ang ako
 ang ikaw
 ang mundo
 tawagin man ito
                  na Maykapal
 o Himagsikan sa mga Maykapal 
Alimbúkad: Poetry pure across time and space. Photo by Ana Madeleine Uribe on Pexels.com

Ligáw, ni Roberto T. Añonuevo

 Ligáw
  
 Roberto T. Añonuevo
  
 Napakahabang riles ang tinatawid
 ng mga langgam
 para maghanap ng asukarera
  
 o prutas o agaw-buhay na kambing.
  
 Umaalimuom ang lupain.
 Naglalaro ng alikabok at yagit
 ang ipuipo.
  
 Sa talahiban, napakasigasig takpan
 ng mga ilahas na pukyot
 ang lumang Volkswagen
  
 na naglilihim ng kalansay 
                           ng aso.
  
 Waring lumikas ang bayan;
 at ang balita ay dalag sa tuyot 
 na latián.
  
 Sa iyong guniguni, libo-libong maya
 ang kay lilikot
 at nagsusulat sa himpapawid——
  
 ngunit hindi mo maarok ang hiwatig. 
Alimbúkad: Raging poetry soul. Photo by Dave Drost on Pexels.com

Sandata, ni Roberto T. Añonuevo

Sandata

Roberto T. Añonuevo
  
 Nahumaling nga ang daigdig sa iyo
 at ginagamit ka
 laban sa lahat ng hindi namin
 gusto.
 Kasangkapan upang patumbahin
 ang katunggali,
 ikaw din ang laging instrumento 
 sa pagsupil ng salot o sakít.
 Wari ba’y lagi kaming nasa digma,
 at sinuman o alinmang salungat
 ang agos
 ay kaaway at kaaway na tunay
 at kailangan ka upang ipagtanggol
 ang puwesto at pangalan.
 Ikaw ang malinaw na linya at kulay
 sa bakbakan ng lakas at kasarian.
 Ikaw ang timbang at sustansiya
 sa taggutom at walang habas
 na kasakiman ng iilan.
 Ikaw ang agimat laban sa kulam,
 at ang sumusuway sa pangaral
 ng diyos ay may katumbas
 na parusa at kapahamakan.
 Hindi ba ikaw ang nakalakip
 at isinasaulo sa aming mga dasal?
 Parang sumpa, ikaw ang panagot
 sa aming katangahan——
 ipinapaskil sa bilbord ng islogan,
 isinasaliw tuwing may kampanya
 sa darating na halalan——
 at kapag angkin ka ninuman
 ay pupurihin kahit ng madlang
 walang kamuwang-muwang,
 walang malasakit o pakialam
 sa puwang o karunungan.
 Naririnig ka namin sa brodkaster
 at parang dapat ipagmalaki pa
 kung nagkulang ang diksiyonaryo
 para sa mga konseptong
 ikakabit sa mga dapat tapatan
 ng salita at gawa.
 Hinahamak kami kapag lumitaw
 ka sa mga banta at paninindak,
 gaya sa talumpati ng pangulo,
 at sinumang may kapangyarihan
 ay mababaligtad ang kahulugan
 ng batas.
 Kung umibig ba kami’y dapat kang
 hasain at laging sukbit saanman?
 Sawâ na kami sa rido at patayan.
 Nagbibiruan tuloy kaming huwag 
 nawa kaming maging makata
 na maláy ang guniguni’t napopoot.
 Baká ang bawat ipukol naming salita
 ay magpaluhod 
 sa nang-aapi at bumubusabos
 sa milyon-milyong dukha’t kawawa,
 kahit ni hindi ka man lang sinisipi.
 Ngunit hindi kami makata,
 at hindi ka rin namin kaaway,
 o mahal na kataga. 
Alimbúkad: World-class poetry for a better world. Photo by Rachel Claire on Pexels.com

Kuwentong Buday-buday, ni Roberto T. Añonuevo

Kuwentong Buday-buday
ni Roberto T. Añonuevo
  
 Nakaputong sa kaniya ang ginintuang
 kaharian,
 ngunit panatag siyang nakapikit,
 waring lumulutang sa langit,
 at natigatig ako nang siya’y matagpuan.
  
 “Ikaw ba ang anak ng emperador?”
 at kinusot ko ang aking paningin.
  
 Sa isip ko’y nagtatambol ang talón 
 sa di-kalayuan. Sumisipol ang amihan, 
 at nagsimulang umambon 
 ng mga dahon.
 Nagpapahinga ang kalabaw sa sanaw.
  
 Dumilat siya; at nang tumitig siya 
 sa akin ay tila nadama ko ang bigat 
 ng ginintuang putong, 
 at ang mga gusaling aking tiningala
 ay ano’t naging kalansay 
 ng dambuhalang palasyo sa gubat.
  
 Walang ano-ano’y hinubad niya 
 ang korona.
 At ngumiti 
 ang matabang singkit na kalbo
 na ngayon ay mundong nasa kamay ko:
  
 ang alkansiyang kumakalansing sa barya. 
Alimbúkad: Poetry ideas matter. Photo by Pixabay on Pexels.com

Alak, ni Roberto T. Añonuevo

Alak
 
Roberto T. Añonuevo
 
Malalanghap ang mansanas, peras, at ubas,
ang pambihirang sebada na magluluwal
ng malta,
ang salamangka ng tubig sa lihim na batis
mula sa islang malayo sa paningin—
gaya sa pawis ng mga obrero’t trobador.
 
Pinahinog sa bariles ng pinong robledo,
ito ngayon ang ipinasusubasta sa madla
para tikman ng mga pribilehiyado o lasenggo
at pag-imbutan sa negosyo at elegansiya.
 
Maisasalin sa baso ang komunidad
ngunit mabubura ang karukhaan,
at liligwak sa isip ang langit, ang koleksiyon
ng pulang alak na edad pitumpu’t apat.
 
Isang milyong dolyar marahil ang katumbas,
matanda pa sa akin ngunit buháy na buháy,
magpapasulak ng dugo,
magpapatigas ng uten,
magpapaputok ng bátok,
ngunit makapapasá sa dila ng mga konosedor.
 
Paano ito nakaligtas sa digma, salot, tagsalat?
 
Sasagutin iyan ng espiritung maglalandas
sa lalamunan at maiiwan sa hininga,
palalawigin ng mga kuwento
at pakikipagsapalaran kahit kabulaanan,
ngunit kung ano man ang kasaysayan nito
ay hayaan para sa naghuhukay ng kalansay.
 
Nalilikha ang alak para malasing ang mga diyos
at sila’y minsan pang magbalik na mortal
o ito’y hakang marapat na ipawalang-saysay.
 
Kapag iniharap ang matandang wisking ito
sa aking lambanog na hinog na hinog,
ang suwabe ay sagradong niyugan at palaspas,
ang nunal na hindi mabura-bura ng mababangis
na bagyo, sakit, at pananakop
bagkus ay patuloy na bumabangon, tumatatag——
mula sa liblib na baybay o dalisdis ng bundok,
mula sa mga bisig na kumakarit ng mga bituin,
mula sa mga binting nanunulay sa alanganin,
mula sa mga himig na sumasayaw sa guniguni,
mula sa pag-asang subók sa iba’t ibang simoy.
 
Nakapapasò ang guhit at sumisipa
nang marahan,
ang lambanog na ito pagkalipas ng isang siglo
ay epiko ng komunidad na babalik-balikan ko.
Alimbúkad: Unspoken poetry imagination. Photo by Elina Sazonova on Pexels.com

At gaano katagal mabuhay?, ni Pablo Neruda

Salin ng “Y cuanto vive?,” ni Pablo Neruda ng Chile
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

At gaano katagal mabuhay?

Gaano ba dapat katagal mabuhay ang tao?

Mabubuhay ba siya nang sanlibo o isang araw?

Isang linggo, o ilang siglo?

Gaano katagal niyang gugugulin ang pagyao?

Ano ang ibig sabihin ng “walang hanggan?”

Nalunod ako sa ganitong mga pagninilay,
kayâ sinikap ko na linawin ang mga bagay.

Sumangguni ako sa matatalinong saserdote,
hinintay silang matapos ang kanilang mga ritwal,
at tinitigan nang maigi ang kanilang mga lakad
tuwing dumadalaw sa Diyos at Diyablo.

Nabato sila sa aking mga tanong.
Sa panig nila’y kakaunti lámang ang alam nila;
hindi sila makaigpaw sa pagiging administrador.

Tinanggap ako ng mga mediko
nang maisingit sa mga konsultasyon,
habang tangan nila ang panistis,
tigmak sa aureomisina,
at napakaabalá bawat araw.
Natutunugan ko mula sa kanilang sinasabi
na ang problema ay ang sumusunod:
Hindi iyon hinggil sa pagkamatay ng mikrobyo
dahil nalilipol iyon nang tone-tonelada—
bagkus sa kakaunti na nakaligtas
na nagpamalas ng kalisyahan.

Iniwan nila ako nang nagigitla
kayâ sumangguni ako sa mga sepulturero.
Nagtungo ako sa mga ilog na pinagsisilaban nila
ng mga dambuhalang pintadong bangkay,
maliliit na patpating katawan,
mga nakabihis emperador
ng malalagim na sumpa,
mga babaeng nalagas nang kisapmata
sanhi ng daluyong ng kolera.
Naroon ang pampang ng patay
at ng mga abuhing espesyalista.

Nang magkaroon ako ng pagkakataon
ay pinukol ko sila ng matitinding tanong,
at nag-alok naman silang sunugin ako:
Iyon lámang ang lubos nilang nalalaman.

Sa bayan ko, ang mga sepulturero’y
tumugon sa akin, pagkaraang tumagay:
‘Maghanap ka ng mabuting babae—
at tigilan mo na iyang kabulastugan.’

Nakita ko kung gaano kasaya ang mga tao.

Umawit sila habang nagtatagay ng alak,
para sa kalusugan at kamatayan.
Mukha silang mga bigating hindot.

Umuwi ako ng bahay, at ganap na tigulang
makalipas tawirin ang daigdig.

Ngayon ay wala na akong inuusisang tao.

Ngunit kakaunti na ang aking alam bawat araw.

Alimbúkad: World Poetry Translation Project Marathon for Humanity. Photo by Ümit Bulut @ unsplash.com

Lagay ng Panahon, ni Roberto T. Añonuevo

Lagay ng Panahon

Roberto T. Añonuevo

Nagsilindro ang mga anino sa tanghaling-tapat,
nakinig ang palaboy na askal
sa tabi ng tindahan,
at pagkaraan, ang pagkamangha ay naibulsa
ng mga multong naglalakad sa bangketa.
Lumipad ang kumakatal na matandang himig
na bumubuga ang guniguni sa mga traysikel,
at tumawid ang ambulansiya na parang sigà.
Isinapelikula ng mga tambay na paslit ang inip;
naghihintay ng suki ang latag ng prutas, gulay
ngunit bumibili lámang sa sulyap at takam
ang sinumang mapadaan.
Nagtinginan ang mga bilbord ng mga negosyo
na kung mga politiko’y magsisilid ng kamay
sa hungkag na kahon.
Nagbibilang wari ng mga maysakit ang hangin.
Naglaho ang mukha kapalit ng libong maskara.
Nangarap ng videoke ang kalapati sa poste.
At maya-maya’y nagkaulap ng pangamba
habang tahimik na papalapit nang papalapit
ang mga unipormadong tagawalis at tanod.
Saka nagtalumpati na tila sangganong pangulo
ang radyo—sa uyam ng silindro ng mga anino
na ayaw pasindak sa bilibid, uhog, at ulan—
para sa hanapbuhay ng pagsusunog ng bangkay.

Alimbúkad: Poetry unlimited. Photo by Ramadan Morina

Kisap, ni Roberto T. Añonuevo

Kisáp

Roberto T. Añonuevo

Natulog ako para makapiling ka; ito ang pinakamabilis na paraan tungo sa iyong kinaroroonan. At nang mamulat pagkaraan ng limang dekada ay isa ka nang lungsod na palaisipan ang mga kalye at paradahan.

Hindi ko alam kung dapat ipagpasalamat ang gunita sapagkat nananatili ito sa buto, buhok, hininga. Tanging haraya—kung hindi man kamalayan—ang nalalabi upang magpatuloy.

Naglakad ako, naglakad nang naglakad, kung ito ang patunay ng pagiging tao.

Hanggang sa mapulot ko ang kusót na diyaryo na nakalatag sa bangketa, at nakasaad doon: Bumagsak ang diktador at may naghasik ng rido sa kaniyang mga inapo. Hindi ba siya ang malakas at ang bibig ay nagbubuga ng sindak?

Napailing ako; at tiningnan ang relo sa paskilan, ngunit tumangging maniwala. Naging íkon at bantayog ang pandemya na dati-rati’y agahan ng balita at tsismis; samantala, winakasan na ang panahon ng dam at embargo, o kung hindi’y magkakadigma. Naging karaniwan ang baha at pamamangka sa dáting tigang na lupain. Naisip ko na magkapakpak.

Nagkapakpak nga ako, at nang lumipad gaya ng isang uwak, nasilayan ko ang iyong katawan sa pinakamarikit na larawan na pinaghalong hagod ni Joya at taludtod ni Bigornia. Ang lungsod, sa isang iglap, ay naging planeta na umoorbit sa mga kodigo ng elektronikong himpapawid.

Lumapag ako sa iyong hulagway.

May kung sinong naglalakad sa karaniwang araw, at nang batiin niya ako, nagpakilala siyang propesor na nagmula sa kung saang lupalop, na ang maluluwag na unibersidad ay naging bakwetan, kung hindi man tambayan, ng mga salinlahing palaboy.

Pumikit ako; at nang  dumilat ay ikinalat ng amihan sa sahig ang mga talulot ng mga sariwang sampagita at rosal.

Alimbúkad: Poetry unlimited. Photo by Masaaki Komori.

Sap, ni Roberto T. Añonuevo

Sap

Roberto T. Añonuevo

Pumipikit ang daigdig para sa pawis
At buwis, at kung ikaw ang nagigipit
Sa panahon ng epidemya’t tagsalat,
Ay kakagat sa pangako’t patalim
Na gumigilit sa leeg ng mga lintik.
Hihintayin gaya ng pagdalaw ng multo
At masuwerte kung ito’y nagkatotoo.
Aakalaing ginhawa ngunit ginhawa
Na mailap o makupad dumating,
At kung dumating ay unti-unti,
Tipid na tipid,
Dumaraan sa libong silid at hakbang,
nahahati kung minsan gaya ng tinapay
kahit mali,
pinipili ng mga kusinero sa burukrasya,
sinasabi ng batas para sa lahat
ngunit laging ang batas ang nababali,
At kung hindi nababása sa diyaryo,
namamatay ang kabayo, wika nga,
Nang nakahiga sa makapal na damo.
Dagta itong sinlapot ng mga pandakit,
At sa mga kamay ng namamahagi
Ay nagmamarka ng pangalan at daliri.
Sipsipin ito gaya ng dugo
Gaya ng pagsipsip ng manananggal
Sa katauhan mo,
At lulusog ka sa mesa ng pagkabuang
Na susukol sa natitirang pag-asa.
Katasin ito gaya ng sariwang gata,
At magugulat sa mga nakatala:
Mga multong nabuhay muli at pumila,
Mga multong nag-uuwi ng ayuda,
Mga multong nagbabalik sa kaban
Na para bang naghahanda sa halalan.
Ngayon, ang mamatáy nang dilat
Ay pagdilat din kung said na ang lahat.

Alimbúkad: World Poetry Imagination for Humanity. Photo by Bryan Garces @unsplash.com

Totoo, ni Roberto T. Añonuevo

Totoo

Roberto T. Añonuevo

Nananatili itong malamig
at depende sa iyong ibig
ay magiging plastik o banig.
Itinutulak ng bibig
at dibdib mo ang kinakabig,
nakapapasò rin kapag ligalig
ka, at ang loob ay umaapaw
o nagsasayelong sanaw.
Hipuin ito at mapupukaw.
Himasin ito at matutunaw
na parang halimaw,
habang ang iyong tanaw
ay naglalaro
mulang lalim hanggang rabáw
nang lampas sa init ng araw.

Alimbúkad: World Poetry Imagination for Humanity. Photo courtesy of Birmingham Museums Trust, titled, “Changing the Letter,” 1908, by Joseph Edward Southall. The subject is taken from the poem ‘The Man Born to be King’ from William Morris’s ‘The Earthly Paradise’. The sealed letter is addressed ‘To The Governor’