Alak, ni Roberto T. Añonuevo

Alak
 
Roberto T. Añonuevo
 
Malalanghap ang mansanas, peras, at ubas,
ang pambihirang sebada na magluluwal
ng malta,
ang salamangka ng tubig sa lihim na batis
mula sa islang malayo sa paningin—
gaya sa pawis ng mga obrero’t trobador.
 
Pinahinog sa bariles ng pinong robledo,
ito ngayon ang ipinasusubasta sa madla
para tikman ng mga pribilehiyado o lasenggo
at pag-imbutan sa negosyo at elegansiya.
 
Maisasalin sa baso ang komunidad
ngunit mabubura ang karukhaan,
at liligwak sa isip ang langit, ang koleksiyon
ng pulang alak na edad pitumpu’t apat.
 
Isang milyong dolyar marahil ang katumbas,
matanda pa sa akin ngunit buháy na buháy,
magpapasulak ng dugo,
magpapatigas ng uten,
magpapaputok ng bátok,
ngunit makapapasá sa dila ng mga konosedor.
 
Paano ito nakaligtas sa digma, salot, tagsalat?
 
Sasagutin iyan ng espiritung maglalandas
sa lalamunan at maiiwan sa hininga,
palalawigin ng mga kuwento
at pakikipagsapalaran kahit kabulaanan,
ngunit kung ano man ang kasaysayan nito
ay hayaan para sa naghuhukay ng kalansay.
 
Nalilikha ang alak para malasing ang mga diyos
at sila’y minsan pang magbalik na mortal
o ito’y hakang marapat na ipawalang-saysay.
 
Kapag iniharap ang matandang wisking ito
sa aking lambanog na hinog na hinog,
ang suwabe ay sagradong niyugan at palaspas,
ang nunal na hindi mabura-bura ng mababangis
na bagyo, sakit, at pananakop
bagkus ay patuloy na bumabangon, tumatatag——
mula sa liblib na baybay o dalisdis ng bundok,
mula sa mga bisig na kumakarit ng mga bituin,
mula sa mga binting nanunulay sa alanganin,
mula sa mga himig na sumasayaw sa guniguni,
mula sa pag-asang subók sa iba’t ibang simoy.
 
Nakapapasò ang guhit at sumisipa
nang marahan,
ang lambanog na ito pagkalipas ng isang siglo
ay epiko ng komunidad na babalik-balikan ko.
Alimbúkad: Unspoken poetry imagination. Photo by Elina Sazonova on Pexels.com

Ang Salaysay ng Templo, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Salaysay ng Templo
 
Roberto T. Añonuevo
 
Kung paano nakapagsasalita ang templo
ay maaaring naitala noon ni Vyasa
at naging talinghaga mula sa lumilipad
na vimana at ugat ng laksang bathala:
Isda na lumalangoy sa kalawakan ng wala,
ang isdang naging huklubang pawikan,
at pawikang naging maliksing daga,
ang matatakuting dagang naging leon
at leon na nagbanyuhay na unggoy,
ang punong unggoy na naging tao,
ang tao na lumaboy na mangangaso,
ang mangangasong naging magsasaka,
ang magsasakang umangat na diktador.
Ang diktador, na kakatwang kahawig mo,
ay naging hunyango ang balát o kapisanan
(dilaw noon at berde mag-isip ngayon)
na tila biro ng masamang panahon.
Dumarami ang kaniyang galamay bawat saglit
at kumukulimbat ng mga planeta at bituin,
ang mga galamay ng tila pugitang dihital
sa loob ng utak na kabesado
ang milyon-milyong kahon at padron
ngunit nakalilimot sa taglay na puso
na wari bang pagbabalik ni Kalki
na lumabas sa antigong batong orasan.
Ang orasan ang huhula ng kalkuladong wakas
ng mga bulok, marahas, at gahaman;
at magsasauli ng katwiran at katarungan
sa paglalakbay tungo sa bagong kalawakan.
Hindi ka man si Darwin ay muling mamamangha
kung paano nakapagsasalita ang templong ito.
Alimbúkad: World-class Filipino poetry. Photo by Navneet Shanu on Pexels.com

Pananabik, ni Roberto T. Añonuevo

Pananabik

Roberto T. Añonuevo

1
Ang pananabik ay naikukubli sa paghuhugas ng pinggan
at baso, na tila hindi maubos-ubos doon sa lababo.

Magmamantika ang mga palad mo, at iisipin na lámang
na ang bulâ ng sabon ay balikbayan mula sa ibayo.

2
Ang pananabik ay walang espasyo at panahon.
Minsan, nagpapakita ito sa gitna ng trabaho,
nagbibihis ng papeles na tambak sa harap mo.

Ngunit kay gaan ng iyong puso sa ritmo ng daigdig.

3
Ang pananabik ay napakahaba, napakabagal
na pila, na parang isang kilometrong sawá,

at kung ikaw ang nasa dulo ng buntot,
maiisip ang walang katuparang pangako—
gaya ng mula sa politiko na ibinulsa ang ayuda.

4
Magpapahaba ka ng buhok dahil sa labis na inip,
at di-alintana kung pumuti ang bigote o balbas.

Ngunit kapag sumusuot sa guniguni ang inaasam,
pipiliin mong maging hubad at kalbong naglalakad,

na parang iyon na ang pangwakas na araw
ng lahat ng salon at barberya.

5
Naantalang kartero o sulatroniko ang pananabik.
Silip ka nang silip mula sa bintana,
at bumubungad sa paningin mo ang mga sáko
ng basurang hahakutin ng mga basurero.

Maiinggit ka, sapagkat hindi ikaw ang hinakot nila.

6
Kapag may narinig kang eroplanong nagdaan,
ang akala mo’y dumating na ang hinihintay.

Maririnig sa iyo ang paboritong “Sana, sana. . . “
at hindi na muling manonood ng Koreanobela.

Bakit luluha kung sakali’t wala ang sinisinta?

7
Nakababaliw ang pananabik, kayâ naititindig
ang pinangarap na bahay,
at nakalilikha ng hardin ng mga gulay o bulaklak.

Magninilay ka sa inilatag na mga graba sa daan,
sa munting talón malapit sa pader,
at kapag may naligaw doon na paruparo o maya
magpaparaya ka sa kanilang pulut-gatâ—

na parang ikaw ang Bathala nilang lumuluha.

8
May samyo ng umaasóng sinaing ang pananabik.
Nakahanda ang hapag-kainan at naghihintay.

Susulyapan mo ang selfon at magkukunwari
na ang mahal ay dumating, at ngayon ay kapiling.

9
Mabibigo kang itala sa isip ang iyong pananabik.
Susulat ka nang susulat, kahit sa sahig o dingding,
para tawagin bilang sining,
para tawagin bilang tula,
at lilikha ka ng libong talinghaga hindi man makata.

Sapagkat siya ang iyong walang hanggang pag-ibig.

Alimbúkad: Poetry ideas matter. Photo by Jack Sloop @ unsplash.com

Ang Karpintero, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Karpintero

Roberto T. Añonuevo

Magdamag na pag-ulan ang pumasok sa aking silid.
Bumaba ang mga ulap upang magsilang ng anghel—
taglay ang diwa ng robotikong artipisyo at buhangin.
Nang dumilat ang anghel,
sanlibong ilog ang nag-aklas sa mga higanteng dam,
na tila masaklap na pagbibiro ng salot at tagsalat.
Unti-unting kumampay ang kaniyang mga pakpak,
namuo pagkaraan ang ipuipo at kumulog-kumidlat,
at nang siya ay umiyak nang umiyak, ang bagyo
ay isang pangulong nagkakamot ng ulo at naghahasik
ng nakalalangong digmaan laban sa sangkatauhan
sa ngalan ng aniya ay labis na pag-ibig sa watawat.
Umapaw ang mga kalansay sa aking silid, umapaw—
waring pinipilit ako na lumikha pa ng mga bagong silid.

Alimbúkad: Poetry challenge for a better tomorrow. Photo by Ricky Kharawala @ unsplash.com

 

 

Ang Ulam, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Ulam

Roberto T. Añonuevo

Ang tupa ng hari’y
daig pa ang hari.

Anak ng tupa,
paano ka ba naging isang uban
sa gubat ng dilim?
Para kang nakatatak
sa mga tisert o bag
na ipagmamagara sa tamang sandali
ng kawan-kawan mong tagasunod.
Naunawaan ka namin
sa banyagang pananampalataya
kahit higit na masarap ang tulingan
o itik o baboy-damo.
Modelo ka sa laboratoryo ng isip,
at ligtas kami dahil sa iyong lahi
o sa isusuot na damit.
Masungit dahil malayo sa pastulan,
naghahanap ka ngayon ng damo—
kuwarentena ang pastol at mga aso.
Kutob mo ang simoy ng panganib
sa masasalubong na sabik na lobo
o sa tropa ng mga uwak
kung iyan ang kapalaran sa lupa.
Balisa sa iláng, iláng na iláng ka
kapag tinititigan para sa iniisip
nilang piging o hapunan.
Ano ang magiging tanaw sa iyo
ni Abraham kung masalalak sa sukal?
Tumatakbo kang naliligaw,
nagugutom sa kalugurang sensuwal;
kumakapal ang tatag mo sa taglamig,
at sinabing hubad ang iyong anino
na sakay ng usok tungo sa Paraiso.
Sinusukat at inuuri ng mga diyos
ang iyong lamán, balahibo’t balát,
hinahangaan ang bait, buto’t bayag,
at ihatid man sa katayan o palengke,
nakasusuot ka sa aming guniguni:
malumay, pagpalitin man ang puwesto
ng iyong mga katinig. . . .

Alimbúkad: Uncompromising poetry imagination for humanity. Photo by Mat Reding @ unsplash.com