Alaala, bilang Ikatatlumpu’t isang Aralin, ni Roberto T. Añonuevo

Alaála, bílang Ikátatlúmpû’t isáng Aralín

Roberto T. Añonuevo

Isáng ehersísyo ang paglímot, at kung náriníg mo si Astor Piazzolla sa mga bagtíng ng Nadja Kossinskaja, ang paglálahò ay hindî ang nakátadhanàng resúlta—na ang paglísan sa Pásig ay paglapág sa palipáran ng Paris na katumbás ng wakás—bagkús ang másalimuót na paraán ng pagburá sa saríli, batíd man ng públikó o língid sa kaaláman nitó: Itó ang kamalayán ng buông paglálakbáy na ang saríli ay maláy na maláy hindî lámang sa palígid bagkús sa kaloob-looban. Ang katotohánan ng Paris at ang katotohánan ng Pásig ang maráhil magbábanggâan sa iyóng ísip; ngúnit hindî dápat ikábahalà ang manipís na hanggáhan ng mga teritóryo, sápagkát ang lumílitáw sa dakòng hulí ay hindî lámang ang isáng bágay o piráso ng karanasán. Lumílitáw din kasabáy niyón ang kabuôang pagdanás túngo sa ináasáhan o kayâ’y dî-ináasáhang pangyayári, at ang mga sálik na umáapékto sa pag-íral, halimbawà, ang pagkabálam ng biyáhe dúlot ng bagyó o perwísyong sanhî ng pagsábog ng eropláno. Sa ganitóng pangyayári, ang magíging búnga ng paglímot ay hindí dápat itúring na matimbáng; higít na matimbáng ang katotohánan habàng lumilímot sa ngayón o nakaraán—na sagád-sa-butó, makásarilí, mapanlinláng—úpang ang búkas ay makapágtanghál ng monopolyádong katotohánang mulâ sa tumátanáw. Hindî mo ipápanukalàng itó ang “aghám ng karanasán ng kamalayán [geist],” ni Hegel, sabíhin mang may pagkakáhawíg; ngúnit hindî ba ang ehersísyo ng paglímot ang magtutúlak sa kamalayán úpang matúto sa saríli (ikáw man ay itúring na ínmigránte o refuhiyádo), ang unawàin sa kaloóban nitó ang buông sistéma ng kamalayán, ang buông sakláw ng katotohánan, at máitutúring na hugis ng kamalayán? Ang kamalayáng nagháhatíd sa Paris, kung itó man ang pinakáúbod ng pag-íral, ang pápawì sa anumáng pagkátiwalág sa banyagàng poók sa maláo’t madalî; at ang pagíging Parisíno na isáng anyô ay hindî na bastá pánlabás lámang na maráhil naságap din ng Indios Bravos bagkús ang bágong kataúhang ang kamalayán ay malayò na sa kataúhan ng isáng Filipínong lumakí sa Pásig. Itó ang sukdól ng pág-unawà sa saríli, ang kamalayáng kung tawágin ay pakikípagsápalarán. Kung ikáw ang tulâ, isá ka ring kamalayáng maráhil ay kapaná-panabík hulàan ang mga hakbáng; at isáng ehersísyo ng paglímot káhit ang pakíkiníg sa iyóng musíka, na kay hírap hulíhin ang yugtô ng katotohánan ng mga nóta, sápagkát nang sandalîng kathâín iyón ni Piazzolla ay maáarìng ang sandalîng tinútugtóg namán ni Kossinskaja ang pagkáparoól ng Ukraína.

Alimbúkad: Epic rhythm poetry without borders. Photo by Pixabay on Pexels.com

Aghamistika, bilang Ikadalawampu’t siyam na Aralin, ni Roberto T. Añonuevo

Aghamístiká[1], bílang Ikádalawámpu’t siyám na Aralín 

Roberto T. Añonuevo

Ang lalaking naglalakad sa loob ng isip ang lalaking nakaupo at nagbabasa ng peryodiko sa malamig na kuwarto ngunit ang lalaking ito ang lalaki ring nagsusulat ng batas at nagpapatupad ng batas sa malayong lupalop gayunman ay hindi uso sa kaniya ang huminto dahil hindi uso sa kaniya ang bantas o kudlit na paglabag sa gramatika ng awtoridad at palaugnayan ng sawimpalad na walang pakialam sa sugnay na katunog ng bugnay na ang mahalaga ay sumasayaw ang mga titik na umiimbento ng indayog gayong nagpapakana ng kubling pakahulugan o pahiwatig o sabihin nang ito ang totoo ang totoo na parang totoo na hindi totoo na realidad sa realidad at iperrealidad ng hilaga sa realidad ng timog na realidad ng kanlurang realidad ng silangang gumagawa ng pelikula na pelikulang walang istorya na isang kababalaghan ay ay ay patawarin ay patuwarin paano siya mauunawaan kung ang kasalukuyan niya ang nakaraan kung ang nakaraan niya ang hinaharap kung ang kasalukuyan ang hinaharap at nakalipas na magpapanukala ng karunungang artipisyal na lilikha sa iyo at maniniwala ka sa patuluyang wika na patuloy na pagsasalita na may papel man ay tumatangging pumapel o gumamit ng papel sapagkat ito ang pinakamadali sapagkat ito ang mabilis maunawaan na ang tanong ay ginagaya si Roque Ferriols na nagkakanulo kay Ferriols na nagkukunwang Ferriols subalit hindi masagot kung mahalaga ba ang maunawaan ay hindi mahalaga dahil totoong wala kang mambabasa walang babasa sa iyo kundi ang puso ang puso mo sa pinggan ang puso ng saging na kung minsan ay pusong mamon ang sustansiyang isusubo ngunguyain lulunukin walang pakialam sa paligid walang pakialam sa impiyerno o langit sapagkat muling nagbabalik ang naglalakad sa loob ng isip na lalaking nakaupo at nagbabasa ng peryodiko sa malamig na kabaong baliw na baliw sa kapangahasan ito ang bago ito ang gago ito ang makabago ay ay ay wiwikain mo ikaw ang lalaking ito walang hanggan walang pakialam sapagkat ito ang kapangyarihan ang paggigiit na semyotika ng alanganin hungkag at sumasanto lamang sa kawalan kalawang kawala kawal kawa kawkaw ka nang kaka ng Wala Ala Lala la la aaa ikaw ba ito o ito ako ang itatanong mo para sa akin ngunit sadyang para sa iyo para sa iyo iyo iyo


[1] Ginamit dito ang salitang “aghamistika” (na mula sa tinipil na “aghám” at “místiká”) bílang panumbás sa isáng anyô ng íperrealidád.

Alimbúkad: Epic poetry insanity breaking the rules. Photo by GEORGE DESIPRIS on Pexels.com

Ang Resureksiyon, bilang Ikadalawampu’t pitong Aralin, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Resureksiyón, bílang Ikádalawámpû’t pitóng Aralín

Roberto T. Añonuevo

Kapág nagsawà ka na sa sapád at makínis, kapág nagsawà sa tuwíd at malínis dáhil nakabábató yaón o nakaáantók, magháhanáp ka ng bundók na áakyatín, o buról na lúlundagín. Hindî ka mabíbigô. Iíwan mo ang iyóng motorsíklo o helikópter ngúnit mangangárap bílang pinágtambál na shérpa at paragláyder, pílit áabutín ang úlap sa anyô ng pagtítindíg ng guniguníng zíggurát sakâ magpapásampál sa hánging makapílas-balát kundî man mangungúsap bílang kulóg nang halinhán itó, magpapákalúnod sa abót-tanáw na pawàng muntî o mga diyamánteng kumíkináng, lílimútin káhit pánandalî ang saríli sa lábis na galák, at ihíhiyáw, O, Diyós ko! sa umaápaw na damdáming higít sa máidudúlot ng Bóhun Úpas. Ang patáy ay nabubúhay sa isáng kindát; ang kidlát ay dumádapò sa kílay; ang kúlay ay gumugúlong na dalúyong, at kung hindî pa itó sapát, magwáwakás ang lahát na kasímpayák ng pagkabásag ng pinggán o pagkapúnit ng kartón.  K’ara K’ara. Olusosun. Payátas. Walâng katapusán ang katumbás ng Sagarmatha, at sa noó ng káitaásan, ay magágawâ mong pababâín mulâ sa paraíso si Dante na sabóg na sabóg sa kaluwalhatìan, at utúsan itóng pagniláyan ang umáanták na súgat ng modernidád. Ngúnit matagál nang iníwan siyá ng patnúbay na makatàng nagbalík sa impiyérno úpang gampanán ang ibáng tungkúlin, at hindî na sumáma pa ang patnúbay na músa na nagpaíwan sa paraíso úpang pumapél na soloísta sa kóro ng mga anghél. Si Dante, pagsápit sa máalamát na Smokey Mountain, ay sásalubúngin ng alingásaw na yumáyapós at tumátagós hanggang lamánloób, at mabábatíd mo itó sa tínig ng patnúbay na kung hindî si Balagtás ay isáng matapát na alagád na Méta-Balagtasín.

Ngúnit kung ikáw si Dánte, anó ang dápat ikagitlâ sa bágong planéta ng abentúra kung namatáy ka na’t nakáratíng sa pinakámalálim at pinakámataás hanggáng makakíta ng liwánag? “Ang bágong impiyérno ay walâ sa kríptográpikóng Gimokúdan bagkús nása pagháhanáp ng sariwàng naratíbo ng kaligtásan,” isusúlat mo; at sa iyóng mga talâ mulâ sa kuwadérno ng talinghagà, ang lóhiká ng ikásiyám na kamatáyan kung itátambís sa ídeolohíya ay mawawalán ng saysáy. Sa resureksiyón ng makatà, ang Firenze ay metonímya ng bundók ng basúra [sa kabilâ ng kabihasnán], at gáya sa tulâ ni Rio Alma ay isáng libíngan. Ngúnit ang libíngang itó ay hindî karaníwang libíngan bagkús kabilâng-dúlo ng modérnidád, ang látak at katás ng pagmámalabís, kasakimán, at láyaw, na pawàng magbubúnga ng pagkátiwalág kung hindí man paglabò ng idéntidád. Maáarìng itó ang “Tanghalì sa Smokey Mountain,” na isáng ehersísyo ng pagpápaápaw sa rimárim, poót, at sindák, at ang ilóng ang magtúturò sa wakás ng materyálidád at sa wakás ng kasaysáyan ng arì-arìan at bágay. Subálit ang ilóng ay sinungáling, at ang bibíg ang magalíng.

Kailángang sundán ang tínig, na magsasábing ang espásyo ng kabulukán ay isáng anyô ng bángko o kayâ’y laboratóryo na pinagtútubùan at hindî bastá imbákan ng mikróbyo at bangkáy; at kung ang ganitóng kápangahasán ay sanhî ng orihinál o sinadyâng kasalánan ay kasalánang hindî umanó dápat salangín. At bákit hindî? Maáarìng itó ang talinghagà ng pagpapátumpík-tumpík sa óras na sumunód sa burukrásya ng kalinísan nang may disimuládong pagsang-áyon sa medyókridád at kapabayâán. Ngúnit itó rin ang pasiyá na pagníniláyan, at si Dante ay hindî na kailángan pang “maligò sa liwánag ng alingásaw” sapagkát noón pa man ay niyákap na siyá ng bantót pagsápit na pagsápit sa pórtal ng kabulukán. Totoó, waláng karatúlang nakásaád na Lasciate ogne speranza, voi ch’intrate pagsápit sa paanán ng Bundók ng Basúra. Hindî tinútubós ni Krísto ang saríli noóng nakábayúbay sa krus; at kakatwâ kapág tinubós ng mga debóto ang kaniláng diyós sa pamámagítan ng malawakáng paglípol bílang gantí tuwíng nilálapastángan ang kaniláng sagrádong pananálig. “Ang pagkilála sa likás na síklo ng kamalayán,” isusúlat mo pa sa talâbabâ, “ay nagáganap hindî sa isáng igláp,” at kung síno man ang patnúbay na tínig ni Dante sa bágong impiyérno ay “kailángang íugnáy ang saríli káhit sa mikróbyo at basúra ng ísip” sapagkát walâ sa dogmátikóng patnúbay, at walâ sa íisáng tínig na makapangyarihan, ang páhiwátig ng kolektíbong kaligtásan.

“Kailán dápat másindák o márimárim si Dante?” itó maráhil ang pangángahás na puwédeng sagutín—ngúnit lampás na itó sa hanggáhan ng pagsasánay sa ilusyón at alusyón na gáya nitó.

Alimbúkad: Epic fluid poetry ideas overflowing. Photo by Mauro Contaldi on Pexels.com

Ikadalawampu’t isang Aralin, ni Roberto T. Añonuevo

Ikádalawámpû’t isáng Aralín

Roberto T. Añonuevo

Párang agímat, ipámamána ka sa anák at apó-sa-túhod, nakaúkit sa kawáyan o balát o bató, ngúnit ililípat sa papél o anyông elektrónikó sapagkát hiníhingî ng mundó na malímit nagpápakanâ ng pagbabágo. Bugtóng kong paralúman/ Ákin ka bálang áraw/ Dî akó híhiwaláy/ Sa iyó habàng búhay./ Lumayô pag namatáy/ Ang dî maíiwásan/ Káhit ng áking tátay/ O mahál kong nánay;/ Walâ akóng karámay./ Hanggáng saán ang pátaw/ Na tagláy ng katawán?/Ang sisidláng makúlay/ At panagpás kawáyan/Ay díto ilálaán/ Hanggáng áking libíngan.// Hinihímig ka noón sa takípsílim, habàng nakápalíbot sa iyó ang mga batà o nakápaíkot silá sa sigâ, at matamáng nakíkiníg sa iyóng hiwagà. Matátandâán nilá ang bílang ng pantíg ng báwat taludtód mo, tagláy ang estilístikong melodíya at kóntrapúnto ng sípol, warì bang umíindák ang mga katagâ, sakâ papások sa kaniláng guníguní ang hulagwáy na may katambál na hiwátig. Mangángapâ silá sa mga títik ngúnit hindî kailanmán mabubúlag o ilíligáw ng pahayág, sapagkát ikáw ay sadyâng idinisényo pára sa kalugúran kung hindî man kaligtásan ng lahát. Isasálin ka mulâng isáng dilà hanggáng laksâng dilà túngong yutà-yutàng taínga ng lupà, at pagkáraán, mabábatíd mong ang saríli’y lumampás na sa nakágawîáng pagtanáw sa dalawámpû’t ápat na talampád ng Mangyán at pumápalág sa kahulugáng itinakdâ noón ni Antoon Postma. Párang agímat, ikáw ay paníniwalàáng makalálagós sa realidád at kathâng-ísip, makápagpápabálik-bálik sa nakalípas at kasalukúyan, sa materyál at dî-materyál, makáuúna sa hináharáp at pagbábantulót, hanggáng sumápit isáng áraw ang dî-ináasáhang pagpusyáw ng angkíng halína pagdagsâ ng mga dáyong talinghagà. Búbuháyin kang mulî—sa tumpák na pagkakátaón—ng paníniwalàng ang bisà mo’y nakáhihílom ng súgat sa loób, nakápagpápalayà sa pananákop ng ideolóhikóng aparáto ng estádo, nakápagpápayáman sa málig ng mga wikà, at ang pámbihiràng ginháwa’y hindî lámang laán sa isáng lipì bagkús sa maláwak na mundóng sawî. Mánlumò ka’y maúunawàan, kung tíla hindî tumátaláb sa káharáp na mga rásista’t walâng pakíalám o habàng untî-untîng nabúburá sa gunitâ ng mga kabatàan; o kapág pinaráratángan kang sálot o láson o bakyâ ng mga bayaráng troll at alaskadór. Magíging esotérikó ang tagláy mong áwit maráhil káhit hindî sinásadyâ, kung sakalì’t mápasá-banyagà; at hindî kagyát maúunawàan kapág binigkás, halimbawà, sa kúmperénsiyá ng mga ántikwáryo’t polígloto. Ngúnit lalò kang lumálakás sa báwat pagbábalík (maráhan ngúnit tiyák na tiyák ang hakbáng), bukód sa dumarámi ang mga debóto mo sa iláwod ng pagninílay. Sásaluhín ka ng diwà pára sa isá pang diwà, magkakároón ng bakás-dihitál na katumbás ng kakatwâng kríptográpikong tóken; at kung itó ang pagsabáy sa panahón— itó rin ang kapangyaríhan at kaligtásan ng urìng nakíkibáka pára sa pamánang maláon nang hindî nitó pinakíkinabángan sanhî ng kung anóng pagtákas o katwíran. Sapát ka na sa saríli, at kung itó ang kapaláran o kabihasnán, itó ay sapagkát pag-áarì ka ng lahát—isáng unibersál na ambág na hindi máililíhim sa isáng baybáyin.   

Alimbúkad: Epic silent poetry facing the world. Photo by Kamil Lothar u590fu4fafu60c7 on Pexels.com

Ikadalawampung Aralin, ni Roberto T. Añonuevo

Ikadalawampung Aralin

Roberto T. Añonuevo

“Warìng bantulót lumipád ang mga tiguláng na íbon, at kung úmimbulóg man ay hindî kalayùan, lálapág pagdáka sa lupà at matúling tátakbó kung saán. . . .” Makalípas mong pasadáhan ang talâ sa mánwal ay párang kumatók sa iyóng gunitâ ang tabón mulâ Romblón—abuhíng-bugháw ang tuktók, nakásuót bagá ng manipís na abuhíng kuwintás, kayumanggî ang mga balahíbo sa itaás na bahagì ng katawán samantálang matingkád na abuhíng-bugháw ang páng-ilálim, matigás ang diláw na tukâ, at kung tumítig ba’y kayumanggîng balakbák. “Ang maiitím nitóng paá at kukó,” isusúlat mo pa na pára bang pagsalungát kiná Bourns at Worcester, “ang humúkay ng lupà at umusóg sa bató na magbúbunyág ng matarík na yungíb na tíla nása sukdól ng paghikáb paharáp sa nilúlubugán ng áraw; at ang loób—na paborítong kubéta ng mga panikì sa napakáhabàng panahón—ay may batóng dúlang, mga palayók, abrám, galáng, sibát, at sangkatérbang maliliít na kalansáy. . . .” Anó kung itó ay nakíta rin sa Bantáyan o Basílan o Fúga o Marinduque o Sámar, at ni walâng pagkakáibá sa habà ng pakpák o lápad ng buntót na dumaán sa siyentípikóng pagsúsurì?  Itátalâ mo pa ang húgis o komposisyón ng púgad, na kung nagkátaóng may mga itlóg at sísiw, ay susukátin ang lakí o timbáng, at títiyakín kung iyón ay malinamnám, gáya ng náriníg mo sa huntáhan ng mga lasénggo sa pundúhan. “Ang íbong mababà ang lipád ay humáhagibís kung tumakbó!” at ang nása ísip mo, bagamán walâng pinasásaringán, ay gágamítin ng sinúmang barúbal kung mangúsap, palálawígin sa institusyón at pápatáwan ng kapangyaríhan, na magíging lehítimóng tsísmis ng sinaúnang kabihasnán, ngúnit pagkaraán ay súsuháyan ng nagsúsuwágang saliksík at patúnay, úpang magbalík sa iyó pagkathâ mulî ng isáng Lupàng Hinírang.

Alimbúkad: Epic silent poetry challenging the world. Photo by Artem Mizyuk on Pexels.com

Ikalabingsiyam na Aralin, ni Roberto T. Añonuevo

Ikálabíngsiyám na Aralín

Roberto T. Añonuevo

Ang panahón ang magbúbunsód sa bangkâng pangulóng, at walâng subáskong makápipígil úpang mákilála ang kaloóban mo’t hulagwáy.  “Ang túbig ma’y malálim,/ malilírip kung libdín/. . . .Pápaláot ka mulî bágo yumáo nang dilát sa tigáng na lupâín; mag-íisíp kung paáno lumútang o lumangóy sa gitnâ ng bugháw o pangláw; at kung katabí mo si Schopenhauer—ang timonéro—ipápanukalà niyáng ang katotohánan ng bosadór ay nása pagsísid sa budhî at ang pasípikó ang répresentasyón ng láwak o dálom na hindî káya ng buslô at búlos ngúnit maitátansî sa guníguní, halimbawà, ng isáng tagá-Polillo. Makíkilála mo ang mga aryadór—walâ ni singsíng o pulséras o híkaw—na kung maglátag ng lambát samantálang sumísipà ang mákiná ay katumbás ng masagánang pigíng ng buông báyan at magpapásiglá sa kalakalán ng ibáyo. Túturûan ka niláng limútin ang saríli, maghintáy ng tumpák na sandalî, magpalútang-lútang na bóya sa pag-íisá, o mánanghalìan sa lílim ng trapál, at magtuón sa Dakilàng Isdâ. Mga palapà ng bulí’y sásayáw sa iyóng balintatáw—kúlang na lámang na gayáhin mo ang mga tambákol, mahì-mahì, at gulyásan na pawàng náligáw sa páyaw at hindî makáiíwas kumagát sa tuksó ng pamiwás. Anó ang itinátagò ng álon úpang ilaráwan nang pábaligtád ang árkitektúra ng págang at éstruktúra ng salábay? Hindî ba itó ang súbmarínong kasiyáhan, bagamán nakasísindák sa únang tingín? Matútunugán ng buông katawán mo ang pánsamantaláng espásyo, na sa lábis na lamíg ay nagpapákalmá ng butó’t lamán, at tíla pakíkiníg kung hindî man pagninílay sa limáng tínig ng madrigál. Ngúnit dáhil walá itóng pagdamá sa iyó o sa kápuwâ mo, bagkús nakapágdudúlot pa minsán ng nakatútulíg na habágat at dalúyong kapág ikinúkublí ang pagkáligálig, o kayâ’y pangúngulilà pagtingalâ sa talampád ng mga talà, kinákailángan ang kamalayán—túngo sa burhíng magalíng. Ang burhíng magalíng, sa wikà ng timonérong Schopenhauer, ang ináasáhang galák ng pamayánang sumásalúbong sa pag-uwî ng pangulóng na namúmuwalán sa isdâ; ang tagumpáy ng lambát at kabísig na makápagpápalayà sa kagutúman ng líbo-líbong bibíg na umaása sa biyayà ng láot; at ang paghuhúgas ng kataúhan sa espíritu ng sariwàng lambanóg o tubâ. Mapápawì káhit ang anumáng kirót at pagkábató ng pagkatáo sa yugtông magbalík ka kapíling ang buông trópa ng mga magdáragát, at kung sakalì’t mamálakáya ka mulî ng mga talinghagà kung saáng lupálop mulâ sa iyóng panahón, magíng tapát sa mga mithî at magíng tapát sa budhî, na umáaryá sa unibersál na síning ng masantíng at magalíng.

Alimbúkad: Epic poetry tsunami rocking the world. Photo by Quang Nguyen Vinh on Pexels.com

Ikalimang Aralin, ni Roberto T. Aňonuevo

Ikálimáng Aralín

Roberto T. Aňonuevo

Malíligáw ka sa isáng rústikong kapeteryá, at sa katabíng mésa mo’y maríriníg isáng hápon ang umáatíkabóng usápan ng dalawáng laláki na ang isá’y warìng si Claude Monet na inúurírat ang likás na mundó, at ang ikálawá’y kamukhâ ni Antipas Delotavo na nagpápanúkalà ng kung anó ang magandá sa hináharáp. Hábang silá’y nag-uúsap ay magtatálo sa loób ng iyóng ísip kung ang kagandáhan ng hardín ng rósas na natátanáw mo sa bintanà ang mga rósas din na igugúhit ni Monet kung sakalì’t maligáw siyá sa Benguet; o kayâ’y ang mga mukhâ na ipípintá ni Delotavo hábang pinápatáy ang iníp doón sa Paris. “Ang kagandáhan,” wika ni Monet, “ay naikákahón sa ngayón at nakáraán, na párang áwit na kasiyá-siyáng pakinggán, gayóng kópyador at may tatlóng nóta lámang!” Lálagók múna ng kapéng bárako, at pagdáka’y tutugón si Delotavo: “Ang kariktán ay nakásalálay din sa ngayón at hináharáp, na tíla may hiwagàng magbúbunyág ng pagkábagábag.” Maglálandás sa iyóng guníguní ang kilalá mong magandá, na paná-panahóng tináwag na Beatrice o Celia o Dulcinea, ngúnit anumán ang kaniyáng pangálan ay magsásaád ng isáng tiyák na anyô, na may mga katangìang matulâin ngúnit tumátanggíng magpákilála sa entabládo o múseo—ang isáng diwàing nágkatawáng-bató makáraáng tabásin ukítin pákinísin ng éskultor. “Kung ang iniísip mong kagandáhan ay panghíhimások kung hindî man ántisipasyón sa katanggáp-tanggáp at kahalí-halína,” dagdág ni Delotavo, “ang mga rósas sa hardín ay malúluóy sa isáng igláp, at maglálahò ang lugód ng tumitítig doón dáhil ni hindî nadapùan ng paruparó’t bubúyog.” Tumugón si Monet: “Hindî mahúhulàan ang ginháwang  mahuhúgot sa likhâng-síning. Ginháwa—sa anyô man ng makalángit o makálupàng pagdulóg—ang naturál na ináasáhan sa éspasyong-panahón, na nakarárahuyò at katanggáp-tanggáp, ngúnit hindî ba itó sinadyâ, gáyong ábstrakto’t ni hindî nakápirmí ang hanggáhan ng súblimidád ng karánasán, gáya ng áting kinábukásan?” Hahabà pa ang kaniláng huntáhan, at hindî nilá mapápansíng ang hardín ng mga rósas ay untî-untîng matátakpán ng úlop pagsápit ng takipsílim. Samantála, susugál ka sa gayóng sagútan, káhit pa nangángapâ, ngúnit pagdúdudáhan kung síno ang gumágawâ ng módelo, na patúloy niláng iginugúhit sa kaní-kaniyáng ísip hábang kapuwâ silá nakatítig at nagnanása sa kariktán mong higít sa káyang ilaráwan ng mga títik at hiwátig.

Alimbúkad: Epic raging poetry against invasion and war. Photo by Pixabay on Pexels.com

Pasintabi ng Bulaan, ni Roberto T. Añonuevo

Pasíntabì ng Bulàan

Roberto T. Añonuevo

Ang kúmpigurasyón ng kapisánan ko’y masusúkat sa isáng dipá—párang tumátantiyá ng télang kung hindî pink ay pulá o lungtî na dáting bugháw, tiyák na tiyák sa habà ng mga galamáy, sa unát na unát na mga kamáy, at kung makápagsásalitâ ang mga dalirì’y magdírikít nang makasényas pahaláng o humandâ sa pagtampál pára makapágtindíg ng bágong bantáyog o pedestál. Warìng pagyákap din itó sa lángit, na ang pagtanggáp ay nakásalálay sa kapál ng mukhâ at tíbay ng sikmurà, nagdáramít ng mga pangakò at magyáyabáng na nakálalákad sa sahíg ng mga pakò, ináampón káhit ang mga gágo o taksíl, pinagbábatî sa íisáng bubóng ang pásista at ánarkísta, hanggá’t makátutúlong sa pagtátamó ng lunggatîng polítiko ng pártido. Sapagkát ang dangál ay isá o tatlóng dangkál, ang kapisánan ay kailángan ang sariwàng tagurî, na bukás sa anumáng balón ng ayúda at tangkílik, halímbawà, sa bayánihán ng kapé’t pandesál o kayâ’y sa kúdeta mulâ man sa mórge’t ospitál, na nagsásaálang-álang sa élektromagnétikong halína ng sósyal mídya at ímpluwénsiya. Arukín pa ang mga pásimunò nitó’t mabábatíd na tíla pagsúkat ng túdlo ang lahát, na ang hínlalatò’y humahámak sa séntido kumón at mahahátak na panátikong Pinóy. Ang kúmpigurasyón ng kapisánan, sukátin man ng lumpó sa pamámagítan ng lúmpo, ay kasíng-iklî ng pinakámahabàng dalirì na ang mga búko’y súkat ng túbig sa isasáing, o panumpíng sa mga hilíng. Maáarìng hindî itó ang siyentípikong paraán ng pagtanáw, ngúnit dáhil lumalábis sa mga magnanákaw ang lipúnan at untî-untîng nasásaíd ang kabáng-báyan, tanggapín ang anumáng pagkúkunwarî pagsápit ng kampanyá’t halálan, sapagkát kapatíd din akó káhit birùing bulàan, at handang loóban ang pábrika ng inyóng katótohánan.  

Alimbúkad: Epic rumbling poetry against coup d’état . Photo by TANSU TOPUZOu011eLU on Pexels.com

Parabula ng Tungaw, ni Roberto T. Añonuevo

Parábula ng Tungáw

Roberto T. Añonuevo

Sa síglo ng máykapángyaríhan, pakíwarì ng mga koméntarísta’y pinábilí ka lámang ng sukà sa tindáhan ni Áling Iskâ pagsápit ng halálan ng mga háyop, sumunód sa útos ng pámilya kung hindî man udyók ng pártido gáya sa luksóng tiník, ngúnit dáhil itó ang ikaápat na unós, sinalúbong ka ng bugsô ng ulán at tinangáy pagkáraán ng bahâ sanhî ng pagtáog ng mga táo. Sumigáw ka at humingî ng saklólo sa iyóng magúlang. Ngúnit rumáragasâ ang mga álon, sumísigáw ng kólektíbong himagsík at pagbabágo sa elektrónikong mundó, sumásalungá sa napípintóng repetisyón ng kasaysáyan, at sinamâmpálad kang íbalibág nang paúlit-úlit kung saán-saán at nabigông makaáhon gáya ng sisingháp-singháp na báboy. Patúloy na tumátaás ang túbig; humáhampás ang hángin. Kung tagapáyo mo si Worcester, maáarìng naníwalà ka rin sa sabí-sabíng ang tágbanwá, kapág nása bíngit ng búhay at kamatáyan, gaáno man kahúsay mangisdâ o mangáso o magpandáy ay haharáp sa bandáng hulí pápaloób sa órihinál na yúngib, maglálandás nang mag-isá sa paikíd na hagdán, mangángapâ mangángambá makikíramdám sa ibáng dimensiyón, gugúlong na niyóg kapág natalísod, dádausdós nang tulóy-tulóy kapág nádupílas, ngúnit babángon mulî gáya ng balîán makáraáng isaáyos ang linsád o baklîng butó, at maglálakád hanggáng makáratíng sa púsod ng karimlán. Hindî ka tágbanwá, at tátanggí sa gayóng tagurî, subálit maríriníg ang lagitík ng mga káhoy hábang naglíliyáb, maáamóy ang úsok na may samyô ng palisán mulâ sa parikít, at sa haráp ng sigâ ay búbulagâ ang hulagwáy ni Talíakud, ang dambúhalàng tagapág-alagà ng apóy na nása pagítan ng dalawáng tuód na walâng pagkáupós. “Nabúhay ka ba nang matuwíd?” tanóng ng hígante na ánimo’y gutóm na gutóm. Bágo ka pa makátugón ay sasabát ang tungáw mulâ sa iyóng kílay, at isásalaysáy ang makúlay mong kábatàan, halímbawà sa walâng kapárarákang alíwan. Higít na mapagtítiwalàan ang saksí ng bangkáy, gaáno man kaliít, áni Talíakud; at pápalárin ang kaluluwá mo’t magíging panátag sapagkát hindî na kailángan pang mágsinungalíng pára makáligtás sa lumálagabláb na paghúhukóm. Tinitígan mo si Talíakud—na higít ngayóng mapagdúda—at babasáhin niyá sa iyó ang listáhan ng mga pinasláng, ang súma-totál ng mga kulimbát, ang láwak ng kusinà ng sabwátan mulâng danáw hanggáng makáw, ang pagsásanlâ sa mga minahán, ang réduksíyonísmo sa sugálan at nárkotrápikísmo, ang kapábayâán at médyokridád na ikinúkublí sa ínstitusyónalisádong kápalalùan. Mapapágod si Talíakud sa habà ng lítanya lában sa iyóng urì, at warìng íbig ka nang pisâin. Yámang ikáw ang anák ng díktadúra, iiháwin ka hábang naróroón ngúnit himalâng hindî malulúsaw, sapagkát nariyán ang tungáw úpang magpátotoó at magíng últimong abogádo mo, gáya sa paniníwalàng wagás ang iyóng pagkatáo pagkasílang, walâng dúngis ng láyaw o hindî kailánman nakinábang sa pagmámalabís ng mga kalahì mo, at karápat-dápat sa iyó ang malálaking baláy, ang malaláwak na bukirín at gúbat, ang bénepísyo ng mga bángko at sandátahán, ang kasiyáhang walâng kapáris hábang malagíhay sa ngangà, ópyo, o álak. Magsínungalíng ay hindî birò, wikà ngâ, at ang tungáw, na tagapágbandilà ng iyóng katótohánan, ay magtátalúmpatì sa haráp ng Talíakud, tiwalàng-tiwalà na higít na matangkád siyá ngayón sa likód ng nilílitsóng ilusyón.

Alimbúkad: Epic poetry tsunami rocking the status quo. Photo by Scott Webb on Pexels.com

Hanapbuhay sa Patay, ni Roberto T. Añonuevo

Hánapbúhay sa Patáy

Roberto T. Añonuevo

“Magugúnaw ang mundó, ngúnit lalagô pa ang négosyo!” Itó ang masakláp na birò na karaníwang ipinúpukól sa iyó ng mga dî-kakilála, at mapapáilíng ka na lámang na tíla nagdaáng multó hábang abalá sa trábaho. Hindî ka kailánman natínag, sapagkát sa iyóng pananáw, ang krématóryo ang pangwakás na pagtítiyák na ang katawáng taó ay magíging mumuntîng butó, na malímit putî ngúnit itím ang ilán kung mínsan, maráhil alinsúnod sa budhî at gátong, hanggáng magíng pínong alabók at isilíd sa úrna. Kapág may nagtanóng ng “Anó ang kaibhán ng dúyan sa libíngan?” ay sásagutín mo ng malutóng na “Walâ po!” sakâ ngingitî nang may pakikirámay sa sinúmang mapág-usisà o nagdádalámhatì. Kumíta na sa takílya ang asuwáng, zómbi, at drákula; at pára sa iyó’y ni walâng kurót ang mga itó úpang sindakín ka, túlad maráhil ng nadamá ni Baudelaire hábang nagbábasá ng mga walâng latóy na akdâng diyabóliko. Kumakáyod ka nang masiglá dáhil mahál at pinaháhalagahán ang tungkúlin; at kung matigátig ka man dáhil sa awà ay maráhil násulyapán mo sa bintanàng salamín ang mga náulilà na lumúluhà o humáhagulgól, at likás ang mágmalasákit, hábang ipinapások ang bangkáy sa kórtina ng apóy. Walâng dápat ikáhindík sa kamatáyan, sábi ngâ ni Epictetus, o kung hindî’y ibá ang magíging pagságap díto ni Socrates bágo lagukín ang láson, o ni Rizal bágo isátulâ ang pahimakás sa kolonísasyón. Panátag ka dáhil matagál nang tinanggáp ng loób mo na bahagì ang pagwáwakás úpang umandár ang síklo ng búhay, túlad ng paghíhiwaláy ng ípa at bigás nang sumílang ang sináing; o kayâ’y pára sa kaluwágan ng sangkátaúhan sa gitnâ ng digmâan at pándemya. Kung mabábagábag ka pa, maráhil sisikíp ang mga mórge, mababálam ang négosyo, at tataás ang implasyón kasabáy ng pátong-pátong na ataúl. Sapagkát natítigátig ka hindî dáhil sa multó ng bangkáy, o sa guníguníng lagím na dáratíng, o sa násaksiháng madugông pangyayári, bagkús sa tagláy na mga pananáw hinggil doon, kung híhiramín ang dilà ng pílosópo. Madalîng maninghál o manísi o manlibak, wikà ngâ, kung walâ kang alám sa tinamóng kamalásan ng bangkáy na buông íngat na pinagsísilbihán ng krématóryo ngayón; at kung sakalì’t may alám ka ngâ, maráhil ay itútuwíd ang saríli at hihingî pa ng paúmanhín sa sinúmang naságasàan ng iyóng dilà at préhuwisyó. At kung ganáp nang natamó ang karunúngan hinggíl sa pag-íral, walâ kang sísisíhin o sísinghalán o lílibakín, nang lantáran o palihím, káhit tumingín mulî sa salamín. Umuwî ka man sa báhay ay magaán ang pakíramdám; sapagkát pára sa iyó’y trábaho ang lahát—na marangál at propésyonál kung tútuusín—at dápat lámang na nakápuwésto sa isáng tumpák na pagságap, sa angkóp na pagsípat.

Alimbúkad: Epic rumbling poetry in search of humanity. Photo by Pavel Danilyuk on Pexels.com