“This constitution shall be promulgated in Filipino and English and shall be translated into major regional languages, Arabic, and Spanish,” saad ng Artikulo XIV ng Konstitusyong 1987. Ngunit hindi ito nasunod nang mahigpit; at ang salin sa Filipino ay malalathala lamang noong 1991, limang taon pagkaraang balangkasin ng Komisyong Konstitusyonal ang panukalang konstitusyon noong 1986.
Dahil pangunahing instrumento ng batas ang Konstitusyon, ang bersiyong Filipino at Ingles ay ideal na iharap nang magkasabay sa plebisito upang kagyat na umiral (Artikulo XVIII, Seksiyon 27). Hindi dapat tumbasan ng “salin” sa Filipino ang konstitusyon; bagkus ito’y nararapat na maisulat muna sa Filipino saka isalin sa mga wikang panrehiyon, bukod sa Arabe at Espanyol. Dahil ang Konstitusyon ay isinulat sa Ingles, ang katumbas nito sa Filipino ay sumusunod lamang sa balangkas at anyo ng Ingles.
Ang bersiyong Filipino ay malalathala lamang sa elektronikong anyo noong 2012 sa Official Gazette na maituturing na isang anomalya. Ang ginamit sa bersiyon doon ay ang “salin” sa Filipino ng Linangan ng mga Wika sa Pilipinas (LWP) na pinamumunuan noon ni Direktor Ponciano B.P. Pineda. Mapapansin sa introduksiyon ni Pineda na hindi dumaan sa plebisito ang bersiyong Filipino:
Ipinalimbag namin ang Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas sa layuning maitanghal sa bayan ang muhon ng paglilingkod sa paglikha ng isang dakilang kasulatan sa kasaysayan ng bansa.
Hindi layunin ng Linangan ng mga Wika sa Pilipinas na gampanan ang malawakang pamamahagi ng mga sipi ng Saligang-Batas sa masa ng sambayanan. Manapa’y upang makapaglabas lamang, sa limitadong edisyon, ng mapanghahahawakang teksto sa Wikang Filipino na maaaring maging sanggunian unang-una ng mga tanggapan, institusyon o ng mga interesadong indibidwal.
Ang Konstitusyong 1987 ay nananatiling nasa Ingles; at ang bersiyong Filipino nito, na dapat ay may sipi ang COMELEC (Commission on Elections), at siyang ginamit sa plebisito, ay hindi matagpuan.
Kaya walang makapagsasabing ang pangalan ng bansa natin ay “Republika ng Pilipinas.” Ang tumpak ay “Republic of the Philippines” dahil iyon lamang ang pinagtibay ng sambayanan.
Inihayag pa ni Pineda na sumunod sa makabagong ortograpiya ang bersiyong Filipino ng Konstitusyong 1987. Aniya,
Tinatawagan namin ng pansin ang mga gagamit, pati ang mga gumagamit na, ng tekstong Filipino ng Karta na sinunod sa ispeling ang bagong kalakarang kakambal ng isinamodernong palatitikan at palabaybayan ng wikang pambansa. Bukod dito’y mapapansin din ang liberalisado ngunit masinop na panghihiram at mabisang domestikasyon ng mga banyagang salita at parirala.
Dahil sa kakapusan sa pondo, hindi na namin inilakip dito ang tungkol sa mga distritong lehislatibo na pinag-ayaw-ayaw sa mga lalawigan, mga lungsod at sa Metropolitan Manila Area.
Ang tinutukoy na modernisadong ortograpiya ni Pineda ay malaki ang kiling sa nakamihasnang “Pilipino.” Mapapansin na kahit sa Diksyunaryo ng Wikang Filipino (1989) ng LWP ay wala ni isang lahok na salitang nagsisimula sa titik /f/ o gumagamit ng /f/ mula man sa hiram sa Espanyol, Ingles, o kaya’y sa mga wikang panrehiyong gaya sa Cordillera o sa Zamboanga Peninsula. Ang “Pilipinas” at “Pilipino” (tao) na ginamit ng LWP noong panahong iyon, gaya ng nasasaad sa pangalan ng institusyon, ay nakabatay sa Tagalog, at siyang umiiral sa “Pilipino” na pinalaganap noong 1959 ni Kalihim Jose Romero ng Kagawaran ng Edukasyon.
Sumusunod ang bersiyong “Filipino” ng Konstitusyong 1987 sa bersiyong “Pilipino” na ginamit sa katumbas na salin ng Konstitusyong 1973. Ipinaliwanag ko na ito sa aking naunang artikulo.
Kung babalikan ang Official Gazette, lumitaw doon ang isang sertipikasyon, o “katunayan” hinggil umano sa “wastong salin sa Filipino ng Saligang Batas ng 1987 na pinagtibay ng Komisyon sa Wikang Filipino at unang ipinalimbag ng Linangan ng mga Wika sa Pilipinas noong 1991.” Isinaad pa sa nasabing dokumento na “ipinalabas ang gayon sa ika-3 ng Agosto 2012 para sa anumang legal at opisyal na pangangailangan.”
May kasinungalingan ang ipinalabas ni Jose Laderas Santos na dating Tagapangulong Komisyoner ng KWF , at siyang lumagda sa nasabing dokumento. Una, walang pagpapatibay na ginawa ang KWF hinggil sa “salin” sa Filipino ng Konstitusyong 1987, bagkus personal na sertipikasyon lamang iyon ni Santos. Kahit halungkatin ang buong Yunit ng Kasulatan at aklatan ng KWF ay walang matatagpuan doon ni isang resolusyon na nagmula sa Kalupunan ng mga Komisyoner na ang bersiyong Filipino ng Konstitusyong 1987 ay pinagtibay at nilagdaan ng lahat ng komisyoner o kaya’y kinikilala nila iyon bilang “opisyal na salin” o “opisyal na bersiyong Filipino.” Ikalawa, ang bersiyong nalathala sa Official Gazette ay sa “limitadong edisyon” lamang, at kung gayon ay maipapalagay na hindi lumaganap sa buong kapuluan at nasuri ng sambayanan o ng mga komisyoner ng Kumbensiyong Konstitusyonal. Ikatlo, ang bersiyong Filipino ay hindi sumailalim sa plebisito, o kaya’y nasuri ng Komisyong Konstitusyonal, o pinagtibay ng Kongreso. At ikaapat, walang Kalupunan ng mga Direktor (Board of Directors) ang LWP na siyang magpapatibay ng resolusyon hinggil sa katumpakan ng bersiyong Filipino ng Konstitusyong 1987. Ang LWP noong panahong iyon ay kadikit na ahensiya ng Department of Education, Culture, and Sports (DECS). Kung gayon, masasabing walang opisyal na bersiyong Filipino ang Konstitusyong 1987.
Pansinin na ang isinumiteng bersiyon sa Filipino ni Santos, at siyang ipinalimbag ng LWP, ay nagbago ang sukat at anyo ng font pagsapit sa dulo ng teksto. Mahihinuha rito na isiningit lamang ang isang talata, bago inilista ang mga pangalan ng mga komisyoner ng Komisyong Konstitusyonal.
Nang isailalim sa referendum ang Konstitusyong 1987, ang bersiyong Filipino at Ingles ang dapat magkasabay na iniharap sa sambayanan upang pagtibayin. Ngunit lumilitaw ngayon na Ingles lamang ang napagtibay, at hindi nakasunod ang bersiyong Filipino. Ang inilathala ng LWP na “salin” (o bersiyong Filipino) ng Konstitusyong 1987 ay isang anomalya, sapagkat tapos na noon ang plebisito at hindi na napagtibay pa ng mga kasapi ng Komisyong Konstitusyonal ang bersiyong Filipino ng Konstitusyong 1987.
Sa bisa ng ating Konstitusyong 1987, “Republic of the Philippines” ang iisa’t tanging opisyal na pangalan ng ating bansa. Ang “Republika ng Pilipinas” ay kathang legal na malaki ang posibilidad na mapalitan ng “Republika ng Filipinas” sapagkat walang opisyal na bersiyon sa Filipino na ginawa at pinagtibay ng Kalupunan ng mga Komisyoner ng KWF noon at magpahanggang ngayon. Malaki rin ang posibilidad na mapalitan ang Batas Republika Blg. 8491, na nagtatakda na gamitin ang “Republika ng Pilipinas” sa mga eskudo, logo, at sagisag ng bansa. Kung ang pinagbatayan ng naturang batas ay ang Konstitusyong 1987, isang malaking pagkakamali iyon sapagkat wala namang opisyal na bersiyon sa Filipino, o sabihin nang katumbas na “salin” sa Filipino, ang bersiyong Ingles ng Konstitusyong 1987.
Inaasahan kong maglalabas ng bagong salin ng Konstitusyong 1987 ang kasalukuyang administrasyon ng KWF , at siyang kolektibong pagtitibayin ng Kalupunan ng mga Komisyoner, nang may masinop na pagsasaalang-alang sa modernong ortograpiyang pambansa para sa bagong henerasyon ng mga Filipino.
Hinihintay ng sambayanan ang Filipinas para sa lahat ng Filipino.