Paumanhin, ni Roberto T. Añonuevo

Paumanhin

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo

Huwag banggitin ang salita kapag nagbunga ang mga gawa o pagtangging gumawa. Ang iyong mga gawa ay maaaring simbuyo ng mainiping paa o naglalagablab na puso, o balani ng pangarap na simbigat ng lungsod, ngunit ang anumang pasiya mo ay higit sa itinakda naming tama o mali. Mahilig kaming gumuhit ng linya, na maaaring laós at sinauna, at ang linyang ito ang magsasabi kung ano ang dapat ulam na isusubò nang walang pagtatanong, o kaya’y ang damit na isusuot sa okasyong inimbento namin, gaya ng binyag, nang walang pakialam kung ibig ng binibinyagan ang panínindigán niyang pananampalataya—kung sa hinaharap, ito ay maging bibitayan.

Huwag banggitin ang salita, kung ang iyong mga gawa ay lampas sa haligi ng bahay na bato sa aming isip. Maaaring iba ang iyong muhon sa itinakda naming muhon, at kung ito ay hindi mo nakita sa kung anong katwiran, o hindi namin namalayan sanhi ng nagbabagong simoy, ay hindi mahalaga. Ang mahalaga ay natauhan ka kung paano sasandig sa haligi at makinig sa lindol ng sahig sa tumpak na pagkakataon, at pahalagahan ang ilaw sa minimithing silid may bagyo ma’t may dilim. Magtatayô ka ng sarili mong tahanan balang araw, maghahayag ng sariling batas na tatawagin mong pananaw, at kung hindi kami makasakay sa iyong opinyon o panukala, madali naming huhugutin ang kawikaang paalis ka pa lámang ay nagbabalik na kami sa pook na sinilangan.

Huwag banggitin ang salita, kung ang katumbas niyan ay pahupain ang ulan ng bato’t alimura nagmula man ang utos sa hari. Ang hari ay nakapagsasalita sapagkat inaakala niyang siya ang may-ari ng buong bayan. Kung ang bayan na ito ay napariwara, sanhi man ng digma o bagyo o salot, ang hari ay susurutin ang kaniyang matatapat na kawal o alalay o tagapayo, at ipatatapon ang ilan kung kinakailangan, ngunit hinding-hindi aamin sa kaniyang kakulangan ni katangahan. Huwag banggitin ang salita, at humarap sa hari, at ipamukha sa kaniya na ang kaniyang mga kawal ay sumusunod nang bulag upang manatili sa poder, gaya ng sapilitang pagdukot sa kawawang mamamayan, at paghahain ng kung ano-anong kaso na tinitimpla tulad ng keso.

Huwag banggitin ang salita, kahit nabatid mong nasaktan kami sa iyong pagkawala. Totoong tumitigas ang ulo gaya ng bato (at kailangan iyan para proteksiyon sa utak), ngunit bakit namin palalambutin ang iyong loob sa pamamagitan ng pingot o bugbog? Kailangang tumigas ang iyong ulo, gaya ng kailangang magkasungay ng kalabaw nang maipagtanggol ang sarili. Ngunit matutong mag-isip, na ang hangin na iyong langhapin ay nagiging pangalan mong mahangin—na para sa iba’y hindi basta pagbubuhat ng bangkô, bagkus pagpupundar ng enerhiya kahit nasa tuktok ng mga bundok. Huwag mangamba kung nasaktan ang aming loob. Nasasaktan kami hindi dahil matigas ang iyong ulo. Nasasaktan kami dahil kahit noong tumigas ang aming ulo ay hindi kami nagtangkang sumubok, gaya mo, na tumindig sa tungki ng bangin, at naduduwag kami sa pangitain ng pag-iisa sa sasapit na takipsilim.

Huwag banggitin ang salita, sapagkat sapat na ang iyong titig na nag-iiwi ng libong pahiwatig. Hindi kami naghihintay sa iyong kumpisal, sapagkat sino kami para magbasbas ng kapatawaran? Wala kaming pangakong paraiso, gaya ng Bembaran na nalunod sa limot. Sasabihin ba ng pastol na isa lámang ang itim na kambing, na karapat-dapat maging papaitan? At ano ang dapat maging asal ng kawan ng kambing? Na sumusunod ang bawat isa katumbas ng tubig o damo o sisilungan, at hindi dapat ihain sa darating na pista? Huwag banggitin ang salita, subalit tandaan ang pilat na tinamo sa pagtataksil o pagkadapâ. Tandaan ang patalim, na sumasakyod nang may pagkukunwari, o pumupungos sa iyong paglabay o paglago. Tandaan ang lahat ng bituin na naging patnubay sa kinatha mong paglalayag o pagtatanim. At sa sandaling tumatag ang mga tuhod mo, at lumapad ang mga balikat sa pagpasan ng mundo, huwag pagsisihan ang matataas na pader. Tumindig nang taas-noo. Mabubuwag ang mga pader, at maglalakad kang magaan, gaya ng paslit na isinilang na walang utang, walang batik mula sa wika ng Maykapal.

No to illegal arrest. No to war. Yes to peace and social justice.

Advertisements

Sa dulo ng pag-asa, ni Roberto T. Añonuevo

Sa Dulo ng Pag-asa

ROBERTO T. AÑONUEVO

Sa dulo ng pag-asa, ano ang sasalubong sa iyo? Maaaring isang bangin o kawan ng putakti, o kaya’y tambakan ng basura kung hindi man putol na sapà. Malayang maglalakad ang mga pangamba sa mga anino at pitlag ng lupa, mayayanig ang mga ulupong sa iba’t ibang pakahulugan, at hindi ka man manghuhula, ang yugtong ito ang pinakadakila: iiral ka at maláy ka, iiral ka dahil maláy ka, at iiral ka nang maláy na maláy, kahit ang kinabukasan ay nananatiling palaisipan.

Sa dulo ng pag-asa, sumisikip ang mga selda ng bilangguan; ilalagda ang tatô sa iyong puso at budhi; at para kang paslit na nakasilay, sa unang pagkakataon, ng eroplano o selfon. Matutulog ka sa sahig, at mananagip na dilis na ibinibilad kasama ang libong dilis na nakahanay at natutulog sa labis na pagod o lungkot. Sa dulo ng pag-asa, maglilinis ka ng kubeta sa buong maghapon, o kung hindi’y magwawalis sa mga selda para sa kapatiran ng mga maykaya at maykapal. Sa dulo ng pag-asa, tutulungan ka ng ibang kakosa mong marahil ay naaawa sa itsura mong kalbo, bagito, at waring walang kaalam-alam sa mundo.

(Marahil hindi mo na kabesado ang dating daan sa dulo ng pag-asa. Sa iyong guniguni, lumuwag ang dating makitid na eskinita ng mga tambay, nangaglaho at nagsilipat kung saan ang mga dating kaibigan, lumiwanag ang tambayan, at ang pumalit na hulagway ay tahol ng mga tuta sa bakuran na ang pader ay hardin ng gumamela o rosal.)

Sa dulo ng pag-asa, itatanong mo sa diyos kung bakit mailap ang hustisya, gaya marahil ng pagtatanong ng liping dinakip, binugbog, at ikinulong ang ilan nitong piling kabataan. Isusumbat mo sa kaitaasan kung bakit hindi sumasagot ang diyos sa mga dasal na mataimtim at makulimlim. Hahanapin mo ang diyos na makahahawi ng mga alon, makapagpapaulan ng tinapay, makapagpapahilom ng maantak na sugat, makapagpapanumbalik ng ginhawa sa anyo ng mga bukás na bintana, makapagdudulot ng malawak na pagtitiis o pang-unawa, at makagaganti ng mahigpit na yakap habang tumutulo ang iyong luha.

Sa dulo ng pag-asa, marahil ay walang diyos. Sa dulo ng pag-asa, walang matatagpuang kaibigan. Sa dulo ng pag-asa, walang hinaharap kundi ang pagsasanla ng kaluluwa sa mga demonyong nalilikha sa pabrika ng mga pahayagan, gobyerno, at paaralan. Sa dulo ng pag-asa, walang matatagpuang pangalan, walang matatagpuang magulang, walang matatagpuang karatula na magtuturo kung kailan liliko sa kanan o kaliwa, o kung dapat manatili sa gitna. Sa dulo ng pag-asa, kusang destiyero ka na hahabulin ng mga bala o tarantadong batas.

Sa dulo ng pag-asa, isisilang ang digmaan na mananatiling biro ng presidente, ang digmaan na malalango ang lahat sa pangakò at malulunod sa kopa ng mga pakò, ang digmaan na magpapasikip sa libong bilibid at magpapataas sa ranggo ng mga pulis, ang digmaan na magpapasakit sa ulo ng mga piskal at huwes dahil ang mga kaso ay may padron at sukat gaya ng damit, at kailangang sumunod sila sa utos at patakaran ng nakatataas. Sa dulo ng pag-asa, ang digmaan ay katatawanan, at ang mga tumatawa ay parang mga payasong inupahan ng hari.

Sasalubungin ka ng araw sa dulo ng pag-asa. Iiwan mo ang lahat ng iyong nakasanayan, at maglalaho ang iyong takot o agam-agam. Lahat ng iyong lakas ay magbabalik, at isisilang ang sariwang katinuan. Sa dulo ng pag-asa, hindi mahalaga kung may sumalubong sa iyo o wala. Sa dulo ng pag-asa, hindi mahalaga ang iyong katauhan. Sa dulo ng pag-asa, tutuklasin mo muli kung totoong ang Maykapal ay nasa iyong buto’t lamán, hihintayin mo ang himala na ikaw rin ang lilikha at lumikha, at kung ituring man itong masaklap na biro, ang bathalang ito ang aabangan mo, pagsapit na pagsapit sa dulo ng pag-asa.

nature woods bikes bicycles trails fields grasses florida pine trees land vehicle bicycle cycling road bicycle mountain bike cycle sport mountain biking path mountainous landforms trail vehicle sports equipment mountain bike racing tree mountain racing bicycle soil hybrid bicycle hill adventure landscape ecoregion shrubland grass plant community road grassland prairie enduro cross country cycling freeride cyclo cross bicycle Stop illegal arrest. No to illegal arrest and detention.

Pahatid ni Idyanale

Pahatid ni Idyanale

Roberto T. Añonuevo

Mga ugat na bumaón nang napakalalim sa lupa ang kaliwanagan. At ang kaliwanagan ay napagkakamalang putik, kumunoy, bato, o buhangin ng sinumang hangal. Ang lupa, anuman ang anyo nito, ay maghuhunos na mga ugat ng tubig: Mga lupang ugatan, mga ugat ng kabaitan.

Ugat ang lahat. Lahat ay ugat.

Hukayin ang kanluran ng Kaliwanagan. Hukayin ang silangan ng Kaliwanagan. Hukayin ang timog ng Kaliwanagan. Hukayin ang hilaga ng Kaliwanagan. Hanapin ang mga ugat, ang ugat ng Kaliwanagan.

Ngunit bago tangkaing tuklasin ang mga ugat, ikatuwa ang mga balaybay o duklay at ipagdiwang ang mga sanga at bulaklak. Suriin ang mga punongkahoy, palumpong, damo, halamang-ugat, at iba pa. At malaya mong mababatid na tila mga kidlat na naglalagos sa mga ulap ang mga ugat.

Nasa ugat ang liwanag. Nasa liwanag ang Kaliwanagan. Gayunman, ang liwanag ay nakabubulag sa sinumang nahirating tumitig sa makislap o makinang. Itinuring na ginto ang Araw, at laksa-laksa ang nabubulag sa kanilang pananampalataya. Sinamba ang pinilakang Buwan, at nahilam ang paningin ng mga mapamahiin. Tiningala ang mga galáng na bituin, at lalong lumabo ang mga mata ng sakim. Bakit tititig sa punong Saging ng Kalawakanan, samantalang higit ang liwanag ng mga kamay at binting nangagkaugat dahil sa paglilinang ng bundok o kapatagan?

Ang kislap, ang kinang ay matatagpuan sa tubig na tumitighaw sa uhaw ng mga ugat. Walang silbi ang tubig kung walang mga ugat. Ang tubig ay mananatiling tubig hangga’t hindi ito pumapaloob sa mga ugat. Ang hamog, ang singaw, o ang nagsabatong tubig ay magbabalik bilang tubig dahil may mga ugat din ang tubig at ang lahat ng tubigan. At ang tubig na sinipsip ng mga ugat ay nagwawakas sa pagiging tubig upang maisakatuparan nito ang dakilang mithing maging mga ugat.

Liwanag ang mga ugat, at ugat ng bawat liwanag.

At ang hangin na hinihigop o ibinubuga ng mga dahon ay nagiging dahon. Ang liwanag na hinihigop o ibinubuga ng mga dahon ay nagiging dahon. Ang mga ibon na nakikisilong sa mga dahon ay nagiging dahon. At ang mga dahon na sumusupling o dili kaya’y nalalagas sa mga sanga’t tangkay ay sasapit sa hanggahan upang wakasan ang pagkadahon at nang mapuri ang mga ugat.

Anuman ang kulay ng mga dahon ay may ugat. Lumilitaw o napipigtal ang mga dahon dahil sa tunggalian ng bagwis at ugat. Mamumukadkad ang bulaklak, aakit ng mga kulisap, ibon, at hayop dahil may pandama ito hinggil sa Ugat. Kakapál, lulusog, didilim ang kagubatan dahil sa di-mabilang na ugat na pawang lingid sa paningin ng kaligiran. Totoo, maraming ugat ngunit nananatiling iisa lamang ang lumulukob sa kalawakan ng mga buto’t himaymay. Matutong gumapang gaya ng ugat. Huwag kalimutang magparami ng ugat. Gumapang at sumisid pailalim sa walang hanggang dilim. At makipagtalik nang ubos-lakas sa Dakilang Ugat, upang kahit paano’y pumasok sa loob ang Kadakilaan ng Ugat ng Kawalan.

landscape tree nature forest path grass light sky night sunlight morning leaf atmosphere evening jungle autumn darkness vegetation rainforest deciduous grove woodland midnight ecosystem phenomenon biome old growth forest computer wallpaper temperate broadleaf and mixed forest temperate coniferous forest spruce fir forest

Ang Pader

Kailangan ang matatangkad na bakod na yari sa mga bato, nang mapangalagaan ang hari ng mga Hudyo. Kailangan ang tore ng tagapagbantay o kampo ng militar upang mapanatili ang kapayapaan ng mga Israelita. Kailangan ang mga eroplanong pandigma upang pulbusin ang mga Lebanes at Palestino na pawang kumokontra sa pagsasarili. Kailangan ang mga barko upang mahanggahan ang dagat at kalakalan at transportasyon ng mga terorista at kakampi nilang masa. Marami ang kailangan ng gaya ng kaharian ni David, at ihain ang henosidyo sa ngalan ng pagtatanggol ng sarili,  kaya umuulan ng Katyusha upang yanigin ang ating paniniwala sa tibay nitong pinagtatalunang lupa—ang Lupang Pangako at Pangakong Kinatha.

Ang Pagsapit

Halakhak ng naghaharutang mga bata ang pumasok sa bintana, at nagdulot ng alimpungat sa isang huklubang babae. “Ang mga lintik!” nawika niya habang iniuunat ang makikirot na tuhod. Napaubo siya, at sumungaw ang dugo sa kaniyang ilong. Hindi niya naiwasang mapadahak, at nang dumura siya’y tila lumabas mula sa kaniyang baga ang naimbak na poot at inggit na pawang naghunos na kuwago. Pumagaspas ang ibon at naglandas sa lalamunan hanggang kumawala sa kaniyang bibig. Sinundan niya ng tanaw ang kuwago, at nang dumapo sa sanga ng bayabas, ay anu’t kumislap saka nagliwanag. Nasilaw ang mga bata nang tamaan sila ng pambihirang sinag, at biglang nagsitakbuhang gaya ng mga bubuwit—takot na takot, ik-ik nang ik-ik—samantalang ang matanda sa lumang silid ay hindi nasikil ang managhili sa isang sanggol na namatay, at muling nabuhay, nang marinig niya ang tinig na sumisigaw: “Nanaaay! Nanaaay! Nanaaay!”

Katarungan

TALON, kuha ni Beth Añonuevo

TALON, kuha ni Beth Añonuevo

“Hindi palusot ang kawalang-muwang sa batas,” sabi ng Dakilang Hukom, “upang labagin ang mga batas.” Ang problema’y isinulat ang mga batas sa tubig. At ang wika ng batas ay sadyang likido, at may gramatikang kabesado lamang ng gaya ng kompanyerong balyena, pating, at buwaya. Kaya huwag ipagtaka ang krimen at ang parusa. Tandaan: Ang sinumang baguntaong manalamin sa sapa ay tutuklawin ng makamandag na kariktan. Ang sinumang tagalupang lumusong sa tubig ay iaahon nang kalansay. At ang sinumang tarikáng uminom ng tubig ay malalason at malalapnos ang lalamunan at kaloob-looban, dahil ang tubig ay para lamang sa mga anito’t Maykapal.

(10 Oktubre 2004)

Ang Paglalakbay

Magkabilang pader ng mga nitso ang nagpapaunawa sa kaniya ng sariwang hininga. Mga sisidlan ng mga pangalan, petsa, at lugar ang tila nagsasabing, “Heto ang direktoryo. Naliligaw ka ba?” Unti-unti niyang mararamdaman ang kilabot sa kung anong simoy, sa kung anong sinag, ngunit gaya ng nakagawian ay mapapailing lamang siya sa gumagapang na lamig sa kaniyang katauhan. Kabesado ng kaniyang mga paa ang landas pakanan, saka didiretso, at kakaliwa bago umabot sa sukdulan ng hanggahan ng matatangkad na pader. San Marcos, numero nuwebe.

SEMENTERYO, kuhang retrato ni Bobby Añonuevo

SEMENTERYO, kuhang retrato ni Bobby Añonuevo

Ano ang dapat katakutan sa kamatayan, bulong niya, kung may puntod ka sa alaala na dadalawin mo nang may pananabik? 

Mapapaupo siya sa lilim ng kisameng may mga nitso ring nakapaibabaw. Maririnig niya ang mga kaluskos ng paslit na naglalaro, ang matandang sumasaway sa huntahan, at isang nanggagalaiting tahol ng aso ang sisingit para ipagunita ang oras. May dalawang munting pasô na tinirikan ng mga rosas ang mapapansin niya sa isang nitsong nakalagda ang mga pangalang pamilyar sa kaniya. Ilalabas niya sa balutan ang apat na puting bilugang kandila, at sa isang panalangin ay iimbulog siya sa bagong daigdig.

Matagal nang huminto ang kaniyang daigdig. Ngunit hindi na ngayon, at hindi niya maipaliwanag kung bakit. Ang kakatwa’y marahang sumilay sa kaniyang noo ang lola na nagbibigay ng sapin-sapin o turumpo sa isang paslit, at ang lolo na mahilig magpabunot ng puting buhok na katumbas ng isang kusing. Magbabalik sa kaniya ang halakhakan, ang pagkatuwa na parang peregrinasyon sa Antipolo at pamimili ng pares ng mayang de-kolor o kaya’y ng pasalubong na suman o kasoy. Kakargahin ang bata sakali’t mapagod, at sa matimyas na sulyap ay maglalakad sila nang di-alintana ang pagod.

Nagbabalik siya sa mga kalansay ng loob, at ang mga alabok sa kaniyang mga paa ay anu’t kumikislot, tumitibok-tibok. “Kumusta na, iho?” Natatandaan niya ang gayong pagbati. “Kumain ka na ba?” Tutugon siya hindi na bilang paslit, bagkus bilang tigulang na humaharap sa tadhana. Uusalin niya ang panalanging waring ambon sa panginorin, at kumulimlim man ngayong araw ay makikita niya ang hantungan sa kabila ng mga pader. Masikip na ang sementeryo, aniya, at napakaluwag ng Pasig para sa sinumang naghahanap ng bagong bangka, nakagawiang tawiran, at sinaunang tagasagwan.

Sagutang talinghaga hinggil sa lupa

Ang Sabi ng Matatanda

Mag-aaway, gaya ng mga ilahás na hayop, ang magkakapatid dahil sa pamanang lupain ng kanilang mga ninuno. Itatakda ng batas, agham, at wika ang katwiran ng matatangkad na pader, at ang halaga ng lunggating teritoryal. Lingid sa mga sakim at hangal, ang lupang kanilang pinag-aawayan ay ang lupa ring tatabon sa kanila sa oras ng kamatayan.

(2 Agosto 2005)

♦ ♦ ♦

Ang Sabi ng mga Bata

Panginorin sa takipsilim.

Panginorin sa takipsilim.

Bahagi ng pag-iral ang pag-aaway. Kung walang galos, paanong mauunawaan ang bighani ng kirot o luwalhati? Kung walang dadanak na dugo, paano maitatala ng utak ang pag-iwas sa nanà o paggamot sa sugat? Pinapaslang kahit ang sariling ama, at ipinatatapon sa malayong lupain kahit ang sariling ina. Iisa ang lupain. Nagkakaiba lamang kung paano natin ito lalandasin o lalayagin o liliparin.

(8 Abril 2007)

Hiwaga

SIMBAHAN, kuhang larawan ni Bobby Añonuevo.

SIMBAHAN, kuhang larawan ni Bobby Añonuevo.

Sasapit ka bilang sumisikip na lalamunan, at mauunawaan mo ang Maykapal.

Makalilimot ang Maykapal sa Kaniyang kaakuhan, at matatagpuan ang sarili sa kaloob-looban mo. Maaaring Siya’y naaawà sa iyo, dahil sino’ng kumakatok ang hindi pagbubuksan? Sino’ng tumatawag ang hindi pakikinggan?

Wiwikain ng Maykapal ang lahat ng iyong panalangin.

Masisiyahan ka sa pananahimik.

At ang iyong pananahimik ay lolobo nang lolobo, gaya ng iyong leeg, panga, ilong, pisngi.

Ipagdarasal ka ng Maykapal. Manginginig ang Maykapal sa Kaniyang pagdarasal sa kung anong kawalan upang matupad ang Kaniyang hiling na maghilom ang iyong sugat na maaaring katagang di-mabigkas o kung nabigkas man ay inusal nang may pagtampalasan at paglibak sa matatanda noong mga gabing nalasing ka sa alak, dilag, sugal.

Tutuparin mo ang panalangin ng Maykapal.

Tutuparin mo ang panalangin ng Maykapal na kahanga-hangang kapilas mo.

Maghihilom kahit ang talamak mong loob. Maglalaho ang iyong kanser.

Matutuwa ang iyong Panginoon.

Magtitika Siya, tulad ng milyon-milyong deboto na nagtika sa kasalanan ng daigdig, at ibabandila ang kagila-gilalas na himala.

At sa oras na hinarap mo ang iyong Panginoon, Siya at ikaw ay muling magpapalit ng tungkulin at pangalan.

Siya ang Lalang. Ikaw ang kaniyang Maykapal.

Maghihiwalay kayo ng landas. Hindi ka na muling lilingon pa. At maririnig ng iyong laláng ang malulutong mong sigaw, ang dumaragundong mong halakhak, ang lumalagapak mong palakpak, habang lumalakad kang papalayô—papalayô nang papalayô—mula sa kaniyang kinatatayuan.