Nobyembre, ni Giovanni Pascoli

Salin ng “Novembre,” ni Giovanni Pascoli ng Italy
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Nobyembre

Ga-hiyas ang hangin, napakaliwanag ng araw
at naghahanap ka ng mga punong khubani
na namumulaklak, at bigla mong naramdaman
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .ang pait ng tusok ng espino. . .

Ngunit tuyot ang tinik, at ang dawag sa tabi’y
itim na lambong ang iminarka sa mga ulap;
hungkag wari ang langit, at ang lupa’y mabini
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .sa yabag na umaalingawngaw.

Tahimik ang paligid: ang hanging humahampas
ay dinig sa malayo, doon sa mga hardin at werta’y
pigtal na dahon ang tumakip. Tag-araw na ganap,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .na malamig na sikat ng yumao.

Sining at Konsepto, ni Roque Dalton

Salin ng “Arte póetica 1974” at “Maneras de morir” ni Roque Dalton ng El Salvador
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Sining ng Pagtula 1974

Panulaan
ipagpaumanhin kung tinulungan kitang maunawaan
na hindi ka lámang binubuo ng pulos mga salita.

Mga Paraan ng Kamatayan

Si Komandante Ernesto Ché Guevarra,
na tinawag na “dakilang abenturero ng armadong pakikibaka”
ng mga pasipista’y
humayo at inilapat ang kaniyang rebolusyonaryong konsepto
sa Bolivia.
Sa gayon ay nakitil ang búhay niya at ang iilan pang bayani.

Ang mga dakilang pasipista ng matuwid na daan
ay sinubok ang kanilang mga konsepto sa Chile:
Ang mga namatay ngayon ay lampas sa tatlumpung libo.

Mantakin mo, mambabasa, kung ano ang sasabihin sa atin
kung mailalahad nila ang kani-kanilang karanasan—
silang nangamatay sa ngalan ng bawat konsepto.

Pag-ibig at Pakikibaka, ni Roque Dalton

Salin ng “Poeticus Eficacciae” at “Tercer Poema de Amor,” ni Roque Dalton ng El Salvador
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Poeticus Eficacciae

Mahuhusgahan mo
ang subók na baít ng politikong rehimen,
ng politikong institusyon,
ng politikong tao,
sa antas ng panganib na pumapayag yaong
sipatin nang maigi sa anggulo ng pagtanaw
na nagmumula sa satirikong makata.

Pangatlong Tula ng Pag-ibig

Sinuman ang nagwika sa iyong hindi pangkaraniwan
ang pag-ibig natin dahil bunga ng hindi pangkaraniwang
pangyayari,
sabihin sa kaniyang nakikibaka tayo upang ang pag-ibig
gaya ng sa atin
(ang pag-ibig sa piling ng mga kasáma sa pakikidigma)
ay maging pinakakaraniwan at karaniwan,
na halos ang tanging pag-ibig sa El Salvador.

Sabi ng Pag-asa, ni Antonio Machado

Salin ng “Dice la esperanza” ni Antonio Machado (Antonio Cipriano José María y Francisco de Santa Ana Machado y Ruiz) ng España
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Sabi ng Pag-asa

Sabi ng pag-asa: Makikita mo balang araw
siya kung talagang makapaghihintay ka.
Sabi ng pagsuko:
Siya ang nagdudulot ng pait sa iyo ngayon.
Pitlag, puso! Hindi pa lubos na nalulunok
ng lupa ang lahat.

Pinagbawalan ako, ni Jacques Dupin

Salin ng “Il m’est interdit,” ni Jacques Dupin ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pinagbawalan ako

Pinagbawalan akong humintô nang makakita. Na tila pinarusahan akong makakita habang naglalakad. Habang nagsasalita. Na masilayan ang aking winiwika, at sadyang magsalita dahil hindi ako nakakikita. Samakatwid para maipamalas kung ano ang hindi ko nakikita, at ang ipinagbabawal sa aking makita. Ang wikang umaalimbúkad ang tumatamà at tumutuklás. Katumbas ng pananagutan ang pagkabulag upang baligtarin ang kalagayan, at itakda ang paglalakad at salita sa harap ng paningin. Upang makalakad sa gabi, upang makapagsalita sa gitna ng ingay at pagkalito, upang ang sinag ng liwayway ay sumanib at tumugon sa aking hakbang, tukuyin ang sanga, at pitasin ang bunga.

Paruparo, ni Frances Brent

Salin ng “Butterfly,” ni Frances Brent ng USA
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Paruparo

Nabubuo ang paruparo sa parehong kawalan
tulad ng punongkahoy o gusgusing kabayo.
Mga bátik nito’y alipato ng tansong pinakintab.
Nagsasalikop ang mga ugat nito sa pinulbuhang
rabaw gaya ng mga dahon ng pamaypay.
Ngayon, tent itong naninimbang sa dulo ng daliri,
na ang pinakaibabang gilid ay higit na mapusyaw
kaysa gula-gulanit na payong na Haponés.

 

Limang Klasikong Haiku

Musika

Basho

Nulan ng rosal;
ang bundok ay talulot
sa ritmong talón.

Alaala

Tairo

Galit si ama;
pitas kong gumamela’y
fatek sa isip.

Bagong buhay

Shiki

Guho ng baláy,
ngayon ay punong peras.
Bakás ng digma.

Pag-iral

Buson

Nita ko’y kidlat
sa kawayanan; tatlong
hamog ang natak.

Wakas

Issa

Lungkot ng mundo
ang lagas na bulaklak—
kawangis natin.

 

Kapag dumupok ang gunita, ni Ismail Kadare

Salin ng “Edhe kur kujtesa,” ni Ismail Kadare ng Albania
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Kapag dumupok ang gunita

At kapag ang aking dumurupok na gunita,
Na tulad ng pangmagdamagang trambiya,
ay huminto sa mga pangunahing estasyon,
asahan mong hindi kita malilimot.

Matatandaan ko
Ang tahimik na gabi, na eternal sa iyong mata,
Ang mga sikil na hikbi sa aking balikat,
Gaya ng niyebeng hindi mapalis nang ganap.

Sumapit noon ang paghihiwalay
At lumisan ako palayo sa piling mo.
Wala namang kakatwa, ngunit may ilang gabing
Sinusuklay ng mga daliri ang iyong buhok—
Ang mga daliri kong nagmula pa sa ibayo’t
humahaba nang milya-milya tungo sa iyo.

Ani ng mga Pag-asa, ni Faiz Ahmed Faiz

Salin ng tula sa Urdu ni Faiz Ahmed Faiz ng Pakistan
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ani ng mga Pag-asa

Tinabas ko ang lahat ng sugatang halaman,
kayâ tighawin mo ang úhaw ng mga ito
habang naghihingalo.
Bunutin ang lahat ng bulaklak
na namimilipit sa sakít,
at huwag hayaang nakalaylay sa mga sanga.
Ang pag-aani ng mga pag-asa, kaibigan,
ay magwawakas sa ganap na pagkawasak.
Lahat ng pagsisikap ng umaga at ng gabi
ay mabubunyag na wala, wala ni isang silbi.

Anino ng mga Higante, ni Kostes Palamas

Salin ng tula ni Kostes Palamas ng Greece
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Anino ng mga Higante

Narinig ko ang dagat na ano’t umuungol
na tila tinig na umaahon mula sa karimlan:
Anino ba ito ng mga higanteng gumagalaw?
“Anino! Sino ka? Magsalita ka!”
“Ako’y isang Telamonya!
Masdan, sa kalooban ko’y nilulukob
ang buong araw na hindi lumulubog,
bagaman hinihikaban iyon ni Hades;
Huwag nawang lumuha para sa akin!”
. . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .“At katabi mo siya?”
“Ang puso ng lupain ng Tewtones
ay binuhay muli ako. Ako ang manlilikha,
ang manlilikha ng mga dakilang mundo
ng Olimpus, ngunit naririto sa pusikit
na pusod ng Tartarus:
Uhaw ang puso ko’t sabik sa isang bagay:
Inaasam ko at hanap-hanap ang liwanag!”