Destiyero sa Destiyero, ni Abdullah Al-Baradouni

Salin ng “From Exile to Exile,” ni Abdullah Al-Baradouni ng Yemen
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Destiyero sa Destiyero
  
 Isinasalin ang bansa ko mulang isang tirano
 tungong ibang tiranong masahol pa kaysa dati;
 mulang isang bilangguan hanggang iba pa,
 mulang isang destiyero hanggang iba pa.
 Sinakop ito ng mga nagmamasid na banyaga
 at ng isa pang nakakubli, nagkukunwa;
 ipinasa ng isang halimaw sa dalawang halimaw
 gaya ng buto’t balát na kamelyo.
 Sa mga yungib ng kamatayan
 ay hindi namamatay ang bansa ko, ni hindi
 gumagaling, ni makuhang makabangon.
 Hinuhukay nito ang mga píping libingan 
 para hanapin ang mga dalisay nitong ugat,
 para sa tagsibol nitong pangakong natutulog
 sa likod ng sariling mga mata; 
 para sa panaginip na darating,
 para sa multo na nagtatago kung saan.
 Lumilikas ito mula sa isang nakalulunod
 na gabi tungo sa napakapusikit na gabi.
 Nagdadalamhati ang aking bansa
 sa mga hanggahan nito
 at sa iba pang lupain ng iba pang tao;
 at kahit na nasa sariling lupain nito’y
 nagdurusa sa pagkatiwalag ng destiyero. 
Alimbúkad: Poetry solidarity for exiled voices. Photo by Yasin Gu00fcndogdu on Pexels.com

Mga Liyab at Tikatik, ni Rachel Wetzsteon

Salin ng “Flames and High Rains,” ni Rachel Wetzsteon ng USA
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Mga Liyab at Tikatik
  
 Gulayláy akong binalikan ang panaginip: nilamon
 ka ng apoy, at sinira ang lahat ng iyong katangian.
 Bakit ba kapag may ikatlong sumingit sa isip
 ay ibig kong wasakin ka?
  
 Ngunit ngayong gabi, habang binabagtas ang kalyeng
 maulan, kita kong nagmando ako ng nakamamatay
 na lagalab upang muli kang maibalik, habang bawat
 sulok ay masikip na taniman ng kahulugan,
  
 bawat nakaparadang kotse’y pumapatak na paalala,
 hindi ng mas mainit na motor kung saan, bagkus
 kung ano ang loob ng nakaparadang kotse: munti,
 kinakailangang bahagi ng pagsisikap panlungsod
  
 upang kulungin ka. Habang patuloy na naglalakad,
 tigmak ang pilik (ang tunay na paraan ng pagtingin),
 lahat ng madaling sakyan ko sa matapobreng loob
 ay sinasalungat:
  
 para sa kanilang ang gayak ay nagiging kredo'y
 nakangingitngit sa akin; anong lalim ang nilaktaw!
 Sa pananamit naman na tila tuldok, aaminin kong
 ito’y walang saysay na bighani, ngunit
  
 hindi dapat seryosohin. Kayâ kapag ang lungsod
 ay taglay ang iyong personal na tatak gaya sa
 pormal na envelop o mataong tuktok ng mayelong
 bundok, paano ko tatanggapin
  
 ang aking nakikita, o sasaksi sa kariktan nito?
 Madali, mahinahon. Ngayong gabi, lahat
 ng daan ay magsasalupong, at habang umaapaw
 ang tubig sa ganitong mga bukás na haywey,
  
 kahit silang sinisikil ang pagkamangha’y damá
 ang payak na kapangyarihan. Hindi tákot 
 ang nagpapakintab sa daan, o ang mga duklay
 ang naghahatid ng halimuyak pababa,
  
 bagkus ang maalab na galak na magsilbi
 sa diktador na mabuti dahil siya’y maykapal.
 O, punong mahistrado ng gabi, gawin mo
 akong tagapamagitan para sa mga kaluluwang 
  
 naglalakad sa iyong búrol, ni walang alam, 
 para sa mga gagong tumatakbo palayo sa ulan 
 at nagmumura. Hari sa madilim na paglusaw, 
 hayaang gumalà ako para sa iyong karangalan,
  
 makita ka sa sari-saring lalim ng gabi, 
 ang nakahihilong kompetisyon sa gitna
 ng mga poste ng ilaw at ng ulan, ang tandâ 
 ng ambulansiyang tumatawid, at umaawit. 
Alimbúkad: Poetry high rain for humanity. Photo by Aleksandar Pasaric on Pexels.com

Ang Sayaw, ni Humberto Ak’abal

 
Salin ng “El Baile,” ni Humberto Ak’abal ng Guatemala
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Ang Sayaw
  
 Lahat tayo’y sumasasayaw
 sa gilid ng isang sentimo.
  
 Ang dukha——dahil dukha siya——
 ay mawawalan ng panimbang
 at mabubuwal
  
 at ang iba pang tao
 ay magsisidagan sa kaniya. 
Alimbúkad: Poetry rhythm at its best. Photo by Marko Zirdum on Pexels.com

Isa ka bang araw tulad sa tag-araw? ni William Shakespeare

Salin ng "Sonnet 18: Shall I compare thee to a summer’s day?" ni William Shakespeare ng United Kingdom
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

 Isa ka bang araw tulad sa tag-araw?        
  
 Isa ka bang araw tulad sa tag-araw?
 Higit kang marikit, labis na panatag.
 Talulot ng Mayo’y nitás ng habagat;
 Maikli ang laan sa isang tag-araw.
 Maalab kung minsan ang mata ng langit,
 Malimit kumutim ang balát na ginto;
 At anumang ganda’y minsang maglalahò,
 Sadya man o likás magbago ang ihip.
 Ngunit di kukupas ang iyong tag-araw
 O maiwawala ang gandang taglay mo;
 Handa kang bumukád sa kabilang mundo,
 At kamatayan ma’y di káyang magyabang.
     Hangga’t tao’y buháy at handang makita
     Habang búhay itong may hatid na sigla. 
Alimbúkad: Poetry translation across cultures. Photo by Jill Wellington on Pexels.com

Mga Paniki, ni Rei Mina

Salin ng "Bats" ni Rei Mina ng Papua New Guinea
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Mga Paniki
  
 Sino ang naninirahan sa ganitong madilim, sawîng 
 Dingding na kasing-itim ng gabi?
 Panatag ang simoy,
 Naghihintay wari ng panggabing pagkabulabog.
 Walang ano-ano’y pumagaspas ang mga pakpak.
 May kung anong dumaplis sa aking mukha.
 Sumunod ang isa pa.
 Maya-maya’y lumitaw ang kawan ng mga nilalang,
 At umahon ang ritmo ng nakakikilabot na musika.
 Ang masangsang na amoy ng di-naliligong lawas
 Ay kumampay-kampay at lumutang sa eyre.
 Paano nakikita ng mga nilalang na ito ang daan
 Sa pagitan ng mga dingding na bato,
 Na higit na maitim pa sa gabi? 
Alimbúkad: Poetry across countries. Photo by Brady Knoll on Pexels.com

Ang Pagsilang ng Ngiti, ni Christopher Middleton

Salin ng “The Birth of the Smile,” ni Christopher Middleton ng United Kingdom

Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

May tatlong alamat hinggil sa pagsilang ng ngiti, at umuugnay ang bawat isa sa magkakaibang panahon. Kaugalian nang isalaysay ang mga alamat na ito sa pabaligtad na pagkakasunod-sunod, na tila ba maituturo nito sa wakas ang walang katapusang sinaunang panahon na taglay ang mga lihim na balang araw ay ibubunyag din sa mga alamat na kinakailangan pang tuklasin.

Ang unang alamat ay hinggil sa mga Sumeryo. Bumaba mula sa kabundukan tungong kapatagan ang mga tao na ito upang maghanap ng pagkain at tubig. Makalipas ang ilang siglo ng pagtatamasa ng pagkain at tubig, naaburido ang mga tao sa pagkasapád ng kapatagan, nanabik muli sa sinauna’t nakagawiang pag-akyat at pagbabâ sa mga bundok, at nagpasiya pagkaraan na magtayo ng bundok na matatawag na kanila (malinaw na ibig nilang magbalik sa dáting pook). Sa loob ng sampung taon, nagpunyagi ang mga lalaki sa pagtatayo ng bundok. Ang mga babaylan ang tumapos doon—naghukay ng mga butas para agúsan ng tubig, nagtanim ng punongkahoy sa tuktok, isinaayos ang mga silid sa loob, malapit sa paanan, para sa materyales sa aklatan, at ang palikuran, na napakahalaga. Habang abala ang mga babaylan, isang napakalaking hablon, na hinabi sa loob ng sampung taon ng mga babae, ang inilambong paikot sa bundok. At sa wakas, nagtipon ang mga tao; pagdaka’y tinanggal ang nakalukob sa bundok nang may angkop na seremonya habang sumasaliw ang mga lumalabog na agung. Habang lumilislis sa lupa ang hablon, ginupit ang mga hibla sa pamamagitan ng malalaking gunting na yaring Sumeryo, at lumantad ang bundok na sariwa at lastag, at napangiti ang lahat ng Sumeryo sa unang pagkakataon. Maikli ang pagngiti, gayunman.  Nagtayo ng bundok ang mga Sumeryo upang bagtasin nang paakyat at pababa, ang bundok ng puso, ang bundok ng kawalang-pag-asa, ang bundok ng kirot; ngunit naglaho ang kanilang ngiti nang ang isang babaylan, mula sa ilalim ng punongkahoy doon sa tuktok, ay maghayag: “Sagrado ang pook na ito; huwag itanong kung kanino laan ito. At huwag pumasok o umakyat sa kabilang panig, o kayo’y mamamatay!”

Isinasalaysay ng ikalawang alamat na isinilang ang ngiti sa mukha ng unang babae nang tumayo ito sa unang pagkakataon sa harap ng unang lalaki, at sumagap ng katahimikan na nagpalaki at nagpahaba sa uten ng lalaki sa labis na pagkalugod sa piling ng babae.

Inilahad ng ikatlong alamat ang panahon na dapat mauna sa ikalawa, kahit pa ilang araw lamang ang nakalipas. Ito ang sinasabi ng alamat: Nang ginagawa ng tagapaghubog ng búhay ang lalaki at babae, napakaingat niya upang mabigyan sila ng matibay na hubog at nang maisilid ang kaluluwa sa kanila. Malimit may panganib na malusaw ang mga anyong ito sa agos na lumalagos sa lahat ng bagay. Napoot ang kaluluwa sa mga bagong nilalang, at nagwala dahil ikinulong ito, at makalipas ang matinding pagpupumiglas at pakikipaghatakan, sumabog ito sa pagiging apoy. Dumaloy ang apoy sa mga katawan ng mga nilalang, at muntik nang matupok ang lahat ng iba pang nilikha kung hindi naagapan ng Kalmanteng diyos na humawak sa kamay ng kaluluwa. Walang ano-ano’y tumayo sa harap ng babae ang diyos. Nang magkaharap na sila, isang pulô ng kalamigan ang nalikha sa gitna ng pagliliyab. Habang nakatitig sa babae, unti-unting namangha sa gaan at kariktan ng babae ang diyos, at sa halos naaaninag na katawan na ginagapangan ng apoy na humahagupit nang malakas. Nagwika ang diyos sa makalangit na pananalita sa katawan ng babae, samantalang namamangha sa pagtitig. Habang nagsasalita ang diyos, narinig ng kaluluwa ang gayong mga salita, at sa unang pagkakataon ay nagsimulang pumanatag ito sa tinatahanan. Iyon ang sandaling napangiti ang babae. Noong panahong iyon, ang ngiti ay sadyang pagpayag ng kaluluwa na manahan sa atin.

Kung matutuklasan ang mga sinaunang alamat, maipapaliwanag ng mga ito sa atin ang nahihindik na ngiti ng isang Kafka; o ang ngiti na isiningit sa mga gilid ng bibig ni Che Guevara, sa pamamagitan ng mga hinlalaki ng kaniyang mga salarin.

Alimbúkad: Breaking barriers in the name of ultimate poetry. Photo by Pixabay on Pexels.com

Paghahatinggabi, ni Tomas Tranströmer

Salin ng “Midnight Turning Point,” ni Tomas Tranströmer ng Sweden
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Paghahatinggabi
  
 Matamang nagmamasid ang hantik, at tumitig
 sa kawalan. Ni walang maririnig kundi mga patak
            mula sa kulimlim ng mga dahon 
               at malalalim na hilik ng gabi
        sa lambak ng tag-araw.
  
 Nakatindig ang abeto gaya ng kamay ng orasan,
 matinik. Kumikislap ang langgam sa anino ng buról.
 Humuni ang ibon! Sa wakas, marahang gumulong
        ang kulumpon ng ulap.
Alimbúkad: World poetry ecstasy money can’t buy. Photo by Rudolf Kirchner on Pexels.com

Henealohiya ng mga Bomba, ni Ektor Kaknavatos

 Salin ng “Genealogy of Bombshells,” ni Ektor Kaknavatos 
 [alyas ni Yorgοs Kontoyorgis] ng Greece
 Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Henealohiya ng mga Bomba
  
          (para kay G. Savvas Michail)
  
 Hindi ako ang dahilan kayâ sinalakay
 ng apoy ang punong pino
 at pinigtal ang mga tainga
    ng araw.
  
 Hayaang magyabang ang mga bomba
      kung bumuhos man tulad ng ulan
             at mapawi nang ganap
      ang kabunyian ng mga punong dayap
 yamang taglagas ng Oktubre
 ang tanging nakikinig: ang mga bomba
        ay hinango mula sa panganib
        at kalabog ng rebolusyon,
             at hinagad ang alpabeto. 
Alimbúkad: Online poetry translation eruption for humanity. Photo by Pixabay on Pexels.com

Sabihin nating. . . , ni Nikos Engonopoulos

Salin ng “Let Us Say. . .” ni Nikos Engonopoulos ng Greece

Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Sabihin nating. . .

Hinila ng mga mangingisda tungo sa dalampasigan ang malaking lamandagat. Nangisay-ngisay ito sa buhanginan, at ang mga puting mata sa tiyan nito’y tumitig sa araw. Umalingasaw ang hangin na wari’y burak, na nagpatindi sa desperadong sikad ng hayop na may malalapad, malalapot na paa. Nagkulumpon ang mga tao upang usisain ang nakaririmarim na mukha ng halimaw. Ginusto ko ring lumapit at magmasid, ngunit dahil siksikan ang mga tao’y nabigo akong makasilip. Isang babae na suot ang kaniyang tanging sombrero, na pinalamutian ng mga balahibo, ang bumulong nang banayad sa akin: “Bulag iyan.” Ay, bulag nga ang hayop. At kung bulag iyon, ano ang ibig sabihin ni Seurat nang wikain niya ang pulang awreola na pumapalibot sa lungtiang halamanan, sa mga maningning na abenida ng Paris? Ano nga ba ang tunog ng mga tinig ng mga bata na hinahadlangan ng trambiya upang hindi natin marinig nang malinaw? Ano ang mga tersiyopelong guwantes na suot ng iyong mga kamay? Huwag mong hubarin ang sapatos, mahal, hintayin mong sumapit ang gabi. At sumapit ang gabi. Nalimutan ang halimaw, nagsiuwi ang mga mangingisda, at nagsilisan ang mga miron. Namumuti ang buwan at inilipad ng bagting sa kalawakan. Marahang ibinaba ang tabing.

Alimbúkad: Empowering Filipino language through world-class translation. Photo by JESSICA TICOZZELLI on Pexels.com

Sa Lahat ng Gawa ng Tao, ni Bertolt Brecht

 Salin ng “Von allen Werken,” ni Bertolt Brecht ng Germany
 Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Sa Lahat ng Gawa ng Tao
  
 Sa lahat ng gawa ng tao’y pinakaibig ko
 Ang mga bagay na dati nang ginamit.
 Ang mga tansong kalderong may kupî at nasapad ang gilid,
 Ang mga kutsilyo at tenedor na ang mga tatangnan
 Ay nalaspag ng maraming kamay: ang gayong anyo
 Para sa akin ang pinakadakila. Gayundin ang mga láha
 Sa palibot ng matatandang bahay
 Na niyapakan ng maraming paa, at nangapagal
 At tinubuan ng mga damo ang mga pagitan:
 Lahat ng ito ay likhang kasiya-siya.
  
 Ipinaloob upang magsilbi sa marami,
 At malimit binabago, ang mga ito’y pinahuhusay 
 ang angking hugis, at nagiging mahal habang tumatagal
 Dahil palagi yaong pinahahalagahan.
 Kahit ang mga baság na piyesa ng eskultura
 Na putól ang mga kamay ay itinatangi ko. Para sa akin,
 Buháy ang mga ito. Naibagsak man yaon ngunit binuhat din.
 Binaklas ang mga ito, ngunit nakatitindig nang marangal.
  
 Ang mga halos gibang gusali’y muling nagsasaanyo
 Ng mga gusaling naghihintay na ganap maisaayos
 At lubos na pinagplanuhan: ang mga pinong proporsiyon 
 Nito’y mahuhulaan agad, ngunit kinakailangan pa rin
 Ng ating pag-unawa. Kasabay din nito’y
 Nakapagsilbi na ang mga bagay na ito, at nanaig sa hirap.
     Lahat ng ito
 Ay ikinalulugod ko. 
Alimbúkad: World poetry beautiful. Photo by Mike on Pexels.com