Mga Babaeng Minahal Ko, ni Soonest .I. Nathaniel

Salin ng “The Women I Loved,” ni Soonest .I. Nathaniel ng Nigeria
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Babaeng Minahal Ko

Ang una’y ang maitim na babae
Na malimit umupo gaya ng lalaki,
At hindi natatakot na bumukaka
Kahit ano pa ang masilip ng mundo.
At madalas niyang sabihin,
“Hayaang saksihan nila
Na ang babaeng ito’y biniyayaan
Ng ga-elepanteng bayag.”

Ang ikalawa, ang tagalalá ng basket
Sa Cameroon.
Imbes na gumamit ng mga arayan
Ay pipiliin ang mga bulbol ng binata,
At kapalit ng badili’y mga pilik nila.
Ang mga kalamitmit sa kaniyang basket
Ay balbas at bigote ng mga lalaki.
Iniimbak niya sa kaniyang sinapupunan
Ang mga serbesa, butil, at bungo
Ng mga pugot na pangarap.

Ang ikatlo, ang asawa ng ama ko,
Na nagsabing ang mga pangungusap
Ng kaniyang búhay ay nakaliligta sa tuldok,
Dahil sinipsip ng malibog ang mga utong
Bago pa magpalaki ng hayop.
Malimit niyang kandungin ako’t paduraan
Sa mga kobra ang aking mga mata,
At aniya, “Nakikita ng bulag ang mahusay,
At di kailangan ang uten para makabuntis.”

May ikaapat, ang matabang Indian.
Alam niya kung paano patayuin ang lubid,
At kayang gawing alak ang tubig,
At gaya ng tunay na anak ng Babel,
Naniniwala siya sa pagsuway sa mga batas.
Noong malanta ang palayan sa aming bayan,
Humabi siya ng seda’t tumanggi sa bitag na pulut.
Iniwan ko ang buhok sa kaniyang kandungang
Kinain ko nang may halong gatas.

Ang puta ng propeta’y pinepeke ang orgasmo,
At hindi ilalayo ang anak sa kaniyang súso,
At hindi hahayaang malaglag ang mga supling.
Pananatilihin niyang siksik ang mga suso
Para tupdin ang tawag ng mga babaero.
Ngunit ang nabigong gawin ng dila ng sanggol
Ay tinupad ng panahon.
Nilamas nito ang mga suso hanggang lumaylay,
At ang kay libog na lalaking gumatas dito
Ay naghanap ng sariwang suso sa Sarajevo.

Pagkaraan, bumaling ako sa aking kapatid
Ngunit wala siyang dibdib.
At wala akong iba pang nagawa
Noong araw na pag-usapan siya at ibinigay
Sa lalaking ang tanging isinusuot ay palda.
Mahal ko rin ang tiya ko,
Na hindi ipinagmamalaki ang pag-ihi sa pader.
Sa ganitong panahon ay natuto akong maghanap
Sa ibang lugar, at mamuhay doon nang taglay
Ang mga pilat ng liwanag.

Ang Banoy, ni Miltos Sahtouris

Salin ng “Ο αετός” (The Eagle), ni Miltos Sahtouris ng Greece
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Bánoy

Noong natutulog siya
ang bánoy
ay bumulusok
na patay
sa kaniyang higaan
noong natutulog siya
ang kalapati’y
humapon
sa kaniyang kanang
kamay

Ang bánoy
ay itinilapon sa bangin
ng kaniyang duguang
mga daliri
ang kalapati’y
pinipiga at inihahagis
ng kaniyang duguang
mga daliri tungo
sa bákol

Noong nagising siya
ang bánoy
ay nakatindig
nang tuwid
sa kaniyang higaan
noong nagising siya
ang patalim
ay pinutol
ang kaniyang kanang
kamay

Ulan sa Madaling-araw, ni Du Fu

Salin ng “朝 雨,” ni Du Fu ng People’s Republic of China
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ulan sa Madaling-araw

Sumisipol sa liwayway ang malamig na hangin
na tangay ang mga ulop ng ilog, sakâ dumilim.
Nagtago ang mga bibe sa karatig na pulô;
sa tigmak na sanga, mga layanglayang ay nupò.
Sina Huang at Qi sa wakas ay lumiban sa Han ;
di nakipagkita sina Chaofu at Xu You kay Yao .
Natitira sa kubol ko ang isang basong alak;
mabuti’t nakaraos sa maginaw na magdamag.

Katulad mo, ni Roque Dalton

Salin ng “Comu tú,” ni Roque Dalton ng El Salvador
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Katulad mo

Katulad mo, mahal ko
ang pag-ibig, ang búhay, ang halimuyak
ng mumunting bagay, ang bughaw
na tanawin ng mga araw ng Enero.

At kumukulo ang aking dugo,
at ako’y napapahalakhak  sa pamamagitan
ng mga matang batid ang búko ng mga luha.

Nananalig akong marikit pa rin ang mundo;
gaya ng tinapay, ang panulaa’y para sa lahat.

At ang mga ugat ko’y hindi magwawakas
sa akin, bagkus sa mga lingid na dugo
nilang nakikibaka para sa búhay,
pag-ibig,
mumunting bagay,
tanawin at tinapay,
ang panulaan para sa lahat ng nilalang.

Linggo, ni Werner Aspenström

Salin ng “Söndagen,” ni Werner Aspenström ng Sweden
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Linggo

Sapagkat hindi na ito maibabalik,
hindi ko malilimot ang araw na ito.
Umahon ang araw sa silangan at lumubog sa kanluran,
at inihabilin sa mga bituin ang kalangitan
at sa sasakyang pangkalawakang mag-isang lumulutang.
Nagwika ang radyo, at umawit palagós sa bukás na bintana,
mula sa likuran ng walang kamatayang mapupulang santan.
Sa pamamagitan ng gunting, hinamig ng isang babae
ang ilang kumpol ng duhat
at dinala sa loob ng kusina.
Doon sa bakuran, sa ganap na oras ng panggabing balita,
isang bata ang nakaluhod sa tabi ng kaniyang iskuter
at lugod na lugod sa pagpapasiklab na isparkplag.

 

Nakita ko ang punongkahoy, ni Edith Södergran

Salin ng “Jag såg ett träd,” ni Edith Södergran ng Sweden
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Nakita ko ang punongkahoy

Nakita ko ang pinakamalaking punongkahoy
na hitik sa mga bungang saleng na di-maabót;
nakita ko ang malaking simbahang nakabukás
ang bukanang pinto’t lahat ng naglalakad sa labás
ay maputla at malakas at handang mamatay;
nakita ko ang babaeng nakangiti at de-pulbo
na nakipagsugal upang subukin ang suwerte
at nasaksihang siya’y natalo rin sa bandang huli.

Isang bílog ang iginuhit paikot sa mga ito
at walang sinuman ang makahahakbang dito.

Panggabing Simoy, ni Federico García Lorca

Salin ng “Aire de nocturno,” ni Federico García Lorca ng España
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Panggabing Simoy

. . . . . . .Nahihindik ako
sa mga patay na dahon
sa parang
na tigmak sa hamog.
Matutulog ako.
Kung hindi ako pupukawin,
iiwan ko sa tabi mo
ang malamig kong puso.

. . . . . . .“Ano ang tunog na iyan
mula sa malayo?”
“Pag-ibig.
Ang simoy sa salaming bintana,
Mahal ko!”

. . . . . . .Isinuot ko
sa iyong bilugang leeg
ang mga hiyas ng madaling-araw.
Bakit mo ako iniwan
sa landas na ito?
Kapag nagtungo ka sa napakalayo,
umiiiyak ang aking ibon,
at ang lungting ubasan
ay magkakait ng alak.

. . . . . . .“Ano ang tunog na iyan
mula sa malayo?”
“Pag-ibig.
Ang simoy sa salaming bintana,
Mahal ko!”

. . . . . . .Hindi mo mababatid,
espinghe ng niyebe,
kung gaano kita minahal
sa mga madaling-araw
na bumubuhos ang ulan
at nawawarat ang pugad
sa tuyot na sanga.

. . . . . . .“Ano ang tunog na iyan
mula sa malayo?”
“Pag-ibig.
Ang simoy sa salaming bintana,
Mahal ko!”

Pagkawala, ni Vikaṭanitambā

Salin ng klasikong tula sa Sanskrit ni Vikaṭanitambā ng India
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Nang lumapit siya sa kama, kusang nakalas ang buhol sa aking damit;
lumaylay ang baro ko sa may baywang, at napigil lámang ng bigkis
ng maluwag na sinturon. Iyon lamang ang natatandaan ko, kaibigan.
Ngunit nang ikulong niya ako sa kaniyang mga bisig, hindi ko maalaala
Kung sino siya, o kung sino ako, o kung anuman ang aming ginawa.

Anamorfosis, ni Haroldo de Campos

Salin ng “Anamorphosis,” ni Haroldo de Campos ng Brazil
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Anamorfosis

alinlangan
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . …………………..anino
walang alinlangan
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ………………sa anino
sa alinlangan
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .. walang anino
walang alinlangang
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . … oras ng anino
oras ng alinlangan
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .. . walang anino
walang anino . . . . . . . . . . . . . . ng alinlangan

anino
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ……………….alinlangan
walang anino
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ……….. sa alinlangan
sa anino
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ..walang alinlangan
oras ng anino’y
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ..walang alinlangan
walang anino
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ang oras ng alinlangan
walang alinlangan . . . . . . . . . .ng mga anino

walang alinlangang
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ……. . . . . …………..anino
sa anino . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . …alinlangan
sa alinlangan
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ……………walang anino
oras ng alinlanga’y
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ……………walang anino
oras ng alinlanga’y
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ……walang alinlangan
oras ng anino
ng anino . . . . . . . . . . . . . . . . . walang alinlangan

Parang, ni Antonio Machado

Salin ng “Campo,” ni Antonio Machado ng España
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Párang

Agaw-buhay ang takipsilim
gaya ng munting apoy na nauupos sa bahay.

Doon, sa tuktok ng mga bundok,
iilang gatong na lámang ang natitira.

At ang bakling punongkahoy sa puting daan
ay paluluhain ka dahil sa pagmamahal.

Dalawang sanga sa warát na bungéd, at isang
dahong itim at kuluntoy sa bawat sanga!

Umiiyak ka? Sa mga gintong álamo sa malayo
ay naghihintay sa iyo ang anino ng pag-ibig.