Magrepaso ay hindi biro, ni Roberto T. Añonuevo

Magrepaso ay hindi biro

Roberto T. Añonuevo

Nakatutuwa na binalikan ng isang nagngangalang Steno Padilla [Stephen Norries A. Padilla] ang aking aklat na Paghipo sa Matang-Tubig (1993), at waring nakatagpo ako sa wakas ng isang wagas na kritiko. “Matatalas ang imahen sa mga tula ni Roberto Añonuevo sa librong ito,” aniya. “Kitang-kita mo sa isip yung [sic] mga tagpo na nilalatag [sic] niya sa kanyang mga saknong. Malawak din ang kanyang talasalitaan.” Ngunit nagmamadali sa mapanlagom na paraan ang pahayag ni Padilla, at ni walang siniping halimbawa. Pagkaraan, ipapasok niya ang kaniyang pagtanaw na bumabanat: “Iyon nga lang, may mga tula siyang gaya-gaya. Kung mahilig kang magbasa ng tula ng mga Pinoy, mapapansin mo na yung [sic] ibang tula ni Añonuevo e [sic] mimicry lang ng mga tula nina Virgilio Almario, Huseng Batute at Jose Garcia Villa.”

Dito dapat linawin ang konsepto ng panggagaya na ginagawa umano ng isang makata sa mga tula ng ibang makata. Sa panggagaya, ang padrong tula ay maipapalagay na nakaaangat, at ang “gumagaya” ay maipapalagay na nasa mababang antas, na waring dinadakila ang sinusundang padron. Sa ganitong pangyayari, hindi makatatákas ang ipinapalagay na “gumagaya” sa kaniyang “ginagaya.” Ngunit sa isang banda, ang panggagaya ay maaaring sipating isang pakana, na tumatawid sa panghuhuwad sa pabalintunang paraan, at kung gayon ay hindi sapat ang nasabing taguri upang lagumin ang mapangahas na talinghaga—na masisipat na hindi basta pagsunod sa isang “padrong” tula. Kung binasa nang maigi ni Padilla ang aking mga tula, at inihambing sa mga tula ng gaya nina Rio Alma, Jose Corazon de Jesus [Huseng Batute], at Jose Garcia Villa ay mapapansin niya ang himig na mapang-uyam o mapambuska sa panig ng personang nabuo sa loob ng mga tula, ang diyalektikong ugnayan ng mga dalumat, at kung nagkahawig man sa taktika at prosodya ay sinadya iyon upang baligtarin sa mapagpatawa o nakatutuwang paraan ang pagtanaw sa daigdig. Pinagmukhang seryoso ang mga pananaludtod, ngunit ang totoo’y ginagago lamang ang mga bugok o hambog.

Nagmamadali si Padilla, at idaragdag pa: “Hindi naman maiiwasan ang panggagaya lalo pa kung pare-pareho kayo ng mentor. Nagkakamukha na kayo minsan ng estilo at tunog sa pagtula.” Maaaring may bahid ng katotohanan ang winika ni Padilla. Ang ganitong opinyon ay higit na magkakabuto’t lamán kung sisipatin na ang mga bagitong manunulat ay tila may artipisyal na karunungan at hindi kumakawala sa parametro’t paradigma ng kanilang mentor. Kung sisipatin sa ibang anggulo, ang isang mentor ng tula ay nagsisilbing patnubay lamang, halimbawa, kung paano sumulat at bumalangkas ng mga piyesang may tugma’t sukat, ngunit sa bandang huli ay diskarte na ng isang mag-aaral ng tula kung paano niya isasalin sa papel sa malikhaing paraan ang guniguning daigdig na sumilang sa kaniyang utak. Ang mentor ay dapat magtaglay ng pinakamabagsik na puna pagsapit sa palihan, upang matauhan ang isang bagitong manunulat. Si Virgilio S. Almario bilang kritiko at guro ay sadyang napakahusay na dapat kilalanin. Ngunit hindi lahat ng kaniyang mga tinuruan ay naging dakila; ang iba’y nagkusang mapariwara. Ang nagiging dakila lamang na makata ay ang may lakas ng loob na lumihis at lumampas sa itinuturo ng kaniyang guro. Sa ganitong pangyayari, ang ibang mga mag-aaral ng tula na salát sa imahinasyon at talino ay nakatakdang magpailalim lámang sa kani-kanilang guro habang hirap na hirap tumuklas ng sariling tinig bilang pagsunod sa pamantayan. Kung babalikan ang aking aklat, ang titis ng pagsalungat ay mababanaagan doon sa payak na paraan; at ang konstelasyon nito ay higit na mauunawaan kapag sinangguni ang mga sumunod kong aklat ng tula.

“Pero understandable naman sa case ni Añonuevo dahil feeling ko, nagsisimula pa lang s’ya [sic] sa aklat na ito,” wika pa sa pabaklang himig ni Padilla. “Halata naman e. Labo-labo kasi ang tema. Walang isang pinapaksa ang mga tula. Parang potpourri. Pero mahuhusay.” Marahas at mapanlagom ang ganitong puna (na hindi dapat ulitin o tularan ng iba pang nagrerepaso ng aklat), sapagkat hindi isinaalang-alang ni Padilla ang kabuoang balangkas ng aklat. Ang tunay na kritiko ay hindi magsasabing “feeling ko. . .” dahil utak dapat ang pinagagana sa pagsusuri. Kahit bata pa noon ang awtor ng Paghipo sa Matang-Tubig ay may kakaiba na sa testura ng kaniyang pananalinghaga (na maituturing na mapangahas) na hindi matatagpuan sa mga makatang nauna sa kaniya. Mukhang labo-labo lang ang mga tula dahil ang pagkakalatag ng mga tula ay tinipid, at totoong tinipid ang mga pahina at papel. Sa kabila nito, masasalat sa mga tula ang pagtatangkang maglaro sa mga tinig, ang mga tinig na nagsasagutan kung hindi man nagsasalimbayan, na ipinaloob sa mga guniguning tauhan. Isang kaululan kung ituring na ang nasabing mga persona ay siya ring makata na nagsasalita.

Ang mainiping pagbasa ni Padilla ay mapapansin sa sumusunod: “Ang di ko nagustuhan sa aklat na ito ay yung [sic] karumihan n’ya [sic]. Ang dami kasing typo error na mukhang grammatical error na. Nakakasagabal sa pagbabasa at sa pagnamnam ng mensahe ng tula.” Ano uli? Ang daming tipograpikong mali na mukhang sablay sa gramatika? Kung may nasingit man na tipograpikong mali ay hindi totoong napakarami niyon na sapat para makasagabal sa pagnamnam ng “mensahe ng tula.” Ang tula ay hindi basta paghahatid ng mensahe, gaya ng maling akala ni Padilla. Ang tula ay nakasandig sa mga pahiwatig, na ang Punto A ay hindi basta pagdako sa Punto B, sapagkat maaaring lumiko muna sa X,Y,Z bago makarating sa C, kaya ang Punto B ay hindi ang inaakalang mensahe, at ang Punto A ay hindi na magiging Punto A pagsapit sa dulo ng tula. Sa pagitan ng mga punto ay naglalaro ang mga pananaw, pananalig, at pagdama, bukod pa ang kapangyarihan at espasyong-panahon, na hindi kagyat na mahuhuli sa isang iglap lalo kung isasaalang-alang ang kultura, gaya ng nakapanindig-balahibong “Isang takipsilim sa Sagada”:

                    Lukob ng ulap
         Ang bundok; sobrang lamig.
                    Loob ng yungib
         Ay niyanig ng pasyok.
                    Wala nang ibon.

Hindi sa pagbubuhat ng bangkô, ngunit hindi ganito tumula ang mga Balagtasista kung hihiramin ang termino ni Almario. Sa unang malas ay waring naglalarawan lamang ng tagpo ang persona. Kapag ipinasok ang punto de bista sa isang matalas na persona, ang lunan ay nagiging kahindik-hindik, kung isasaalang-alang ang isang sagradong yungib sa Sagada, ang yungib na tila kumakain sa natitirang katinuan ng personang nagpapahiwatig ng pagbangon ng mga kaluluwa na pawang pinukaw ng pasyok at ng nangangatal na dayo kung hindi man panauhin. Ang kakatwa ay ikinubli ang naturang hindik sa panloob na tugmaan, sa hugis ng tula, at sa gansal na sukat ng mga taludtod. Nang dumalo ako sa palihan ng LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo), wala akong nakitang nauna sa akin o kapanabayan ko na ganito kung manalinghaga.

Kahanga-hangang bumasa ng tula itong si Padilla. Pansin nga niya, “Hindi ko rin nagustuhan yung [sic] mga tulang may pagka-homophobic tulad ng ‘Diona kay Diana’ at ‘Limot na gaybar.’” Paanong naging homophobic ang ganitong mga tula? Kapag inilarawan ba ang isang gaybar ay homophobic na ang tula? Kapag inilarawan ba ang isang tauhan ay masasabing homophobic na ang tula? Labis ba ang kargada at kiling ng salitang “bakla” kaya iniwas-iwasang gamitin sa tula? Marahil kailangan nang magpalit ng lente itong si Padilla. Hindi mauunawaan ng gaya ni Padilla ang tinutukoy kong gaybar kung hindi siya nakapaglibot sa buong Maynila noong mga dekada 1980-1990. Ang nasabing gaybar na isang isinaharayang lunan, bagaman may pagkakahawig sa mga ikonikong gaybar ng Maynila noong hindi pa naglilinis ng bakuran si Alfredo Lim, ay hindi ordinaryong pook (na wari’y metaberso sa ngayon) na ituring mang aliwan ay nagmimistulang impiyerno sa paningin ng personang nagsasalaysay:

Limot na gaybar

Gabi. Nagbabato ng usok
ang sigarilyo sa malalanding
ilaw-dagitab ng kuwarto.
Tila nakapakong bisagra
ang isang baklang naghihintay
sa tabi ng malagkit, maitim na hagdan.
Nangangamoy ang sahig ng bulwagan
sa serbesa, tamod, dura, suka.
Sa salamin ng kisame, 
maaaninag ang dalawang katawan
na nagpipingkian sa karimlan,
at ang dalawang ulong bumabasag
sa mga halakhak at tsismisan.
Kinikiliti ng mahahaba’t hubad
na hita ang libog, lungkot, kaba, poot.
Kumakain ng mga salapi’t papuri
ang indayog, ungol, ngiti’t kisapmata.
Tila mga nagliliyab na hiyas
ang iba’t ibang hugis ng matang
nagkukubli sa karimlan: walang imik.
Nagngangalit sa pag-awit ang estereo
nang lumapag sa umuugang mesa
ang dalawang supot ng droga.
Nag-usap ang mga daliri. At lumabas
sa bulsa ang mga ubeng salapi.
Matapos ang inuman at kuwentuhan,
lumisang may sugat sa puwit, dibdib
ang isang makisig na binatilyong
walang pangalan, walang tirahan. 

Ganito ba sumulat ang mga tanyag na baklang makata sa Filipinas noon? Walang naglalakas-loob noon na isiwalat ang ganitong tagpo, sa paraang banayad, payak, at napakalamig ng loob, at hindi mapanuos o linyadong bading gaya sa “Maselang bagay ang sumuso ng burat” ni Nicholas Pichay. Paanong naging homophobic ang ganitong uri ng pananalinghaga? Kahit ang mga kasama ko sa LIRA, at isama na ang mga macho ng GAT (Galian sa Arte at Tula) noon ay hindi ganito tumula. Kung babalikan ang pagdulog ni Padilla, ang tula ay hindi masasabing basta “pagpapahatid ng mensahe” sapagkat ang alamis sa pagitan ng mga salita ay kumakalag sa katinuan ng persona, na hindi maipapalagay na nagsasabi ng kung ano ang tama o mali [o kaya’y kung katanggap-tanggap o hindi] bagkus iniiwan sa mambabasa ang nakaririmarim na tagpong ang kakatwa’y itinuturing na aliwan ng mga bakla at matronang masalapi. Ngunit higit pa rito, mapanlansi at nagkukubli ng bitag ang paglalarawan ng pagmumukha at pagpapamukha ng isang anyo ng aliwan, na ang sex ay hindi basta sex, bagkus waring nasa karnabal na kaugnay ng bulok na sistema ng lipunan, na ang mga mamamayan ay nalulustay, napapabayaan, at nahuhubog sa aparato ng pagdurusta at karukhaan ng mga kalooban, samantalang ang nagmamasid ay unti-unting nababato at nagiging bato ang katauhan sa paglipas ng mga araw.

Isang liksiyon ang ginawang pamumuna ni Padilla sa aking tulang “Pagkilala.” Pinuna niyang, “Niromanticize pa ni Añonuevo ang suicide, at ang graphic ng paglalarawan niya. Nakakaloka.” Wala sa lugar ang kaniyang pagsipi, at hindi nabigyan ng kahit munting pagsipat ang pahiwatig ng personang nagsasalita sa tula. Heto ang buong tula, na hindi ipinakita ni Padilla:

Pagkilala

Noong nagbigti ang aking kaibigan,
Gumuhit sa silid ko ang katahimikan.
At walang mga magulang ni kaanak
Na lumuha sa ritwal ng pagpanaw.
Nakabibingi ang ugong ng halakhak
Ng mga sugarol sa gabi ng lamayan.
At naalaala ko ang mga sandaling
Nagpilit siyang sumulat ng mga tula.
Hindi siya sumikat na manunulat
Ni pinalad na magwagi sa timpalak.
Ngunit tiningala’t iginalang ko siya
Hanggang sa pagpili ng kamatayan:
Gumiwang-giwang siyang medalyon
Na nakasabit sa kisame, nakadila,
Habang nagpupugay ang maiingay
na bangaw.

Paano ni-romanticize ng makata ang pagpapatiwakal [suicide], gaya ng haka ni Padilla? Uulitin ko, ang persona sa tula ay hindi ang makata. Ang persona na nilikha ng makata ay may sariling daigdig, at kung paano tinatanaw ng naturang persona ang daigdig ang magbibigay ng puwang para sa sangkaterbang pahiwatig. Maaaring ang persona ay higit na nakakikilala sa kaniyang kaibigan, at taliwas sa asal ng kaniyang mga magulang at kaanak. Hindi nakita ng naturang mga tao ang itinatagong “galíng” ng nagpatiwakal, at marahil, ibang-iba ang kanilang pananaw sa pananaw ng pumanaw. Ang tahimik na paglalarawan sa nakabigti ay nakayayanig, sapagkat ang nakaririmarim na tagpo ay waring sumisigaw ng “Pakyu! Pakyu, pipol!” Kung sisipatin sa tradisyonal at moralistang pagtanaw, ang pagpapatiwakal ay karapat-dapat tumbasan ng paghamak at apoy ng impiyerno. Kung sisipatin naman sa ibang anggulo, gaya sa mga pananaludtod ni Antonin Artaud, ang pagpapatiwakal ang paraan ng pagbawi ng dangal at kapangyarihang makapagpasiya sa loob ng sarili, ang paglihis sa itinatadhana ng de-kahon at materyalistikong lipunan, ang pagdududa sa mga diyos, at ang mga bangaw na tumatakip sa bangkay ang isang anyo ng damit ng kalupitan, na umuuyam kahit sa mga pinakamalapit na kadugo. Kakatwang mapapansin ni Padilla na hindi nasa malaking titik ang /n/ sa “na” ng huling taludtod. Sinadya ito upang ituring na ang huling taludtod ay kaugnay ng penultimang taludtod.

Totoong bata pa ako nang sinulat ko ang Paghipo sa Matang-Tubig. Ngunit ang kagaspangan (kung kagaspangan mang matatawag) nito ang nagpapaningning sa pananalinghaga, at may pagtatangka nang sumuway sa mga naunang paraan ng pagtula. Hindi rin dapat ikahiya ang ganitong paraan ng pagtula, dahil kahit nagsisimula pa lamang ako noon ay ibang-iba na ang tabas ng aking dila na tinumbasan ng suwail na guniguni kung ihahambing sa aking mga kapanahon. Maipapalagay na isang ehersisyo itong aklat, suntok-sa-hangin at suntok-sa-buwan, na pagkaraan ay napakasinop na itutuwid sa mga aklat kong Pagsiping sa Lupain (2000), Liyab sa Alaala (2004), at Alimpuyo sa Takipsilim (2012).

Ang totoo’y lampas na ako sa mga palihan, at hindi gaya ng ibang iyakin at halos magpásagasà sa tren kapag pinuna nang todo ang mga obra. Hindi na ako natatakot pa sa anumang banat sa aking mga tula. Hindi ako ang mga sinulat kong tula. Hindi personal at mapagkumpisal ang aking mga tula, sapagkat sa oras na lumikha ng persona ang isang makata sa loob ng kaniyang tula, ang personang ito ay walang pakialam kung anuman ang estado ng makata at iyon dapat ang manaig. Nagkakaroon ng sariling búhay (at identidad) ang persona at nagkakaroon ng sariling daigdig, at kung sakali’t mabigo ang isang makata sa kaniyang pagsasaharaya, maaaring kulang ang kaniyang mga “teknikong kahandaan” sa pagtula kung hihiramin ang dila ni Cirilo F. Bautista. Gayunman, ibang usapan na ito, na dapat matutuhan ng isang babakla-baklang kritikastro na gaya at kauri ni Steno Padilla.

Alimbúkad: Epic poetry rant against mediocrity. Photo by cottonbro on Pexels.com

Mga Aklat ng KWF, ni Roberto T. Añonuevo

Mga Aklat ng KWF, ni Roberto T. Añonuevo

Roberto T. Añonuevo

Ang isang maliit na ahensiya, gaya ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), ay mapipilitang kumambiyo at lumihis ng daan sa harap ng patuloy na lumalagong populasyon ng Filipinas, na mahigit 100 milyong tao. Ang plano nitong labimpitong aklat na mailathala sa isang taon ay hindi biro, at hindi hamak na marami ito kung ihahambing sa inilalathala ng UP Press at Ateneo de Manila University Press. Kung ipagpapalagay na ang bawat titulo ay may tig-1,000 sipi, magkakaroon ng 17,000 aklat sa bodega ng KWF, at kung ilalagay ang mga ito sa dating bodega ng naturang ahensiya ay napakabigat na puwedeng makaapekto sa estruktura nito. Kapag nadagdagan pa ang naturang bilang at umabot sa kabuoang 45 titulo gaya ng winiwinika ng kasalukuyang Tagapangulo, ang 45,000 aklat na papasanin ng bodega ay higit na maglalagay sa peligro sa katatagan ng gusali, lalo’t lumindol nang malakas-lakas.

Paano makakayang pasanin ng gusaling halos 100 taon ang edad ang bigat ng mga aklat, bukod sa mga kasangkapan, kabinet, at kagamitang naroon? Kung hindi ako nagkakamali, naroon pa sa bodega ng KWF ang iba pang aklat na nalathala noong nakaraang administrasyon sa ilalim ng programang Aklatang Bayan. Peligroso ang ganitong tagpo, at kung sakali’t bumigay ang ikalawang palapag, ang babagsakan nito ay ang dating baraks ng Presidential Security Group. Kung uupa naman ang KWF para maisabodega ang mga aklat, makapagdaragdag ito sa gastusin ng opisina at hindi na kabilang sa orihinal na badyet na isinusumite sa DBM. Ang tanging magagawa ng KWF ay ipakalat agad ang mga aklat, i.e., ibenta sa mababang presyo o ipamigay nang libre, upang makarating sa mga target na mambabasa. Kung hindi, masasayang ang pagod kung maimbak lang ang mga aklat sa bodegang napakadelikado.

Ang paglalathala ng tig-1,000 sipi kada titulo ay napakaliit, sa ganang akin. Ayon sa pinakabagong estadistikang inilabas ng National Library of the Philippines (NLP), may 1,619 ang kabuoang bilang ng mga publikong aklatang kaanib nito sa buong bansa. Kung bibigyan mo ng tig-iisang kopya ang naturang mga aklatan ay kulang na kulang ang inilalathala ng KWF. Bagaman suntok sa buwan, ang KWF ay kinakailangang makapaglimbag ng tig-50,000 sipi kada titulo sa target nitong 45 titulo upang maipalaganap ito sa malalayong lalawigan, at nang magkaroon ng akses ang publiko.  Ngunit ang 2.25 milyong sipi ay hindi pa rin sapat, dahil halos dalawang porsiyento lamang ito ng kabuoang populasyon. Ang alternatibo, kung gayon, ay elektronikong paglalathala, na ang lahat ng aklat at iba pang babasahin ay puwedeng i-download nang libre, nang makaabot sa pinakamabilis na paraan sa target na mambabasa. Hindi pa rin ito sapat sapagkat hindi naman mayorya ng populasyon ay may kompiyuter o selfon. Gayunman, malaki ang maitutulong nito sa edukasyon ng mga tao.

Kung gaano kabilis maglimbag ng aklat ay dapat gayon din kabilis magpalaganap nito sa buong kapuluan. Ang Sentro ng Wika at Kultura (SWK) na sangay ng KWF sa mga rehiyon ay malaki ang maitutulong sa pagpapakalat ng karunungan. Ito ang maaaring maging lunsaran para sa distribusyon, at pagtukoy sa mga pook na marapat marating ng mga aklat. Sa ganitong pangyayari, higit na kailangan ang tangkilik ng mga estadong unibersidad at kolehiyo upang makamit ang mithi sapagkat magastos kahit ang pagpapadala ng mga aklat kahit pa sa pamamagitan ng koreo. Maselan ang ganitong trabaho sapagkat kailangan ang mga kabalikat at matatag na network, na tila ba bersiyon ng Angat Buhay ni Leni Robrero. Ano’t anuman, walang kulay ng politika ang pamamahagi ng aklat dahil ito naman talaga ang dapat na maging tungkulin ng gobyerno para matulungan ang mga mamamayan nito. Hindi kinakailangang magbenta ng mga aklat ang KWF sapagkat hindi naman iyon gaya ng pribadong korporasyon. Higit na makabubuti kung ipamimigay nito sa publiko ang mga aklat na inilathala sapagkat pinaglaanan naman iyon ng badyet na hinuhugot sa buwis ng taumbayan. Sa ganitong paraan, maiibsan kahit paano ang lahat ng kirot na idinulot nito sa mga awtor na binansagang subersibo ang mga aklat. Subalit sa panahong ito, hindi na isang batik na matatagurian ang pagiging subersibo ng panitikan kung ang pakahulugan at pahiwatig nito ay umaabot sa tunay na pagpapalaya mula sa kamangmangan at kabulaanan. Gayunman, ang paninirang puri, gaya ng ginawa ng mga sampay-bakod na komentarista ng SMNI, ay sadyang personal, amoy-imburnal, at peligroso, at kung ito man ang katumbas ng kabayanihan ay isang parikalang mabuting pagnilayan.

Alimbúkad: Epic book rampage in search of real solution. Photo by Ricardo Esquivel on Pexels.com

Silip sa Estado ng Wika, ni Roberto T. Añonuevo

Magiging kapana-panabik ang nakatakdang pagdinig sa Kongreso para suhayan ang pagbabatas matapos pagtibayin ang House Resolution No. 239 ni Kgg. Rep. Edcel C. Lagman ng Unang Distrito ng Albay. Ito ay dahil magkakaroon ng pagkakataon ang mga manunulat na muling maitampok sa lipunan, hindi lamang para muling sumikat bagkus para sagutin ang maling paratang na may kaugnayan sa batas kontra terorismo. Magkakapuwang din ang larang ng edukasyon na muling balikan ang pagpapahalaga nito na ipinapataw sa wika at panitikan, lalo’t ngayong pinaiikli at kumikitid ang pag-aaral hinggil sa mga panitikang sinulat mismo ng mga Filipino na magagamit sa sekundarya at tersiyaryang antas. Makatutulong pa ang pagdinig sa gaya ng Commission on Human Rights (CHR), sapagkat maaaring matalakay na ang pagtatamo ng matitinong panitikan ay isang importanteng karapatang dapat taglayin ng mga Filipino. Makatutulong ang pagdinig kahit sa mga alagad ng batas at kasapi ng NTF-ELCAC upang magkaroon yaon ng malawak na pagtanaw sa dinamika ng mga ugnayan sa mga manunulat at palathalaan. At higit sa lahat, magkakaroon ng pagkakataon na muling sipatin ang lagay ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), na sa mahabang panahon ay napabayaan kung hindi man hindi binigyan ng pagpapahalaga ng Tanggapan ng Pangulo.

Nakalulugod na nagkakaisa ang maraming organisasyon kapag sinaling ang mga manunulat sa isang panig, at ang panitikang Filipinas sa kabilang panig. Ang naturang pagtutulungan ang modernong pagbabayanihang banyaga sa bokabularyo ng mga burukrata. Ang limang manunulat na napasama ang mga akda sa sensura ay metonimya lamang sa malawak na problemang panlipunang may kaugnayan sa karunungan, katarungan, at kalayaan sa malikhaing pagsusulat at paglalathala. Ang mga manunulat ay wari bang isang uri ng nilalang na malapit nang maglaho, ang pangwakas na dulugan ng madla bago ito ganap na mabaliw sa kaululang lumalaganap sa lipunan. Malaki ang naiaambag ng mga manunulat para lumago ang kultura at kabihasnan, at ang mga sinulat nila’y kayang tumawid sa iba’t ibang panahon, na siyang magpapakilala sa ating pagka-Filipino at pagkatao. Samantala, ang panitikan ang di-opisyal na panukatan kung gaano kasulóng at katáyog ang bansa, at maiuugnay yaon sa wika o mga wikang ginagamit sa iba’t ibang diskurso.

Bagaman tumanggap ng maraming batikos ang KWF, ang positibong maidudulot nito’y mailalagay muli ito sa sentro ng atensiyon ng publiko, at mababatid ng lahat na napakahalaga ang tungkulin nito para sa pagtataguyod ng kabansaan. Sapagkat kung walang mangangalaga sa Filipino at iba pang wika ng Filipinas, hindi lamang mabubura ang kaakuhan ng Filipino bagkus mawawalan ito ng haligi sa pagpupundar ng modernong kaisipang magagamit ng mga mamamayan. Ang mga wika ng Filipinas ang malig ng kapangyarihan; tanggalin ito ay napakadaling magpalaganap ng katangahan o kabulaanan.

Hindi batid ng nakararami na ang KWF ay may maningning na nakaraan. Bago pa ito naging KWF ay dumaan ito sa pagiging Institute of National Language, na higit na makikilala bilang Surian ng Wikang Pambansa, na pagkaraan ay magiging Linangan ng Wika sa Pilipinas (LWP), at matapos pagtibayin ang 1987 Konstitusyon ay magiging KWF noong 1991. Ang mga tao na nasa likod ng mga ahensiyang ito ay mga de-kalibreng manunulat, editor, dalubwika, politiko, akademiko, at tagasalin, gaya nina Lope K. Santos, Julian Cruz Balmaseda, Iňigo Ed. Regalado, Norberto Romualdez, Filemon Sotto, Wenceslao Q. Vinzons, Jaime C. de Veyra, Cirio H. Panganiban, Cecilio Lopez, Ponciano BP. Pineda, Bro. Andrew Gonzalez, Florentino H. Hornedo, Bonifacio Sibayan, Fe Aldabe-Yap, Fe Hidalgo, Virgilio S. Almario, at marami iba pang maibibilang sa roster ng Who’s Who sa Filipinas.

Maaaring maitanong sa pagdinig kung angkop pa ba ang Batas Republika Blg. 7104 na lumilikha sa KWF, at siyang panuhay sa itinatadhana ng Artikulo XIV, Seksiyon 9 ng 1987 Konstitusyon. Sa aking palagay ay oo, ngunit may pasubali. Oo sapagkat kinakailangan talaga ang isang ahensiyang pananaliksik na magsusulong ng Filipino at mga wika sa Filipinas, bukod sa kinakailangan ang isang magtutulak ng mga pananaliksik at makikipag-ugnayan sa iba’t ibang sektor, ahensiya, institusyon, at tao hangga’t hindi pa sumasapit ang Filipino at ginagamit sa mga dominyo ng kapangyarihan, alinsunod sa pakahulugan ni Bonifacio Sibayan.  Ngunit limitado ang kapangyarihan ng KWF, na tinumbasan ng maliit na badyet na halos pansuweldo lamang sa mga kawani, at ni hindi nito kayang magpulis para pasunurin ang publiko sa paggamit ng mga wika. Magagawa lamang nitong maging patnubay sa mga tao sa paglinang at pagpapalaganap ng mga wikang makapagsisilbi at makatutugon sa pangangailangan ng bansa. Sa ganitong pangyayari, sablay ang KWF Memorandum No. 2022-0663 na nagbabawal sa pagpapalathala at pagpapalaganap ng limang aklat na subersibo umano dahil gumaganap na ito bilang pulis pangwika na waring gumaganap din bilang ahente ng pambansang pulisya at sandatahang lakas ng Filipinas.

Ngunit kung nagagampanan ba ng KWF ang tungkulin nito nang katanggap-tanggap ay isang mabigat na tanong. Una, ang pasilidad nito ay nakaiwanan na ng panahon, sapagkat napakasikip, at hindi angkop para sa isang ahensiyang may mandato sa pananaliksik pangwika. Noong pumasok ako bilang nanunungkulang Direktor Heneral sa KWF noong 2010, sinikap kong mapalaki ang tanggapan kaya sinulatan ko nang ilang ulit ang Tanggapan ng Pangulo ngunit palagi akong bigo. Noong patapos na ang termino ni Pangulong Noynoy Aquino, nakipagpulong si Assec Ed Nuque sa mga kinatawan ng mga ahensiyang nasa ilalim ng Sining at Kultura, at tinanong niya ako kung ano ang hihilingin ko bago bumaba sa tungkulin si PNoy. Sabi ko, ibigay na lamang po ninyo sa amin ang kalahating panig ng ikalawang palapag ng Gusaling Watson para lumuwag ang KWF. Hindi naman ako nabigo; at pagkaraan ng ilang linggo ay may dumating na sulat na nagsasaad na puwede nang kunin ng KWF ang buong ikalawang palapag ng gusali. Napatalon ako sa tuwa, at hindi ko napigil mapaluha.

Ang totoo’y maliit ang silid aklatan at artsibo ng KWF, at ito ay nakapuwesto pa noon sa isang sulok na waring ekstensiyon [loft] ng ikalawang palapag. Marami akong lihim na natuklasan sa munting aklatang ito, dahil pulos maibibilang sa bibihirang aklat at antigo. Mabuti na lamang ay nailipat ang aklatan sa maluwang-luwang na lugar, sa tulong na rin ni Tagapangulong Almario. Nailipat lamang ang nasabing aklatan nang makuha ng KWF ang kabilang panig ng ikalawang palapag ng Gusaling Watson. Nagkaroon din ng espasyo ang KWF para sa mga aktibidad nito, bukod sa nagkaroon ng bulwagan, lugar na pulungan ng mga komisyoner at kawani, dalawang silid para sa mga sangay, at siyempre, isang maluwag na tanggapan ng tagapangulo. Malaki ang naitulong ni Julio Ramos na noon ay puno ng Sangay Pangasiwaan sa pagpapakumponi ng mga nasirang bahagi ng gusali ng KWF.

Pinangarap noon ng KWF ang magkaroon ng bagong gusali. Sa totoo lang, inutusan ako ng Tagapangulo na gumawa ng plano ng gusali na may apat na palapag at sapat na paradahan ng sasakyan. Kumontak naman ako ng arkitekto, at sa maniwala kayo’t sa hindi, sa loob ng isang linggo ay natapos ang plano ng bagong gusali—na bagay na bagay sa pangangailangan ng mga kawani. Ngunit nang lumitaw na ang plano ay nagalit pa ang tagapangulo. Ang sabi ay dapat idinorowing ko na lang daw. Ang sabi ko, hindi papansinin ang drowing ko kapag idinulog sa Kagawaran ng Badyet at Pananalapi. Nagtalo pa nga kami ng Tagapangulo, na para bang ayaw pang bayaran ang nasabing plano sa kung anong dahilan, na ikinabusiwit ko. Pakiwari ko, nagpapagawa lang ang aming tagapangulo para ako ipitin ngunit hindi talaga seryoso. Nakipagpulong umano siya sa mga taga-UP Diliman upang magkaroon ng puwesto roong mapagtatayuan ng gusali. Ngunit lumipas ang mga araw at buwan hanggang matapos ang kaniyang termino ay walang nangyari. Hindi ko na alam kung saan napunta sa planong iginuhit ng arkitekto.

Isang problema noon ng KWF ay ang Internet koneksiyon. Ilang beses na naming ipinagawa iyon at paulit-ulit ang problema. May plano ako noon na maging interkonektado ang mga sangay, upang masubaybayan ang mga gawain, makapagpulong kahit onlayn, at matiyak na ang daloy ng papeles ay maayos, lalo yaong ipinadadala sa Kagawaran ng Badyet at sa Tanggapan ng Pangulo. Pangarap ko noong bawasan ang paggamit ng papel, at lahat ay nasa onlayn. Ngunit hindi ito natupad, sapagkat ang mismong gusali ay hindi angkop umano sa gayong sistema; napakaraming kahingian ang hinihingi sa KWF na ewan ko ba at hindi masagot-sagot ng mga tauhang kay sarap sampalukin. Wala pa man si Tagapangulong Almario sa KWF noon ay nagpagawa na ako ng database program para sa onlayn diksiyonaryo, ngunit kung bakit hindi ito natuloy ay ibang istorya na. Kahit ang buong sangay ng pananalapi at akawnting ay pinangarap kong interkonektado, na bagaman may nasimulan at nagamit kahit paano ay hindi nasundan dahil sa mismong baryotikong pasilidad ng opisina. Maliit ang badyet noong panahon ng panunungkulan ni Tagapangulong Jose Laderas Santos. Ngunit maliit ito sapagkat makitid ang bisyon ng nasabing tagapangulo para magsulong ng malawakang pagbabago sa KWF. Mabuti pa noong panahon ni Tagapangulong Almario at lumaki-laki kahit paano, ngunit kung lumaki man ito ay dahil dumami rin ang mga proyekto na nakasalig sa malawakang programa at bisyon, gaya sa patuluyang seminar, kumperensiya, at iba pang konsultasyong makatutulong sa mga guro at eksperto mula sa iba’t ibang larang. Isa pang nakapagpadagdag ng badyet ng KWF ang panukalang pagtitindig ng bantayog ng wika sa iba’t ibang lalawigan, na talaga namang makatutulong sa lokal na turismo, ngunit maaaring lampas na sa orihinal na saklaw ng gawaing pananaliksik ng opisina bagaman sinang-ayunan ng Kalupunan ng mga Komisyoner ang pagpapatupad niyon.

Sa pagdinig sa Kongreso, puwedeng maitanong kung nagagawa ba ng mga komisyoner ang tungkulin nitong katawanin ang wika at/o disipilinang kinabibilangan nila. Kung ang komisyoner ang magiging tulay doon sa mga rehiyon ay mabuti at ideal; ngunit dahil sa kakulangan ng badyet ay malimit ang komisyoner pa ang nag-aambag sa kaniyang gastusin sa pamasahe at pakikipagpulong. Sa tinagal-tagal ko sa KWF, ang ganitong problema ay hindi malutas-lutas at ito ay may kaugnayan sa kung ano ang programang ibig isulong ng mga komisyoner mula sa iba’t ibang rehiyon. Noong panahon ng administrasyon ni Tagapangulong Santos, walang makabuluhang naiambag ang mga komisyoner; at si Santos ay humirang pa ng dayuhang konsultant na isang Tsino na walang alam sa Filipino at ni walang basbas ng Kalupunan ng mga Komisyoner. Noong pinaimbestigahan ko sa Kawaranihan ng Inmigrasyon ay peke pala ang pangalan ng hinayupak na Tsino. Nagsampa ako ng reklamo sa Tanggapan ng Pangulo, ngunit ewan ko kung bakit ni hindi pinansin ang aking reklamo sa kung anong dahilan. Samantala, noong panahon ni Tagapangulong Almario, masipag ang mga komisyoner, kahit paano; at nakabuo pa ng Medyo Matagalang Plano [Medium-Term Plan] na nakagiya sa pangkabuoang programa ng Administrasyong Aquino at nakalahok sa Medyo Matagalang Plano ng NEDA. Hindi mabubuo ang gayong plano kung walang pangungulit at payo ng gaya ni Leonida Villanueva, isang may malasakit na retiradong kawani ng KWF at nakapagbigay ng perspektiba sa mga komisyoner kung paano bumalangkas ng seryosong plano na magagamit ng buong makinarya ng gobyerno. Nagabayan ang KWF dahil sa nabuong plano bunga ng serye ng konsultasyon sa iba’t ibang tao na kumakatawan sa iba’t ibang organisasyon. Lumakas pa ang KWF dahil nirebisa ang Implementing Rules and Regulations [IRR] ng RA No. 7104, mula sa konsultasyon sa iba’t ibang may malasakit ng organisasyon at sa pagtutulungan ng mga komisyoner.

Kung mahina ang network ng isang komisyoner sa rehiyong kinapapalooban niya, malamang na hindi siya makahimok ng pagsasagawa ng mga pananaliksik, halimbawa, sa akademya o iba pang larang. Kailangang mapagtitiwalaan din ang isang komisyoner, na hindi lamang pulos dakdak bagkus may integridad at utak, at tunay na kumakatawan sa wika at disiplina. Nasabi ko ito dahil may ilang komisyoner, na naitatalaga sa posisyon na hindi talaga masasabing kumakatawan sa wikang sinasalita at ginagamit nang pasulat ng mga nasa rehiyon. Samantala, ang isang hindi ko malilimot ay ang Kongreso sa Wika doon sa Bukidnon na dinaluhan ng mga kinatawan ng iba’t ibang pangkat etniko, mulang Luzon hanggang Mindanao, dahil sa pagpupursige ng gaya nina Kom. Lorna Flores at Kom. Purificacion Delima, at ito ang patunay na kung sadyang nagagampanan ng isang ahensiya ang tungkulin nito, magiging boses ang ahensiyang ito para makarating sa kinauukulan ang hinaing ng mga tao mula sa malalayong lalawigan. Makasaysayan ang ginawang kongreso ng KWF noon (saksi si dating Sen. Bam Aquino at ang kinatawan ni Sen. Legarda), na hindi nagawa kahit ng iba pang ahensiya ng gobyernong nangangasiwa sa mga pangkat etniko.

Kaya nagkakaletse-letse ang KWF ay dahil hindi malinaw, sa aking palagay, ang transisyon tungo sa susunod na administrasyon. Nagbabago-bago ang takbo ng programa alinsunod sa maibigan ng tagapangulo at kasama nitong mga komisyoner. Kung walang bisyon ang isang tagapangulo ay madaling higtan; ngunit kung makatwiran ang bisyon ng tagapangulo, dapat itong ipagpatuloy anuman ang kulay ng politikang pinagmumulan ng mamumuno alinsunod sa pangkabuoang plano ng gobyerno. Kung nagkakaroon man ng problema sa kasalukuyang administrasyon, ito ay maaaring nagkulang ang maayos na transisyon mulang administrasyong Almario hanggang administrasyong Casanova, na wari bang maraming nangapunit at nagkapira-pirasong pangyayari o gawain, na kung maayos sanang naipasa sa pangkat ng transisyon ang lahat ay mawawala ang sakit ng ulo ng susunod na administrasyon. Kung salat sa bisyon ang Kalupunan, nagiging kampante ang mga kawani na nanganganak ng medyokridad at katiwalaan na siya namang naipapasa sa iba pang susunod na kawani.

Kung magiging seryoso ang mga kongresista sa imbestigasyon sa KWF, marami silang matutuklasan. Isa na rito na interkonektado ang lahat, sapagkat kung noong nakalipas na panahon ay ginagamit umano ng kung sino-sinong nasa kapangyarihan ang KWF para maisulong ang adyenda nila, ginagamit naman ngayon ng ilang opisyales ng KWF ang iba pang ahensiya ng gobyerno upang maisulong umano ang mahihinuhang mga personal na interes nito. Ang dating maningning na kasaysayan ng KWF ay maaaring tuluyan nang naglaho; ngunit kung sisipatin nang maigi, ang problema ay hindi lamang sa pagpapalit ng mga tao o agawan ng puwesto. Kailangang palitan ang bulok na sistema ng pagdulog sa mga wika dahil hinaharap ng bansa ang mahigit 100 milyong populasyon. Kailangang baguhin ang pag-iisip ng mga kawani na hindi na makasabay sa gawaing pananaliksik pangwika; at ang unyon ng mga kawani nito ay panahon nang matuto para pagsilbihan hindi lamang ang interes ng kapuwa kawani bagkus ang interes ng opisina upang lalong lumago ang mga gawaing pangwika. Kailangang magkaroon ng patuluyan at malawakang programang nakasalig sa isang bisyong tinutumbasan ng badyet para  makaagapay sa pandaigdigang pagbabago. Kailangan ang malawakang network mulang kanan hanggang kaliwa, ang tunay na pagbabayanihan, at hindi na sapat ang limitadong koneksiyon ni Tagapangulong Almario na hirap na hirap makakuha ng tangkilik sa ibang sektor sa kung anong dahilan. Hindi sapat na magkaroon ng sangkaterbang titulo bago pumasok sa KWF. Kailangan ang tunay na malasakit sa Filipino at mga wikang katutubo sa Filipinas, may bait at katutubong talino, handa kahit sa mabagsik na pagbabago, walang bagaheng pampolitika ni nahahanggahan ng ideolohiya at personal na interes, ipagpalagay mang mahirap nang matagpuan ang mga ito sa kasalukuyan. Nakapanghihinayang na hindi iilang matatalino, masisipag, at magagaling na pumasok sa KWF ang napilitang umalis dahil hindi masikmura ang lumang kultura sa loob.

Kapiranggot pa lamang ito ng aking dumurupok na gunita, at hindi dapat seryosohin para ilagay sa kasaysayan ng wika. Wala rin akong balak na siraan ang ibang tao, at ang ibinahagi ko rito ay isang karanasan at pagtanaw, na maaari ninyong bawasan o dagdagan o ituwid, upang higit nating maunawaan ang estadong kinatatayuan ng Filipino saanmang panig ng mundo.

Alimbúkad: A peek into the State of the National Language Commission. Photo by Archie Binamira on Pexels.com

Filipino at Panitikang Filipinas

Filipino at Panitikang Filipinas

Roberto T. Añonuevo

Ang resolusyon ng Korte Suprema na pagtibayin nang lubusan na tanggalin sa mga ubod na aralin sa kolehiyo ang mga sabjek na Filipino at Panitikan ay isang magandang pagkakataon upang pagbulayan ang estado ng pagtuturo ng Filipino at panitikan mulang kindergarten hanggang kolehiyo, titigan nang mariin ang kakulangan sa mga batas, at pagtuonan ang pambansang bayanihan tungo sa ikalalago ng wika at panitikang Filipinas. Kailangang balikan ang kolektibong usapin, at hindi lamang lutasin ang problema alinsunod sa katumpakan at legalidad ng mga patakaran.

May kaugnayan ang pagtanggal sa dalawang sabjek sa usapin ng duplikasyon o pag-uulit ng mga paksang itinuturo, at maituturing na pag-aaksaya, kung tatanawin sa punto de bista ng mga burukratang edukador at administrador. Samantala, ang salungat na diwain dito ay may kaugnayan sa transcendental na usapin, sapagkat ang pagpatay sa Filipino at panitikan ay maaaring magbunga ng disaster sa pagtanaw ng kultura at kasaysayan sa mga susunod na henerasyon.

Ang resolusyon ng Korte Suprema ay nakabatay sa CHED Memorandum Blg. 20, serye 2013, at ang memorandum na ito ay patakaran, panuntunan, at pamantayang binuo ng mga representante mula sa iba’t ibang disiplina ng pag-aaral. Nagkaroon umano ng konsultasyon ang CHED ukol sa nasabing memorandum, ngunit sa kung anong dahilan ay hindi agad napigil o naunahan ng mga sumasalungat ang magiging epekto ng kautusan.

Mahalagang balikan ang winika ni Blas F. Ople para ilugar ang debate. Ang taumbayan, aniya, ay malaya at may karapatang paunlarin ang mga taglay nitong wika nang labás sa itinatadhana ng konstitusyon o alinmang batas; ngunit tungkulin ng batas na patuloy na paunlarin ang mga wika. Ang pahayag na ito ng butihing mambabatas ay noong nagkakalabo-labo ang mga delegado ng komisyong konstitusyonal na bumabalangkas ng mga probisyon ukol sa Filipino at edukasyon ng Konstitusyong 1987.

“Ang taumbayan, ani Blas F. Ople, ay malaya at may karapatang paunlarin ang mga taglay nitong wika nang labás sa itinatadhana ng konstitusyon o alinmang batas; ngunit tungkulin ng batas na patuloy na paunlarin ang mga wika.”

Ang binanggit ni Ople na “malaya at may karapatang paunlarin ang mga taglay nitong wika nang labas itinatadhana ng konstitusyon o alinmang batas” ay ang katwirang isinusulong ng Komisyon sa Wikang Filipino at maririnig palagi sa tagapangulo nito para himukin ang sambayanan na tangkilikin at palaganapin ang Filipino at panitikang Filipino, bukod sa gamitin ang Filipino sa pagtuturo sa lahat ng disiplina o sa lahat ng antas ng edukasyon. Tumpak ang ganitong pangangatwiran, sapagkat nakasaad din sa Konstitusyong 1987 ang konsepto ng lakas-ng-bayan [People Power] at tungkulin ng bawat mamamayan na makilahok sa pamamahala para sa ikabubuti ng bansa. Samantala, sa sinabi ni Ople na “tungkulin ng batas na patuloy na paunlarin ang mga wika” ay maririnig lamang sa mapang-uyam na biro, kung hindi man patutsada ng tagapangulo ng KWF na walang ginagawa ang kongreso para dito.

Sa aking palagay ay nagkakamali ang butihing tagapangulo ng KWF pagsapit sa ikalawang binanggit ni Ople.

Una, hindi basta masisisi ng KWF ang kongreso kung wala man itong nabuong panuhay na batas [enabling law] ukol sa Filipino at panitikang Filipinas. Tungkulin ng KWF, alinsunod sa Batas Republika Blg. 7104, na bumuo ng mga saliksik, patakaran, at panukalang pangwikang maaaring ipasa sa kongreso upang maisabatas ito makaraang lagdaan ng Pangulo. Kakatwang isinusulong ng KWF ang pagbabago sa Batas Republika Blg. 7104 para palakasin ang mandato KWF; ngunit kung babalikan ang isinusulong na panukalang batas ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA), ang KWF ay magiging halos katumbas lamang ng kawanihan sa ilalim ng NCCA, na magbabanyuhay na dambuhalang burukrasya na Departamento ng Kultura. Sa ganitong pangyayari, maituturing na pahayag ng isang politiko ang binanggit ng tagapangulo ng KWF.

Ikalawa, kung may panuhay mang batas na maituturing ay ito ay walang iba kundi ang batas sa K-12. Sa ganitong pangyayari, ang maaaring gawin ng KWF ay isulong ang isa pang batas na makapagluluwal ng patakarang makapaglilinaw at makápagpápalakás sa pagtuturo ng Filipino at panitikang Filipinas sa mga tiyak na antas ng edukasyon (halimbawa, mulang primarya hanggang tersiyaryang antas) at nang hindi mabalaho ang Filipino sa isinusulong na multilingguwalismo. Magagawa ito sa pamamagitan ng inter-ahensiyang balikatan ng KWF, DepEd at CHED, at mapipiga kung paano palalawigin sa pandaigdigang antas ang bisà ng Filipino pagsapit sa tersiyaryang antas. Ang binanggit ng Korte Suprema na “non-self-executing provisions” ng Konstitusyong 1987 ay tumutukoy sa kawalan ng panuhay na batas ukol sa Filipino bilang midyum ng instruksiyon, bukod sa walang panuhay na batas kung paano palalakasin ang pagpapahalaga sa pambansang panitikan bilang pamanang yaman. (Walang kasalanan dito ang Tanggol Wika, na masigasig na nakikibaka para mapanatili ang dalawang sabjek at maipaglaban ang kapakanan ng mga guro.) Kung gayon, kahit manggalaiti ang Tagapangulo ng KWF hinggil sa pagpapaliwanag ng probisyong pangwika, kung wala namang panuhay na batas ukol dito, maliban sa batas sa K-12, ay walang silbi at suntok sa buwan.

Ikatlo, ang pagbubuo ng batas na lilinang sa Filipino bilang wika ng pagtuturo ay hindi maiaasa lamang sa KWF dahil napakaliit na institusyon ito. Kailangan ng KWF ang tulong ng ibang ahensiya, sa pangunguna ng DepEd at CHED, at ang tangkilik ng iba’t ibang organisasyon (mapa-pribado man o publiko, anuman ang ideolohiyang pinagmumulan). Hindi makatutulong kung sesermunan ng kung sinong komisyoner ng KWF ang mga administrador ng matataas na edukasyong institusyon kung pinili man nitong buwagin ang Filipino at panitikan sa kanilang paaralan, sapagkat ang ginagamit nitong katwiran ay “akademikong kalayaan.” Kung babalikan ang winika ng Korte Suprema, hindi hinahanggahan ng CHED Memo Blg 20 ang akademikong kalayaan ng mga unibersidad at kolehiyo na palawigin sa kanilang kurikula ang pagtuturo ng Filipino at Panitikan. Ang dapat inaatupag ng KWF ay malusog na diyalogo, at diyalogong magpapaluwal ng higit na matalino, malawak, malalim, at makabuluhang pag-unawa sa Filipino at panitikang Filipinas—na ang kongkretisasyon ay malinaw na patakaran, pamantayan, at panuntunan ukol sa Filipino at panitikang Filipinas, at siyang maaaring ipalit sa isinasaad ng CHED Memo Blg. 20, serye 2013 ukol sa Filipino at panitikang Filipinas.

Ikaapat, ang kawalan ng panuhay na batas ukol sa pagsusulong ng Filipino bilang midyum ng instruksiyon sa lahat ng antas ng edukasyon ay matutunghayan sa KWF na maiwawangis sa isang huklubang tigre na lagas ang mga pangil at ngipin at ni walang kuko. Sa ganitong pangyayari, hindi mapupuwersa ni mahihikayat nang madali ng KWF ang matataas na edukasyong institusyon na sundin nito ang mga patakarang binuo ng KWF. Kung walang kapangyarihan ang KWF, bakit pa ito patatagalin? Ang kuro ng ibang kritiko na buwagin ang KWF ay marahas ngunit may batayan kung hangga ngayon ay antikwado at napakarupok itong institusyon hinggil sa pagsusulong ng mga patakarang pangwika. May labing-isang komisyoner ang KWF, at ang nasabing mga komisyoner ay may tungkuling mag-ambag sa pagbubuo ng patakarang pambansa na nakatindig sa panuhay na batas sa probisyong pangwika ng Konstitusyong 1987. Makakatuwang ng nasabing mga komisyoner ang Pambansang Lupon sa Wika at Pagsasalin [National Committee on Language and Translation] ng NCCA na ang tungkulin ay gumawa rin ng mga patakarang pambansa na magiging gulugod na panuhay na batas ng mga probisyong pangwika ng Konstitusyong 1987.

Ikalima, ang “pagkawala” ng Filipino at Panitikang Filipinas bilang mga ubod na aralin sa kolehiyo ay makabubuting itrato na usapin para sa repasuhin at pag-aralan ang buong transisyon ng pagtuturo ng dalawang sabjek mulang kindergarten hanggang kolehiyo upang maibalik ang prestihiyo at mailuklok sa tamang pedestal ang naturang mga sabjek. Hindi pa tapos ang laban, at may puwang para sa pagsusulong ng panuhay na batas ukol dito. Tandaan na may mandato ang CHED, sa bisa ng Seksiyon 13, Batas Republika Blg. 7722, na “bumuo ng minimum na kahingian para sa mga tiyak na akademikong programa,” at kabilang dito ang Filipino at Panitikan. Ang laban ay teritoryo ng CHED, at hindi nagkakamali ang KWF na makipag-ugnayan doon.

Ang ganitong grandeng bisyon ay hindi matatapos sa kisapmata. Kailangan ang malawak at aktibong konsultasyon sa mga sangkot na institusyon at tao, at hinihingi ng panahon ang maalab na pakikilahok ng mga guro, manunulat, intelektuwal, aktibista, artista, istoryador, at iba pang tao na magiging isang Akademyang Filipino. Halimbawa, maimumungkahing linawin ang exit plan ukol sa Filipino at panitikang Filipinas para sa mga magtatapos ng junior at senior high school. Kung malinaw ang exit plan ay magiging madulas ang transisyon ng pagtuturo tungo sa tersiyarya at posgradwadong antas. Ang ganitong balakid ay malulunasan kung magkakaroon ng mahigpit na ugnayan ang DepEd, CHED, at KWF—na pawang suportado ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang disiplina o institusyon.

Ikaanim, kailangang linawin sa pamamagitan ng pambansang patakaran kung paano unti-unting ipapasok ang Filipino sa iba’t ibang disiplina. Pag-aaksaya ng laway, at maituturing na drowing lámang, ang pagtuligsa sa gobyerno kung ang panig ng gaya ng KWF ay walang maihahaing panuhay na batas. Pagpapapogi sa harap ng madla kung sasabihin ng isang komisyoner na “gamitin ninyo ang Filipino sa inyong disiplina,” sapagkat hindi ito madaling gawin sa panig ng mga guro. Mapadadali ang trabaho ng mga guro kung suportado sila ng buong makinarya at tinutustusan ng gobyerno, at ang gobyerno ay tinitingnan ang gayong hakbang na makatutulong sa modernisasyon at pag-unlad ng bansa.

Mga Mungkahi

Kung ang problema sa pagtuturo ng Filipino at panitikang Filipinas sa kolehiyo ay may kaugnayan sa katwiran ng “duplikasyon,” “pag-uulit,” at “pag-aaksaya” ito ang dapat hinaharap ng mga edukador. Muli, hindi madadaan sa taltalan ang ganitong usapin para malutas. Makabubuti kung inuupuan ito ng mga intelektuwal na handang magtaya, at bukás ang isip at loob sa posibilidad ng bagong anyo at nilalaman ng Filipino at panitikang Filipinas. Makabubuti rin kung magbubuo ng alternatibong kurso ang KWF, dahil ang mandato nito ay palawigin ang Filipino bilang midyum ng instruksiyon. Ang magiging bunga ng talakayan ay dapat nasa anyo ng panuhay na batas sa probisyong pangwika ng Konstitusyong 1987, o kaya’y nasa pambansang patakaran, panuntunan, at pamantayan na ihahayag at ipatutupad ng DepEd, CHED, at KWF.

Ang pagpapasok ng Filipino at panitikang Filipinas bilang ubod na kurso sa Pangkalahatang Edukasyong Kurikulum sa tersiyaryang antas ay dapat hinaharap ang pangyayaring ang Filipino ay sumasapit bilang pandaigdigang wika, kung ipagpapalagay na mahigit 100 milyon ang populasyon ng bansa, bukod sa tumatanyag ang wikang Filipino kahit sa ibang bansa. Sa ganitong pangyayari, ang mga intelektuwal ng Filipinas ay mabigat ang responsabilidad na palawigin pa ang Filipino sa kani-kaniyang disiplina, at nang matauhan ang gobyerno na napapanahon nang suportahan ang pagsusulong ng Filipino at panitikang Filipinas para sa kinabukasan ng mga mamamayan nito. Ang tanong ay kung paano maitatangi ang pagtuturo ng Filipino hindi lamang bilang wikang pambansa bagkus wikang internasyonal, at bilang instrumento sa pagkatha at pagpapalaganap ng kaalaman sa iba’t ibang disiplina—kung ilalahok itong ubod na kurso sa pangkalahatang edukasyon na may minimum na kahingian, at kung paano lalampasan ang minimum na kahingiang ito pagsapit sa matataas na edukasyong institusyon.

Ang pagtuturo ng panitikan sa kolehiyo ay isang anyo ng preserbasyon at kultibasyon ng kultura, yámang nakalulan sa wika ang kamalayan at kultura ng sambayanan. Sa ganitong pangyayari, inaasahan ang malaganap ng pagsasanay sa pagsasalin, malikhaing pagsulat, pananaliksik, atbp. Makatutulong kung magkakaroon ng programadong publikasyon ng mga aklat na nasusulat sa Filipino ang iba’t ibang disiplina, batay sa pambansang patakarang mabubuo ng gobyerno. Halimbawa, ang pag-aaral ay magpapakilala sa mga hiyas ng panitikan, gaya ng mga nobela, kuwento, tula, at dula, mulang panahong kolonyal hanggang poskolonyal. Maaaring gamitin ang elektronikong publikasyon para pabilisin ang pagpapalaganap ng mga impormasyon hanggang liblib na pook ng Filipinas.

Ang ginagawang kampanya ng Tanggol Wika ay hindi dapat sipatin na tulak ng politika lamang. Ang usapin ng wika at panitikan ay lumalampas sa politika at kulay ng ideolohiya, at kung gayon ay dapat kinasasangkutan ng lahat ng mamamayang Filipino. Kung mabibigong makalahok ang mga mamamayan sa super-estrukturang ito at mananatili sa batayang ekonomiya lamang, magpapatuloy ang alyenasyon ng gaya ng mga guro at estudyanteng nangangarap ng sariling wika at sariling panitikang maipagmamalaki hindi lamang sa Filipinas, bagkus sa buong daigdig.

Sa Batas K-12, inaasahan ang mga nagsipagtapos nito na taglay nila ang ubod na kakayahan at kasanayan, at ipinapalagay na handang-handa na silang pumasok sa isang unibersidad. (Napakamusmos pa ng batas at ang malawakang ebalwasyon nito ay hindi pa ganap.) Napakaringal itong pangarap, ngunit dapat sinusuring maigi kung totoo nga. Dahil kung hindi, lalong kailangan ang Filipino at Panitikan na ipasok bilang ubod na kurso sa Pangkalahatang Edukasyong Kurikulum ng CHED.

Marahil, kailangan ang bagong aklasang bayan—para sa Filipino at para sa panitikang Filipinas. Hintayin natin ang susunod na kabanata.

Alimbukad: Panitikang Filipinas. Panitikang Pandaigdig.

Salita ng Taon: War Docs

War Docs

Tumanyag ang salitang war docs hindi dahil may Ikatlong Digmaang Pandaigdig, at kinasasangkutan ng China, US, at Filipinas, bagkus sa masigasig na pakikibaka ng presidente na linisin ang bansa mula sa pagkakalulong sa nakababaliw na droga. Tumutukoy ang “war docs” sa tinipil na “war documents” o “drug war documents” mula sa gobyerno na hiniling ng ilang batikang abogado ng FLAG (Free Legal Assistance Group) upang pag-aralan ang mga kasong isinampa sa mga akusadong mamamayang nasangkot sa direkta o di-direktang paraan ng kampanya ng gobyerno upang sugpuin ang paglaganap ng droga sa Filipinas.

Ang mga dokumento ay mga testamento ng karahasan, kung tatanawin sa pananaw ng ilang kritiko; samantalang patunay din ito sa tagumpay ng gobyerno laban sa pagsugpo sa mga sindikato, tulak, at adik na lumalaganap hanggang pinakamababang barangay sa iba’t ibang panig ng kapuluan. Maituturing ding artefakto ang mga dokumento, sapagkat bagaman ang karamihan dito ay inaagiw at natabunan ng alikabok ay karapat-dapat titigan muli sa ngalan ng pagtatanggol sa mga karapatang pantao ng bawat Filipino.

Sa pagsusuri ng naturang mga dokumento ay maaaring mapansin ang tila pagkakahawig-hawig ng naratibo ng pagdakip o pagpatay sa mga hinihinalang tulak o adik, ani Chel Diokno, at ito ang dapat pagtuonan sa mga pagsusuri.

Kung palalawigin ang napansin ni Diokno, at ng mga kapanalig niya sa FLAG, ang salaysay ng mga pulis laban sa mga akusado ay maaaring sipating kaduda-duda, sapagkat hindi lamang ito nagtataglay ng wari’y pro forma na taktika ng naratibo, bagkus wari’y bunga ng pagmamadali na makapagsampa ng reklamo sa hapag ng piskal, at kung may matatagpuang probable cause [posibleng sanhi ng kaso] ay maaaring sampahan ng kaso sa korte ang isang akusado. Ang ganitong obserbasyon ay mapatutunayan kung paghahambingin ang mga naratibo, halimbawa, sa buy-bust operation o sa pagsalakay sa mga tinaguriang drug den.

Ang pag-aaral sa tinutukoy na war docs ay maaaring sipatin kada distrito, halimbawa ay sa Metro Manila na may Eastern Police District at Western Police District. Sa dalawang distritong ito ay maaaring tukuyin ang pagkakahawig-hawig ng kaso, gayong iba’t iba ang mga sitwasyon, oras, pangyayari, at tauhan ang mga sangkot. Maaaring matuklasan, halimbawa, na sa bawat operasyon ng pulis, ay hindi kompleto ang mga dokumento bago isagawa ang pagsalakay at pagdakip laban sa mga akusado. Maaaring matunghayan na kulang-kulang ang mga report, gaya ng Spot Report, After-operation Report, at Follow-up Report, na dapat ginagawa ng imbestigador na isinusumite sa piskal. Maaaring matuklasan din ng mga sumusuyod sa dokumento na pare-pareho ang paraan at naratibo sa buy-bust, lalo sa mga akusadong nahulihan ng maliliit na gramo ng damo o shabu.

Ang problema ay kahit kulang-kulang ang mga report ay naitutuloy pa rin ang kaso sa tulong ng piskal, halimbawa sa mga kaso na warrantless arrest. Kung kulang-kulang ang report ng pulis, sapat na ba ang ganitong sitwasyon para pangatwiranan ang probable cause o ang posibleng sanhi kung bakit dinakip ang isang akusado? Ang totoo’y napakaluwag ng piskal sa panig ng mga pulis, at ito ang dapat lapatan ng batas ng kongreso. Halimbawa, ang surveillance o paniniktik ng pulis ay ipinapalagay agad na may regularidad, at natural lamang umano na paniwalaan ang panig ng pulis na humuli o pumatay sa akusado. Ngunit paano kung ang mismong dokumento ukol sa surveillance ay hindi naberipika nang maigi? Sa ganitong pangyayari, makikita kahit sa surveillance report ang butas at di-pagkakatugma, halimbawa ng mga alyas na ginagamit sa akusado, o ang tunay na pangalan ng akusado—na karaniwang nababatid lamang ng pulis matapos ang interogasyon. Posibleng matuklasan ng FLAG na may mga akusado na dinampot ngunit wala ang kanilang pangalan sa surveillance report.

Ang pagkakahawig-hawig sa mga kaso ay matutunghayan din sa presentasyon ng umano’y nakuhang ebidensiya sa isang akusado. Halimbawa, tatawagin ang isang kagawad ng barangay at ang isang kinatawan Prosecutor’s Office o kaya’y kinatawan ng media, na sabihin nang isang korespondente sa isang pahayagan. Maaaring matuklasan sa pag-iimbestiga na ang dalawa o tatlong ito ay hindi naman naroon sa oras ng operasyon; at ipinakita lamang sa kanila ng pulis ang mga sinasabing ebidensiya laban sa akusado, at pagkaraan ay magpapakuha ng retrato at lalagda na sila bilang mga saksi sa ulat ng imbestigador na siyang magsusumite ng ulat sa piskal. Ang nasabing dokumento ay paniniwalaan agad ng piskal at hukom, at ni hindi kinukuwestiyon kung batid nga ba ng mga saksing ito ang naganap na operasyon.

At ang masaklap, ang ilang reporter ay iba ang salaysay kahit interbiyuhin ang mga akusado. Ang nananaig ay ang naratibo ng pulis, at naisasantabi ang pagkuha ng katotohanan mula sa panig ng akusado. Ang ibang akusado ay sinisiraan agad sa media para hindi na makapiyok. Nakadepende rin ang naratibo ng reporter sa sasabihin ng pulis, at kung ang pulis imbestigador ay hindi pa tapos sa kaniyang ulat na isusumite sa piskal, magkakaroon ng di-pagkakatugma kahit sa naratibo ng mga reporter at sa naratibo ng pulis kung paghahabingin ang press release sa mga diyaryo at Internet, at ang legal na dokumentong nilagdaan ng mga pulis na isinumite sa piskal para sa inquest proceeding ng akusado.

Ang susi sa pagsusuri ng war docs ay maaaring matunghayan sa pagtutuon sa naratibo ng mga imbestigador, na kung minsan ay tinutulungan pa umano ng piskal. Dito maaaring makita ng FLAG ang ratio na pagkakakahawig-hawig ng mga kaso, halimbawa sa buy-bust operation o sa pot session o sa simpleng pagdadala ng mga kasangkapan sa pagdodroga. Ang pagkakahawig ay may kaugnayan sa manerismo o karaniwang gawi at estilo ng pagsulat ng imbestigador. Ang ibang ulat ay waring pinalitan lamang ng pangalan, oras, petsa, at lugar ng pangyayari, at tila de-kahon upang maging madali ang report ng imbestigador.  Kung minsan, ang imbestigador ay kasama umano sa operasyon (na bawal na bawal sa batas), at kahit nakita ito ng piskal o hukom ay isinasantabi. Ito ay dahil ay binibigyan lamang ng 24 oras ang pulis para madala sa piskal ang akusado at agad masampahan ng kaso. Posibleng mapansin pa sa maraming dokumento na ang ilang ulat ay hindi nalagdaan ng pulis bago isumite sa piskal, at ang nakapagtataka’y pinalulusot lamang ito ng piskal para sa kabutihan ng pulis.

Mapapansin din ng FLAG na ang pagdakip sa mga akusado ay karaniwang Biyernes ng hapon o gabi o kaya’y Sabado, at sa maraming pagkakataon ay hindi lahat ng korte ay bukás sa ganoong mga araw, o kaya’y walang pasok ang piskal, at natural na nabibigyan ng sapat na panahon ang pulis upang makagawa ng ulat at makapagsumite nito sa piskal. Ang operasyon ay nakapagtatakang halos magkakahawig, at hindi nabibigyan ng sapat na panahon ang akusado na makahingi ng tulong kahit sa PAO (Public Attorney’s Office), dahil walang pasok ito sa naturang pagkakataon. Upang patunayan ang Biyernes o Sabado ang mga banal na oras ng operasyon, maaaring magtungo sa mga bilangguan sa mga lungsod at tingnan ang bilang na dumarating na akusado kada araw.

Kailangang mapag-aralan din sa war docs ang estado ng mga akusado. Marahil ay 90 porsiyento ng mga dinakip ay karaniwang mamamayang maituturing na nasa ilalim ng guhit ng kahirapan, at natural na ang mga akusadong ito ay umasa lamang sa maibibigay na tulong ng PAO. Ang iba’y napipilitan na lamang umamin sa mas mababang kasalanan (plea bargain), sapagkat wala silang sapat na kakayahang pinansiyal upang lumaban pa sa mga pulis at piskal. Kung ang siyam sa sampung akusado ay magkakapareho ang naratibo ng pagkakadakip kung hindi man pagkakapatay, hindi ba ito dapat pagdudahan ng mga hukom? Ngunit maaaring nangangamba rin ang hukom sa kaniyang posisyon o seguridad, kaya ang pinakamabilis na paraan ay paniwalaan niya ang naratibo ng pulis na isinumite ng piskal at hatulan ang mga akusado.

Hindi ko minemenos ang mga abogado ng PAO, sapagkat marami sa kanila ang matatalino, masisipag, at mapagmalasakit, ngunit sa dami ng kanilang hinahawakang kaso, na ang iba’y kailangang hawakan ang 30-40 kaso kada araw, paanong mapangangalagaan nang lubos ang kapakanan ng mga akusadong dukha? Ang kaso ng mga nasasangkot sa droga ay hindi totoong natatapos agad sa isang buwan; ang kaso ay maaaring tumagal nang ilang buwan, halimbawa, sa presentasyon pa lamang ng mga ebidensiya, bukod pa ang regular na pagpapaliban sa pagdinig, at bago matapos ang pagdinig ay napagsilbihan na ng akusado ang panahong dapat ilagi sa loob ng bilangguan.

Ang imbestigasyon sa war docs ay magbubunyag din sa estado ng prosekusyon at hukuman sa Filipinas. Kahit nakikita ng di-iilang hukom at piskal na magkakahawig ang naratibo ng pulis ay maaaring pumabor pa rin sila laban sa mga akusado sapagkat may pangambang masangkot sila sa narco-list, at ito ay may kaugnayan umano sa order sa nakatataas. Ito ang karaniwang napapansin ng mga akusado, at hindi ito maitatatwa magsagawa man ng malawakang sarbey sa mga bilangguan. Napapansin din ng ilang akusado na ang ilang piskal ay nagiging tagapagtanggol ng pulis, imbes na suriin nito nang mahusay kung karapat-dapat bang sampahan ng kaso ang isang akusado, batay sa naratibo ng pulis.

Ngunit sino ba naman ang mga akusadong adik at tulak para paniwalaan ng hukom? Kahit ang mga akusadong nagsampa ng Mosyon para makakuha ng ROR (Release on Recognizance) na nasa batas ay malimit hindi napagbibigyan ng hukom, at pilit silang pinatatapos ng counseling, kahit ang rekomendasyon ng CADAC ay out-patient counseling o community-based rehabilitation para sa akusado. Totoong prerogatibo ng hukom ang pagbibigay ng ROR, ngunit kung sisipatin sa ibang anggulo, ang pansamantalang pagpapalaya sa mga akusado ay makapagpapaluwag ng bilangguan at malaking katipiran sa panig ng gobyerno dahil mababawasan ang pakakainin nitong mga bilanggo.

Ang imbestigasyon ng war docs ay hindi nagtatapos dito. Sa sampung detenido at nasa ilalim ng BJMP, masuwerte na ang dalawa ay magkaroon ng dalaw, ayon sa ilang tagamasid. Ang walo na hindi sinuwerteng dalawin ng kamag-anak o kaibigan ay nabubulok sa bilangguan, maliban na lamang kung magkukusa ang abogado nila sa PAO na pabilisin ang kanilang paglilitis. Ang ibang akusadong nakalaya ay bumabalik sa bilangguan o binabalikan ng pulis, kaya napipilitan ang mga tao na ito na lumipat ng ibang lugar na matitirhan. Ipinapalagay dito na ang mga akusado ay talamak na adik o tulak, na may katotohanan sa ilang pagkakataon, ngunit ang ganitong sitwasyon ay hindi totoo sa mayorya ng mga detenido. Ang mga pulis, sa wika ng ilang kritiko, ay may quota na dapat matupad sa pagdakip sa mga adik at tulak; at kaya kahit matino ang isang pulis ay napipilitan siyang sumunod sa utos ng kaniyang opisyal.  Gayunman ay walang quota kung ilang drug lord ang dapat mahuli o kung ilang sindikato sa droga ang dapat mabuwag sa isang buwan. Kung may quota ang pulis, ayon sa ilang tagamasid, ang pinakamabilis na paraan ay likumin ang mga adik sa mga dukhang pamayanan, at ipaloob sila sa mga bilangguan.

May narco-list ang pangulo hinggil sa mga politiko, negosyante, pulis, at sundalong sangkot sa droga. Ilang beses pa niya itong binanggit sa kaniyang mga talumpati. Ngunit hangga ngayon ay walang quota kung ilan sa kanila ang dapat mabilanggo sa loob ng isang buwan; at kung ilang Tsino o Koreano o Hapones o Mehikanong sangkot sa sindikato ang dapat tumimbuwang kada linggo. Nang akusahan ng isang Bikoy ang anak ng pangulo na sangkot sa narkotrapikismo ay mabilis itong sinangga ng mga opisyal ng PNP at Malacañang, at nagsabing bunga lamang ito ng propaganda. Ni walang tangkang imbestigahan man lamang kung may bahid ng katotohanan ang akusasyon. Nang sabihin ng dating opisyal ng pulisya na ang mga Tsinong kasama ng pangulo ay sangkot sa droga ay mabilis din itong pinabulaanan ng Palasyo at ni walang imbestigasyon. Samantala, kumakapal araw-araw ang listahan ng mga bilanggong inakusahang adik at tulak, ngunit ang tunay na ugat na dapat bunutin sa digmaan laban sa droga ay hindi nalulutas.

Ang pagsusuri sa war docs ay hindi lamang tungkulin ng mga abogado ng FLAG. Tungkulin ito ng bawat Filipino, sa ngalan ng demokrasya, sapagkat ang pagtatanggol ng karapatang pantao ay pagtatanggol din sa kapakanan ng buong Filipinas.

Yes to human rights. Yes to humanity.

Pandaigdigang Panitikan at Filipino: Isang Pagtanaw, ni Roberto T. Añonuevo

Pandaigdigang Panitikan at Filipino: Isang Pagtanaw

Roberto T. Añonuevo

Kapag tinanong tayo kung mayroon bang “pandaigdigang panitikan” [world literature] ay madali nating sagutin ito na “oo.” Ngunit ano ba ang pandaigdigang panitikan, at ang pandaigdigang panitikan sa konteksto ng Filipinas?

Ang talakay hinggil sa pandaigdigang panitikan ay maaaring simulan sa pag-urirat kung ano ang konsepto ng “daigdig” at “panitikan.” Ang paglalakbay ng mga dayong mangangalakal sa isang bayan, o ang paglabas ng isang “bayani” o “bagani” sa kaniyang pamayanan upang umuwi pagkaraan, ang magpapakilala sa kaniya ng malawak na “daigdig” na kakaiba ang kultura, kasaysayan, at kulay kompara sa kaniyang kinagisnan.

Ang konsepto ng “daigdig” ay nagsimula sa interaksiyon ng mga bansa sa pamamagitan ng pang-ekonomiya at pampolitikang ugnayan. Ang tinaguriang Silk Road[i], at daanan sa Indian Ocean at Mediterannean, ang maghahatid ng mga produkto, kasama na ang panitikan at relihiyon, mula sa iba’t ibang bansa. Ang susi sa mga lihim ng banyagang panitikan ay nasa pagsasalin at pag-aaral ng mga wika, kaya ang mga akdang nasusulat sa Chino at Arabe ay nagkaroon ng puwang na mabása sa Ewropa sa pamamagitan ng salin sa Frances, Aleman, Ingles, Portuges, atbp.

May dalawang konsiderasyon ang pagtuturing noon sa “pandaigdigang panitikan,” ani ilang kritiko, bagaman hindi pa lumilitaw ang ganitong termino hanggang imbentuhin ni Johann Wolfgang von Goethe. Una, ang lawak na masasaklaw nitong populasyon; at ikalawa, ang kalidad ng akda na umaabot wari sa pagiging klasiko at dakila. Ang mga imperyo, gaya sa China, India, at Gitnang Silangan, ay nakapagpapalaganap ng panitikan sa maliliit na bansa  sa pamamagitan ng kalakalan, at hindi kataka-taka na maraming kuwentong bayan ang nagkaroon ng lokal na kulay.

Nang lumaon, lumakas ang Ewropa dahil sa pag-angat ng ekonomiya nito at dahil na rin sa mga nasasakop nitong mga bansa.  Noong panahon ng kolonisasyon, ang Ewropa ay sinisipat ang panitikan alinsunod sa punto de bista nito, at ang panitikang nalilikha sa Ewropa ang tinitingnang nangunguna sa lahat. Ang usapin sa pagiging “superliteratura” [Spitzenliteratur] ay isa pang isinaalang-alang na pamantayan, upang masalà ang mga obra maestra mula sa mga karaniwang akda.

“Kung may lakas ng loob tayong ihayag ang Ewropeong panitikan,” ani Johann Wolfgang von Goethe[ii]  sa kaniyang disipulong si Johann Peter Eckerman, “o yaong unibersal na pandaigdigang panitikan, ay hindi pa natin ganap na nagagawa yaon maliban sa pagtukoy na ang iba’t ibang nasyon ay kinikilala ang bawat isa at ang kani-kaniyang mga likha, dahil sa ganitong diwain ay umiral ito nang napakatagal, at patuloy na nagtatagumpay.” [Wenn wir eine europäische, ja eine allgemeine Weltliteratur zu verkündigen gewagt haben, so heißt dieses nicht daß die verschiedenen Nationen von einander und ihren Erzeugnissen Kenntnis nehmen, denn in diesem Sinne existiert sie schon lange, setzt sich fort und erneuert sich mehr oder weniger].[iii]

Kayâ kahit binanggit ni Goethe na ang Ewropeong panitikan ay pandaigdigang panitikan, ang ganitong paniniwala ay sinisimulan na niyang baklasin, upang itanghal ang panitikang maaaring magmula sa mga bansang hindi Ewropeo. Naniniwala si Goethe na ang sining ay pag-aari ng buong mundo, at maipapalaganap lámang sa malaya at pangkalahatang interaksiyon ng mga kapanahon.[iv] Kung ang tula ay pag-aari ng buong mundo, aniya, hindi rin umano dapat ipagmayabang na ang isang makata ay nakalikha ng nakauungos na tula, sapagkat ang paglikha ng tula ay hindi pambihirang bagay sa iba’t ibang panig ng mundo.

Nawika ni Goethe na “Walang halaga sa kasalukuyan ang pambansang panitikan, sapagkat ngayon ang panahon ng pandaigdigang panitikan, at dapat magsikap ang lahat para pabilisin ang panahong ito.” [Nationalliteratur will jetzt nicht viel sagen, die Epoche der Weltliteratur ist an der Zeit, und jeder muß jetzt dazu wirken, diese Epoche zu beschleunigen.][v] Ang tinutukoy ni Goethe na pandaigdigang panitikan ay ang sumisilang na panitikan sa kaniyang panahon, at hindi noong nakalipas, at kung gayon ay dapat maging bukás ang paningin ng lahat hinggil dito. Hindi tinitingnan ni Goethe na may “superliteratura,” sapagkat ang “pandaigdigang panitikan” ay paparating pa lamang, ngunit tumitingki wari sa globalisasyon. Ang kalakalan ay hindi na basta produkto o serbisyo lamang, bagkus kaugnay ng mga idea o kaisipan, at sa yugtong ito, ang mga tao sa iba’t ibang panig ng daigdig ay kinakailangang makilahok sa ganitong gawain.

Importansiya ng Pandaigdigang Panitikan

Mahalagang balikan ang konsepto ng pandaigdigang panitikan at mga wika, sapagkat sangkot tayo lahat dito, gaya ng winika ng manunulat at intelektuwal na si Tariq Ali[vi]. Hindi natin napapansin na ang pandaigdigang panitikan ay hinuhubog ang mga isipan at asal ng ating mga estudyante at guro, kahit sa panonood ng Koreanobela at Mexicanobela o ng mga pelikulang yari sa Hollywood at Bollywood. Tinatanggap natin nang hindi namamalayan ang bisa, kiling, at prehuwisyo kahit sa mga balita ng Fox News, ESPN, at CNN, at sa mga pagpapahalaga nito sa mga manunulat at artist.

Magaan nating tinatanggap ang manipis na talakay mula sa ating kurikulum pagsapit sa pandaigdigang panitikan. Halimbawa, hindi natin napapansin kapag tinalakay ang Florante at Laura (1838) ni Francisco Balagtas Baltazar na maraming alusyon ukol sa Imperyong Ottoman ang matatagpuan sa naturang tula at bahagi ng “ibang panitikan.” Hindi ito kataka-taka, sapagkat mulang siglo 14 hanggang siglo 20, ang Imperyong Ottoman, na kilala ngayon bilang Turkey, ay sumakop sa Timog-silangang Ewropa, Kanluraning Asya, at Hilagang Africa. Isang multi-lingguwal at multi-nasyonal na imperyo ang Turkey na malaki ang ambag sa pagpapalaganap ng iba’t ibang panitikan noong kasibulan nito.

Kahit balikan natin ang mga mapa noong 1822 o1885, malawak ang imperyalistang pananakop ng Turkey, gaya sa Africa, Asia, Sudamerica, Greenland, Russia, Mongolia, China, hanggang Australia, at yaon ay nakahihigit sa mga sakop ng France, España, o US. Kahit ang Filipinas ay hindi nakaligtas sa impluwensiya ng gayong pananakop, at isang halimbawa ang koridong Ibong Adarna na sumagap ng maraming alusyon sa mga pook at mito mula sa Turkey.

Gayunman, kung ihahambing ang ibang panitikang nalathala noon sa Ewropa, ang panitikang pasulat sa Filipinas ay waring nakaiwanan ng panahon, sanhi na rin ng baluktot at paurong na pamamalakad ng España sa Filipinas. Hindi lalaganap nang lubos ang pasulat na panitikan sa Filipinas dahil sa censura ng Español, at sa pagdating pa lamang ng mga Amerikano at Hapones magkakaroon ng bagong sigla ang panitikang palimbag, at maipagpapasalamat ang pagdating ng mga imprenta, pagbubukas ng Suez Canal, at transportasyong panghihimpapawid.

Ang pandaigdigang panitikan at ang paglinang sa mga wika (kabilang na ang mga wika sa Filipinas) ay parang magkapatid na hindi mapaghihiwalay. Sa kabilang panig, kapag pinag-usapan ang pambansang panitikan ay hindi naiiwasang maiugnay ang isang pambansang wika, gaya sa Filipinas, at kung gayon ay maaaring mahanggahan ang mailalahok sa pambansang panitikan kung sadyang marupok ang pagpapahalaga sa salin at paglinang sa mga katutubong wika mula sa mga rehiyon. Kung hindi naman magkakapuwang sa merkado ang mga panitikang mula sa rehiyon ay mabilis ang magiging pagkalusaw nito sa hinaharap.

Isang realidad na ang isang panitikang sumilang mula sa isang liblib na lalawigan ay tumataas sa nibel ng pambansang antas dahil sa pagsasalin, halimbawa, sa Filipino, bukod sa lumalalim ang diskurso ukol sa nasabing akda. Sa kabilang dako, ang akdang Filipinong pampanitikan ay umaakyat sa nibel ng pandaigdigang panitikan sa oras na ito ay maisalin sa Ingles, Frances, Español, Mandarin, Arabe, at sa lahat ng pangunahing wika ng daigdig. Kayâ ang ating mga katutubong tanaga at dalít, kapag naisalin sa Ingles o iba pang pangunahing wika at nalathala sa US o France, ay hindi na lamang pag-aari ng Filipinas, bagkus ng lahat ng bansang nakauunawa sa nasabing mga pangunahing wika.

Gayunman, ikakatwiran ng iba na hindi kinakailangan ang salin para maging kanonigong “pambansa” o “pandaigdig.” May katotohanan ito, subalit kailangan nating tanggapin na para lumaganap ang isang panitikan, at makilala saka maangkin sa pambansa at pandaigdigang antas, ay dapat maunawaan sa wika ng nakararaming mamamayan. Nagkakaroon pa ng multiplikasyon ng lakas ang panitikan sanhi ng natatamong prestihiyo nito sa mga wikang pinagsasalinan. Kayâ kung hindi isasalin sa mga malaganap na wika ang mga akdang pampanitikang nagmula sa iba’t ibang rehiyon ng Filipinas, mananatili sa limitadong baul ang gayong yaman at hindi mapakikinabangan ng iba pang populasyon.

Ang isa pang impluwensiya ng tinaguriang “pandaigdigang panitikan” ay sa pagpasok ng mga hulagway at alusyong banyaga sa mga lokal na panitikan, gaya sa ating mga dalít at tanaga hanggang awit at korido noong siglo 18, hanggang sa introduksiyon ng nobela at kuwento noong siglo 19-20. Sa ganitong pangyayari, ang pananaw sa daigdig, gaya ng mula sa Imperyong Ottoman at España, ay nagiging lente ng Filipinas na nagbubunga kahit sa pagkabansot ng pambansang panitikan. Maihahalimbawa ang koridong Ibong Adarna, na nagpasok ng mga konsepto ng hari at reyna, paghahanap ng lunas sa sakit, pag-aagawan ng poder, paglapastangan sa magulang o pagtatatwa sa kapatid, bukod sa bulok at rasistang pagtanaw sa ating mga katutubo. Kung ako ay isang kasapi ng liping sabihin nating Agta (na inuuyam din sa taguring “Negrito), marahil ay sinunog ko na ang Ibong Adarna dahil sa paglalarawan nito sa pangkat etnikong Negrito na ginagawang laruan ng hari. Kahit ang ganitong kaikling banggit sa ating mga kapatid na pangkat etniko ay dapat tinutuligsa, dahil sa imperyalistang pananaw, upang mapurga ang baryotikong listahan ng babasahin sa ating sistema ng edukasyon.

Proseso ng Pandaigdigang Panitikan

Problematiko kung gayon kapag tinalakay ang pandaigdigang panitikan, lalo’t tinanggal ang panitikan sa tersiyaryang antas at ibinuhos lahat sa sekundaryang antas—na magpapasakit sa ulo ng DepEd. Hindi natin mababatid ang buong saklaw ng pandaigdigang panitikan hangga’t limitado ang ating bansa sa wikang pinagsasalinan, lalo kung ang pinagsasalinang ito ay Filipino at mga katutubong wika. Wala nang iba pang magagawa kundi sumangguni sa mga tekstong Ingles, at ito ang maglalagay sa balag ng alanganin sa Filipino.

Ang salitang “pandaigdigan” ay patuloy na nagbabago ang pakahulugan, halimbawa sa punto de bista ng mayayaman at ng mahihirap na nasyon, o kaya’y sa mga nasyon na may iba’t iba ang kultura. Sa panig ng mayayaman, ang salin mulang maliit at mahirap na bansa ay maaaring tanawing magaspang, eksotiko, at kakatwa; samantala, ang salin ng tekstong mula sa mayamang bansa ay maaaring tanawing sopistikado, mapanupil, at de-kahon kung sisipatin sa paningin ng mahihirap na bansa. Ang paglulugar sa “pandaigdigang panitikan” ay maaaring nasa konteksto ng “pambansang panitikan” at “lokal na panitikan,” at dito matutuklasan ang iba’t ibang henyo ng kultura, na bagaman nabubukod sa lahat ay makapagluluwal ng unibersal na diwain.

Hangga ngayon, isang pangarap ang pagtuturo ng pandaigdigang panitikan sa wikang Filipino sapagkat walang mayamang malig ng panitikang salin sa Filipino, at may kaugnayan dito ang patakaran at programa ng gobyerno.

Makadaragdag pa ang sagabal na kakaunti ang mga panitikang naisasalin tungo sa mga pangunahing wika ng daigdig—kung isasaalang-alang ang bilang ng mga bansang kasapi o hindi kasapi sa United Nations— at dahil sa pangyayaring ito ay hindi nababasbasáng kanonigo ang naturang mga akda. Isang konsiderasyon dito, pansin ni Tariq Ali, ay kung kikíta ba ang pabliser mula sa paglalathala ng salin, at kung magkano ang mapipiga nito sa bansang tatanggap ng salin. Apektado ang Filipinas sa pangyayaring ito, sapagkat labis tayong nakasalalay sa mga panitikang nasusulat sa Ingles, bukod sa mga duwag sumugal ang ating mga lokal na pabliser. Hindi dapat ipagtaka kung gayon kung limitado ang pumapasok na panitikan sa Filipinas sa pamamagitan ng edukasyon o salin.

Sa US, noong 2008–2017, may 4,592 titulo ng mga aklat na isinalin sa Ingles at nagmula sa ilang bansa, gaya ng China, España, Italy, Denmark, France, Iceland, Mexico, South Africa, Germany, Switzerland, Chile, Austria, Sweden, Serbia at Montenegro, Czech Republic, Romania, Netherlands, Israel, Palestine, Morocco, Brazil, Ukraine, Poland, Pakistan, Djibouti, atbp. Ang mga wikang pinagmulan ng salin tungo sa Ingles ay German, Icelandic, Norwegian, Español, Italian, Arabe, Danish, Greek, Portuges, Swedish, Czech, Russian, French, German, Chinese, Dutch, Bengali, Yiddish, Romanian, atbp.[vii] Sa ganitong pangyayari, makikita na agad ang limitasyon ng mga pagsasalin, at hindi pa napapasama rito ang Filipinas na ngayon ay may mahigit 100 milyon ang populasyon. Nakalulungkot din na kulang ang estadistika sa atin, halimbawa, kung ilan ang nalalathalang saling akda tungo sa Filipino kada taon, at ang ganitong kakulangan sa impormasyon ay dapat tugunin ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), yamang ito ay ahensiyang ang tungkulin ay gumawa ng saliksik at bumuo ng patakarang pangwika na may kaugnayan sa panitikan.

Isinasalin naman sa wikang Arabe ang tinatayang 1,500-2,500 aklat kada taon, ayon sa tantiya ni Richard Jacquemond na isang tanyag na tagasalin[viii]. Higit na malaki ang bilang na ito kung ikokompara sa suma-total ng inilalathalang aklat sa Filipinas sa isang taon, na umaabot sa mahigit 1,500 titulo ng aklat kada taon, ayon sa UNESCO.

Realidad ng pagsasalin sa Filipinas

Mananatili tayong nakasandig sa puta-putaking salin mula sa KWF, na ang mga salin ay kakaunti kung ipagpapalagay na nakapaglalabas ito ng 10-14 titulo kada taon simula noong 2013.  Masakit mang tanggapin ngunit ito ang totoo, na ang mahuhusay na tagasalin ay mabibilang mo sa iyong mga daliri—kahit ang mga ito ay kinontrata pa sa kung saang unibersidad o institusyong malapit sa puso ng tagapagpasiya. Ang magandang balita, nagsisimula na ang KWF sa paglulunsad ng mga pagsasanay sa pagsasalin, at may kurso pa ito hinggil sa pagsasalin na maidurugtong sa propesyonalisasyon ng pagsasalin. May hakbang din na magtatag ng Kawanihan ng Pagsasalin, at kaugnay ito sa bisyong Kagawaran ng Kultura na binubuo ng mga burukrata ng gobyerno. Ang lahat ng ito ay mailalangkap sa pambansang adyenda sa pagsasalin, na magmumula sa KWF o sa Pambansang Lupon sa Wika at Pagsasalin (NCLT-NCCA).

Kung kakaunti ang salin ng mga banyagang aklat tungo sa Filipino, ano ang maaasahan ng ating mga estudyante kapag pinag-aralan ang pandaigdigang panitikan sa wikang Filipino? Wala. Natural na sumangguni ang mga estudyante sa mga akdang Ingles sapagkat doon makikita ang iba pang panitikang nagmula sa iba’t ibang wika ng daigdig. Sa ganitong pangyayari, ang ating pagtanaw sa pandaigdigang panitikan ay kumikitid—sapagkat ang “pandaigdigang panitikan” natin ay batay sa Ingles o salin sa Ingles— at kung ano ang pagtanaw ng mga bansang umiingles ay halos hindi nalalayo ang pagtanaw natin sa kanila. Masuwerte na tayo kung sa ilang pagkakataon, na may isa o dalawang akdang mula sa Español o Frances o Aleman o Mandarin ang sinuwerteng maisalin nang buo tungo sa Filipino nang walang interbensiyon ng Ingles. Mabuting halimbawa rito ang ginawa Joaquin Sy, na nagsalin ng mga kuwento ni Ba Jin (Ang Piping Balalaika at iba pang Kuwento, 2017).

Ang limitasyon ng ating bansa ay nasa pagbibigay priyoridad sa Ingles, at pagkaligta sa iba pang wika ng daigdig. Ngunit hindi ito kataka-taka, sapagkat ang Ingles ay wikang imperyal at makapangyarihan na káyang manakop ng mga bansa. Sa ganito ring pangyayari ay lalong nababansot ang Filipino. Kung hindi gagamitin nang puspusan sa pagsasalin ang Filipino, at hindi mailalathala sa palimbag o elektronikong paraan, hindi lalago ang korpus nito, bukod sa mababansot, gaya sa pagtanaw na bakya o baduy, kapag ginamit ang gramatika at sintaks sa gaya ng mga transaksiyon o komunikasyon.

Sa isang artikulong sinulat ni Kai Chan, at nalathala sa World Economic Forum noong 2 Disyembre 2016, ang pagiging makapangyarihan ng isang wika ay maaaring sukatin sa limang aspekto: una, Heograpiya (kakayahang maglakbay); ikalawa, Ekonomiya (kakayahang makilahok sa ekonomiya); ikatlo, Komunikasyon (kakayahang makapagdiyalogo); ikaapat, Karunungan at Midya (kakayahang kumonsumo ng kaalaman at midya; at ikalima, Diplomasya (kakayahang makiharap sa mga ugnayang pandaigdig)[ix].  Kabilang sa 10 nangungunang bansa ang Ingles, Mandarin, Frances, Español, Arabe, Ruso, Aleman, Hapones, Portuges, at Híndi. Ang mga wikang ito ang pinagmumulan ng panitikang pandaigdig, at batay sa volyum ng mga panitikang mula sa iba’t ibang bansa ay nagagamit ang gayong mga wika bilang midyum ng pagsasalin.

Kung babalikan ang pag-aaral ng panitikang pandaigdig sa Filipinas ay mapapansing wala pa tayo sa kalingkingan kung ihahambing sa ibang bansa— kung ipagpapalagay na may 20 aklat ang naisasalin sa Filipino kada taon. Naipagkakait sa atin ang mga pambihirang panitikang nasususulat kahit sa 10 wikang binanggit kanina. Ngunit higit pa rito, maliit na bahagi ang ating nababatid sa panitikang pandaigdig dahil kulang na kulang ang mga salin ng mga panitikan tungo at palabas sa Filipino. Ano ang maaasahan natin sa ating mga pag-aaral? Kumikitid ang ating pagtanaw sa pag-aaral ng panitikang pandaigdig, dahil kulang ang materyales sa Filipino, at dapat tanggapin natin na tayo’y nagiging baryotiko habang tumatagal.

Ang tinaguriang globalisasyon ng panitikan, kung hihiramin ang dila ni Tariq Ali, ay nagreresulta para ang mga akda ay maging de-kahon o magkaroon ng kompartmentalisasyon sa bawat bansa, kaya higit nagiging baryotiko ang pagtanaw sa kultura.[x] Idaragdag ko rito na hindi lamang nagiging de-kahon, bagkus nasasalà nang husto at hindi nakatatagos ang mga akdang makayayanig sa status quo. Ayon sa International Monetary Fund (IMF), ang “globalisasyon” ay may kaugnayan sa kalakalan, pamumuhunan, migrasyon ng mga tao, at pagpapakalat ng impormasyon sa pamamagitan ng teknolohiya.[xi] Ang globalisasyon ng panitikan ay hindi masasabing patas—na may malayang palitan ng karunungan at impormasyon—bagkus pumapabor sa mayayamang bansa na ang wika ay ginagamit sa mga dominyo ng kapangyarihan, gaya ng kalakalan, edukasyon, impormasyong teknolohiya, at transportasyon, at may mga teknolohiyang umaagapay sa kanilang idea at akda. Sa Filipinas, makatutulong nang malaki sa bansa ang paggamit ng Filipino sa mga dominyo ng kapangyarihan, at pangunahin na rito ang wika ng gobyerno, edukasyon, at kalakalan.

Hindi makaaasa kung gayon na mabása sa Ingles ang mga manunulat na intelektuwal halimbawa sa Iran o Egypt o Syria o Africa o Hilagang Korea o Russia, at higit na pipiliin ang mga awtor na makapagluluwal ng mga aklat na hindi malayo sa hinagap o makasasaling sa sensibilidad ng publikong mambabasa ng America at kapanalig nito. Ang resulta nito ay hindi natin nauunawaan nang malawak ang ibang kultura sa ibang bansa. Hindi sapat ang Internet para malunasan ang ating katangahan. Kinakailangan ang produksiyon ng higit na maraming libro, na higit sa interes ng DBM o o NBDB[xii] o lokal na pabliser o ng kung sinumang opisyal na gobyerno na may palimbagan at negosyo sa paglilibro.

Ang pangyayaring hindi natin nababása sa ating wika ang mga aklat na nasusulat sa iba’t ibang wika at mula sa iba’t ibang kultura ay malaking sagka sa ating pag-unlad. Nabibigong mahikayat ang mga kabataan nating mag-aral ng iba’t ibang wika sa iba’t ibang panig ng mundo dahil bakit mag-aaral kung salat naman sa libro? Nababansot tayo sapagkat hindi natin nababása ang mga intelektuwal na manunulat sa Ewropa, Asia, Africa, Hilaga at Timog America, Australia, at Antartica. At aminin natin na kakaunti ang ating nalalaman sa pandaigdigang panitikan sapagkat matamlay ang mga pagsasalin na ginagawa tungo sa Filipino at mga katutubong wika, o sabihin nang kahit sa Ingles. Kung kakaunti ang salin sa Filipino o kaya’y Ingles ng mga akdang nagmula sa iba’t ibang bansa, ang ating mga estudyante ay  parang isang pangkat ng bulag na sumasalat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ng elepante, kung hihiramin ang isang matandang kuwentong Budista, at depende sa masalat nila o maamoy ay ibabatay doon ang kani-kaniyang pagkilala hinggil sa elepante.

Ang pagsasalin bilang ambag sa pagbabago

Gayunman, may ilang pagtatangka na isalin sa Filipino ang mga internasyonal na manunulat, at ito ang matutunghayan sa salin ng mga tula ni Mao Zedong na pinamagatang KAMAO: Salin ng mga Tula ni Mao Zedong (Aklatang Bayan, 2012), at ng mga rebolusyonaryong Vietnamese na salin ni Mykel Andrada. Ang unang antolohiya ay salin ng mga aktibistang makata, samantalang ang kay Andrada ay salin dahil sa pangangailangan sa kaniyang kurso. Ang limitasyon ng ganitong koleksiyon ay nakapokus sa layuning pampolitika, at hindi naibibilang ang mga tula na waring lumilihis sa itinatadhana ng partido. Samantala, ang KWF ay naglabas din ng mga salin, gaya ng mga nobela, kuwento, at tula, na ang konsiderasyon ay maipakilala sa madla ang mga hiyas ng panitikang internasyonal. Halimbawa na rito ang Sa Prága: Mga Piling Tula ni Jaroslav Seifert, na bagaman dating kasapi ng Partido Komunista ay kamangha-manghang nakapagsulat din ng mga paksang matalik sa puso at guniguni ng kaniyang mga kababayan sa Czech Rapublic.

Kung babalikan ang kasaysayan ng Filipinas, ang mga lokal nating manunulat noong bungad ng siglo 20 ay nagsalin ng mga akdang pampanitikan sa Tagalog at iba pang wikang katutubo. Halimbawa, ang Divina Comedia ni Dante Alieghieri ay hinalaw ni Conrado S. Acuña; hinalaw ni Isaac Dizon (alyas Anak-Bayani) ang Decameron ni Boccacio; hinalaw ni Gerardo Chanco ang Las damas de las camelias ni Alejandro Dumas, at isinalin ng iba pang awtor ang mga kuwentong Frances, Aleman, Americano, Español, Arabe, atbp. Para kay Dionisio San Agustin, ang pangulo noon ng kapisanang Aklatang Bayan, ang mga pangunahing layunin ng pagsasalin o paghahalaw ng mga akdang banyaga nang panahong iyon ay ang sumusunod: una, magaang na maunawaan ng mambabasang Tagalog ang ibang akdang mula sa ibang bansa; ikalawa, mapalaganap at malinang ang Tagalog bilang isang wikang pambansa; ikatlo, maunawaan kahit paano ang mga dayong kultura at pananaw; at ikapat, makatulong sa pagpapapaunlad ng katutubong kabihasnan habang gamit ang sariling wika.[xiii] Ang winika ni San Agustin ay totoo pa rin magpahangga ngayon.

Magpapatuloy ang pagsasalin, at isa ang PAKSA (Panulat para sa Kaunlaran ng Sambayanan) na maglulunsad ng programadong pagsasalin ng mga akdang pampanitikang kumikiling sa simulaing mapaghimasik noong dekada 1970-1980. Nais ng PAKSA, ayon kay Jose Ma. Sison, na lumikha ng mga huwarang akda, mula man ito sa salin, na pawang makapagmumulat sa masa.[xiv] Ngunit hindi ito magtatagal, dahil na rin sa internal na di-pagkakaunawaan ng mga magkakapartido.

Magpapatuloy ang proyektong pagsasalin sa panig ng UMPIL (Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas), na pangungunahan ni Virgilio S. Almario, at ilan ang mailalathalang antolohiya at aklat. Maisasalin sa Filipino ang mga akdang pampanitikang internasyonal, sa ayuda na rin ng gaya ng UNESCO, ASEAN, at iba pang ahensiya. Itatatag ang UNTAP (Unyon ng mga Tagasalin sa Pilipinas) na pinamunuan noon ni Teo T. Antonio, at makahihikayat ng mga bagong tagasalin mulang akademya. Ang nakalulungkot ay magiging limitado ang pagpapalaganap ng mga sipi ng salin, at hindi naipalaganap nang lubos sa buong kapuluan ang mga aklat o babasahin.

May ibang ahensiya, gaya ng UP Sentro ng Wikang Filipino na noong 2000 ay naglunsad ng seryeng Aklat Bahandi na binubuo ng mga salin sa Filipino ng mga akdang internasyonal. Ang mga saling aklat na ito ang magagamit sana sa pagtuturo ng panitikan sa sekundarya at tersiyaryang antas. Masigla noong una ang produksiyon nito, sa pamumuno ni Dr. Mario I. Miclat, ngunit nang magpalit ng administrasyon at presidente ang UP, naglaho rin ang nasabing proyekto dahil sa matamlay na suportang pinansiyal ng nasabing unibersidad.

Kung iisipin natin, ang limitasyon ng ating pagtanaw sa panitikang pandaigdig ay nagbubunsod din para ang pagtuturo natin ng “panitikang pandaigdig” ay maging de-kahon habang tumatagal. Ang panitikang pandaigdig natin ay Americasentriko, at hindi Ewropeosentriko o Asiasentriko, dahil manipis ang ating pagkilala sa mga panitikang nasa Ewropa kung pagbabatayan ang kasalukuyang kurikulum sa hay-iskul o kolehiyo. Nagiging kasangkapan din ang salin sa mga layuning pampolitika, at ito marahil ay sanhi ng pakikibaka ng mga manunulat laban sa Batas Militar at buntot ng diktadura. Sa ilang pagkakataon, ginawang raket ang pagsasalin, kaya ang mga proyektong pagsasalin ay di-naiiwasang mapunta sa kamay ng ilang tagasalin lamang.

Negosyo ng mga Aklat

Ayon kay Tariq Ali, ang panitikang pandaigdig ay naididikta ng gaya ng New York Times Best Seller list, at ito ay may kaugnayan sa merkado. Halimbawa, ang bestseller na Go Set a Watchman ni Harper Lee ay nakapagbenta ng 1.6 milyong sipi noong 2014. Kung hindi kumikita ang isang aklat, makaaasa na hindi ito magkakapuwesto sa mga bukstor. Ang isang manuskrito ay kinakailangang ipagdasal na mapansin ng pabliser, at hindi kataka-taka na kahit ang mga awtor na Frances ay nagmamakaawa ngayong malathala sa US. Hindi ito katulad dati, na kung ibig mong manalo ng Nobel Prize in Literature, kinakailangan ka munang maisalin sa Frances, sapagkat ang Frances ang wika ng intelektuwal.

Ano ba ang nasa New York at bakit ito ang tinataguriang Mecca sa publikasyon ng mga panitikan? Matatagpuan sa New York ang 167 bigatin at independiyenteng pabliser ng mga aklat, at kabilang dito ang mga higanteng gaya ng Oxford University Press, Pantheon, Penguin Group, Picador, Random House, W. W. Norton & Company, Vintage/Anchor, Scholastic Coporation, atbp. Bilyon-bilyong dolyar ang kinikita ng industriya sa US, at noong 2014 ay kumita ito ng $27.99 bilyon.[xv] Ang isang aklat sa US sa nasabing taon ay may average na halagang $15.50 kada aklat (pulp fiction), o katumbas ng P 808.56 kada aklat; samantalang ang may matigas na pabalat (hard cover) ay $26.67 kada aklat, o katumbas ng P1,391.24 dito sa Filipinas.

Sa Filipinas, kinakailangan kang manalo sa gaya ng Palanca para mapansin ng pabliser, o kaya’y ng NBDB National Book Award upang ang iyong aklat ay magkaroon ng promosyon sa merkado, bukod sa maisasaalang-alang ng DepEd o CHED na magamit bilang sangguniang aklat, at bilhin pagkaraan ng mga aklatang akademiko sa buong bansa. Kailangan ka ring kumabit sa mga maykapangyarihan para malathala, at isang daan nito ay paglahok sa mga grupo ng mga manunulat o tagasalin. Ganito ang realidad sa Filipinas sapagkat negosyo rin ang pagsasalin.

Sa ating mga pangunahing bukstor, ang matutunghayan nating mga aklat na itinatanghal sa mga estante ay yaong na NYT Best Seller List din. Hindi susugal ang ating mga bukstor na bumili ng aklat na hindi napapansin ng New York Times, o kaya’y naisapelikula, gaya ng Lord of the Rings (1937–1949) ni J.R.R. Tolkien, at higit na papaboran ang gaya ng mga nobelang romanse kaysa antolohiya ng mga kuwento o dula, halimbawa ukol sa Lebanon. Gayunman, may ilang tindahan gaya ng Solidaridad, na maghahain ng ibang putaheng pampanitikan. Ang ibang tindahan ay nagbebenta ng mga segunda manong aklat na hinakot wari sa ukay-ukay o tambakan ng basura sa US. Kahit ang mga isinasaling aklat ng KWF ay makikita rin ang bersiyong Ingles sa gaya ng National Bookstore. Mahilig tayong manggaya, at kung minsan, hindi natin alam na inilalathala yaon nang hindi sinusuri nang maigi ng pabliser at pinagbabatayan lámang kung mabilis tumakbo ang aklat sa merkado.

Nakatatakot ang ganitong pangyayari. Halimbawa, kapag isinalin sa Filipino ang To Kill a Mockingbird (1960) ni Harper Lee, masasagap ng mga Filipino kahit ang rasistang pagtanaw at ang pangingibabaw ng puti sa itim na lahi, at ang puti ay waring siyang laging tagapagligtas ng itim o Negro na umiiral lámang para magdulot ng kaliwanagan sa puti.[xvi] Estereotipo at walang latoy ang pagkakalarawan sa mga Negro sa nobelang ito, at waring umiiral para kaawaan ng puti, pansin ng sanaysayistang si Anjali Enjeti.

Usapin sa Karapatang-intelektuwal

Nagkakaroon pa ng suliranin kapag pinag-usapan ang mga intelektuwal na pag-aari sa mga akda, kayâ ang isang banyagang akda ay hindi agad makatagos sa ating wika dahil sa lintik na legalidad. Ang isang pabliser o tagasalin ay kinakailangang humingi ng permiso (at magbayad) sa mga kontemporaneong awtor o kaya’y pabliser o fundasyon nito para maisalin sa Filipino o katutubong wika ang kanilang akda. May kontrata sa pagsasalin at paglalathala, at ito ang pahirap sa panig ng mga lokal na pabliser. Wala sanang problema sa aspektong ito. Ngunit kung ang legalidad lagi ang pagbabatayan para tayo makapagsalin, maipagkakait sa atin ang mayamang malig ng daigdig. Sa aking palagay, ang pagsasalin ng mga kontemporaneong akda na mula sa maykayang bansa ay hindi dapat masagkaan ng usaping pinansiyal. Kinakailangang manghimasok kahit ang ating gobyerno—sa pamamagitan halimbawa ng KWF o NBDB o NCCA— para makapagsalin nang walang humpay ang mga Filipino.

Ang isa pang sagabal ay umaabot o lumalampas kung minsan ng isang buwan ang isang awtor o pabliser kung pahihintulutan nito ang pagsasalin ng kanilang akda. Kung ikaw ay matatakuting lokal na pabliser ay masisiraan ka ng loob sa labis na bagal ng pagsagot mula sa hinihingan ng permiso, bukod sa mahal ang bayad sa karapatan sa pagsasalin. Ang ginagawa ng ilang lokal na pabliser ay isaad na ang salin ay nakalaan para sa layuning pang-edukasyon lamang.

Kung babalikan ang kasaysayan ng pagsasalin sa Filipinas, walang ganitong problema noon. Halimbawa, noong bungad ng siglo 20 ay nailalathala sa mga pahina ng El Renacimiento at Muling Pagsilang ang mga tula ni Eugene Field at ni Emperor Mutsuhito nang walang hinihinging permiso mula sa mga orihinal na awtor. Editor at peryodista si Field, na mahilig sumulat ng tulang pambata, bukod sa ang ilang tula ay nilapatan ng musika o kaya’y ilustrasyon, at kabilang sa St. Louis Walk of Fame. Samantala, si Emperor Mutsuhito ang ika-122 emperador ng Japan, at sa kaniyang pamamahala ay napaghunos niya ang kaniyang bansa mula sa pagiging bukod tungo sa pagiging bukás at moderno.  Ang pagsasalin ng mga tula, kuwento, at dula ay sisigla bago at makaraan ang Ikalawang Digmaang Pandaidig, at magsasagawa pa ng mga patimpalak, gaya ng timpalak ng salin ng Don Quixote ni Miguel Cervantes. Magwawagi ang grupo nina Dionisio San Agustin, Cirio H. Panganiban, Teodoro E. Gener, at Buenaventura G. Medina dahil sa kanilang rendisyon ng  Ang Palaisip na maharlikang si Don Quijote de la Mancha (1940). Ang nakapagtataka’y hindi na nakapaglabas ng iba pang modernong salin ng Don Quixote na aangkop sa kasaluyang panahon.

Mahalaga ang Don Quixote sapagkat ito ang kauna-unahang modernong nobela na kinilala sa buong daigdig. Ang pinapangarap noong España ni Don Quixote ay may toleransiya, na ang mga kultura ng Kristiyano, Hudyo, at Muslim ay umiiral nang magkakatabi at payapa, imbes na magkakabukod, nagbabakbakan, at watak-watak. Mula sa pagsasanib ng mga kultura, ani Tariq Ali, ay sumilang ang kulturang Al Andalus (Muslim Spain o Muslim Iberia). Si Miguel de Cervantes, na nagkukuwento ng buhay ni Don Quixote, ay nagsaad na hindi sa kaniya nagmula sa kuwento bagkus sa isang Moro. Ang nobela kung gayon ay mahihinuhang hindi basta ukol sa pagiging kabalyero o matapat na Kristiyano (dahil nabaliw si Don Quixote sa kababasa ng mga basurang librong romanse na mahihinuhang doble-karang aklat relihiyoso), bagkus hinggil sa pagsasaharaya ng isang ideal na daigdig na higit sa maihahain ng isang pananalig o kultura.

Paglampas sa Legalidad

Ang kinakailangan ng ating bansa ay makalundag sa legalidad na may kaugnayan sa karapatang intelektuwal nang sa gayon ay makapagsalin nang malaya ang malaking populasyon ng mga Filipino. Sa panig ng KWF, imbes na magsalin ito ng sertipiko at ilang dokumento mula sa ibang ahensiya ng gobyerno, ito ay dapat gumagawa ng mga patakaran at patnubay na batay sa saliksik upang ang pagsasalin ay maging malaya at katanggap-tanggap sa mga unibersidad at kolehiyo, bukod sa mahimok ang mga pribadong indibidwal o korporasyon o kaya’y grupo ng mga pabliser na mag-ambag sa pagsasalin.

Ang programa sa pagsasalin ay maaaring isaalang-alang ang paglalathala ng 5,000 titulo o higit pang aklat sa loob ng tatlo o limang taon, sa tulong ng mga estadong unibersidad at kolehiyo, at may subsidyo mula sa gobyerno o pribadong sektor. Ang isa pang magagawa ay muling buhayin at gawing obligatoryo ang mga kurso sa pagsasalin, upang ang pagsasalin ay hindi lamang maging elective subject sa kolehiyo o senior high school bagkus isang nagsasariling larang.

Kung ang bawat Estadong Unibersidad at Kolehiyo ay makapaglalabas ng isa o dalawang salin ng mga akdang internasyonal kada taon, malulutas ang problema natin ukol sa panitikang pandaigdig sa loob ng limang taon.

Nakalulungkot na kung babalikan ang librong Apat na Siglo ng Pagsasalin, ang Bibliograpiya ng mga Pagsasalin sa Filipinas (1593-1998), ni Dr. Lilia F. Antonio, matutunghayan doon na may tinatayang 1,060 titulo ng mga akda ang naisalin sa Filipino. Sa loob ng apat na siglo, pansin nga ni Dr. Mario I. Miclat, halos dalawang aklat o titulo kada taon ang naisasalin sa loob ng 400 taon.[xvii] Higit na marami pa rito ang isinasaling aklat pampanitikan sa Ingles sa US sa loob ng limang taon (2008-2017), at walang sinabi sa mga salin sa wikang Arabe. Mahihinuha na sa estado ng pagsasalin sa Filipinas, ang pagiging makitid ng ating pagtanaw sa daigdig ay tumitingkad, at hindi maikukubli ang ating saliwang pagpapahalaga ukol sa panitikan at mga wika ng daigdig, o kaya’y sa edukasyon sa pangkalahatan.

Pagsasalin bilang Pangkatang Gawain

Kailangan nating tanggapin na ang pagsasalin o ang paghahasa sa mga tagasalin ay hindi lamang trabaho o tungkulin ng KWF. Hinihingi ng panahon na buksan natin ang ating loob at isip hinggil sa posibilidad ng malawakang pagsasalin, na pinopondohan nang malaki ng gobyerno at tinatangkilik ng pribadong sektor, para sa kapakanan ng ating mga estudyante at guro. Binuksan ko ang usaping ito sapagkat kung nais nating pasiglahin ang pagtangkilik sa mga banyagang panitikan, kinakailangan nito ang katumbas na pagsisikap ukol sa pagsasalin.

Sa mikrokosmong pagdulog, ang isang guro na makapagtuturo nang mahusay na pagsasalin, ay maaaring makahikayat sa buong klase niya na binubuo ng 50 kabataan na bumuo ng mga salin. Ang pagsasalin ay maaaring maging pangkatang gawain, at kung ang bawat pangkat ay may tiglilimang kasapi, makabubuo agad ng 10 akdang salin na maituturing na antolohiya at maaangking proyekto ng lahat. Ang proseso ng pagtuturo ay maaaring nasa anyo ng palihan [workshop], at hindi mahalaga ang pagtatamo ng mataas na grado bagkus ang pagkatuto sa esensiya ng pagsasalin. Bukod pa rito ay matuturuan ang mga estudyante kung paano tumanaw ang isang editor ng antolohiya, na hindi lamang maalam sa wika, bagkus sa konsistensi sa estilo, anyo, at gamit ng mga salita o jargon.

Ang modernong rebolusyon na may kaugnayan sa mass media at Internet ay nakapag-ambag nang malaki sa pagsasalin. Pinalitan ni Mark Zuckerberg si Johanne Gutenberg, at dinanas natin kahit ang masaklap na pangyayari ukol sa mga pekeng balita at akda. Ngunit higit pa rito, ang Internet ay nagpapadaloy ng malayang impormasyon, kaya ang isang akdang banyaga ay maaaring magkaroon ng katumbas sa Filipino sakali’t ito’y isalin at ilathala sa elektronikong paraan. Kung gagamitin sa positibong paraan ang Internet, ang mga salin sa Filipino ay maipalalaganap nang lubos hindi lamang sa Filipinas bagkus maging sa iba’t ibang panig ng daigdig.

Sa isang klase ng mga estudyante, ang Internet ay maaaring maging lunsaran ng isang kolektibong publikasyon at dito matitingnan ng guro ang progreso ng kaniyang mga estudyante. Ang paglalathala—sa ayaw man natin o gusto—ay hindi lámang matatagpuan sa palimbag sa papel na pamamaraan, bagkus sa elektronikong paraan. Mahalaga pa rin sa aking palagay ang mga imprenta, ngunit  hindi matatawaran ang impormasyong teknolohiya na higit na nagiging malaya ang pagtatamo ng akdang pampanitikan mula sa iba’t ibang bansa, at makapagpapadali sa gawain ng mga estudyante.

Sa mga paaralan na hindi pinapalad na maabot ng Internet, ang magagawa natin ay ang pagbabalik sa lumang paraan ng pag-aaral. Kabilang dito ang paglalaan ng oras sa pagbabasa ng mga aklat, ang pagpapalalim ng bokabularyo ng bawat kasapi, ang talakayan sa loob ng pangkat hinggil sa nilalaman o anyo ng akda, at ang pagsasaalang sa lente ng pagbasa, halimbawa kung ano ang nararapat na pagdulog o teorya na magagamit sa pagbasa. Matuturuan sa ganitong paraan ang mga estudyante nang walang pakialam sa mga grado o award, at ang higit na mahalaga ay naitatampok kung naunawaan nga ba talaga ng isang estudyante ang aklat na kaniyang binása.

Tungo sa Ibayong Pagsasalin

Ang isang university press sa Filipinas ay masuwerte nang makapaglimbag ng 2-3 na titulong salin sa isang taon. Kung ang nasabing palathalaan ay madaragdagan pa ang salin at maging 20 kada taon, mapupuwersa ito tungo sa malikhaing promosyon at distribusyon ng mga aklat. Ngunit hindi ito nagaganap. Hindi na sapat ngayon ang maglathala ng 500-1,000 sipi, bagkus panahon nang maglathala ng tig-25 libong sipi bawat titulo upang madaling maabot ang pangarap na 1 milyong aklat kada taon.

Kapag pinag-aralan na ang konsepto ng pandaigdigang panitikan pagsapit sa mga silid aralan ay nagkakaroon na ng problema kung iuugnay dito ang wika o mga wikang pinagmumulan ng nasabing larang. Ito ay sapagkat ang pandaigdigang panitikan ay nakasalalay sa wika ng pinagsasalinan, pansin ni Tariq Ali, at depende sa volyum ng salin ng mga akda ay mababatid natin kung ano ang nilalaman ng mga malikhaing akda sa iba’t ibang panig ng daigdig. Halimbawa, hindi kilala sa Filipinas si Adonis (Ali Ahmad Said Esber) na isang rebeldeng makata ng Syria, kahit ang taong ito ay tinitingalang pinakadakilang makata sa modernong panahon sa hanay ng mga bansang ginagamit ang wikang Arabe. Ang kakatwa’y ni hindi siya manalo ng Nobel Prize in Literature (at nauna pa si Bob Dylan), subalit hindi ako nagtataka dahil ang nasabing parangal ay mula sa umimbento ng dinamita na kung hindi lumipol ng mga tao kapag may digmaan ay ginagamit sa pangingisda ng mga tiwaling propitaryo.

Ang Filipino, at iba pang pangunahing katutubong wika sa Filipinas, ay dapat magkaroon ng programadong pagsasalin ukol sa panitikang pandaigdig, na ang network ay tumatagos hanggang pamayanan, upang maunawaan ang sari-saring kultura at kasaysayan ng bawat bansa o nasyon, at nang lumawak ang ating pagtanaw bilang mamamayang kabilang sa sandaigdigan at bilang isang Filipino.  Ang trabaho ng pagsasalin ay hindi nangangailangan ng titulong Masterado o Doktorado, bagkus ay patuluyang pagsasanay sa mga aktuwal na pagsasalin na mailalathala sa papel o sa elektronikong anyo. Ito ay upang salungatin ang namamayaning gahum ng globalisasyon na “walang pakialam” sa kultura, bagkus kumita.

Waring hindi nasusupil ang agos ng intoleransiya mula sa malalaking negosyo, at ang nakikita nating problema kahit sa diskurso ng “bagani” ay dahil sa ating baluktot na pagtanaw at mala-Hollywood na pagdulog sa ating mga aliwan, gaya ng telenobela, pelikula, at timpalak sa telebisyon. . . .

Ibig kong wakasan ang aking papel sa pagsasabing ang panitikan saanmang bansa ito nagmula ay nagiging pandaigdigan pagsapit sa Filipinas kapag ito ay naisalin sa Filipino o sa mga katutubong wika ng Filipinas. Sa pagsasalin, ang isang banyagang akda ay nagkakaroon ng lokal na testura at kulay, upang umangkop kahit paano sa konsepto na taglay ng wikang pinagsasalinan. Kung hindi ito magaganap, mananatiling nasa literal na pakahulugan ang salin, at lilitaw ang kahinaan ng isang akda kahit hindi karapat-dapat ang gayong pagtaya. Nakatutulong din ang pagsasalin para umunlad ang mga lokal na panitikan hinggil sa korpus ng mga salita, pakahulugan, at pahiwatig, at lumawak ang ating pagtanaw sa daigdig.

Sa ating panig, hinihintay tayo ng panahon na mag-ambag sa ating sari-sariling mga pamamaraan. Huwag na tayong umasa pa sa gobyernong bulok, o ipinapalagay ng ilang kritiko, na bulok.  Sapagkat sa bandang huli, ang importante ay may masimulan, anuman ang antas ng ating kaalaman at kasanayan ukol sa pagbabasa, pagsusuri, at pagsasalin ng mga akdang dayuhan. Ang pagsasaayos ng ating kurikulum ukol sa pandaigdigang panitikan ay tungkulin nating lahat, at kung gayon, natural na hinihingi ang inyong pakikiisa sa ganitong gawain.

Mga Talâ

[i] Silk Road—sinaunang ruta ng kalakalan, mulang China hanggang Turkey at Mediterannean. Ang ruta ay aabot Ewropa, Arabia, at Hilagang Africa.

[ii] Dakilang manunulat mulang Germany, isinilang noong noong 1749  at yumao noong 1832.

[iii] Hendrik Birus, “The Goethean Concept of World Literature and Comparative Literature” page 2 of 8 CLCWeb: Comparative Literature and Culture 2.4 (2000), p. 2.

[iv] Ibid, p. 3.

[v] Eckermann, Johann Peter. Gespräche mit Goethe in den letzten Jahren seines Lebens. Ed. Regine Otto and Peter Wersig. Berlin: Aufbau, 1987, p. 198. Matatagpuan din sa Hendrik Birus, “The Goethean Concept of World Literature and Comparative Literature” p. 8 CLCWeb: Comparative Literature and Culture 2.4 (2000).

[vi] British-Pakistani na manunulat at intelektuwal, at kinikilalang kritiko at historiyador sa kasalukuyan.

[vii] Complete Database Translation, na may petsang 13 Agosto 2017, at nalathala sa Three Percent: A Resource for International Literature at the University of Rochester, hinango noong 30 Marso 2018, 10 am.

[viii] Basahin ang The Arabist, sa https://arabist.net/blog/2010/11/4/new-numbers-on-translations-into-arabic.html na hinango noong 13 Agosto 2017, 10 am.

[ix] Basahin ang “These are the most powerful languages in the world,” na nalathala sa World Economic Forum noong 2 Disyembre 2016. Tingnan ang https://www.weforum.org/agenda/2016/12/these-are-the-most-powerful-languages-in-the-world/ na hinango noong 26 Marso 2018, ganap na alas-onse ng gabi.

[x] Hango sa lektura ni Tariq Ali na pinamagatang “World Literature and World Languages,” sa University of London noong 2013. Mapapanood ito sa https://www.youtube.com/watch?v=NaP0KEwdGro.

[xi] Mula sa International Monetary Fund (IMF). Basahin ang  http://www.imf.org/external/np/exr/ib/ 2000/041200to.htm, na hinango noong 30 Marso 2018, 9:22 am.

[xii] NBDB, daglat ng National Book Development Board.

[xiii] Basahin ang introduksiyon ni Roberto T. Añonuevo sa salin ng nobelang La Hija del Cardenal ni Felix Guzzoni (Ang Anak ng Kardenal) ni Gerardo Chanco na inilathala ng Ateneo de Manila University Press noong 2007. Ang Aklatang Bayan ay binubuo ng 42 manunulat na Tagalog, na ang karamihan ay marunong magsalin ng akdang nasusulat mulang Español, Ingles, Aleman, Frances, Hapones, atbp.

[xiv] Basahin ang “Mensahe sa PAKSA Hinggil sa mga Tungkulin ng mga Kadre sa Larangan ng Kultura,” ni Prof. Jose Maria Sison, at may petsang 20 Disyembre 1971. Muling nalathala sa Aklatang Tibak (https://aklatangtibak.files. wordpress.com/2017/05/mensahe-sa-paksa-hinggil-sa-mga-tungkulin-ng-mga-kadre-sa-larangan-ng-kultura.pdf) na hinango noong 29 Marso 2018, 7:27 pm.

[xv] Hango sa datos ng GBO New York, German Book Office. Matutunghayan sa https://buchmesse.de/images/fbm/dokumente-ua-pdfs/2016/book_market_us_jan_2016_56617.pdf na hinango noong 2 Abril 2018, 4 pm.

[xvi] Basahin ang maikling kritika ni Anjali Enjeti na pinamagatang “It’s time to diversify and decolonise our schools’ reading lists,” na nalathala sa Al Jazeera.com. Tingnan ang https://www.aljazeera.com/indepth/opinion/time-diversify-decolonise-schools-reading-lists-180318100326982.html na hinango noong 31 Marso 2018, 1:02 am.

[xvii] Basahin ang “In Focus: Translations into Filipino,” ni Mario I. Miclat, Ph.D., na nalathala sa websayt ng National Commission for Culture and the Arts noong 26 Pebrero 2015.  Matutunghayan sa http://ncca.gov.ph/about-culture-and-arts/in-focus/translations-into-filipino/ na hinango noong 30 Marso 2018, 4:48 pm.

Ang Sértipiko bilang Talâ sa Kasaysayan, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Sértipiko bilang Talâ sa Kasaysayan

Roberto T. Añonuevo

May silbi bilang puwang sa pag-aaral ng panitikan at kasaysayan ang pagbabalik sa mga sertipiko na tinanggap ng mga pinarangalang manunulat. Ang parangal, sa isang panig, ay sadyang nakapagbibigay ng prestihiyo sa manunulat, lalo kung ang nagbibigay ng parangal ay kagalang-galang at tinitingala sa lipunan. Ngunit sa kabilang panig, nakikinabang din ang isang institusyon o ahensiya sa pagbibigay ng parangal sa isang manunulat, lalo kung ang manunulat na ito ay hindi matatawaran sa kadakilan, sapagkat nalulugar ang nasabing institusyon o ahensiya para maanggihan ng popularidad ng pinararangalan.

Nagkakatalo ang lahat sa tekstong inilalahok sa sertipiko o plake. May ilang institusyon na isinasaad lámang ang ginawang serbisyo ng manunulat, at masasabing de-kahong pagkilala; may iba namang inililista ang mahahalagang ambag nito, at nagkasiya sa pagkatalogo ng mga nagawa o tagumpay. Samantala, may ibang institusyon na dahil sa komposisyon ng lupon nito ay nakalilikha ng pambihirang pagpaparangal sa manunulat dahil sa mga walang kamatayang salitang sadyang kumikilala sa ambag ng nasabing manunulat sa panitikan at kasaysayan.

Isa si Iñigo Ed. Regalado sa mga binigyan ng maraming parangal at papuri sa kasaysayan ng Filipinas, ngunit ang iba’y naiwaglit, naitapon, o nawala sa kung anong dahilan sa paglipas ng panahon, samantalang ang ibang natitira’y matatagpuan ngayon sa Ateneo de Manila University Library. Sinikap ko noong masagip sa ganap na paglalaho, at maisalin pagkaraan sa nasabing aklatan ang mga akda at memorabilya ni Regalado sapagkat hindi na ito maalagaan ng kaniyang mga kaanak.

Narito ang isang sipi mula sa plake ni Regalado, na ibinigay ng Malacañang Palace noong 1966, at nilagdaan nina Carlos P. Romulo (Chairman, The National Independence Day National Committee), Patrocinio Velenzuela (Chairman, Republic Cultural Heritage Awards Sub-Committee), at Francisco Arcellana (Chairman, Sub-Committee on Literature):

“The Independence Day National Committee upon the recommendation of the Republic Cultural Heritage Awards Sub-Committee, the Independence Day National Committee of the Republic of the Philippines, hereby awards this PLAQUE to Iñigo Ed. Regalado, dean of Filipino men of letters, the last of the giants of the Tagalog novel and our only surviving classic, for a truly distinguished body of work in Tagalog in scholarship and criticism—the first definitive study of the Tagalog novel, in translation—from the Spanish of Rizal, in verse and in fiction, specially novel, Madaling Araw, one of the truly great novels in Tagalog. . . .”

Naaangkop ito kay Regalado, lalo kung ang sumulat ng parangal ay nagmula kay Arcellana, na magiging Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan sa paglipas ng panahon. Ang kakatwa’y tinanggihan mismo ni Regalado kahit maging kandidato para maging National Artist, sapagkat para sa kaniya’y hindi dapat nangangampanyang parang politiko ang isang manunulat para kilalanin ng madla. Ibig sabihin, ang kaniyang mga obra at kontribusyon sa lipunan sa iba’t ibang kapasidad ay sapat nang testamento sa kaniyang kadakilaan.

Noong 1969, hahandugan ng Gantimpalang Pampanguluhan ni Pangulong Ferdinand E. Marcos, sa tagubilin ng Civic Assembly of Women of the Philippines na pinamumunuan ng batikang abogado Josefina Phodaca-Ambrosio, si Regalado. Pambihira ang banggit sa kaniyang sértipiko, na lagom wari sa kaniyang mga talambuhay:

Dahil sa kanyang mahalagang abuloy sa Panitikan ng ating bayan sa pagsusulat niya ng mga tula at mga nobelang maitatangi;

Dahil sa may 25,000 mga sanaysay, editorial, pitak at iba pang lathalaing sinulat niya na nagtatampok sa ating kultura sa iba’t ibang magasin at pahayagang kanyang pinamatnugutan sa loob ng mahigit limampung taon;

Dahil sa kanyang ulirang paglilingkod bilang konsehal at pangulo ng Hunta Munisipal ng Maynila sa loob ng labinlimang taon bago magkadigmaan;

Dahil sa kanyang sikap at malasakit sa ating wikang pambansa, hindi lamang sa pagsusulat, kundi sa pagtuturo nito sa kabataan ng bansa sa ating mga pamantasan hanggang sa kasalukuyan. . . .

Kung totoo ang tantiya ng lupon ng gawad, si Regalado ay nakasulat ng 500 akda kada taon sa loob ng 50 taon, at ito ay hindi imposible dahil wala namang bisyo si Regalado, kung hindi ang lingguhang dibersiyon lamang sa karera ng kabayo sa ipodromo ng Santa Ana, Maynila. Hindi magtatagal at lalabò ang mga mata ni Regalado, at halos mabulag, at kaya tatanggihan niya pagkaraan ang mga imbitasyon, gaya sa pagiging hurado sa mga pambansang timpalak pampanitikan.

Ibibilang si Regalado na isa sa pitong haligi ng Sentrong Pangkultura ng Pilipinas, at ipapaloob sa kapsula ang kaniyang mga piling sinulat.

Ang ibang sértipiko ng parangal ni Regalado ay sulat-kamay na kursibo ang anyo, gaya sa mga sertipiko na ibinibigay noon ng Palanca Memorial Awards for Literature at University of Santo Tomas. Maihahalimbawa rito ang bigay ng Pamantasang Centro Escolar noong 1966, na nilagdaan nina Pilar Hidalgo Lim (Pangulo ng Pamantasan), at Paz Policarpio-Mendez (Dekana, at Pangulo ng Lupon sa Pagpili); at ang parangal ng Panitik ng Kababaihan na ibinigay noong 1956 at nilagdaan nina Nieves Baens del Rosario (Pangulo, Panitik ng Kababaihan), Ligaya Perez (Kalihim ng Panitik ng Kababaihan), at Hilaria Labog (Tagapangulo ng Lupong Tagahirang). Ang mga babaeng ito ay mga premyado ring manunulat ng kanilang panahon.

Masarap tumanggap ng parangal, lalo kung ang parangal ay tapat at makatotohanan, at kusang ibinibigay nang walang halong politika o pamomolitika. Mainam din ito kung mahusay ang pagkakasulat sa parangal at hindi basta bola lamang ng kung sinong kagawad sa lupon ng gawad. Kung hindi matatamo ang ganitong mga katangian, kahit si Regalado ay tatanggihan ang gawad o parangal, sapagkat higit na mahalaga ang pagpapanatili ng malinis at dalisay na pangalan, kaysa tumanggap ng panandaliang popularidad.

File:Inigo Ed Regalado.jpg

Iñigo Ed. Regalado.

Paglingon sa “Ang Sawá” ni José Corazón de Jesús

Paglingon sa “Ang Sawá” ni José Corazón de Jesús

Roberto T. Añonuevo

Sa unang malas ay maituturing na ehersisyo ng paglingon sa tradisyon ng awit at korido ang mahabang tulang pinamagatang “Ang Sawá” (1920) ni José Corazón de Jesús, ang dakilang makatang Tagalog na humuli sa guniguni ng taumbayan nang higit pa marahil kay Balagtas. Ngunit ang nasabing tula ay hindi simpleng bunga ng romantikong pagtanaw sa daigdig ng prinsesa at prinsipe, tulad sa telenobela. Ang tula ay maibibilang na halimbawa ng kontra-kuwentong ada o anti-fairy tale (na katumbas ng Antimärchen na unang ipinakilala ni Andrè Jolles), at lumilihis sa nakagawiang kabalyerong romanse sa Ewropa, at lumalampas sa pantastikong pakikipagsapalaran o makarelihiyosong damdaming hatid ng kolonisasyong Español, bukod sa bumabalì sa kumbensiyong itinadhana ng tradisyonal na awit at korido sa Filipinas.

May anim na yugto o awit ang tulang “Ang Sawá” na ang pagkakahati ng mga taludtod ay nagtatangkang lumundag sa wawaluhing pantig ng korido at lalabindalawahing pantig ng awit. Sabihin mang ang putol ng mga salita ay waring pagkukubli lámang sa tradisyonal na tugma at sukat ng panulaang Tagalog, ang nasabing taktika ay mahihinuhang iniaayon sa allegro tempo o mabilis ang kumpas, kung pagbabatayan ang putol ng mga taludtod na naglalaro sa apat at walo, at pagkaraan ay lumilipat sa andante tempo tuwing nasisingitan ng labindalawa at labing-anim na bilang ng pantig ang mga taludtod para basagin ang pagiging monotono ng indayog ng mga tunog. Pumapabor ang nasabing taktika sa piyanista o mang-aawit o mambibigkas, sapagkat ang buong tula ay hindi nakapadron sa Balagtasan na pagsapit pa lamang ng taon 1924 magsisimulang sumikad.

Ipinakilala sa unang yugto ang pangunahing tauhan na si Tarhata. Si Tarhata ay prinsesang anak ni Sultan Ormalik, at nagtataglay na pambihirang rikit, layaw, at ringal, bukod sa masigla at masayahin. Ngunit dadapuan ng malubhang sakit ang dalaga isang araw, at ang kaharian ay malulumbay sa sinapit na kapalaran ng prinsesa. Sa ikalawang yugto, mababalisa ang Sultan at magpapahanap ito ng mga dakilang manggagamot at pantas ngunit mabibigo pa ring magamot ang prinsesa. Magbabago ang kalooban ng Sultan, na ang kabagsikan ay mahahalinhan ng karupukang hatid ng kalungkutan. Nang sumuko na ang lahat, nagmungkahi sa hari ang isang alila ni Tarhata mula sa liping Ita na ang tanging makagagamot sa maysakit ay ang pag-inom ng dugo ng sawang bitin. Sa ikatlong yugto, si Tarhata ay gagaling sa sakit, at muling magliliwaliw sa gubat na sakop ng kaharian. Mapupulot niya roon ang isang munting sawá, na kaniyang kagigiliwan at aalagaan doon sa palasyo. Ituturing ng prinsesa na gaya ng tao ang sawá, at magiging maamò ito na parang may pagliyag din sa prinsesa.

Ang gusot sa salaysay ay magsisimula sa ikaapat na yugto. Mababalitaan ni Tarhata si Prinsipe Madagaskar, na isang Moro mulang Kanluran at tanyag sa pagiging matapang na kabalyero at nagwagi pa sa torneo ng Damasko. Papangarapin ng dilag ang binata, at unti-unting mababaling ang pansin ng prinsesa mula sa sawa tungo sa nasabing lalaki. Sa ikalimang yugto, magkakatotoo ang iniisip ni Tarhata at darating sa palasyo si Prinsipe Madagaskar upang manligaw at hingin ang kaniyang kamay. Sa ikaanim na yugto, maghahatid ng dote ang prinsipe para sa prinsesa, at magdiriwang ang buong kaharian dahil sa napipintong pagpapakasal nina Tarhata at Madagaskar. Ngunit bago ang oras ng kasal, naisipan ng prinsesa na dalawin ang kaniyang alagang sawá upang magpaalam. Matapos hagkan ang alaga, at anyong tatalilis na ang dalaga, biglang nilingkis ng sawá ang prinsesa hanggang sa ito’y mamatay.

Ang trahikong wakas ni Tarhata ay katumbalik ng motif sa mga namamayaning awit at korido, na ang babae ay magwawagi sa kabila ng mga pambihirang pagsubok, gaya sa Constance Saga, alinsunod sa pag-aaral ni Alfred Bradley Gough. Sa Filipinas, ayon na rin sa saliksik ni Damiana L. Eugenio, maihahalimbawa ang koridong Buhay ng Kawawa at Mapalad na Prinsesa Florentina sa Kahariang Alemanya, na ang hari ay pagnanasahang pakasalan kung hindi man lurayin ang kaniyang anak na babae, na magiging resulta upang tumakas ang dilag tungo sa kung saan-saang pook, at tutulungan ng mga milagrong sobrenatural mula sa Kristiyanong pananalig, makatatagpo ng angkop na binata, at sa wakas ay magbabalik sa kaharian upang tamuhin ang pagpapalà at kasaganaan dahil sa pagiging matuwid.

Sa tula ni De Jesus, ang hari ay hindi kinakailangang pagnasahan ang dalaga niyang anak, na taliwas sa Constance Saga, at sa halip ay ipinamalas pa ang kaniyang pusong mamon pagsapit sa pagkalinga sa anak. Ang kamalayan ng prinsesa at ng hari ay magkakaroon ng transpormasyon dahil sa pagkakasakit at pagkaraan ay paggaling ng dalaga, at hanggang sa pag-aalaga ng sawá. Ngunit ang kanilang kamalayan ay may kaugnay na limitasyon, gaya ng pagtanaw ng naghaharing uri sa hayop na mahuhuli nito. Para sa prinsesa, ang sawá ay isang laruan o kaya’y kaibigan gaya ng tao; ngunit sa punto de bista ng sawa, ang pagkakakulong nito sa palasyo ay isang pagsalungat sa kalikasan nito bilang hayop at nilalang na dapat ay nasa gubat para panatilihin ang siklo ng búhay. Sa ganitong pangyayari, sinasagkaan ng prinsesa ang kalikasan, at kahit ano pa ang uri ng kaniyang pag-aalaga sa sawá, iyon ay maituturing na taliwas sa itinadhana ng kosmikong kamalayan.

Ang isa pang elemento ng pagiging kontra-kuwentong ada ng tula ni De Jesús ay ang pagkasangkapan sa katutubong talino ng Ita. Sa koridong Ibong Adarna, halimbawa, ang labindalawang Negrito ay pinaglaruan ng hari. Ang ganitong rasista at kontra-katutubong pagtanaw, gaano man kaikli ang banggit sa nasabing korido, ay dapat tinutuligsa sapagkat lumalapastangan ito kahit sa iba pang pangkat etniko na matatagpuan dito sa Filipinas. Kung babalikan ang tula ni De Jesús, binaligtad ang pangyayari sapagkat walang nagawang lunas ang mga dakilang manggagamot at pantas ng palasyo hinggil sa sakit ng prinsesa. At isang alila pa ang magsisiwalat ng katangahan ng naturang pangkat. Sa ganitong pangyayari, iniaangat ni De Jesús ang estado ng Ita mulang alila tungong tagapagligtas, samantalang pailalim na nililibak ang estado ng mga tanyag na manggagamot at pantas.

Walang silbi sa tula ni De Jesús ang makisig at maharlikang kabalyero na gaya ni Prinsipe Madagaskar, na kahit nagwagi sa torneo o digmaan sa ibang bayan ay binigo naman ng isang sawa. Bukod pa rito, ang representasyon sa sawá ay hindi mistikal, bagkus natural, at ang sawáng lumingkis kay Tarhata ay mahahalatang nakasagap ng negatibong enerhiya mula sa dalaga nang ito’y papaalis na upang magpakasal. Sa pananaw ng mga yogi sa India, gaya halimbawa ni Sadhguru, ang mga ahas o sawá ay hindi basta nanunuklaw o nanlilingkis; ang mga ito ay umaayon sa enerhiya ng lumalapit o humahawak dito. Ang pagpapaalam ni Tarhata sa sawá ay maituturing na isang bantâ sa kaligtasan ng sawá alinsunod sa instinct nito; at marahil, kung hindi nagpamalas ng gayong damdamin (na may taglay na negatibong enerhiya) ang dilag ay maaaring hindi siya nilingkis ng sawá. Isa pang nakadagdag dito ay matagal nang nabaling ang pansin ng dalaga tungo sa binata imbes na makipaglaro sa sawá, na marahil ay magpapabago rin ng pagsagap ng sawá sa dalaga.

Ngunit ang pinakamagandang hulagway [imahen] sa tula ay ang mismong sawá. Sa pormalistikong pagtanaw, ang hulagway ay magsisimula sa mapaglarong hugis at haba ng mga taludtod, at sa indayog ng mga salitang waring gumagapang; at sa kalkuladong paglinang sa katauhan ni Tarhata, at sa makulay na paglalarawan sa hari o prinsipe. Lalawak pa ito kung isasaalang-alang ang sinematograpikong pagdulog sa mga tauhan o lunan o panahon, gaya sa videopoema, at kung paanong naisisilid ang panahon sa kakatwang espasyo at aksiyon sa anggulo ni Tarhata. Ang ganitong dinamikong paglalahad ay taliwas sa monotonong pagdulog sa tradisyonal na awit at korido sa Filipinas na pawang nakatuon sa paglinang sa masalimuot na banghay.

Sa arketipong pagtanaw, ang pagbubuwis ng dugo ng isang sawa ay magpapanumbalik ng lakas at sigla ng dalaga; ngunit isang sawa rin ang sa huli’y babawì, at lilingkis at pipiga sa dugo hanggang sa mamatay ang nasabing dilag. Naghuhunos ng balát ang sawá upang isilang muli, gaya ng bagong kamalayan, at ito ang matatagpuan sa iba’t ibang mito sa daigdig, at maihahalimbawa ang kuwento ni Demeter at ng anak niyang si Persephone. Si Tarhata na nakainom ng dugo ng sawá ay magkakaroon wari ng kapangyarihang makapangarap o makapanghulà sa hinaharap, gaya sa katangian ni Apollo, na matapos paslangin ang Delpikong Sawá ay nagkaroon ng kapangyarihang makapanghula. Sa tula ni De Jesús, ang sawá ay hindi tulad ng mga serpiyenteng niyayapakan ng mga santo, bagkus inaaruga upang ang maging estetikang silbi ay umayon sa layaw ng bumihag sa kaniya. Gayunman, maituturing na bipolar ang katangian ng sawá na puwedeng maging tulay ng búhay at kamatayan, gaya sa kasal, na masisilayan sa paniniwala ng mga pangkat etniko sa Kordilyera.

Samantala, sa Marxistang pagtanaw, ang alyenasyon ng sawa at ni Tarhata sa kani-kaniyang kalagayan ay hatid ng uring pinagmumulan nila, at kung paano umiikot ang kanilang kapalaran ay batay lámang sa mga mayhawak ng kapangyarihan sa palasyo at ng yamang taglay ng hari na makapagpapatakbo ng lipunan. Marupok bilang babae si Tarhata kung itatambis sa Constance Saga, na ang babae’y pambihirang nakaliligtas sa kapahamakan dahil sa tulong ng sobrenatural na kapangyarihan at makisig na kabalyero, ngunit ginagampanan lámang ni Tarhata ang realidad ng dalagang nagmula sa naghaharing uri. Ang dalagang prinsesang nakatakdang ikasal ay maglalaho ang katauhan bilang prinsesa at dalaga sa sandaling lingkisin, lamugin, at lunukin ng sawa. Ang sawá ang ultimong pagsasanib ng dalawang identidad, at magreresulta ng pagkalusaw ng dating identidad na naghaharing uri. Ang pagpatay ng sawá sa prinsesa ay masisipat na muling pag-angkin ng sawá sa estado nitong binihag sa mapagkandiling pananakop, at lumalampas sa panuntunan ng moralidad o ideolohiya. Hindi mahalaga kung ano ang magiging wakas ng sawá. Ang higit na mahalaga ay ang tagumpay nitong natamo sa paglaya sa hawla, at ang pagwiwika nito ng pamamaalam alinsunod sa sariling pananaw nito na taliwas sa pananaw ni Tarhata.

Ang napipintong paglamon ng sawá sa babae ay hindi simpleng prosesong biyolohiko, o pahiwatig ng pagsanib ng demonyo sa magandang katauhan ng babae, gaya sa representasyon ni Michaelangelo sa kaniyang pintura sa bobeda ng simbahan, o kaya’y sinaunang simbolo ng pagkalagot ng inmortalidad, gaya sa epikong Gilgamesh, bagkus maituturing na mapaghimagsik sa panig ng sawá na ang silbi sa kalikasan ay nasa pagiging ganap na sawá (at hindi bilang tao o diyos o sobrenatural na katauhan) para mapanatili ang balanse sa ekosistema ng daigdig.

Isang panukalang pagbasa ito sa tulang “Ang Sawá,” at marahil ay bunga lámang ng aking pagkayamot sa nakasasawàng pagkakahon at paulit-ulit na pagpatay kay José Corazón de Jesús—sa pamamagitan ng pagsipi sa makukulay na taguri at palamuti.

black and white girl hair white photography cute mystical female mystic portrait model young darkness black monochrome close up fairy tale dress gloomy fantasy princess dreamy fairy gorgeous emotion fairytale stunning young girl cute girl monochrome photography fantasy girl atmospheric phenomenon

Panitikan at Kasaysayan

Panitikan at Kasaysayan

Roberto T. Añonuevo

Ang kasaysayan ng panitikan sa Filipinas ay hindi kailanman magiging kasaysayan ng isang awtor, bagaman ang awtor na ito ay maaari ding maging pabliser, propesor, tagasalin, leksikograpo, administrador, politiko, aktibista, promotor, artista, negosyante, doktor, at iba pa, at magkaroon ng talento o kapangyarihang sumulat ng sariling kasaysayan ng panitikan, alinsunod sa kaniyang punto de bista. Ito ay sapagkat ang awtor na ito, gaya ni Homer, ay produkto ng kaniyang panahon, at ang kaniyang mga akda, gaya ng Iliad at Odyssey, ay maituturing na konstelasyon ng mga dáting kaisipang maaaring nasagap niya, na sa paglipas ng panahon ay kaniyang ginagad, kinopya, tinipon, nilagom, dinagdagan kung hindi man binawasan, at hinubog para makabuo ng isang maipapalagay na modernong katha. Ang kasaysayan ng panitikan ay hinuhugis ng kalipunan ng mga manunulat—sa loob man o labas ng Filipinas—at ang mga manunulat na ito, habang malusog at malikhain ang produksiyon, ang makapagsusulong din ng kabaguhan sa panitikan sa kani-kaniyang panahon, bagaman hindi nangangahulugan yaon na ang mga manunulat na kakaunti ang nasulat ay maisasantabi agad; ito’y sapagkat ang panitikan ay hindi paramihan at pahusayan ng akda, at kung gayon ay hindi dapat ituring na de-kahong kompetisyon, gaya ng Palanca Awards, bagkus ay nakalaan para pahalagahan at kasiyahan ng lahat. Kung magkakaroon man ng tagisan sa panitikan, ang tagisang ito ay hindi lantad, at maituturing na pailalim o palihis (sapagkat ang sukdulang katunggali ng manunulat ay ang kaniyang sarili), na maaaring sipating nasa anyo ng pagpapahalaga sa pambihirang imahinasyon ng manunulat—na siya namang kinikilala ng kaniyang bayan.

Noong nakalipas na panahon, ang isang katutubong pamayanan ay maaaring magkaroon ng binúkot, at ang binúkot na ito ay kailangang maisaulo hindi lámang ang epikong bayan o ang kuwento ng kaniyang bayan, bagkus ang maituturing na kasaysayan at kultura ng pamayanan na kaniyang pinagmulan. Ang tulang kabesado ng binúkot ay hindi lamang nagmula sa kaniya, (bagaman posibleng lumikha siya nang kusa alinsunod sa abot ng kaniyang karanasan o guniguni,) bagkus produkto rin ng mga walang pangalang makata o binúkot noong nakalipas na panahon, at ipinasa sa kaniya sa pamamagitan ng araw-araw na pagsasanay kung hindi man pagsasadula. Sinasabing magwawakas ang kaniyang tungkulin bilang binúkot sa oras na sumapit siya sa edad ng pagkatigulang, at kailangan niyang magpakasal, at lisanin ang bahay na nagsilbi rin sa kaniya bilang marangya’t ligtas na bilangguan. Ang kasunod niyang tungkulin ay ang pagpapása ng kaniyang kaalaman sa sinumang napipisil na maging bagong binúkot na handa at karapat-dapat sa gayong kabigat ng tungkulin. Sa ganitong pangyayari, ang isang epikong bayan ay nagiging walang hanggahang salaysay, na gaya ng Hudhud, ay hindi matutuldukan hangga’t may isang makatang magpapatuloy ng gayong tradisyon. Isang malaking pagkakamali, kung gayon, na ituring na ang ultimo’t pangwakas na salaysay ay magtatapos sa isang binúkot, maliban na lamang kung ang binúkot na ito ay dakpin at idestiyero kung saan, o kaya’y maging sakim sa karunungan at sadyang ipagkakait ang kaniyang kaalaman sa iba sa paraang nagtatampong anghel o di-kaya’y matandang dalaga, at hindi ipapása sa susunod na henerasyon ang buong gunita ng kaniyang lipi kahit sa pasulat na paraan, kahit alam niyang sumapit na siya sa edad na dumurupok ang kaniyang mga buto, lumalalaylay ang mga lamán, at unti-unting nabubura ang memorya.

Nakalulungkot na ang panahon ng binúkot ay nagwakas na, at ito ay hinalinhan ng Artificial Intelligence (AI). Ang artipisyal na karunungang ito ay nakasalalay sa pambihirang database, at sa pamamagitan ng malikhaing eksperimento ng mga henyo, ay natuturuan ang isang kompiyuter kung paano magpanatili ng memorya, bukod sa magpamalas kung paano magpapasiya sakali’t sumapit dito ang ilang palaisipan, gaya sa ahedres. Ang pinakabagong AI ay kinakatawan ng AlphaZero na tumalo sa isang kampeon ng kompiyuter chess, at sa aking palagay ay may posibilidad na ilampaso ang gaya nina Magnus Carlsen, Levon Aronian, at Wesley So. Ang AlphaZero na nag-aral sa loob ng apat na oras ay nakáyang biguin ang maituturing na pinakamahusay na programa sa ahedres. Samantala, ang AI ay posibleng mailatag din sa panitikan sa hinaharap, ngunit sa aking palagay ay nasa paraan ng paghangò kung paano lumitaw o ginamit ang mga salita, kung paanong pinayaman ang kahulugan ng mga konsepto o diskurso, at kung paano magtitimpla ng mga salita, alinsunod sa jargon ng bawat larang o sub-kultura, o kaya’y sa paglalatag ng komplikadong banghay na may diwa ng laberinto at pala-palapag na pakahulugan. Masusubok ang AI sa paglikha ng tinatagurian ngayong mga tekstong posmoderno o poskolonyal, at ang mga eksperimento nina James Joyce, Salman Rushdie, at Gabriel García Marquez ay puwedeng maging talababà na lámang ng nakaraang panahon.

Kung babalikan ang panitikan, ang pagbubuo ng kasaysayan nito ay hindi simpleng pag-iimbak sa database ng lahat ng nasulat na panitikan, gaya sa Project Gutenberg, sapagkat ang panitikan ay hindi nagwawakas sa pasulat na tradisyon, bagkus kailangang isaalang-alang din ang mga tradisyong pabigkas, at ang mga materyal at artefaktong kaugnay nito sa kaligiran o pamayanan. Kailangang isaalang-alang ang konteksto ng pagkakasulat ng isang akda, at kung gayon, ang isang maituturing na grandeng naratibo ay magiging kathang-isip din, sapagkat ang naratibo ay hindi lámang maaaring magsimula sa itaas, at magmistulang didaktiko ang datíng, kundi maaari ding magsimula sa gilid-gilid [periphery], o kaya’y mula sa kailaliman [grassroots], na siyang pinag-uugatan ng malawak ngunit maralitang masa. Sa ganitong pangyayari, posibleng hindi makaiwas na basahin ang kasaysayang pampanitikan alinsunod sa humahawak ng paraan at uri ng produksiyon [ng akda], kung hihiramin ang dila ng Marxista. Halimbawa, ang isang awtor na konektado rin sa isang publikasyon, at may akses sa pondo mulang pribado hanggang panggobyernong institusyon, ay nakalalámang sa iba na hindi nagkaroon ng gayong oportunidad, bukod sa ang paraan ng kaniyang pamumuhay at pagkatha ay nahuhubog sa taglay niyang yaman at pinoprotektahang interes, gaya sa negosyo. Kung isasaalang-alang naman ang kasaysayan ng panitikan sa Filipinas, ang kasaysayang ito ay maaaring nakabatay sa pamimilì, prehuwisyo, eksentrisidad, at pasiya ng isang istoryador, alinsunod sa nais niyang pahalagahan sa pagbasa ng akda. Kayâ ang isang istoryador na mahusay sa Tagalog o Sebwano, sa isang banda, ay maaaring malimitahan sa kaniyang pagsusuri kung hindi niya isasaalang-alang ang iba pang tradisyon ng pagsulat sa gaya ng Ilokano, Bikol, Pangasinan, Mëranaw, at iba pang katutubong wika. Lalo pa siyang mahahanggahan sa pagbasa kung ang kaniyang mga kaaway sa panitikan ay iitsapuwera niya (batay man sa estetikong panlasa o personal kundi man politikong pagtanaw), at kung gayon ay hindi nailahok sa kung anong dahilan sa kaniyang mga antolohiya o kritika.

Ang pagbubuo ng kasaysayang pampanitikan ay masisipat na produkto ng kolektibong pawis at dugo ng mga manunulat. Maihahalimbawa ang Aklatang Bayan, na sinasabing itinatag noong 1910, ngunit ayon sa rekoleksiyon ni Engracio L. Valmonte ay nagsagawa ng kauna-unahang opisyal na pulong noong 9 Setyembre 1911, sa kalye Juan Luna, Gagalangin, Maynila. Ang Aklatang Bayan ay kinabibilangan ng mga bantog na nobelista, kuwentista, mandudula, at makata, gaya nina Iñigo Ed. Regalado, Julian Cruz Balmaseda, Faustino Aguilar, Rosauro Almario, Gerardo Chanco, Carlos Ronquillo, Leonardo A. Dianzon, Remigio Mat Castro, Sofronio Calderon, Pedro Gatmaitan, Valeriano Hernandez Peña, Carlos Ronquillo, at iba pa. Kabilang din sa pangkat ang mga Kapampangan, gaya nina Aurelio Tolentino at Francisco Laksamana. Ang Aklatang Bayan ay itinuturing na kapatid ng Samahan ng mga Mananagalog, na pinangunahan ni Lope K. Santos. May kabuoang 42 kasapi ang Aklatang Bayan, at sa bilang na ito ay nabago ang topograpiya ng panitikang Tagalog, kung hindi man Filipinas, sa pangkalahatan. Ang kaganapan nito ay nasa mapaghawan ngunit mahihinuhang kolaboratibong pagtatangka nina Balmaseda, Regalado, at Santos na bumuo ng mga pangunang sarbey ng mga panitikang nasusulat sa Tagalog, gaya sa nobela at tula, at pagsusumundan ng iba pang manunulat na magtutuon sa gaya ng dula, sanaysay, at musika.

Lumakas noon ang Aklatang Bayan sapagkat ang ilang kasapi ay makapangyarihang editor bukod sa mga batikang manunulat sa mga pahayagang gaya ng Taliba, Ang Mithi, at Pagkakaisa na pawang panloob ng La Vanguardia at El Ideal, ayon na rin kay Valmonte. Nakipag-ugnay din ang pamunuan ng Aklatang Bayan kay Don Alejandro Roces na nagmamay-ari ng El Ideal at Ang Mithi, at sa mga pinuno ng Lapiang Nacionalista. Tinangkilik ito ng mga gobernador, gaya nina Manuel Aguinaldo at Maximo de los Reyes ng Bataan, Lope K. Santos ng Rizal, at J. Vicente Salazar ng Nueva Ecija. Ang iba pang kasapi ay magiging politiko pagkaraan at magtataglay ng mga posisyon sa pamahalaan, gaya nina Iñigo Ed. Regalado, Antonio D. Paguia, Antonio K. Abad, Leonardo A. Dianzon, at Amado V. Hernandez. Itinatag ni Benigno Ramos ang Partido Sakdalista, samantalang si Hernandez ay nakilalang kapanalig ng Partido Komunista. Ang kataka-taka’y sa kabila ng pagkakaiba-iba sa pananalig ay may toleransiya ang isa’t isa sa pakikinig, at may kolektibong tindig laban sa tumitinding gahum ng mga banyagang wika sa mga dominyo ng kapangyarihan.

Binanggit ko ang bahaging ito ng kasaysayan sapagkat ibig ko lámang isaad na ang pagbubuo ng programa sa pagpapalathala, sa isang panig, at ang pagbubuo ng kasaysayang pampanitikan, sa kabilang panig, ay nangangailangan ng kontribusyon mula sa iba’t ibang tao, (bukod pa sa mga aktibong kasapi at pamunuan ng isang pampanitikang organisasyon,) at toleransiyang tanggapin ang iba-ibang kulay ng pananalig o politika o pinag-ugatan. Nagkakaroon lámang ng kulay ang pagbubuo ng kasaysayang pampanitikan sapagkat ang isang aktibong manunulat ay napipilitan o nahihimok maging diktador—sa tawag man ng panahon o politika o kalikasan—at maaaring maglahok ng kaniyang bersiyon ng katotohanan (na matataguriang promosyon-sa-sarili) hinggil sa kabaguhang kaniyang ginawa o ginawa ng kaniyang mga kapangkat sa uri ng panitikang nalathala, at kasalungat ng namamayaning gahum sa pagbasa at pagpapahalaga sa katutubong panitikan. Ang bersiyon ng katotohanan ay maaaring umagos sa tahas o maligoy na paraan, sa pamamagitan ng awtor mismo o kaya’y ng mga kasapakat niyang alagad, at ang katotohanang ito ay maaaring pabulaanan o salungatin ng mga susunod na kritiko, batay sa mga matutuklasang materyal na artefakto na magagamit sa pagsusuri ng mga akda. Ano’t anuman, ang isang manunulat ay hindi maaaring maging bato o newtral, o maituturing na newtral at walang pakialam. Hindi rin maituturing na newtral ang nilikha niyang grandeng naratibo ukol sa kasaysayang pampanitikan—na sakali mang magtagumpay ngayon ay maituturing na pansamantala, at inaasahang magbabanyuhay pa, sa ayaw man niya o sa gusto, sa paglipas ng panahon. Dahil hindi monopolyado ng isang manunulat ang pagbuo ng kasaysayang pampanitikan, ang kasaysayang ito ay maaaring ituring na patuluyang trabaho ng iba’t ibang isip na may sanlibo’t isang mata, para pahalagahan ang tulad ng Lupang Tinubuan, o ang dakilang santinakpan.

Pagsusuri ng Balita

Pagsusuri ng Balita

May itinuturo sa atin ang pagbabasá ng pahayagan, at ito ay may kaugnayan sa lohika. Ang lohika ng balita ang maaaring magdulot upang paniwalaan, kung hindi man pagdudahan, ang katotohanan ng mga pahayag mula sa tinutukoy na paksa. Ngunit dahil ang katotohanan ay isang mailap na bagay, at maaaring magkaroon ng iba-ibang panig, ito ay dapat sumailalim sa masusing pagsusuri ng mga mambabasa.

Halimbawa, ang pinakabagong balita mula sa Philippine Daily Inquirer na may pamagat na “Inday Sara thinks Trillanes could be ‘hooked on something’” (5 Pebrero 2018). Ang pahayag ng butihing alkalde mulang Davao ay reaksiyon sa tangka ni Senador Antonio Trillanes IV na magkaroon ng pagsisiyasat sa Senado, sa pamamagitan ng Resolusyon Blg. 602, ukol sa mga tagong yaman [ill-gotten wealth] ng Pangulong Rodrigo Duterte at ni Alkalde Inday Sara. Maaaring magpahiwatig ng sumusunod ang winika ni Alkalde Inday Sara: una, tumitira ng droga si Senador Antonio Trillanes IV, kayâ kung ano-ano umano ang pumapasok sa utak nito; at ikalawa, hindi dapat paniwalaan si Senador Trillanes sapagkat tsismis lámang umano ang kaniyang mga paratang sa Pangulo at sa kaniyang anak na alkalde.

Sa unang malas ay kahanga-hanga ang pahayag ng butihing alkalde. Ito ay dahil nagpapahiwatig ang pahayag ng tapang, samantalang sumasapol sa bayag, at nagtataglay ng paglibak sa personalidad ng senador. Ngunit kung susuriin nang maigi, ang kaniyang pahayag ay maituturing na argumentum ad hominem, na isang anyo ng pag-atake sa katauhan, motibo, at iba pang katangian ng kalaban upang pabulaanan ang mga pahayag o paratang nito. Gayunman, kahit ginawa ito ng nasabing alkalde, sanhi man ng bugso ng damdamin o iba pang dahilan, hindi ito pinagtuonan ng reporter, at sa halip, ay hinango ang mga salita ng alkalde sa maituturing na magaspang nitong anyo, at ito ang inihain sa publiko, sapagkat masarap pagpistahan.

Ang balita sa PDI ay walang kabuntot na saliksik mula sa iba pang mapagtitiwalaang impormante para linawin ang pahayag ni Alkalde Inday Sara o Senador Trillanes. Ang dapat sanang nailahok sa balita ay ang mga importanteng probisyon na tinutukoy ni Senador Trillanes mula sa Anti-Money Laundering Act, at kung bakit mahalaga ang imbestigasyon. Dahil kung hindi mahalaga ang imbestigasyon, ano pa ang silbi para pahalagahan ang umano’y tsismis na mula sa nasabing mambabatas?

Kung hindi angkop na forum ang senado para sa sinasabing imbestigasyon hinggil sa tagong-yaman ng mag-amang Duterte, ang PDI ay dapat tinukoy o iniimbestigahan kung saan ang nararapat. Bukod pa rito, dapat iniimbestigahan ang winika ni Alkalde Inday Sara na tsismis lámang umano ang mga paratang ng senador laban sa kanilang mag-ama. Kung babalikan ang Seksiyon 9, ng Batas Republika Blg. 9160, ang sinumang tao na maghahain ng maling ulat na may kaugnayan sa money laundering ay maaaring makulong mulang anim na buwan hanggang apat na taon, at pagmumultahin ng hindi bababa sa P100,000 ngunit hindi lalampas sa P500,000 alinsunod sa pasiya ng hukuman. Sa ganitong pangyayari, kahit si Senador Trillanes ay may malaking pananagutan sakali’t mali ang kaniyang paratang na ihahain sa AMLC (Anti-Money Laundering Council).

Ang “money laundering” ay maituturing na literal na pagkukulá ng mga salapi, upang ilihim ang maruruming bukál nito, na ayon sa B.R. Blg. 9160, ay maaaring nagmula sa gaya ng, ngunit hindi limitado sa, ilegal na pasugalan, kidnaping, korupsiyon, ilegal na pagbebenta ng droga, pagnanakaw, ismagling, pangungulimbat, at ibang paglabag sa batas. Sinumang paratangan ng pagkukula ng salapi ay dapat iniimbestigahan, lalo kung ang paratang ay umaabot sa milyon-milyong piso. May responsabilidad ang awtoridad na halukayin ang katotohanan, at parusahan kung sino man ang maysala. Ito ay dahil ang awtoridad ay may mandato mula sa batas, bukod sa may moral na responsabilidad bilang matapat na mamamayang nagmamahal sa bayan.

Hindi malulutas ang bangayan nina Alkalde Inday Sara at Senador Trillanes, kung hindi matitiyak ang katumpakan ng mga papeles na umano’y nagmula sa AMLC. Simple lámang ang lahat: kung magbibigay ng pahintulot si Pangulong Duterte at Alkalde Inday Sara na suriin ang kanilang mga deposito sa bangko ay tapos na ang usapan. Ngunit hindi ito madali, sapagkat may batas ukol sa pagiging lihim ng deposito, maliban kung ito ay pahihintulutang ibunyag ng may-ari ng akawnt.

Dahil palaban ang Pangulo at ang kaniyang alkaldeng anak sa isang hamak na senador, maihahakang walang mararating ang balitang nagmula sa PDI. Pulos satsatan ang naganap, ngunit walang handang magtaya ng buhay para sa bayan, maliban marahil sa peligroso ngunit politikong pagdulog ng senador. Sa ganitong pangyayari, ang lohika ng balita ay nagiging lohika ng lakas ng tinig, at naghuhunos na mapanlibak kung hindi mapagmataas, na maituturing na isang sampal kung hindi man pagyurak sa katalinuhan ng publiko.