Ikalimang Aralin, ni Roberto T. Aňonuevo

Ikálimáng Aralín

Roberto T. Aňonuevo

Malíligáw ka sa isáng rústikong kapeteryá, at sa katabíng mésa mo’y maríriníg isáng hápon ang umáatíkabóng usápan ng dalawáng laláki na ang isá’y warìng si Claude Monet na inúurírat ang likás na mundó, at ang ikálawá’y kamukhâ ni Antipas Delotavo na nagpápanúkalà ng kung anó ang magandá sa hináharáp. Hábang silá’y nag-uúsap ay magtatálo sa loób ng iyóng ísip kung ang kagandáhan ng hardín ng rósas na natátanáw mo sa bintanà ang mga rósas din na igugúhit ni Monet kung sakalì’t maligáw siyá sa Benguet; o kayâ’y ang mga mukhâ na ipípintá ni Delotavo hábang pinápatáy ang iníp doón sa Paris. “Ang kagandáhan,” wika ni Monet, “ay naikákahón sa ngayón at nakáraán, na párang áwit na kasiyá-siyáng pakinggán, gayóng kópyador at may tatlóng nóta lámang!” Lálagók múna ng kapéng bárako, at pagdáka’y tutugón si Delotavo: “Ang kariktán ay nakásalálay din sa ngayón at hináharáp, na tíla may hiwagàng magbúbunyág ng pagkábagábag.” Maglálandás sa iyóng guníguní ang kilalá mong magandá, na paná-panahóng tináwag na Beatrice o Celia o Dulcinea, ngúnit anumán ang kaniyáng pangálan ay magsásaád ng isáng tiyák na anyô, na may mga katangìang matulâin ngúnit tumátanggíng magpákilála sa entabládo o múseo—ang isáng diwàing nágkatawáng-bató makáraáng tabásin ukítin pákinísin ng éskultor. “Kung ang iniísip mong kagandáhan ay panghíhimások kung hindî man ántisipasyón sa katanggáp-tanggáp at kahalí-halína,” dagdág ni Delotavo, “ang mga rósas sa hardín ay malúluóy sa isáng igláp, at maglálahò ang lugód ng tumitítig doón dáhil ni hindî nadapùan ng paruparó’t bubúyog.” Tumugón si Monet: “Hindî mahúhulàan ang ginháwang  mahuhúgot sa likhâng-síning. Ginháwa—sa anyô man ng makalángit o makálupàng pagdulóg—ang naturál na ináasáhan sa éspasyong-panahón, na nakarárahuyò at katanggáp-tanggáp, ngúnit hindî ba itó sinadyâ, gáyong ábstrakto’t ni hindî nakápirmí ang hanggáhan ng súblimidád ng karánasán, gáya ng áting kinábukásan?” Hahabà pa ang kaniláng huntáhan, at hindî nilá mapápansíng ang hardín ng mga rósas ay untî-untîng matátakpán ng úlop pagsápit ng takipsílim. Samantála, susugál ka sa gayóng sagútan, káhit pa nangángapâ, ngúnit pagdúdudáhan kung síno ang gumágawâ ng módelo, na patúloy niláng iginugúhit sa kaní-kaniyáng ísip hábang kapuwâ silá nakatítig at nagnanása sa kariktán mong higít sa káyang ilaráwan ng mga títik at hiwátig.

Alimbúkad: Epic raging poetry against invasion and war. Photo by Pixabay on Pexels.com

Impresyon mula sa Manlalakbay, ni Roberto T. Añonuevo

Impresyón mulâ sa Manlálakbáy

Roberto T. Añonuevo

Hálos mamúwalán ng lupà ang nakápahilíg na ántigong abrám sa hardín ng mga rosál at santán—íbig mágsalitâ bágo tulúyang bawìan ng estétikang hiningá sa tabí ng babáeng kagampán at nakáupô sa batúmbuháy at naghíhintáy bagá sa káwal na bána—samantálang nanunúngaw sa ipuípo ng mga lamók ang matandâng bubúli na walâng tínag at nakátingalâ doón sa bungangà  na warì bang hinúhulàan ang ambón at bahâ. Ngúnit ipagkakánulô ng umágang sínag mulâng kaliwâ pa-kanán, na tagláy ang hágod na malamyós, mapáglarô, magaán, bukód sa may matitingkád na kúlay pástoral, ang anumáng madilím na pángitáin at sényales ng lungkót. Maráhil naságap din itó ni Camille Pissarro at naigúhit na éhersísyo sa kaniyáng kuwadérno, ngúnit nang isínasálin na niyá ang tagpô sa kámbas, walâng anó-anó’y umulán ng mga bála, bumagsák na párang bulalákaw ang mga éropláno’t bómba, lumúkob ang maitím na úsok, lumúsob ang mga tangké ng hukbó at hálos lipúlin ang lahát ng makítang aníno o hulagwáy, kayâ napilítan siyáng tumákas kung saán, dalá-dalá ang kaniyáng dî-natápos na píntura at ibá pang ináakalàng óbra máestra. Dáhil nagsawà na ang píntura ng pintór na magíng órdináryong píntura, at nábuwísit sa ikinákahóng kariktán sa púsod ng lagím, naisípan nitóng lumundág nang kusà mulâng kámbas túngong papél sa bisà ng íntersemyótikong hókus-pókus, na nagkátaóng isinúlat namán ng isáng makatàng Frances, págdaka’y isinálin sa sanlíbong wikà ng lupálop nang magkápakpák ang balità, at nang mabása isáng áraw ng pihíkang Tagálog sa wébsayt ng elektrónikong aklát na mukhâng néoimprésyonísta ay walâng pasíntabìng biniròng, “Tulâ, datapuwâ hindî magalíng!” Sumiglá biglâ ang hulagwáy nang mariníg ang gayóng puná, sapagkát nakapasá kahit paáno sa pagkámatulàin ang kaákuhán, at warìng nagkároón itó ng katwíran úpang magbíhis ng tésturang baság-baság na búbog o lámat sa padér, dumiín ang ipinátong na hágod na ánimo’y natuyông dugô mulâ sa anónimong bárbaro na itinápon sa hardín ng mga rosál at santán, dî-máipagkákailâng kagilá-gilalás ang panloób na tugmâang wagás at humáhagupít ang páhiwátig pagsápit sa pandiníg, hindî man yaón masakyán ng kóntemporáneong panánalinghagàng hinahábol ng, o tumatákas sa, kápahámakán. Nagpatúloy ang tránspormasyón ng tulâ nang higít sa únang bisyón ni Pissarro, nagpaláboy-láboy sa Kálye Líbertad, maláy na maláy sa pagkátimawà, hanggáng ang pagkámagalíng na tinágurîán ng mapánudyóng Tagálog ay warì bang nagíng katumbás ng prínsesang tinálikdán ang rangyâ at láyaw ng kaniyáng tradisyón, at nangibáng-báyan sa píling ng kabiyák—na ang pagmámahál ay hindî maáabót ng elegánteng pinsél o magárbong panulát.

Alimbúkad: Epic rolling poetry without borders. No to censorship. Yes to freedom. Yes to Poetry! Photo by W W on Pexels.com

Pag-iral ng Panauhin sa Pulo, ni Roberto T. Añonuevo

Pag-íral ng Panaúhin sa Pulô

Roberto T. Añonuevo

Ang pag-íral ay tunggalîan, at párang págpaloób sa pambansâng múseo, na másalimuót ang ugnáyan ng síning at ídeolohíya. Hindî makapágbibigáy sa iyó ng kálkuládong karunúngan, gáya sa ísports o písika o polítika, ang Spoliarium ni Juan Luna, bagkús máhihindík sa mga gládyador na kinákaladkád ng mga Rómanong káwal, mápopoót sa mga mánonoód na warì’y taksíl o bantáy-salákay, at madudúrog ang loób sa babáe at matandâng naulilà na pawàng pinipígil ng hikbî at dalámhatì samantálang umáalíngawngáw sa palígid ang nághihiyáwan sa gálak at pánlilibák. Anó ang pakialám mo sa árkitektúra ng kóliseo o sa móda ng pananamít ng mga Rómano? Walâ. Anó sa iyó ang kímikong komposisyón ng óleo at óptikong ilusyón ng mga kúlay at aníno na biníhag ng kámbas na may Éwropeong himaymáy? Walâ. Gayunmán, ang kukurót sa damdámin ay nagpápanatilì ng ugnáyan sa kaaláman hinggíl sa nakáririndí at karimá-rimárim na bakbákan, o sa halagá ng búhay na maiklî ngúnit kapaná-panabík, anumán ang urì at lahì. Ang kakatwâ sa síning, kumbagá, ay ibukás ang iyong matá sa gitnâ ng noó o bátok o pálad, sagápin ang anumáng nabigông maitalâ sa kasaysáyan ng ímperyo pagkaraán ng pagtatágis ng mga éspada at balutì, at damhín ang kung anóng pahiwátig sa réalidad ng mga bilanggông sinawîng pálad na may alusyón sa iyóng daigdíg. Samantála, ang ídeolohíya ay malímit nághahayág ng mga posisyón at dibisyón ng mga urì ng kawaní at opisyál sa ópisina na tumátanáw kay Luna at sa Spoliarium, na ipágpalagáy nang “répresentasyón ng guníguníng relasyón ng mga índibidwál sa kaniláng túnay na kondisyón ng pag-íral” sa loób at labás ng múseo. May sáhod mulâ sa bádyet ng pámahalàan ang mga kawaní at itó ang nagtitiyák sa réproduksiyón ng lakás-paggawâ sa buông múseo at sa relasyón sa réproduksiyón ng lakás-paggawâ sa loób at labás ng múseo. May sáhod ang kalupunán at itó ang nágtitiyák sa pag-andár ng ídeolohíkong áparáto ng éstado, hábang nangángalagà sa dambuhalàng óbra máestra na púwedeng magíng ópyo ng madlâ. Sa Marxistang tradisyón, wikà nga ni Althusser, ang éstado ay tinatanáw na mapanúpil na áparáto. Kailángang manúpil ng éstado úpang makaíral itó, at kailángan nitó ang pagpápalagánap ng ídeolohíya úpang magíng katanggáp-tanggáp sa paningín ng públiko. Ang pagpások mo sa múseo ay párang móro-móro sa pulô, na ang mga ídeolohíkong áparáto ng éstado ang nágtatanghál sa síning ng mga lamánlupà: Kailángan ang tunggalîan úpang patúloy siláng makaíral, at manaíg ang sinásambá niláng Aníto, tawágin man itóng Tagápangúlo.

Alimbúkad: Epic raging poetry in search of humanity. Photo by Una Laurencic on Pexels.com

Ang kaniyang matatabang hita, ni Pablo Picasso

Salin ng “Ses grosses cuisses,” ni Pablo Picasso ng España
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang kaniyang matatabang hita

Ang kaniyang matatabang hita
Ang kaniyang malalaking súso
Ang kaniyang mga balakang
Ang kaniyang mga puwit
Ang kaniyang mga bisig
Ang kaniyang mga binti
Ang kaniyang mga kamay
Ang kaniyang mga mata
Ang kaniyang mga pisngi
Ang kaniyang buhok
Ang kaniyang ilong
Ang kaniyang leeg
Ang kaniyang mga luha

ang mga planeta ang malapad na kortinang itinabing at ang aninag na langit
na nakatago sa likod ng rehas—
ang tinghoy at mga kampanilya ng mga kanaryo ang tamis sa pagitan
ng mga igos—
ang mangkok ng gatas ng mga balahibong hiniklat sa bawat tawang naghuhubad
ang lastag na nagbabawas ng bigat ng mga sandatang inagaw sa mga bulaklak
ng hardin

ang laksang laro ng mga bangkay na nakabitin sa mga sanga ng bakuran
ng paaralang pinutungan ng sinag ng mga awit
ang lawa na pang-akit ng dugo at ng mga tinik
ang mga gumamelang nilalaro sa dais
ang mga karayom ng likidong anino at pumpon ng kristal na lumot
na naglalantad ng indak sa sayaw ng mga kulay
na naghalo-halo sa ilalim ng basong ibinuhos nang lubos
sa lilang maskara na binihisan ng ulan

Pasigan, ni Yang Mu

Salin ng tula ni Yang Mu (Ching-hsien Wang) ng Taiwan
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pasigan

Apat na maghapon akong nakaupo dito. Wala ni isang nagdaan,
wala ni anumang yabag (sa katahimikan—)

Sumupling ang mga pakô sa kandungan ko, pagdaka’y gumapang
sa aking balikat at tinakpan ako nang walang dahilan.

Ang dausdos ng saluysoy ang nakatatak sa aking gunita.
Ang tanging magagawa ko’y itala iyon sa mga sinuhayang ulap.

Naghahagikgikan ang mga amargon dalawang metro patimog.
Ang mga mawo ng umaalimbukad na bulaklak ay sumiksik
sa aking salakot.

. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Ano ang maitutulong ng aking salakot

sa iyo? Sige na, ano ba ang maihahandog ng aking aninong
nakabalatay sa lupa sa iyo?

Ihambing ang apat na hápon ng tunog ng tubig sa apat na hápon
ng mga yabag. Ipagpalagay yaong mga mainiping dalagang

nagtatalakan—Huwag hayaang lumapit sila. Ang tanging
ibig ko’y umidlip sa hápon. Huwag silang palapitin sa akin.

 

Pagbabanyuhay, ni Carmen Alicia Cadilla

Salin ng “Gradación,” ni Carmen Alicia Cadilla ng Puerto Rico
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pagbabanyuhay

Ang dapithapon ay lagás sa mga layang-layang.
Naglalakad nang tulóg, ang kaparangan
ay inilapag ang mga pinsel nitong punongkahoy
sa panganorin ng analina.

Ang dagat ay waring langit na kagampan
na binabagtas ng mga nakatiwarik na anghel.

Nabalisa ang mga tinig
sa paglalim ng gabi
habang marahang nauupos ang tabako sa kirot.

Alimbukad; Wikang Filipino sa panitikang internasyonal

Alicante, ni Jacques Prévert

Salin ng “Alicante,” ni Jacques Prévert ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Alicante

Jacques Prévert

Kahel na nakapatong sa mesa
Ang damit mo’y nasa alpombra
At nakahiga ka sa aking kama
Kaytamis na handog na sumilang
Na kasariwaan ng magdamag
Ang lagablab sa aking búhay

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extrajudicial killing. Uphold human rights of all Filipinos, specially the poor and powerless!

Ulan

3. Dambuhala
Pumaloob si Enrique sa dambuhalà na nagngangalang Andalusya, at gaya ng ibang alipin ay isa-isang pinasan ang mga kargadang pinamili ng amo. Sinalat ng kaniyang mga talampakan ang sahig na yari sa matitigas na kahoy, at wari niya’y isang bundok ang tinabas upang magsilang ng kahanga-hangang sasakyang dagat. Tiningala niya ang layag, at napansin niya na nakadapo sa tuktok ng poste ang isang uwak. Napukaw lamang ang kaniyang pansin nang sumigaw ang kawal upang magpatuloy.

Halos magtatakipsilim na nang matapos maikarga ang pangwakas na kargamento sa sasakyan. Naghuhuntahan ang mga pahinante nang biglang may pumalahaw sa kaliwang panig. Nawalan ng malay ang isang kawal sa ikalimang palapag; at ang iba pang kawal ay sumaklolo sa kanilang kasama. Nagmasid lamang si Enrique, at pagkaraan ay naghanap ng tubig na maiinom.

“Wala kaming tubig,” ani Fernando nang tanungin ni Enrique. “Kung gayon,” tugon ni Enrique, “ay nakatakdang mamatay ang iyong kasama.” Nahiwatigan ng amo ang winika ng binatilyo, at ilang sandali pa’y ipinalabas niya ang bariles ng tubig-tabang para sa inumin ng mga magdaragat.

“Nauuhaw ako,” sambit ni Enrique sa sarili, habang nakasalampak sa gilid ng kubyerta, at pagkaraan ay bumuhos ang malakas na ulan, at umulan ng mga isda, upang siya’y daluhan.  Nagsipanakbuhan ang mga magdaragat papasok sa mga silid, at inakalang iyon na ang wakas ng daigdig. (Itutuloy. . .)

Pakikiapid, ni James Dickey

salin ng tulang “Adultery” ni James Dickey.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Pakikiapid

Nanahan lahat tayo sa mga silid na hindi natin iiwan,
At kakatwang lugar, at makulimlim. Malimit nakadipa
Ang mga Indiyan sa gilid ng mga burol

Habang lumiliwayway at lantad sa Dakilang Espiritu
O gumagaod sa bangka o ninipat sa mga baka sa bato,
Nakatanaw pababa’t taglay ang paningin ng mga bata

Sa di-kalayuan, may mga lalaking nagmamaniobra
Ng pangwakas na pangalahig, na pinaghunos na ginto
Sa kanilang mga palad. Umiiral ang gahiganteng aliw

Sa gayong mga tao, at nag-iisa lamang tayo doon
Sa wakas. Malimit na may panaka-nakang pagluha
Sa panig natin, at may isang madalas patingin-tingin

Sa relong panggalang na nasa kama upang mabatid
Kung ilang oras pa ang natitira. Walang magaganap
Dito walang mangyayari hinggil sa ating piling:

Sa akin na taglay ang madidilim na pamamaraan
O ikaw na ipininid ang sariling sinapupunang
Ikinandado sa singsing ng pumuputok na goma:

Bagaman nagtatagpo tayo, walang magsusupling
Sa ating panig. Ngunit hindi natin isusuko iyon,
Dahil magagapi ang kamatayan sa pamamagitan

Ng nagdarasal na Indiyan, ng malalayong baka,
Ng mga pakasaysayang maso, ng delikadong pulong
Na magdurugtong sa kontinente. Hindi yayao

Ang isa rito hindi mamamatay hindi mamamatay
Habang umiiyak. Mahal ko, ang minamahal ko,
Magkikita tayo sa susunod na linggo

Kapag napagawi ako sa bayan. Tatawagan kita
Kung makatatawag. Mangyaring tangnan ang Sige
Na, O diyos ko, hindi ko na kaya. . . Makinig:

Nagawa natin muli iyon, at nakararaos pa rin tayo.
Umupo at ngumiti. Pagpalain ka nawa
Ng Maykapal. Mahiwaga ang mabagabag sa sala.

Nymphes et Satires, oleo sa kambas, ni William-Adolphe Bouguereau noong 1873

Nymphes et Satires, oleo sa kambas, ni William-Adolphe Bouguereau noong 1873

Balatong Pampolitika

Mataas na pagkilala na maituturing ang pagtanggap ng anumang gawad o parangal, lalo kung may kaugnayan sa sining. Nagiging matamis ang gawad kung karapat-dapat tumanggap ang isang alagad ng sining, gaya ng manunulat o pintor o eskultor o kompositor, at ang mga kasama niya sa larang ay umaangat din kahit paano ang estado dahil pinagpupugayan sa pinakamataas na paraan ang kanilang kasama. Ang gawad ay iniuugnay sa simbolikong tagumpay, at nakahihigit sa pabuyang salapi, bagaman makapagbubukas din yaon ng pinto sa sinuman upang makilala sa daigdig.

Hindi naman ibig sabihin na kapag nabigong tumanggap ng gawad ang isang tao ay bigo na siyang maituturing sa kaniyang larang. Di-iilang manunulat, gaya ni Iñigo Ed. Regalado, ang tumangging tumanggap ng gawad kung nararamdaman nilang ang gawad ay ginagamit na balato, kung hindi man kasangkapang pampolitika, ng mga awtoridad. Pipiliin nila ang manahimik dahil buo ang tiwala nila sa sariling kakayahan, at hindi kailanman mapapupusyaw ng pagkaligta ang kanilang ambag sa piniling larang.

Nagbago na ang panahon ngayon. Pinakamagandang halimbawa ang panghihimasok ng pangulo ng Republika ng Filipinas hinggil sa pamimili kung sino ang dapat tanghaling pambansang alagad ng sining. Ang pagpili ng mga tao na mapapabilang sa Orden ng Pambansang Alagad ng Sining ay napakahigpit, at dumaraan sa maiinit na talakayan at deliberasyon ng mga lupong binubuo ng mga kinatawan ng bawat larang ng sining. Pinag-aaralan nang maigi ang naging ambag ng bawat kandidato, at dumarating sa yugtong kinakailangang may isang tagapagtanggol ang kandidato sa harap ng mga lupon upang ipaliwanag kung bakit karapat-dapat magwagi ang kaniyang manok.

Ngunit sa oras na makialam ang pangulo, ang kaniyang piniling mga kandidato ay sapilitang maipapasok sa listahan ng mga pararangalan. Karapat-dapat na magwagi bilang Pambansang Alagad ng Sining ang tulad nina Manuel Urbano, Lazaro Francisco, Federico Alcuaz, at Francisco Mañosa Ramon Santos na pawang pinili ng mga lupon sa sining. Ngunit por diyos por diyablo, nanghimasok muli si Pang. Gloria Macapagal Arroyo na pumili kina Cecille Guidote Alvarez, Carlo J. Caparas, at Pitoy Moreno! Isang mariing sampal ito sa buong pamayanan ng sining at panitikan, at lalong magpapababa sa kredibilidad ng pambansang institusyon.

Hindi ko kaaway sina Alvarez, Caparas, at Moreno ngunit sasabihin kong hindi sila karapat-dapat na mapabilang sa Orden ng Pambansang Alagad ng Sining. Kung kinakailangang bigyan ng gawad si Moreno ay dapat magmula lamang iyon sa hanay ng mga tagadisenyo ng damit at modista. Si Caparas naman ay kasumpa-sumpa kung ihahanay bilang manunulat o direktor ng pelikula, at lalong isusuka kung ibibilang sa larang ng sining biswal yamang hindi naman siya dibuhista o pintor o eskultor. At si Alvarez ay higit na magaling na politiko imbes na direktor ng dula, at ang kaniyang napipintong pagtanggap ng gawad ay lalong mababatikan dahil kabilang siya sa pamunuan ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA/ Pambansang Komisyon para sa Kultura at Mga Sining).

Naging tradisyon na yata ng pangulo na bigyan ng parangal ang mga tao na malapit sa kaniyang sirkulo. Ang pagbibigay ng ganitong gawad ay maituturing na “balatong pampolitika” dahil ang nagwagi ay hindi ang pinararangalan na gaya nina Alvarez, Caparas, at Moreno kundi ang pangulo mismo. Niyuyurakan ng pangulo ang prestihiyong dating taglay ng gawad, at waring sinasabi niyang kaya niyang magpasiya kung ano at sino ang karapat-dapat tanggapin sa larangan ng sining. Na hindi makatwiran. Ang tindig ng pangulo ay paglulugar sa mataas na luklukan, at ang awtoridad at pagsang-ayon ay laging nagmumula sa gitna. Isang bituin siyang iniinugan ng maliliit na planeta na kung hindi man sipsip ay kaibigan, at sinumang sumalunga sa kaniya ay walang pagkakataong mabigyan ng parangal. Higit pa rito, ang gawad ay nagiging parang kendi na maipamamahagi lalo kung malapit na ang halalan.

Naghahasik ng unos ang pangulo sa panghihimasok muli sa pamimili kung sino ang magiging Alagad ng Sining. Kung nabubuhay marahil si Francisco ay baka tanggihan niya ang gawad, dahil nalulukuban ng kontrobersiya ang isang pinagpipitaganang institusyon. Marahil ay hindi lamang tatanggihan ni Francisco ang gawad kundi babatikusin pa ang pangulo dahil ang ipinangangako nitong panlipunang pagbabago, gaya ng reporma sa lupa, ay nananatiling pangarap lamang ng mga magsasaka, gaya ng mababasa sa kaniyang mga nobela. Ngunit hindi na magagawa pa ito ni Francisco, dahil wala siyang kapangyarihan at impluwensiya gaya ng taglay ng kagalang-galang na Pangulo ng Republika ng Filipinas.

Pagtutuwid: Kabilang si Ramon Santos na batikang kompositor at musiko na pinili at inirekomenda ng lupon sa sining na dapat magwagi ng Gawad Pambansang Alagad ng Sining. Siya, sa aking palagay, ang dapat inuunang parangalan kaysa sa mga isiningit na sina Cecille Guidote Alvarez, Carlo Caparas, Francisco Mañosa, at Pitoy Moreno. Ang pagkawala ni Santos sa listahan ay sukdulang panghihimasok ng pangulo sa mga lupon ng tagasala, dahil kaya pala niyang baligtarin kahit ang pangwakas na desisyon ng sirkulo ng mga eksperto sa sining.