Parabula ng Reenkarnasyon, ni Roberto T. Añonuevo

Parábula ng Réenkárnasyón

Roberto T. Añonuevo

Sa iyóng pag-iisá, lahát ng ímpakto’y sasagì sa iyóng pandamá. Ang kalansíng ng kútsara’t tenedór ay mga baryáng nahuhúlog sa lángit. Ang kilapsáw sa sánaw ng pusò ay mga ántigong múwebles na binabálot ng ágiw at alabók. Ang tibók ng silíd ay pumapaták na mga bútil ng kalíbo mulâ sa tumatágas na sáko. Hindî mo man máigaláw ang iyóng mga kamáy, pipilítin mong sumúlat gáya ng paláisipáng nabigông maitalâ niná Juan de Noceda at Pedro de Sanlucar:

Aníno ko’y kabilán
Itagò at gihalhál;
Hindî tulya’y bikakáng
At dapdápin sa tanáw.

Maririníg ng karót ang isínisípol ng iyóng guníguní. Pápagaspás itó at íbubuká ang tukâ at sasagápin ang iyóng hímig úpang pagkáraán ay isálin sa napakatíning na húni. Isasakáy ng símoy ang hímig na bagamán hindî máunawàán ay isasatítik sa pamámagítan ng pagpapálawiswís sa mga taláhib. Maáalímpungátan ang ísang ásong-ligáw, kakarípas na bahág ang buntót at tatahól ngúnit walâng tínig ang lalabás sa tuyót na lalamúnan. Kakaínin ng dápog ang nagsisítinghás na mga damó. At sa dakò pa roón, sa yugtô na nagsasalít ang sínag at itím, itím at sínag, ay magpúpumiglás na tíla íbig kumalás ang mga títik na ngayón ay gumagápang na páwis sa pilipisán:

Aníno ko’y kabilán
Hindî tulyá’y bikakáng;
Itagò kung gihalhál
At dapdápin sa tanáw.

Hindî mo mapígil kung saán íbig lumugár ang mga salitâ. Bíbigkasín mo itó sa gunitâ, ngúnit ang gunitâ na hindî maípirmí sa éspasyo at panahón ay pagtátaksilán ka úpang magluwál ng ibá pang pahiwátig:

Aníno ko’y bikakáng:
Tulyá man o kabiláng
Dapdápin at gihalhál,
Itagò mo sa tanáw. 

Pakikinggán mulî ng símoy ang iyóng guníguní, at sa gayóng pagkakátaón, babángon káhit siná Noceda at Sanlucar úpang basbasán ang iyóng mga salitâ. Malilitó silá sa pagtatalâ, at malilitó kung bákit tumátalón-talón ang hiwagà ng iyóng wikà:

Aníno mo’y gihalhál,
Dapdápin at bikakáng;
Hindî tulyá sa tanáw:
Itagò kung kabilán. 

Lahát ng ímpakto’y lalayô sa iyó hábang patúloy na nagtítikniklíng ang mga títik, warìng bugtóng na panalángin, at lumilikhâ ng saríling hímig, walâng paít, napakátahímik, na káhit sa iyóng pág-iisá’y mabibigông bigkasín nang paúlit-úlit. Ang mga kalansíng ng baryá’y isasálin ng pandáy úpang magíng kútsara’t tenedór. Bábaklasín ang mga ántigong múwebles úpang magbanyúhay na síning sa mga kamáy ng mga kárpintéro at eskultór. At ang mga bigás na pumupunô sa sahíg at silíd ay dadaláwin ng mga pipít, mínsan pa, sa katwírang silá lámang ang makábabatíd.

Alimbúkad: Epic walking poetry Filipinas challenging the world. Photo by Pixabay on Pexels.com

Wika ng Protehido sa Libingan, ni Roberto T. Añonuevo

Parábula ng prótehído sa libíngan

Roberto T. Añonuevo

Limáng taón pagkaraáng isílang mulî, pápaloób sa íyong útak si Agonán; lalagúmin mo ang mga díksiyonáryo at tésawro sa kapulûan, papawìin ang látak ng kónsumisyón ng mga wikà, tawágin man itóng ártipisyál na karunúngan. Makikípag-úsap ka sa hángin, makikípag-úsap sa tíla tagabúlag, at pagtátawanán ng madlâ na ginagawàng éhersísyo ang panlílibák sa mga suplíng ng iyóng dilà, dáhil kinákaúsap mo ang mga patáy para sa métamórposis ng hináharáp ng laksáng ilihán—na higít sa árkitektúra ng pirámide at épiko ng máwsoleo—hanggáng dumatíng isáng áraw ang pinakáhihíntay na alopógan úpang isálin ang iyóng guníguní sa pábrika ng mga aklátan. Hindî ka patútulúgin ni Agonán, na makikípag-úsap sa iyó sa wikâ ng kagubátan úpang magkároón ka ng mabisàng gamót, halimbawà, lában sa sinaúnang líga ng mga kímera sa anyô ng álan: may mukhâ at bagwís ng banúg ngúnit matipunô ang katawán gáya ni Lakáy Fólayang. Hábang lumaláon, ang éngkuwéntro mo kay Agonán ay aágos na tila pakikipágbakbákan sa dápeg, balingën, benísalsál, at kikibâan, kakalagín pára ibuhól mulî sa láboratóryo ang paláisipán ng panikì mulâng lagnát at sakít ng úlo hanggáng kirót ng talampákan, at sásagutín sa mahabàng dískurso ang síkolohíya ng bangúngot ng awtokrátikong réhimen. Kikisláp sa iyóng noó ang mga sálit at kiláwit sa gitnâ ng unós, at kung makíta mo man ang kahawíg ni Komáu ay hindî ka matatákot, bagkús kakáusápin pa siyá sa wikà ng mga ánpitéatro at payëw. Kapuwâ kayó mapapáhalakhák sa kidlát na pag-íbig. Samantála, ang alopógan ay hindî bastá polígloto na kumákaúsap sa mga kaladíng o kayâ ‘y leksikógrapo ni Kadaklán, ngúnit malayà mong isípin ang gayón hábang sumusúlat o tumótomà o tumótomà hábang tumutulâ. Ang alopógan, kapág nása rúrok ng ginháwa, ay umíindák-indák na tagasálin, hindî pára sa iyó bagkús pára sa mga batàng nása gálong-gálong pa’y ábanse na kung mag-isíp pára sa ekonomíya ng mga pálay na sasagót sa tagsalát ng malalayông pulô.  Kailángan mo ang tangkílik ng ákadémya ng alopógan úpang maunawàan ka ng públiko, ngúnit dáhil hindî itó kóntento na magíng tagápamagítan lámang, makikipágkutsába itó káhit sa inginláod, tatawíd sa karagatán nang maratíng ang Éwropa, makikipágkalákal sa sarì-sarìng publikasyón o magpápasíkat sa mga institusyóng pámpanitikán, samantálang palihím na kinákalbó ang kabundúkan, ngúnit mágbabalík din sa iyó na luhâan, sapagkát walâ síyang napalâ at ni walâng gantímpalà, sa tránskripsiyóng ginawâ sa esotérikong pórmula ni Ápo ni Toláw: Ang palakâng nakápagsílang ng sanggól na nilawáyan ng kataás-taásan, ang sanggól na marúnong lumákad at manalinghagà na warìng pinagtambál na biyayà at sumpâ sa panahóng itó, paúlit-úlit na ginágambalà at pináiiyák at pinátatahán ni Agonán gabí-gabí at pinipílit magsalitâ sa wikà ng bahagsúbay, úpang sa bandáng hulí ay magíng akó ikáw—na kinákaúsap ng lángit.  

Alimbúkad: Epic raging poetry Filipinas rocking the world. Photo by John Renzo Aledia on Pexels.co

Pulo ng mga Paa, ni Roberto T. Añonuevo

Pulô ng mga Paá

Roberto T. Añonuevo

Maáarìng nakáalís na ang hinahánap mo sa sandalîng makáratíng ka sa Pulô ng mga Taingá, at kung gayón, ang pinakámalápit na rúta na puwéde mong tahakín ay ang Pulô ng mga Paá. Doón, singkrónisádo ang mga hakbáng na tinútumbasán ng imbáy ng mga kamáy. Tumakbó man ang mga táo ay warìng pulutóng ng mga sundálong sabáy-sabáy ang bagsák ng mga paá na binábagáyan ng disíplinádong áwit pandigmâ. Mga bintî’y párang balbúning tóre kung hindî man makínis na marmól. Siksík ang mga hità at pigî, ngúnit sa iláng pagkakátaón ay hindî naíiwásan ang pagkabásag ng túhod o pagkapúnit ng mga lítid sa sákong at búkong-búkong kapág nakikipágtunggalî o nakikipáglarô. Asáhan kung gayón na malúluwág ang bangkéta ríto at kályeng laán sa páglalakád. Sa Pulô ng mga Paá, palagìng aktíbo ang pagtanáw sa daigdíg, walâng puwáng pára sa parálisádo o tamád ngúnit pinálulusót ang banidósa’t baylarína, ibábad man sa yélo o kumunóy ang mga táo o palakárin sa nágliliyáb na disyérto. Báwat táo’y marúnong ipágtanggól ang saríli, halímbawà, kung paáno sumipà o sumíkad na warìng paglahók sa sayáw ng kamatáyan; o kung paáno tumbasán ang mga suntók o salagín ang mga kadyót ng espáda, gaya sa káli o balíntawák. Sa Pulô ng mga Paá, ang pamamáhingá ay sinisípat na pag-úrong sandalî sa larángan nang makapágpahílom ng paltós o makapágpagupít ng mga kukó; at kung ipátong man sa mésa ang mga paáng suót ang sapátos na góma o de-balát, ito ay úpang ihayág ang implúwensíya o kapángyaríhan. Huwág mábahalà sakalì’t mákakatí ang mga talampákan at may nunál. Kailángang maglakbáy ang mga táo, at tumindíg sa saríling mga paá at makipágkalákalán sa ibáng pulô, pára mágtagumpáy. Linyádo ang Pulô ng mga Paá, ang séntro ng sarì-sarìng sapín sa paá, at hindî kataká-taká na ang sinúmang sumuwáy sa batás at pamantáyan ay tumátanggáp ng pagyúrak, pagdagán, o pagpisâ sa kongréso ng mga bóta. Mag-íngat, kung salubúngin ka ríto ng mga tadyák.

Alimbúkad: Poetry walking the talk. Photo by Javon Swaby on Pexels.com

Pulo ng Bibig, ni Roberto T. Añonuevo

Pulô ng mga Bibíg

Roberto T. Añonuevo

Ang pag-idlíp ay katumbás ng kaláhatìng síglo, at mamumúlat ka na lámang sa íngay na nagmúmulâ sa Pulô ng mga Bibíg. Sa poók na itó, ang mga táo at kámbal nitóng róbot ay nakápagsásalitâ sa sarì-sarìng wikà mulâ sa ibá’t ibáng pánig ng daigdíg. Báwat isá’y párang tumátakbóng diksíyonáryo at tesáwro, naglálantád ng komúnikásyong galaktíko’t únibérsal, at kung humírit ay bátay sa kodígong alfánumeríko at ípertékstong markádong wikà. Malúlulà ka sa lálim at láwak ng dátos, sapagkát naróroón ang modélo ng intérkonektádong usápan, ang pórtal ng lahát ng karunúngan at kabálbalán na walàng morálidád at walàng hanggá, ngúnit malayàng isíping sinlamíg ng túndra. Mag-íngat. Sa Pulô ng mga Bibíg, ang lumalákad na bibíg ay lalapàin ng ibáng bibíg, na kakaínin din ng higít na malakíng bibíg na lalamúnin ng makapángyaríhang bibíg. Ang bibíg kung gáyon ay hindî na lámang dalúyan ng pagkáin, o kayâ’y órgan para sa kalugurang sensuwal, gáya sa pag-áwit o pakikípagtálik. Idínisényo ang bibíg para manákop, hindî lámang sa malíliít na bibíg bagkús sa matatálas na ísip, at itó ang ilálahád pagkáraán sa mga muséo at ártipisyál na artsíbo. Úpang masawatâ ang ganítong kalákarán, kailángan mong magwikà alinsúnod sa seryálisádong lígoy, na ang isáng kaísipán ay súma ng pangwakás na talínghagà at ng penultímang talínghagà. Dadáloy ang iyóng kaísipán sa kapuwà simetríko at ásimetríkong álon, na alinmán sa mga itó ang pilìin mo, ay lalampás sa prosodyá at lumàng padrón, at magigíng ínmortal. Kayâ kapág hinánap mo ang iyóng mahál, na maráhil ay may tukáyang tatlóng trilyón sa direktóryo ng kasaysáyan, sa kabilâ nitó’y matútuklásan mo pa rin ang isá pára sa iyó—sapagkát tánging siyá ang makáaarók ng líkaw ng iyóng dilà. Tawágin mang reénkarnásyon o repétisyón, ang kaísipán mo ay maísusúlat lámang sa wikàng alám mo, na tutuklásin ng ibá, gáya sa hudhúd at balagtásan, subálit hindî kailánman magagáya, maglutò man silá ng putomáya. Kung íbig mong manaíg sa Pulô ng mga Bibíg, sumakáy sa mga tunóg, lumundág sa gúhit, at magpákawalâ ng alamís na itinítibók ng dibdíb.

Alimbúkad: Poetry breaking barriers. Photo by Andreas on Pexels.com

Iral sa pagitan nina Nasimi at Abadilla, ni Roberto T. Añonuevo

 Iral sa pagitan nina Nasimi at Abadilla
  
 Roberto T. Añonuevo
  
 Ang katawan
                 ang isipan
 at ako
 at ikaw
              ay hindi mundo
              ang mundo
 ay hindi ako
 at hindi ikaw
 bagkus
          ang kamalayan
 tawagin man ito
                  na Maykapal
 o himagsikan sa mga maykapal
  
 Ang kamalayan
 ang mundo
              sa isipan
              sa katawan
 ang lakas
           ang puwang
                   ang panahon
  
 At ako’y
                    nasa labas
            at ikaw
            at ako’y
 nasa loob
 ang kamalayan
                 ang kamalayan
 na gumagalaw
                    ang lawak
                    ang lalim
 mula at tungo sa lahat 
                       ng bagay
 Ang pumasok
              sa katawan
 ay katawan
              ang lumabas
 sa katawan
 ay katawan
             ang mundo
                   ng kamalayan
 sa lahat ng nilalang
  
 Ang pumasok
 sa isipan
 ay isipan
                ang lumabas
                sa isipan
                ay isipan
 ng katawan
 ng kamalayan
  
                Ang pumasok
                ang lumabas
 ang katawan
 ang isipan
                ang kamalayan 
 ang ako
 ang ikaw
 ang mundo
 tawagin man ito
                  na Maykapal
 o Himagsikan sa mga Maykapal 
Alimbúkad: Poetry pure across time and space. Photo by Ana Madeleine Uribe on Pexels.com

Wuhan Virus

Wuhan Virus

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo

China lied and people died.
—City-county Observer

“Made in China,” wahdidhisey? lie. lie. lie. lay.lie.laylay. no. no. What. Waht. Thwa. Pak. we ol sik. Made in China. No.no. no. Made by bats. Made by bats. Made by bats. Exported by China. No. no. non. China Spread. No. No. Made. Made. Wuhan. Wuhan. Fishmarket. Supermarket. Fishy. Buy. Buy Virus. virus. no help. die pipol. Potah.palengke. langyanpohtah. HEELppipoldaypipol.aaay.ebridey. kduf.joke.jok onli.o.cmon, bro,we die sik. wi sik day hir. no no no no. help. china. ma. china help. hindut china.made vi. Myfamilydiekilledbyvirusmadebybatsexportedbychina. Chinaexportquality. High.quality. Bye.buy.vi.rus. Who lied. China. No. WHO lied. Who lied love china. Who died. Wuhan.live. WEEEEdiemaderpakershit.  XXX ***** zzzzzz. No trace. No docu. Yes . )& Chinawelayukillingusbyveerus. Wow. HU. 468,905 cases. 21,200 deaths. China wins. China lives. WEEEEE die ol. wi die oll. Wi dey all. Quetzalcoatl, ¿enviaste el virus hecho por los españoles? China wins. We.all.die. way.why.wey.vasUmIUlKfjx986&j. wE NID To know da whole Truth and nothin but da  truth… so take it away, china.  China sends help. China compensate.  china bayad. china bili pinas. china bili pakingprezzzz. Chinatellusthetruth. POGOpogo Covidka? Tayâ! HINATELLUSTHEFUCKINTRUT H.468,905ehw ufhpdjqdl.w efreaki ndyin.UU U. /cg china s ea virus. We lab yu chinese emperor commie party. let’s PARTY becoz China wins. sic. sick. ME. Yu SICK? No? China healthy? Yes. Pakyu. Achu! Aching! Made. Mad.
.help. shin;kf;lkadd. sdfs. sik.seek. sick. sichkle. die.me. help. You buy me/ U virus mi.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . malkda. jlkjfsk.. ..s.s.s mad china. Tagotagotagotago. sinosino ngangangalinglingling. tatagu.skdjas, aruy. aruy. araykupo. made madem. meade. made.ahhhhhhhhuuuuuuuu!ahu!!!!!chinamadevchinamadevirus?kjfkjfkjf.
Made in China. China. Made. In. Made in . . . . . dkjfka. made. Weneedpipolpower.
tuuttttttttttttt.tuttttttttt.tttttttttttttttuttttttttttut.ttututtttt. we die.sosyal. wediesosyal. Pipoliveriseup.AGaInstC. PipolaGainstC.C.C CCP. CPC. CPP. No enter da DRagon. 100millionPeenoysapektedbyveeeeeRo. Viniveero us buy lutong MaKaw wuhan. wuha help. wuhan tell truth. help. NON. bayanihan USkami help. sarili.
fal/ U.xfm , great China. China. In. Made. Xxxxx. Cfjl. distancia, amigo. virus.
.Made si? luk da luk. kjf;lkjf;lakfj;aslj;al. made. Mad China. Ch. C. Mad made mad.
ina in. China Mad. Made in China. MMMMa.HUUUUUUU. HHHHHUUU.*** yy
aade in ;ldkjff;;lskdjf ;sldkf x. Pakkkkkkkkyu. Cpc. Ccp. WatwawaUUUU. [[[]]]]]]]
Made. Cap. Kom. Made ma m watdapakinf mag watdapakin m. tell us d wisdom, china.
ad in mad ma made In chiiiina. Msldkalskdj . xxx . xxxx. Ttt. china rayt a poem to right.
ttttttttttttu. Tttttttttttuuuuttttttttt. T.sldkamada. sIIIIIck mind.virus. madechin.
lkjs. ;lksjd’a. dkm. mddf. msf. made mad made c ch chi chin china.  china wins.
ls slim. Iurtwiupouitp. Lkjf; bat issik. pangoli.n s sck. vvvrus. viru. ru. viral. vid.
lsjf;lsjfo.. ;kj;lakjf;sljfs;lk ;kj;slkj WWWWWWWvirus. ((((((999999)))))))))))))
f Made in China. China Made made made made made made ma m sell me, Chi-chin.
In China Made Made Made In In In China V V V Made I. panda. pandemicVVVV.
n V V V Made Wuhan Vi.R.Us. O. Made China. Maaaaaaaaaa.Ay em dayyyin.
aaade. In Cha. I love veeeerus china. I la. laklak.ubo.virus. made. pray for US.
b virus cinasna. China ma made in chokena. sik.sick.sic.sic ol. 1 billion souls.
peeeke biurus. Pekkk byeru.s. . Ma;dk;alkjfd .dmfjkdf IIIIIIIIIII. XXXXXXX.
jdk . kdjlkjfd;lkf. tik. tak. tok. tik. ti. ti.tik. mde dame made china. win. win.
jdlksf. .sldf,s.ddn d,fms f;siChayyyyyyyyyyyyyyyy ((((((((0))))))))))))))))))))))
yyyyyyyynaaaaaaaaaaaaaa. Made.l Made. Made in China. Cover.help we die.
Cover-up. Cove.Err.U. madeinchinamadeinchinachinamadevirus. no help C.
P. made In china. Made in C. CCCCCCCCCCCCCCCCCCCCCCCCCc. /////????????
hina. China. Made. In. vi. Vi.siuU;mcUx999sixi. Si.gin.Pin.china. xixixi.je.je.je.
Vi. Veeeeerus. Made in China. Export Quality. Ex. Port. W. Made in Wuhan.
uw. Wuhan. Ms.dlfas. ma.de. made madamademade. Spam. Sapnish vi.r
us. Mideleeeeeeeeest. Vieeerus. Wushu virus. wuhanvirus. dfMade in China.*)@-
!?>}py. Made in china chain made min china. Bio.sdk;kdjfa dlkda*()&#)9. Censored.
Made in Tsina. Tsina Gawa Veeeeerus. 58ms0%!#d***kfjadfapotajasmowh@! O no!

Dugo sa Lawa Pinamaloy

Dugo sa Lawa Pinamaloy
(Hango at halaw mula sa isang alamat ng Manobo)
ni Roberto T. Añonuevo

Pinakamahusay na mangangaso ang aking panginoon. Nakita ko kung paano siya magsanay hinggil sa tumpak na pagpukol ng sibát, o sumapól nang tama sa pamamagitan ng palasong pinawalan mula sa búsog. Humahagibis siya kung tumakbo, paahón man o palusóng ng bundok. Wari ko’y bulawang luya ang kaniyang mga talampakan kapag lumalapat sa bato o lupa, at batid ang mga landas na ligtas yapakan. Matalas ang kaniyang pandinig at paningin, at sa gaya kong áso, kahanga-hanga kung paano niya natutuklasan ang mga bakás ng usa o baboy-damo, ang lungga ng bayawak o usa, ang pugad ng banug[i] o maya.

Napatatahol na lámang ako sa labis na galák.

Sa buong lawak ng Aruman, ang aking panginoon ang tinitingala ng lahat. Nagugulat ang sinumang tao na makasalubong niya kapag nalamang nakapanghuli na naman ng mailap na hayop ang aking panginoon. Kung hirap na hirap ang ibang mangangaso na makapanghuli ng maiilap na baboy, ang panginoon ko ay tila pinagpala ni Kërënën[ii] sa kaniyang mga paglalakbay. Batid ng aking panginoon ang dumarating na panganib kapag humuni ang ilahás na limukon,[iii] at siya’y kisapmatang nakalilihis ng daan. Kapag siya’y nasukol ng anumang kapahamakan, ano’t nakatatakas siya nang wala man lamang galos. Dahil doon ay nilalapitan siya ng iba pang kabataang mangangaso.

Hindi ipinagkait ng aking panginoon sa sinumang Arumanën ang biyayang kaniyang tinatanggap. Ang lungayngay na katawan ng usa o kambing, halimbawa, ay magbabadya ng masaganang hapunan ng mag-anak at iba pang tao na dumaranas ng gutom sa ili. Ibinabahagi rin niya sa mga kapitbahay ang kaniyang mga napitas na bungang-kahoy o nahukay na halamang-ugat mula sa kung saang bakílid.[iv] At kapag dumarating ang bagyo’y nagkukusa siyang ilikas ang mga tao sa tulong ng iba pang lalaki sa ilihan. Hindi kataka-takang kalugdan siya ng mga tao sa angking kabutihan.

Ako ang kasa-kasama ng aking panginoon saanman siya pumaroon. Tinuruan niya ako kung paano mangusap gaya ng tao, at sa pamamagitan ng kumpas ng mga kamay at huni ay nakapagpapahatid ng utos na agad kong tutuparin. Sabay kaming naliligo sa ilog, at kinakaskas niya ng gugo na pinatakan ng dayap ang aking balahibo. Ang kaniyang pagkain ay pagkaing natitikman ko rin. Titighawin niya ang uhaw sa tubig o sabaw ng niyog, ngunit hindi kailanman siya nakalimot na ako’y painumin para mapawi ang uhaw o pagod. Binabantayan ko siya sa mga sandaling kailangan niyang magpahinga; at nagiging gabay niya upang hindi siya maligaw sa masusukal na kahuyan. Sa kabila ng lahat, hindi ipinaalam ng aking panginoon sa lahat ang aking katangian. (Maliban sa kaniyang mga magulang.) Ibig niyang isaloob ko ang pagpapakumbaba, na gaya ng kaniyang ginagawa.

Sumapit ang isang makulimlim na araw at naisipan ng aking panginoon na mangaso nang mag-isa sa gubat. Abala noon ang ibang mangangaso sa kanilang gawain sa kani-kanilang bahay, at walang nakapansin sa kaniyang balak. Pumaswit siya’t tinawag ako. Mabilis naman akong tumugon ng kahol at bumuntot sa kaniyang likuran. Malayo ang aming tinahak: mapuputik na daan tungong masukal na gubat. Sumapit ang tanghaling-tapat ay wala pa kaming makitang hayop na maaaring bihagin. Naglakad nang naglakad kami, hanggang masilayan ng aking panginoon ang mataba’t itim na baboy-damong umiinom sa gilid ng ilog.

Iniumang ng aking panginoon ang kaniyang sibat, at tinudla ang baboy. Sa kisapmata’y nahagip ang hayop sa tagiliran at napaungol. Bagaman sugatan ay nakuha pa rin ng baboy na makatakbo palayo. Kapuwa namin tinugis ang hayop. Mabilis na dinamba ng aking amo ang baboy at nakipagbuno nang lakas sa lakas. Ngunit madulas ang putikang baboy, at bago ko ito nasakmal sa leeg ay kinagat nito nang ubos-lakas sa hita ang aking amo. Wakwak ang laman ng hita, ang panginoon ko’y inubos ang natitirang lakas upang igupo ang hayop. Napasigaw ang aking panginoon; subalit ipinagkait ng sandaling yaon ang pagbubunyi dahil tumulo sa lupa ang masaganang dugo.

“Puti,” tawag niya sa akin, “maaaring maubusan ako ng dugo kung maglalakad ako pauwi. Bumalik ka sa ating ili at tawagin mo si Ama na manggagamot. Magmadali. . . ! Ngunit bago ako umalis ay tinagpas niya ang magkabilang tainga ng baboy at hinubad ang kaniyang makukulay na tikos[v] na nakaikid sa binti. Gumawa siya ng kuwintas, at isinuot niya sa aking leeg.  “Sandali!” paalala niya sa akin. “Dumaan ka muna sa bahay ng aking kasintahan bago pumaroon sa ating bahay. Tiyak na mahihiwatigan niyang may masamang nangyari sa akin.”

Tumimo sa aking noo ang lahat ng paalala ng panginoon ko. Na tumuloy muna sa bahay ng babaeng pinakamamahal niya. Na mabilis sunduin ang amang manggagamot. Na huwag akong magsasalita gaya ng tao dahil may sakunang magaganap sa buong paligid. Tumakbo ako nang tumakbo nang naluluha; ginamit ang ilong upang magbalik sa ilihan; at hindi inalintana ang matatalas na bato o makamandag na tinig na nayayapakan. Kahit humihingal ako’t laylay ang dila sa pagod ay tinangka ko pa ring makarating sa babaeng mahal ng aking panginoon.

Malapit nang lumatag ang takipsilim nang marating ko ang bahay ng kasintahan ng aking amo. Napansin agad niya na ako’y nag-iisa, at nakakuwintas ng tainga ng baboy na tinuhog ng mga tikos. Natandaan ng dalaga ang mga tikos na iyon, sapagkat siya lamang ang makahahabi ng gayong kulay para sa pambihirang mangangaso ng kanilang ilihan. Kinutuban ang babae.

“Saan ka galing, Puti?” usisa niya sa akin. “Bakit tigmak sa putik ang iyong katawan? Ano’t may nakakuwintas sa iyong tainga ng baboy?” Hindi ako makatugon. Tumahol na lamang ako kahit batid kong magsalita ng wikang Manobo, gaya ng ibang tao. Baka kung magsalita akong gaya ng tao ay makaranas ng di-inaasahang sakuna ang paligid.

Nagtanong muli ang babae. “Bakit hindi mo kapiling ang iyong panginoon? Napahamak ba siya? Tumahol na lamang ako. “Magsalita ka! Nahan ang iyong tagapag-alaga?” Bumalikwas ako. Kailangan ko pang sunduin si Amang manggagamot. Kailangan kong makaalis. Ngunit nasunggaban ng babae ang leeg ko. “Kung hindi mo sasabihin at ituturo sa akin kung nahan ang iyong panginoon ay ikukulong kita rito!” pautos na winika ng babae. “Hindi ka makaaalis dito!”

Kailangan ko nang umalis ngunit mahigpit ang pagpigil sa akin ng babae. Mauubusan ng dugo ang aking panginoon, naisip ko. Mamamatay siya sa ilang kung hindi ako makatatawag agad ng saklolo. Baka siya’y lapain ng halimaw at hindi na datnan pang buháy. Napaluha ako. Mausisa ang babae, at wala akong nagawa kundi tugunin siya sa wikang nauunawaan niya.

“Nasugatan ang aking panginoon,” ani ko. “Naroon siya sa pusod ng kagubatan, malapit sa gilid ng ilog na nasa pagitan ng dalawang bundok na karaniwang tinatanglawan ng kabugwason.[vi] Nasugatan siya sa hita nang kagatin ng malaking baboy-damo. Kailangan niya ng tulong. . . .” Natulala at biglang napaluha ang babae.

Nakahulagpos ako sa pagkakapit ng babae. Tumakbo ako palabas ng kaniyang bahay. At habang tinatahak ko ang daan tungo sa bahay ng aking panginoon, dumagundong ang malalakas na kulog at nagsalimbayan ang matatalas na kidlat sa kalawakan. Lumabas wari sa kalangitan si Tuhawa, ang Diwata ng Kamatayan, upang sunduin ang aking panginoon. Maya-maya’y nakaramdam ako ng pagyanig ng lupain. Mabilis akong tumakbo sa mataas na pook. Paglingon ko, nakita ko na lamang na biglang lumubog sa nagpupuyos na baha ang buong kabahayan. Napaluha ako. Iyon ang katuparan ng sumpa nang magsalita ako sa wikang alam ng mga tao. Ang pook na lumubog sa tubig ay bantog ngayon bilang Ranaw Pinamaloy.

Naramdaman kong wala nang panahon kung magbabalik pa ako sa pamayanan ng aking panginoon. Kaya minabuti kong magbalik sa aking pinanggalingan. Bumubuhos noon ang ulan, at nananagâ ang kidlat sa himpapawid. Nang marating ko ang pook na kinahihimlayan ng aking panginoon ay  nagitla ako. Agaw-buhay siya nang sandaling iyon. Umaagos ang dugo sa kaniyang hita, at sumanib sa agos ng ilog. Hinimod ko ang kaniyang sugat sa pag-aakalang maililigtas siya. Ngunit huli na ang lahat. Hindi na ako inusisa ng aking panginoon. Nahiwatigan niya ang paglindol, ang pagkulog, ang pagkidlat, at marahil, ang pag-apaw ng tubig na nagpalubog ng ili. Niyakap niya ako; at ang mga puti kong balahibo’y nabahiran ng dugo. Tila akong mabubuwang subalit nanatili ako sa kaniyang tabi. Umasa akong siya’y maliligtas, at nanalig sa mga anito’t diwata.

Maya-maya’y naramdaman kong naghuhunos ang aming mga anyo. Naghilom bigla ang sugat ng aking panginoon sa kaniyang hita; samantalang natanggal ang putik at dugo na nakakapit sa aking mga balahibo. Narinig naming ang tinig ni Yayawag, ang diwata ng kapalaran, at pinagpala niya kaming maging mga kaluluwa na magiging taliba ng gubat na malapit sa Ranaw Pinamaloy. Naghanap nang naghanap ang mga Arumanën, at ang kanilang natagpuan ay hugis kudyaping lawa na ang halumigmig ay nagpapakurot ng puso.

Huwag magtaka kung makarinig magpahanggang ngayon ng mga tahol ng aso sa kawalan, o ng sigaw ng aking panginoon, o ng palahaw ng kaniyang kasintahan. Narito kami sa gubat at pinangangalagaan ang Ranaw Pinamaloy. Naririto kami tuwing kabilugan ng buwan, muling isinasadula ang mga pangyayari, at paulit-ulit nakikipagsapalaran, kahit ituring na kathang-isip lamang ang lahat, gaya ng salaysay na ito.

Talasalitaan

[i] Banúg—malaking ibon na kauri ng agila.

[ii] Kërënën, Kerenen—pinakamakapangyarihang diwata, at kaantas ng bathala.

[iii] Limukon—uri ng kalapati na ang huni ay pinaniniwalaang nakapagbibigay babala sa manlalakbay upang iwasan ang sasapit na panganib o kapahamakan. Tinatawag din sa Ingles na turtledove.

[iv] Bakílid—pahilis na gilid ng bangin; dalisdis.

[v] Tíkos, tíkes—uri ng palamuting hibla o tali na inilalagay sa ibabang tuhod o alak-alakan, at karaniwang  ginagamit ng mga binata.

[vi] Kabugwason—pang-umagang bituin; katumbas ng planetang Venus na masisilayan sa silangan tuwing medaling-araw o bago magbukang-liwayway.

Pangalan

4. Pangalan
Tinawag siyang “Wikwik” ng mga kargador, at itinuring na sampid na walang alam sa karagatan. Nagunita niya ang wikwik, at sa kanilang nayon ay kinatatakutan ito bilang ibong mandaragit na malalapad ang bagwis, matigas at pabaliko ang tuka, matatalas ang kuko, malinaw ang paningin, at taglay ang balahibong pinaghalong puti, pula, at itim. Hindi marahil nauunawaan ng mga kargador ang kahulugan ng wikwik, aniya, at binanggit lamang iyon dahil sa pambihirang tunog na gumagagad sa kanilang matitigas na dila.

Nasaksihan niya kung paanong dagitin ng wikwik ang bagong silang na biik, at makaraang umimbulog ay inihulog ang biik sa bangin upang muling pulutin at tangayin sa kung saang pugad sa batuhan. O kaya’y kung paano binulag saka pinilay ng wikwik ang isang unggoy, at pagkaraan ay niluray ang laman-loob sa ilang sandali.

Wala siyang pangalan, at habang siya’y nasa banyagang tubigan ay naisip na hindi mahalaga ang pangalan. Lahat sila, silang nakasakay sa Andalusya, ay pantay-pantay sapagkat anumang oras ay maaaring lamunin sila na matatangkad na alon; o kaya’y sumampa sa kanilang sasakyan ang mahahabang galamay ng pugita; o bungguin ng mga tandayag at pagi ang kanilang proa upang ipamalas ang karupukan ng kanilang pag-iral. Hindi mahalaga ang pangalan, bagkus ang simoy, at ang agos ng tubig ay ihahatid sila sa pampang ng mga kalakalan.

Ngunit nayayamot sa kaniya ang amo tuwing siya’y tatawagin; at si Senyor Fernando ay hindi sanay tawagin siya nang pasutsot, at sumigaw ng “Halika, Alipin!” Nang tanungin siya kung ano ang kaniyang ngalan ay umiling lamang siya. “Mula ngayon ay tatawagin kitang Enrique,” dumaragundong na winika ni Senyor Fernando. “Magiging tukayo mo ang dukeng nabigador ng Portugal, ngunit sa pagkakataong ito ay magiging utusan ka sa piling ko.” Napahalakhak si Senyor Fernando at tumalikod pagkaraan upang harapin ang kaniyang mapa at paraluman.

Naibigan ng binatilyo ang ngalang “Enrique.” Isa na siyang nabigador; at kung siya man ay dating tagasagwan sa kanilang balangay, siya ngayon ay magiging timonero. Tahimik niyang inihanda ang kape at tabako ni Senyor Fernando; at pagkaraan ay lumabas ng silid upang tanawin muli ang mga bituin. “Makababalik ako sa aking bayan,” bulong ni Enrique, “at tutuparin ang kapalaran ng isang dakilang manlalakbay!” Waring narinig siya ng kalangitan, at ilang sandali pa’y gumuhit ang tatlong bulalakaw sa karimlan. (Itutuloy. . . .)

Balangay

2. Balangay

“Kailangan ko ng alipin,” winika ni Fernando habang kausap ang mga pahinante sa piyer. Pinagtawanan lamang siya ng mga nakarinig, at inuyam na kulang lamang siya sa alak.  “Magpakalasing ka, panyero!” anila, sabay halakhak. “Hindi ka makararating sa iyong patutunguhan!” Nagtiim-bagang lamang si Fernando, saka taas-noong naglakad samantalang kuyom sa kanang kamay ang isang mapa. Sa pagmamadali’y nakabunggo niya sa daan ang isang binatilyo, na sunog ang balat at bulawan ang buhok.

“Aba mo ngani,” nasambit ng binatilyo. Nang magtugma ang kanilang mga mata’y kinutuban si Fernando na ito ang kaniyang hinahanap na alipin. Sumasal ang tibok ng kaniyang puso. Sinikap ni Fernando na kausapin ang binatilyo sa paraang mauunawaan nito. Nagmuwestra pa ito ng kung ano-anong anyo, at pagkaraang mapagod ay saka tumugon ang binatilyo.

Itinuro niya ang isang balangay na winasak ng bagyo, at sinabing “Nais kong sumakay sa iyong dambuhala.” (Itutuloy. . . .)