Puná, ni Ernst Jandl

 Salin ng “kommentar,” ni Ernst Jandl ng Austria
 Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 puná
  
 na hindi kailanman
 niya isusulat
 ang kaniyang talambuhay
  
 dahil ang búhay niya
 sa kaniyang pananaw
 ay punô ng sukal
  
 na tanging kakaunting
 punto, at pawang duguan
 ang kaniyang natatandaan
  
 ngunit hindi
 siya magbabantulot
 na dumukal sa dumi
  
 at hugutin doon
 ang marahil
 ay magagamit na bagay
  
 para sa panulaan
 na kasuklam-suklam
 na layon niya sa búhay 
Alimbúkad: Poetry ideas matter. Photo by Mads Thomsen on Pexels.com

Barkadang Lasing, ni Rumi

Salin ng tulang “ورلا Pقاس” [Drunken Brothers]  ni Rumi (Muhammad Jalal al Din al-Balkhi), batay sa bersiyong Ingles nina Nesreen Akhtarkhavari at Anthony A. Lee /
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
 
Barkadang Lasing
 
Ikaw na humamak sa bilog na buwan
Pumunta ka rito at ako’y sinagan.
Ikaw na nagbuhos ng nektar sa diwa,
Halika, at ako’y lasingin sa tuwa.       
Ilabas ang alak, uminom nang sagad
Hanggang maabot ta ang sukdol na sarap.
Huwag kang huminto’t tunggain ang tamis,
nang malasing tayong parang magkapatid.
Sa labis kong lasing, ngalan mo’y nalimot
At hindi nakita ang mukhang kay lugod.
Ako ay naliglig sa iyong hiwaga’t
Sinagip ng alak sa lungkot at hiya.
Alimbúkad: World poetry celebration for humanity. Photo by Kelly Lacy on Pexels.com

Masamang panahon sa pagtula, ni Bertolt Brecht

Salin ng “Schlechte Zeit fiir Lyrik,” ni Bertolt Brecht ng Germany
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Masamang Panahon sa Pagtula

Oo, alam ko: tanging ang masayang tao
ang naiibigan. Ang kaniyang tinig
ay masarap pakinggan. Mukha niya’y guwapo.

Ang nalumpong punongkahoy sa bakuran
ay nagpapakitang tigang ang lupa, ngunit
inaabuso ito ng mga nagdaraan dahil lumpo,
at nararapat lamang.

Lingid sa paningin ang mga lungting bangka
at sayaw ng layag na pumapagaspas.
Tanging nakikita ko roon ang mga punit
na lambat ng mga mangingisda.
Bakit itinatala ko lámang
na ang nayon ng babaeng edad apatnapu
ay hukot na naglalakad?
Ang mga súso ng mga dalaginding
ay maligamgam pa rin gaya noon.

Sa aking pagtula, ang isang tugma
ay waring halos nakaiinsulto sa akin.

Nagtatagisan sa kalooban ko
ang galak sa punong mansanas na lumalago
at ang suklam sa mga talumpati ng pintor.
Ngunit tanging ang ikalawa
ang humahatak sa aking nupo sa eskritoryo.

Alimbúkad: Boundless poetry imagination for humanity. Photo by Dariusz Sankowski @ unsplash.com

Ang Ulam, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Ulam

Roberto T. Añonuevo

Ang tupa ng hari’y
daig pa ang hari.

Anak ng tupa,
paano ka ba naging isang uban
sa gubat ng dilim?
Para kang nakatatak
sa mga tisert o bag
na ipagmamagara sa tamang sandali
ng kawan-kawan mong tagasunod.
Naunawaan ka namin
sa banyagang pananampalataya
kahit higit na masarap ang tulingan
o itik o baboy-damo.
Modelo ka sa laboratoryo ng isip,
at ligtas kami dahil sa iyong lahi
o sa isusuot na damit.
Masungit dahil malayo sa pastulan,
naghahanap ka ngayon ng damo—
kuwarentena ang pastol at mga aso.
Kutob mo ang simoy ng panganib
sa masasalubong na sabik na lobo
o sa tropa ng mga uwak
kung iyan ang kapalaran sa lupa.
Balisa sa iláng, iláng na iláng ka
kapag tinititigan para sa iniisip
nilang piging o hapunan.
Ano ang magiging tanaw sa iyo
ni Abraham kung masalalak sa sukal?
Tumatakbo kang naliligaw,
nagugutom sa kalugurang sensuwal;
kumakapal ang tatag mo sa taglamig,
at sinabing hubad ang iyong anino
na sakay ng usok tungo sa Paraiso.
Sinusukat at inuuri ng mga diyos
ang iyong lamán, balahibo’t balát,
hinahangaan ang bait, buto’t bayag,
at ihatid man sa katayan o palengke,
nakasusuot ka sa aming guniguni:
malumay, pagpalitin man ang puwesto
ng iyong mga katinig. . . .

Alimbúkad: Uncompromising poetry imagination for humanity. Photo by Mat Reding @ unsplash.com

Totoo, ni Roberto T. Añonuevo

Totoo

Roberto T. Añonuevo

Nananatili itong malamig
at depende sa iyong ibig
ay magiging plastik o banig.
Itinutulak ng bibig
at dibdib mo ang kinakabig,
nakapapasò rin kapag ligalig
ka, at ang loob ay umaapaw
o nagsasayelong sanaw.
Hipuin ito at mapupukaw.
Himasin ito at matutunaw
na parang halimaw,
habang ang iyong tanaw
ay naglalaro
mulang lalim hanggang rabáw
nang lampas sa init ng araw.

Alimbúkad: World Poetry Imagination for Humanity. Photo courtesy of Birmingham Museums Trust, titled, “Changing the Letter,” 1908, by Joseph Edward Southall. The subject is taken from the poem ‘The Man Born to be King’ from William Morris’s ‘The Earthly Paradise’. The sealed letter is addressed ‘To The Governor’

Ang Mistikong Kalatong, ni Gabriel Okara

Salin ng “The Mystic Drum,” ni Gabriel Okara ng Nigeria
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Mistikong Kalatong

Pumipintig sa loob ko ang mistikong kalatong
at nagsasayaw ang mga isda sa mga ilog
at umiindak sa lupa ang mga lalaki’t babae
sa indayog ng aking tambol

Ngunit nakatindig lámang sa likod ng punò
at suot paikot sa baywang ang mga dahon,
siya’y napangiti habang umiiling-iling.

Nagpatuloy ang lagabog ng aking kalatong,
pinakikilapsaw ang simoy sa bumibilis
na tempo na humahatak sa mabibilis
at mga yumao na umindak at umawit
sa anyo ng kanilang mga anino—

Ngunit nakatindig lámang sa likod ng punò
at suot paikot sa baywang ang mga dahon,
siya’y napangiti habang umiiling-iling.

Pagdaka’y humataw ang kalatong sa ritmo
ng mga bagay sa lupa
at nanambitan sa mata ng kalangitan
sa araw, sa buwan, sa mga anito ng ilog
at sumayaw ang mga punongkahoy,
ang mga isda’y nagbanyuhay na mga tao,
at ang mga tao’y nagbalik sa pagkaisda
at ang mga bagay ay huminto sa paglago—

Ngunit nakatindig lámang sa likod ng punò
at suot paikot sa baywang ang mga dahon,
siya’y napangiti habang umiiling-iling.

At ang mistikong kalatong
sa loob ko’y huminto sa pagpitlag—
at ang mga tao ay naging tao,
ang mga isda ay naging isda
at ang mga punongkahoy, araw, at buwan
ay natagpuan ang kani-kaniyang lugar,
at ang mga patay ay nagtungo sa libingan
at ang mga bagay ay nagsimulang lumago.

At sa likod ng punò na kinatatayuan niya
ay sumibol ang mga ugat mula sa kaniyang
mga paa at yumabong ang mga dahon
sa kaniyang ulo at lumabas ang usok
sa kaniyang ilong
at ang labi niyang nag-iwan ng ngiti
ay naging hukay na sumusuka ng karimlan.

Sakâ ko iniligpit ang mistikong kalatong
at yukod na umalis; at hindi na muling
nagtambol nang nakatutulig.

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity

Malayo sa Ating Loob, ni Vasko Popa

Salin ng “Daleko u nama,” ni Vasko Popa ng Serbia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Malayo sa Ating Loob

1
Iniangat natin ang mga kamay
Umakyat sa langit ang mga daan
Mga mata natin ay ibinaba
Bumagsak yaong bubungan sa lupa

Mula sa bawat dinadalang kirot
Na hindi kayang banggitin nang taos
Sumisibol yaong punong kastanyas
Na hiwagang lihim sa ating lahat

Mula sa bawat taglay na pag-asang
ikinalulugod ng bawat isa
May umaahon na isang bituing
Ang inog ay hindi ta mararating

Narinig mo ba ang balang lumipad
Na sa mga ulo natin wawarak
Narinig mo ba ang mga pumutok
Na nagbantay sa halik nating taos

2
Ang mga kalye ng mga sulyap mo
Ay walang wakas

Mga layang-layang ng mata mo
Ay hindi sa timog lumilipat

Mula sa mga álamo ng iyong suso
Ay walang dahong nalalaglag

Sa kalangitan ng mga salita mo
Ang araw ay palaging sumisikat

3
Ang ating araw ay mansanas
Na hinati sa dalawa

Tinitingnan kita
Ngunit hindi mo ako nakikita
Nasa pagitan ta ang bulag na araw

Nasa mga baitang
Ang mga punit nating yakap

Tumawag ka sa akin
Hindi kita naririnig
Nasa pagitan ta ang binging simoy

Sa mga bintana ng tindahan
Hinahanap ng labi ko
Ang iyong ngiti

Nasa sangandaan
Ang ating niyurakang halik

Ibinigay ko sa iyo ang kamay
Wala ka man lang nadama
Niyapos ka ng kahungkagan

Sa mga plasa
Ang luha mo’y hinahanap
Ang aking mga mata

Sa gabi ang patay kong araw
Ay tinitipan ang patay mong araw

Tanging sa pananaginip
Nakalalakad tayo sa iisang párang

4
Ito ang iyong labi
Na ibinabalik ko
Sa iyong leeg

Ito ang sinag ng buwan
Na ibinababa ko
Mula sa iyong mga balikat

Naiwala natin ang isa’t isa
Sa napakasukal na kahuyan
Ng ating pagtatagpo

Sa aking mga kamay
Lumulubog at lumiliwayway
Ang iyong lalagukan

Sa iyong lalamunan
Lumiliyab at nauupos
Ang masisiklabo kong tala

Natagpuan natin ang isa’t isa
Sa ginintuang bakood
Na napakalayo sa ating loob

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Milan Surbatovic. Unsplash.com.

Ang Lungsod, ni Jaime Saenz

Salin ng “La ciudad,” ni Jaime Saenz ng Bolivia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Lungsod

Para kina Blanca Wiethüchter at Ramiro Molina

Sa usok at sa apoy, maraming tao ang naumid at natahimik
sa kalye, sa kanto,
sa mataas na lungsod, nagninilay sa kinabukasan sa paghahanap ng nakalipas
—maliligoy na bituka, kidlat ng gabi,
sa matang mapagsiyasat, ang mga meditasyon ay nauuwi sa pagdurusa.

Sa ibang panahon, may silbi ang pag-asa at ligaya—di-nakikita ang agos
. . . . . .ng panahon,
at ang karimlan, na di-nakikitang bagay,
ay mabubunyag lámang sa mga infinitong matatandang nangangapa para damhin
. . . . . .kung hindi ka kabilang sa kanila,
habang kinakapâ ang ilang batang iniisip nilang ramdam nila, kahit ang mga paslit
. . . . . .na ito’y dama sila at nalilito sa piling nila, dinadama ka,
gaya sa pag-iisa na mararamdaman ang balabal ng dilim na nilalá sa di-maarok
. . . . . .na pighati ng ilang naninirahan,
namatay at nawala sa transparenteng karimlan na lungsod na aking pinaninirahan,
pinanirahan na lungsod sa ubod ng aking kaluluwa na tinitirahan ng isang naninirahan,
—at gaya ng lungsod na hitik sa mga siklab, hitik sa mga bituin, hitik sa mga apoy
. . . . . .sa kanto ng mga kalye,
punong-puno ng mga karbon at alipato sa hangin,
gaya ng lungsod na maraming nilalang, mag-isa at malayo sa akin, kumikilos
. . . . . .at bumubulong
na may kapalarang lingid sa kalangitan,
na may mga mata, may mga idolo, at may mga batang dinurog ng gayong kalangitan,
na wala nang búhay na higit sa búhay na ito, na wala nang panahon na higit
. . . . . .sa panahong ito,
na naipit sa matataas na pader ng apoy at paglipol, nagduruyan sa pagsuko,
impit na impit na hinihikbian ang papalubog na lungsod na ito.

At walang anghel o demonyo sa ganitong balón ng katahimikan.
Tanging mga apoy na nakahanay sa mahahabang kalye.
Tanging malalamig na hubog ng mga anino, at pagkabato ng araw na umurong.
Ang hininga ng liwayway na sisilay sa huling sandali, ang mga umiingit na pinto
. . . . . .sa hangin,
ang mga hanggahang nabibiyak at kumakalat at mga anyong nakikisanib sa apoy,
ang mga signo at awit,
na may ilahas na panggigipuspos, sa lupa at lampas sa lupa,
at sa hininga ng mga patay, ang walang humpay na ulan,
ang pagtanggap na lásang tinapay, sa bahay na sinusundan ako tuwing nananaginip,
ang mga patyo at baitang, ang mga laláng at bato, at ang mga bulwagang walang wakas,
ang mga bintanang nagbubukas sa kahungkagan at pumipinid sa pagkagitla,
ang mga silid na kinababaliwan ko at ang mga sulok na aking pinagtataguan
—ang maiitim na dingding at basang lumot, ang mga himpilang hinahanap ko
. . . . . .ang kung anong bagay,
ang pinagkukublihan ng sarili mula sa alingasaw ng bantot ng nakaugalian.

Walang tinig, walang liwanag, walang testimonya ng aking dáting buhay.
Tanging mga apoy,
walang kamatayan bagaman habang-panahong kumukutitap, at tanging mga apoy.
Ang malamlam na pangitain ng multo na minsang tinaguriang kabataan
—sa aking lungsod, sa aking tahanan.

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Geziel Esteban, titled “La Paz, Bolivia.”  Unsplash.com

Round Table, ni Roberto T. Añonuevo

Round Table

Roberto T. Añonuevo

Nakikipaghuntahan ang mga ugat ng punongkahoy
sa mga ugat ng pana-panahong
palumpong o baging,
ani mo’y hinugot kay Sadhguru o sa dibuho sa komiks,
at kung ang mga ito ay papasok
sa aking bibig
ay maaaring lumabas sa tainga,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .at gumapang
palapit sa mga mata, at tumimo sa mga balintataw
ang kagubatan, at maghunos na eksotikong libingan.

Katotohanan ang mesa, at nasasalat na katotohanan.

Pag-uusapan sa lupa at súkal
ang batis at estalaktita at dayaráy, at kung minsan,
kulog at kidlat,
punsô at balón,
ibubulalás ang kimkim na kabág o ahas o bulawan,
isisingit ang tiyaga
ng putakti at sakripisyo ng patpating kalabaw,
ililihim ang palakâ
o ang biya sa sipit ng talangkâ,
hanggang sumapit sa heolohiya ng tákot at mithi
na masisipat na pumutok na kuditdít o nalagas
na dahon sa kay lawak na alpombra ng mga lumot.

Nagpupulong ang mga punongkahoy—waring galít na galít
sa isa’t isa at nagsasapawan—
at anuman ang kanilang napag-usapan
(na lingid sa iyo o sa akin),
gaya halimbawa sa anyo ng bunga o patigasan ng bungéd,
ay pribilehiyong pailalim para sa mga karapat-dapat,
at diringgin
kahit piláy ang isang pakpak ng balitang lilikwad-likwad.

Ang Lihim ng Hoa Sen, ni Nguyen Phan Que Mai

Salin ng “Bí mật hoa sen,” ni Nguyen Phan Que Mai ng Vietnam
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Lihim ng Hoa Sen

Ang talukap ng gabi’y isinakay ako sa bangka,
na lumulutang sa humuhuning mga baíno.
Hoa sen! Tinawag ng mahal ko ang halamang-tubig
nang maisalin sa labi niya ang halimuyak nito,
at hubarin ang ulop ng daigdig na lingid sa akin.

Gumewang ang hoa sen, nangatal, pigil-hininga.
“Kumapit sa akin,” aniya, na tila mula sa ibang planeta.

Nang abutin ko ang daigdig ng mukha niya,
nalasahan ko ang pananabik sa kaniyang balát
na kumikislap nang may sariwang araw
na umaahon sa aming pagitan.

Tanging ang hoa sen
ang nakasaksi kung paano ako
naging bulaklak
na nanginginig-nginig sa dibdib ng liwanag.

Alimbukad: World Poetry Solidarity for Humanity